Huwebes, Setyembre 29, 2011

ORAS NG PAGGAWA: 8-oras, at ang panukalang 10/4 at 6/6

ORAS NG PAGGAWA: 8-oras, at ang panukalang 10/4 at 6/6
ni Greg Bituin Jr.

Nag-file ng panukalang batas si Rep. Winston “Winnie” Castelo (LP, 2nd Dist., Quezon City) sa Kongreso na gawin nang sampung oras ang paggawa bawat araw, ngunit imbes na limang araw, ito'y sa loob ng apat na araw sa bawat linggo o 10/4. Ngunit sa panukalang ito'y nagtatanong ang mga manggagawa: Nakakatipid nga ba ang manggagawa sa iskemang 10/4? Tama bang mula sa walong oras na paggawa ay ibalik ito sa sampung oras na paggawa? Ano ang lohika bakit walong oras ang ipinaglaban ng mga manggagawa noon, at pilit nilang binaka ang mga patakarang 12-oras, 10-oras at sobra sa 8-oras na trabaho? Makatarungan nga ba sa manggagawa ang 10-oras ngunit apat na araw na trabaho na lang?


Sinabi ni Castelo na win-win formula umano ang iskemang 10/4 kada linggo upang mapaunlad ang kalagayan ng paggawa. Ayon sa kanya, “If employers do not want wage hikes, they might as well agree to the 10/4 work formula because the alternative to improve the workers’ plight is to lessen their daily expenditures while going to work. Both parties are winners in 10/4 scheme. Workers reduce their expenditures when going to work, while employers reduce maintenance and operational cost and overtime pay.” (Kung ayaw ng mga kapitalistang taasan ng sahod, dapat sumang-ayon sila sa pormulang 10/4 dahil ang alternatibo upang umunlad ang kalagayan ng manggagawa ay mabawasan ang kanilang arawang gastos habang patungo sila sa trabaho. Parehong panalo ang dalawang panig sa iskemang 10/4. Nababawasan ang gastos ng manggagawa patungong trabaho, habang nababawasan naman ng kapitalista ang gastos sa pagmimintina, operasyon, at bayad sa sobrang oras ng paggawa (overtime)."

Noong Mayo 1, 1886, nagprotesta ang libu-libong manggagawa sa Haymarket Square sa Chicago upang ipaglaban ang walong oras na paggawa. Apat na manggagawa ang namatay dito. Ang pagpanalo ng manggagawa ng walong oras na paggawa ang simula upang kilalanin ng manggagawa sa iba't ibang panig ng mundo ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa tuwing Mayo Uno. Noong Mayo 1889, nagpulong ang mga manggagawa mula sa iba't ibang bansa sa Paris para sa Unang Kongreso ng Ikalawang Sosyalistang Internasyunal. At dito'y pinagtibay nila ang Mayo Uno, bilang pag-alala sa nangyari sa Haymarket Square, at pagtatagumpay ng walong oras ng paggawa, bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Ang tagumpay na ito ng mga manggagawa ay tagumpay sa maayos na paghati ng 24 oras sa bawat araw sa tatlo: walong oras na paggawa, walong oras na pahinga o pagtulog, at walong oras para sa sarili, kasama ang paglilibang.

Ang nakikita lang marahil ni Castelo ay ang mga empleyado sa gobyerno na hindi naman humahawak ng makina, mga empleyadong laging nakaupo, hawak ay pawang mga papeles, mga trabahong magagaan, tulad ng pasok ng kanyang mga staff sa kongreso. Ang kanyang panukala ay tulad ng daylight saving time (DST) sa panahon ni dating Pangulong Cory Aquino, kung saan imbes na 8am-5pm ang pasok ay naging 7am-4pm upang makatipid sa kuryente. Hindi na kinilala ni Castelo ang kasaysayan at esensya ng Mayo Uno, ang esensya ng walong oras na paggawa na ipinanalo ng manggagawa. Ngunit ang kanyang panukala ay para sa manggagawa at hindi ispesipiko para sa mga empleyado ng gobyerno.

Tagumpay ng mga ninunong manggagawa, na pinagbuwisan ng buhay, ang walong oras na paggawa. Ang gawin itong sampung oras ni Winnie Castelo ay hindi katanggap-tanggap.

May mas magandang panukala kaysa 10/4 na hindi madedehado ang mga manggagawa. Ito'y ang 6/6 o anim na oras sa anim na araw na paggawa, ngunit ang basic pay para sa isang araw ay di nababawasan. Kung ngayon, ang minimum wage ay P426 bawat araw sa walong oras na paggawa, ito'y dapat P426 pa rin bawat araw sa anim na oras na paggawa.

Ayon sa blogsite ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), sa 10/4 (Compressed Work Week), (1) Mababatak ng husto ang lakas paggawa, hihina ang produktibidad ng manggagawa, at bulnerableng magkasakit ang manggagawa; (2) Sa compressed work week, hindi makakalikha ng bagong empleyo, sa halip maaaring magbawas ng empleyado, magresulta ng tanggalan sa trabaho, darami ang walang hanapbuhay, tutumal ang pamilihan, at babagal ang inog ng ekonomiya; at (3) Ang tatlong araw na walang pasok ay hindi magiging produktibo sa manggagawa, di rin ito magagamit na oras para kumita ang manggagawa dahil walang trabahong available sa tatlong araw sa bawat linggo, di rin makakatipid ang manggagawa sa tatlong araw, maaring lumaki pa nga ang gastos, dahil kung mamamasyal, mag-aaral (retooling, training), mas malaki ang gagastusin kaysa pamasahe at baon papunta sa pabrika/opisina.

Ang panukala ng BMP ay 6/6 = 6 hrs work a day/6 days work a week, dahil (1) Makakalikha ng 25% bagong empleyo, mula sa 3 shift, gagawing 4 shift, magdadagdag ng isang shift na bagong empleyado: (2) Magiging highly productive ang mga manggagawa araw araw; (3) Secured ang regular daily income ng manggagawa; (4) Tuloy tuloy ang paglikha ng mga produkto, laging may pera ang mga manggagawa, sisigla ang pamilihan, bibilis ang pag-inog ng ekonomiya, may domino effect pa para sa panibagong kabuhayan; at (5) Magkakaroon ng panahon para sa learning skills training, hobby and leisure at kahit union organizing / activities na hindi nasasakripisyo ang arawang kita ng mga manggagawa.

Para sa mga manggagawa, ipinagtagumpay na ng manggagawa noon ang walong oras na paggawa. Hindi na dapat itong ibalik sa sampung oras na paggawa. Ang maaari pa, kasabay ng pag-unlad ng lipunan, gawing anim na oras na lang ang kanilang trabaho sa bawat araw, at mas malaki ang kanilang oras sa pamilya at sa pagpapaunlad ng kanilang sarili.

Ang dapat ipanukala ni Rep. Castelo ay ang katiyakan sa seguridad sa trabaho ng manggagawa (right to security of tenure), right to collective bargaining, pagpapatupad ng living wage, pagkilala sa karapatang mag-organisa at pag-uunyon, at syempre, ang pagtiyak na tanggalin at pagkriminalisa sa iskemang kontraktwalisasyon na pahirap sa manggagawa. Mas dapat na pumabor si Castelo sa mga manggagawa, na kanyang kapwa tao, kaysa mga kapitalistang ang iniisip lamang ay ang makahayop na pagkakamal ng limpak-limpak na tubo nang walang pagsasaalang-alang sa karapatan at kinabukasan ng kanilang manggagawa.

Miyerkules, Setyembre 14, 2011

Isang Aklat at ang Rebulto ni Sakay: Ilang Personal na Tala

ISANG AKLAT AT ANG REBULTO NI SAKAY: ILANG PERSONAL NA TALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Karaniwang tinatalakay sa mga aklat-pangkasaysayan ang kadakilaan at kagitingan ng mga bayaning sina Jose Rizal at Gat Andres Bonifacio, kung saan ang kanilang mga rebulto ang karaniwang makikita sa iba't ibang panig ng bansa.

Bihira ring matalakay ang rebolusyong Pilipino sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, at ang mga bayani noon ay itinuring pang bandido ng mga dayuhan at di kinilala ng sariling kababayan, tulad na lang ni Macario Sakay. Si Sakay ang nagpatuloy ng tungkulin ng KKK na itinatag ni Andres Bonifacio.

Kasama si Lucio De Vega, binitay sila ng mga Amerikano noong Setyembre 13, 1907 matapos siyang malinlang ng lider-obrerong si Dominador Gomez at tuluyang madakip ng mga Amerikano.

Makalipas ang eksaktong isangdaang taon pagkabitay nila, inilunsad sa ikalawang palapag ng Kolehiyo ng Sining at Agham (CAS) ng Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila, ang aklat na "Macario Sakay: Bayani" na isinulat ng inyong abang lingkod. Ang nasabing aklat ay bilang pag-alala sa ambag ni Macario Sakay sa rebolusyon. Inilathala ito ng grupong Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan, na sa kalaunan ay naging Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) na pinamumunuan nina Prof. Bernard Karganilla ng UP Manila at ni Prof. Ed Aurelio C. Reyes, na siyang pasimuno ng Kamalaysayan at tinatawag ng marami na Sir Ding. Malugod kaming tinanggap doon ni Dean Reynaldo Imperial, na siyang dekano ng UP CAS. Nasaksihan din ng aking ama at ng isa kong kapatid na babae ang paglulunsad ng aklat.

Sinulat ko bilang Pambungad sa aklat, na may petsang Agosto 21, 2007: “Nawa'y makatulong sa mga mambabasa ang munting aklat na ito sa pag-unawa sa kabayanihan ni Macario Sakay pagkat siya'y bahagi ng kasaysayan ng himagsikang Pilipino para lumaya ang bayan sa kamay ng dayuhan. Nawa’y makatulong din ito sa pagpapalaganap ng kampanya upang magkaroon ng rebulto si Sakay sa isang pangunahing lansangan sa bansa, ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan, at ituring siyang isang bayani sa mga aklat pangkasaysayan na binabasa at pinag-aaralan ng mga mag-aaral.”

Isa iyong kahilingan at kampanya na hindi ko naisip na agad na masasakatuparan. Marahil ay mahaba pa ang lalakbayin o kailangan pa ng madugong rebolusyon ng bayan para ang mga manggagawa't dalitang uupo sa poder ang siyang magdedeklara na isang bayani ang mga tulad ni Sakay na hindi namanginoon sa mga dayo at mga mapagsamantalang uri sa lipunan, kundi ipinaglaban ang karapatan ng kanilang mga kababayan at kapwa tao. Isang taon ang lumipas mula nang ilunsad ang aklat, naitayo at napasinayaan ang rebulto ni Sakay sa Plaza Morga sa Tondo, Maynila.

Ang kabuuan ng aklat ay ini-upload ni Sir Ding sa internet, na makikita sa kawing na http://kamalaysayan.8m.net/aklat-sakay.html. Gayunman, hindi niya roon isinama ang kanyang sinulat na paunang salita. Kay Sir Ding, maraming salamat. Nais ko ring ipaalam sa lahat na si Sir Ding Reyes ang nagdisenyo ng pabalat ng aklat na may mukha ni Sakay.

Nais kong sipiin ang "Paunang Salita ng Kamalaysayan" na may lagda ni Sir Ding na nasa pahina 4 ng aklat:

"Si Macario Sakay at si Greg"

"Walang kapaguran ang matulis na pluma ng kaibigan at kapwa ko manunulat na si Gregorio V. Bituin Jr. Mula pa noong staffmember pa siya ng Featinean ay lagi na lang siyang may bagong panulat na nakapupukaw ng pag-iisip sa samu't saring paksain. At nagagalak kaming bumubuo ng pamunuan ng Kamalaysayan na nakahiligan din ni Greg ang pananaliksik sa mga paksang pangkasaysayan, bukod sa kapaligiran, sining, agham, at matematika (paborito niya). At natutuwa kami na minarapat niyang magsaliksik at magsulat ukol kay Macario Sakay, isa sa napakarami nating mga dakilang bayani, na pilit siniraan ng mga kolonyalistang Amerikano at ng mga kabalat nating kakampi nila. Kaya't pilit namin maihabol ang isinulat na ito ni Greg upang mailabas sa eksaktong sentenaryo ng pagkamatay ni Sakay. Itinuturing naming karapat-dapat lang naming sikapin ito sapagkat  ang sentenaryo ay sentenaryo, si Sakay ay si Sakay, at si Greg ay si  Greg."

"Ikinararangal naming irekomenda para sa pagbabasa ng lahat ng mga tunay na Anak ng Bayan ang munting aklat na ito. Tiyak kaming  malaking kaalaman ang mapupulot dito."

"- Ed Aurelio C. Reyes, Pasimuno,
Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
Agosto 24, 2007"

Isinulat ng aktibistang si Ric Reyes sa kanyang kolum na Bandoleros sa unang isyu ng pahayagang Ang Sosyalista (Hulyo 2010, p.2): “Hanggang ngayon, walang bantayog na itinayo para sa mga martir na ito liban sa isang monumento ni Heneral Sakay sa isang sulok ng Maynila.”

Ngunit paano nga ba nagkaroon ng monumento si Sakay sa Maynila, at kailan ito inilagay doon?

Ilang buwan matapos ilunsad ang aklat, tinawagan ako ni Sir Ding Reyes dahil nais daw akong makausap ng magtatayo ng rebulto ni Sakay. Itinatanong daw kung ano ang height ni Sakay para sa gagawing rebulto. Ibig sabihin, kung gaano talaga siya katangkad, pati sukat ng baywang, dibdib, kung gaano kahaba ang buhok, ang kanyang suot, ang siyang iuukit na rebulto. Ngunit di ako agad nakatugon dahil wala iyon sa aking saliksik. Ngunit naghanap pa rin ako ng materyales. Nagbakasakali akong may masaliksik ngunit nang magkita kaming muli ni Sir Ding ay may nakausap na daw hinggil sa height ni Sakay.

Ang pagtatayo ng rebulto ni Sakay ay ikinampanya ng Kamalaysayan kay Mayor Alfredo Lim ng Maynila, na ayon kay Sir Ding, si Mayor Lim mismo ay kasapi ng Kamalaysayan. Kasapi rin ng Kamalaysayan sina Ric Reyes at ang inyong abang lingkod. Sa Kamalaysayan ko natutunan ang Kartilya ng Katipunan at ang pagsasabuhay nito. Kaya pag nagkikita kami ni Sir Ding at ng iba pang kasapi ng Kamalaysayan, ang batian namin ay "Mabuhay ka at ang ating panata!"

Setyembre 13, 2007, inilunsad ang aklat kong “Macario Sakay, Bayani” sa UP Manila. Dumalo roon ang mga mag-aaral ng UP, ang kanilang mga guro, si Sir Ding, ako, ang aking ama, ang aking kapatid na babae, at ilang kaibigang mahiligin sa kasaysayan. Sa aklat at sa mga dumalo sa paglulunsad ng aklat ay nanawagan akong dapat magkaroon ng rebulto si Macario Sakay, pati na ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan. Setyembre 13, 2008, pinangunahan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang inaugurasyon ng rebulto ni Macario Sakay sa Plaza Morga, Santa Maria St., sa Tondo, Maynila.

Ilang araw bago iyon, noong Setyembre 8, 2008, sa ikalawang sesyong regular ng senado, naglabas ng Senate Resolution No. 623 sina Senador Francis Pangilinan at Senador Aquilino Pimentel Jr. na pinamagatan itong “A resolution expressing the sense of the Senate honoring the sacrifice of Macario Sakay and all other Filipinos who gave up their lives in the Philippine-American War for our Freedom”, at sa dulo ng resolusyon ay nakasulat, “After one hundred and one years, a life-size statue of Sakay will be unveiled at Plaza Morga Tondo by the Manila Historical Heritage Commission.”

Naglabas muli ang Senado ng Resolution No. 121 na pinamagatan din tulad ng SR 623 na nilagdaan ni Senador Manny Villar, ang pangulo ng Senado, at may lagda rin si Emma Lirio-Reyes, Sekretaryo ng Senado, na pinagtibay noong Setyembre 16, 2008.

Masasabi kong wala akong kinalaman sa pagkakatayo ng rebulto ni Sakay. Ang kinalaman ko lang ay sinulat ko ang aklat bilang ambag sa sentenaryo ni Sakay, at ibinenta ito kung saan may mga pagtitipon hinggil sa kasaysayan o anumang pagtitipong pulitikal. At marahil ay nadinig ng marami ang panawagan ko sa aklat na magkaroon ng rebulto si Sakay sa Maynila. Malaki ang naitulong ng Kamalaysayan upang maisakatuparan ang adhikaing ito. Sa kanila'y taos-puso kong pasasalamat. Mabuhay ang Kamalaysayan!

Masarap ang pakiramdam na kahit wala akong direktang kinalaman sa pagkakatayo ng rebulto ni Sakay ay natupad naman ang isang pangarap bilang tanda ng pagkilala sa mga sakripisyo ng mga Katipunerong nagpatuloy ng laban upang mapalaya ang ating mga kababayan mula sa kuko ng mga mananakop.

Gayunman, may isa pang kampanya ang dapat gawin. At ito ang aking mungkahi. Ang Taft Avenue sa Maynila, na nakapangalan pa sa isang dayuhan, ay ipangalan kay Macario Sakay. Kaya ito'y magiging Macario Sakay Avenue. Kasabay nito'y kilalanin din siyang bayani at ilathala sa mga aklat-pampaaralan. Ngunit ang mga kampanyang ito'y hindi ko magagawang mag-isa, dapat maraming makiisa sa layuning ito.

Miyerkules, Agosto 31, 2011

Demolisyon at mga Panukalang Batas sa Maralita

DEMOLISYON AT MGA PANUKALANG BATAS SA MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Demolisyon at panukalang batas. Sa dalawang ito nahaharap ngayon ang mga maralita. Habang pinag-iisipan nila paano maipagtatanggol ang kanilang mga karapatan sa sapat na pabahay, nakasalang naman sa Kongreso ang ilang mga panukalang batas na tiyak na makakaapekto sa kanilang karapatan sa paninirahan.

Bantang Demolisyon

Hirap na nga sa buhay, kulang na nga sa pagkain, araw-gabi nang nagtitiis, maraming utang, kaunti ang sahod, di na mapag-aral ang mga anak, eto't idedemolis pa sila sa kanilang mga tahanan. Hindi sila papayag na basta na lang tanggalan ng tahanan, dignidad at kinabukasan. Makikita mo ang galit at pagtitimpi ng maralitang inaapi sa lipunang ito, mga maralitang ayaw ng gulo ngunit pag niyurakan ang karapatan ay lumalaban, pangil sa pangil. Kung ikaw ang maralitang iyon, di ka pa ba lalaban kung niyuyurakan na ang iyong karapatan, kinabukasan at dignidad? Basta ka na lang ba susuko at luluhod sa mga naghahari-hariang umaangkin ng lupang kinatitirikan ng inyong tahanan?

Patuloy na nakaamba ang demolisyon sa maralita sa ngalan ng kaunlaran. Pag-unlad na maaaring etsapwersa na naman ang maralitam dahil sila'y masakit sa mata ng mga "dakila". Sa ngalan ng kaunlaran, para silang hayop na dapat mawala. Nariyan ang bantang pagdemolis sa libo-libo pang maralitang pamilya sa North Triangle at Agham sa Lungsod Quezon;  Brgy. Old Balara sa QC; ang roadwidening sa Tikling sa Taytay, Rizal; at sa Sitio Palanyag, Barangay San Dionisio, Parañaque.

Nagkagulo naman sa demolisyon sa lupaing inookupa ng mahigit isang libong residente ng Brgy. Old Balara sa Lungsod Quezon noong Agosto 26. Binarikadahan ng mga residente ang tatlong lane ng Commonwealth Avenue upang di makapasok ang mga demolition team. Iginiit ng mga residente na walang notice of demolition silang natatanggap. Umano'y pag-aari ng Susana Realty ang 11-ektaryang lupaing kinatitirikan ng mga bahay ng maralita.

Sa nakaambang demolisyon ng kabahayan ng mga maralita sa San Dionisio, pinagbantaan silang idedemolis ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority dahl sinasabing sila raw ay nasa danger zone, ngunit sila'y nakipaglaban at nanindigan sa kanilang karapatan sa sapat na pabahay.

Sinasabi ng NHA na sold-out na umano sa Ayala ang buong kinatitirikan ng kabahayan ng mga taga-North Triangle, ngunit ang problema, hindi ipinapakita sa residente ang mismong mga papeles na talagang bayad na itong buo ng Ayala. Sabi ng mga residente, tao lang ang gumawa ng legalidad niyan, tao rin ang babago lalo na't nakikita nilang di ito makatarungan. Kaya nanatili ang mga residente ng North Triangle at onsite relocation ang kanilang pinaninindigan. Ang proyektong QCBD (Quezon City Business District) ang sumasagka sa kanilang karapatan. Gayunman, may nabanaag na pag-asa ang maralita sa napabalitang "No houses for the poor, no business permit" na lumabas sa Inquirer (11 July 2011), na sinabi umano ni QC Mayor Herbert Bautista na sa sinumang nagnanais magtayo ng negosyo sa QC ay dapat tiyaking kasama sa social cost ang maralita, at di basta-basta idedemolis ng walang katarungan. Kung ganyan ang patakaran sa QC, mas magandang sundan ito ng iba pang mayor o maging patakaran sa pabahay sa buong bansa.

Dapat magkaisang kumilos ang mga maralita bago pa muling magkaduguan dahil sa pagtatanggol sa buhay, dignidad at kinabukasang pilit at pilit na inaagaw sa kanila.

Mga Panukalang Batas: Pabor Ba o Hindi sa Maralita?

Ngunit nanganganib pa rin ang maralita. Dahil patuloy na gumagawa ng batas para sa maralita ang mga mayayamang kongresistang di nakaranas ng demolisyon, mga kongresistang nandidiring tumapak sa mga squatters area maliban kung mag-eeleksyon para buhusan ang mga dukha ng pangakong deka-dekada nang napapako. Ang mga kongresistang ito'y tulad ng mga ibong gumagawa ng batas para sa mga isda.

Nariyan ang pag-amyenda sa probisyon sa socialized housing sa UDHA (RA7279) na isa sa priority bill ni Pangulong Aquino, na imbis na 20% ng total cost ng proyekto ay para sa socialized housing ay maaring gawin na lang 10% o 5%, o maaaring tanggalin na itong tuluyan. Nariyan din ang panukalang pagtatayo ng Department of Housing and Urban Development o DHUD.

Ayon sa talaan ng Committee Information on Housing and Urban Development, na may 55 myembrong kongresista, may mga nakasalang na 14 na House Bill (HB) at 11 House Resolution (HR) hinggil sa usaping pabahay. Ang ilan dito'y tungkol sa pagtatayo ng Department of Housing and Urban Development (DHUD), programang green parks at insentibo sa mga subdibisyon, at iba pa. Sa ating mga maralita, napakahalagang suriin ang mga panukalang batas na ito.

Sa paglikha ng DHUD, nariyan ang HB 384 ni Rep. Gloria Arroyo (Pampanga, D2), ang HB 1157 ni Rep. Rodolfo Biazon (Muntinlupa City, Lone District), at ang HB 2216 ni Rep. Rodolfo Valencia (Oriental Mindoro (D1). Nariyan din ang HB 1231 (Omnibus Housing and Urban Development Act) ni Rep. Winston Castelo (QC, D2); ang HB 4565 (An Act creating a Local Housing Board in every city and first to third class municipality) ni Rep. Edwin Olivares (Parañaque, D1); ang HB 4578 (An act prescribing the mechanisms to facilitate the disposition of government-owned lands for socialized housing) ni Rep. Joseph Gilbert Violago (Nueva Ecija, D2); at ang HB 4656 (An Act instituting reforms in the government's drive against professional squatters and squatting syndicates) ni Rep. Amado Bagatsing (Manila, D5). Sa resolusyon naman ng Kongreso, nariyan ang HR 57 (A Resolution in Aid of Legislation to resolve the issue regarding alleged Smokey Mountain Project Scam), at marami pang iba.

Noong Pebrero, sa ulat ng Pangulo sa LEDAC (Legislative-Executive Development Advisory Council), nangunguna sa talaan ng 23 priority bills ang paglikha sa DHUD. Sa ulat ng pangulo ngayong Agosto sa LEDAC, isa sa 13 priority bills ang panukalang Twenty Percent Balanced Housing Law o ang pag-amyenda sa Lina Law o sa Urban Development Housing Act of 1992 (amendments to the Urban Housing and Development Act of 1992 mandating socialized housing equivalent to at least 20% of the total condominium/subdivision area or project cost - BusinessWorld, Aug. 15, 2011).

Kaya nahaharap sa dalawang panukalang batas ang maralita. Ang nakasalang na paglikha ng DHUD, at ang panukalang pag-amyenda sa UDHA. Kung hindi kikilos ang maralita, baka makalusot ang mga panukalang batas na ito at maging ganap na batas na ginawa ng mga mayayamang kongresista nang walang partisipasyon ang mismong mga maralita.

Mga Mungkahing Gagawin ng Maralita

Kaya dapat ganap na subaybayan ng mga maralita ang pag-usad ng mga panukalang batas na ito at igiit nating maging bahagi tayo ng deliberasyon nito sa Kongreso. Halimbawa, sa panukalang DHUD, paano susubaybayan at makalalahok ang maralita hanggang sa maging consolidated bill ang HB 384, HB 1157 at HB 2216, hanggang sa maipasa ito sa third reading, maipasa sa senado hanggang sa mapirmahan ng pangulo upang maging ganap na batas. Ngunit bago iyon, pag-aralang mabuti ng maralita kung tunay nga bang makakatulong ang panukalang DHUD, kung saan pag-iisahin na rito ang iba't ibang housing agencies. Gayunpaman, di tayo dapat umasa na ang mga panukalang batas na ito ay maging pabor sa maralita, pagkat ang komposisyon ng mga mambabatas sa Kongreso ay pawang mayayaman, may negosyong real estate, mga developer, at marahil ay mas pumapabor sa pagsasapribado ng pabahay, imbes na ito'y pangmasa. Tulad na lang ng mapaniil na RA 9507, o Socialized and Low-Cost Housing Loan Condonation and Restructuring Program Act of 2008.

Dapat pakasuriin at araling maigi ang mga panukalang batas na ito, bigyan ng kritik na ipapasa natin sa mga kongresista, at kung kinakailangan ay aktibo tayong lumahok sa deliberasyon nito sa Kongreso. Sa kongkreto'y dapat magbuo ng team ang mga maralita na tututok sa mga panukalang batas na ito, mula sa pagsubaybay, pag-alam ng iskesyul ng deliberasyon at pagdalo rito, pag-lobby at pag-integrate ng urban poor agenda sa mga panukalang ito, pakikipagtalakayan sa mga kongresista, at mag-ulat sa kapwa maralita hinggil sa mga development ng mga panukalang ito sa Kongreso. 

Hindi pwedeng patulog-tulog ang maralita sa mga panukalang batas na may kinalaman at tiyak na makakaapekto sa kanilang karapatan sa pabahay, buhay, dignidad at kinabukasan.

Martes, Agosto 23, 2011

Ang Pagkulo ng Poleteismo ni Mideo Cruz

ANG PAGKULO NG POLETEISMO NI MIDEO CRUZ
ni Greg Bituin Jr.

Naging napakakontrobersyal ng Poleteismo ni Mideo Cruz, isa sa mga entry sa “Kulo”, ang eksibisyon ng 32 artists na inilunsad sa Cultural Center of the Philippines (CCP) noong Hulyo 17 bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-150 kaarawan ni Gat Jose Rizal. Ang nasabing mga artists ay pawang nag-aral sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST). Dahil sa protesta ng marami, ang exhibit ay tuluyan nang isinara noong Agosto 10, 2011, kasabay ng pagri-resign ni Karen Flores, head ng CCP Visual Arts division.

Ang Poleteismo ay nagkaroon na ng iba't ibang bersyon na nagsimula noong 2002 sa UP Vargas Museum, Ateneo de Manila at Kulay Diwa Galleries, ngunit hindi naman nagkaroon ng kontrobersya. At kinilala pa si Cruz dahil dito. Katunayan, nagkaroon pa siya ng mga awards, tulad ng Cultural Center of the Philippines' Thriteen Artists Award noong 2003, at Ateneo de Manila Art Awards noong 2006.

Ang sining ni Cruz ay collage ng iniidolo ng mga tao sa araw-araw, tulad ng larawan nina FPJ, Marilyn Monroe, Mickey Mouse at Jesus Christ. Pinamagatan niya itong Poleteismo upang ipakita na sa araw-araw, lagi tayong tumitingala sa sinumang idolo, upang kahit papaano'y maibsan munti man ang nararanasan nating hirap, dusa at problema. Kailangan natin ng may supernatural na kakampi kahit man lang sa ating mga guniguni.

Magkaiba ng tingin ang dalawang National Artist sa isyung ito. Ayon kay F. Sionil Jose, "I saw the pictures, which too many people object and I said this is not art. These pictures illustrate that the artist is immature and juvenile in his attempt to express his views. This artist is not all that good because we do it when we were kids, where you put a mustache in people… ano ba yan."

Ayon naman kay Bienvenido Lumbera, "Dapat natin igiit na ang artista ay hindi siyang magtatakda ng limitasyon sa kanyang paglikha ng sining. Bahala yung mga magmamasid, bahala yung mga manonood, bahala yung mga makikinig na siyang magpasya kung ano ang hindi dapat ginawa ng artista. Bilang manlilikha hindi niya dapat tanggapin na siya ang dapat magpapasya na ganito ang limit ng aking sasabihin. Pagkakataon ito upang ipakilala natin na tayo bilang mga artista ay may paninindigan tungkol sa tinatawag na freedom of expression."

Sipatin natin sa pamagat pa lang kung bakit Poleteismo. Ang poleteismo o polytheism (mula sa salitang Griyegong poly - marami, thei - diyos, ism - sistema) ay ang pagsamba sa maraming diyos o diyus-diyusan, o mga idolo. Ang ginawa ni Mideo Cruz ay blasphemy o di paggalang sa mga relihiyosong imahe, ayon sa marami. Pinupuna ni Mideo Cruz ang mismong Katolisismo.

Hindi na ba natin pwedeng kwestyunin din ang Simbahan, tulad ng di natin pwedeng kwestyunin sa aktwal ang pananaw ng paring nagsesermon sa aktwal na misa? Hindi ba’t pinatay si Rizal dahil sa paglaban niya sa mga prayle?

Maraming Katoliko ang nag-react sa pagkapatong ng isang bagay katabi ng imahen ni Kristo, pero nang mapatay ang maraming mga aktibista, at marami pa ring mga desaparecido na di pa makita hanggang ngayon, di ganito ang reaksyon ng mga taong nag-aakusa ng blasphemy sa ginawa ni Mideo.

Ngunit ayon kay Mideo Cruz sa isang panayam, "I was raised a Catholic. I grew up believing in Santa Claus like everyone else. But as you grow up, you gain more knowldege about the world you live in." Dagdag pa niya, "The realities in our society are the real blasphemy of our own image, the blasphemy of our sacred self."

Nang makita sa telebisyon ang Poleteismo, maraming nagprotesta, may nag-vandal pa dito at ayon sa balita'y may nagtangka pang ito’y sunugin dahil sa ipinakita umano nitong pambabastos sa mga imahen. Ngunit kung pakakasuriing mabuti, ang mga art ni Mideo Cruz ay mga collage lamang at hindi pa ito ang diyos. Sabi nga ng isang mapagmasid, bakit nila sinasamba ang isang kahoy o batong inukit, at iniiyakan pa nila ito gayong ito'y gawa ng tao?

Kahit nga sa Bibliya, sinasabi sa 2 Kings 19:18 "and have cast their gods into the fire, for they were not gods, but the work of men’s hands, wood and stone. Therefore they were destroyed." Winasak ang mga diyus-diyusan dahil hindi ito mga diyos, kundi mga gawa ng tao, mga kahoy at inukit sa bato, kaya ito'y winasak. Tulad din ng mga larawang ginamit ni Mideo, hindi ito mga totoong diyos, kundi gawa ng tao. Ang mga rebulto'y gawa ng tao, tulad ng rebulto ng mga santo, rebulto ni Rizal at Ninoy, na di dapat sinasamba. Gayundin naman, sino ang huhusga na ang inukit na kahoy o bato ay diyos na? Dahil magkakaiba rin ng pinagsimulan, karanasan, at paniniwala ang bawat tao, nagkakaiba rin sila ng paliwanag sa mga bagay-bagay. Gayunpaman, dapat maggalangan ng paniniwala. Igalang ang paniniwala sa relihiyon, at igalang din ang karapatang magpahayag. Bagamat sinasabi ng iba na ang karapatan sa pagpapahayag ay di absoluto, kundi dapat responsable tayo sa ating ipinahahayag, di dapat sagkaan ang karapatang ito. Tulad din ng pagkritik ng masa o mamamayan sa katiwalian sa gobyerno, ang pagkritik ni Jose Rizal sa mga prayleng tulad ng mga Padre Damaso, tulad ng pagkritik ng mga dyornalistang pinaslang, tulad ng pagpapahayag ng mga aktibistang hanggang ngayon ay di pa makita at naging desaparesido.

Bagamat kailangan nating respetuhin ang paniniwala ng bawat isa, ang karapatang magpahayag ay isang karapatang mas mataas pa sa tinatawag na blasphemy. Ayon sa European Centre for Law and Justice (ECLJ), sa pagtalakay nito sa General Comment No. 34 ng Article 19 ng International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR), the UN Human Rights Committee (UNHRC) “affirms the superiority of the right to free speech over the so-called right against blasphemy." Ayon pa sa dokumento, "Human Rights Stem from the Inherent Dignity of Human Beings and the Rights Articulated in Article 19 Are Meant to Protect Persons Not Ideologies." at "Restrictions on Freedom of Expression Based on Religious Laws are Incompatible with the Covenant and the Universal Declaration of Human Rights”.

Napakahalagang suriin natin ang dalawang panig. Dahil sinasabi ng mga Katoliko na ang sining ni Cruz ay imoral, masama sa moralidad ng lipunan. Ngunit ang tanong, sino ang nagtatakda ng moralidad? Magkakaiba ang mga konsepto ng tao ng masama at mabuti, ng hustisya at inhustisya, ng makatao at di-makatao, ng moral at imoral, at ito’y laging kumporme sa klase ng lipunang umiiral at kung sinong uri ang naghahari sa lipunan. Ang mga moralista bang umuupak kay Mideo ay nagsasalita na masama ang mga kapitalista dahil di binabayaran ng tamang halaga ang lakas-paggawa ng mga manggagawa? Sinasabi ba ng mga moralistang ito, tulad ng antas ng pagprotesta nila sa sining ni Mideo, na masama ang magdemolis ng bahay ng mga maralita, dahil mawawalan sila ng matutuluyan? Nagprotesta rin ba sila na masama ang child labor, ang pagkain ng pagpag ng mga dukha, ang pagkamkam ng mga panginoong maylupa sa mga lupa ng magsasaka, ang kasalutan ng kontraktwalisasyon na paglabag sa karapatan ng manggagawa, at marami pang iba. Para sa marami sa mga moralistang ito, dahil di naman nila kauri ang mga maralita, itsapwersa ang mga ito at di dapat bigyan ng pansin. Noong panahon ng mga henyong sina Plato at Aristotle, di nila sinabing masama ang maglatigo ng mga alipin dahil karaniwan lang ito. Sina George Washington at Thomas Jefferson ng mga ama ng demokrasya sa Amerika ay di pinalaya ang mga aliping Itim, kundi pawang kalahi lamang nila. Sa madaling sabi, ang moralidad ay nakabatay sa kung sino ang nagsasabi at kung ano ang antas na inabot ng lipunang umiiral.

Ang usapin ay di lamang hanggang blasphemy, kundi ang kalayaang magpahayag at paano ba natin tinitingnan ang kabuuan ng lipunan. Ginagarantyahan ng Konstitusyon ang karapatang magpahayag ng tulad ni Mideo Cruz, at di pwedeng basta na lamang tortyurin o sunugin ng buhay dahil kaiba ang paniniwala nila sa mga Obispo, tulad noong panahon ng Inkwisisyon.

Sabi nga ni Mideo Cruz, "I feel that some people are at least a century behind. I was surprised that some people would argue that their standard of beauty is taken from Thomas Aquinas or that their basis of contemporary aesthetics is from Luna and Hidaldo or even, more recently, from Amorsolo. I think people should behave in harmony with contemporary developments."

Nagbabago ang panahon at umuunlad din ang kamalayan ng tao, lalo na hinggil sa moralidad. Kung noon, ang moralidad ay ang mga sermon ng mga Padre Damaso, bistado na ito ngayon. Kung noon, sinasabing mapapalad ang mga naghihirap kaya ang mga tao'y di naghihimagsik laban sa pang-aapi, ngayon ay natututunan na ng mga taong lumaban at huwag magpaapi.

Umuunlad sa panahong ito kahit ang konsepto ng mismong moralidad. Darating ang panahon, idedeklara rin na ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon ay imoral dahil ito ang ugat ng kahirapan, na ang pagkamal ng tubo ay imoral dahil di nababayaran ng tamang halaga ang lakas-paggawa ng mga manggagawa, na ang kapitalistang sistema ay imoral dahil nagluluwal ito ng maraming iskwater sa sariling bayan.

Sabado, Agosto 20, 2011

Si Umbrero at ang Hunger Strike ng mga Bilanggong Pulitikal

SI UMBRERO AT ANG HUNGER STRIKE NG MGA BILANGGONG PULITIKAL
ni Greg Bituin Jr.

Ang pagkamatay ng bilanggong pulitikal na si Mariano Umbrero ang mitsa upang mag-hunger strike ang mga bilanggong pulitikal sa iba't ibang kulungan sa bansa.

Umaga ng Hulyo 15, 2011, namatay si Umbrero, 63, sa ospital ng New Bilibid Prison (NBP) sa sakit na lung cancer. Nito lang Pebrero nasuri ng mga doktor na siya'y may lung cancer. Dahil dito'y agad nanawagan ang iba't ibang grupo na palayain na si Umbrero upang makapiling man lang ang pamilya sa kanyang mga huling sandali. Ngunit sawimpalad, namatay siyang di napagbibigyan ang munting kahilingang iyon. At ang matindi pa, sa kauna-unahang executive clemency ni Pangulong Noynoy Aquino, pinalaya niya si Umbrero noong Hulyo 19, apat na araw nang namatay ang nasabing bilanggo.

Sa galit ng mga bilanggong pulitikal, nagsagawa sila ng hunger strike noong Hulyo 21, ngunit pormal itong isinagawa noong Hulyo 25 upang iparating sa media, sa pangulo, at sa madla ang kanilang kalagayan. Marami na sa kanila ang matagal na sa kulungan at dapat nakalaya na, habang marami na rin ang maysakit.

Ayon sa Medical Action Group (MAG), 26 bilanggong pulitikal sa Maximum Security Area ang sumama sa hunger strike at fasting. Ang ilan sa mga nag-hunger strike ay ang matagal nang nakapiit na si Juanito "Nitoy" Itaas na 23 taon nang nakapiit, ang 64 anyos na si Cresencio Inocerta, at pitong Muslim naman ay nag-aayuno. Tubig lamang ang iniinom ng mga hunger strikers, walang pagkain; habang ang mga nag-aayuno ay may light meal at tubig. Noong Agosto 4, anim sa kanila ay agad nang dinala sa NBP Hospital dahil sa pagbaba ng mga blood sugar. Ilang araw pa, ang ilan sa kanila'y di na kinaya ang pagha-hunger strike.

Pansamantalang itinigil ng mga bilanggong pulitikal ang kanilang hunger strike noong Agosto 17 upang bigyang daan ang diyalogo sa Agosto 19 sa pangunguna ni DOJ Secretary Leila De Lima at mga kinatawan ng mga bilanggong pulitikal. Sa kanilang pulong noong Agosto 19, pinag-usapan ang pag-aasikaso ng prison reforms, at ang muling pagrere-activate ng Presidential Committee on Bail, Recognizance and Pardon (PCBREP).

Ayon sa Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), may 306 bilanggong pulitikal na nakapiit sa iba't ibang kulungan sa bansa. Sinabi pa ng TFDP na di dapat ibinilanggo si Umbrero dahil sa kanyang paniniwala.

Dahil sa pagkamatay ni Umbrero at hunger strike ng mga bilanggong pulitikal, nanawagan ang iba't ibang grupo na dapat magkaroon ng reporma sa lahat ng kulungan sa bansa. Nagsumite ang MAG sa Department of Justice (DOJ) ang kanilang proposed amendments sa Rules of Parole and Amended Guidelines for Recommending Executive Clemency of the 2006 Revised Manual of the Board of Pardons and Parole, Section 3, Extraordinary Circumstances. Ang ilan sa amyenda ay ang pagpapababa ng cut-off sa edad mula pitumpung taong gulang sa animnapu, isama na ring palayain ang mga bilanggong may matitinding sakit, at palayain na ang mga bilanggong lagpas na ang sentensya, na kahit isang araw na higit sa sentensya ay di na dapat manatili pa sa kulungan.

Ang pamahalaang ay walang konsepto ng kung sino ang mga bilanggong pulitikal at sino ang hindi. Upang mapiit ang kanilang mga ideya, kinakasuhan sila ng kung anu-anong krimen na wala namang kaugnayan sa kanilang pulitikal na paniniwala.

Inaresto si national artist at labor leader na si Amado V. Hernandez noong Enero 26, 1951 sa salang "Rebellion with Murder, Arson and Robbery" o rebellion complex with other crimes. Ngunit pagkalipas ng ilan taon, pinalaya ng Korte si Hernandez. Ayon sa Korte Suprema, ang salang rebelyon ay isang kaso lamang at hindi pwedeng maging "complex with other crimes". Kaya noong Mayo 30, 1964, inabswelto na ng Korte Suprema si Hernandez.

Marahil, dapat ganito rin ang mangyari sa ating mga bilanggong pulitikal, kasuhan sila ng rebelyon at hindi patungan ng mga kasong kriminal.

Ang mga bilanggong pulitikal ay dapat nang palayain dahil di sila nababagay sa piitan. Palayain lahat ng bilanggong pulitikal!


PAGLAYANG NASAYANG
ni Greg Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

(Hulyo 15, 2011 namatay ang bilanggong pulitikal na si Mariano Umbrero, patay na siya nang siya'y biyayaan ng executive clemency ni Pangulong Noynoy Aquino noong Hulyo 19, 2011)

huli na ang lahat, Noynoy Aquino
huli na pagkat ang pinalaya mo
sa una mong presidential clemency
ay ilang araw nang naililibing

di ko alam, 'yan ba ang utak-wangwang
na laging huli't palpak ang dulugan
noon pa dinulog ang kasong iyan
ngunit di naman agad inaksyunan

level 4 na ang kanser ni Umbrero
tanging hiling niya, Noynoy Aquino
ay makasama ang kanyang pamilya
sa nalalabi pang araw sa mundo

ngunit bigo siya, binigo siya
ng pangulong ayaw ng utak-wangwang
ilan pa, Noynoy, ang bibiguin mo
ilan pa ang mabibigo sa iyo

namatay siyang bigong makasama
sa huling araw ang kanyang pamilya
presidential clemency mo'y wala na
sayang pagkat iyon ang iyong una

tularan mo ang ina mong butihin
bilanggong pulitikal, palayain
paulit-ulit itong aming hiling:
BILANGGONG PULITIKAL, PALAYAIN!

Linggo, Hulyo 24, 2011

Gawaing Paralegal at ang Minsang Pagkahuli Ko sa Rali

GAWAING PARALEGAL AT ANG MINSANG PAGKAHULI KO SA RALI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
BMP-KPML-Sanlakas

[Ang sumusunod ang inihanda kong talumpati para sa Paralegal Training Seminar (PLTS) na inilunsad ng Paralegal Volunteers Organization (PVO) ng UP College of Law sa Diliman. Sa paanyaya ni Arnel Abeleda ng PVO at estudyante ng UP College of Law, nagsalita ako sa harap ng may 20 law students ng UP na pawang kasapi ng PVO. Ito'y ginanap sa Rm. 128 ng UP College of Law sa Diliman, Hulyo 24, 2011, bandang ika-10:30 ng umaga. Ang paksa ko’y hinggil sa QRT (quick reaction team) o yung gagawin ng mga paralegal kung sakaling may mahuli sa rali. Isinama ko na rin dito si Ka Romy Castillo ng Partido Lakas ng Masa (PLM) na nagkwento rin ng kanyang karanasan.]


Isang maalab na umaga po sa inyong lahat. Ako po si Greg ng grupong BMP-KPML-Sanlakas, isang manunulat, makata, small-time pabliser, at aktibista. Di na bago sa akin ang UP Paralegal Volunteers Organization dahil ito ang nagbigay ng paralegal training on housing rights sa KPML noong 2003.

Ang ibabahagi ko sa inyo ngayon ay batay sa aking tunay na karanasan nang ako'y mahuli sa isang rali. Sa aming pagkilos sa Senado noong Mayo 2000 hinggil sa isyu ng VFA (Visiting Forces Agreement), dalawang dyip ng Sanlakas ang nagtungo roon upang magprotesta. Ang sigaw namin, huwag nang payagan ng Senado ang VFA at dapat itong ibasura. Magkatapat kaming mga raliyista at ang mga pulis na may kalasag at batuta na nakaharang sa amin.

Habang nagsasalita ang aming mga lider, nasa harapan ako noon, ay nagkagulo, nagkapaluan. Dahil nasa unahan ako ng aming bulto, ako ang nakuha ng mga pulis sa rali. Hinila ako ng mga pulis at binugbog sa loob ng Senado. Paglabas ng Senado, dala-dala na ako ng mga pulis sa kanilang mobil, tumungo muna kami sa Medical Hospital malapit sa istasyon ng pulisya. Nang makapag-medikal na ako at ang ilang mga pulis, saka naman ako dinala sa police station; doon ay nakita ko na ang ilan sa aking mga kasamahan sa rali; di nila ako pinabayaan.

Ngunit dahil marahil di namin kabisado ang batas at wala kaming abogado nuong panahong iyon, at hilo pa ako sa bugbog sa katawan, dinala ako ng isang pulis sa opisina ng piskalya ngunit walang makitang piskal, saka niya ako pinapirma sa isang statement, kaharap ang isa ko pang kasama na staff naman ng aming party-list; hilo pa ako at pumirma naman ako, wala lang, basta pumirma lang ako kaharap ng staff ng aming partylist na sumama para umalalay sa akin; iyon pala, kalaunan, mali ang aking pagpirma. Kaya isang gabi akong natulog sa Pasay City Jail kasama ang maraming preso sa sardinas na kulungan, selda 3. Ang ikinaso sa akin, direct assault dahil may mga pulis na nasaktan sa rali nang magkagulo, gayong sila ang may pamalo at shield, habang kami naman ay walang pamalo at ang hawak namin ay pawang mga plakards at flags ng aming organisasyon.

Sa selda, kinausap ako ng mayor sa loob at tinanong kung ako daw ba yaong napanood nila sa TV kani-kanina lamang sa rali na nagkagulo, at hinuli ng mga pulis-Pasay. Sabi ko naman ay oo. Natulog ako na nasa ilalim ng katre ang aming mga paa, dahil sinsikip ng lata ng sardinas ang maliit na kulungan.

Kinaumagahan, dumating na ang aking mga kasamahan, bandang tanghali na dumating si kongresman. Dumating ang isa kong pinsan at binigyan ako ng P100. Mga alas-dos ng hapon, nakalaya na ako matapos kong magpyano, o mag-fingerprint. Nagkaroon sila ng usapan na kung di nila iuurong ang demanda sa akin, sila din ay idedemanda namin dahil bugbog sarado ako, na mapapatunayan sa medical check up sa akin bago ako dinala sa presinto. Ayon sa tatay ko, nagpunta rin siya ng hapon doon ngunit nakalaya na pala ako.

Wala kaming abugado o paralegal man lang sa aming mga rali kadalasan. Hanggang ngayon ay ganuon pa rin ang palakad. Ngunit may bilin naman, na kung sakaling may mangyari muling hulihan sa rali, ay tumawag na ng abugado.

Iyan ang ikalawa kong pagkabugbog sa rali, at una kong kulong. Sabi nga ng nanay ko noon, tigil-tigilan ko na ang pagsama-sama sa mga rali. Ngunit nang mabugbog na ako, ang nasabi na niya, okey lang sumama na ako sa rali basta huwag na akong popronta, huwag na akong laging nasa harapan ng rali. May mga nauna na akong nasamahang rali at minsan, lightning rally (LR). Marami pang beses na ako’y nabugbog, nahuli, hindi nahuli, nakatakas, gayong karapatan naman ang magpahayag sa pamamagitan ng rali. Mula sa eskwelahan bilang campus journalist, halos dalawang dekada na akong kumikilos bilang aktibista, at nag-fulltime ako mula 1997 hanggang sa kasalukuyan. Di ko na tinapos ang pag-aaral ko ng BS Mathematics para magrebolusyon.

Hanggang ngayon, patuloy pa rin ako sa pagtangan sa prinsipyong nag-aadhika ng pagbabago ng isang lipunang nahahati sa uri at kawalan ng hustisya sa higit na nakararami. Magpapatuloy kami at di titigil buhay man ang ialay upang isulong ang adhikaing pagkakapantay-pantay at walang pagsasamantala ng tao sa tao. Ang ugat ng kahirapan ay ang pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, at kung ito’y mapuputol, ang kahirapan ng higit na nakararami sa lipunan ay mawawakasan.

Dahil sa ganitong mga karanasan, napagtanto kong dapat may alam din ako sa batas at karapatang pantao, dahil bilang aktibista, dapat alam namin kung paano namin ipagtatanggol ang aming sarili, at ang mga maralita’t manggagawang inaapi’t pinagsasamantalahan. Matapos ang tatlong taon (2003) nang ako’y makalaya mula sa isang araw at isang gabing pagkakakulong sa Pasay City Jail, nakapag-treyning ako sa paralegal sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), hinggil sa karapatan sa pabahay at karapatang pantao. Nakakuha na rin ako ng paralegal training on labor relations (Rule V ng Labor Code) sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) nitong Hunyo 2011 at nakagawa na rin ng isang pleading.

Ano ang mga dapat gawin ng isang paralegal pag may inilunsad na QRF ang isang organisasyong aktibista sa harap ng isang opisina o ahensya ng gobyerno, o maging sa Mendiola, at may nahuling raliyista? Ang mga ibabahagi ko’y batay sa naging karanasan ko, at sa ilang payo sa akin.

Una, dapat samahan ng paralegal ang mga nahuling aktibista sa rali at ipaalam sa nahuling aktibista ang kanyang mga karapatan at sabihan itong maging kalmado pagkat hindi pa iyan ang katapusan ng mundo.

Ikalawa, kunin ang mga pangalan ng umaresto, ang kanilang mga opisyal na posisyon, at ang kinabibilangang opisina o yunit ng umaresto o mga umaresto sa mga raliyista.

Ikatlo, tanungin ang mga nang-aresto kung saan dadalhin ang raliyista, ito'y para sa proteksyon ng raliyista at ng umaresto, para matiyak na di sila lalabag sa karapatang pantao nang di sila makasuhan.

Ikaapat, kung ang mga umaresto ay sibilyan, kunan sila ng litrato at kunin ang plaka ng kanilang sasakyan, ipinag-aatas ng batas na ang mga opisyal na umaresto ay dapat nakauniporme, kumilos ng tama at rumespeto sa karapatang pantao at dignidad; dapat maiwasan ang pag-salvage o summary execution, o ang maging desaparesido ang mga raliyista.

Ikalima, huwag iwan ang mga nahuli hangga't walang dadalo sa kanila na mga kasamahan nila sa organisasyon, o kanilang mga kamag-anak.

Ikaanim, gawan ng statement ng buong pangyayari, at bigyan ng kopya ang kinauukulan, tulad ng CHR, abogado ng mga raliyista, ang mismong kapulisan, ang organisasyong kinabibilangan ng mga aktibista, at iba pang dapat mabigyan ng kopya.

Mga dagdag pa: Dapat maigiit ng mga paralegal ang karapatang pantao, batay sa Saligang Batas ng Pilipinas, Artikulo 3; ang International Covenant on Civil and Political Rights; ang International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights; at ang kaalaman hinggil sa ilang proseso ng batas, tulad ng filing ng ordinary civil action, summary procedure in civil and/or criminal cases, paano ginaganap ang trial, procedure for appeal sa regional trial court (RTC) at sa court of appeals, pagtiyak ng awtentisidad ng dokumento, tulad ng warrant, at marami pang iba. At makipag-ugnayan sa mga human rights organizations, tulad ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), Philippine Human Rights Information Center (PhilRights), HR Online, kung saan isa ako sa mga fellow HR bloggers, at marami pang iba.

Maraming salamat sa mga organisasyong ito ng karapatang pantao. At lalu na, salamat sa mga organisasyong Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan), Sanlakas, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na siya kong kinapapalooban ngayon, at Partido Lakas ng Masa (PLM), na pawang mga organisasyong kinilusan ko at kinikilusan pa hanggang ngayon sa patuloy nilang suporta at gabay sa mga tulad kong aktibista, at mga kasama upang palayain ang bayan at ang uring manggagawa mula sa kuko ng mga mapagsamantala. Magpapatuloy kami sa pakikibaka hanggang sa maitayo ang isang lipunang makatao para sa lahat, isang lipunang sosyalismo. At ako naman ay magpapatuloy sa pagsusulat, pagkatha ng tula, at paglilimbag ng mga librong mapagmulat para sa uring manggagawa at sa masa ng sambayanan.

Sa ngayon po, hanggang dito lamang po muna. Marami pong salamat.

Lunes, Hunyo 20, 2011

Ang Kabayanihan ni Rizal at ang Pagmamaltrato sa mga Manggagawa ng Hanjin

ANG KABAYANIHAN NI RIZAL AT ANG PAGMAMALTRATO SA MGA MANGGAGAWA NG HANJIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Hunyo 20, 2011

Dapat kagabi ko pa sinulat ang artikulong ito pagdating ko sa aking lungga, ngunit dahil sa pagod ay nakatulugan ko na lang ito. Kanina naman ay maaga akong gumising para tapusin ang ilang plakard para sumama sa rali ng alas-nwebe sa Mendiola, sa isyu ng Hanjin.

Walang tigil ang ulan buong maghapon kahapon, araw ng Linggo, ika-150 kaarawan ni Gat Jose Rizal, ngunit hindi naging sagabal ang ulan upang puntahan ko pa rin ang makasaysayang Luneta. Sinugod ko ang ulan upang kahit papaano'y maging bahagi ng pagdiriwang ng isang yugto sa kasaysayan ng bayan. Bandang ikalima na ng hapon nang makarating ako sa Rizal Park mula sa isang oras na biyahe.

Mistulang walang tao ang Luneta dahil sa ulan, ngunit nagsilungan lang pala ang mga ito. Nakatayo pa rin dito ang mga booth ng iba't ibang lungsod at bayan sa Metro Manila, tulad ng Manila, Taguig, Paranaque, San Juan, atbp. Dahil maulan, dumiretso na ako sa pinagdarausan ng konsyerto sa Luneta, sa Concert at the Park. Isa itong open air auditorium sa Rizal Park, walang bubong, kaya ang mga nagpunta rito kagabi ay pawang nakapayong, habang ako naman ay nakadyaket at sumbrero lang. Nuong nakaraang Linggo lang ay narito rin ako sa konsyerto na pinangunahan ng bandang Penpen.

Ambon na lamang nang magsimula ang palabas. Kaunti lang ang mga taong manonood, ngunit dumami bigla nang marinig na ang paanyaya ng emcee na magsisimula na ang palabas, isang historical musical play.

Ang pagsasadulang musikal ay pinamagatang "Pepe: Talambuhay at Panaginip ni Dr. Jose Rizal" sa pangunguna ng Teatro Expedicion de Filipinas, mga performers mula sa Gawad Kalinga, at ang aktor na si Biboy Ramirez ang gumanap bilang Dr. Jose Rizal. Dahil maambon, nakaharang ang mga payong ng mga manonood kaya naobliga ang karamihan na manood ng nakatayo, kasama na ako roon.

Awitan at sayawan, habang tinatalakay ang buhay ni Rizal. Magaganda ang mga costume ng mga nagsiganap. Pati ang paglilipat ng mga eksena sa pamamagitan ng pag-uusog ng mga props, paggamit ng ilaw, bagamat may panahong di gaanong marinig ang boses ng nagsasalita dahil tila palyado at di malakas ang microphone. Ngunit nagawan naman agad ito ng paraan ng hindi halata. Pinakita ang nakabarong na si Paciano nang binilinan niya si Rizal sa pagtungo sa ibayong dagat, ang pagsusulat ni Rizal ng nobela, ang ilang bahagi ng Noli at Fili, si Maria Clara, si Crisostomo Ibarra ng Noli, na naging si Simeon sa Fili, ang kontrabidang tatay ni Maria Clara na si Padre Damaso, si Osei San na naging kasintahan ni Rizal, si Josephine Bracken, ang paglatag ng mahabang puting telang nagsmistulang dagat na aalun-alon, ang mga gwardya sibil, at iba pang eksena.

Maganda ang palabas, ngunit nadismaya lamang ako nuong bago mamatay si Rizal ay pinirmahan niya ang isang retraksyon, dahil hindi ito kapani-paniwala. Naniniwala akong imbento lamang ito ng mga kaparian. Isang kasulatan ang retraksyong pinirmahan ni Rizal, na nagsasabing nagbabalik loob na siya sa simbahan, at kung gayon ay pinagsisisihan na niya ang paglaban sa kaparian sa pamamagitan ng kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Una, malaking propaganda na para sa mga prayle at malaking kahihiyan kay Rizal bilang awtor ng Noli at Fili kung pinirmahan nga ito ni Rizal. Di dapat bayani si Rizal kung totoo ito. Ikalawa, kung pinirmahan ni Rizal ang retraksyon, dapat di na natuloy ang pagbitay upang ipakita ng mga prayle sa sambayanang Filipino na isinuko na ni Rizal ang kanyang prinsipyo. Ngunit nangyari pa rin ang pagbitay.

Di man kumpleto ngunit kinuha nila ang pagsasadulang musikal sa loob ng isang oras at labinlimang minuto (mula 6:05 pm hanggang 7:24 pm). Umuwi akong umuulan pa rin. Pag-uwi ko'y binuksan ang laptop ngunit lalagnatin yata ako dahil sa ulan, kaya di na ako nakapagsulat. Ipinikit ko muna ang pagal kong katawan at mata.

Pagkagising kanina, tumuloy na kami ng aming mga kasama sa makasaysayang Mendiola, ang tradisyunal na lugar ng protesta. Dahil holiday at walang pasok, di trapik kaya madali kaming nakarating ng Mendiola. Walang humarang na pulis, naroon na rin ang ilang taga-media. Iprinotesta namin doon ang nagaganap sa pabrika ng Hanjin, ang pagawaan ng bapor ng mga Koreano dito sa Pilipinas. Sumama rito ang iba't ibang malalaking organisasyon ng manggagawa, tulad ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Alliance of Progressive Labor (APL), Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Philippine Airlines Employees Association (PALEA), Sanlakas, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), League of Urban Poor for Action (LUPA), ang Church-Labor Conference (CLC), Urban Missionaries (UM), Partido ng Manggagawa (PM), Manggagawa para sa Kalayaan ng Bayan (MAKABAYAN), Koalisyon Kontra Kontraktwalisasyon (KONTRA), ang Samahan ng Manggagawa sa Hanjin Shipyard (SAMAHAN), sa pangunguna ng pangulo nitong si Joey Gonzales, at iba pa.

Ayon sa mga manggagawa, umaabot na sa tatlumpu't isang (31) manggagawang Pilipino ang namatay sa Hanjin dahil sa aksidente. Nasa animnapu't tatlong (63) manggagawa naman ang tinanggal dahil sa pagsapi ng unyon. Kinakailangan ng manggagawang magtayo ng unyon para protektahan ang kanilang seguridad sa trabaho, bukod pa sa ito'y karapatan nilang nakasaad sa Konstitusyon. Binabatukan, sinasampal-sampal ang mga manggagawa ng Hanjin, na para bang di sila tao. Nang magbuo ng unyon ang mga manggagawa'y tinakot pa sila, at tinanggal. Kamakailan ay may namatay na namang manggagawang Pilipino rito nang mahulog sa ginagawang gusali, isinugod sa ospital at doon na binawian ng buhay.

"Trabahong may dangal, hindi kontraktwal!" ang sigaw ng mga manggagawa. Para sa mga manggagawa, ang kontraktwalisasyon ay salot, dahil tinatanggal nito ang karapatan at benepisyo ng mga manggagawa. Imbis na maging regular sila dahil importante ang kanilang trabaho sa kumpanya, ay di sila nareregular, kahit na mahigit na silang anim na buwan o isang taon sa kumpanya. Kaya di nila natatamasa ang mga benepisyong nararapat sa kanila. Nasa 21,000 manggagawang Pilipino ang gumagawa ng mabibigat na trabaho sa Hanjin, ngunit ito'y sa pamamagitan ng mga contractual agency. Kaya sinasabi ng Hanjin na nasa 148 lang ang manggagawang nila, ngunit ang tinutukoy pala nila rito'y ang 148 manggagawang Koreano. Dahil kontraktwal ang mga manggagawang Pilipino ay ayaw aminin ng management ng Hanjin na manggagawa nila ito, dahil ang nag-empleyo umano sa mga ito ay mga kontraktor. Sa batas, maging sa Labor Code, mali ang ganitong pananaw nila. Dahil direktang gumagampan ng mahahalagang gawain sa pabrika ng Hanjin, mga gawaing essential and necessary, ang 21,000 manggagawang Pilipino.

Sa Hulyo 3, ilulunsad ng mga manggagawa ang isang mahabang karabana para sa proteksyon sa trabaho, mula Maynila hanggang Subic kung saan naroroon ang pabrika ng Hanjin.

Dalawang pangyayari sa loob ng dalawang araw. Dalawang pangyayaring magkabaligtad, magkaiba. Ang isa'y hinggil sa kabayanihan ng pambansang bayani, ang isa nama'y kapahamakan sa mga manggagawa. Ang isa'y pagpapaalala na dapat mahalin ng mga Pilipino ang kanyang bayan at ang sambayanang bumubuo ng bayan. Ang isa'y nagpaalala na kailangang magkaisa ang sambayanan upang ang kanilang mga kababayan ay hindi apihin ng mga dayuhang kapitalista. Dalawang pagpapaalala sa atin na hindi tayo dapat maging bulag, pipi at bingi sa kalagayan ng ating mga kababayan, bagkus ay kumilos tayo para matiyak na ang lipunang ating ginagalawan ay maging isang lipunang makatao, kung saan ang pang-aapi't pagsasamantala'y di na umiiral.

Nilabanan ni Rizal ang mga dayuhan, habang ang mga manggagawang Pilipino'y inaapi ng mga dayuhang kapitalista. Sa paggunita natin sa kabayanihan ni Dr. Jose Rizal na nagsakripisyo upang lumaya ang bayan, nangangailangan pa uli ng kabayanihan ngayon dahil sa pagsasamantala sa mga manggagawa, di lang sa Hanjin, kundi sa iba pang mga pagawaan. Alalahanin natin ang sinabi ni Rizal sa katauhan ni Elias sa El Filibusterismo, “Mamamatay akong di nakikita ang bukang-liwayway ng kalayaan sa aking bayan. Kayong mga makakakita, batiin n’yo siya at pagpugayan! Huwag n’yo lamang kalilimutan ang mga nabuwal sa dilim ng gabi!” "

Nangangailangan ngayon ng pagkakaisa.