Biyernes, Oktubre 30, 2020

Mula Smokey Mountain hanggang Happy Land

Litrato mula sa internet. CTTO (Credit to the owner).

MULA SMOKEY MOUNTAIN HANGGANG HAPPY LAND
Munting saliksik at sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ilan sa mga kasapi ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay nakatira sa Happyland sa Brgy. 105 sa Tondo, Maynila. Sinasabing ito ang kilalang Smokey Mountain noon, o yaong bundok-bundok na basura, na kaya tinawag na Smokey Mountain ay dahil sa nakasusulasok na amoy ng sunog na basura rito.

Paano nga ba ito tinawag na Happy Land, o sa wikang Tagalog ay Masayang Lupain? Gumanda na nga ba ang buhay ng mga maralitang nakatira rito kaya masaya na sila't tinawag itong Happy Land? 

Subalit batay sa pananaliksik, ang pinagmulan ng salitang Happy Land ay hindi Ingles, kundi ito'y salitang Bisaya na HAPILAN, na ibig sabihin ay lugar na mabaho dahil sa basura. Ganito ipinaliwanag ito sa isang akdang nakita ko sa internet. "The name “Happyland” is derived from the Visayan dialect’s name for smelly garbage: Hapilan, a slum made up of many mini dumpsites put together. The most common type of trash seen here is from the large fast food chain in Philippines Jollibean, where the scavenger sort the different types of packaging and leftover food from cups to straws to spoons.The leftover food gets recooked into ‘pag pag’ and is actually re-consumed by the scavengers."

Ayon sa pananaliksik, tinanggal na ang Smokey Mountain sa Tondo, subalit lumikha naman ng isang bagong Smokey Mountain na naging tirahan ng mga walang matirahan, na animo'y naging kampo na ng mga nagsilikas sa kung saan-saan at doon nakakita ng pansamantala, kundi man, pirmihang matutuluyan. Bukod sa Hapilan ay may tiatawag pa umanong lugar na Aroma. O marahil iba pang katawagan iyon dahil sa amoy o aroma ng lugar.

Maraning maliliit na tambakan ng basura sa lugar. At ang karaniwan ummanong basura roon ay mula sa mga pagkaing itinapon na o tira-tira mula sa mga fast food, tulad ng Jollibee, kung saan pinipili ng mga magbabasura ang iba't ibang nakabalot at tira-tirang pagkain. Ang mga tira-tira, o yaong hindi naubos, ay ipapagpag muna upang bakasakaling malaglag ang anumang dumi, halimbawa sa tirang pritong manok. Tapos ay huhugasan ito at muling iluluto. Dahil ipinagpag muna kaya tinawag na PAGPAG ang mga pagkaing ito.

Kung nakapunta ka na rito, o sa mga lugar na malapit dito, maraming itinitindang pritong manok, na kung kinain mo'y para ka na ring nasa Jollibee. Subalit pagpag na pala iyon.

Sa hirap ng buhay at nasa sentro ka pa ng kapital ng bansang Pilipinas, gayon ang buhay ng mahihirap na tao roon. Namumulot ng basura subalit namumuhay ng marangal. Mahirap man, kapit man sa patalim, subalit doon nila binuo ang kanilang pamilya at mga pangarap. Sa kabila ng hirap, nakakangiti, na animo'y paraiso kaya tinawag na Happy Land. Tanda nga ba iyon ng pagiging resilient ng mga Pinoy, o dahil wala na silang mapuntahan, kaya kahit ayaw nila roon ay nagiging kontento na rin doon. Marahil, naiisip nila, nabubuhay man silang mahirap, subalit may dignidad. Ika nga sa awitin ni Freddie Aguilar:

"Ako'y anak ng mahirap
Ngunit hindi ako nahihiya
Pagka't ako'y mayroon pang dangal
Di katulad mong mang-aapi."

Nawa’y maging tunay na masaya o happy ang mga taga-Happy Land. Hangad kong matagpuan nila rito ang pangarap na kaalwanan at kaginhawaan, at kapayapaan ng kanilang puso. At sana’y hindi na maging tapunan ng basura ang kanilang lugar.

Pinaghalawan:
https://ph.theasianparent.com/teach-kids-genuine-compassion
https://www.lydiascapes.com/happyland-philippine-slums-in-manila/
https://glam4good.com/they-call-this-happy-land-a-heartbreaking-view-from-inside-manila-slums-on-thanksgiving-day/

* Ang akdang ito'y unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 14-15.

Huwebes, Oktubre 29, 2020

Kwento: Nawalan ng trabaho dulot ng pandemya

NAWALAN NG TRABAHO DULOT NG PANDEMYA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Noong mag-lockdown, nahinto kami sa produksyon sa pabrika dahil hindi kami makapasok sa trabaho. Hindi ko malaman ano ang gagawin. Paano na kami ng aking pamilya? Ang kakarampot kong sahod ay di sapat lalo't nangungupahan lang kami ni misis, kasama ng apat naming anak." Ito ang sabi ni Mang Inggo nang unang linggo ng lockdown at hindi sila pinayagang magbiyahe patungo sa trabaho.

Wala na kasing pinayagang makalabas ng bahay noon, kaya pati mga nagtatrabaho, sa pabrika man iyan, sa opisina, sa pamamasada o maging tindera sa palengke, ay napatigil sa pagtatrabaho. Ayon naman sa pamahalaan, kailangan mag-lockdown upang labanan ang COVID-19. 

Ang mga maralita nga ng San Roque sa Lungsod Quezon ay nagrali na dahil sila'y nagugutom. Gutom ang dulot ng lockdown. Gutom dahil di makalabas upang makadiskarte ng pang-ulam. Di makakain si Bunso. Mabuti kung may natitira pa silang salaping pambili sa tindahan. Subalit kahit pagbili sa tindahan ay pahirapan din dahil nga hindi sila makalabas.

Si Mang Tune na drayber ng dyip ay naghihimutok dahil hindi na sila makapamasada. Ang nangyari ay tambay na lang sila sa looban. Naaabutan lang ng may malasakit. Ang ayudang bigay ng pamahalaan ay di naman sapat. Ang iba’y nabibigyan ng salapi, habang ang iba’y nabibigyan ng grocery na pang-ilang araw lang, na tulad ng ibinibigay sa mga nasunugan. Limang kilong bigas, ilang delatang sardinas, ilang noodles, kape, asukal, nadagdagan lang ng alkohol at face mask.

“Anong dapat nating gawin?” Sabi ni Mang Igme sa kanyang mga kapitbahay. “Hindi tayo makalabas. Gutom ang aabutin natin nito?” 

Kaya nagkaisa ang mga magkakapitbahay, sa pamamagitan ng HOA nila, upang pag-usapan ang mga hakbang na dapat gawin. Di makapag-patawag ng pulong ang HOA dahil lockdown. Walang makalabas. Gayunman, nagawan nila ng paraang makapagpulong, nang isa-isa silang magpuntahan sa bahay ni Mang Kanor, ang pangulo ng HOA.

Ayon kay Mang Kanor, “Dalawang dahilan lamang upang bigyan tayo ng pamahalaan ng makakain, pag panahon ng gera at pag panahon ng kalamidad. Ngayong idineklara ng pamahalaan ang lockdown, ito’y nasa linya ng kalamidad, kaya dapat bigyan nila tayo ng ayuda upang hindi magutom ang ating pamilya. “

Sa ganitong punto ay napagkaisahan nilang sumulat sa pamahalaan upang bigyang katugunan ang kanilang kalagayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 16.

Huwebes, Oktubre 15, 2020

Ang kalagayan ng mga locally stranded individuals (LSI)

ANG KALAGAYAN NG MGA LOCALLY STRANDED INDIVIDUALS (LSI)
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napabalita sa telebisyon, radyo at pahayagan, lalo na sa social media, ang tinatawag na locally stranded individuals o LSI. Sumulpot ang ganitong penomenon nito lamang panahon ng pandemya. 

Ayon sa balita, mayroon nang 8,408 LSI na pawang nasa Kamaynilaan na nais nang pauwiin ng pamahalaan sa kani-kanilang lalawigan. 

Sa pagtitipon ng mga LSI, halimbawa sa loob ng Rizal Memorial Stadium, hindi nasusunod ang social distancing, o yaong pamantayang dapat ay isang metro ang layo sa bawat isa. Habang ang karamihan sa kanila ay nagsusuot naman ng face mask at face shield, malinaw na hindi nila napapanatili ang ligtas na distansya mula sa bawat isa. Sa dami ba naman ng tao, paano nga ba ang pagdisiplina sa kanila, habang karamihan sa kanila, bukod sa nais nang makauwi, ay pagod na, kaya kung saan-saan na lang isinasalampak ang kanilang pagal na katawan.

Paulit-ulit ngang binigyang diin ng mga opisyal ng kalusugan ang kahalagahan ng paglayo ng pisikal at iba pang mga hakbang sa kaligtasan upang maiwasan ang anumang impeksyon sa coronavirus. Ang pagbawas ng mga paghihigpit sa usaping ito ay pinangangambahan na maging sanhi ng pagkakaroon ng coronavirus sa kalusugan ng mamamayan at sa ekonomiya.

Maaaring kumalat ang virus dahil sa mga malawakang pagtitipon tulad nito at maaaring mahirap nang malaman at masubaybayan kung sino ang maaaring magkasakit sakaling may mga taong nahawahan ng COVID-19.

Umapela si Joseph Escabo, pinuno ng Hatid Tulong Program ng pamahalaan, para sa pag-unawa matapos na maging viral ang mga larawan ng mga LSI sa mataong Rizal Memorial Stadium.

"Noong nakaraang araw, lahat ng mga taong 'yun ay nasa kalsada… Kailangan mo ng pagbibigay ng desisyon upang mabigyan ng maayos na kanlungan ang kababayan nating LSIs. Kung lumabag man po kami sa isyu ng social distancing, kailangan nating ipakita ang simpatya, pag-unawa at pag-aruga sa ating mga kababayan," sabi ni Escabo.

Pinag-aaralan din ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang kalagayan ng mga LSI upang makagawa ng nararapat na tulong upang hindi sila mapabayaan ng pamahalaan.

Dahil sa pandemya, dumarami na ang mga LSI tulad sa labas ng Libingan ng mga Bayani at sa loob ng Rizal Memorial Stadium. Tila isa nang bagong penomenon ang usapin ng LSI sa bansa. Dahil sa pandemya, marami sa kanila'y natutulad sa mga maralitang iskwater na walang tahanan, walang matuluyan, at marahil ay wala na ring panggastos.

Isa ang kwento ni Michelle Silvertino, 33, na namatay habang nag-aabang ng masasakyang bus sa Pasay patungo sa Camarines Sur. Dahil walang masakyan, ilang araw siyang naghintay sa Pasay, at nagbabaka-sakaling may masakyan. Subalit dahil marahil wala nang sapat na pera, nagutom na, gininaw, walang matulugan kundi sa bangketa, at marahil iyon na ang kanyang ikinamatay. Ang kanyang kwento ang marahil nag-udyok sa pamahalaan na tingnan ang kaso ng mga LSI.

Kasama na riyan ang mga manggagawang nakatira na lamang sa kalye nang mawalan ng trabaho dahil sa pandemya, at pinalayas sa mga inuupahan nilang kwarto o apartment dahil wala na silang pambayad. Silang umaasa pa ring makabalik sa trabaho kaya hindi makauwi ng kanilang probinsya.

Sila'y ilan lang sa dumaraming maralitang hindi na alam kung saan titira. Marahil dapat silang organisahin upang sama-sama nilang maipaglaban ang kanilang karapatan at sama-samang singilin ang pamahalaang ito sa mga kapalpakan nito upang matiyak sanang napapangalagaan ang kanyang mga mamamayan.

Mga pinaghalawan:
https://cnnphilippines.com/news/2020/7/25/LSI-homecoming-Rizal-Memorial-Sports-Complex.html?fbclid=IwAR3-DOUrXGyD-yQp9i9_3xES-8RGGRPhSURks4YfKPgpcI_pZUiAfhbxTqc
https://newsinfo.inquirer.net/1331451/more-stranded-individuals-to-be-sent-home
https://newsinfo.inquirer.net/1289335/stranded-mother-dies-after-waiting-for-bus-ride-to-camarines-sur-at-edsa-footbridge

* Unang nalathala ang artikulong ito sa Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 1-15, 2020, pahina 14-15.

Miyerkules, Oktubre 7, 2020

Bakit tinanggal ang Pluto sa solar system?

BAKIT TINANGGAL ANG PLUTO SA SOLAR SYSTEM?
Saliksik at sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong bata pa ako'y nagisnan ko nang kasama ang planetang Pluto sa solar system. May mga disenyo pa nga sa paaralan ng siyam na planeta sa solar system na minsan ay makikita rin sa iba pang paaralan. Oo, ganoon kasikat ang solar system lalo na sa mga araling agham at astronomya.

Subalit ngayon ay hindi na itinuturing na kabilang sa solar system ang Pluto, kaya bale walo na lang ang opisyal na planeta sa solar system - ang Mercury, ang Venus, ang ating Earth, ang Mars, ang Jupiter, ang Saturn, ang Uranus, at ang Neptune. Bakit at paano nangyari iyon? 

Ayon sa mga ulat, noong 2006, ibinaba ng International Astronomical Union (IAU) ang katayuan ng Pluto sa isang dwarf planet sapagkat hindi nito naabot ang tatlong pamantayang ginagamit ng IAU upang tukuyin ang isang buong sukat na planeta. Mahalagang maabot ng Pluto ang lahat ng pamantayan maliban sa isa — ito ay "hindi natanggal ang iba pang bagay sa mga kalapit nito." Sa isang iglap ay mahirap unawain, kaya mas dapat pa nating tunghayan ang mga saliksik.

Tatlo ang pamantayan ng IAU upang mapasama sa solar system ang isang planeta.

Una, umiikot ito sa palagid ng araw o nasa orbit ng araw

Ikalawa, may sapat itong kimpal (sufficient mass) upang ipalagay (assume) ang hydrostatic equilibrium (isang halos bilog na hugis).

Ikatlo, "natanggal ang mga sagabal sa kapitbahay" nitong umiikot sa paligid nito (It has “cleared the neighborhood” around its orbit).

Pasok ang Pluto sa una't ikalawang pamantayan, subalit hindi sa ikatlo.

Sa loob ng bilyun-bilyong taon na nabuhay ang Pluto, hindi nito nagawang matanggal ang kapitbahayan nito. Ayon nga sa ulat ay tulad ng minesweeper o tagatanggal ng booby trap na mina sa kalawakan. 

Ibig sabihin, dapat ang planeta mismo ang nangingibabaw, at walang iba pang bagay sa paligid nito maliban sa sarili niyang buwan o mga satellite na nasa impluwensya ng dagsin (gravity) nito, sa bisinidad nito sa kalawakan.

Malalim, kung tatalakayin natin sa wikang Filipino, subalit kailangang subukan.

Teka, paano nga ba napasama ang Pluto sa solar system? Magsaliksik muna.

Ayon naman sa NASA Science, Solar System Exploration, sa internet, na nasa kawing na https://solarsystem.nasa.gov/planets/dwarf-planets/pluto/overview/, "Ang Pluto - na mas maliit kaysa sa Buwan ng ating Daigdig - ay may isang hugis-pusong glacier na sinlaki ng Texas at Oklahoma. Ang kamangha-manghang mundong ito'y may bughaw na alapaap, may umiikot na mga buwan, mga bundok na kasintaas ng Rockies, at nag niyebe - ngunit ang niyebe ay pula."

Dagdag pa nito, "Ang Pluto at ang pinakamalaking buwan nito, ang Charon, ay magkasinglaki na umikot sa bawat isa tulad ng isang dobleng sistemang planeta."

Ito pa: "Ang Pluto ang nag-iisang mundo (sa ngayon) na pinangalanan ng isang 11-taong-gulang na batang babae. Noong 1930, iminungkahi ni Venetia Burney ng Oxford, England, sa kanyang lolo na ang bagong tuklas ay mapangalanan para sa Romanong diyos ng kailaliman. Ipinasa niya ang pangalan sa Lowell Observatory at ito ang napili."

Ayon naman sa Wikipedia, "Ang Pluto (minor planet designation: 134340 Pluto) ay natuklasan ni Clyde Tombaugh noong 1930 at idineklarang ikasiyam na planeta mula sa Araw. Matapos ang 1992, ang katayuan nito bilang isang planeta ay sinuri kasunod ng pagtuklas ng maraming mga bagay na may katulad na laki sa Kuiper belt. Noong 2005, natuklasan ang Eris, isang dwarf na planeta sa kalat-kalat na disc na 27% na mas malaki kaysa sa Pluto. Ito ang dahilan kaya pormal na inayos ng International Astronomical Union (IAU) ang kahulugan ng terminong "planeta"  noong Agosto 2006, sa kanilang ika-26 Pangkalahatang Asembleya. Dahil sa depinisyong iyon ay natanggal ang Pluto (sa solar system) at itinuring na ito bilang dwarf planet."

Sa puntong ito'y ginawan ko ng tula ang Pluto.

ANG PLUTO

noon, planetang Pluto'y kabilang sa solar system
sa higit pitumpung taon, ito ang batid natin
ngayon, ang Pluto'y tila sinipa ng anong lagim
tinanggal siya sa planeta sa solar system

Pluto'y natuklasan ni Clyde Tombaugh na astronomo
sa solar system ay dineklarang pangsiyam ito
turo ito sa paaralan, na naabutan ko
at ang solar system pa'y ginawa naming proyekto

pinangalan kay Plutong diyos ng kailaliman
mula sa mungkahi ng labing-isang taong gulang
na batang babaeng si Venetia Burney ng England
at ang kanyang suhestyon ang piniling kainaman

subalit ngayon, isang dwarf planet na lang ang Pluto
wala na siya sa solar system na kilala ko
International Astronomical Union, I.A.U.
ang nagpasiya at terminong planeta'y nabago

gayunman, natuto ako sa kanilang pagsuri
ang alam natin dati'y mababago ring masidhi
tulad ng anuman sa mundo'y ating nilunggati
mababago rin ang sistema't tusong naghahari

- gregoriovbituinjr.

Mga Pinaghalawan:

https://solarsystem.nasa.gov/planets/dwarf-planets/pluto/overview/
https://www.loc.gov/everyday-mysteries/item/why-is-pluto-no-longer-a-planet/
https://www.bbc.com/news/science-environment-33462184
https://isequalto.com/iet-app/ask-the-world/XSgq5716-why-pluto-is-removed-from-the-solar-system

Sabado, Oktubre 3, 2020

Proyektong patula ng ABC of Philippine Native Trees

PROYEKTONG PATULA NG ABC OF PHILIPPINE NATIVE TREES
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malaking karangalan sa akin na magawan ng proyekto dahil sa kaalaman ko sa pagtula. Ayon kay misis, nais ni Mam Ime sarmiento, na siyang nagproyekto ng tatlong serye ng aklat na Philippine Native Trees (PNT), na magkaroon ng ABC of Philippine Native Trees na kanilang isasaaklat. 

Nauna kong proyekto sa kanila'y pagsasalin sa wikang Filipino ng mga maiikling kwento hinggil sa mga puno, na sinulat sa Ingles ng ilang manunulat. Tatlong maikling kwento ang aking naisalin. 

Nang hinanap muli ako kay misis para sa proyektong ABC of Philippine Native Trees, aba'y nais ko agad itong simulan. Ang proyektong ito'y patula, kaya dapat kong basahin at aralin ang mga punong ito upang mas mabigyan ko ng buhay ang paglalarawan nito sa anyong patula. Ako na muna ang pipili ng mga puno. Sa ngayon, may kopya kami sa bahay ng dalawang aklat - ang Philippine Native Trees 101 at 202.

Ang PNT 101 ay nalathala noong 2012. Nagkaroon ako ng PNT 101 nang bigyan ako nito nang ako'y magsalita sa Green SONA (State of Nature Assessment) ng Green Convergence sa Miriam College noong 2012. Lumabas naman ang PNT 202 noong 2015, at ang PNT 203 noong 2018. Tinatapos pa sa kasalukuyan ang pagsasaaklat ng Philippine Native Trees 404.

Sa aklat na iyon, kapansin-pansing may dedikasyon sila para kay Leonard L. Co. Sa PNT 202 ay may apat na artikulong sinulat para sa kanya. Apat na awtor ng sanaysay sa siyam na pahina. Si Leonard L. Co ay napagkamalang rebelde ng mga militar at mag-isa lang siya nang siya'y pinaslang sa kagubatan ng Kananga, Leyte noong Nobyembre 15, 2010. Sa PNT 101 ay nakasulat, "the great Leonard Co, the country's foremost botanist ang taxonomist." Sa Wikipedia naman, si Co ang "foremost authority in ethnobotany in the Philippines." Kaya sa pagbabasa ko ng aklat na Philippine Native Trees ay makikita ko ang kanyang anino sa ilan sa mga punong ito.

Narito ang talaan ng mga napili kong punong gagawan ko ng tula, na karamihan ay mula sa aklat na Philippine Native Trees 202. Karamihan pala ng lugar sa Pilipinas ay mula sa pangalan ng puno, tulad ng Anilao sa Mabini, Batangas, ang Antipolo sa lalawigan ng Rizal, ang Betis sa Pampanga, na maraming kamag-anak na apelyidong Bituin din, ang Calumpit sa Bulacan, ang lalawigan ng Iloilo na katabi ng Antique na sinilangan ng aking ina, ang Pandakaki sa Pampanga na relokasyon ngayon ng mga tinulungan naming maralita sa grupo kong KPML, ang Tiaong sa Quezon, ang Talisay sa Batangas at Cebu.

Anilaw
Betis
Calumpit
Dita
E
F
Gatasan
Hagakhak
Iloilo
J
Kahoy Dalaga
Lamog
Marang
Nara
Otog-Otog
Pandakaki
Q
Rarang
Subiang
Tiaong
Upas
V
White Lauan
X
Yellow Lanutan
Zambales pitogo

Maaaring mabago ang talaan ng mga puno habang nagtatagal. Baka kasi mas may kilalang puno na dapat ko munang itula. Halimbawa, imbes na Anilaw ay Atis, imbes na Betis ay Bayabas, imbes na Subiang ay Santol o Sinigwelas. Di naman maaaring ang Upas ay palitan ko ng Ubas dahil hindi naman Philippine Native Tree ang Ubas. Subalit sa ngayon, naisip kong imbes na Duhat ay ang punong Dita muna dahil nagligtas ng maraming buhay ang punong Dita nang rumagasa ang bagyong Ondoy noong 2009 sa Barangay Bagong Silangan sa Lungsod Quezon. Dito nakatira ang isang kasama ko sa grupong Sanlakas, at sa unang anibersaryo ng Ondoy ay nag-alay kami ng kandila para sa mga nasawi sa Ondoy. 

Kung papansinin ang talaan sa aklat, walang nakatalang punong nagsisimula sa E, F, J, Q, V, at X. Kaya ang ABC ay baka maging Abakada ng mga Katutubong Puno sa Pilipinas. Tingnan na lang natin sa kalaunan. Ang Calumpit nga ay Kalumpit sa PNT 101. Puno rin pala ang Antipolo na nasa PNT 101. O baka mas maganda kong gawin, gawan ko pareho ng tula bawat titik. Halimbawa, sa titik A, may tula para sa Atis at sa punong Anilaw. Sa titik B ay Bayabas at Betis. Para may pambata (young) at may pangtigulang (adult) at pangmatanda (oldies). Para masaya, di ba?

Gayunman, yaon lang nakatala muna sa mga aklat na Philippine Native Trees ang aking gagawan ng tula. Kung wala sa talaan nito ay hindi ko gagawan ng tula. Kung magawan ko man ng tula ang wala sa aklat ay hindi ko isasama sa proyektong ito, kundi dagdag-koleksyon sa iba pang tula.

Sa ngayon, sisimulan ko na munang basahin ang PNT 202. Maraming salamat sa pagtitiwala na napunta sa akin ang ganitong mahalagang proyekto.