Sabado, Disyembre 13, 2025

Pagdalo sa talakayan hinggil sa dystopian fiction

PAGDALO SA TALAKAYAN HINGGIL SA DYSTOPIAN FICTION
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Lumahok ako kanina sa forum na Writing Dystopian Fiction, sa booth ng Adarna House sa Gateway Mall sa Cubao, na ang tagapagsalita ay si Ginoong Chuckberry Pascual. 

Ilan sa aking mga nakuhang punto o natutunan: 
1. Ang Dystopian pala ay tulad sa Armaggedon.
2. Kabaligtaran iyon ng utopian, na ang Utopia ay magandang lugar, ayon sa akda ni Sir Thomas More. Ang dys ay Griyego sa masama o mahirap, at ang topos ay lugar. Dystopia - masamang lugar.
3. Tatlong halimbawa ang tinalakay niyang dystopian fiction, ang pelikulang Hunger Games, ang pelikulang DIvergence, at ang nobelang 1984 ni George Orwell.
4. Ang dystopian fiction ay inimbento ni John Stuart Mill noong 1898.
5.. Paano pag sa Pilipinas nangyari, o Pilipinas ang setting, lalo na;t dumaan tayo sa pandemya, bakuna, anong mga pananaw, bakit di pantay ang lipunan.
6. Ekspresyon ito ng takot at pag-asa pag nawasak ang mundo
7. Sa pagsusulat, mabuting magkaroon ng character profile. Edad, uring pinagmulan, kasarian, pamilya, kaibigan, kapaligiran.
8. Itsura ng mundo - araw-araw na pamumuhay, tubig, pagkain, damit, teknolohiya, kaligtasan mula sa panganib
8. Uri ng gobyerno - totalitarian, batas, kultura, pagbabago sa ugali o pananaw
9. Di nakikita - mga lihim, kasinungalingan, kadiliman at kasamaan, pagkabulok ng lipunan
10. Banghay - normal na dystopia, watda o silip sa hindi nakikita, detalyeng magbibigay ng bagong pananaw sa pangunahing tauhan, anong desisyon ng bida - lalaban o uurong?, new normal - ang mundo pagkatapos ng pagbabago
11. Paano pa rin mananatiling tao, na may dignidad
12. Personal journey ang pagsusulat, may maituturo hinggil sa istruktura ng pagsusulat ngunit hahanapin mismo ng manunulat ang sarili niyang estilo

Nagtaas ako ng kamay ng ilang beses sa open forum:
1. Tinukoy ko bilang halimbawa ang RA 12252 na magandang gawing dystopian fiction, dahil ginawa nang batas na pinauupahan na sa dayuhan ng 99 na taon ang lupa ng bansa
2. Anong kalagayan ng bayan? Binanggit kong naisip ko bilang dystopian fiction ang mga tinokhang, na bumangon at naging zombie upang maghiganti, na ayon sa tagapagsalita, ay magandang ideya
3. (Hindi ko na naitanong dahil ubos na ang oras?) Paano kung ang kasalukuyang gobyerno ay puno ng kurakot? Pag-iisipan ko kung paano ang dystopian fiction na aking isusulat.

Nang matapos ang talakayan ay book signing na ng kanyang libro sa mga dumalo roon at nakinig.

Sabado, Nobyembre 29, 2025

Lunsad-aklat sa rali

LUNSAD-AKLAT SA RALI

Nailunsad din ang 40-pahinang aklat kong "Malayang Salin ng mga Tulâ ng Makatang Palestino" ngayong Nobyembre 29, 2025, International Day of Solidarity with the Palestinian People, sa pagkilos ng iba't ibang grupo kaninang umaga sa Liwasang Bonifacio sa Maynilâ.

Isa ako sa mga nagbigay ng pahayag sa pamamagitan ng pagtulâ. May iba ring bumigkas ng tulâ, umawit at sumayaw. Kasabay ng paglulunsad ng aklat ay binigkas ko roon ang tulang "Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, Inay" na salin ko ng tu ng makatang Palestinong si Zayna Azam, at binigkas ko rin ang isa pang tulang katha ko hinggil sa pakikibaka ng mga Palestino.

Maraming salamat sa lahat ng mga sumuporta at bumili ng munti kong aklat ng salin ng tula ng mga makatang Palestino. Mabuhay kayo!

Miyerkules, Nobyembre 12, 2025

Korapsyon: Kung anong bigkas, siyang baybay

KORAPSYON: KUNG ANONG BIGKAS, SIYANG BAYBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabasa ko ang sinulat ni National Artist Virgilio S. Almario sa kanyang kolum na Filipino Ngayon sa pesbuk hinggil sa baybay ng salin sa wikang Filipino ng corruption. Tinalakay nga niya kung korupsiyon ba o korapsiyon ang tamang salin. Basahin ang kanyang sanaysay na may pamagat na KORUPSIYON O KORAPSIYON? sa kawing na: https://web.facebook.com/photo?fbid=1403137705151190&set=a.503294381802198

Pansinin. Sa dalawang nabanggit na salitâ ay kapwa may titik i sa pagitan ng titik s at y. Hindi niya binanggit ang salitang korapsyon. Palagay ko'y dahil mas akademiko ang kanyang talakay.

Sa karaniwang manunulat tulad ko, natutunan ko ang isang batas sa balarila na nagsasabing kung anong bigkas ay siyang baybay. O kung paano sinabi ay iyon ang ispeling.

Kaya sa wari ko ay walang mali sa salitang korapsyon o kaya'y kurapsyon. Di tayo tulad ng mga Inglesero na talagang mahigpit sa ispeling.

Ang salitang korapsyon ang ginamit ng mga taga-Pasig sa kanilang konsiyertong Pasig Laban sa Korapsyon noong Nobyembre 8, 2025, kung saan isa ako sa naimbitahang bumigkas ng tulâ hinggil sa nasabing napapanahong isyu.

Kaya ang salitang korapsyon ang gagamitin ko sa ipapagawa kong tarp para sa paglahok sa isang konsyerto sa Nobyembre 22, kung saan nakasulat: National Poetry Day 2025: TULA'T TULIGSA LABAN SA KORAPSYON. Planong ganapin iyon sa isang komunidad ng maralita sa Malabon. Tutulâ ako sa konsiyerto bilang sekretaryo heneral ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Ang salitang iyon din ang madalas kong gamitin sa pagkathâ ng tulâ. At iyon din ang naisip kong gamitin sa isang munting aklat ng tulâ na ilalabas ko sa Disyembre 9, kasabay ng International Anti-Corruption Day. Ang nasabing libreto, na sukat ay kalahating short bond paper at nasa limampung pahina, ay may pamagat na TULA'T TULIGSA LABAN SA KORAPSYON.

Gayunman, iginagalang ko ang pagtingin ni Rio Alma (sagisag sa pagtulâ ni V. S. Almario) hinggil sa korupsiyon o korapsiyon. Si Sir Rio ay naging gurô ko sa pagtulâ sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) nang kumuha ako ng pagsasanay rito mula Setyembre 1, 2001 hanggang grumadweyt dito noong Marso 8, 2002.

Halina't abangan ang paglulunsad ng munting aklat laban sa korapsyon sa Disyembre 9, ang pandaigdigang araw laban sa korapsyon. Inaayos lang ang lugar na paglulunsaran ng aklat.

11.12.2025

P.S. Salamat kay Ninong Dado sa litrato

Lunes, Nobyembre 10, 2025

Si Prof. Xiao Chua at ako

Litrato kuha sa book launching ng "1 Xiao Time, Mga Dakilang Pilipino" sa HistoEx (History to Experience) sa Gateway 2, Cubao, QC, Agosto 3, 2025.

Litrato kuha sa Bantayog ng mga Bayani, Oktubre 22, 2022, sa aktibidad na Balik-Alindog Bantayog.

SI PROF. XIAO CHUA AT AKO

Mabuti't natatandaan pa ako ng historyan na si Prof. Michael Charleston "Xiao" Chua nang makabili ako ng aklat niyang "1 Xiao Time, Mga Dakilang Pilipino" sa HistoEx (History to Experience) sa Gateway 2 sa Cubao. Natandaan niya ako dahil isinulat niya ang dedikasyon sa aking pangalan.

3 Agosto 2025
Para kay Greg Bituin,
Bayani ng kalikasan!

Xiao Chua

Nakatutuwa dahil isinulat niya roon ang "Bayani ng kalikasan!" na ibig sabihin, tanda niya na naging magkatabi kami sa upuan noong 2016 nang dumating dito sa Pilipinas si dating US Vice President Al Gore para sa tatlong araw na Climate Reality training. Dinaluhan din iyon ng aking namayapang asawang si Liberty, na di ko pa asawa noong panahong iyon. Naganap iyon sa Sofitel sa Lungsod Pasay noong Marso 14-16, 2016. Nakabili noon si Prof. Xiao ng dalawa kong aklat, ang "Sa Bawat Hakbang, Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban" na katipunan ng mga tula sa paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban noong bago mag-unang anibersaryo ng super typhoon Yolanda, at ang aklat ko ng mga sanaysay na may pamagat na "Ang Mundo sa Kalan". Dalawang aklat hinggil sa kalikasan.

Kaytindi ng memorya o photographic memory ni Prof. Xiao, pagkat siyam na taon makalipas ay tanda pa niya ako kaya may mensaheng 'Bayani ng kalikasan!' Mga kataga itong ngayon ay nagsisilbing isnpirasyon ko kaya nagpapatuloy ako sa pagtataguyod ng pagprotekta sa kalikasan at pagiging aktibo sa mga organisasyong makakalikasan, tulad ng Green Convergence, SALIKA (Saniblakas ng Inang Kalikasan) at PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). Siya pa lang ang nagtaguri sa akin ng ganyan mula pa nang maging aktibo ako sa kilusang maka-kalikasan o environment movement noong 1995 dahil sa imbitasyon ni Roy Cabonegro, environmentalist na tumakbong pagka-Senador ng Halalang 2022 at 2025. Opo, makalipas ang tatlumpung taon. Maraming salamat, Prof. Xiao.

Ikalawang pagtatagpo namin ni Prof. Xiao Chua ay noong Oktubre 22, 2022 sa Bantayog ng mga Bayani kung saan maraming boluntaryo ang naglinis doon sa panawagang Balik-Alindog, Bantayog, at nabigyan ako roon ng t-shirt. Nakabili rin siya ng aklat ko ng saliksik ng mga tula at akdang Liwanag at Dilim ni Gat Emilio Jacinto, na matalik na kasama ni Gat Andres Bonifacio sa Katipunan, aklat na 101 Tula, at dalawang isyu ng pahayagang Taliba ng Maralita ng samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Ikatlong pagtatagpo, ako naman ang bumili ng libro niyang "1 Xiao Time, Mga Dakilang Pilipino". Naganap iyon sa launching ng kanyang aklat sa booth ng Philippine Historical Association (PHA) sa Gateway 2, Araneta Center sa Cubao, Lungsod Quezon noong Agosto 3, 2025. Bumili rin ako roon ng kanilang mug o tasa para sa kape na may tatak na Philippine Historical Association (PHA) na siya kong ginagamit ngayon habang nagsusulat.

Mabuhay ka at maraming salamat, Prof. Xiao Chua!

Biyernes, Oktubre 17, 2025

Pagbigkas ng 4 na tula sa AILAP hinggil sa Palestine

Dumalo at bumigkas ng apat na tula sa aktibidad para sa Palestine, na pinangunahan ng AILAP (Ateneo Institute for Literary Arts and Practices). Binigyan nila ako ng complimentary book na "Pagkat Tayo Man ay May Sampaga" hinggil sa Palestine na gawa ng mga makata at manunulat na Pilipino, habang nakapagbenta naman ako sa kanila ng 14 na kopya ng aklat ng salin ko ng mga tula ng makatang Palestino. Taospusong pasasalamat sa AILAP sa pagbibigay sa akin ng pagkakataon na tumula sa kanilang event.





Sa EDSA Shrine, pakikiisa laban sa korapsyon

Nagtungo, gabi na, mga 6:30 pm, sa Edsa Shrine, bilang pakikiisa sa pakikibaka laban sa korapsyon!




Protesta laban sa korapsyon, Biyernes, sa harap ng NHA, 10am



Matagumpay! Tumayo ako sa harapan ng tanggapan ng NHA ng 10am sa Biyernes, Oktubre 17, International Day for the Eradication of Poverty, dala ang mga panawagang:

WAKASAN ANG KAHIRAPAN!
WAKASAN ANG KORAPSYON!
IKULONG LAHAT NG KURAKOT!

* Napagpasyahan ko nang gawin ito tuwing Biyernes, 10 am sa harap ng NHA, bilang bahagi ng Black Friday Protest; at sa gabi ng Biyernes sa EDSA upang sumama naman sa White Friday Protest hangga't walang nakukulong na corrupt officials.

* Ito pa, World Anti-Corruption Day, December 9, Martes.
Plano, sa Senado naman.