Linggo, Oktubre 27, 2019

Ang "Ako ang Daigdig" ni Alejandro G. Abadilla at ang "Tayo ang Daigdig" ng U.S.A. for Africa


ANG "AKO ANG DAIGDIG" NI ALEJANDRO G. ABADILLA AT ANG "TAYO ANG DAIGDIG" NG U.S.A. FOR AFRICA
Maikling sanaysay at salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong Oktubre 19-20, 2019 ay nagkaroon ng palihan o workshop upang mabuo ang isang cultural network sa loob ng kilusang pangkarapatang pantao.

May mga mang-aawit, makata, manunulat, mananayaw, at aktibistang dumalo. Nariyan ang mga kasapi ng Teatrong Bayan, Teatro Pabrika, at Teatro Proletaryo. Nariyan ang mga gitarista. Karamihan ay mga kasapi ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) at In Defense of Human Rights and Dignity Movement (IDefend), kung saan sila rin ang nag-inponsor ng nasabing aktibidad.

Binuo ang apat na pangkat ng palihan para sa apat na napiling paksa. Sa ikalawang araw ay pagpaplano, at napag-usapan ditong gumawa ako ng salin ng We Are The World. Iminungkahi ito ni Ate Evelyn ng Teatro Pabrika. Gagamitin daw ito sa araw ng karapatang pantao sa Disyembre 10, 2019.

Dahil dito, inumpisahan kong isalin ang awiting We Are The World o Tayo ang Daigdig. Naalala ko tuloy ang tula ng sikat na makatang nag-umpisa ng modermismo sa panulaan sa Pilipinas, si Alejandro G. Abadilla. dahil sumikat noon ang kanyang tulang AKO ANG DAIGDIG (sa Ingles ay I Am The World) noong kanyang kapanahunan.

Halina't basahin ang tulang "Ako ang Daigdig" ni AGA.

AKO ANG DAIGDIG

ako

ang daigdig

ako

ang tula

ako

ang daigdig

ang tula

ng daigdig

ako

ang walang maliw na ako

ang walang kamatayang ako

ang tula ng daigdig

Sa tulang ito sumikat ang pangalan ni Abadilla nang sinulat niya ito noong 1940 na nalathala sa magasing Liwayway, at kasama sa nalathala niyang aklat noong 1955. Noong una'y tinanggihan ng mga kritiko ang nasabing tula dahil hindi ito sumusunod sa tradisyonal na tula na gumagamit ng sukat at tugma. Ayon sa isang lathalain, "Maituturing ang tulang “Akó ang Daigdíg” bilang pinakatanyag na likha ni Alejandro G. Abadilla, na siyáng kinikilálang “Ama ng Makabagong Panulaang Tagalog.” Una itong nalathala sa Liwayway noong 1940. Kabilang ito sa unang aklat ng mga tula ni Abadilla, ang Ako ang Daigdig at Iba Pang Tula (1955)."

Ang awiting "We Are The World" (na isinalin kong "Tayo ang Daigdig") ay isang awiting nilikha noong Enero 28, 1985 at sama-samang kinanta ng mga kilalang mang-aawit sa Estados Unidos, na karamihan ay itim. Ginawa nila ito bilang tugon sa matinding taggutom sa Africa. Tinawag ng mga mang-aawit ang kanilang sarili na USA for Africa (United Support of Artists for Africa). Ang "We Are The World: The Story Behind the Song" ay isang dokumentaryong tinalakay kung paano isinulat ang kanta, kung paano hinikayat ng prodyuser na si Quincy Jones at mga manunulat na sina Michael Jackson at Lionel Richie ang ilan sa mga pinakasikat na mang-aawit sa Amerika na ibigay ang kanilang serbisyo para sa proyekto.

Kasama sa mga nagsiwawit sina Ray Charles, Bruce Springsteen, Tina Turner, Bob Dylan, Stevie Wonder, Billy Joel, Willie Nelson, Paul Simon, Bette Midler, Diana Ross, at marami pa. Umano'y nasa sampung milyong kopya ng awit ang naibenta sa buong mundo.

Kaya nang sabihan ako sa cultural workshop sa karapatang pantao na isalin ang We Are The World ay agad kong tinanggap. Isang malaking karangalan sa akin na ako ang pinagtiwalaang magsalin nito sa wikang Filipino.

Narito naman ang aking salin ng We Are The World:

TAYO ANG DAIGDIG
ng United Support of Artist for Africa
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Darating ang panahong tutugon tayo sa tiyak na panawagan
Upang ang sangkatauhan ay magsama-sama bilang isa
May mga taong namamatay
At panahon nang akayin sila sa buhay
Na pinakadakilang handog sa lahat.

Hindi tayo maaaring magpanggap araw-araw
Na sinuman, saanman, ay may pagbabagong magaganap
Tayo'y bahagi ng malaking pamilya ni Bathala
At ang katotohanan, alam mo ba
Tanging pag-ibig ang ating kailangan

Tayo ang daigdig
Tayo ang mga anak
Tayo ang nagbibigay liwanag sa buhay
Kaya, simulan na nating magbigay.

May pinipili tayong magagawa
Upang sagipin ang sariling buhay
Tunay nang mas mabuting araw ang malilikha natin,
Ng ikaw lang at ako.

Puso mo'y ipadala sa kanila upang batid nilang may nagmamalasakit
At nang buhay nila'y mas lumakas at maging malaya
Tulad ng pinakita ng Diyos sa atin na bato'y ginawang tinapay
kaya tulong nating lahat ay ialay.

Tayo ang daigdig
Tayo ang mga anak
Tayo ang nagbibigay liwanag sa buhay
Kaya, simulan na nating magbigay.

May pinipili tayong magagawa
Upang sagipin ang sariling buhay
Tunay nang mas mabuting araw ang malilikha natin,
Ng ikaw lang at ako.

Pag dama mo'y pagkasawi't wala na
Na tila wala nang pag-asa
Ngunit kung maniniwala ka lang
Walang dahilang bumagsak tayo
Kaya nga 
Mababatid nating darating ang pagbabago
Kung sama-sama tayong titindig bilang isa

Tayo ang daigdig
Tayo ang mga anak
Tayo ang nagbibigay liwanag sa buhay
Kaya, simulan na nating magbigay.

May pinipili tayong magagawa
Upang sagipin ang sariling buhay
Tunay nang mas mabuting araw ang malilikha natin,
Ng ikaw lang at ako.

Kung si AGA ay may "Ako ang Daigdig" na sikat niyang tula, ang "We Are The World" naman ay sikat na awitin sa buong mundo. Subalit ang bersyon nito sa wikang Filipino ay aawitin pa ng cultural network na nabuo, at sana'y maibidyo ito, mapanood, at maiparinig sa higit na nakararami, dahil sa mensaheng taglay nito. At nawa'y matuloy ang pag-awit nito sa pagkilos sa darating na ika-72 anibersaryo ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao.

Pinaghalawan:
https://genius.com/Usa-for-africa-we-are-the-world-lyrics
https://en.wikipedia.org/wiki/We_Are_the_World
https://en.wikipedia.org/wiki/Alejandro_G._Abadilla
https://philippineculturaleducation.com.ph/aklatang-bayan-2/

Ang awiting ANAK NG MAHIRAP ni Ka Freddie Aguilar

Ang awiting ANAK NG MAHIRAP ni Ka Freddie Aguilar
Sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maganda ang mensahe ng awiting Anak ng Mahirap ni Ka Freddie Aguilar. 

Masarap pakinggan at pagnilayan ang mensaheng nakapaloob dito. Halina't tunghayan natin ang liriko nito:

Ako'y anak ng mahirap
Lumaking salat sa yaman
Maagang nawala si ama
Ang ina ko nama'y mahina na

Kami'y hinamak ng lubusan
Inaapi't tinatawanan
Kami'y itinuring na basahan
Sila ba'y makatwiran

Ako'y naglakbay na mag-isa
Upang aking malimutan
Mga kaapihang dinanas
Ihahanap ng kalunasan

Kami'y hinamak ng lubusan
Inaapi't tinatawanan
Kami'y itinuring na basahan
Sila ba'y makatwiran

Ako'y anak ng mahirap
Ngunit hindi ako nahihiya
Pagka't ako'y mayroon pang dangal
Di katulad mong mang-aapi

Inilarawan ni Ka Freddie ang buhay ng isang anak ng mahirap na naramdaman ang pang-aapi at pagmamaliit sa kanya, o marahil pa'y sa buong pamilya. 

Itinuring silang basahan ng mga trapo't mayayaman. Siya'y tinatawanan, nilalait, at animo'y pinandidirihan na tulad ng mga maysakit na ketong. Isang gulpe de gulat ang binanggit niya sa huling saknong. Bagamat siya'y anak mahirap, hindi siya nahihiya. Bakit? Dahil mayroon pa siyang dangal, na di tulad ng mga mang-aapi, na masahol pa sa hayop ang pag-uugali.

Kaya mahalaga ang isinulat noon ni Gat Emilio Jacinto sa Kartilya ng Katipunan at sa kanyang Liwanag at Dilim. Mahalaga ang pagpapakatao at pakikipagkapwa. Lalo na sa pakikibaka para sa pabahay, makatarungan at makataong lipunan. Mahalaga ang pakikitungo natin sa ating kapwa, sila man ay pulubi, dukha, basahan o trapo. 

Ating basahin ang sinabi ni Gat Emilio Jacinto sa kanyang Liwanag at Dilim:

Ang ningning ay maraya.

Ating hanapin ang liwanag, tayo’y huwag mabighani sa ningning. Sa katunayan ng masamang naugalian: Nagdaraan ang isang karwaheng maningning na hinihila ng kabayong matulin. Tayo’y magpupugay at ang isasaloob ay mahal na tao ang nakalulan. Datapwa't marahil naman ay isang magnanakaw; marahil sa ilalim ng kanyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay natatago ang isang pusong sukaban.

Nagdaraan ang isang maralita na nagkakanghihirap sa pinapasan? Tayo’y mapapangiti at isasaloob: Saan kaya ninakaw? Datapwa’t maliwanag nating nakikita sa pawis ng kanyang noo at sa hapo ng kanyang katawan na siya’y nabubuhay sa sipag at kapagalang tunay.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2019, p.16.

Huwebes, Oktubre 24, 2019

Kwento - Itayo ang isang Kagawaran ng Kultura


ITAYO ANG ISANG KAGAWARAN NG KULTURA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Narinig ko sa karinderya ni Aling Ingrid ang usapan ng ilan nating kababayang kasapi ng isang samahang maralita. Pinag-uusapan nilang dapat may maitayo nang Kagawaran ng Kultura o Department of Culture.

Sabi ni Mang Igme, “Dapat talagang maprotektahan ang ating kalinangan o kultura ng ating lahi. Halimbawa, paano poprotektahan ang mga mahahalagang artifact o artepakto na nawala, nasira o naalis nang kinubkob ang Marawi noong 2017? Ang artifact nga, sa wikang Cebuano, ay karaang butang.”

Agad nagtanong si Aling Ingrid, “Anong ibig mong sabihin?”

Tumugon si Igme, “Sa ngayon kasi ay hindi department level ang kultura sa gobyerno kundi nasa antas komisyon pa lamang. Halimbawa, gagawa ang DPWH ng daan tagos sa bundok upang mapadali ang biyahe, subalit tatamaan naman ang mga hanging coffin sa Sagada. Aba, kung may sekretaryo sa kultura, agad niyang sasabihing huwag ituloy ang balak o kaya’y ilihis ang daraanan dahil may masasagasaan silang mahahalagang artepakto sa ating kultura na baka mawasak.”

Sumabat si Mang Inggo, “Noong panahon namin, noong 80s, may Department of Education, Culture and Sports o DECS na naging DepEd o Department of Education na ngayon. Nawala ang culture and sports. ‘Yung sports yata ay napunta na sa National Sports Commission o Philippine Olympic Committee, ewan ko. Tingin ko lang, ha? ‘Yung culture ay nasa National Commission for Culture and the Arts o NCCA. Tulad ng Komisyon sa Wikang Filipino, nasa antas komisyon lang din ang NCCA, at hindi pa department level.”

“Siyang tunay, mga kasama,” tugon ni Mang Igme, “Mahalagang maitatag ang isang Kagawaran ng Kultura sa ating bansa upang pagsama-samahin ang mga pira-pirasong ahensya ng kultura, may sekretaryo o nasa antas gabinete na magtitiyak na mapangalagaan ang mga katutubong tradisyon at pamana, at mapalakas ang ekonomiya, ngunit hindi masisira ng turismo, at hindi mapagsasamantalahan ang ating mga katutubong minorya. Iyan ang naiisip ko, ha?”

“Maganda ang iniisip mo,” sabi ni Aling Isay, “Subalit karaniwang tao lang tayo dito sa komunidad. Paano magiging batas iyang sinasabi mo. Dapat yata’y gumawa ng petisyon ang mamamayan upang matupad ang ganyang pangarap. Magpapirma tayo upang maisakatuparan ang pagtatatag ng isang Kagawaran ng Kultura sa ating bansa.”

“Sige, gagawin ko  ang petisyon mamayang gabi, at bukas sa pulong natin ay tingnan n’yo kung ayos na.” Ani Igme.

Kinabukasan, sa pulong ng kanilang samahang magkakapitbahay.

“Ito na ang nagawa kong petisyon,” sabi ni Igme, “pakibasa.”

PETISYON SA PAGTATATAG NG KAGAWARAN NG KULTURA SA ATING BANSA

SAPAGKAT wala pa sa antas-gabinete sa Pamahalaan ng Pilipinas ang mga ahensyang may kinalaman sa kultura;

SAPAGKAT panahon na upang pag-isahin sa iisang kagawaran ang iba't ibang ahensya ng kultura, tulad ng National Commission for Culture and the Arts, Cultural Center of the Philippines, National Museum of the Philippines, at National Archives of the Philippines;

SAPAGKAT mahalagang napapangalagaan ng kasalukuyan at ng mga susunod pang henerasyon ang ating mga makasaysayang lugar at pamana, at hindi napagsasamantalahan ang ating mga katutubo;

SAPAGKAT mahalaga ang pagkakaisa sa ginta ng pagkakaiba, pinagbubuti ang pagkamamamayan at pambansang identidad, kinikilala at iniingatan ang kultura tungo sa pambansang pag-unlad.

KAYA, kaming mga nakalagda rito ay humihiling na gumawa ng batas upang maitatag ang isang Kagawaran ng Kultura ng Pilipinas.

“Aba’y maayos na ang pagkakagawa mo, Igme. Ayos na ako riyan. Magpatawag ka na ng pulong sa ating samahan, at imbitahan na natin sina Kongresman at mga Konsehal upang lumagda at mai-file na rin sa ating Kongreso at Senado ang nilalaman niyan.” Sabi ni Aling Isay.

“Hilingin muna nating muli tayong gagamit ng barangay hall sa susunod na Sabado, ikalawa ng hapon. Magpapatawag tayo ng pulong ng samahan upang mapagtibay ito, at imbitahan na rin natin ang mga kapitbahay at mga ka-barangay upang mapag-usapan ito, at nang masimulan na natin ang pagpapalagda.”

“Okay. Isasama ko pati sina kumare sa pulong.” Ani Aling Ingrid.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 16-31, 2019, pahina 18-19.

Lunes, Oktubre 14, 2019

Kwento - Sampung daliri, sampung tao, sampung saging na saba


SAMPUNG DALIRI, SAMPUNG TAO, SAMPUNG SAGING NA SABA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Katatapos lang ng paggunita sa ikasampung anibersaryo ng Ondoy at napag-usapan din ang isang bayaning nagbuwis ng buhay para iligtas ang nasa dalawampung katao sa kasagsagan ng Ondoy. Isang pangalang di malilimot si Muelmar Magallanes, isang construction worker na taga-Barangay Bagong Silangan sa Lungsod Quezon.

Kinabukasan, mayroong pag-aaral hinggil sa paksang ARAK o Aralin sa Kahirapan sa tanggapan ng KPML o Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod. Napag-usapan ang pag-aalay ng buhay ni Muelmar upang magligtas ng kapwa niya kababayan.

“Dahil pinag-uusapan natin ay hinggil sa kahirapan, at kahapon ang ikasampung anibersaryo ng Ondoy,” pagsisimula ni Mulong, “bakit ba tayo naghihirap, at bakit ang isang mahirap tulad ni Muelmar, kahit nagsisikap tayo, ay nananatiling mahirap? Pansinin natin ang salitang sampu. Ikasampung anibersaryo ng Ondoy, sampu tayo ngayon dito, may sampu tayong daliri, at may dalang sampung saging na saba si Aling Isay. Ano kaya kung kunin ko ang siyam na saging na saba at paghatian ninyong siyam ang isang saba? Makatarungan ba iyon?”

Sumagot si Igme, “Aba’y kasuwapangan na iyan. Hindi parehas ang hatian! Maling-mali ang ganyang palakad.”

“Paano kung apat lang ang kunin ko, at paghatian ninyong siyam ang anim na saba? E, di may tig-dalawang katlo kayo o 2/3 bawat saging. Aba, mabubusog na kayo niyan.” Tanong muli ni Mulong.

Si Ingrid naman ang sumagot, “Mali pa rin iyan dahil hindi pantay ang hatian. Nilalamangan mo na kami.”

“Paano kung ako ang bumili ng sampung saba at nagbayad ng buo kay Aling Isay, at apat lang ang kinuha ko, ibinigay ko sa inyo ang anim upang paghatian ninyo?”

Medyo napaisip ang mga lumahok sa pagsasanay.

“Ayos na rin iyan, ikaw naman ang bumili.” Ani Inggo.

“Ganyan din sa lipunan,” pagpapatuloy ni Mulong, “halimbawa na lang sa lipunang pyudal. Kung sino ang may-ari ng lupa, sa kanya napupunta ang mas malaking bahagi habang ang mga magsasakang nagsikap maglinang ng lupa, mag-araro, magtanim, magdilig, at mag-ani ay siyang kaunti ang nakukuha. Usapan pa nila’y 70-30 ang hatian.”

“Dahil inaaral natin ang ating kalagayan,” sabi ni Igme, “dapat suriin din natin ang di pagkakapantay sa lipunan. Tama ba? Ibig sabihin, dahil sa pribadong pag-aari, kahit ano ang gustong gawin ng may-ari, wala tayong magagawa. Subalit kung walang sinumang nag-aari ng lupa, gaya noong unang panahon, hindi kakain ang sinumang hindi kumakayod.”

“Tama ka, Igme,” ani Mulong. Tulad din ng sampung saging na saba na hahatiin sa ating sampu. Dapat tayo ay may tig-isang saging. Kaya walang lamangan. Ngunit sa umiiral na sistema ng lipunan ngayon, aba’y pulos lamangan. Palibhasa’y sila ang may-ari ng pabrika ay maaari na nilang isahan tayong mga manggagawa.”

“Ibig sabihin pala,” ani Ingrid, “kahit sampu tayo ngunit dahil isa ang bumili para sa atin, maaari niyang kunin ang lima at hatiin ng siyam ang lima pa. Kaya mahirap talagang maging mahirap. Trato sa iyo ay hindi kapwa. Parang pulubing walang karapatang pumili ng iaabot sa kanya.”

“Mabuti’t inyong nauunawaan kung gaano talaga kalupit ang umiiral na sistema. Kaya nga pag may rali o anumang pagkilos tayo, isinisigaw natin ay ‘Baguhin ang sistema’ o kaya’y ‘Wakasan ang bulok na sistema’ dahil nga sa ganyang abuso sa ating mga karapatan. At ano naman ang ipapalit natin sa bulok na sistema? Dapat isang sistemang pantay ang karapatan ng lahat, at kakain yaong mga manggagawang lumilikha ng ekonomya ng bansa, at nagpapakain sa buong lipunan, gaya ng mga magsasaka. Dapat walang hari, walang reyna, walang monarkiya, walang asendero, walang kapitalista, upang lahat ng tao ay makinabang sa kanilang pinagpaguran. Hindi kakain ang uupo-upo lang at kukuya-kuyakoy lang habang kayod-kalabaw ang mga nagdaralita.”

Sumagot si Isay, “Nauunawaan na namin ang kahalagahan ng pantay na hatian sa lipunan. Dapat nga talagang pairalin ang ganyan. Maraming salamat sa ganitong mga pag-aaral na sana’y marami pang makaalam.”

“Maraming salamat din sa inyong lahat sa pagdalo.” Ani Mulong.

Umuwi silang may kislap na pag-asa sa kanilang mga mata.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 1-15, 2019, pahina 18-19.