Sabado, Oktubre 4, 2008

Tagumpay ang Book Launching ng Banaag at Sikat

TAGUMPAY ANG MULING PAGLULUNSAD NG NOBELANG “BANAAG AT SIKAT” NI LOPE K. SANTOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Oktubre 4, 2008


Napakalaking bagay para sa akin na maging bahagi ng muling paglulunsad ng nobelang “Banaag at Sikat” ni Gat Lope K. Santos ngayong ika-4 ng Oktubre, 2008.

Maaga pa ng tatlumpung minuto sa nakatakdang pagsisimula ng 12:00 ng tanghali nang ako’y dumating sa Bantayog Memorial Center, sa auditorium sa ikalawang palapag, na siyang pinagdausan ng muling paglulunsad ng aklat. Pagdating ko roon, may ilang mga taong nag-aabang na rin sa pagsisimula ng programa, habang nanonood ng palabas hinggil sa martial law, pagpaslang kay Ninoy, at people power, na ang nagtalakay ay si VJ Diane dela Fuente.

Ganap na ika-12 ng tanghali ay nagtawag ang nasa programa para ang mga unang dumating ay kumain muna ng tanghaliang inihandog ng pamilya ni Lope K. Santos. Nagsimula ang programa ng ganap na ala-una ng hapon.

Nag-emcee ay isang nagngangalang Gwen, marahil ay taga-Anvil Publishing. Binasa niya bilang panimula ang dalawa sa tatlong talatang inihandog ni Lope K. Santos noong 1906 bilang pagpapakilala sa aklat.

Nagbigay ng welcome remarks ay si Karina A. Bolasco ng Anvil Publishing. Nagpasalamat naman siya sa mga dumalo, nagbigay din ng kaunting mensahe, at pagpapakilala kay Bienvenido Lumbera, national artist for literature, bilang panauhing tagapagsalita.

Inilabas ko ang aking notebook at sinulat ang ilang mga sinabi ni Ginoong Lumbera, na kanya namang binasa mula sa inihanda niyang sasabihin. Ayon sa kanya, ang muling paglulunsad ng aklat na Banaag at Sikat ay mahalagang okasyon bilang paggunita sa mahalagang awtor ng panitikan at wika. Ang wikang ginamit sa akda ay klasikong tagalog na maaaring di na agad maunawaan, ayon sa kanya, ng mga mambabasa sa kasalukuyan. Binigyang diin niya ang adhikain ng “Banaag at Sikat” at ito’y ang pagpapalaganap ng kaisipang sosyalismo para sa manggagawa at magsasaka. Ito rin ay aklat na kakikitaan ng mga kaugaliang Pilipino, at nasa anyong may bahid ng katutubong kahalagahan. Ang mensaheng sosyalismo ng aklat ay makabuluhan pa rin sa ating panahon. Ito’y mula sa sosyalismong iniuwi ni Isabelo delos Reyes, ang ama ng unyonismo sa Pilipinas. Naglalarawan din ang aklat di lang ng kalagayan ng manggagawa kundi ng magsasaka, at ang sosyalismo bilang sistemang pampulitika ang lunas sa nagaganap na malawakang kahirapan. Binigyang halimbawa rin ni Ginoong Lumbera ang “Brothers Karamazov” ni Fyodor Dostoevsky bilang kauri ng aklat na ito. Binigyang diin din ni Lumbera na ang sosyalismo noon na nais ni Lope K. Santos ay tila malayo pa sa nagaganap ngayong kilusang pambansang demokratiko.

Pagkatapos ng kanyang pananalita, sinabi ng emcee na paalis na si Ginoong Lumbera dahil may alas-dos pa itong lakad, kaya nagkaroon muna ng picture taking sa entablado, magkasama sina Ginoong Lumbera at ang dumalong kamag-anakan ni Lope K. Santos. Doon ay napansing kong halos kalahati ng dumalo sa launching ng aklat ay pawang kamag-anak ni Lope K. Santos, nang kumaunti na lamang ang nakaupo habang sila’y naglilitratuhan dahil nag-akyatan ang mga kamag-anak ng awtor sa entablado. Sa tantya ko, nasa limampung katao ang dumalo rito.

Pagkatapos ng litratuhan, nagsalita naman ang isang apo ni Ka Lope na si Ginang Paraluman Reyes Nonato, isang matandang babaing puti na ang buhok, ngunit buo pa ang boses sa pagsasalita. Binanggit ni Ginang Nonato ang ilan sa kanyang mga natatandaang pangaral sa kanya ng kanyang Lolo Lope. Una, ang mahihirap na kamag-anak at kaibigan ay laging tutulungan at huwag pagtataguan. Ikalawa, walang maipamamanang kayamanan sa kanila kundi edukasyon. Ikatlo, bibilhin lang ang kailangan at ang kaya mong bilhin. At huwag bibilhin ang hindi kailangan kahit kaya mong bilhin. Tinuruan silang mag-impok. Ikaapat, kung ayaw mong maghirap, huwag kang magpulitiko. Tinalakay pa ng ale na noong kapanahunan ng kanyang lolo, wala pang catering, at sa dahon lamang ng saging sa mahabang lamesa nagsasalu-salo ang mga pulitiko, kung saan kasalo ng kanyang lolo sina Jose P. Laurel at Claro M. Recto.

May ikinwento pa siyang anekdota hinggil sa pangingisda sa Binangonan, kung saan tinutuhog ang mga isda, saka ibinebenta. Minsan daw na napagawi si Lope K. Santos doon, nagbiro siya sa matandang tindera na magpapatuhog daw siya ng dulong (isang uri ng isdang napakaliit). Ngunit sinagot umano siya ng tindera na ang gawing pantuhog sa dulong ay ang bigote nig kanyang Lolo Lope. Pag ikinukwento raw iyon ng kanyang Lolo Lope, sinasabi nitong naisahan daw siya ng matalinong tindera. At panghuli, sa pagkakape ng kanyang lolo, ang nais daw nito ay tanging gatas ng kalabaw. Wala nang iba.

Tinawag din ang isa sa mga apo ni Ka Lope na si Lito Garcia, isang publisher. Ayon kay Ka Lito, kung nabubuhay lamang ang kanyang Lolo, tiyak na siya’y pagagalitan pagkat ang ibinebenta niyang libro ay pawang librong dayuhan. Siya’y naging regional sales manager ng Bantam Books, Time Warner at Hashett Books. Noong bata pa raw siya, nahuli siya ng kanyang lolo na naglalaro ng text, kwadradong karton, na may tantyang sukat na 2” at 3” na may komiks, ito umano’y pinakuluan ng kanyang lolo at ipinainom sa kanila. Ganuon daw kahigpit magdisiplina ang kanyang lolo. Ayon pa sa kanya, labindalawang taon na nawala sa sirkulasyon ang Banaag at Sikat. Ang Bookmark ang una niyang nilapitan. Napag-usapan daw nila ito ng Anvil nang idaos ang Asean Publishers Congress dito sa Pilipinas. Ayon pa kay Ka Lito, maraming sinulat ni Ka Lope noong 1905 na hanggang ngayon ay relevant pa. Wala pa si Mao Tse Tung ay galit na si Lope K. Santos sa imperyalismo.

Ayon naman kay Ginang Bolasco ng Anvil, dapat daw na may seminar para sa mga guro nitong umaga ngunit di na naihabol pagkat kasabay ito ng final exams ng mga estudyante. Nais nilang maipalaganap muli ito sa mga eskwelahan at maisama sa kurikulum, pagkat maraming matututunan ang mga kabataan. Ang seminar ay ini-reset nila ng Nobyembre. Ibinalita rin niya na may ginagawang dula si Ginoong Lumbera hinggil sa Banaag at Sikat na ilulunsad naman sa susunod na taon, na umano’y ika-130 taon ng kaarawan ni Lope. K. Santos. Ipinanganak ang awtor noong Setyembre 25, 1879 at namatay noong Mayo 1, 1963, kasabay ng “Pandaigdigang Araw ng Manggagawa”.

Bukod kay Ginoong Lumbera, ilan lang ang kilala kong nakarating doon. Si Ginoong Apo Chua ng UP at tagapayo ng grupong Teatro Pabrika at Mike Coroza, na naging guro ko sa isang palihan ng panulaan. Natapos ang palatuntunan sa ganap na ika-2 ng hapon.

Sa aking pagninilay kanina, habang nakikinig ako kay Ginoong Lumbera, kanyang binanggit ng dalawang beses na sa kasalukuyan, nagpapatuloy sa pagtataguyod ng konsepto ng sosyalismong nais ni Lope K. Santos ang kilusang pambansa demokratiko. Nais ko sanang sabihin sa kanya na kumikilos din ngayon ang kilusang sosyalista sa bansa, at hindi lang kilusang pambansa demokratiko (na kung tutuusin ay nasyonalista at di pa masasabing sosyalista o komunista), ngunit hindi ko na ito nagawa dahil paalis na siya patungo sa sa kanyang alas-dos na tipanan.

Naglalakad na ako mula sa Bantayog at nasa bandang Quezon City Hall na ako nang maalala ko na sana pala’y napapirmahan ko ang aklat ko sa dalawang kamag-anak ng awtor, ngunit malayo na ako. Napagod na akong bumalik.

Makahulugan at makabuluhan sa akin ang araw na ito dahil kahit papaano’y naging bahagi ako ng kasaysayan, ang makasaysayang ikalimang paglilimbag ng sosyalistang nobelang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos. Di ko dinaluhan ang isa pang makabuluhang aktibidad para lang makapunta rito.

Nabasa ko ang hinggil sa Banaag at Sikat nang mabili ko ang aklat na Tinig mula sa Ibaba ni Teresita Gimenez Maceda, kung saan tinalakay niya na ang Banaag at Sikat ang unang nobelang pangmanggagawa sa pagpasok ng ika-20 dantaon, sumunod ay ang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar noong 1907, at ang Bulalakaw ng Pag-asa ni Ismael Amado noong 1909. Mula noon, hinanap ko na ito sa iba’t ibang book store, at kahit sa mga second hand book store sa kahabaan ng Claro M. Recto Ave. sa Maynila. Nito lamang Hulyo 4, 2008 ako nakabili sa National Book Store sa Katipunan Ave. sa Quezon City, sa halagang P250.00.

Panghuli, salamat sa Anvil Publishing sa muling paglilimbag ng aklat na ito. Ito’y agad kong inirekomenda sa maraming unyon at manggagawang aking kayang tagusin, kasama na ang pag-email at multiply sa internet.

Linggo, Setyembre 28, 2008

Mabuhay ang mga bayani ng Balangiga

MABUHAY ANG MGA BAYANI NG BALANGIGA!
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pulos pagkatalo ang laging napapatampok sa kasaysayan ng Pilipinas at bihirang ipagdiwang ang mga panalo. Tingnan na lamang ang laging ginugunita - Abril 9 na Araw ng mga Bayani (na sa orihinal ay pagbagsak ng Bataan), pagbagsak ng Corregidor, pagbagsak ni Rizal sa Bagumbayan, atbp. Bakit ang karaniwang ipinagdiriwang sa bansa ay ang panalo ng mga kaaway? ito ba'y dahil ito ang nais at idinidikta ng mga dayuhan? O baka naman talagang bobo ang mga nasa gobyerno? O sadyang wala tayong pakialam sa kasaysayan at sa kabuluhan nito sa ating mga pakikibaka sa kasalukuyan? Maaaring ito ang dahilan kung bakit kahit ipagdiwang ng mga nasa gobyerno ang kinalendaryong petsa ng paggunita ay matamlay pa rin ang pagtanggap ng mga Pilipino rito. Gaya na lang ng Hunyo 12 na sinasabing "Araw ng Kalayaan" pero ang bansa'y "under the mighty and humane American nation" na nakasulat sa Acta de Independencia. Lumaya nga ang bansa sa Kastila pero nagpailalim naman sa Kano! Tayo ba'y sadyang bayan ng mga api? Ah, hindi pa natin ganap na kilala ang ating kasaysayan.

Bakit hindi ginugunita ang pag-aalsang "Nag-Sabado" sa Pasig, ang paggapi ng mga pwersa ni Lapulapu sa mga hukbo ni Magellan, ang pagpapasuko ng mga Katipunero sa Bulakan sa mga pwersang Kastila roon, at ang tagumpay ng mga hukbong Pilipino laban sa mga Kano sa Balangiga, Samar noong Setyembre 28, 1901. Panahon naman na gunitain natin ang mga tagumpay at hindi mga kabiguan. Dahil dito, muli nating pag-aralan ang ating kasaysayan, at maaaring mas makilala pa natin ang ating mga sarili, na maaaring humantong sa higit na pagkakaisa.

Dumaong sa Balangiga, Samar, ang tatlong opisyal at 71 sundalo ng Company C, 9th US Infantry noong Agosto 11, 1901 upang magtayo ng garison. Sila'y mga pawang beterano ng pagsusugpo ng Boxer Rebellion sa Tsina.

Pawang mga bigating opisyal at tauhan ng hukbong Amerikano ang ipinadala sa Balangiga. Ang pinuno ng Company C ay si Capt. Thomas Connel (gradweyt ng West Point noong 1894), at si Lt. E. C. Bumpus naman ang pangalawa sa kumand.

Sa kabilang dako naman, pinamunuan ni Heneral Vicente Lukban, tubong Labo, Camarines Sur, bilang gobernador-militar, ang mga lalawigan ng Samar at Leyte. Bilang makabayan, inuudyukan niya ang mga katutubo na magtiwala sa kanyang pamumuno at labanan ang mga mananakop.

Noon, ang poblasyon ng Balangiga ay may 200 kubong pawid lamang. Napakarumi ng Balangiga nang datnan ito ng Amerikano. Nagkalat ang mga basura, dumi ng hayop, at mataas ang mga damo. Bumabaligtad ang maselang sikmura ng mga Amerikano at hindi nila matiis ang ganito. Ang hindi nila alam, sinasadya ito ng mga tagaroon.

Kinausap ni Capt. Connel at ng kanyang mga nakababatang opisyal si Alkalde Pedro Abayan na mag-utos sa malulusog na kalalakihan ng Balangiga para maglinis. Ayon naman sa alkalde, may mga nakatira sa gilid-gilid ng bayan na may malaki pang pagkakautang sa buwis at makabubuting ang mga iyon na ang bihagin at sapilitang papagtrabahuhin sa paglilinis. Pumayag ang mga opisyal na Amerikano, at sinabihan pa ng isang sarhento ang alkalde na kumuha ng kahit gaano karaming mapipilit na maglinis. Iyon lamang pala ang hinihintay ni Hen. Lukban. Ang buong iskema pala ng karumihan at ng paglilinis na ginagamit ang mga taong kapos pa sa pagbabayad ng buwis ay pakana ng mga rebolusyonaryo. At kakampi pala nila ang buong taumbayan ng Balangiga.

Isang tauhan ni Hen. Lukban, si Kapitan Eugenio Daza, ay nagtungo sa Balangiga at lihim na nakipagpulong kay Abayan, sa hepe ng pulisya na si Valeriano Abanador, at sa kura-parokong si Padre Donato Guinbaolibot, upang planuhing mabuti ang pagsalakay sa mga mananakop.

Sa pulong, napagkaisahang isang sorpresang pagsalakay ang dapat isagawa upang maparalisa ang mga Kano. Ngunit may mga problema, gaya ng paano ipantatapat ang mga gulok at mga sibat sa mga ripleng Krag-Jorgensen at mga pistolang .45. Mahirap ding makapasok sa garison. Laging may pitong armadong nagbabantay.

Ang solusyon, isasagawa ang pagsalakay sa ikapito ng umaga, ang tanging oras na iniiwan ng mga sundalo ang kanilang mga riple sa barracks. Sa araw ng Linggo, merong pintakasi (sabong) sa bayan kung saan maraming mga bisita ang darating  at di mapapansin ang mga rebolusyonaryong nakasibilyan.

Ang mga aatakeng pwersa ay nasa 500 katao, na hinati sa pitong grupo, na may tigpipitumpung kasapi bawat grupo na magsasagawa ng kanya-kanyang trabaho. Ang unang limang grupo ay sa labas ng bayan at papasok lamang mula sa iba't ibang bahagi ng kabayanan pag narinig ang hudyat. Ang pang-anim na grupo ay itinalaga naman sa loob ng simbahan. Ang sangkatlo (1/3) nito ay papasok na nakadamit pambabae para hindi maghinala kung bakit walang babae sa loob ng simbahan. Magkukunwari silang nagsisimba.

Ang pampitong pangkat, na kinabibilangan ng mga lokal na pulis at mananabong, ay maghahati sa tatlo pang maliliit na pangkat. Ang una ang sasalakay sa mga sundalong Kano sa munisipyo. Ang pangalawa at pangatlo ay sa dalawang kubo kung saan ang mga sarhentong sina Betron at Markley, kasama ang kanilang mga platoon, ay nakabase. Si Hepe Abanador naman ang magtitiyak na ang grupong naglilinis sa mga daan ay mga bihasa sa gulok, dahil sila ang aatake sa mga Kano habang kumakain. Ang magdala ng mga dagdag na tao ay madali dahil humihingi lagi si Capt. Connel ng mga dagdag pang tao upang mapabilis ang paglilinis sa bayan. Si Hepe Abanador ang magbibigay ng hudyat ng paglusob at dito'y ikakalembang ang kampana.

Kinaumagahan, Setyembre 28, ganap na ikaanim at kalahati ng umaga, kampante at komportable pa rin ang mga sundalong Kano. Nag-aalmusal ang inaantok pang mga dayuhan, nagkukwentuhan, nagtatawanan, nagbabasa ng mga liham mula sa Amerika - may detalyadong balita tungkol sa asasinasyon kay Presidente William McKinley ilang linggo pa lang ang nakalilipas; at maraming kwentong nagmula sa kanilang pamilya. Tiwalang-tiwala ang mga mananakop na hawak nila ang sitwasyon sa Balangiga. Sa oras na iyon, tatlo lang ang bantay.

Dahan-dahang lumakad si Hepe Abanador sa tabi ng mga kubo ng mga sundalong Kano nang bigla niyang agawin ang riple ng isang bantay na Kano at hinampas ng riple ang ulo nito. Kasabay nito'y nagpaputok siya ng baril at sumigaw ng "Yana! Ngayon na!!!" Kaagad sumunod dito ang walang tigil na pagkalembang ng kampana ng simbahan. Buong bayan na ang nakarinig ng kalembang ng kampana at iyon na ang hudyat. Noon ibinuhos ng mga taga-Balangiga ang naipong galit ng mga mamamayan sa buong kapuluan na nang-agaw na nga sa kalayaang naipagwagi laban sa mga Kastila ay nagmalupit at nandarahas pa sa mga Pilipino.

Ang pintuan ng simbahan ay biglang bumukas at dito'y lumabas ang mga galit na Pilipinong may mga hawak na gulok. Ang iba'y pumaroon sa plasa, at ang iba nama'y sa kumbento. Ang mga naglilinis naman sa daan ay pumunta agad sa kainan at pinagtataga ng gulok, piko at pala ang bawat Kanong makita nila. Nasorpresa ang mga Kano. May mga nakapanlaban, may tumalilis patungong dagat at sumakay sa mga bangkang kung tawagin ay "barroto". Ang mga nanlaban ay napatay din. Ang mga tumakas ay hinabol at napatay din.

Sa kumbento, natagpuan ng mga sumugod ang pitong Kano, kasama ang tatlong opisyal. Si Griswold, ang siruhano, at si Lt. Bumpus ay napatay sa kanilang higaan. Kagigising lang ng nakapadyama pang si Capt. Connel. At para makaiwas sa mga umaatake ay tumalon siya sa bintana. Ngunit hindi pa rin nakawala sa mga nasa ibaba. Tinagpas ang kanyang ulo at inilagay sa apoy.

May mga bungong sumabog, mga katawang naluray. Talagang madugo at kahindik-hindik ang naganap na paniningil at labanan. Hindi sukat akalain ng pamahalaang Kano sa Washington o ng mga opisyal at sundalong ipinadala nila rito na ang mga Pilipino ay may kakayahang makalusot sa kanilang mga kaparaanang panseguridad at makaganting-salakay sa kanila.

Sa 74-kataong kabuuang pwersang Kano doon, 38 ang napatay agad, 30 ang malubhang nasugatan, walo rito ang namatay din paglaon, ang ilan ay nawala na sa kaguluhan. Ang mga armas ng mga Kano ay tinangay na ng mga kababayan nating nagwagi sa labanan, kabilang na rito ang 200,000 rounds ng amunisyon.

Ang pangyayaring ito ang isa sa mga pinakamalaking pagkatalo sa labaan ng hukbong Kano sa buong kasaysayan nito magpahanggang ngayon. Nagapi ng lakas ng taumbayan ang lakas ng pwersang militar ng pinakamakapangyarihan nuon sa mga bansang mananakop. Dahil sa tagumpay na ito, nagsagawa pa ng mga pagsalakay sina Heneral Lukban sa iba pang bahagi ng Samar.

Ngunit hindi pumayag ang pamahalaang Kano na hayaan na lamang mangyari iyon. Nagmasaker sila sa malalawak na lugar sa buong isla ng Samar at ginawang bahagi ng kanilang paghihiganti ang pagsamsam sa mga kampana ng Balangiga, kasama na ang ginamit na hudyat para sa matagumpay na operasyon ng taumbayan laban sa mga Kano.

"Take no prisoners! I want you to kill and burn. The more you will kill, the more you will please me." Ganito ang iniutos ni US Gen. Jacob "Howling" Smith ukol sa buong isla ng Samar. Sa sukdulang pagkaulol sa galit ng mga pwersang Kanong nasa Pilipinas nuong panahong iyon ay iniutos ng heneral na barilin ang sinumang gumagalaw, patayin ang sinumang may kakayahang magpaputok ng sandata, na ang inilinaw niyang pakahulugan ay patayin ang lahat ng may edad na sampung taong gulang pataas, lalaki man o babae.

Noong Pebrero 27, 1902, nahuli si Heneral Lukban. At dito nagtapos ang mga pananalakay ng mapagpalayang pwersa sa Kabisayaan.

Nakaganti ang mga Kano, ngunit huwag nating kalimutang napakalaki ng kabuluhan ng tagumpay ng Balangiga para hayaan nating ito'y makalimutan na lamang.

Mabuhay ang mga bayani ng Balangiga!

- Mga datos mula sa aklat na The Filipino Nation, Tomo IX
- Sinulat sa tanggapan ng KPML, Disyembre 15, 2005

Martes, Setyembre 16, 2008

Setyembre 16, 1991 - Base Militar, Pinatalsik Na!

SETYEMBRE 16, 1991
Paninindigan ng Paglaya mula sa Kuko ng Agila
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa magasing Tambuli, Setyembre 2006, pp. 12-16.)

Sa ilang okasyon, tinanong ko ang ilan sa aking mga kakilala't kaibigan kung anong makasaysayang mga tagumpay ng mga Pilipino sa loob ng dalawampung taon ang kanilang natatandaan pa? Karamihan sa kanila ay mga guro, manggagawa, maralita, at simpleng tao. Kadalasan ng kanilang sagot sa akin ay ang People's Power o Edsa 1, na siyang nagpatalsik kay dating pangulong Ferdinand Marcos, at Edsa Dos, na nagpatalsik naman kay dating pangulong Erap Estrada. Ang sabi ko, meron pang isang mahalaga. Pero talagang nagkukunot sila ng noo. Nagtanong pa ang isa kung iyon ay Edsa Tres? Sabi ko, hindi.

May pahimaton (clue) akong binigay sa kanila. Ito'y hinggil sa kalayaan ng sambayanang Pilipino? May isang nakasagot. Isang aktibista. Tugon niya: ang Setyembre 16, 1991 na siyang pagpapatalsik sa base militar ng mga Amerikano sa Pilipinas.

Pero bakit nga ba parang hindi alam ng mga tao ang makasaysayang pangyayaring ito at tila unti-unting nakakalimutan.

Natatandaan ko pa, ilang taon na ang nakararaan, noong Setyembre 16, 1991, nang mapanood ko sa telebisyon ang balita hinggil sa desisyon ng labindalawang senador na maalis ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Umuulan noon at nais kong sumama sa rali, ngunit hindi maaari. Pagkat ako'y nagtatrabaho pa noon sa isang pabrika sa Alabang bilang press machine operator. Hindi ako nakasama, ngunit ang laki ng aking galak sa balitang bumoto ang 12 senador laban sa panibagong tratado na mag-i-extend pa ng sampung taon ang base militar. Ang iskor ay 12-11 (No-Yes).

Sa sumunod na araw ng Linggo, inilathala ng StarWeek, lingguhang magasin ng Philippine Star, ang kumpletong talumpati ng 23 senador hinggil sa kanilang paninindigan at dahilan ng pagboto ng "Yes" at "No". Isa iyong makasaysayang dokumento at collector's item. Ngunit dahil sa palipat-lipat ako ng tirahan, at maraming kaibigan ang may access sa aking mga aklat at magasin, ang nag-iisang kopya ko ng Starweek magazine na iyon ay hindi ko na nakita pa.

Ang dating Senado na pinangyarihan ng makasaysayang kaganapang ito ay nasa Maynila pa. Napapalibutan ang gusali ng Senado ng mga basang banner at streamers dahil nag-vigil pa kinagabihan ang mga anti-bases advocates at namalagi roon kinabukasan na araw ng botohan. At ang mga taong nagrarali sa labas, sa gitna ng ulan, ay naghumiyaw sa galak, tulad din ng iba pang nakabalita, nang malaman nilang tanggal na ang mga base militar sa Pilipinas.

Isang araw bago iyon, tiniyak na ng Senate Committee on Foreign Relations ang kapalaran ng panukalang tratado. Bumoto ito ayon sa Resolusyon Blg. 1259 ni Sen. Wigberto Tañada na hindi pakikipagkasundo sa "A Treaty of Friendship, Cooperation and Security" - ang mapanlinlang na pamagat ng panukalang tratado para mamalagi pa ng sampung taon pa ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Ang 12 senador na bumoto sa resolusyon ay sina Senate President Jovito Salonga, Senators Agapito "Butz" Aquino, Juan Ponce Enrile, Joseph, Estrada, Teofisto Guingona Jr., Sotero Laurel, Ernesto Maceda, Orlando Mercado, Aquilino Pimentel Jr., Rene Sagisag, Wigberto Tañada at Victor Ziga. Tiniyak ng pagbotong ito ang pagkamatay ng panukalang tratado na nangangailangan lamang ng walong botong "No" para tanggihan ito ng Senado. Dalawang-katlong (2/3) boto ang kinakailangan naman para manatili ang mga base militar.

Mula Setyembre 2 hanggang 6, 1991, nagsagawa ng araw-araw na public hearings, kung saan nagbigay ng opinyon ang iba't ibang tagapagsalita mula sa Philippine negotiating panel, myembro ng gabinete, opisyal ng Kagawaran ng Depensa, mga nasa academe, at mga eksperto sa relasyong Pilipinas-Estados Unidos. Kasama ring inimbita ang mga kinatawan ng unyon ng manggagawa, taga-simbahan, non-government organizations (NGOs) at peoples' organizations (POs). At mula Setyembre 7 hanggang 10, tinalakay naman ng Senate Committee on Foreign Relations sa ilalim ni Sen. Leticia Shahani ang tratado; at ang debate sa plenaryo ay isinagawa mula Setyembre 11 hanggang 15.

Sa kahuli-hulihang bahagi ng pagpupulong ng Senate committee, pinangunahan ni dating Pangulong Corazon Auino ang pagmartsa at rali sa Senado para sang-ayunan ang pananatili ng mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Siya ang kauna-unahang pangulo ng isang malayang bansa na nanawagang bumoto ng "Yes" ang mga senador. Ito'y isang akto na kahit ang kanyang sariling gabinete na nasa negotiating panel, si Alfredo Bengzon, ay ikinahihiya siya.

Ngunit paano nga ba ang nangyari na ang isang institusyong ang tingin ng marami ay maka-Amerika ay tumanggi sa panibagong tratado. May ilang sagot ang mga eksperto.

Una, mag nagsasabing magandang salubungin na malaya ang bansa sa anumang impluwensya ng dayuhan sa pagdiriwang ng sentenaryo ng kapanganakan ng bansa sa Agosto 24, 1996 at sa sentenaryo ng umano'y kalayaan ng bansa sa Hunyo 12, 1998.

Ikalawa, minaliit ng US ang post-Edsa Senate, na ang karamihang senador ay mga human rights lawyer o kaya'y mga dating detenido na lumaban sa rehimeng Marcos na suportado naman ng US.

Ikatlo, hindi na pinayagan sa bagong Konstitusyong 1987 ang pagdadala at pananatili ng mga armas-nukleyar sa Pilipinas, kung saan alam ng marami na laging may dala nito ang mga sasakyang-pandigma ng US saan mang panig ng mundo ito naroroon.

Noong ika-42 General Assembly ng United Nations, bumoto ng "Yes" ang Pilipinas sa 39 resolusyon mula sa 40 resolusyon hinggil sa pagtanggal ng mga armas-nukleyar (nuclear disarmament).

Nagtalumpati at bumoto ang 23 senador (hindi na kasama si Sen. Raul Manglapus na naitalaga na bilang kalihim ng foreign affairs) noong tag-ulan ng Setyembre 16, 1991, na nag-umpisa mula ika-9 ng umaga hanggang ika-8:13 ng gabi. Si Senador Jovito Salonga, na siyang namuno sa proceedings, ang siyang huling bumoto at nagpaliwanag ng kanyang boto. Ayon sa kanya: "Ang Setyembre 16, 1991 ang siyang araw na natagpuan namin sa Senado ang kaluluwa at tunay na diwa ng ating bansa dahil nag-ipon-ipon ang ating katapangan at hangaring wakasan ang pananatili ng mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Bumoboto ako ng "No" sa tratadong ito."

Ang makasaysayang pangyayaring ito ay hindi dapat mapunta sa kangkungan ng kasaysayan. Dapat itong malaman ng mas marami pang tao. Dapat itong ideklarang pista opisyal o holiday bilang paggunita sa pagpapasya ng mga Pilipinong tumayo sa sariling paa. Kung karamihan ng ginugunita natin sa ating kasaysayan ay pawang mga pagbagsak, tulad ng Disyembre 30 (pagbagsak ni Rizal), Agosto 21 (pagbagsak ni Ninoy), Abril 9 (pagbagsak ng Bataan), mas dapat nating gunitain ang tagumpay ng bansang Pilipinas - ang pagpapatalsik sa mga base militar ng Amerika sa bansa (Setyembre 16).

Malaki rin ang ginampanang papel ng mga aktibista at kilusang makabayan sa pagpapasya ng 12 senador para pumanig sa kinabukasan at tiwala na kayang tumindig ng Pilipino kahit walang suporta ang bansang Amerika.

Anong dapat nating gawin? Dapat kilalanin ang dakilang araw na ito sa pamamagitan ng pagpasa ng panukalang batas na kumikilala sa araw na ito. At ang manipestasyon ng pagkilalang ito ay kung gagawin itong pista-opisyal tulad ng Disyembre 30, Agosto 21, Hunyo 12 at Hulyo 4. Hikayatin natin ang ating mga kongresista na magpasa ng panukalang batas hinggil dito.

At ito'y maaari nating maisagawa sa pamamagitan ng pagsusulat ng liham bawat isa sa ating mga kongresista at senador, o kaya'y magpalabas din ng signature campaign na ihahain natin sa ating mga kongresista at senador upang mapwersa silang sulatin at balangkasin ang pagkilala sa Setyembre 16 kada taon bilang "Araw ng Paninindigan at Kalayaan".

Maghanda ang ating mga kababayan sa pagsuporta sa gagawing panukalang batas o "house bill" sa pamamagitan ng iba't ibang pagkilos, tulad ng forum, symposium, mobilisasyon, at mga pagdiriwang.

May kasabihan ngang "Ang di marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan." Kilalanin natin at unawain ang nagdaang kasaysayan upang matiyak nating tama ang ating tinatahak sa kasalukuyan. Ipatimo natin sa kamalayan ng kasalukuyan at mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino na tayo'y marunong manindigan para sa kapakanan, kinabukasan at kalayaan ng ating bansa. Halina't ipagdiwang natin ang tagumpay ng mga Pilipino.

Mabuhay!!!

Huwebes, Agosto 14, 2008

ROSA PARKS: Ina ng Civil Rights Movement

ROSA PARKS: Ina ng Civil Rights Movement
ni Greg Bituin Jr.

(Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo X, Blg. 4, 2005, pahina 4)

Noong Disyembre 1, 1955, pauwi na si Rosa Parks, manggagawa sa isang department store, nang sumakay siya ng bus sa Montgomery, Alabama. Ang bus ay nahahati sa dalawang bahagi - isa para sa mga puti at isa para sa mga itim. Napuno na ang bahagi ng bus para sa mga puti, at may sumakay na puting lalaki. Ayon sa John Crow laws of Alabama, dapat na ibigay ng mga itim ang kanilang upuan sa mga puti. Ngunit tumanggi si Parks, isang itim, na ibigay ang kanyang upuan sa isang puti. Dahil dito, siya’y inaresto, ikinulong at pinagmulta ng $14.
Nang gabi ring iyon, nanawagan na ang Women’s Political Council na iboykot ng lahat ng mga itim ang pagsakay sa bus bilang protesta. Ang 2/3 ng karaniwang sumasakay sa bus araw-araw ay mga itim. Sa loob ng 381 araw, binoykot ng mga itim ang Montgomery bus system. Sa araw ng paglilitis kay Parks, nabuo ang Montgomery Improvement Association na pangulo ay si Martin Luther King, kung saan nanawagan siya ng hustisya para kay Rosa Parks at sa lahat ng itim. Noong Nobyembre 1956, idineklara ng US Supreme Court na labag sa Konstitusyon ang batas ng segregasyon ng mga itim at puti sa Alabama. Mula noon, kinilala si Rosa Parks bilang simbolo ng pagbabago at nagbigay ng inspirasyon sa buong mundo.

Namatay si Parks, 92, noong Oktubre 31, 2005 sa Detroit at dinala ang kanyang labi sa Capitol Rotunda sa Washington, ang kauna-unahang babaeng itim na dinala rito at pinarangalan.

Hindi lamang nakaimpluwensya si Parks sa civil rights movement sa Amerika, kundi maging sa South Africa. Nang dumalaw sa Detroit noong 1990 si Nelson Mandela (nakulong ng 27 taon dahil sa pakikibaka laban sa Apartheid), nilagpasan niya ang iba pang dignitaryo at diretsang tumungo kay Rosa Parks, habang isinisigaw ang “Rosa, Rosa, Rosa Parks” at kanyang ipinahayag na nagsilbing inspirasyon si Parks sa pakikibaka ng mga taga-South Africa tungo sa kanilang kalayaan at pagsasarili.

Linggo, Hulyo 13, 2008

Pablo Neruda: Makata ng Daigdig, Sosyalista


PABLO NERUDA: MAKATA NG DAIGDIG, SOSYALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 20, Pebrero 2005, pahina 11

Isang pagpapaumanhin ang aking hinihingi. Dapat na ang artikulong ito'y nasulat noong 2004, kasabay ng ika-100 anibersaryo ng kapanganakan ng dakilang makatang si Pablo Neruda. Nalaman ko lang kasi ito nang aking mabili noong Disyembre 13, 2004 ang aklat na "Pablo Neruda: Mga Piling Tula". Ito'y koleksyon ng mga tula ni Neruda na isinalin sa wikang Pilipino ng mga kilalang makata sa bansa, tulad nina National Artist for Literature Virgilio S. Almario, a.k.a Rio Alma; Palanca awardees Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, Vim Nadera (pawang aking mga guro sa palihan sa pagtula), at marami pang iba.

Ngunit sino nga ba ang bunying makatang ito? Si Pablo Neruda ang isa sa pinakapopular na makata ng ika-20 siglo. Isinilang siya bilang si Ricardo Reyes y Basoalto sa bansang Chile noong Hulyo 12, 1904. Ginamit niya ang pangalang Pablo Neruda nang magwagi sa isang timpalak pang-estudyante ang kanyang Cancio de la fiesta (labingpitong taon siya noon). Nalathala ang kanyang unang aklat sa edad na bente anyos.

Isa sa kanyang koleksyon ang Canto general (1950) na ayon kay Almario ay "isang koleksyong initunturing noon at ngayon na sadyang pinagbuhusan ng talino't pagod ni Neruda bilang isang makatang politikal, o mas angkop, bilang makatang Marxista at Komunista dahil ito ang kanyang unang koleksyon pagkaraang sumapi sa Partido Komunista ng Chile noong 1945."

Si Neruda ay nakisangkot sa pulitika dahil sa pagwasak ng mga Pasista sa bahay ng kanyang kaibigang si Rafael Alberti noong 1934, at pagpaslang sa kanyang kaibigang si Federico Garcia Lorca, kasabay ng gera sibil sa Espanya noong1936. Noong 1940, hinirang siyang konsul sa Mexico, at noong 1945 ay kumandidato siya't naging senador ng Chile, kung saan sa panahon ding ito siya sumapi sa Partido Komunista.

Natanggap ni Neruda noong 1953 ang Stalin Prize - ang pinakamataas na karangalang iginagawad ng pamahalaan ng Unyong Sobyet sa mga manunulat na may pulitikal na paninindigan. Pinarangalan siya ng Nobel Prize for Literature noong 1971. Namatay siya sanhi ng kanser noong Setyembre 23, 1973 sa Chile.

Ayon sa pahayagang Granma International, isang pahayagan sa Cuba, umaabot sa apatnapu't limang (45) aklat ng mga tula ang kanyang nalikha. May dalawampung (20) makata umano ang nagsama-sama sa kanyang katawan.

Sa pagdiriwang ng kanyang sentenaryo, maraming tula niya ang ipinaskel sa malalaking biilboards sa buong kontinente ng Latin Amerika. Maraming bookfairs ang inilunsad bilang pagpupugay sa kanya, at tinalakay ang kanyang buhay at nagawa sa mga libro, magasin, pelikula, at mga programa sa telebisyon at radyo, at nagkaroon din ng mga dramatic interpretation ng kanyang mga tula.

Kaming mga makatang Pilipino ay saludo sa mga nagawa ni Pablo Neruda sa larangan ng Panitikan, di lamang sa Chile, di lamang sa Latin Amerika, kundi sa daigdig.

Sabado, Hulyo 12, 2008

SA DAKONG SILANGAN: Aktibismo sa Tulang Epiko ng Makatang Jose Corazon de Jesus

SA DAKONG SILANGAN: Aktibismo sa Tulang Epiko ng Makatang Jose Corazon de Jesus
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 20, Pebrero 2005, pahina 11

Sa matagal-tagal na panahong pananaliksik at pagbabasa ng aklat sa panitikan, nabasa ko ang isang tulang epikong mas matindi pa sa Ibong Adarna, at maaari ritong pumalit bilang pangunahing tulang epikong dapat mabasa ng mga estudyante sa high school. Ito ang Sa Dakong Silangan ni Jose Corazon de Jesus (na kilala ring Huseng Batute), kinikilalang hari ng balagtasan nuong kanyang kapanahunan. Ngunit ang epikong ito'y bihirang makita sa bilihan ng aklat o kaya'y masaliksik sa mga aklatan, di tulad ng Ibong Adarna ta taun-taon yata't nalalathala. Kung ating mapapansin, maraming mga mahahalagang sinulat ang ating mga kababayang makata't manunulat na magpahanggang ngayon ay tinatalakay sa high school. Dalawa rito ay tulang epiko habang ang dalawa naman ay ang mga sikat na nobela ni Jose Rizal.

Natatandaan ko pa noong ako'y nag-aaral ng high school, ang binabasa ng mga mag-aaral at tinatalakay sa unang taon ay ang Ibong Adarna ng isang di nagpakilalang makata (Pinagtyagaan kong hanapin sa mga aklatan kung sino ang may-akda ng Ibong Adarna, ngunit di ko ito natatagpuan); sa ikalawang taon ay Florante at Laura ni Gat Francisco Balagtas; sa ikatlong taon ay Noli Me Tangere ni Gat Jose Rizal; at sa ikaapat na taon ay El Filibusterismo na sinulat din ni Rizal. Nagtanung-tanong ako sa ilang kakilala kung ganito pa rin ba ngayon. Ang sabi ng isa'y oo. Maliban sa Ibong Adarna, pulitikal ang Noli Me Tangere, habang ang Florante at Laura naman ay isang alegorya ng kalagayan ng Pilipinas sa ilalim ng mananakop na dayuhan.

Ang Sa Dakong Silangan ay nalathalang kasama ng iba pang tula ni De Jesus sa aklat na Bayan Ko, na pawang koleksyon ng kanyang mga tulang pulitikal, mula pahina 118 hanggang 181. Hindi ito tulad ng Ibong Adarna at Florante at Laura na hiwalay na nakalathala bilang isang libro. Dagdag pa rito, mas mahaba ng kaunti ang Sa Dakong Silangan na may 443 saknong (1,772 taludtod) kaysa buong Florante na 427 saknong (1,708), kabilang na ang mismong Florante at Laura na may 399 saknong (1,596 taludtod), Kay Selya na may 22 saknong (88 taludtod), at Sa Babasa Nito na may 6 na saknong (24 taludtod). Mas mahaba naman ng halos apat na ulit ang Ibong Adarna na may 1,718 saknong (6,872 taludtod) kaysa Sa Dakong Silangan, na tumalakay sa "buhay na pinagdaanan ng Haring Pilipo at Reyna Malaya sa maalamat na mga Pulong Ginto". Tulad ng Florante at Laura, ang Sa Dakong Silangan ay binubuo rin ng labingdalawang pantig bawat taludtod, at may sesura o hati sa gitna o ikaanim na pantig.

Sa nilalaman, mas maganda ang Sa Dakong Silangan kaysa Ibong Adarna. Naganap ang mga tagpo sa panahon ng mga hari't reyna, tulad din ng Florante at Laura at Ibong Adarna. Makikita agad sa tulang pasalaysay na Sa Dakong Silangan ang pulitika nito, aktibismo at diwang mapagpalaya. Kung ang Ibong Adarna ay paghahanap sa mahiwagang ibon sa Bundok ng Tabor na ang awitin ay lunas sa haring maysakit, ang Sa Dakong Silangan naman ay paghahanap ng kalayaan ng bayan na kinakatawan ng nawawalang si Reyna Malaya. Kaya hindi dapat maitago at amagin na lang sa aklatan ang mahalagang tulang epikong ito. Dapat mabasa ng mga estudyante't kabataan ang Sa Dakong Silangan, mapag-aralan at mapag-isipan ang mensahe nito.

Sa mga mapag-aral at mapagmahal sa panitikang Pilipino, kung di pa ninyo nababasa ang Sa Dakong Silangan ng makatang Huseng Batute, basahin ninyo ito't pagnilayan. At kung maaari, magtulungan tayong gawin ang mga sumusunod: (a) Ikampanya natin sa Kagawaran ng Edukasyon na unahing pag-aralan ang Sa Dakong Silangan kaysa Ibong Adarna, o kaya'y palitan na ng Sa Dakong Silangan ang Ibong Adarna; (b) Kausapin ang mga kilalang guro at prinsipal ng paaralan upang ituro sa kanilang mga mag-aaral ang Sa Dakong Silangan; (c) Maghanap ng magsusuportang pinansyal sa pagsasalibro ng Sa Dakong Silangan para sa mga mag-aaral sa unang taon sa hayskul upang ito'y lumaganap; (d) Kung kinakailangan, ikampanya ito sa Kongreso na magkaroon ng panukalang batas na palitan na ng Sa Dakong Silangan ang Ibong Adarna sa mga paaralan.

Tunghayan natin ang ilan sa mga napili kong makamasang saknong ng Sa Dakong Silangan:

Saknong 270:

Nahan ka, bayan ko? - anang sawing Reyna
Kailan pa kaya kita makikita?
Ang kalayaan ko'y di mo makukuha
Kung hindi sa dugo at pakikibaka!

Saknong 271:

Sa pader na ito ay walang panaghoy
Na maaari pang langit ang tumugon;
Ang aliping bayan kapag di nagbangon
Lalong yuyurakan sa habang panahon!

Saknong 326:

Itong bayan pala kung api-apihan
Ay humahanap din ng sikat ng araw.
At ang lahi palang walang kalayaan,
Sa dulo ng tabak humahanap niyan.

Saknong 368:

Samantalang sila'y nagbabatian
Ang lahat ng kampon ay di magkamayaw,
Kaysa nga palang makita't mamasdan
Ang layang nawala at saka nakamtan!

Narito ang dalawang huling saknong ng Sa Dakong Silangan na siyang habilin ng makatang Jose Corazon de Jesus sa mga kabataan ngayon at sa mga susunod pang henerasyon:

Saknong 442:

Ikaw, kabataang tila nalilinlang
Ay magbalikwas ka sa kinahihigan,
Bayang walang laya'y huwag pabayaang
Ubusin ng mga anay na dayuhan.

Saknong 443:

Ang dakong silangang kinamulatan mo
Maulap ang langit at sakop ng dayo,
Kunin mo ang sulo ng bayani ninyo't
Siyang ipananglaw sa lahat ng dako.

Huwebes, Hulyo 10, 2008

Ang "Demokrasya" ng Burgesya ay Di Demokrasya ng Masa

ANG "DEMOKRASYA" NG BURGESYA AY DI DEMOKRASYA NG MASA
ni Greg Bituin Jr.

Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 11, Nobyembre 2003, pahina 7

Nabanggit ni Abraham Lincoln sa kanyang Gettysburg Speech noong Nobyembre 19, 1863, ang mga katagang "government OF the people, BY the people, FOR the people..." kung saan tinutuloy ito ng maraming iskolar bilang kahulugan ng demokrasya. Pero ang pagiging "government OF the people, BY the people, FOR the people" ba ng demokrasya ay nasusunod sa panahong ito?

Magandang konsepto ang demokrasya, at ang mga mayor na katangian nito ay tulad ng kalayaan ng bawat isa, pagkakapantay-pantay sa harap ng batas, pagboto, at makakuha ng edukasyon. Kasama rin dito ang pagtatamasa ng iba't ibang karapatan tulad ng karapatang magpahayag, mag-unyon, mag-aral, pumili ng bansang kukupkop sa isang tao, at marami pa. At karamihan ng karapatang ito'y nakasulat sa Universal Declaration of Human Rights, International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR), at Bill of Rights ng Konstitusyon ng Pilipinas ng 1987.

Pero ang tanong, totoo bang umiiral ang demokrasya sa ating bansa, tulad ng depenisyon ng mga iskolar kung ano ang demokrasya? Nasa demokrasya raw tayo pagkat nakakaboto ang masa, gayong wala namang mapagpilian ang masa pagkat halos lahat ng mga kandidato ay mga elitista. Nasa demokrasya raw tayo pagkat may kalayaan daw tayo sa pagpapahayag, gayong ang pagrarali natin upang ipahayag ang ating mga karaingan ay hinahanapan pa ng permit, hinaharang, at minsa'y sinasaktan pa. Nasa demokrasya raw tayo pagkat may kalayaang mag-organisa, gayong ang mga nag-uunyon ay itinuturing na kaaway ng manedsment ng kumpanya. Nasa demokrasya raw tayo, pero marami tayong karapatang niyuyurakan ng mga burges na elitista't mga nasa kapangyarihan.

Kung merong demokrasya, bakit natutulog ang mga usapin ng manggagawa sa korte? Ang napapala ba natin sa demokrasya ay maging gutom ang masa? Ang napapala ba natin sa demokrasya ay maging api at mademolis ang kabahayan ng maralita at ng walang maayos na negosasyon sa kanila? Demokrasya ba kung sa proyektong pagpapaunlad ay hindi kasama ang masa? Demokrasya ba kaya namimili ng boto ang mga trapo? Ah, matagal nang binaboy ng mga elitista't kapitalista ang tunay na konsepto ng demokrasya. Pagkat ang ating mga nararanasang panggigipit nila sa ating mga karapatan, ay nagpapatotoo sa depinisyon ng mga elitista kung ano ang kahulugan sa kanila ng demokrasya: "government OFF the people, BUY the people, FOOL the people". Ibig sabihin, gobyernong hindi kasama ang masa, binibili ang masa, at patuloy na niloloko ang masa. Dahil iba ang demokrasya ng burgesya sa totoong demokrasyang dapat tamasahin ng masa.

Dahil dito, dapat lamang nating ipaglaban ang totoong demokrasya ayon sa tunay na kahulugan nito: "government OF the people, BY the people, FOR the people", pamahalaan ng mga tao, sa pamamagitan ng mga tao, para sa mga tao. At upang tunay na umiral ang demokrasyang ito, nararapat lamang kumilos ang masa, pagkat "Ang kapangyarihan ay nasa sambayanan. Dahil dito, karapatan ng sambayanan na labanan at ibagsak ang isang mapang-api, mapagsamantala, at bulok na rehimen sa paraang alinsunod sa mga prinsipyo ng makataong karapatan." - mula sa Artikulo 15 ng Deklarasyon ng Karapatang Pantao at Pansambayanan ng Pilipinas ng 1993.