Lunes, Disyembre 24, 2018

Kwento - Karapatang pantao, due process, at tokhang

KARAPATANG PANTAO, DUE PROCESS, AT TOKHANG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bang! Bang! May umalingawngaw na namang malakas na putok ng baril. Aba’y may natokhang na naman ba? Iyan ang agad katanungan sa isipan ko, lalo na’t ilang taon na rin nang ilunsad ng pamahalaan ang tokhang, na umano’y pagpapasuko sa mga nagdodroga o adik. Subalit kadalasang napapatay ay mga maralita, at hindi malalaking isda.

Kaya lumahok ako sa pagkilos ng iba’t ibang grupo sa karapatang pantao, tulad na pagkilos ng Philippine Alliancde of Human Rights Advocates (PAHRA) at ng grupong IDefend.

Sa isang pagkilos nitong Disyembre 10, sa ika-71 anibersaryo ng pagkakadeklara ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR) o Pandaigdigang Pahayag sa Karapatang Pantao, nagsalita ang ilang inang nawalan ng anak dahil pinaslang na lang ng mga pulis. Sinabi ni Issa sa rali habang tangan ang mikropono:

“Hindi ko nauunawaan noon kung bakit may mga ganitong rali. Subalit ngayon, naiintindihan ko. Ito’y malayang pagpapahayag. Subalit walang kalayaan sa kalagayang marami sa atin ang naghihirap. Tapos ay papatayin pa ng kapulisan ang aking anak na binatilyo. Nasaan ang hustisya! Bakit basta na lang nila binaril ang aking anak? Sana’y tinanong muna at kinausap nila ang aking anak, imbes na barilin na lang nila ng walang awa. At saka ano ang sinasabi nilang may baril ang anak ko? Walang ganyan ang anak ko. Matinong anak si Isidro ko.”

Isa ring nagsalita si Aling Ingrid, “Ang anak kong si Isko ay basta na lang binaril habang kausap ang mga kaibigan at kapitbahay niya doon sa aming sala, Bakit? Nasaan ang wastong proseso ng batas? Nasaan ang sinasabing due process. Kung may droga ang anak ko, sana, hinuli nila at sinampahan ng kaso sa korte. Hindi ang ganyang basta na lang nila babariling parang hayop. Hindi hayop ang anak ko!” Nanggagalaiti niyang sabi sa rali.

Hanggang ako naman ang tinawag bilang sekretaryo heneral ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) at sekretaryo heneral din ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI). Nabigla ako sa pagtawag. Hindi ako namatayan. Subalit bilang lider ng samahan, tumayo ako sa harapan upang magtalumpati. Sabi ko, “Isang taaskamao pong pakikiramay sa lahat ng mga inang naulila dahil sa Giyera Laban sa Droga. Ngayong Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, singilin natin ang pamahalaang ito sa kawalan ng paggalang sa buhay, at kawalan ng maayos na proseso ng batas. Sadyang mali na basta na lang kunin ang buhay ng isang tao. Laging sinasabi ng pangulo na sila’y collateral damage. Subalit buhay at karapatan ang pinag-uusapan dito. Hindi na maibabalik ang buhay nila. Dapat may managot sa mga basta na lang pinaslang, at inaakusahan pang nanlaban. Hustisya sa mga namatay!” 

Gumagaralgal ang aking boses. Di ko na rin nakuhang basahin pa ang inihanda kong tula, dahil ako’y sadyang naluluha. Bakit kailangang may mamatay sa gayong paraan? Di ba’t problema sa kaisipan ang pagdodroga? Kaya dapat lunasan ito ng serbisyong medikal? Narinig ko pang ang pagpaslang daw sa mga adik ay kailangan daw upang di sila makagawa ng krimen. Tama ba iyon? Ah, sa isang digmaan ay may tinatawag na preemptive strike sa mga kalaban upang pahinain ang pwersa nito. Maraming katanungang dapat masagot. Maraming buhay na nawala ang sumisigaw ng hustisya. Maraming dapat managot sa mga pangyayaring ito, lalo na ang pangulong nagdeklara ng giyerang ito na nakikitang War on the Poor dahil pawang mahihirap ang mga napaslang.

Hawak ng mga kasamang raliyista ang larawan ng mga batang namatay sa giyera laban sa droga, tulad nina Althea Barbon, 4, namatay noong Setyembre 1, 2016; Danica Mae Garcia, 5, na namatay noong Agosto 23, 2016; Francis Mañosca, 5, na napaslang noong Disyembre 11, 2016; San Niño Batucan, 7, na napaslang noong Disyembre 3, 2016; at marami pang iba. Sa edad nila’y tiyak hindi pa sila nagdodroga ngunit pinaslang ng mga berdugo. Sadyang biktima lang sila. May litrato rin doon si Kian Delos Santos, 17, na napaulat na bago napaslang ay narinig na isinisigaw: “Huwag po! May eksam pa po ako bukas!” 

Nakakatulala ang eksenang iyon sa rali. Kailan ba makakamit ng mga inang namatayan ng anak at asawa ang isinisigaw nilang katarungan? 

Takipsilim na nang tinapos namin ang programa sa pamamagitan ng pagsisindi ng mga kandila sa harap ng mga larawan ng mga walang kalaban-labang biktima ng karumal-dumal na krimen.

Umuwi akong di mapalagay. Subalit pinatibay nito ang prinsipyo ko upang talagang ipaglaban ang karapatang pantao at due process, habang naaalala ang mga sinabi ng mga inang nagtalumpati roon.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Disyembre 2018, pahina 12-13.

Martes, Nobyembre 27, 2018

Kwento - Huseng Batute, Asedillo at ang wikang Filipino


HUSENG BATUTE, ASEDILLO AT ANG WIKANG FILIPINO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa paglalathala nating muli ng pahayagang Taliba ng Maralita bilang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), nais nating kilalanin ang isa sa mga magigiting na makata ng bayan - si Jose Corazon de Jesus o Huseng Batute. Nasa wikang Filipino ang ating pahayagan. Nasa wikang madaling maunawaan ng ating mga kapwa maralita. Kaya yaong mga Pinoy na Ingleserong nangungutya sa wikang Filipino na wikang bakya ay dapat nating tuligsain. Kaya mahalaga ang muling pagkilala, bukod sa makatang si Gat Francisco Balagtas, kay Huseng Batute, na siyang unang Hari ng Balagtasan noong 1925.

Napagkwentuhan nga namin iyan ng lider-maralitang si Mang Isko, na tumutula rin naman. Sabi niya sa akin, “Alam mo, Igor, dapat namang kilalanin din ng pamahalaan ang kahalagahan ni Jose Corazon de Jesus bilang tagapagtanggol ng wikang Filipino. Nabasa mo ba ang tula niya laban sa isang gurong Amerikana? Tinuligsa niya iyon ng patula dahil kinagagalitan nito ang mga estudyanteng nagta-Tagalog.”

“Anong magandang mungkahi mo?” Tanong ko.

“Aba’y sa Nobyembre 22 ay kaarawan niya, maanong magdeklara naman ang pangulo na kilalanin si Huseng Batute sa kanyang kaarawan. O kaya ay kilalanin ang kanyang kaarawan bilang Pambansang Araw ng Pagtula, Tulad ng pag Abril ay sinisimulan ng bayan ang Buwan ng Panitikan sa mismong kaarawan ni Balagtas, Abril 2. Bagamat dapat Abril 1 hanggang Abril 30 ang Buwan ng Panitikan. Ang Abril 1 kasi ay April Fool’s Day. Kaya ang pagsalubong lagi sa Buwan ng Panitikan ay sa kaarawan ng ating dakilang makatang si Balagtas.” Ani Mang Isko.

“Maganda po ang inyong mungkahi. Tulad rin pala iyan ng naging karanasan ni Teodoro Asedillo, na isang guro sa Laguna, bago nakilalang rebelde. Tinuruan niyang maging makabayan ang mga estudyante niya, at pinagalitan siya ng punong gurong Amerikano dahil sa pagtuturo ng wikang Filipino, kaya siya tinanggal.” Sabi ko sa kanya.

“Maalam ka pala sa kasaysayan,” tugon ni Mang Isko. “Baka mas magandang buksan natin sa isang talakayan ang usaping ito. Pagkilala kina Jose Corazon de Jesus at Teodoro Asedillo bilang mga bayani ng wika. Mungkahi kong magpalaganap tayo ng kampanyang lagda upang ideklarang Pambansang Araw ng Pagtula ang kaarawan ni Batute, kasabay ng kampanyang pagkilala kina de Jesus at Asedillo bilang mga bayani ng wikang Filipino, na nauna pa kay Manuel L. Quezon, na siyang Ama ng Wikang Pambansa.”

“Sige po.” Tugon ko. “Napanood ko kasi ang pelikulang Asedillo ni Fernando Poe Jr., at nabasa ko ang talambuhay niya sa mga aklatan kaya po alam kong ipinaglaban niya ang ating wikang pambansa. Isusulat ko muna ang borador ng kampanyang lagda para sa dalawa. Tapos po ay magpatawag tayo ng pulong ng samahan. Yayain din natin ang iba pang samahan upang sumama sa kampanyang ito. Magpatawag na po tayo ng pulong sa Sabado.”

“Ayos iyan. Ipatawag mo na.” Sabi ni Mang Isko sa akin, kaya masigla kong ginampanan ang para sa akin ay makasaysayang usapin.

Pagdating ng araw ng Sabado, ikalawa ng hapon, nagsidatingan na ang mga lider at kasapian ng samahan. Sinimulan ko ang usapin.

“Nag-usap kami ni Pangulong Isko upang maglunsad tayo ng isang malawakan at makasaysayang kampanya. Lalo’t marami rin sa inyo ay paminsan-minsang gumagawa ng tula. Una, kampanyang lagda upang ideklarang Pambansang Araw ng Pagtula ang kaarawan ni Huseng Batute at gawing bayani ng wikang Filipino sina Jose Corazon de Jesus at Teodoro Asedillo sa pagtatanggol ng ating wika laban sa mga dayo.”

Tumugon si Mang Igme, “Okay iyan. Subalit dapat dalhin natin sa Malakanyang ang panawagang iyan bukod pa sa paggawa ng panukalang batas ng ating mga kongresista at senador. Magandang layunin iyan.”

Si Aling Isay, “Nasaan na ang mga papel para sa kampanyang lagda upang masimulan na natin. Ang galing ng inyong naisip. Kahit matanda na ako’y naaakit muling tumula, at ipagtanggol ang wikang Filipino, lalo na sa nagtanggalng kursong ito sa kolehiyo.

Natapos ang pulong na masigla ang bawat isa, dahil alam nilang para sa bayan at sa kultura at kabayanihan ang kanilang bagong layunin.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 2018, pahina 16-17.

Lunes, Oktubre 29, 2018

Kwento - Sa relokasyon, may poso, walang tubig, may poste, walang kuryente

SA RELOKASYON, MAY POSO, WALANG TUBIG, MAY POSTE, WALANG KURYENTE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napag-uusapan nang madalas ng mga maralita ang kalagayan sa mga relokasyon. Akala nila’y tutuparin ng pamahalaan ang mga pangako nito pag nadala na sila sa relokasyon, subalit kabaligtaran pala ang lahat.

Si Ipe, na dating mandaragat sa Navotas, at ang kanyang pamilya, ay nadala sa isang relokasyon sa Towerville, sa kabundukan ng San Jose del Monte sa lalawigan ng Bulacan. Bukod sa may kalayuan na, mahal pa ang pamasahe, nailayo pa sila sa pinagkukunan ng ikinabubuhay, Aba’y saan naman nila gagamitin ang kanilang mga bangka doon sa kabundukan?

Ani Ipe, nang minsang dinalaw ko sila sa Towerville, “Ang hirap dito sa kalagayan namin, dinala kami rito sa talahiban. Kami pa ang nagtabas ng mga damo, nagpatag ng lupa, hanggang matayuan ng bahay. Talagang literal na itinapon kami ritong parang mga daga. May nakita nga kaming poso rito subalit walang tubig. May mga poste ng kuryente subalit walang kuryente. Ang matindi pa, malayo ang palengke, na lalakarin mo pa ng ilang kilometro upang makabili. Buti nga sa ngayon, nagtayo ng munting tindahan si Mareng Isay kaya nakakabili na kami ng pangangailangan. Bagamat medyo mahal dahil kinukuha pa sa malayo.”

“Kaytindi po pala ng inyong nararanasan.” Sabi ko.

Naroon din si Isko, na agad sumabat sa usapan. “Siyang tunay, Igor, nagbago talaga ang buhay namin. Mula sa pagiging mandaragat ay nagmistula kaming pulubi ritong nanghihingi ng limos. Mabuti ‘t maayos ang pamumuno ni kasamang Ipe sa amin, kaya kami’y nagtutulungan dito. Sayang nga lamang ang aming mga bangkang pinaghirapan naming pag-ipunan upang makapangisda’t mapakain ang aming mga anak.”

“Tara muna sa tindahan ni Isay at nang makapagmeryenda,” yaya ni Mang Ipe. Tumango naman ako at sumunod.

“May kanton diyan, ipagluluto ko kayo,” ani Aling Isay. “Maigi’t napadalaw ka sa amin, Igor. Kaytagal na ring di tayo nagkausap. Kumusta na nga pala ang KPML?”

“Mabuti naman po. Nahalal po pala akong sekretaryo ng KPML nitong Setyembre. Si Ka Pedring pa rin po ang nahalal na pangulo.” Ang agad ko namang tugon.

“Alam mo, mahirap talaga ang mapalayo sa kinagisnan mong lugar.” Ani Aling Isay. “Kung di ako magtitinda-tinda, aba’y gutom ang aming aabutin dito ng mga anak ko.”

Patango-tango lamang ako sa kanilang ikinukwento, dahil dama ko na’y di na mapalagay. Bakit ganoon? Natahimik ako  ng ilang sandali. At nang magkalakas ng loob na akong magsalita ay saka ako nagtanong.

“Di po ba nakalagay sa UDHA, sinumang nilagay sa relokasyon ay may pangkabuhayan. Ano na pong nangyari roon?”

Napailing si Inggo, na kanina pa nakikinig, “Sa totoo lang, iyan din ang inaasahan namin. May pangkabuhayan. May trabahong magigisnan. Subalit wala, wala. Gaya nga ng nabanggit kanina ni Ipe, para kaming mga dagang basta itinaboy dito. Kami pa ang nagpaunlad ng komunidad na ito nang walang anumang tulong mula sa gobyerno.”

Iniabot na ni Aling Isay ang niluto niyang pansit kamton. Tigisa kami nina Mang Ipe, Isko at Inggo. Tahimik lang kaming kumain, habang nagpatuloy sa pagkukwento naman si Aling Isay.

“Malayo pa ang iskwelahan dito. Sana’y nag-aaral pa ang mga anak ko. Sana, may maitayo nang paaralan sa malapit upang makapag-aral muli sila. Pati ospital, para naman sa mga maysakit. Malayo din kasi ang health center na malapit. Nasa kabilang barangay pa.”

Hindi pa ako tapos kumain ay nakahanda na ang aking munting kwaderno at isinulat ko ang mga sinabi nila. Maya-maya’y narinig ko na lang sa radyo ni Aling Isay sa tindahan ang awitin ni Gary Granada, na pinamagatang Bahay.

“Parang pinagtiyap ng pagkakataon, kumakanta ng Bahay si Gary Granada,” sabi ko, “na para bang patunay ng mga sinabi po ninyo.”

“Ay, oo,” sagot ni Mang Ipe, “pag ninamnam mo ang kahulugan ng kantang iyan, parang kami noong nagsisimula pa lang dito.”

Maya-maya, nang matapos nang kumain ay nagpaalam na ako. “Tuloy po muna ako, pupuntahan ko pa po sina Ate Fely at si Neneng sa kanilang bahay. Mangungumusta rin po.”

“Sige, Igor, mabuti at nabigyan mo kami ng isyu ng pahayagang Taliba ng Maralita, at may mababasa kami tungkol sa mga ginagawa ng KPML. Pakikumusta mo na lang kami kina Ka Pedring.” Ani Aling Isay. “Ingat ka, at baka ka gabihin sa daan. Mahaba pa ang lalakarin mo.”

Tumango ako, “Salamat po, ingat din po kayo.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 2018, pahina 18-19.

Martes, Oktubre 2, 2018

Isinilang ako kasabay ng Tlatelolco Massacre sa Lungsod ng Mexico


ISINILANG AKO KASABAY NG TLATELOLCO MASSACRE SA LUNGSOD NG MEXICO
Maiking sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bakit nga ba ako naging aktibista? Dahil ba ito ang pinili kong buhay? O dahil reinkarnasyon ako ng mga estudyante't sibilyang pinaslang sa Tlatelolco sa lungsod ng Mexico? Hindi naman talaga ako naniniwala sa reinkarnasyon, kaya marahil ay nagkataon lamang. Pinili kong maging aktibista at mamamatay ako bilang aktibistang nakikibaka para sa lipunang makatao at uring manggagawa.

Ayon sa wikipedia, "The Tlatelolco massacre was the killing of students and civilians by military and police on October 2, 1968, in the Plaza de las Tres Culturas in the Tlatelolco section of Mexico City. The events are considered part of the Mexican Dirty War, when the government used its forces to suppress political opposition."
https://en.wikipedia.org/wiki/Tlatelolco_massacre

Sa aking ika-50 kaarawan at ika-50 anibersaryo ng Tlatelolco massacre, ako na'y nahalal na sekretaryo heneral ng dalawang organisasyon. Nahalal akong sekretaryo heneral ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI) sa ikatlong pangkalahatang asembliya ng XDI noong Hulyo 7, 2017, na ginanap sa Diokno Hall ng Commission on Human Rights (CHR). Nahalal naman akong sekretaryo heneral ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) nito lang Setyembre 16, 2018 sa ikalimang pambansang kongreso nito, na ginanap sa barangay hall ng Brgy. Damayan sa Lungsod Quezon.

Magtatatlong dekada na rin akong aktibista. Namulat bilang manggagawa, nang ako'y maging ako'y magtrabaho mula Pebrero 1989 hanggang Pebrero 1992, at naging regular na makinista o machine operator sa isang kumpanyang Hapon sa bansa. At noong Agosto 17, 1994 nang ako'y maging kasapi ng isang mapagpalayang kilusan.

Narekluta ako nang ako'y isang estudyante pa sa kolehiyo at manunulat ng publikasyon ng eskwelahan. Nahalal akong Basic Masses Integration (BMI) Officer ng grupong Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) noong 1994. Naging staff ng Sanlakas mula Agosto 1996 hanggang Nobyembre 2001. Naging staff ng KPML mula Nobyembre 2001 hanggang Marso 2008, at pinangasiwaan ang paglalathala ng pahayagang Taliba ng Maralita ng KPML, na inilalathala noong isanhg beses kada tatlong buwan. Naging staff ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) nang mawala sa KPML. At muli lang nakabalik sa KPML noong ikalimang pambansang kongreso nito noong 2018.

Dahil sa aking pagiging aktibista'y nakarating ako sa iba't ibang bansa, bukod sa Japan, na tinirahan ko ng anim na buwan bilang iskolar ng JVR Technical Center noong Hulyo 1988 hanggang Enero 1989. Nakapunta ako sa bilang aktibista sa Thailand noong 2009, sa Thailand at Burma noong 2012, at sa Paris, France noong 2015. Taospusong pasasalamat sa mga kasamang nag-isponsor ng mga aktibidad na iyon.

Naitayo ko rin ang Aklatang Obrero Publishing Collective na naglalathala ng aking mga tula at sanaysay, at mga aklat ng mga kilalang rebolusyonaryo. Ilan sa mga sulating ito ay ang talambuhay nina Che Guevara, Andres Bonifacio, Macario Sakay, Lean Alejandro, at Ka Popoy Lagman. Muli ko ring inilathala ng Liwanag at Dilim ni Emilio Jacinto. Pati na mga teoryang pampulitika ay aking inilathala, tulad ng Aralin sa Kahirapan (ARAK), Puhunan at Paggawa (PAKUM), Marxismo, Gabay sa Aralin ng Leninismo, Materyalismo at Diyalektika. Pati salin ng akda ni Ka Dodong Nemenzo hinggil sa Rebolusyong Cubano.

Nang minsang nagsasaliksik ako sa internet at tiningnan ko ang aking kaarawan kung sino o ano kaya ang mga kasabayan ko nang ako'y isilang. At lumabas nga ang istorya ng Tlatelolco massacre, na naganap sa mismong araw ng ako'y isilang.

Nakikisimpatya ako sa mga estudyante't sibilyang pinaslang ng mga militar. Ayon sa isang lathalain, ito ang mga kahilingan ng mga estudyante:

1. Repeal of Articles 145 and 145b of the Penal Code (which sanctioned imprisonment of anyone attending meetings of three or more people, deemed to threaten public order).
2. The abolition of granaderos (the tactical police corps).
3. Freedom of political prisoners.
4. The dismissal of the chief of police and his deputy.
5. The identification of officials responsible for the bloodshed from previous government repressions (July and August meetings).
http://www.blackstudies.ucsb.edu/1968/mexico_photos.html

Kung may pagkakataon lang ako at makakadalaw sa Mexico, nais kong puntahan ang monumento ng naganap na Tlatelolco massacre at mag-alay roon ng bulaklak, at magpalitrato.

Ginawan ko ng tula ang naganap na ito bilang pagpupugay sa mga nakikibakang estudyante noong panahong iyon, at sa mga sibilyang nadamay nang pagbabarilin sila ng mga militar.

SA MGA PINASLANG SA TLATELOLCO, MEXICO
(OKTUBRE 2, 1968)

sa Tlatelolco'y kayraming estudyanteng pinaslang
naganap kasabay ng araw nang ako'y isilang
ang kanilang mga berdugo'y tila mga buwang
karahasan ang ibinigay, sila'y tinimbuwang

estudyanteng nais malayang makapagsalita
hangad na bilanggong pulitikal ay mapalaya
hangad na mga tiwaling opisyal ay mawala
hangad na matinong lipunan ang sinasagawa

estudyanteng nais magkaroon ng karapatan
estudyanteng nais isatinig ang kahilingan
estudyanteng nais magkaroon ng kalayaan
estudyanteng nais matanggal ang katiwalian

subalit sila pa yaong dinilig ng kilabot
pinagbabaril, lupa'y pumula, isang bangungot
limampung taon na yaong nakaraang hilakbot
hanggang ngayon ay dama pa rin ang lagim na dulot

pagkat estudyante'y di pa nabigyan ng hustisya
walang nakulong dahil sa nangyari sa kanila
hanggang ngayon, katarungan ang sigaw ng pamilya
hustisyang kay-ilap ba'y kailan kakamtin nila

- gregbituinjr. 10/02/2018

Sabado, Setyembre 29, 2018

Kwento - Pagbabalik ng Taliba, pagbabalik sa Taliba


PAGBABALIK NG TALIBA, PAGBABALIK SA TALIBA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Higit isang dekada na rin nang mawala ako bilang staff ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong Marso 2008, at nakabalik lamang sa KPML nang mahalal na sekretaryo heneral nito noong Setyembre 16, 2018.

Kaya nang mahalal ako’y agad kong sinabi kay Ka Pedring Fadrigon, ang pambansang pangulo ng KPML, na muli kaming maglabas ng dyaryo ng KPML, ang Taliba ng Maralita.

“Sige, Greg, ilathala muli natin ang Taliba ng Maralita,” ani Ka Pedring, “ikaw naman ang dating gumagawa niyan. Ikaw na humawak diyan.”

“Okay po, mas maganda po kung may kolum kayo, Ka Pedring.” Sabi ko, na sinang-ayunan naman niya.

Kaya isinama na namin sa plano ang paglalathala ng Taliba. Kung noon ay isang beses kada tatlong buwan, o apat na isyu ng Taliba kada taon, ang balak ko ay isang beses sa isang buwan upang labingdalawang isyu ng Taliba sa loob ng isang taon. Palagay ko’y kaya naman dahil sa dami ng paksang matatalakay at dami ng laban at isyung kinakaharap ang maralita.

Ang kasanayan ko bilang manunulat mula sa kampus o sa kolehiyo bilang editor ng pahayagan ng mag-aaral, hanggang sa paglalabas ng dalawang isyu ng magasing Maypagasa ng Sanlakas, hanggang sa pagsusulat at pagle-layout ng pahayagang Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), hanggang sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM), marami na rin akong karanasan bilang isang dyarista. Bukod pa ang hilig sa pagkatha ng maikling kwento at tula, alamat at pabula, at marahil sa mga susunod na panahon ay maging isang ganap na nobelista. Nais kong kumatha ng nobelang ang bida ay ang uring manggagawa. O mas pinatatampok ay ang kolektibong pagkilos ng sambayanan.

Isang maramdaming tagpo para sa akin ang ipahawak sa akin muli ang pagsusulat at paglalathala ng Taliba ng Maralita, dahil natigil na ang paglalathala ng Maypagasa, Obrero at Ang Masa, at tanging ang Taliba ng Maralita na lamang ang aking pinagsusulatan sa ngayon kaya sabi ko sa sarili ko, paghuhusayin ko ang pagsusulat dito.

Isa sa mga maikling kwentong nalathala ko sa Taliba ay ilang ulit nang nilathala sa dyaryo. Pinamagatan iyong “Ang Ugat ng Kahirapan”. Una iyong nalathala sa nalathala sa Taliba ng Maralita sa isyu ng Hulyo-Setyembre 2003, na higit labinglimang taon na rin ang nakararaan. Nalathala rin iyon sa pahayagang Obrero ng BMP, bandang 2007 o 2008 (wala na akong sipi niyon), sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM) noong Oktubre 2011, at sa muling paglathala ng Taliba nitong Setyembre 2018, sa nakaraang isyu lang.

Ang una ngang Taliba ng Maralita na ginawa ko ay ang isyung Abril-Hunyo 2001, ilang buwan matapos paslangin si Ka Popoy Lagman, na dating pangulo ng BMP. Ang pagtalakay sa kanya ng isang tagasugid na tagahanga ay nalathala sa Philippine Daily Inquirer noong Pebrero  14, 2001, na isinalin ko sa wikang Filipino, at siyang tampok na balita sa isyung iyon. Sa pahina 4 din ng isyung iyon ay isinulat ko naman ang talambuhay ni Ka Popoy Lagman.

Malaking bagay na nakabalik ako sa Taliba ng Maralita, dahil nga wala na akong pinagsusulatang pahayagan sa kasalukuyan, dahil hindi na rin sila nagtuloy. At dito sa Taliba, bilang bagong sekretaryo heneral ng KPML, ay pag-iigihan ko na ang bawat pagsusulat ng sanaysay, pahayag ng KPML, pananaliksik ng mga balita’t batas hinggil sa isyu ng maralita, maikling kwento at tula. Kaya asahan ninyo ang aking pagsisikap upang mapabuti ang ating munting pahayagan ng maralita.

Baka rito sa Taliba ng Maralita ko masulat ang pangarap kong nobelang naiisip kong sulatin, isang nobelang hinggil sa maralita, manggagawa, mga api, at pinagsasamantalahan sa lipunan. Nobelang kakampi ng masa para sa karapatang pantao at panlipunang hustisya.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Setyembre 2018, pahina 16-17.

Biyernes, Mayo 18, 2018

13 poems of Eman Lacaba I gathered from the Phil. Free Press

LABINGTATLONG TULA NI EMAN LACABA

Gabi ng Mayo 5, 2018, sa ancestral house ng aking asawang si Liberty, sa Barlig, Mountain Province, ay hinalungkat ko ang mga isyu ng Philippines Free Press mula 1966 hanggang 1969 na tinipon ng kanyang namayapang ama. Nilitratuhan ko rito ang mga poetry o tulang nalathala. At ilan sa aking natagpuan ay ang labingtatlong tulang nalathala ng makatang Eman Lacaba. Marahil ay mas marami pa siyang nalathalang tula sa Philippines Free Press, subalit ang labingtatlong tulang naririto ang aking mga natagpuan.

Nawa'y makatulong ang mga natipong tulang naririto ni Eman Lacaba sa mga pananaliksik. Si Eman Lacaba ay nakilala ko sa aking mga nababasa bilang magaling na makata at rebolusyonaryo sa mapagpalayang kilusan, hanggang sa siya'y humawak ng armas bilang kawal ng sambayanan at napatay sa isang engkwentro noong 1976.

- gregbituinjr.

P.S. Narito ang talaan ng mga tula ni Eman Lacaba at petsang nalathala sa Philippines Free Press:

Birthday - November 5, 1966, p. 35
The Blue Boy - January 14, 1967, p.33
The Voices Of Women - September 16, 1967, p. 31
Night Drive - December 2, 1967, p. 31
5 poems - December 9, 1967, p. 181
- The Foreigners 
- Bar Misvah
- Parable
- Portrait Of The Artist As Filipino And A Young Man
- Priapus In His Office Recalls The Pateros Fiesta
Last Poem - October 19, 1968, p. 35
Autobiography - January 11, 1969, p. 13
Terza Rima For A Sculptress - January 11, 1969, p. 13
Watawat Ng Lahi Poems Written In Spanish Forms Used By Rizal - March 8, 1969, p. 27

Martes, Abril 10, 2018

Bakit isang milyong aklat na "Puhunan at Paggawa"?


BAKIT ISANG MILYONG AKLAT NA "PUHUNAN AT PAGGAWA"?
ni Gregorio V. Bituin Jr.


Pambungad

Noong ikalawang araw ng Ikawalong Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na isinagawa sa Lungsod ng Baguio nitong Enero 2018 ay nagpasa ako ng tatlong resolusyon. Ang una ay paglalathala ng aklat ng BMP na ilulunsad sa ika-25 anibersaryo nito sa Setyembre 2018. Ang ikalawa ay ang pagdaraos ng BMP ng Marxist Conference para sa ika-200 kaarawan ni Karl Marx sa Mayo 5, 2018. At ang ikatlo rito ay pinamagatan kong "Isang Milyong Aklat ng Puhunan at Paggawa ni Ka Popoy Lagman para sa Isang Milyong Manggagawa."

Pokusan natin ang ikatlong resolusyon. Isang milyong aklat? Aba, aba, aba. Kaya bang ilathala ang ganyang karaming aklat sa isang taon, o sa loob ng tatlong taon bago muling mag-Kongreso ang BMP? Kamangha-mangha ang laki ng bilang! Kaya ba nating ilathala iyan? Gaano kalaking pondo ang magagastos diyan?

Subalit iyon ay isang resolusyong sinang-ayunan ng mayorya ng delegado. Isang resolusyong akala natin ay hindi kakayanin.

Narito ang kabuuan ng nasabing resolusyon:

RESOLUSYON BLG. ____
ISANG MILYONG AKLAT NG "PUHUNAN AT PAGGAWA"
NI KA POPOY LAGMAN PARA SA ISANG MILYONG MANGGAGAWA

Sapagkat isa sa mga batayang pag-aaral ng BMP ang "Puhunan at Paggawa" na ngayon ay naisaaklat na, dapat na magkaroon ng kopya ng aklat na ito ang bawat manggagawa;

Sapagkat ang labor force sa ngayon ay umaabot na sa 43.739 million ayon sa isang ahensya ng pamahalaan;

Sapagkat tungkulin ng BMP ang pagmumulat ng mga manggagawa;

Kung gayon, inilulunsad ng BMP ang proyektong 'Isang Milyong Aklat ng "Puhunan at Paggawa" ni Ka Popoy Lagman para sa isang milyong manggagawa;

Sinang-ayunan ng mga delegado ng Ikawalong Pambansang Kongreso ng BMP ngayong Enero 27-28, 2018 sa Skyrise Hotel, Lungsod ng Baguio.


Pagtalakay

Napakahalaga bilang pangunahing aklat ng mga manggagawa ang Puhunan at Paggawa na sinulat ni Filemon 'Ka Popoy' Lagman, isang lider-manggagawa at naging pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Ang aklat ay tigib ng mga aral at pagsusuri hinggil sa relasyon ng sahod at tubo, ng manggagawa’t kapitalista. Isa ito sa mga natatanging armas ng uring manggagawa upang maunawaan niya ang kanyang kalagayan sa ilalim ng mapagsamantalang sistemang umiiral. Ipinauunawa ng aklat sa mga manggagawa ang kanilang kalagayan sa lipunang ito at tuluyan silang magkaisa at magpalakas upang itayo ang kanilang sariling pamahalaan.

Ang target na isang milyong aklat na Puhunan at Paggawa para sa isang milyong manggagawa ay maliit kung ikukumpara sa labor force at populasyon ng Pilipinas. Subalit kinakailangang targetin upang mas maraming manggagawa ang makaunawa at magkaisa.

Ayon sa October 2017 Labor Force Survey, ang labor force sa Pilipinas ay nasa 43.739 Milyon. Mula ang datos sa inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Enero 15, 2018. Ayon din sa PSA sa inilabas nito noong Agosto 1, 2015, ang populasyon ng bansa ay umaabot na sa 100,981,437 batay sa 2015 Census of Population (POPCEN 2015).

Kaya 43,739,000 manggagawang sahuran kumpara sa 100,981,437 populasyon, nasa 43 porsyento ng populasyon ang mga manggagawang sahuran.

Kung mahigit 43 milyon ang manggagawang sahuran sa bansa, ano ba naman ang isang milyong aklat na Puhunan at Paggawa para sa isang milyong manggagawa. May mahigit 42 milyong manggagawa pa na hindi magkakaroon ng aklat. Kung ikukumpara sa labor force na mahigit 43 milyon, napakaliit ng target nating isang milyong aklat na Puhunan at Paggawa para sa isang milyong manggagawa. Subalit malaki na ring target, lalo na't limampung libong manggagawa ay di pa nga natin maipalabas na sama-samang kumilos tuwing Mayo Uno.


Karanasan sa Paglalathala

Mula nang maging tagapamahala ako ng Aklatang Obrero Publishing Collective noong 2006, marahil ay nasa limangdaang aklat na Puhunan at Paggawa na ang naipalathala. Karaniwan, depende sa badyet. Kung bawat taon ay nakagawa ako ng 40 aklat na Puhunan at Paggawa, sa loob ng 12 taon, nasa 480 aklat na ang aking napalathala. Paano pa kaya kung 100 aklat bawat taon, yun nga lang, dahil pultaym na tibak, hanggang 40 aklat lang kada taon ang nagagawa kong aklat na Puhunan at Paggawa.

Ako pa lang ito, ha. Paano na kung magtutulong-tulong ang mga manggagawa upang maparami ito at maipamahagi sa maraming manggagawa? Aba'y mas mapapabilis ang pagpaparami ng aklat at pamamahagi nito sa maraming manggagawa.

Mahalagang magkaroon nito at mabasa ito ng bawat manggagawa sa pabrika. Maraming best selling books, dahil na rin sa promosyon ng mga tagapaglathala. Halimbawa, nakapaglathala na ng 500 milyong kopya ng mga aklat na Harry Potter ni J. K. Rowling, ayon sa Bloomsbury, ang tagapaglathala ng mga libro sa Britanya. Ang Noli Me Tangere ni Rizal at Florante at Laura ni Balagtas ay taun-taon ibinebenta sa mga mag-aaral sa hayskul. Kaya ang hamon sa atin ay paano natin itataguyod ang mahalagang aklat na ito ng manggagawa? Paano ang promosyon nito?

Magtulong-tulong tayong ipalaganap ang Puhunan at Paggawa bilang pangunahing aralin ng mga manggagawa sa kanilang pang-araw-araw ng buhay.


Ang Ating Dapat Gawin

Ganito ang ating gagawin. Ang bawat aklat ay dapat mapasakamay ng bawat manggagawa, at hindi isang aklat bawat unyon. Kundi isang aklat bawat manggagawa. Isang aklat na maiuuwi niya sa bahay at babasahin niya sa panahong nasa bahay siya. At maaari ring basahin ng kanyang pamilya. At sa kalaunan ay ng mga kamag-anak, at ng buong komunidad.

Kung isang aklat bawat unyon, baka naka-displey lang ito sa book shelf ng unyon at inaagiw lang. Baka magkahiyaan lang ang mga manggagawa na manghiram, at kung makahiram man ay baka matagal ang pagbalik ng aklat upang mabasa rin ng iba.

Kaya magandang bawat manggagawa ay magkaroon ng aklat na ito. Ano ba naman sa manggagawa ang presyong isangdaang piso (P100) para sa isang librong Puhunan at Paggawa kung ito'y para sa kanilang kabutihan? Maaari rin siyang bumili ng dalawa o limang aklat at ipangregalo niya ito sa kanyang mga kumpare, kumare, kamag-anak, sa kaarawan nito, o sa kapaskuhan.

Maaari ninyong pondohan ang ilang kopya ng Puhunan at Paggawa at pag nabenta lahat ay magpagawa uli kayo. Paikutin lang natin ang pera habang dumarami ang mga aklat. Ang Aklatang Obrero Publishing Collective ay handang tumulong upang tuluy-tuloy na mailathala ang aklat na ito.

Bakasakaling mas mapabilis ang pag-unawa ng mga manggagawa sa kanilang batayang karapatan at kalagayan sa umiiral na lipunan. At bakasakaling mapabilis din ang kanilang sama-samang pagkilos tungo sa layuning itayo ang kanilang sariling lipunan, isang lipunang pinamumunuan ng mga manggagawa, isang lipunang tatapos sa kaayusang kapitalismo.

Isang milyong aklat na Puhunan at Paggawa ni Ka Popoy Lagman, pagtulungan nating ipamahagi sa isang milyong manggagawa. walang mawawala sa atin kung targetin natin ang isang milyong manggagawa. Kailangang makabasa nito at maunawaan ng bawat manggagawa ang nilalaman nito. Bakasakaling sa loob ng limang taon ay maorganisa na ang mga manggagawang ito tungo sa isang lipunang walang pagsasamantala.

Martes, Enero 2, 2018

Ang Bundok Tapusi sa Kasaysayan

ANG BUNDOK TAPUSI SA KASAYSAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nababanggit ang Bundok Tapusi sa bayan ng Montalban sa lalawigan ng Rizal sa ilang aklat pangkasaysayan. Ito'y dahil na rin naroroon ang Yungib Pamitinan na pinaglunggaan nina Gat Andres Bonifacio at ng mga Katipunero noong panahon ng Himagsikan.

Ilang ulit na rin akong nakapunta sa Yungib ng Pamitinan sa Bundok Tapusi, dahil na rin sa ilang aktibidad na pangkasaysayan, lalo na sa grupong Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Ang mahalagang karanasan ko sa pagtungo roon ay noong Mayo 10, 1997, kasabay ng sentenaryo ng pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio, ay isinagawa sa Yungib Pamitinan ang simbolikong paglilibing sa kanya. Ang huli kong pagdalaw roon ay isang araw matapos ang Halalan 2016, na ika-119 anibersaryo ng kamatayan ng bayani. Nagkita-kita kami ng ilang kasama sa Kamalaysayan.

Sa pulong ng Kamalaysayan nitong Disyembre 29, 2017, sa Masinag sa Antipolo, Rizal, sinabi ng isang kasama sa Kamalaysayan na ang pangalang Tapusi ay sinaliksik ng isang banyaga na di ko matandaan ang pangalan, at palagay niya'y galing ito sa wikang Italyano o Aleman.

Subalit nabanggit ko sa kanya na sa wari ko, ang Tapusi ay salitang taal sa atin, salitang lalawiganing Tagalog, lalo na't sakop ng Katagalugan ang Bundok Tapusi. Sa lalawigan ng aking ama sa Batangas ay ganito ang naririnig kong salitaan:

Buksi - na ibig sabihin ay Buksan mo. Buksi are, o buksan mo ito. Ang "ito" ng Maynila ay "are" sa Batangas.

Sarhi - Isara mo. 

Tapusi - Tapusin mo.

Palui - Paluin mo, halimbawa, ang aso.

Lutui - Lutuin mo.

Sipai - Sipain mo.

Suntuki - Suntukin mo.

Sig-angi - Isig-ang mo.

Prituhi - Iprito mo.

Lagye - Lagyan mo.

Parne - Parito ka, o Halika.

Pagarne - Paganito.

Dalhi are sa tuklong - Dalhin mo ito sa kapilya.

Butasi ang tibuyo - Butasin mo na ang alkansya (dahil puno na ng barya).

Tulad ng ibang wika, may paraan ng pagsasalita o balarila ang mga Batangenyo, tulad ng inilarawan sa itaas. Tulad ng ibang alamat ng lugar, ang maraming pangalan ng lugar ay mula sa pagkaunawa ng mga Kastila nang tinanong nila ang mga katutubo kung anong pangalan ng lugar. Halimbawa, ang Calamba sa Laguna, na sinilangan ni Gat Jose Rizal, ay mula sa salitang Kastilang "Caramba" ayon sa isang alamat.

Marahil, isang Batangenyo ang nagpapatrabaho sa araruhan o halimbawa'y gilingan, o niyugan, malapit sa nasabing bundok. May dumating na Kastila at tinanong ang mga tao roon kung ano ang pangalan ng bundok na iyon. Ngunit di sila halos magkaunawaan sa wika. Subalit nang makita ng tinanong na nagsitigil sa paggawa ang kanyang mga trabahador ay sinabi niyang "Tapusi" na ibig sabihin ay tapusin nyo ang trabaho. At ang salitang "Tapusi" ang sinulat ng mga Kastila na pangalan ng bundok.

Sinasabing ito rin ang bundok na kinakulungan ng higanteng si Bernardo Carpio, ayon sa isang kwentong bayan.

Sampaloc, Maynila
Enero 2, 2018


Sina Michael Merbida, Rosabella Fernandez, at Greg Bituin Jr., mga kasapi ng Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) nang sila'y dumalaw sa Bundok Tapusi, sa Wawa sa Montalban, Rizal, sa ika-119 anibersaryo ng kamatayan ni Gat Andres Bonifacio, Mayo 10, 2016.