Biyernes, Nobyembre 27, 2009

Maalam din sa wikang Kastila si Gat Andres Bonifacio

MAALAM DIN SA WIKANG KASTILA SI GAT ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May dalawang patunay na maalam sa wikang Kastila si Gat Andres Bonifacio. Ang una ay ang pagkakasalin niya sa wikang Tagalog ng Mi Ultimo Adios ni Gat Jose Rizal na nakasulat sa wikang Kastila. Ang ikalawa ay ang pagkasulat ni Bonifacio ng isang tula sa wikang Kastila noong bata pa siya.

Maraming salin sa wikang Filipino ang tulang Mi Ultimo Adios ni Gat Jose Rizal, ngunit ang kilalang unang nagsalin nito ay si Gat Andres Bonifacio. Pagkamatay ni Rizal ay limang buwan pang nabuhay si Bonifacio. Matatas at magaling ang kanyang pagkakasalin bagamat isinalin ito ni Bonifacio sa paraang iba ang anyo. Ang tulang Mi Ultimo Adios ni Rizal ay binubuo ng labing-apat na saknong at bawat saknong ay may limang taludtod. Ang pagkakasalin naman ni Bonifacio ay binubuo ng dalawampu't walong saknong, ang bawat saknong ay may apat na taludtod, at ang bawat taludtod ay may pantig na lalabingdalawahin. Kumbaga, ang isang saknong ni Rizal ay ginawang dalawang saknong ni Bonifacio. Tingnan natin ang pagkakasalin ni Bonifacio kay Rizal sa una at huling taludtod:

Saknong 1 ng Mi Ultimo Adios ni Rizal:

Adios, Patria adorada, region del sol querida,
Perla del Mar de Oriente, nuestro perdido Eden!
A darte voy alegre la triste mustia vida,
Y fuera más brillante más fresca, más florida,
Tambien por tí la diera, la diera por tu bien.

Salin ni Bonifacio sa Saknong 1:

Pinipintuho kong Bayan ay paalam
lupang iniirog ng sikat ng araw,
mutyang mahalaga sa dagat Silangan
kaluwalhatiang sa ami'y pumanaw.

Masayang sa iyo'y aking idudulot
ang lanta kong buhay na lubhang malungkot;
maging marangal man at labis alindog
sa kagalingan mo ay akin ding handog

Saknong 14 ng Mi Ultimo Adios ni Rizal:

Adios, padres y hermanos, trozos del alma mía,
Amigos de la infancia en el perdido hogar,
Dad gracias que descanso del fatigoso día;
Adios, dulce extrangera, mi amiga, mi alegría,
Adios, queridos séres morir es descansar.

Salin ni Bonifacio sa Saknong 14:

Paalam, magulang at mga kapatid,
kapilas ng aking kaluluwa't dibdib,
mga kaibigan bata pang maliit,
sa aking tahanang di na masisilip.

Pagpasalamatan at napahinga rin,
pa'lam estrangherang kasuyo ko't aliw,
paalam sa inyo mga ginigiliw,
mamatay ay siyang pagkagupiling.

Hindi lang nagsalin ng tula ni Rizal si Bonifacio bilang patunay ng kanyang kaalaman sa wikang Kastila, kundi nagsulat din siya ng tula sa wikang Kastila, na ayon sa mananaliksik na si Virgilio S. Almario ay mula umano sa ulat ng isang E. Arsenio Manuel. [Panitikan ng Rebolusyon(g 1896), V. S, Almario, pahina 134]. Ang tulang ito "diumano'y nilikha ni Bonifacio noong bata pa at nakakanta pa ng kapatid na si Espiridiona nang kapanayamin ni Manuel." (Ibid.) Ibig sabihin, di lang simpleng tula sa wikang Kastila ang nalikha ni Bonifacio kundi isang awit. Narito ang dalawang saknong ng tula sa wikang Kastila ni Gat Andres Bonifacio:

MI ABANICO
un poema de Andres Bonifacio

Del sol nos molesta mucho el resplandor,
Comprar un abanico de quita el sol;
Aqui sortijas traigo de gran valor,
De lo bueno acaba de lo mejor,
de lo mejor.

El abanico servi sabeis para que?
Para cubrir el rostro de una mujer,
Y con disimulo pondreis mirar,
Por ente las rajillas del abanico.
Vereis la mar.

Noong high school ako ay may kurso pang Spanish. Nasa third year yata kami noon nang nagturo sa amin ng Spanish ang aming gurong si Mam Luz Boayes. Kahit ang sikat na awiting Espanyol na "Eres tu" ay tinuro niya't pinakanta sa amin, at tanda ko pa ang tono nito. Halos limot ko na ang ilang itinurong mga pangungusap sa Espanyol dahil bihira naman itong gamitin sa araw-araw. Sa kaunti kong kaalaman sa wikang Kastila, sinubukan kong isalin ang tula ng ating bayani. Wala kasing salin ang awiting ito sa aklat ni Almario. Ang nagawa ko'y isang tulang may labing-anim na pantig na may sesura (hati) sa ikawalo. Narito ang aking malayang salin sa wikang Filipino ng tulang "Mi Abanico" ni Bonifacio:

ANG AKING PAMAYPAY
tula ni Gat Andres Bonifacio

Sadyang nakababagabag yaring araw na sumikat
Kaya dapat lang mabili ang pamaypay na pantapat
May dala rin akong singsing na mahusay yaong karat
Kung ano ang mas mabuti ay buting karapat-dapat
kabutihang nararapat.

Ang silbi ng pamaypay ay iyo bang nababatid
Na sa maamong mukha ng binibini'y nagsisilid
At kabighanian niya'y susulyapan din ng lingid
Mula sa katawan niring pamaypay na ating hatid
habang ang dagat ay masid

Marahil, balang araw ay susubukan ko ring isalin sa makabagong wikang Filipino ang tula ni Rizal bilang dagdag sa marami nang salin ng Mi Ultimo Adios. Isa yaong hamon sa aking kakayahan bilang manunulat at tagasalin.

Sa kaalaman ni Bonifacio sa wikang Kastila, ang kanyang pagsulat ng tula sa wikang ito noong bata pa siya, at ang pagkakasalin niya sa huling tula ni Rizal ay nagpapatunay lamang na may matalas na kaisipan at may pinag-aralan si Bonifacio. Ibig sabihin, hindi totoo ang impresyon ng tao sa kanya na hindi siya marunong bumasa at sumulat, tulad ng nais ipahiwatig ng namayapang direktor na si Marilou Diaz-Abaya sa pelikulang "Rizal" na pinagbibidahan ni Cesar Montano. Sa pelikula'y ipinakitang utal kung magbasa si Bonifacio.

Bagamat hindi nakatapos ng ikalawang baytang sa hayskul si Bonifacio, siya naman ay palabasa. Ayon sa aklat na "A History of the Philippines: From the Spanish Colonization to the Second World War" nina Renato at Letizia Constantino, pahina 162: "Poverty prevented him (Bonifacio) from going beyond the second year of high school but he was an avid reader, especially on the subject of revolution." (Kahirapan ang pumigil kay Bonifacio upang makatapos ng kanyang ikalawang baytang sa mataas na paaralan ngunit siya'y masipag magbasa, lalo na sa paksa ng himagsikan. - salin ni GBJ) Ipinapakita nito na hindi lamang sa paaralan nakukuha ang karunungan kundi sa pagtitiyaga at pagsisikap na matuto sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsusunog ng kilay.

Isang inspirasyon ang ginawang ito ni Bonifacio para sa kasalukuyang salinlahi upang yaong hindi makapag-aral dahil sa mahal ng presyo ng matrikula, o dahil itinulak sila ng kalagayang maghanapbuhay sa mas maagang edad, ay maaari ding maging mahusay na pinuno balang araw. Kaya dapat magbasa-basa ang mga kabataan ngayon ng mga aklat hinggil sa pilosopiya, matematika, agham at teknolohiya, araling panlipunan, at iba pang makabuluhang araling tingin nila'y makatutulong sa kanilang pag-unlad bilang taong may dignidad, prinsipyado, nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao.

Ang kaalamang ito ni Bonifacio sa wikang Kastila ang isa sa nagdala sa kanya sa imortalidad, tulad din ng kanyang pagiging makata, manunulat, manggagawa, estratehista, pinuno ng himagsikan, pangulo ng unang pamahalaan, at pambansang bayani.

Linggo, Agosto 30, 2009

Wikang Filipino, Wika ng Aktibismo

WIKANG FILIPINO, WIKA NG AKTIBISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 2, p.2)

Tatlong daan taon tayong alipin ng mga mananakop. Hindi tayo nagkakaisa. Ngunit nang simulan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang pagsusulat ng ating kasaysayan at adhikaing mapagpalaya sa mismong ating sariling wika, napakabilis ng pagpapalawak nila sa Katipunan. Ilang taon lamang ay inilunsad ang paghihimagsik at lumaya tayo sa kamay ng mga Kastila.

Ilang beses nang sinabi ng national artist na si Virgilio S. Almario na nang sinakop tayo ng mga Kastila, winasak nito ang ating gunita. Wala tayong maayos na nasulat na kasaysayan bago pa ang Kastila dahil binura nito ang ating alaala. Ngunit naiwan ang ating wika, na siyang salamin ng ating pagkatao at pagkakakilanlan bilang isang lahi sa silangan. Dahil sa wika, nakilala natin ang ating sarili, tayo'y nagkaisa. Napakahalaga ng sariling wika sa pagkatao kaya nasabi ni Jose Rizal sa kanyang tulang "Sa Aking Mga Kabata" na inawit ni Florante: "Ang sinumang di magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa mabahong isda." Dito pa lang ay ikinabit na ni Rizal ang wika sa pagkatao at dangal.

Idadagdag ko pa: "Ang sinumang Pilipinong di gumamit at magsalita ng sariling wika ay higit pa sa amoy ng malansang isda." Walang pagkatao at dangal ang mga Pilipinong ayaw magsalita ng sawiling wika. Dapat silang ikahiya.

Mas nais pa nilang gamitin ang wika ng ilustrado. Kung noon ay wikang Kastila, ngayon naman ay wikang Ingles. Marami sa ating ang lumaki sa paniniwalang Ingles ang wika ng mga edukado, ng mayayaman, ng makapangyarihan, ng husgado, ng senado, ng burgesya sa pangkalahatan, ng mga respetado sa mataas na lipunan. At ang tingin nila sa wikang Filipino ay wika sa kanto, wika ng mga atsay, wika ng mga api, wika ng masa.

Ngunit dahil sa wikang Filipino, nagkaunawaan tayo. Nagkaisa ang mamamayang Pilipino laban sa mga Kastila, sa Amerikano, sa Hapon, at sa diktadurya. Ibinagsak natin ang diktadurya dahil nauunawaan natin ang isa't isa, masa man at mayaman.

Ang nakakalungkot, kahit sa eskwelahan, minsan ay halos wala nang naririnig na ibang wika kundi Ingles, na masasabi nating naghati sa marami, naghati sa mga probinsiyano't tagalunsod, sa mahihirap at mayayaman. Patok pa ay mga pelikulang Ingles habang bakya naman ang tingin ng marami sa pelikulang Filipino, kahit na marami itong naipanalong award. Ganuon din sa mga awitin.

Ang nakakaawa ay ang kababayan nating hindi bihasa sa Ingles kaya hindi maipagtanggol kaagad ang sarili dahil ang mga batas at patakaran ay nasusulat sa Ingles. Para bang inihiwalay ang ating puso't utak. Wikang sarili ang gamit sa pakikipagtalastasan habang nakasulat sa wikang Ingles ang pinag-uusapan.

Kaytagal na nilang ginagamit ang wikang Ingles ngunit nananatli pa rin ang problema ng bayan sa ekonomya, pulitika, at edukasyon. Ito'y dahil na rin sa halip na gumawa ng paraan upang itaguyod ang pambansang wika, hinahati tayo't pinagwawatak-watak ng wikang Ingles. Ginagamit ito para wasakin ang mga bahay ng maralita, kamkamin ang lupa ng mga magsasaka, upang tanggalin ang mga manggagawa sa pabrika, upang pagharian nila ang pulitika at ekonomya, upang maging mababa ang tingin sa masa, upang bolahin sa SONA ang mamamayan.

Gamitin natin ang wikang sarili laban sa mga ilustrado, laban sa burgesya, para sa pagkakaisa ng masa. Walang bansang umunlad na hindi nagtaguyod ng sariling wika nila. At kawawa ang bansang walang sariling wika, dahil wala silang gunita ng kanilang kasaysayan at nakaraan, kaya sila'y mga alipin. Mabuti na lamang at nang burahin ng mananakop ang alaala ng ating mga ninuno'y di nila nabura ang ating wika. Ang sariling wika ay kakabit na ng pagkatao at dangal ng bawat isa. Kung wala kang sariling wika, isa kang alipin at walang kalayaan. Kung may sarili kang wika ngunit ayaw mo itong gamitin, mayabang ka kundi man mapang-alipin.

Gamitin natin ang sariling wika upang magtagumpay ang masa tungo sa kanyang paglaya. Ang bayang may sariling wika ay bayang malaya. Kaya hindi lang sa pagsapit ng Linggo ng Wika tuwing Agosto lang natin inaalalang dapat itaguyod ang sariling wika, kundi sa lahat ng panahon. Ayon nga sa isang kasabihan, "Ang sinumang di magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa mabahong isda."

Pabahay, Dahilan ng Pandaigdigang Krisis

PABAHAY, DAHILAN NG PANDAIGDIGANG KRISIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 1, p.4)

Nasaklot ang buong mundo ng krisis sa pinansya na nagdulot ng pagsasara ng maraming pabrika at pagkatanggal ng mga manggagawa sa iba't ibang panig ng mundo. Kahit ang kapitalistang sistema ay nayanig. Ngunit ano ba ang dahilan nito. Ayon sa pananaliksik, ang dahilan ng krisis ay pabahay.

Ang dahilan ng krisis ay mga housing loans, na tinatawag na subprime mortgage market sa US noong 2002. Ang mga housing loans na ito ay ibinigay sa mga taong mababa ang kakayahang magbayad (low credit ratings) o mababa ang kita na sa simula'y mababa ang interest rate ngunit itinaas din sa kalaunan. Pinaluwag ang mga rekisito at pinalawak ang merkado upang makautang sila, pagkat gusto ng mga kapitalistang tumubo ng malaki. Ang pinuhunan dito'y milyun-milyong dolyar.

Sumabog ang krisis noong Setyembre 2008 nang di na kayang magbayad ng mga umutang ang kanilang hulugang bahay. Maraming bahay ang nailit. Kaya nagbagsakan ang presyo nito, naging buy one, take one. Dahil sa pagbagsak ng presyo ng bahay, kahit na yaong may kakayahang magbayad ay iniiwan ang kanilang bahay dahil mas malaki ang kanilang hinuhulugang prinsipal kaysa sa presyo ng bahay. Kaya ang naging resulta, pawang mga bahay ang naiwan sa mga bangko, walang pera. Dito na nagsimula ang krisis na tinawag na credit crunch.

Ngunit di lamang mga kumpanya sa Amerika na nagpautang sa mga tao ang apektado ng mga utang na di na mabayaran. Lumaganap sa buong sistemang pampinansya sa mundo ang epekto nito. Kumbaga, nagkaroon ito ng chain reaction kaya naapektuhan ang iba pa.

Ang sistemang kapitalismo ang dapat sisihin sa krisis na ito. Mula 1996 hanggang 2006, lumikha sila ng $8Trilyong kayamanang nakalista sa bula, kung saan ang utang para sa 2.3 milyong pabahay ang pinagpasa-pasahan ng mga bangko para sa dagliang tubo. Pinataas nito ang presyo ng mga bahay, mula sa dating $163,000 ay naging $262,000, hanggang sa ito'y di na kayang bayaran kaya nilayasan ng mga nakabili.

Maraming bahay ang nabakante, kaya agad bumagsak ang presyo nito ng halos 70%. Sa unang bugso'y bumagsak ang pamilihan, at halos $1.3Trilyong puhunan ang parang bulang nawala. Tinawag ito ng mga kapitalista't gobyerno na Global Financial Crisis. Para sa mga ito, suliranin ito sa kakulangan ng pondo dahil sa pagkabangkrap ng mga international investment houses at mga bangko sa Wall Street sa pangunguna ng Lehman Brothers, Merryl Lynch at American Insurance Group. Lumikha ito ng domino effect sa mga bangko't mga industriya sa iba't ibang panig ng daigdig. Ang ginawa ng mga kapitalistang gobyerno'y i-bailout ang mga nabangkrap na kumpanya at maglaan ng safety nets sa mga manggagawa. Ngunit mas matindi ang tama ng krisis sa mga manggagawa. Krisis sa kabuhayan ng manggagawa ang kahuugan ng pampinansyang krisis na ito. Sa ngayon nga, tinatayang 241 milyong manggagawa na ang walang trabaho sa mundo.

Inilantad sa ating mga mukha ang katotohanan ng kapitalistang sistema. Wala itong maidudulot na mabuti sa maralita kundi lalo't lalong krisis, lalo't lalong kahirapan.

Inilantad din nito ang pagkakataong pag-isipan na natin ang alternatibo sa sistemang kapitalismo na sa mahabang panahon ay yumurak sa ating pagkatao at nagpahirap ng matindi sa atin. May pag-asa pa bang mawakasan ang krisis na ito at ang sistemang nagdulot nito? Anong dapat nating gawin?

Hanggat may buhay, may pag-asa, ayon sa isang katutubong kasabihan. Pagtulungan nating tuklasin ang sikreto ng kapitalismo at ilantad ang kabulukan nito. At tayo'y magkaisa at kumilos sa adhikaing palitan na ang bulok na sistemang kapitalismo dahil hindi ito ang sistemang naglilingkod sa atin.

Panahon na para pangarapin natin ang sosyalismo, ang sistemang may paggalang sa karapatang pantao ng bawat isa at pangunahin ang kapakanan ng tao, at hindi ng iilan para lang sa kanilang tubo.

Ibagsak ang kapitalismo! Sumulong tungo sa sosyalismo!

Sabado, Hulyo 11, 2009

Ang Maralita Bilang Uring Proletaryado

ANG MARALITA BILANG URING PROLETARYADO
ni Gregorio V. Bituin Jr.


Maraming maralita ang nagtatanong kung bakit isinisigaw natin sa mga rali ay "uring manggagawa, hukbong mapagpalaya", gayong hindi naman daw sila manggagawa. Wala daw silang pirming trabaho, di tulad ng mga manggagawa na swelduhan.

Una kong napuna ang sentimyentong ito sa isyu ng P125 nang magrali kami sa Kongreso upang hilingin ang pagpapasa ng batas hinggil sa P125 dagdag na sahod ng mga manggagawa. Mga bandang 2003 yata ito, kung hindi ako nagkakamali.

Sabi ng mga maralita, "Nasaan ang mga manggagawa? Bakit tayong mga maralita ang sumisigaw na itaas ang sahod, gayong wala naman tayong sahod. Ano ang itataas sa atin? Hindi natin ito isyu." Sa raling iyon kasi, mas marami ang maralitang nagrali kumpara sa mga manggagawa.

Sa ilan sa aming mga talakayan, lagi nilang itinatanong kung maituturing ba silang manggagawa. Maralita sila at walang sahod, katwiran nila. Ako naman ay nagsasabing bilang maralita, bahagi tayo ng uring manggagawa. Pero sa pagpapaliwanag sa kanila, kailangan talagang ipaliwanag ito ng masinsinan at hindi simple lang na sabihing "Ang manggagawa ay umuuwi sa mga komunidad at ang mga maralitang may trabaho ay manggagawa." Dahil kasabay nito'y ihihirit nilang muli, "Bakit tayong maralita, sumasama sa mga pagkilos ng mga manggagawa, pero pag tayong maralita ang dinedemolis, wala naman dito ang mga lider-manggagawa. Paano natin mapapatunayan na sila nga ang hukbong mapagpalaya?"

Matitindi ang mga tanong. Ngayon ngang 2009, ilang araw lang ang nakararaan ay muli itong naging paksa ng mga maralita, kaya obligadong talakayin ito ng isang lider-manggagawa sa pulong ng mga pinuno ng lider-maralita. Kinakailangan talagang patindihin pa ang edukasyon o pagpapaunawa ng diwa ng uring manggagawa sa lahat ng sektor.

Kailangan talagang magagap ng maralita na pag sinabi nating manggagawa, hindi ito tumutukoy lamang sa mga manggagawa sa pabrika. Ito'y Marxistang termino na tumutukoy sa relasyon sa pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon tulad ng makina, pabrika, lupain at mga hilaw na materyales. Dahil Marxistang termino, hindi ito depinisyong taal sa Pilipinas. Obligadong ipaunawa sa kanila bakit lumitaw ang ganitong termino, at bakit natin sinasabing manggagawa ang mga maralita, mangingisda, at maliliit na manininda o vendors, at iba pang aping sektor, kahit hindi sila nasa pabrika.

Isa sa mga pulitikang pag-aaral na ibinibigay sa mga maralita ang ARAK o Aralin sa Kahirapan. Dito'y pinag-aaralan ang mga pinagdaanang lipunan ng tao sa kasaysayan.

Una, sa panahon ng primitibo komunal, kung saan ang mga tao mula sa iba't ibang tribu'y kolektibong namumuhay at nagsasalu-salo sa mga pagkaing kanilang nakukuha.

Lumitaw ang lipunang alipin nang inalipin ng mga malalakas na tribu ang mahihinang tribu. sa panahong ito nagawa ang Great Wall sa Tsina, Pyramid sa Ehipto, at ang Taj Mahal sa India na pawang produkto ng mga alipin. Naging pag-aari ng panginoong may-alipin ang mga alipin.

Nang matuto ang tao ng pag-aagrikultura at inari na ng tao ang lupa, lumitaw ang panginoong maylupa at ang mga walang pag-aari ay nagtrabaho bilang magsasaka. Ito ang lipunang pyudal. Ang sistema dito'y hatian ng produkto sa pagitan ng may-ari ng lupa at ng walang lupang magsasaka, na ang ibinenta ay ang kanilang lakas-paggawa.

Dahil nang panahong iyon ay may salapi na bilang gamit sa pagpapalitan ng mga kalakal, na siyang sistema ng mga mangangalakal ng panahong iyon, lumaganap ang paggamit ng salapi bilang kapalit ng serbisyo.

Kasabay ng paglitaw ng Rebolusyong Industriyal, unti-unti na ring napalitan ang hatian ng produkto sa lupa, na imbes na palay ang kapalit ay salapi na. Unti-unti nang napalitan ang lipunang pyudal ng sistemang kapitalismo. Malaki ang papel na ginampanan ng mga mangangalakal o merchant upang maipakilala ng unti-unti ang sistemang ito. Pati na ang palitan ng kalakal gamit ang pera, at pagbibigay ng pera kapalit ng serbisyo o lakas-paggawa. Kaya para ka magkapera, kung wala kang kapital, ang ibenta mo ay ang iyong lakas-paggawa kapalit ng katumbas na salapi sa bilang ng oras bawat araw. Halimbawa, inupahan ka ng walong oras bawat araw, ang salaping ibibigay sa iyo ay tinatawag na sahod.

Sa lipunang kapitalismo, nariyan ang mga may-ari ng mga kagamitan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika, hilaw na materyales at malalaking lupain, na siya nilang kapital upang makagawa ng maraming produktong bumubuhay sa lipunan, habang ang mas nakararami ay ang mga nabubuhay lamang sa pamamagitan ng pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa. Sa lipunang ito sumulpot ang dalawang uri: Una'y ang uring nagmamay-ari ng mga gamit sa produksyon, na tinatawag na kapitalista, burgesya, naghaharing uri, o elitista. Dahil sa kanilang kapangyarihan sa pag-aari, kinilala silang makapangyarihan sa ekonomya at pulitika ng isang bansa.

Ang ikalawa'y ang uring walang pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon o mga proletaryado (mula sa salitang Italyanong "proletarius" o mamamayan nasa mababang uri dahil walang pribadong pag-aari ng ikabubuhay) at nabubuhay lamang sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa, pangunahin ang mga manggagawang nagtatrabaho sa mga pabrika, kasama na rin dito ang mga maralita, mga bendor, guro, at iba pang nabubuhay lamang sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa. Sa kalaunan, mas ginamit ang salitang ‘proletaryado’ na tumutukoy sa manggagawa bilang uri at malakas na pwersa sa pagbabago.

Dahil walang pribadong pag-aaring pabrika, makina at lupain ang mga maralita, kundi nabubuhay din lang sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa o pagtatrabaho para swelduhan, ang maralita ay nabibilang sa uring manggagawa o proletaryado at hindi sa uring kapitalista. Kaya ang maralita’y di lang simpleng bahagi ng uring proletaryado, kundi sila mismo’y uring proletaryado.

Sa masinsinang pagpapaliwanag sa mga maralita, mas naunawaan nila kung bakit sila uring manggagawa o proletaryado. Kailangan lang na tayo'y maging matyaga sa pagpapaliwanag at pagpapaunawa nito sa kanila.

Lunes, Hulyo 6, 2009

TRAPO KADIRI: Sa Republikang Basahan Naghahari

TRAPO KADIRI: Sa Republikang Basahan Naghahari
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Basahan ang trapo. Panlinis sa kadumihan. Ngunit ang isa pang trapo ay pinaikling 'traditional politician', na ibang klaseng luminis, dahil ang kadalasang nililinis ay kaban ng bayan. Ito ang trapong walang silbi sa bayan, at namamayagpag sa republikang basahan.

Noong una, tinawag sila ng mga mamamahayag na 'tradpol' na kasintunog ng tadpole o palaka. Hanggang sa uminog na ito sa salitang 'trapo' (Jose F. Lacaba, 02-21-06). Ayon naman kay Dean Jorge Bocobo, naimbento ang salitang 'trapo' dahil kay dating Speaker Jose de Venecia (Philippine Commentary, 05-31-04). Noong 1995, ginamit na rin ito ng Students Advocates for Voters Empowerment (SAVE) na itinatag ng National Federation of Student Councils (NFSC) at Kalipunan ng Malayang Kabataan (Kamalayan) sa kanilang TRAPO KADIRI campaign, kung saan naipanalo nila ang apat sa pito nilang kandidato sa kongreso. Ayon naman kay Henry F. Carey, tinawag na ng NAMFREL ang mga traditional politicians na 'trapo' (Christian Science Monitor, 08-19-91). Ngunit bago pa mapasok ang bagong kahulugan ng trapo sa ating wika, uso na ang 'trapo' sa panahon pa ng Batasang Pambansa ni Marcos.

Ang trapo ay mga tradisyunal na pulitiko. Ibig sabihin, nagsimula ang pamamayagpag ng mga trapo mula pa ng maitayo ang Pangkalahatang Asembliya, o kauna-unahang kongreso sa Pilipinas, noong 1916.

Dahil sa kanilang kayamanan at impluwensya sa ekonomya't pulitika ng kanilang bayang nasasakupan, sila ang kinilala'y nahalal sa matataas na pusisyon sa bansa. Ang kanilang kapangyarihan ay palipat-lipat sa kamay ng kanilang pamilya, asawa, anak, at maging apo.

Kadalasang ginagamit ng mga trapo para manalo ay tatlong G's (guns, goons, gold), ngunit ngayon ay 5 G's na (guns, goons, gold, Garcia at Gloria). Nadagdag ang Garci at Gloria nitong mga nakaraang taon, dahil sa isyu ng "Hello, Garci" tapes, kung saan kinausap ni Gloria si Comelec commissioner Virgilio Garcialiano. Wala na si Garci sa Comelec, ngunit ang iniwan niyang pangalan sa eleksyon sa Pilipinas ay mananatili. Nalagay na ang kanyang pangalan sa diksyunaryo ng pandaraya sa elektoral sa bansa. Kaya habang may dayaan, maaalala ng tao ang kanyang pangalan. "Mag-ingat baka ma-Garci tayo." Marahil matatagalan pa bago mapalitan ang 5 Gs na ito, at marahil di pa ito mangyayari sa eleksyong 2010.

Kananiwan, ang trapo ay mula sa mayayamang angkan sa kanilang bayan o lungsod, at ang mga kamag-anak ay may mga matatas din na posisyon sa gobyerno. Kontolado nila ang ekonomya’t pulitika ng kanilang bayan o lungsod.

Tinukoy ng kolumnistang si Fel Maragay sa dyaryong Manila Standard Today (May 14, 2007) kung sinu-sino ang mga angkang kumokontrol sa pulitika ng bawat probinsya. Ayon sa kanya, ito'y sina "Ortega ng La Union, mga Dy ng Isabela, mga Marcos ng Ilocos Norte, mga Singson ng Ilocos Sur, mga Joson ng Nueva Ecija, mga Roman ng Bataan, Magsaysay ng Zambales, mga Cojuangco at Aquino ng Tarlac, mga Fuentebella ng Camarines Norte, mga Dimaporo ng Lanao del Sur, mga Osmeña ng Cebu, mga Espinosa ng Masbate, mga Laurel at Recto ng Batangas, mga Gordon ng Zambales, mga Plaza ng Agusan, mga Durano ng Danao City, mga Antonino ng General Santos, mga Lobregat ng Zamboanga City at mga Cerilles ng Zamboanga del Sur." Idinagdag pa niyang may mga bagong angkang sumusulpot, tulad ng angkang Estrada sa San Juan, mga Arroyo sa Pampanga at Negros Occidental, mga Angara sa Aurora, mga Defensor sa Iloilo at sa Quezon City, mga Suarez sa lalawigan ng Quezon, mga Villafuerte sa Camarines Sur, mga Villarosa sa Mindoro Occidental, mga Espina sa Biliran, mga Ampatuan sa Mindanao, at ang mga Akbar sa isla ng Basilan.

Ang trapo ay tulad ng mga uwak na laging sariling pangalan ang binabanggit. Syempre, para matandaan lagi.

Ang trapo ay pera ang pang-akit sa mga botante. Syempre, mayaman.

Ang trapo ay yaong palipat-lipat ng partido para matiyak ang panalo sa halalan. Syempre, hunyango o kaya’y balimbing.

Ang trapo ay yaong mga pulitikong tumatapak lang sa lugar ng iskwater pag malapit na ang botohan. Syempre, nandidiri sa iskwater.

Ang trapo ay yaong pinagmamayabang ang proyekto ng pamahalaan na siya umano ang nagpagawa, gayong galing iyon sa pondo ng bayan, at ang gumawa'y simpleng manggagawang tinipid pa sa sweldo, kaya manggagawa'y nagugutom. Syempre, kapitalista.

Ang trapo ay yaong nag-aartista muna bago pasukin ang pulitika. Syempre, para makilala agad.

Ang trapo ay laging pinaghihintay ang mga taong kinakailangan siya. Syempre, paimportante.

Ang tingin ng trapo sa kanilang sarili ay hindi lingkod bayan, kundi negosyante't haring may kapangyarihan. Marami ngang bayarang bodyguard ang mga trapong ito. Syempre, negosyanteng nag-aastang lingkod-bayan.

Para sa trapo, negosyo ang pulitika. Bakit naman sila magtatapon ng milyung-milyong piso sa kampanyahan para lang ipagpalit sa napakaliit na sweldo kada buwan ng pangulo at iba pang posisyon sa pamahalaan, kung hindi nila ito babawiin mula sa kabang yaman ng bayan?

Ang trapo ay yaong mga tiwaling pulitikong ginagatasan ang kabangyaman ng bayan para manatili sa pwesto. Syempre, hawak nila ang pondo ng bayan.

Ang trapo ay yaong mga kinatawan ng pribadong nagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng mga pabrika, makina, at malalawak na lupain. Syempre, panginoong maylupa, o kaya'y panginoong kapitalista.

Ayaw ng trapo ng pagbabago dahil tiyak sila ang mababago. Kaya gusto nilang panatilihin ang kasalukuyang sistema, o tradisyon ng pulitika sa bansa.

Higit sa lahat, ang trapo ang mga tagapagsulong ng bulok na sistema, at representante ng kapitalismo laban sa uring manggagawa at sa naghihirap na sambayanan.

Silipin natin kung sinu-sino ang mga tatakbong trapo sa pagkapangulo sa 2010. Nariyan si Senador Manny Villar representante ng Las Pinas at ang asawang si Cynthia Villar ay Congresswoman ng Las Piñas. Si Senador Mar Roxas, na magiging kabiyak ay ang sikat na mamamahayag na si Korina Sanchez ng ABS-CBN, ay apo ni dating Pangulong Manuel Roxas at anak ni dating senador Gerry Roxas. Si Defense secretary Gilbert "Gibo" Teodoro, na pamangkin ni Danding Cojuangco na kapatid ng kanyang ina. Asawa naman niya si Rep. Monica Prieto ng Tarlac, na lalawigang balwarte ng mga Cojuangco. Si Senador Chiz Escudero ay galing sa angkan ng mga Escudero sa Sorsogon. Ang kanyang ama ay dating Congressman sa unang distrito ng Sorsogon, at ang mga tiyuhin naman niya ay Bise-Gobernador at Meyor sa kanilang probinsya. Si Joseph Estrada, guilty sa salang plunder ngunit napardon kaya di nakulong, ay nagbabalak na namang tumakbo. Walang kadala-dala. Nasa pulitika rin ang kanyang mga anak na sina Senador Jinggoy at Mayor JV, habang dating senadora ang kanyang asawang si Loi. Nariyan din sina Loren Legarda at Noli “Kabayan” de Castro na pawang batikang mamamahayag. Si Bayani Fernando na maraming kinawawang vendors ay nagbabalak ding kumandidato.

Bistado na sila, ngunit patuloy pa silang namamayagpag sa ating bansa. Kawawa ang bayan dahil sa kanilang kagagawan. Sobra na sila. Dapat lang silang kalusin. Kaya ngayon ay may mga itinatag na kilusang anti-trapo sa iba't ibang panig ng bansa upang di na sila muli makapaghari. Kung noong 1995, ang pakikbakang anti-trapo ay aktibidad lamang ng kabataan, ngayong 2009, ito'y pakikibaka na ng buong bayan.

Panahon nang palitan ang Republikang Basahan na itinayo nila ng isang tunay na gobyerno ng ng masa't ng manggagawa. HALINA’T IBAGSAK ANG TRAPONG PAGHAHARI! Ngayon!

Huwebes, Hunyo 25, 2009

Si Bonifacio at ang Tagalog at Katagalugan

SI BONIFACIO AT ANG TAGALOG AT KATAGALUGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa mga dokumento ng Katipunan at sa mga sulatin ni Gat Andres Bonifacio, mas ginamit niya ang Katagalugan na siyang katawagan sa bayan, at Tagalog naman sa mamamayan. Bihira niyang ang Filipino at ang Filipinas dahil noong panahong iyon, dahil Filipino ang tawag ng mga Kastilang ipinanganak dito sa Filipinas, at ang Filipinas ay ipinangalan dito ng mga prayle't Kastila bilang pagpupugay sa hari ng Espanya. At sa kanyang tulang "Katapusang Hibik ng Filipinas" ay negatibo ang kanyang pagkakagamit sa Filipinas.

Mas ginamit ni Bonifacio ang taal na salitang Katagalugan para sa buong sangkapuluan at ang Tagalog para sa mamamayan, na ang kahulugan batay sa isang dokumento ng Katipunan ay ito: “Sa salitang tagalog katutura’y lahat nang tumubò sa Sangkapuluang ito; sa makatuid, bisayà man, iloko man, kapangpangan man, etc., ay tagalog din.”

Pinatotohanan din ito ni Gat Emilio Jacinto sa paksang "Ang Bayan at ang mga (Gobierno) Pinuno, na bahagi ng kanyang mahabang akdang "Liwanag at Dilim": "Ang Bayan na dito’y sinasabi ko ay hindi ang kapisanan ng mga taong nananahan sa gayong lugar, kundi ang katipunan ng lahat ng Tagalog: ng lahat na tumubo sa Sangkapuluan."

Ipinaliwanag pa itong maigi ng historyador at kaibigang si Ed Aurelio C. Reyes sa kanyang sanaysay na "Bakit nga ba 'Katagalugan' ang Ipinangalan sa Bayan?" Isinulat ni Reyes: "Noong panahon ng pananakop na mga Kastila sa ating kapuluan, ang tinatawag na Filipino ay yaong mga Kastilang dito sa ating bayan ipinanganak. Indio naman ang tawag nila sa atin. Mestiso at mestisa naman ang may magkahalong dugo. Ayon sa talababa sa unang pahina ng Kartilya ng Katipunan, sa salitang "Tagalog," kahulugan ay "lahat ng tumubò sa Sangkapuluang ito. Samakatuwid, Bisaya man, Iloco man, Kapampangan man, etc. ay Tagalog din." Sa katunayan, pawang magkakasingkahulugan naman ang mga katagang Tagailog, Ibanag, Ilokano, Kapampangan, Sugbohanon, Subanon, Subanen, Agusan, Tausug, atbp. Mulat sina Bonifacio na ang mga katangiang "taga-ilog" at "taga-agos" ay isang katangian na nagkakapare-pareho ang karamihan sa ating pamayanan sa buong kapuluan. Kaya nakita nilang bagay itong ipangalan sa pagkakaisa ng mga pamayanan sa isang pagkabansa. Maliban pa rito, ang ilog ay tunay na simbulo ng malusog na pag-uugnayan na tulad ng ating mga ugat na dinadaluyan ng "dugong nag-uugnay at naglilingkod sa buhay." - mula sa pahina 14-15 ng magasing Tambuli, Agosto 2006, ika-5 isyu.

Ang sanaysay na "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" ni Andres Bonifacio ang isa sa pinakatanyag niyang sanaysay. At sa isa pa sa kanyang sanaysay, ang "Katipunang Mararahas ng mga Anak ng Bayan" ay tinapos niya sa "Mabuhay ang Haring Bayang Katagalugan!"

Halina't basahin ang ilan sa mga saknong ng kanyang mga tula kung saan niya ginamit ang salitang Tagalog. Narito ang ikatlong saknong ng tulang "Tapunan ng Lingap":

3. "At ating lisanin ang dating ugali
Na ikinasira ng taas ng uri,
Ang bayang Tagalog ay may asa dili
Ang puring nilupig ng bakang maputi."

Ngunit karaniwan, mas ginagamit niya ang salitang Bayan na pumapatungkol din naman sa Katagalugan, at kababayan, imbes na Tagalog. Kumbaga'y maaring magpalitan ang Bayan at Katagalugan, at ang mga indio, mamamayan, at Tagalog, marahil ay inaangkop ito ni Bonifacio sa kanyang tula sa tamang bilang ng pantigan sa bawat taludtod.

Tingnan naman natin ang kanyang 28-saknong na tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan". Ang Katagalugan ay tinawag niyang "Inang Bayang tinubuan" na nasa ikapitong saknong. Gayunman, nabanggit ng tatlong ulit ang salitang Tagalog sa tulang ito. Ito'y nasa saknong ika-17, ika-21 at ika-22. Makahulugan ang saknong 22 dahil sa paghahanap niya sa dangal ng mga Tagalog, o dangal ng ating lahat na kababayan.

17. "Di gaano kaya ang paghihinagpis
Ng pusong Tagalog sa puring nilait?
Aling kalooban na lalong tahimik
Ang di pupukawin sa paghihimagsik?"

21. "Mangyayari kaya na ito'y malangap
Ng mga Tagalog at hindi lumingap
Sa naghihingalong Inang nasa yapak
Na kasuklam-suklam na Kastilang uslak."

22. "Nasaan ang dangal ng mga Tagalog?
Nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya'y inaapi, bakit di kumilos
At natitilihang ito'y mapanood."

Sa tulang "Katapusang Hibik ng Filipinas" ay inilarawan niya kung paano ang pagpapahirap na ginawa ng Espanya sa mga Tagalog. Tingnan ang ika-4 at ika-5 saknong nito:

4. "Gapusing mahigpit ang mga Tagalog.
HInain sa sikad, kulata at suntok,
Makinahi't 'biting parang isang hayop
Ito baga, Ina, ang iyong pag-irog."

5. "Ipabilanggo mo't sa dagat itapon,
Barilin, lasunin nang kami'y malipol,
Sa aming Tagalog ito baga'y hatol,
Inang mahabagin, sa lahat ng kampon."

Tingnan din kung paano niya ginamit ang Filipinas, sa kung susuriin ay negatibo ang paggamit, sa ika-2, ika-7 at ika-14 na saknong:

2. "Walang isinuway kaming iyong anak
Sa bagyong masasal ng salita't hirap,
Iisa ang puso nitong Filipinas
At ikaw ay di na Ina naming lahat."

7. "Wala nang namana itong Filipinas
Na layaw sa Ina kundi nga ang hirap;
Tiis ay pasulong, patente'y nagkalat,
Rekargo't imp'westo'y nagsala-salabat."

14. "Paalam na, Ina, itong Filipinas
Paalam na, Ina, itong nasa hirap;
Paalam, paalam, Inang walang habag,
Paalam na ngayon, katapusang tawag."

Ang tulang ito'y bahagi ng sagutang tula ng tatlong makata. Ang una'y ang "Hibik ng Filipinas sa Ynang Espana" ni Hermenegildo Flores, ang ikalawa'y ang "Sagot ng Espanya sa Hibik ng Filipinas" ni Marcelo H. del Pilar, at ang ikatlo't pangwakas na tula'y ang "Katapusang Hibik ng Filipinas" ni Andres Bonifacio. Ginamit ni Bonifacio ang Filipinas, imbes na Katagalugan, sa tulang "Katapusang Hibik" bilang tugon sa naunang dalawang tula, at siyang naging pantapos sa sagutang tatlong tula.

Nang nailagay siya sa pabalat ng magasing La Illustracion Español y Americana na may petsang ika-8 ng Pebrero 1897, naroon ang larawan ng nakakurbatang si Andres Bonifacio, na nakasulat sa ibaba, "Andres Bonifacio, Titulado “Presidente’ de la Republica Tagala" o "Andres Bonifacio: May Titulong Pangulo ng Republika ng Katagalugan", at inilarawan siyang pinuno ng katutubong pamahalaan.

Mayroong ding pambansang awit ang Katipunan na pinamagatan nila ng "Marangal na Dalit ng Katagalugan" kung saan malalim at makahulugan ang panawagan. Kalayaan, ay pasulungin ang puri at kabanala. Nais ng mga Tagalog ang kalayaan, at gayundin naman ay ipaglalaban nila ang kanilang puri at kabanalan dahil ang pagkayurak nito'y katumbas ng kamatayan. Ang mga Kastila'y mailing ng Katagalugan, inaayawan ng mga Tagalog, mga mananakop na hindi tatanguan kundi iilingan ng mga Tagalog upang maipagwagi ang kahusayan o kagalingan ng bayan. Narito ang nilalaman ng dalit, na inaawit ng dalawang ulit:

Mabuhay, Mabuhay yaong Kalayaan, Kalayaan
At pasulungin ang puri't kabanalan
Kastila'y mailing ng Katagalugan
At ngayo'y ipagwagi ang kahusayan

Ang "Marangal na Dalit ng Katagalugan" ay nilikha ni Julio Nakpil na kinomisyon ni Pangulong Bonifacio upang gumawa ng isang pambansang awit noong bandang Nobyembre 1896. http://forthephilippines.blogspot.com/2011/12/andres-bonifacio-unang-pangulo-ng.html

Bukod doon, may ulat na ginamit umano ng mga Katipunero sa pangunguna ni Bonifacio ang salitang Filipinas. Ito'y nang magtungo sila sa Yungib ng Pamitinan sa Montalban at isinulat sa isang batuhang dingding ang mga katagang "Mabuhay ang Kalayaan ng Filipinas!" Basahin natin ang ulat na ito:

"Noong Semana Santa ng Abril 1895, isang peregrinasyon ang pinangunahan ni Bonifacio patungo sa mga bundok ng Montalban at San Mateo, Morong (Rizal na ngayon). Ayon sa salaysay ni Guillermo Masangkay, kasama siya at sina Emilio Jacinto, Restituto Javier, Aurelio Tolentino, Faustino Manalak, Pedro Zabala, at iba pang Katipunero. Ginalugad nila ang mga kuweba ng Makarok at Pamitinan at nagdaos ng mga pulong at inisasyon ng Katipunan. Nakadama sila ng ganap na kapanatagan sa loob ng mga "yungib ni Bernardo Carpio". Noong Biyernes Santo, Abril 12, 1895, humawak si Bonifacio ng sampirasong uling at isinulat sa dingding ng kuweba ang "Mabuhay ang Kalayaan ng Filipinas!" - mula sa aklat na Panitikan ng Rebolusyon(g 1896) ni VS Almario, mp 43-44.)

Marahil ginamit dito ni Bonifacio ang salitang Filipinas bilang kadikit ng salitang Kalayaan. Ito marahil ay upang ipatampok sa mga Kastila na ang tinatawag nitong bansang Filipinas ay dapat nang mapalaya sa mga Kastilang kamay. Ngunit marahil ay hindi niya gagamitin ang Filipinas kung hindi kadikit ang salitang Kalayaan. O kaya naman ay depende sa kanyang kausap kung kailan gagamitin ang salitang Filipinas. Mas nanaisin pa rin ni Bonifacio na gamitin ang Katagalugan bilang tawag sa buong bansa, dahil ito'y taal na wika sa bansa at hindi mula sa Kastila.

Gayunman, isang taon matapos paslangin si Bonifacio, pormal nang inangkin ng mga kababayan ang Filipinas bilang pangalan ng bansa noong Hunyo 12, 1898 nang ipahayag na ang kasarinlan ng bansa sa Cavite Viejo (ngayo'y Kawit), sa lalawigan ng Cavite, bagamat nakasulat sa Acta de Independencia na lumalaya ang Bayan sa mga dayuhang Kastila, habang niyayakap naman ng buong puso ang mga Amerikano. Narito ang patunay:

Y tomando por testigo de la rectitud de nuestras intenciones al Juez Supremo del Universo, bajo la protección de la Potente y Humanitaria Nación Norte Americana, proclamos y declaramos solemnemente en nombre y por la Autoridad de los habitantes de todas estas Islas Filipinas. (And having as witness to the rectitude of our intentions the Supreme Judge of the Universe, and under the protection of our Powerful and Humanitarian Nation, The United States of America, we do hereby proclaim and declare solemnly in the name by authority of the people of these Philippine Islands.) Narito naman ang salin ko sa wikang Filipino, "At bilang saksi sa pagkamatuwid ng aming adhika sa kataas-taasang Hukom ng Sansinukob, at sa ilalim ng pangangalaga ng makapangyarihan at makataong bansa, ang Estados Unidos ng Amerika, aming ipinahahayag at mataimtim na idinedeklara sa ngalan ng kapangyarihan ng mamamayan ng mga kapuluan ng Pilipinas.)

Ibig sabihin, ang tinatawag nating bansang Pilipinas ngayon, o Filipinas, Philippine, at Philippines ay tinatawag na Katagalugan ni Gat Andres Bonifacio at ng buong Katipunan. Nang mamatay si Bonifacio, kahit na idineklara ang "kalayaan" ng Filipinas, ipinagpatuloy ni Macario Sakay ang layunin ng Katipunan at itinatag ang Republika ng Katagalugan.

Miyerkules, Mayo 27, 2009

Ang Karapatan Natin sa Sapat na Pabahay

ANG KARAPATAN NATIN SA SAPAT NA PABAHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napakahalaga para sa bawat tao o bawat pamilya na magkaroon ng sapat na paninirahan. Paninirahang hindi siya maiirita, kundi tahanang siya o sila'y masaya. Ngunit sa maralita, lalo na sa mga lugar ng iskwater, maraming demolisyon ang nagaganap; maraming maralita ang nawawalan ng tahanan. Ngunit kasalanan ba ng mga maralita na tumira sila sa barung-barong, gayong dahil sa kahirapan ay yaon lamang ang kanilang kaya?

Marami sa maralitang dinemolis at dinala sa relokasyon ang hindi naman talaga nabibigyan ng sapat na pabahay, ayon sa negosasyon sa kanila bago sila idemolis, bagamat marami talaga sa kanila ang sapilitang tinanggalan ng bahay. Bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay. Ang matindi pa ay ang pagiging negosyo ng pabahay, imbes na serbisyo. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita. Ngunit ano ba ang batayan natin para masabi nating sapat na ang pabahay?

May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng UN Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) at General Comment No. 7 (1997) ng nasabing komite. Tinalakay din ito sa Fact Sheet 21 na may pamagat na "The Human Right to Adequate Housing" bilang bahagi ng World Campaign for Human Rights.

Unahin muna natin ang GC4, na tumatalakay sa pitong sangkap upang tiyakin ang karapatan sa sapat na pabahay.

1. Ligal na Seguridad sa Paninirahan (legal security of tenure) - isa itong legal na anyo ng proteksyon na magtitiyak sa paninirahan ng mamamayan sa kanilang tahanan at komunidad;

2. Matatamong serbisyo, materyales at imprastraktura (availability of services, materials and infrastructure) - madaling maabot ang likas-yaman, ligtas na inuming tubig, gas sa pagluluto, kuryente, sanitasyon at labahan, tinggalan ng pagkain, tapunan ng dumi at mga serbisyong agarang kailangan (emergency services);

3. Kayang-kayang matamong paninirahan (affordable housing) - hindi dapat magamit sa gastusin sa pagpapagawa at pagpapayos ng bahay ang salaping nakalaan na para sa pagkain, edukasyon at pananamit;

4. Bahay na matitirahan (habitable housing) - ang bahay ay may sapat na espasyo. maluwag para sa titira, may bentilasyon, at yari sa matitibay na materyales na magtitiyak na ang mga titira sa bahay na iyon ay madedepensahan laban sa lamig, init, hamog, ulan, hangin, o anumang banta sa kalusugan, mapanganib na istruktura at sakit;

5. Kayang puntahang pabahay (accessible housing) - madaling puntahan ang lugar at unahin sa mga proyektong pabahay ang mga biktima ng kalamidad, mga may kapansanan, at iba pa;

6. Lokasyon (location) - ang pabahay ay dapat malapit sa lugar ng trabaho at mga serbisyong panlipunan tulad ng eskwelahan, palengke, ospital, libangan, libingan, at iba pa;

7. Sapat na pangkulturang pabahay (culturally adequate housing) - ang disenyo ng pabahay ay dapat na may paggalang sa identidad o kultura ng mga naninirahan, halimbawa'y tribung lumad, muslim o kristyano.

Ayon naman sa Seksyon 10 ng General Comment No. 7, hingil sa forced eviction: "Ang mga kababaihan, kabataan, matatanda, lumad, at iba pang indibidwal o grupo ay nagdurusa sa mga gawaing pwersahang ebiksyon. Pangunahing tinatamaan ang kababaihan sa lahat ng grupo at nakakaranas sila ng iba't ibang uri ng diskriminasyon, at sila'y bulnerable sa karahasan at abusong sekswal kung sila'y nawawalan ng tahanan."

Sa Seksyon 15 ng GC7 ay binabanggit ang ilang gabay para matiyak na hindi nasasagkaan ang karapatang pantao sakaling may forced eviction:

1. Oportunidad na magkaroon ng tunay na konsultasyon sa mga apektado;

2. Sapat at makatwirang abiso sa lahat ng mga tao hinggil sa petsa ng ebiksyon;

3. Impormasyon hinggil sa ebiksyon, at kung saan gagamitin ang lupa o bahay na tatanggalin, na dapat na malaman ng mga apektado sa sapat na panahon;

4. Dapat na may opisyal o kinatawan ng gobyerno na naroroon mismo sa panahon ng ebiksyon;

5. Lahat ng mga taong magsasagawa ng ebiksyon ay dapat na sapat ang pagkakakilanlan;

6. Hindi dapat isagawa ang ebiksyon kapag masama ang lagay ng panahon o sa gabi, maliban na lamang kung umaayon ang mga apektado;

7. Pagkakaroon ng mga legal na remedyo;

8. Kung posible, pagbibigay ng tulong legal sa mga taong nangangailangan nito at naghahanap ng tulong mula sa korte.

Dapat na makatao ang mga nagdedemolis o mismong oryentasyon ng gobyerno hingil sa demolisyon at ebiksyon. Dahil ang mga maralita ay tao din, at hindi hayop na basta na lamang tatanggalan ng tirahan.