Sabado, Hunyo 29, 2024

Kwento - Tax the Rich, Not the Poor! Kahirapan Wakasan! Kayamanan Buwisan!

TAX THE RICH, NOT THE POOR!
KAHIRAPAN WAKASAN! KAYAMANAN BUWISAN! 
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ilan lang iyon sa mga islogan sa plakard na aking nakita nang ako’y dumalo sa isang Wealth Tax Assembly ngayong taon: “Tax the Rich, Not the Poor!” “Kahirapan Wakasan! Kayamanan Buwisan!” Subalit dalawang taon na ang nakararaan, sa kampanyahan ng Halalan Pampanguluhan 2022 ko pa unang nabatid ang hinggil sa wealth tax. Isa iyon sa plataporma ng noon ay tumatakbo para maging pangulo ng Pilipinas, si Ka Leody de Guzman, isang kilalang lider-manggagawa.

Mataman akong nakinig sa asembliyang iyon kung saan mula sa iba’t ibang saray ng sagigilid o marginalized sector ang tagapagsalita. Ilan sa mga naging tagapagsalita ay sina Tita Flor ng Oriang na grupo ng kababaihan, Ka Luke ng BMP, Rovik ng Freedom from Debt Coalition (FDC), Sir Benjo mula sa Teachers Dignity Coalition (TDC), ang lider kabataang si John na ngayon ay nasa Asian People’s Movement on Debt and Development (APMDD), si Jing mula sa Women, si Paolo sa kalusugan, ako sa maralita, at umawit din ang grupong Teatro Pabrika.

Maghapon iyon, at nang mag-uwian na ay nagkausap kami nina Mang Igme, Aling Isay, Mang Inggo, Aling Ines, Mang Igor, at Aling Ising, na pawang mga lider-maralita mula sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Animo’y pagtatasa iyon malapit sa sakayan ng dyip mula UP patungong Philcoa.

“Alam n’yo, mga kasama, “ panimula ni Mang Igme. “Tama naman na magkaroon tayo ng ganitong pag-uusap hinggil sa wealth tax. Aba’y minsan nga, nababalitaan natin na hindi raw nagbabayad ng tamang tax ang mga bilyonaryo, tulad ni Lucio Tan. Habang tayong nagdaralita ay nagbabayad pa rin ng buwis, kahit indirect tax tulad ng 12% VAT sa bawat produkto, na siya ring binabayaran ng mayayaman sa bawat produkto. Aba’y hindi yata patas ang ganoon,”

Sumagot si Aling Isay, “Natatandaan ba ninyo noong nakaraang halalan, nang binanggit ni Ka Leody na plataporma niya ang wealth tax, aba’y agad tinutuian iyon ng Makati Business Club, na isa sa malalaking grupo ng mayayamang negosyante sa ating bansa. Ibig sabihin, talagang matindi ang isyu ng wealth tax na iyan pagkat kukunan ng pera ay ang mga mayayaman. Ano ba namang kunan sila ng malaking buwis ay hindi naman nila mauubos iyon sa buong buhay nila?!”

“Para bagang tinamaan ang kanilang sagradong pag-aaring pribado, kaya sila umaaray!” Sabi ni Aling Ising.

“Sinabi mo pa,” sabat naman ni Mang Inggo, “Kaya bukod sa 4PH na di naman makamaralita, iyang wealth tax ang maganda nating maibabahagi sa mga kapwa maralita na dapat nating ipaglaban!”

Nagtanong si Aling Ines, “Subalit paano ba natin maikakampanyang magkaroon ng wealth tax sa mga tao nang malaliman at tagos sa puso, upang maunawaan talaga nila? Eh, ako nga’y di pa malalim ang kaalaman diyan.”

Sumagot si Mang Igme, “Sa ngayon, gagawa muna tayo ng polyeto, at magbibigay ng mga pag-aaral, na matatalakay natin sa mga pulong ng samahan. Isasama natin ang wealth tax sa kursong Aralin sa Kahirapan (ARAK), maging sa kursong Puhunan at Paggawa (PAKUM), Landas ng Uri (LNU), at PAMALU (Panimulang Aralin ng Maralitang Lungsod). Bigyan natin ito ng dalawang linggo upang matapos, at sa ikatlong linggo ay mag-iskedyul na tayo ng mga pag-aaral sa mga kasaping lokal na organisasyon (LOs). Ayos ba sa inyo iyan?”

“Tutulong ako sa pagpa-repro ng polyeto.” Sabi ni Mang Igor.

“Baka nais mong tumulong na rin sa paggawa ng mga metakard para sa pag-aaral dahil wala tayong projector na ginagamit ng mga guro natin. Ayos ba sa iyo, Igor?” Tanong ni Mang Igme.

“Sige po, tutulong po ako riyan. Nais ko na po talagang umpisahan na iyan. Maraming salamat po sa tiwala.”

Maya-maya ay may dumating nang dyip patungong Philcoa at sabay-sabay na kaming sumakay. Si Mang Igme ang taya sa pamasahe.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hunyo 16-31, 2024, pahina 18-19.

Lunes, Hunyo 10, 2024

Walong libreng aklat mula sa KWF

WALONG LIBRENG AKLAT MULA SA KWF
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nang nabasa ko sa anunsyo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na may booth sila sa Luneta Park mula ngayon hanggang bukas bilang paghahanda nila sa "Araw ng Kalayaan" ay talagang sinadya ko sila, lalo na't patungo naman ako sa isang pulong sa ilang kasama sa San Andres Bukid sa Maynila bilang isa sa gawain ko sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Bilang makata't aktibistang manunulat, sinusuportahan ko ang anumang aktibidad hinggil sa sariling wika, lalo na sa panitikan. Kaya hindi na ako nagdalawang-isip na magtungo sa Luneta at hanapin ang booth ng KWF.

Pagdating ko sa Luneta, maraming booth ang naroon, na pawang mga ahensya ng pamahalaan. Napadaan ako sa booth ng Department of Agriculture, at nakahingi ng apat na primer mula sa Bureau of Plant Industry: Gabay sa Pagtatanim ng Malunggay, Pagpapatubo ng Gulay sa Pamamagitan ng Hydroponics, Organic Production of Cashew Planting Materials, at Organic Mugbean Seed Production. At nabigyan nila ako ng limang balot ng iba't ibang binhing pantanim.

Nag-ikot pa ako hanggang matagpuan ko ang booth ng KWF. Doon ay nabigyan nila ako ng walong mahahalagang aklat ng libre, na may nakatatak sa loob na Komplimentaryong Kopya mula sa KWF. Halos matalon ako sa tuwa. Naroon din ang isang kawani ng KWF na kumumusta sa akin, at sinabing nagkita na kami sa University of Asia and the Pacific, nang inilunsad nitong Abril ang Layag, na isang araw na kumperensya ng mga tagasalin. 

Ang mga aklat na ibinigay ng KWF ay ang mga sumusunod:
Dalawang Maikling Kwento
1. Kung Ipaghiganti ang Puso - ni Deogracias A. Rosario, 16 pahina
2. Ang Beterano - ni Lazaro Francisco, 28 pahina
Dalawang Maikling Kwentong Salin mula sa Ingles
3. Malaki at Maliit na Titik - ni Manuel E. Arguilla, salin ni Virgilio S. Almario, 36 pahina
4. Rubdob ng Tag-init - ni Nick Joaquin, salin ni Michael M. Coroza, 28 pahina
Tatlong Sanaysay sa Mahahalagang Usapin
5. Monograph 7: Purism and "Purism" in the Philippines, ni ni Virgilio S. Almario, 84 pahina
6. Monograph 9: Filipino at Amalgamasyong Pangwika - ni Virgilio S. Almario, 72 pahina
7. Monograph 11: Tatlong Siglo ng Pagsasaling Teknikal sa Filipinas - ni Virgilio S. Almario, at Pampanitikang Gawain ang Pagsasalin - ni Michael M. Coroza, 64 pahina
At isa pa:
8. Ang Tsarter ng ASEAN, 56 pahina

Ang una hanggang ikapito ay pareho-pareho ang sukat: 5.5" x 8.5" samantalang ang ikawalo ay maliit, na may sukat na 4.25" x 5.75".

Isa lang ang binili ko roon na may presyo talaga. Ang aklat na Introduksyon sa Leksikograpya sa Filipinas, ni Virgilio S. Almario, kalakip ang mga saliksik nina Cesar A. Hidalgo at John Leddy Phelan. Ang aklat na itong binubuo ng 248 pahina ay may sukat na 7" x 10".

Matapos iyon ay saka na ako nagtungo sa pulong namin sa San Andres.

Kumbaga, isang magandang karanasan na nakapunta ako sa booth ng KWF at nabigyan ako ng walong libreng libro. Maraming maraming salamat po.

MUNTING PASASALAMAT SA KWF

salamat po sa Komisyon sa Wikang Filipino
sa ibinigay na walong kopyang komplimentaryo
sadyang sa munti kong aklatan ay nadagdag ito
na aking babasahin naman sa libreng oras ko

apat na maikling kwento, dalawa rito'y salin
mga sanaysay pa sa pampanitikang usapin
ang Tsarter ng ASEAN ay maganda ring aralin
tiyak kong mga ito'y kagigiliwang basahin

tangi kong binili'y ang librong Leksikograpiya
interesado ako sa paksa't nais mabasa
leksikograpo'y tagatipon ng salita pala
na diksyunaryo ang proyekto't kanilang pamana

muli, maraming salamat sa nasabing Komisyon
ang mga bigay ninyong libro'y yaman ko nang ipon
bilang makata ng wika, ito'y isa kong misyon
upang mapaunlad ang wika kasabay ng nasyon

06.10.2024

Biyernes, Hunyo 7, 2024

P59 bawat aklat

P59 BAWAT AKLAT
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakamura ako ng bili ng mga aklat. Buti't nagtungo ako sa 25th Philippine Academic Book Fair sa Megatrade Hall 1, sa SM Megamall sa Lungsod ng Mandaluyong. Sa UP Press ay maraming bargain na aklat sa halagang P59 bawat isa at may ilang P30 naman. Tatlong aklat ng tulang binili ko'y akda ng dalawang national artist for literature. Dalawa kay Gemino H. Abad at isa kay Cirilo H. Bautista.

Huling araw na pala iyon ng tatlong araw na book fair kaya agad akong pumunta. Kabibigay rin lang ng alawans ko mula sa KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) kung saan naglilingkod ako roon bilang halal na sekretaryo heneral. Imbes na alak at sigarilyo (di naman ako nagyoyosi) at bilang mananaludtod ay bisyo kong mangolekta ng aklat pampanitikan kaya iyon ang pinagkagastusan ko. Nagtira naman ako para sa pang-araw-araw na gastusin. Bihira lang naman ang ganitong book fair.

Nilibot ko muna ang buong paligid. Iba't ibang publishing house ang kalahok doon. At agad akong tumigil nang makita ko na ang booth ng University of the Philippines Press, at sa dakong bargain ay nakita ko ang mga pinangarap kong libro noon, na ngayon ko lang nabili.

Binili ko ang mga sumusunod na aklat:
1. Ang Gubat - ni William Pomeroy (kanuuang 380 pahina, 52 pahina ang Roman numeral, at 328 ang naka-Hindu Arabic numeral) 
2. Bilanggo - ni William Pomeroy (232 pahina sa kabuuan, kasama na ang 18 pahinang naka-Roman numeral)
3. Mula sa mga Pakpak ng Entablado - ni Joi Barrios (322 ang kabuuang pahina)
4. Pag-aklas / Pagbaklas / Pagbagtas - ni Rolando B. Tolentino (314 ang kabuuang pahina)
5. Mindanao on My Mind and Other Musings - ni Nikki Rivera Gomez (274 ang kabuuang pahina)
6. Canuplin at iba pang akda ng isang manggagawang pangkultura - ni Manny Pambid (454 ang kabuuang pahina)
7. Makinilyang Altar - ni Luna Sicat-Cleto (166 ang kabuuang pahina)
8. Decimal Places - Poems - ni Ricardo De Ungria (134 ang kabuuang pahina)
9. Where No Works Break, New Poems and Past - ni national artist for literature Gemino H. Abad (190 ang kabuuang pahina)
10. The Light in One's Blood: Select Poems, 1973-2020 - ni national artist for literature Gemino H. Abad (368 ang kabuuang pahina)

May iba pa akong nabiling aklat, dalawang tigsandaang piso at tatlong tigte-trenta pesos. Opo, P30 lang, ganyan kamura.

Hindi na ako nagdalawang isip na bilhin ang aklat na "Ang Luwa at Iba Pang Tula ni Jose Badillo" pagkat nabanggit na ito sa akin ilang taon na ang nakararaan ni Ka Apo Chua, na isang makatang Batangenyo. Isa si Ka Apo sa mga tatlong editor ng nasabing aklat. Binubuo ito ng 390 pahina, kung saan ang 30 pahina ay nakalaan sa Talaan ng Nilalaman, Pagkilala at Pasasalamat, at Introduksyon ni Ka Apo Chua. Nakatutuwang nabili ko na ang aklat na ito ngayon at sa murang halagang P100.

P100 rin ang "Migrations and Mediations: The Emergence of Southeast Asian Diaspora Writers in Australia, 1972-2007" (474 kabuuang pahina) ni Jose Wendell P. Capili.

Tigte-trenta pesos naman ang mga makasaysayang akdang Lupang Hinirang (140 ang kabuuang pahina) ni Pedro L. Ricarte, na unang nilathala ng Philippine Centennial Commission, ang Tinik sa Dila, isang Katipunan ng mga Tula (158  ang kabuuang pahina) ni national artist for Literature Cirilo F. Bautista, at ang Himagsik ni Emmanuel (184 na pahina) ni Domingo Landicho, na agad namang binasa ng aking pamangkin.

Mahahalaga ang mga aklat na ito, na halos lahat ay pampanitikan, at ang iba'y pangkasaysayan, na magandang ambag sa munti kong aklatan.

Taospusong pasasalamat talaga sa UP Press na nagbenta ng aklat nila sa murang halaga. Mabuhay kayo, UP Press!

Aabangan ko ang mga susunod pang Philippine Academic Book Fair dahil masaya ang pakiramdam na naroroon ka sa mga ganoong malaking aktibidad.

06.07.2024