Miyerkules, Enero 21, 2026

Ang aklat na Still Breathing, 100 Black Voices on Racism

ANG AKLAT NA STILL BREATHING, 100 BLACK VOICES ON RACISM

Nabili ko ang aklat na Still Breathing, 100 Black Voices on Racism, 100 Ways to Change the Narrative, sa Book Sale sa Farmers Cubao noong Enero 10, 2026, sa murang halagang P35.00 lang. Makapal ang aklat na umaabot ng 308 pahina.

Kaytindi ng pamagat ng aklat: Still Breathing. Ibig sabihin: Humihinga pa! Humihinga pa sila dahil hindi sila natulad sa nangyari kay George Floyd. Humihinga pa dahil nabuo ang kampanyang Black Lives Matter nang mamatay si Floyd.

Natipon sa aklat ang isang daang boses ng mga tumututol sa rasismo sa Amerika, bunsod ng pagkamatay ng Itim na si George Floyd noong Mayo 25, 2020 sa Minneanapolis. Si Floyd, 46-taong-gulang, ay namatay matapos siyang arestuhin ng pulisya dahil sa umano'y paggamit ng pekeng $20 na perang papel. Mahigit siyam na minuto siyang niluhuran sa leeg ng pulis na si Officer Derek Chauvin, na nagresulta sa atake sa puso. Ang pangyayaring iyon ang naging sanhi ng mga pandaigdigang protesta laban sa brutalidad ng pulisya at sistematikong rasismo. Nabuo ang malawakang kampanyang Black Lives Matter.

Ang opisyal na sanhi ng kamatayan ay idineklarang homicide dahil sa neck compression. Ang insidente, na nakunan ng bidyo ng mga nakasaksi, ay humantong sa paghatol kay Chauvin at sa mahahalagang panawagan para sa reporma sa pulisya.

Mahalagang basahin ang aklat dahil sa usapin ng rasismo. Dahil 100 katao, pawang mga Itim, ang nagsulat hinggil sa isyu ng rasismo. Ika nga sa pamagat ng aklat - 100 ways to change the narrative - mga pampalakas ng loob, mga pampataas ng moral, hindi lang pulos galit sa mga Puti, kundi sa rasismo na dapat nang mawala. Dapat magkaroon ng paggalang sa bawat isa anuman ang kulay ng kanyang balat, anuman ang kanyang lahi.

Nataon ding nakita ko ang aklat na ito sa panahong may panibagong pagpaslang, doon pa rin sa Minneanapolis. Ang biktima'y isang ina, na nagngangalang Renee Nicole Good.

Noong Enero 7, 2026, si Good, isang 37-taong-gulang na mamamayang Amerikano, ay binaril at napatay ng ahente ng United States Immigration and Customs Enforcement (ICE) na si Jonathan Ross sa Minneapolis, Minnesota. Nasa loob ng kanyang sasakyan si Good, na inihinto ang kanyang sasakyan sa gilid. Lumapit si Ross at ang iba pang ahente, at inutusan siya ng isa na bumaba ng sasakyan habang inaabot ang kanyang kamay sa kanyang bukas na bintana. Lumipat si Ross sa kaliwang harapan ng sasakyan habang sandaling umatras si Good, pagkatapos ay nagsimulang magmaneho patungo sa direksyon ng trapiko habang lumilingon kay Ross. Habang nakatayo, nagpaputok si Ross ng tatlong beses, na ikinamatay ni Good. Ang pagpatay ay nagdulot ng mga pambansang protesta at maraming imbestigasyon.

Dalawang pangyayari. Parehong sa Minneanapolis. Dalawang biktima - sina George Floyd at Renee Nicole Good. Nasaan ang prinsipyo ng kapwa at pakikipagkapwa tao? Kahit sa ating bansa ay maraming tinokhang at pinaslang ng walang awa.

Nakasulat nga sa ating Kartilya ng Katipunan na inakda ni Gat Emilio Jacinto. "Maitim man at maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao."

Kung may pagrespeto lang sana sa wastong proseso, sa buhay, at sa hustisya, baka buhay pa sina George Floyd at Renee Nicole Good.

Nag-alay ako ng munting tula:

para lang pumapatay ng ipis
ang mga naging suspek na pulis
ang ginawa talaga ay labis
sa mga biniktimang tiniris

biktima ng rasismo si George Floyd
at pinaslang si Renee Nicole Good
ang mga pulis ba'y sadyang ubod
ng sama't buhay nila'y nilagot

magkaiba bawat insidente
sa Minneanapolis nangyari
na resulta'y talagang kaytindi
ngunit dito'y ano ang mensahe?

dapat wastong proseso'y igalang
pati na kanilang karapatan
George Floyd, Renee Nicole Good, tandaan
biktima sila ng mga halang

- gregoriovbituinjr.
01.21.2026

Linggo, Enero 18, 2026

Isang pelikula at isang talambuhay sa MET

ISANG PELIKULA AT ISANG TALAMBUHAY SA MET
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang palabas ang pinanood ko ngayong araw sa Metropolitan Theater sa Maynila. Ang una ay ang pelikulang Kakaba-kaba ka ba? At ang ikalawa'y ang Del Mundo hinggil sa talambuhay ni Clodualdo Del Mundo Jr. Bago ang pagpapalabas ng dalawang nabanggit ay may tatlong bidyo ng patalastas hinggil sa MET na ang nagpapaliwanag at si Ginoong Boy Abunda.

Ang Kakaba-kaba ka ba? ay pinagbidahan nina Christopher De Leon, Charo Santos, Jay Ilagan, at Sandy Andolong. Hinggil iyon sa hinahanap na casette tape ng mga kasapi ng isang malaking grupo. Nagkaroon din ng konsyerto sa dulo na siyang ikinahuli ng mga masasamang loob.

Ang Del Mundo naman ay dokumentaryo hinggil sa talambuhay ng screenplay writer na si Clodualdo Del Mundo Jr., ang anak ng batikang manunulat na si Clodualdo Del Mundo.

Matapos ang dokumentaryong Del Mundo ay nagkaroon pa ng talakayan ng isang oras kung saan naging tagapagsalita mismo si Clodualdo Del Mundo Jr., at ang director ng pelikula. Doon at marami akong natutunan, lalo na ang mga payo sa pagsulat ng mga dayalogo, na karaniwan ko nang ginagawa sa maikling kwentong nalalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Nagsimula ng ikasampu ng umaga at natapos ng alas-dose ng tanghali ang pelikula, at nananghalian ako sa mga karinderya sa ilalim ng LRT Central station. Bumalik ako ng ala-una y media ng hapon sa MET. Ikalawa ng hapon nagsimula ang palabas na Del Mundo. Natapos ng ikaapat ng hapon, at sinundan ng talakayan. Ikalima na ng hapon nang matapos ang talakayan. Kayrami kong natutunan kaya nagtala ako ng ilang punto sa aking munting kwaderno.

Bilang makata at panitikero, pag may oras talaga'y binibigyan ng panahon ang panonood ng pelikulang Pilipino bilang suporta sa mga artista at manunulat, nobelista at makata, director at kwentista.

Dahil ang pelikula at tula ay sining. Tulad din ng dokumentaryo at kwento ay sining.

Malaking bagay na nakapunta ako sa MET ngayong araw dahil nagkaroon ako ng positibong pananaw ukol sa kinakaharap kong kalagayan. Pulos tula na lang at rali ako sa araw-araw. Binigyan ako ng payo sa aking napuntahan. Bakit hindi ko subukang magsulat ng screenplay?

Nitong nakaraang taon lang ay tumugon ako sa panawagang sumali sa Screenwriting Workshop ni Ricky Lee. Magsulat daw ako ng pinakamalungkot na pangyayari sa buhay ko at ipasa.

Tumugon naman sila sa pamamagitan ng email. Hindi ako nakuha. Gayunman, naisip kong balikan at basahin na ng seryoso ang nabili kong aklat na Trip to Quiapo, na scriptwriting manual ni Ricky Lee. Nakapagbigay sa akin ng inspirasyon si Prof. Doy Del Mundo Jr. Mas kilala ko ang kanyang amang si Clodualdo del Mundo, na noong una'y akala ko'y tungkol sa kanyang ama bilang manunulat.

Isa sa kanyang inilahad na ang pelikulang Pepot Artista ay naisulat na niya noong 1970 at naisapelikula lang noong 2005. Tatlumpu't limang taon ang pagitan.

Kasama rin siya sa lumikha ng pelikulang Maynila sa Kuko ng Liwanag, na nagdiwang ng ikalimampung taon (1975-2025) noong nakaraang taon. Nagkaroon umano ng pagbabago sa nobelang Sa Mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo Reyes at sa pelikulang Maynila sa Kuko ng Liwanag, Ito ang nais kong mabatid. Kaya panonoorin ko ang pelikula at babasahin ang nobela.

Ilan sa mga natutunan ko ay:
1. Pag-aralan ang kamera, ang editing
2. Magbasa ng how to make films
3. If you want it done, you have to direct it yourself
4. Magbasa ng literary arts or something creative
5. Pag-aralan ang pilosopiya at kasaysayan
6. Understanding your character, education, background, attributes, dialogue
6. Ang pelikula ay di lang aliwan, kundi kung mayroon kang sasabihin, o sasabihing makabuluhan
7. expensive ang film making
8. dapat ay accessible sa iyo ang paksa mo
9. at marami pang ibang hindi ko maalala subalit nasa aking puso

Bago ako umalis ng MET ay nagkita kami roon ni Prof. Vim Nadera ng UP at kolumnista rin sa magasing Liwayway at isa sa mga naging guro ko sa pagtula. Nakaalis ako ng MET pasado alas-singko ng hapon.

01.18.2026

Miyerkules, Enero 14, 2026

Ang tatlo kong aklat ng U.G.

ANG TATLO KONG AKLAT NG U.G.
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dapat sana'y apat na ang aklat ko hinggil sa underground, subalit hindi ko na makita ang kopya ko ng Notes from the Underground ng Rusong manunulat na si Fyodor Dostoevesky. Ang mayroon ako ngayon ay ang tatlong aklat hinggil sa mga rebolusyonaryong Pilipino.

Ang dalawa'y nakadaupang palad ko ng personal noong sila'y nabubuhay pa, at ang isa'y di ko nakilala subalit kapwa ko taga-Sampaloc, Maynila. Si Ka Popoy Lagman (Marso 17, 1953 - Pebrero 6, 2001) ay naging pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Si Dr. Francisco "Ka Dodong" Nemenzo (Pebrero 9, 1935 - Disyembre 19, 2024) naman ay pangulo ng Laban ng Masa (LnM), at dating pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas (UP). Habang si Edgar Jopson (Setyembre 1, 1948 - Setyembre 21, 1982) ay isang dating lider-estudyante noong panahon ng Batas Militar. Noong bata pa ako'y bumibili kami ng tatay ko sa kanilang grocery, ang Jopson Supermarket sa Bustillos, matapos naming magsimba sa Loreto Church.

Kaya malaking karangalan na magkaroon ng kanilang mga aklat, o aklat tungkol sa kanila.

Ang una'y ang Ka Popoy: Notes from the Underground, Collected Writings of a Working Class Hero. Nabili ko ito sa opisina ng Partido Manggagawa (PM) noong Agosto 11, 2006 sa halagang P300. May sukat itong 5.5" x 8.5" at umaabot ng tatlong daang pahina, kasama na ang naka-Roman numeral. Naglalaman ito ng walong kabanata, kabilang ang tinatawag na counter thesis.

Ang ikalawa'y ang Notes from the Philippine Underground ni Ka Dodong Nemenzo. Nabili ko ito sa Philippine Book Festival sa SM Megamall noong Marso 14, 2025 sa halagang P550. Inilathala ito ng UP Press. May sukat itong 6" x 9", at naglalaman ng 368 pahina, kasama na ang naka-Roman numeral. Ang naritong labintatlong kabanata ay hinati sa tatlong bahagi: I. Histories; II. Political Conjunctures; at III. Perspectives.

Ang ikatlo'y ang U.G. The Underground Tale, The Life and Struggle of Edgar Jopson, Third Edition, na sinulat ni Benjamin Pimentel. Nilathala ng Anvil Publishing, nabili ko ito sa National Book Store sa Malabon City Square nito lang Enero 8, 2026 sa halagang P395. May sukat itong 5" x 8" at naglalaman ng 256 pahina, kabilang ang naka-Roman numeral na 28 pahina. Binubuo ito ng siyam na kabanata. May mga dagdag na sulatin din ang dalawang anak ni Edjop na sina Joyette at Teresa Lorena, akda ng asawa niyang si Joy, sulatin ng direktor ng pelikulang Edjop na si Katski Flores, sanaysay ng aktor na si Elijah Canlas na gumanap na Edjop, sanaysay ni Kakie Pangilinan na gumanap na Joy, sulatin ni Oscar Franklin Tan, at sulatin ni Pete Lacaba. Sa dulo ng aklat ay mga litrato mula sa Edjop: The Movie.

Tatlong mahahalagang aklat, para sa akin, na dagdag sa munti kong aklatan.

01.14.2026

Sabado, Enero 10, 2026

E-Jeep pala, hindi Egypt

E-JEEP PALA, HINDI EGYPT

"Sumakay kami ng Egypt!" Sabi ng kaibigan kong dating OFW.

"Buti, dala mo passport mo." Sabi ko.

Agad siyang sumagot. "Bakit ko naman dadalhin ang passport ko, eh, sinundo ko lang naman ang anak ko upang mamasko sa iyo."

"Sabi mo, galing kayong Egypt.." Ani ko.

"Oo, e-jeep ang sinakyan namin punta rito."

"Ah, 'yung minibus pala ang tinutukoy mo. E-jeep, electronic jeep, at hindi bansang Egypt."

@@@@@@@@@@

e-jeep at Egypt, magkatugmâ
isa'y sasakyan, isa'y bansâ
pag narinig, singtunog sadyâ

kung agad mong mauunawà
ang pagkagamit sa salitâ
pagkalitô mo'y mawawalâ

ang dalawang salita'y Ingles
mundo'y umuunlad nang labis
sa komunikasyon kaybilis

bansang Egypt na'y umiiral
sa panahong una't kaytagal
nasa Bibliya pang kaykapal

bagong imbensyon lang ang e-jeep
kahuluga'y electronic jeep
kuryente't di na gas ang gamit

- gregoriovbituinjr
01.10.2026

Miyerkules, Enero 7, 2026

Haring Bayan

HARING BAYAN

Napanood ko nitong Nobyembre 27, 2025 sa UP Film Center ang palabas na Lakambini, hinggil sa talambuhay ng ating bayaning si Gregoria de Jesus, o Oriang.

May tagpo roon na nang dumalaw si Gat Andres Bonifacio sa isang bayan, may sumisigaw roon ng "Mabuhay ang Supremo! Mabuhay ang Hari ng Bayan!"

Na agad namang itinama ni Gat Andres. "Haring Bayan!"

Inulit uli ng umiidolo sa kanya ang "Mabuhay ang Hari ng Bayan!" At itinama uli siya ng Supremo, "Haring Bayan!"

Mahalaga ang pagwawastong ito. Walang hari sa Pilipinas. Ang tinutukoy ni Bonifacio na hari ay ang malayang bayan, ang Haring Bayan o sa Ingles ay Sovereign Nation, hindi King of the Nation.

- gregoriovbituinjr.
01.07.2026

Linggo, Enero 4, 2026

Anekdota sa polyeto ni Heneral Gregorio Del Pilar


ANEKDOTA SA POLYETO NI HENERAL GREGORIO DEL PILAR
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Binabasa ko ang aklat ng mga sanaysay ni National Artist Nick Joaquin hinggil sa sampung bayani ng bansa sa aklat niyang A Question of Heroes nang mabasa ko ang isang anekdota hinggil kay Gregorio del Pilar, bago pa siya maging heneral. Nasa pahina 184 iyon ng nasabing aklat.

Estudyante pa lang noon si Gregorio Del Pilar sa Ateneo nang maging kasapi ng Katipunan. Naroon siya sa bahay ng Katipunerong si Deodato Arellano sa Tondo nang iatang sa kanya ang tungkuling pamamahagi ng polyeto ng Katipunan.

Noong minsang siya'y nasa Malolos na may dalang bulto ng polyeto ng paghihimagsik, ipinalit niya iyon sa kontra-rebolusyong polyeto ng Simbahan. Kaya noong sumapit ang araw ng Linggo, nakita ni Goyo na ipinamamahagi na ng kura ang kanyang ipinalit na polyeto.

Ganyan pala kahusay mag-isip at kumilos si Gregorio Del Pilar, ang batang heneral ng himagsikan na napatay sa murang edad na 24 sa Pasong Tirad.

Ibig sabihin, ang ganyang husay niya ang nagdala sa kanya upang maging heneral siya sa murang edad at pagkatiwalaan sa mga delikadong tungkulin.

Kumatha ako ng munting tula hinggil sa anekdotang ito:

ANG POLYETO NI GREGORIO DEL PILAR

isang anekdota ang nabasa ko
sa katukayong bayaning Gregorio
Del Pilar noong magsimula ito
bilang estudyanteng Katipunero

ang tinanganang tungkulin paglaon
mamahagi ng polyeto ang misyon
sa Malolos, polyetong hawak noon
sa simbahan ay sinalisi iyon

kaya imbes polyeto ng simbahan
ay naging polyeto ng himagsikan
habang kura'y pinamahagi naman
iyon sa nagsimba kinalingguhan

ganyan kahusay mag-isip ang pantas
na Goyo, may estratehiya't angas
taktika ng kaaway pinipilas
hanggang mapatay siya sa Tirad Pass

01.04.2026

Typo error sa talambuhay ng Katipunerong si Aurelio Tolentino

TYPO ERROR SA TALAMBUHAY NG KATIPUNERONG SI AURELIO TOLENTINO
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabili ko ang nobelang MARING ng mangangatha at Katipunerong si Aurelio Tolentino noong Disyembre 29, 2021 sa Popular Bookstore sa Lungsod Quezon. Nasa 72 pahina, may sukat na 5.5" x 7.75", nabili ko sa halagang P50.00.

Nakareserba lang iyon sa munti kong aklatan na nais kong basahin, lalo na't bihira nang makakita ng ganitong nobela ng isang Katipunero. Makalipas ang mahigit apat na taon ay ngayon ko lang ito napagtuunan ng pansin. Sa madaling salitâ, ngayon ko lang binasa.

Una kong binasa ang kanyang talambuhay na nasa likuran ng aklat. Subalit napansin kong may mali. Sa huling dalawang pangungusap ng ikaapat na talata ay nakasulat:

"Nangasawa ni Tolentino si Natividad Hilario noong 1918 at nagkaroon sila ng apat na anak. Namatay siya noong Hulyo 5, 1915."

Bukod sa salitang "Nangasawa" na dapat marahil ay "Napangasawa", ang mas matinding typo error ay ang petsang 1918. Kung namatay si Tolentino noong 1915, patay na siya noong nakapangasawa siya noong 1918.

Alin ang typo error? Ang 1915 ba o ang 1918?

Kayâ dapat pa nating saliksikin ang totoong petsa noong siya'y ikinasal at ang petsa ng kanyang kamatayan. Subalit dalawang ulit binanggit ang petsa ng pagkamatay niya sa likuran ng aklat: nasa unang talata kung saan nakapanaklong ang petsa ng kaarawan niya't kamatayan, kasunod ng kanyang pangalan; at sa huling talata.

Kaya marahil ang mali ay ang taon noong siya'y ikinasal. Saliksikin natin kung anong tama.

Nang sinaliksik ko sa https://philippineculturaleducation.com.ph/tolentino-aurelio-v/, gayon din ang typo error. Parang nag-copy-and-paste lang ang nagsulat o naglagay nito sa internet nang hindi napuna ang pagkakamali. 

Baka naman 1908 sila ikinasal at hindi 1918, (ang 0 ay naging 1) dahil patay na nga si Aurelio noong 1915, tatlong taon bago sila ikasal.

Sa Sunstar.com, sa kawing na https://www.sunstar.com.ph/more-articles/tantingco-guagua-and-aurelio-tolentino#google_vignette na nalathala noong Enero 15, 2010 ay wala namang nakasulat na petsa ng kasal. Ito ang nakasulat: "He married fellow Kapampangan Natividad Hilario and had four children (Cesar, Corazon, Raquel and Leonor).  Only Raquel, now 97, is still alive and residing in Australia with son Rene Vincent." Subalit wala ang petsa kung kailan sila ikinasal.

Gayunpaman, mabuti't natagpuan natin ang ating hinahanap. Iyon ay nasa isang 11-pahinang dokumentong may pamagat na "Survival and Sovereignty: Forces on the Rise of Aurelio Tolentino's Novels" na inakda ni Ms. Loida L. Garcia ng Bataan Peninsula State University, na nasa kawing o link na https://papers.iafor.org/wp-content/uploads/papers/accs2019/ACCS2019_45346.pdf. Isa iyong mahalagang dokumento ng The Asian Conference on Cultural Studies noong 2019. 

Ayon sa pahina 3, sa unang pangungusap sa ikatlong talata ng nasabing dokumento ay nakatala: "Along with the stated reasons and more, Tolentino, recorded as newly married in 1907, opted to leave his birthplace and reside in Manila together with his family and venture into a printing press business for economic security."

Dahil wala namang nabanggit na nakapangasawa siya ng ibang babae bukod kay Natividad Hilario, 1907 siya ikinasal kay Natividad Hilario kung saan nagkaroon siya ng apat na anak. Wala mang tiyak na petsa subalit ang taon na ang siyang kasagutan sa typo error sa aklat na dapat maitama.

Kaya hindi 1918, kundi 1907 ikinasal si Tolentino, walong taon bago siya mamatay.