Lunes, Marso 24, 2025

Ang pito kong aklat ni Ligaya G. Tiamzon Rubin

ANG PITO KONG AKLAT NI LIGAYA G. TIAMZON RUBIN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakabili ako ng pitong aklat ng manunulat na si Ligaya Tiamzon-Rubin sa Philippine Book Festival 2025. Ang nakatutuwa rito, tigsisingkwenta pesos ang bawat isa. Kaya P350 lahat ito (P50.00 x 7 = P350.00).

Ikalawa, nakakatuwa dahil anim sa pitong aklat ang tungkol sa Angono, Rizal. Dahil minsan na rin akong tumira at nagbahay sa isang lugar sa Angono, sa Mahabang Parang, nang halos anim na taon.

Baguhang staff pa lang ako ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) nang tumira ako roon, dahil isa sa mga lider ng KPML, si Ka Joel na nasa kalapit na barangay na sakop ng Teresa, Rizal, ay kinupkop ako, at doon na rin nagsimulang mag-organisa ng maralita. Bandang taon 2002 hanggang 2007 ako naroon.

Nawala lang ako sa Angono dahil sa paghihiwalay ng grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at ng grupong Partido Manggagawa (PM). Ang KPML, kung saan ako staff, ay pumanig sa BMP, habang ang lider ng KPML na si Ka Joel, ay napunta sa PM.

Kilala ko na noon pa si Ligaya Tiamzon Rubin dahil nagsusulat siya sa magasing Liwayway na hilig kong bilhin dahil sa mga nobela, komiks, maikling kwento at tulang nalalathala rito. Kumbaga, ito lang ang magasing pampanitikan na nalalathala sa wikang Tagalog.

Kaya nang makita ko ang mga aklat ni Rubin sa booth ng UST Publishing House ay binili ko muna ang apat na aklat, at sa ikaapat na araw ang tatlong aklat. Una kong nabili ang Dangal ng Angono Book 1, ang Angono, Rizal Book 4 - Sa Mata ng mga Iskolar ng Bayan, ang Angono, Rizal Book 6 - Pagtatala ng Gunita, at ang Angono, Rizal Book 7 - Doon Po sa Amin. Sa huling araw ng festival ay nabili ko naman ang Angono, Rizal Book 8 - Lahat ay Bida, ang Angono, Rizal Book 19 - Itanghal ang Bayan, at Paano Nagsusulat ang Isang Ina.

Ang bawat aklat ay may sukat na 6" x 9" na may kapal na kalahating dali, at naglalaro sa humigit kumulang 250 pahina bawat libro. Bawat aklat na Angono, Rizal ay katipunan ng akda ng iba't ibang manunulat, na tinipon ni Ligaya Tiamzon-Rubin, kasama ang kanyang mga sinulat.

Habang ang aklat na Paano Nagsusulat ang Isang Ina ay katipunan ng mga sanaysay ni Gng. Rubin. At ang sanaysay na Paano Nagsusulat ang Isang Ina ay nagkamit ng ikalawang gantimpala sa sanaysay sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1981. Naroon din sa aklat na iyon ang isa niyang sanaysay sa Ingles na may pamagat na Turning Back and Moving Forward na nanalo naman ng Third Prize sa Essay sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1980.

Nais kong basahin ang mga sulatin hinggil sa Angono dahil minsan na rin akong naging anak nito.

LIGAYA TIAMZON RUBIN

minsan na rin akong nanahan sa Angono, Rizal
bilang istap ng isang samahan ng maralita
doon ay halos anim na taon akong tumagal
na dahil sa problemang pangsamahan ay nawala

kaya nang sa Philippine Book Festival makita ko
ang mga librong hinggil sa Angono'y binili na
di na ako nagdalawang isip na bilhin ito
lalo't napakamura, limampung piso ang isa

maraming salamat, Ligaya G. Tiamzon Rubin
sa mga sulatin mong pamana sa sambayanan
nang isinaaklat mo ang iba't ibang sulatin
sinulat mo ang tungkol sa lupa mong tinubuan

tunay na inspirasyon ka't mga akda'y kayhusay
tangi kong masasabi'y taospusong pagpupugay!

03.24.2025

Miyerkules, Marso 19, 2025

Aklat ni at kay Lualhati Bautista

AKLAT NI AT KAY LUALHATI BAUTISTA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kilala natin si Lualhati Bautista bilang manunulat ng nobela, tulad ng Gapo, Desaparesidos, Bata, Bata, Paano Ka Ginawa, at Dekada '70. Subalit hindi bilang makata. Kaya nang makita ko ang aklat niyang Alitaptap sa Gabing Madilim (Koleksyon ng mga tula) ay hindi na ako nagdalawang isip na bilhin, kahit pa iyon ay singhalaga ng siyam na kilong bigas na P50 kada kilo. Ang mahalaga'y magkaroon ako ng kanyang aklat, dahil baka di ako mapakali pag hindi iyon nabili.

May aklat din ng pagtalakay sa pagiging nobelista ni Lualhati Bautista ang magaling na awtor na si E. San Juan Jr., kung saan tinalakay niya ang 'mapagpalayang sining ng kababaihan sa Pilipinas'.

Nabili ko ang aklat ng mga tula ni Lualhati Bautista sa booth ng Anvil Publishing sa ikalawang araw ng Philippine Book Festival 2025 sa halagang P450.00. At nabili ko naman sa booth ng UST Publishing House sa ikaapat at huling araw ng nasabing festival ang aklat na Lualhati Bautista Nobelista sa halagang P260.00.

Laking kagalakan para sa akin ang magkaroon ng dalawang aklat pagkat bihira ang ganitong aklat sa maraming book store sa Kalakhang Maynila. Kailangan pa talagang sadyain ang mga ito sa tagapaglathala kung alam mong meron nito. Subalit ako'y walang alam na may ganitong aklat, kaya buti't nakapunta sa nasabing Book Festival.

Ang aklat na Alitaptap sa Gabing Madilim (koleksyon ng mga tula) ni Lualhati Bautista ay naglalaman ng labing-apat na katipunan (hindi kabanata) ng mga tula. May sukat itong 5.5" x 7.5", may kapal na 3/4", at binubuo ng 258 pahina (kung saan 18 pahina ang nasa Roman numeral).

Ayon sa Paunang Salita ni Bautista, noong panahon ng lockdown nang naisipan niyang tipunin ang kanyang mga naipong tula. At ang kinalabasan nga ay ang nasabing aklat. Hindi lamang nasa wikang Filipino ang kanyang tula, marami rin siyang tulang sinulat sa wikang Ingles. Oo, marami.

Ang aklat namang Lualhati Bautista Nobelista ay naglalaman ng pitong kabanata, bukod sa Pagkilala at Pasasalamat, Introduksyon at Pangwakas na Pananalita. May sukat itong 6" x 9", may kapal na 5/8", at binubuo ng 276 pahina (kung saan 14 na pahina ang nasa Roman numeral).

Ang pitong kabanata ay ang mga sumusunod.
I. 'Gapo
II. Dekada '70
III. Bata, Bata... Pa'no Ka Ginawa
IV. Desaparesidos
V. Bulaklak sa City Jail
VI. Sixty in the City
VII. In Sisterhood - Lea at Lualhati, at Sonata

Matagal ko ring babasahin ang dalawang aklat, subalit inuna ko munang basahin, na palagi kong ginagawa, ang Paunang Salita o Introduksyon, dahil mananamnam mo roon ang buod ng buong aklat.

Ang pagninilay ko'y idinaan ko sa munting tula:

LUALHATI 

kilalang nobelista si Lualhati Bautista
may libro nga sa kanya sa pagiging nobelista
ngayon ko lang nalaman na siya pala'y makatâ
nang koleksyon ng kanyang mga tula'y nalathalâ

siya nga'y muog na sa panitikang Pilipino
lalo't wikang ginamit niya'y wikang Filipino
kanyang mga nobela'y umugit sa kaisipan
ng mga henerasyong sa diktadura'y lumaban

naging tinig ng mga api, mga walang boses
naging behikulo ng pagtitimpi't pagtitiis
kaloob-looban ng bayan ay kanyang inalog
hanggang masa'y magising sa mahabang pagkatulog

daghang salamat, Lualhati Bautista, babae
taaskamaong pagpupugay, isa kang bayani

03.19.2025

Lunes, Marso 17, 2025

Dalawang libreng libro mula National Museum of the Philippines

DALAWANG LIBRENG LIBRO MULA NATIONAL MUSEUM OF THE PHILIPPINES
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa unang araw pa lang ng Philippine Book Festival ay napagawi na ako sa booth ng National Museum of the Philippines. Tiningnan ko ang limang aklat na naroroon. Nakita ko ang hinggil sa Baybayin, na antigong panulat ng ating mga ninuno. Nais ko iyong bilhin.

Subalit sinabi sa akin ng babaeng naroon na libre lang nilang ibibigay ang dalawang aklat na magustuhan ko basta ipakita ko lang na nag-like ako sa facebook page ng National Museum of the Philippines. Ni-like ko naman at ipinakita sa kanila, at naglista ako ng pangalan at tsinekan ang mga nakuha kong libro. Kaya pala libre, nakalimbag sa kanang ibaba ng pabalat ang mga katagang "Not for Sale."

Ang dalawang aklat ay ang Baybayin: Mga Sinauna at Tradisyunal na Panulat sa Pilipinas (Ancient and Traditional Scripts in the Philippines), at ang Breaking Barriers ni Virginia Ty-Navarro. Talagang pinili ko ang Baybayin dahil iyon sana ang aking bibilhin, subalit libre pala. Ang kapartner na Baybayin, ayon sa staff ng museo, ay ang Breaking Barriers, kaya tanggapin na lang, kahit may isa pang aklat na mas gusto ko sanang makuha at mabasa, ang The Basi Revolt. Marahil dahil di pa ako gaanong interesado sa biswal kundi sa mga teksto, tulad ng mga tula, kwento, at sanaysay hinggil sa pulitika at kasaysayan.

Dalawang historical na babasahin sana, ang una'y Baybayin, at ikalawa'y The Basi Revolt. Ang Breaking Barriers naman ay pawang mga painting ni Navarro. Mga pamagat na pulos titik B - Baybayin, Breaking Barriers, at Basi.

Ang aklat na Baybayin ay may sukat na 8" x 11.5" at naglalaman ng 100 pahina (kung saan 8 pahina ang naka-Roman numeral), habang ang Breaking Barriers ay may sukat na  8 1/4" x 7 1/2" at 80 pahina (na 3 pahina ang walang nakalagay na bilang, at nagsimula ang pahina 1 sa kaliwa imbes na sa nakagawiang kanan).

Isa kong proyekto ang pagsusulat ng mga tulang nasa Baybayin, kaya interesado ako sa nasabing aklat.

Nakapaglibot pa ako sa mga sumunod na araw nang magbukas ako ng aking tibuyo o alkansya upang makabili ng mga gusto kong basahing aklat. Ang apat na araw ng Philippine Book Festival ay naganap noong Marso 13-16, 2025 sa Megatrade Hall, SM Megamall sa Lungsod ng Mandaluyong.

SALAMAT SA PAMBANSANG MUSEO

salamat sa dalawang libreng aklat na binigay
sa may booth ng National Museum of the Philippines
mga libro'y may 'Not for Sale' pang istiker na taglay
talagang pinili ko roon ang librong Baybayin

tungkol naman sa painting ang Breaking Barriers na aklat
na kapartner ng Baybayin, ayon sa istaf doon
nais ko sana'y ang The Basi Revolt ang mabuklat
subalit di ako nabigyan ng pagkakataon

maraming salamat pa rin sa Pambansang Museo
buti't natsambahan kong magtungo sa kanilang booth
sa Philippine Book Festival, kaygaganda ng libro
upang mga katanungan sa isip ko'y masagot

sa Pambansang Museo, taos kong pasasalamat
mabuti na lamang, kayo'y nakadaupang palad
asahan n'yo pong suporta ko'y aking isusulat
para sa kasaysayan, sa kapwa, at sa pag-unlad

03.17.2025

Linggo, Marso 16, 2025

Ang aklat na Insurgent Communities ni Sharon M. Quinsaat

ANG AKLAT NA INSURGENT COMMUNITIES NI SHARON M. QUINSAAT
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi ko pa personal na nakadaupang palad si Ms. Sharon M. Quinsaat, ang awtor ng aklat na Insurgent Communities: How Protests Create a Filipino Diaspora. Subalit nagkausap na kami sa pamamagitan ng gmail dahil inirekomenda ako sa kanya upang i-transcribe ang dalawang casette tape hinggil sa kanyang panayam sa mga OFW. Panahon iyon bago magkapandemya. Bilang pultaym na aktibista, nabayaran naman ako sa gawaing ito na nakatulong sa aking pagkilos at matupad ang iba pang gawain.

Kaya nang makita ko ang kanyang aklat sa booth ng Ateneo de Manila University Press sa Philippine Book Festival 2025 sa SM Megamall ay naisipan ko agad iyong bilhin. Subalit kulang ang aking salapi sa unang araw na pagtungo sa nasabing festival. Nagkakahalaga iyon ng P490.00.

Pagbalik ko sa ikatlong araw, aba'y bumaba na ang presyo, at nabili ko iyon sa halagang P360.00 mula sa orihinal na P490.00. Kaya nakatipid din ako ng P130.00 kung saan ang isandaang piso roon ay naibili ko ng tigsisingkwenta pesos na aklat pampanitikan sa booth naman ng UST Publishing House. Maraming salamat.

Ang nasabing aklat ay may sukat na 6" x 9" at kapal na 5/8" ay naglalaman ng 246 pahina (20 dito ang naka-Roman numeral). Binili ko iyon upang mabasa, at higit pa, bilang pakikiisa at pagsuporta sa awtor sa kanyang inilathalang aklat. Bukod sa Introduksyon at Konklusyon, ang aklat na ito'y binubuo ng mahahalagang paksa sa limang kabanata:
1. Movement(s) ang Identities: Toward a Theory of Diaspora Construction through Contention;
2. Roots and Routes: Global Migration of Filipinos;
3. Patriots and Revolutionaries: Anti-Dictatorship Movement and Loyalty to the Homeland;
4. Workers and Minorities: Mobilization for Migrants' Rights and Ethnic/National Solidarity; at
5. Storytellers and Interlocutors: Collective Memory Activism and Shared History

Ano nga ba ang diaspora na nabanggit sa pamagat ng aklat? Ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ang diaspora ay a: people settled far from their ancestral homelands; b: the places where people settled and established communities far from their ancestral homelands; at c: the movement, migration, or scattering of a people away from an established or ancestral homeland. O sa wikang Filipino ay a: mga taong nanirahan malayo sa kanilang lupang ninuno o tinubuang bayan; b: mga lugar na tinahanan ng mga tao at nagtatag ng mga pamayanang malayo sa kanilang lupang ninuno o tinubuang lupa; sa c: ang kilusan, migrasyon, o paglikas ng isang tao nang malayo sa isang itinatag o lupang ninuno o tinbubuang bayan.

Sa likod na pabalat ng aklat ay mababasa ang hinggil sa diaspora na aking sinipi para sa mambabasa:

"When people migrate and settle in other countries, do they automatically form a diaspora? In Insurgent Communities, Sharon M. Quinsaat explains the dynamic process through which a diaspora is strategically constructed. Quinsaat looks to Filipinos in the United States and the Netherlands - examining their resistance against the dictatorship of Ferdinand Marcos, their mobilization for migrants' rights, and the construction of a collective memory of the Marcos regime - to argue that diasporas emerge through political activism. Social movements provide an essential space for addressing migrants' diverse experiences and relationships with their homeland and its history. A significant contribution to the interdisciplinary field of migration and social movements studies, Insurgent Communities illuminates how people develop collective identities in times of social upheaval."

Isinalin ko ito sa wikang Filipino: "Kapag lumikas at nanirahan na sa ibang bansa ang mga tao, awtomatiko na ba silang bumubuo ng diaspora? Sa Insurgent Communities, ipinaliwanag ni Sharon M. Quinsaat ang dinamikong proseso kung saan ang isang diaspora ay estratehikong nabuo. Tiningnan ni Quinsaat ang mga Pilipino sa Estados Unidos at Netherlands - sinuri ang pagtutol nila sa diktadura ni Ferdinand Marcos, ang sama-sama nilang pagkilos para sa karapatan ng migrante, at ang pagbubuo ng kolektibong memorya ng rehimeng Marcos - upang ikatwirang lumitaw ang mga diaspora sa pamamagitan ng pulitikal na aktibismo. Naglaan ng mahahalagang espasyo ang mga panlipunang kilusan sa pagtugon sa samutsaring karanasan at ugnayan ng mga migrante sa kanilang tinubuang bayan at sa kasaysayan nito. Isang makabuluhang ambag sa interdisiplinaryong larangan ng migrasyon at pag-aaral ng mga panlipunang kilusan, naipaliwanag sa Insurgent Communities kung paano umuusbong ang mga kolektibong pagkakakilanlan ng mga tao sa panahon ng agarang pagbabagong panlipunan."

Ginawan ko ng munting tula ang usaping ito.

DIASPORA

kaytalim sa diwa ng nabili kong aklat
pag-iisipin ka ng mga nakasulat
sa kahulugan ng diaspora'y namulat
mula sa panulat ni Sharon M. Quinsaat

sa Philippine Book Festival ay nabili ko 
sa panahong pawang mura ang mga libro
sa animo'y pistang pinuntahan ng tao
di pinalampas ang pagkakataong ito

magkaroon ng librong ito'y pagsuporta
sa awtor na sa email lamang nakilala
at may ginawa akong trabaho sa kanya
noong panahon bago pa magkapandemya

salamat, ako'y taasnoong nagpupugay
sa awtor sa kanyang sinulat na kayhusay
malaking ambag sa makababasang tunay
uukit sa diwa't mga pala-palagay

03.16.2025

Miyerkules, Pebrero 5, 2025

Ang nawawalang taludtod sa tulang "Engkantado" ni Jose Corazon de Jesus

ANG NAWAWALANG TALUDTOD SA TULANG "ENGKANTADO" NI JOSE CORAZON DE JESUS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong isyu ng Liwayway, Nobyembre 2024, pahina 96, ay muling nalathala ang tulang "Enkantado" ni Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute, ang unang hari ng Balagtasan. Unang nalathala iyon sa Liwayway noong Hulyo 14, 1923, isandaan at isang taon na ang nakararaan.

Agad ko namang hinanap ang dalawa kong edisyon ng aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula" sa pagbabakasakaling bagong saliksik iyon na wala sa nasabing aklat. Subalit naroon sa dalawang edisyon ang nasabing tula. Ang pamagat ay "Engkantado" na may g.

Ang nasabing tula'y nasa pahina 24-25 ng unang edisyon ng aklat, na unang nilathala ng Aklat Balagtasyano noong 1984 at muling nilathala ng De La Salle University Press noong 1995. Ang unang bersyon ay may 131 tula.

Nasa pahina 64-65 naman ng "Binagong Edisyon" ang nasabing tula, na inilathala naman ng San Anselmo Press nitong 2022. Naglalaman iyon ng 112 tula. Nasulat ko na sa isa pang artikulo na nabawasan ng labingsiyam na tula ang edisyong ito ng aklat.

Si Huseng Batute ay batikan na sa pagsusulat ng tulang may sukat at tugma. Subalit sa pagsusuri sa nasabing tula, kapuna-puna na nawala ang isang taludtod sa dalawang aklat na nilathala ng editor na si Virgilio Almario. Kaya mapapansing pito ang taludtod sa unang saknong habang walong taludtod naman sa ikalawa hanggang ikalimang saknong.

Nakita natin ang nawawalang isang taludtod sa magasing Liwayway sa isyung Nobyembre 2024. Kaya sumakto nang tigwawalong taludtod ang limang saknong. Ang unang dalawang taludtod ay tigaanim na pantig habang ang ikatlo hanggang ikawalong saknong ay tiglalabindalawahing pantig.

Sa orihinal ay walang bilang ng taludtod na naka-Roman numeral, habang sa Liwayway ay mayroon. Dagdag pa, mukhang naghalo ang nawawalang taludtod sa isa pa, na nasa unang saknong. Sa aklat ni Almario ay ganito:

May mga pakpak pa't nangagkikisapan

Habang sa muling inilathala ng Liwayway:

May mga pakpak pa't nangagsasayawan,
May tungkod na gintong nangagkikisapan

Bakit kaya nakaligtaan ni Ginoong Almario na sipiin ang taludtod na nawawala? O iyon ay dahil sa pagkapagod at pagmamadali? 1984 pa iyon unang nalathala. At naulit muli iyon sa ikalawang edisyon ng aklat nitong 2022. Sana'y maitama na ito sa ikatlong edisyon.

Gayunman, maraming salamat sa Liwayway at natagpuan ang nawawalang taludtod.

Dagdag pa, ang salitang "nangagkikisapan" sa unang edisyon at sa Liwayway ay naging "nangagkikislapan" sa ikalawang edisyon ng aklat. Iba ang kisap sa kislap. Alin ang tama, o alin ang ginamit ni de Jesus?

Isa pa, ang salitang "tiktik" sa ikatlong saknong, ikaapat na taludtod, sa dalawang aklat ni Almario, ay "titik" naman ang nakasulat sa muling lathala ng Liwayway. Batid natin iba ang "tiktik" na maaaring mangahulugang uri ng ibon na ang huni umano'y nagbabadyang may aswang sa paligid, o pagkaubos hanggang sa huling patak, o kaya'y espiya (mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, 1253). Ang "titik" naman ay letra. Alin ang ginamit ni de Jesus?

Maliit na isyu na lamang ang mga typo error, kung meron nga. Tulad ng salitang "nar'on" sa ikalimang saknong, ikaapat na taludtod sa dalawang aklat ni Almario, ay naging "naron" sa Liwayway. Pati ang salitang "k'weba" sa aklat ni Almario ay naging kueba sa Liwayway sa gayong saknong din. Typo error ba kaya iwinasto ni Almario? At pinanatili ba ng Liwayway kung paano iyon nalathala noon, o kung paano isinulat ni de Jesus?

Halina't basahin natin ang buong tula, habang ang nasa panaklong ang nawawalang taludtod, na natagpuan natin sa Liwayway:

ENGKANTADO
ni Jose Corazon de Jesus

Ang plautang kristal
Ay aking hinipan
At ang mga ada ay nangaglapitan
May mga pakpak pa't (nangagsasayawan,
May tungkod na gintong) nangagkikisapan;
Sa adang dumating sa aking harapan,
Na nagsisipanggaling sa kung saan-saan,
Ang di ko nakita'y tanging ikaw lamang!

Ang nakar kong singsing
Ay aking sinaling
At ang mga nimpa ay nangagsirating,
May mga koronang liryo, rosa't hasmin,
Sapot ng gagamba ang damit na angkin.
Sa nimpang dumalo't bumati sa akin,
Tanging ikaw lamang ang di ko napansin,
Diwatang nagtago sa aking paningin.

Sa lungkot ko'y agad
Na kita'y hinanap!
Sandalyas kong gintong sa dulo'y may pakpak
At isinuot ko nang ako'y ilipad...
Aking kinabayo ang hanging habagat
At ginawang tiktik ang lintik at kidlat.
Natawid ko naman ang lawak ng dagat
At aking narating ang pusod ng gubat.

Ang espadang apoy
Ay tangan ko noon:
At tinataga ko ang buong maghapon,
At hinahawi ko ang bagyo't daluyong.
Hinukay ang lupa, wala ka rin doon,
Biniyak ang langit, di ka rin natunton.
Wala kahit saan, saanman magtanong,
Ikaw kaya giliw ay saan naroon?

Subalit sa isang
Madilim na kueba
Ng bruha't demonyong nagsasayawan pa,
Nar'on ka, may gapos... Sa apoy, nar'on ka!
Ang singsing ko'y biglang kiniskis pagdaka't
Ang buong impierno sa sangkisapmata
Ay naging palasyong rubi't esmeralda,
Niyakap mo ako at hinagkan kita.

02.05.2025