Biyernes, Disyembre 16, 2011

“Ang Nagpoprotesta” Bilang 2011 Person of the Year ng Time magazine


“Ang Nagpoprotesta” Bilang 2011 Person of the Year ng Time magazine
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang inspirasyon para sa ating mga nakikibaka, sa parlyamento man ng lansangan o saanmang lugar, ang pagkakadeklara sa bawat nagpoprotesta sa lansangan bilang Person of the Year ng Time magazine ngayong 2011. Isang inspirasyong lalong nagbibigay-sigla sa mga nakikibaka na nagpapatunay na ang tapat na hangarin para sa pagbabago ay wasto at makabuluhan sa kabila ng mga sakripisyong pinagdaanan, sa kabila ng mga nabubong pawis at dugo upang mapalaya ang sambayanan.

Walang indibidwal na mukha ang tinaguriang "Ang Nagpoprotesta (The Protester)" pagkat ito'y nakapatungkol sa mga mamamayang nakibaka para sa paglaya mula sa diktadura at mula sa pagkaganid ng mga korporasyon, paglayang inaasam ng mayorya, lalo na yaong tinaguriang siyamnapu't siyam na bahagdan o ninety nine percent (99%). Bagamat may di kilalang tao na nalathala sa front page ng Time magazine, siya'y simbolo lamang ng libu-libo, kundi man milyun-milyong mga nakikibaka sa iba't ibang bansa laban sa mga mapagsamantala at mapang-api sa kani-kanilang bayan.

Pumangalawa sa "The Protester" si Admiral William McRaven, pinuno ng Special Operations Command Amerika na siyang nakapatay sa pinuno ng Al Qaeda na si Osama bin Laden. Pumangatlo ang magsisining na si Ai Weiwei, kung saan ang 81-araw niyang pagkadetine sa isang lihim na kulungan ay nagpasiklab ng pandaigdigang kilos-protesta. Pang-apat naman ang Chairman ng Komite sa Budget sa Kongreso ng Amerika na si Paul Ryan. Kasama rin sa talaan si Kate Middleton, Dukesa ng Cambridge, na naging asawa ni Prince William ng Great Britain.

Kung babalikan natin ang nakaraang mga pangyayari nitong 2011, napakaraming kilos-protesta ang naganap, na siyang nagpabago at nakaapekto sa takbo ng pulitika at ekonomya ng maraming bansa at ng kanilang mamamayan. Kumbaga'y nagbigay ng bagong direksyon ang pakikibaka ng mamamayan ng mundo nitong taon, nakilala ng masa ang kanilang kapangyarihan. Pinakita ng maraming mamamayan ng mundo hindi lamang ang kanilang boses at panawagan kundi ang kakayahan nilang baguhin ang mundo. Inilabas ng sambayanan ang kanilang galit sa kasakiman ng mga korporasyon at pananatili ng mga diktador sa kani-kanilang bansa. Kumilos ang sambayanan para sa pagbabago. Pinakita ng mamamayan ang kanilang lakas.

Mula sa tinaguriang Arab Spring, kilusang Occupy Wall Street, Spanish Indignados, at ang nangyayari ngayong pagkilos ng mamamayan sa Rusya laban kay Vladimir Putin, ang mukha ng protesta ang nasa pabalat ng Time magazine bilang 2011 Person of theYear. Sumiklab ang mga rebolusyon ng sambayanan sa mga bansang Tunisia at Egypt at pinatalsik ang kanilang pangulo, nagkaroon ng digmaang sibil sa Libya na ikinabagsak ni Moammar Gaddafi; pag-aalsa ng mamamayan sa Bahrain, Syria, at Yemen, na nagresulta sa pagbibitiw ng prime minister ng Yemen; patuloy na malalaking protesta ng mamamayan sa Algeria, Iraq, Jordan, Kuwait, Morocco, Lebanon, Mauritania, Saudi Arabia, Sudan, at Kanluraning Sahara. Sumiklab din ang pag-aalsa ng mamamayan sa pamamagitan ng pag-okupa sa Wall Street, na siyang pangunahing lugar-pinansyal ng Amerika. Sinundan ito ng mga kilos-protesta sa iba't ibang bansa, tulad ng mga Indignados sa bansang Spain, ang protesta ng mamamayan ng Greece, Italy, Germany, United Kingdom, Ireland, Slovenia, Finland, Chile, Portugal, at marami pang iba.

May komon sa bawat protestang ito, at ito'y ang nagkakaisa nilang tinig at pagkilos para sa pagbabago. Nais ng mamamayan ng radikal na pagbabago, bagamat karamihan sa kanila ay di kumakatawan sa anumang tradisyunal na partido. Sadyang galit na ang mamamayan, pagkat ang 1% ng mayayaman ang kumakawawa sa 99% ng naghihirap na mamamayan ng mundo. Anupa't ang taong 2011 ay isang makasaysayang taon na di na makakatkat sa kasaysayan, pagkat ang inspirasyong dinala nito sa puso at isipan ng mga mapagmahal sa kalayaan, ang kanilang galit sa kasakiman sa tubo ng mga korporasyon at sistemang kapitalismo, ang kanilang sakripisyo para sa pagbabago, ay patuloy na nagbubunga at nauunawaan ng maraming mamamayan ng daigdig.

Kaya tama lamang ang pagkakapili ng Time magazine at pagkilala nito sa mga karaniwang masa sa kanilang mahalagang papel sa pagbabago ng lipunan at nakaimpluwensya sa pulitika at ekonomya ng kani-kanilang bansa. Kaiba ito sa ginawa nila noon. Sa unang "people power" na naganap sa Pilipinas noong 1986, si dating Pangulong Cory Aquino ang nalagay sa pabalat ng Time magazine imbes na ang taumbayan. Kahit ang mga historyador noon ay pulos indibidwal na lider, imbes na taumbayan, ang bayani sa kasaysayan, tulad nina Rizal at Bonifacio. Ngayon lang kinilala ang kolektibong papel ng taumbayan sa pagbabago ng lipunan. At sinimulan ito ng Time magazine.

Martes, Disyembre 13, 2011

Panukalang Batas sa Diborsyo, Ipasa Na!

Panukalang Batas sa Diborsyo, Ipasa Na!
ni Greg Bituin Jr.

Ang usaping diborsyo ang isa sa pinagdebatehan sa nakaraang Kongreso ng Partido Lakas ng Masa (PLM) noong Nobyembre 29. Sa taasan ng kamay, mayorya ang pumabor sa diborsyo bilang isa sa plataporma ng samahan. Ano nga ba ang diborsyo at bakit dapat itong maging batas sa Pilipinas?

Nang pinagtibayan ng bansang Malta ang diborsyo noong Mayo 28, 2011, ang Pilipinas na lang ang tanging bansa sa mundo na walang diborsyo. 

Marami nang nagaganap na hiwalayan sa bansa, may mga anak na produkto ng broken family dahil nagkahiwalay sina ama at ina. Ngunit ang hiwalayan nila'y sa pamamagitan ng annulment, at hindi diborsyo. Nariyan ang popular na karanasan nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion, Snooky Serna and Niño Mendoza ng bandang Blue Jean Junkies, Ruffa Gutierrez at Yilmaz Bektas, Kris Aquino at Philip Salvador na may asawa na. Nakipaghiwalay naman si Che Tiongson sa asawang si Chavit Singson dahil umano sa pananakit. Meron ding naghihiwalay sa mga mag-asawang maralita. "Til death do us part", ang sabi habang ikinakasal, kaya marahil para mapawalang-bisa ang kasal, pinapatay sa bugbog ang asawa upang tuluyan silang magkahiwalay.

Sa ngayon, naka-file sa Kongreso ang House Bill 1799, na ang awtor ay sina Luz Ilagan at Emy de Jesus ng Gabriela party-list. Iminumungkahi ng nasabing panukalang batas ang limang dahilan para sa diborsyo, tulad ng problema sa kaisipan o psychological incapacity, ang kabiguan ng isa sa mag-asawa na gampanan ang obligasyon bilang mag-asawa, at ang hindi pagkakasundo na sumisira sa kanilang relasyon bilang mag-asawang ikinasal. Tanging ang mga mag-asawang hiwalay na ng limang taon ang pwedeng mag-aplay para sa diborsyo, at dalawang taon para sa mga nasa antas ng legal separation.

Kung hindi na nagkakasundo ang mag-asawa at nais na mag-file ng annulment, mas mura ang pagpa-file ng diborsyo, dahil sa kalakaran sa Pilipinas, tanging mga maypera ang may kakayahang mag-file ng annulment dahil wala ngang diborsyo rito.

Kasama sa panukalang batas ang pag-amyenda sa Artikulo 55 hanggang 66 ng Family Code o EO 209, kung saan kapansin-pansin na ang salitang "legal separation" ay dinugtungan ng salitang "or divorce". Ibig sabihin, nasa batas na ang legal separation o legal na paghihiwalay ng mag-asawa, at ginawa pa uling legal sa paglalagay ng salitang "divorce". Sa biglang tingin ay mukhang termino ang problema. Tulad din ng salitang annulment, na pwede ring ipa-annul ang kasal ng mag-asawa, na tulad din ng divorce, ay legal na paghihiwalay ng mag-asawa. Mukha ring pareho, ngunit malaki ang pagkakaiba sa proseso. Mas masalimuot at mas mahal ang gastos ng pagpapa-annul ng kasal. Mas pinagaan naman sa proseso ang diborsyo, at hindi mahal kung maisasabatas.

Kaya ang nakaka-afford lang o may kakayanang magpa-annul ng kasal, o legal separation, ay yaong may kayang magbayad sa abogado. Kaya yaong mayayaman lamang at yaong mga kilala sa lipunan, tulad ng mga artistang naghihiwalay, ang may kakayahang ipawalang-bisa ang kasal. Yaong mga mahihirap na walang kakayahang magbayad ng abogado na nais nang makipaghiwalay sa kanilang asawa, dahil sa araw-gabing pananakit sa kanila, ay di mapawalang-bisa ang kasal. Isa ang problemang ito sa nais tugunan ng panukalang diborsyo sa Pilipinas. 

Kaya nararapat lang isabatas na ang Divorce Bill! Ngayon!

Editoryal - Bagong Petsa, Lumang Sistema


BAGONG PETSA, LUMANG SISTEMA
Editoryal ng magasing Ang Masa, isyu ng Disyembre 16, 2011 - Enero 15, 2012
Sinulat ni Greg Bituin Jr.

Nitong 2011, malaking pangyayari sa kasaysayan ang nagawa ng karaniwang mamamayan, na nagpakitang kaya nilang gawing payapa ang daigdig na kanilang kinalalagyan. Patay na ang diktador na si Moammar Gaddafi ng Libya at si Osama bin Laden ng teroristang grupong Al Qaeda. Napatalsik na sa pwesto bilang pangulo sina Hosni Mubarak ng Egypt (pangulo ng 30 taon), Zine el-Abidine Ben Ali ng Tunisia (pangulo ng 23 taon), at Laurent Gbagbo ng Ivory Coast (pangulo ng 10 taon). Sunod-sunod ang rebolusyon ng mamamayan sa Bahrain, Yemen, Syria, Libya, Greece, at iba pa. Inokupa ng mamamayan ang Wall Street na siyang sentro ng kalakalan sa Amerika, na nakakaapekto sa iba't ibang bansa sa mundo. Nagprotesta rin sa bansang Espanya ang mga Indignados. Mamamayan na ng iba't ibang bansa ang nagrali sa lansangan upang isigaw na silang 99% ay dapat lumaya sa kuko ng mga nagpapasasang 1% ng populasyon. Patuloy pa rin ang protesta ng mamamayan laban kina Vladimir Putin ng Russia at Bashar al-Assad ng Syria. 

Ang mga pangyayaring ito'y nagpapakita na ayaw na ng mamamayan sa kasalukuyang sistema, diskontento na sila sa diktadurya at kapitalismo, at nais na nila itong mapalitan.

Sa ating bansa, dapat ding magprotesta ang masa upang isulong ang karapatan ng mga maliliit at mahihirap sa lipunan, upang baguhin ang kanilang abang kalagayan, upang wakasan ang kasakiman sa tubo ng mga kapitalista't korporasyon, upang baguhin ang sistema at palitan ang kapitalismong pahirap sa sambayanan. 

Kahirapan, kagutuman, kawalan ng hustisyang panlipunan, kawalan ng direksyon ng pamahalaan, baluktot na "daang matuwid", mga pangakong ilusyon sa dukha, salot na kontraktwalisasyon na pahirap sa manggagawa, patuloy na demolisyon sa mga maralitang iiwan na lang sa kalsada matapos tanggalan ng bahay, mga kababaihang basta hinihipuan at itinuturing na kalakal, mga batang biktima ng child labor - maraming isyung dapat bigyang pansin, lalo na ang ekonomya, pulitika, karapatan at dignidad ng bawat mamamayan. 

Bagong petsa, lumang sistema. Parang lumang patis sa bagong bote. Napalitan lang ng petsa ngunit di pa rin nagbabago ang kalagayan, mistulang pampamanhid lamang sa mahihirap ang kapaskuhan at bagong taon. Gayunpaman, dapat salubungin natin ang bagong taon ng panibagong hamon. Isang hamon ng pag-aalsa laban sa bulok na sistemang nagsadlak at patuloy na nagsasadlak sa atin sa dusa't karalitaan. Itransporma natin ang ating galit sa sistema sa aktwal na pagkilos.

Hindi tayo dapat tumigil hangga't di nagwawagi. Palitan na ang bulok na sistema! Isulong ang sosyalismo! Kaya nating gawin ito pagkat tayo ang 99% na dapat magkaisa upang magapi ang 1% na siyang pahirap sa sambayanan.

Lunes, Disyembre 12, 2011

Lakbay Klima: Pagkilos Tungo sa Hustisya sa Klima


Kung Sinong Dapat Magbayad sa Krisis sa Klima
ni Greg Bituin Jr.

Kasama ang inyong lingkod sa inilunsad na Climate Justice Tour ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) nitong Disyembre 4-9, 2011. Sa temang “Lakbay Klima: Pagkilos Tungo sa Hustisya sa Klima,” tumungo kami at nakipagtalakayan sa ilang mamamayan sa Isabela, Nueva Viscaya, Nueva Ecija, Zambales, Subic at Angeles City, Pampanga, Bulacan, at nagdulo sa Quezon City. Ikinampanya namin ang pagbabago sa klima at ang panawagang hustisya sa klima o climate justice.

Ayon sa 2011 world Risk Index ng United Nations, pangatlong pinakaapektado ang Pilipinas sa pagbabago ng klima, at pinakaapektado sa Asya. Bakit nagkaganito at bakit pangatlo ang Pilipinas? Anong ginawa ng mga Pilipino upang magkaganito? O ibang bansa ang nagdulot nito sa Pilipinas? Sino ang dapat sisihin? Sino ang dapat magbayad? Ang ating bansa ang tinatamaan gayong kakaunting usok lamang kumpara sa mayayamang bansa ang ating ibinubuga.

Ayon sa PMCJ, kapitalismo ang pangunahing dahilan ng pagbabago sa klima. Ang kapitalismo'y isang pandaigdigang sistemang pang-ekonomya't pulitika na kinatatangian ng tuluy-tuloy at walang patumanggang produksyon at pagpapalawak ng pamilihan para magkamal ng impak-limpak na tubo. Dahil sa paghahabol sa tubo, unti-unting winasak ng sistemang ito ang likas-yaman ng maraming bansa tulad ng Pilipinas, upang patuloy na umandar ang produksyon at tuluy-tuloy din ang pasok ng malawakang tubo. Kinakalbo ang kabundukan upang pagkunan ng mina, kinakalbo ang mga kagubatan upang pagtubuan ang mga punong ginagawang troso, patuloy ang pagbuga ng mga pabrika ng mga nakalalasong usok sa himpapawid tulad ng greenhouse gas (GHG) na unti-unting bumutas sa ozone layer ng mundo, hanggang sa tumaas ang temperatura ng daigdig. At ang matindi, walang ginagawa ang sistemang ito upang mapigilan ang pagkasira ng kalikasan. Wala dahil nagsisilbing gastos sa malalaking kumpanya ang pagsasaayos ng kalikasan, at malaking kabawasan sa kanilang tubo. Sadyang malupit ang sistemang kapitalismo dahil ang sinasanto lang nito'y tubo at salapi.

Nagsimula ang pagtaas ng temperatura ng mundo mula sa pag-usbong ng Rebolusyong Industriya at kapitalismo sa Europa. Mula noon, patuloy na ang malawakang pagwasak sa likas-yaman ng mga bansang naghihirap ngunit mayaman sa likas-yaman. Patuloy din ang pagsasamantala at pambabarat sa lakas-paggawa ng mga manggagawa upang lalong tumambok ang bulsa ng mga ganid na kumpanya. Sa madaling salita, ang pagkahayok sa tubo ng sistemang kapital ang nagdulot ng pagkawasak ng ating daigdig. Ibig sabihin, ang kahayukang ito na dulot ng sistema ay dapat mawala, dapat mapalitan.

Dahil dito, nagkaroon ng utang ang mga mayayamang bansa (na kasama sa tinaguriang Annex 1 countries) sa mga mahihirap na bansa, pagkat ang pagwasak ng mga ito sa likas-yaman ng mahihirap na bansa ang nagbigay-daan upang lamunin ng mga bagyo't delubyo ang mga bansang tuad ng Pilipinas. Nariyan ang pagkitid ng espasyo sa kalawakan, na nakapatungkol sa kabuuang hangganan ng pwedeng ibugang GHG ng bawat bansa. Halimbawa nito, ang parte ng kalawakan ng Pilipinas ay di nito nagamit dahil ginamit na ng mga mauunlad na bansa na siyang nagbuga ng usok sa kalawakan, lagpas-lagpasan sa dapat na parte nila ng espasyo sa kalawakan. At ang labis na ito ang itinuturing na Utang sa Klima ng mga mauunlad na bansa sa mga bansang mahihirap at papaunlad pa lamang.

Kaya kailangang magpasya ng sangkatauhan kung nais pa nitong mabuhay ng matagal. Patuloy pa ba tayo sa pagtahak sa kapitalistang sistemang mapangwasak o tatahak tayo sa panibagong landas ng pagsulong na isinasaalang-alang natin ang kalikasan at karapatang mabuhay ng lahat batay sa prinsipyo ng pagkakapantay-pantay. Upang patuloy na umiral ang mundo, dapat bawasan ng mga mayayamang bansa ang kanilang pagbuga ng usok sa kalawakan upang mabawasan ang konsentrasyon ng greenhouse gas at mabawasan ang pagtaas ng daigdigang temperatura sa mapaminsalang antas nitong higit 2 degrees Celsius. Dapat kilalanin ng mga mauunlad na bansa ang kanilang pananagutang ibalik ang integridad ng ating kapaligiran at tulungan ang mga bansang papaunlad pa lang at naghihirap na tinatamaan ng epekto ng nagbabagong klima.

Kaya ang panawagan ng PMCJ batay sa mga kahilingang nakasaad sa Cochabamba (Bolivia) People's Accord ay ang sumusunod:

Una, ibalik ang pangkalawakang espasyo ng mga mahihirap na bansa na ngayon ay kinukuha at inookupa ng mauunlad na bansa sa pamamagitan ng pagbabawas ng kanilang ibinubugang GHG sa kalawakan.

Ikalawa, sagutin ng mauunlad na bansa ang halaga at gastusin sa teknolohiyang kailangan ng mga mahihirap na bansa dahil sa nawalang oportunidad nito sa pag-unlad bunga ng nilikhang limitasyon ng mauunlad na bansa sa kanilang pangkalawakang espasyo.

Ikatlo, magbayad ng danyos perwisyos ang mga Annex 1 countries, sa pangunguna ng Estados Unidos, sa kanilang mga paglabag sa karapatang pantao sa paninirahan, tubig, pagkain, trabaho, kalusugan, at pag-unlad bunga ng patuloy na pagbubuga ng mga Annex 1 countries ng sobra-sobrang GHG sa kalawakan.

Kung nais nating di na lumala pa ang nararanasang dahas ng kalikasan, panahon na para palitan ang mapangwasak na kapitalistang sistema ng isang sistemang tunay na makatao at lilikha lamang ng produksyon batay sa pangangailangan ng sangkatauhan, at hindi batay sa tubo. Kung hindi ngayon, kailan pa tayo kikilos? Kung hindi tayo, sino? Halina't mag-organisa para sa kinabukasan.

Hustisya sa Klima, Ngayon Na!

Sanggunian: Mga polyeto ng Philipine Movement for Climate Justice (PMCJ)
- 4 pahinang polyetong "Magbayad na kayo ng inyong pagkakautang"
- 6 pahinang "Pahayag ng Pagkakaisa Hinggil sa Nagbabagong Klima"

Linggo, Disyembre 4, 2011

Hacienda Luisita: Tagumpay ng magsasaka, lupang dapat isosyalisa

Hacienda Luisita: Tagumpay ng magsasaka, lupang dapat isosyalisa
ni Greg Bituin Jr.

Sa panahong naggigirian ang Ehekutibo at ang Korte Suprema, ipinag-utos ng Kataas-taasang Hukuman nitong Nobyembre 22, 2011 na ipamahagi na sa mga magsasaka ang lupain ng Hacienda Luisita. Bumoto ang 14 na mahistrado pabor sa mga magsasaka. Sa 56-pahinang desisyong sinulat ni Associate Justice Presbitero Velaso, pinagbabayad ang Hacienda Luisita ng P1.3 billion sa mahigit 6,000 manggagawang bukid.

Sa panahong nagtutunggalian ang dalawang paksyon ng naghaharing uri, nanalo ang mga magsasaka at napasakanila ang lupa. Binago ng Korte Suprema ang nauna nitong desisyon noong Hulyo na pinapipili ang mga magsasaka kung gusto nila ng lupa o shares of stocks. Ibinasura ng Korte Suprema ang "stock option" na siyang mungkahi ng mga may-ari ng lupain.

Sa panahong nagrarambulan ang magkakalabang paksyon ng mga elitista, ang lupaing ikinabuwis ng buhay ng maraming manggagawang bukid sa tinaguriang Hacienda Luisita massacre noong Nobyembre 2004, nakamit ng mga magsasaka ang minimithi nilang lupang dinilig ng dugo.

Mula sa sistemang pyudalismo sa kanayunan, ang makauring tunggalian at pakikibaka ng mga manggagawang bukid ay nalalapit na sa katapusan.

Ang Hacienda Luisita sa Tarlac, na pagmamay-ari ng pamilya ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III. sa kasalukuyan ay may lawak na 4,334.55 ektarya. Umabot ito noon sa 6,435 ektarya ngunit sa pagdaan ng mga panahon, ang ilang bahagi nito'y naibenta sa mga industryalisadong kumpanya.

Ang planong pamamahagi ng mga stock ay naisagawa noon pang 1989, nang makipagkasundo ang libu-libong magsasaka na makakuha ng stock imbes na lupa.

Sa nararanasang matinding kahirapan at kagutuman ng mga magsasaka, patuloy silang nakibaka para mapasakanila ang lupa. Alam nilang hindi basta bibitiwan ng pamilyang Cojuangco ang Hacienda Luisita. Kaya nga kahit sinabi pa ni Pangulong Noynoy na ayos lamang ipamahagi ang Hacienda Luisita basta't babayaran sila ng mga magsasaka. Anong kabalintunaan ito? Ang pamilya Cojuangco at Aqunio na ang nagsamantala sa mga magsasaka ng kung ilang dekada, sila pa ang babayaran ng mga magsasakang naghihirap. Sila na nga ang nagpakasasa at yumaman sa pawis, dugo at lakas-paggawang di nabayarang tama ng mga manggagawang bukid, ang mga elitistang ito pa ang babayaran ng mga naghihirap at nagugutom na mga magsasaka! Aba'y sobra na sila! Napunta lamang sa mga magsasaka ang para sa mga ito - ang lupang matagal na nilang sinasaka.

Batid ng masang magsasaka at mga manggagawang bukid na hindi basta bibitiwan ng pamilyang Cojuangco ang malawak na asyenda. Mula nang manahin ang asyenda sa mga kolonyalistang Espanyol at palawakin pa ito sa mga sumunod na dekada, nagpakasasa ang pamilyang Cojuangco sa pawis at dugo ng mga magsasaka at manggagawang bukid. Lalong walang balak ang mga Cojuangco na bitiwan ang asyenda ngayong bilyun-bilyong piso na ang kinikita nila sa operasyong komersyal at mala-industriyal doon. Samantala, patuloy na ipinagkakait ang katarungang panlipunan sa mga tagabungkal ng lupa at lumikha ng yaman ng mga Cojuangco. Iginigiit pa ni Pangulong Aquino na marapat umanong makatanggap ng "just compensation" ang mga kamag-anak niya sa Hacienda Luisita, gayong ilang dekada na ang mga Cojuangco ritong pinagsamantalahan ang lakas-paggawa, pawis at dugo ng mga magsasaka't manggagawang bukid sa asyenda.

Natanggal na ang pag-aari ng lupa sa kamay ng mga asendero't panginoong maylupa, ngunit ito'y dapat isosyalisa sa lahat upang magamit ng tama, na ang bawat ani rito ay pakikinabangan ng mga nagpakahirap, nagsaka at nag-ani rito.

Ang nakamit ng mga magsasaka't manggagawang bukid ng Hacienda Luisita ay dapat makamit din ng iba pang magsasaka't manggagawang bukid sa iba't ibang panig ng kapuluan. Dapat matanggal na sa kamay ng iilang panginoong maylupa't asendero ang mga lupang nilinang, sinaka, at pinagyaman ng mga magsasaka. Dapat maging sosyalisado na ang pag-aari ng lupa kung saan walang isang indibidwal ang magmamay-ari nito kundi ang buong uring patuloy na nagsisikhay upang mapakain ang sangkatauhan, upang makinabang ang lahat nang walang pagsasamantala ng tao sa tao. At upang mangyari ito’y nangangailangan ng pagbabago ng sistema upang maitayo ang isang lipunang tunay na makikinabang ang tao nang walang itinatangi.

Miyerkules, Nobyembre 30, 2011

Bakit Sandakot na Lupa


BAKIT SANDAKOT NA LUPA?
Pambungad sa aklat na "Sandakot na Lupa: Mga Sanaysay at Tula"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sandakot na lupa. Mula sa salitang "isang dakot" na pinaigsi sa "sandakot". Mistula raw lupa ang mga dukha, madaling apak-apakan ng mga naghahari-harian sa lipunan. Sandakot na lupa raw ang maralita dahil wala raw silang magawa sa kanilang buhay upang sila'y umunlad. Mga iskwater ang buhay. Pawang mga buhay-lasenggo, di kayang sikmurain ng mga nasa alta-sosyedad. Mga patay-gutom kaya mahilig daw mang-umit, o kaya naman ay pawang mga pagpag ang kinakain. Mga pagpag na tira-tirahan ng mga kostumer sa mga kilalang kainan, tulad ng Jollibee at McDo, na ang mga natirang pagkain mula sa basurahan ay kukunin, huhugasan at muling lulutuin upang kainin.

Sandakot na lupa ang mga dukha dahil walang kapangyarihan, di nagkakaisa. Gayong napakarami ng bilang, di lamang daan-daan, di lamang libu-libo, kundi milyon-milyon. Mas ang sandakot sa bilang ay ang mga naghaharing iilan. Ngunit dahil ang iilang ito ang mga nagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon ng mga kalakal sa lipunan, ang kakarampot na ito ang nagpapaikot sa maraming nagdaralita sa kanilang palad. Ang mga manggagawang gumagawa ng yaman ng lipunan ang patuloy na naghihirap habang ang iilang nagmamay-ri ng mga kagamitan sa produksyon ang siyang nagpapasasa sa yamang likha ng nakararaming manggagawa. Bahaw pa ang mga tinig na di pa makaririndi sa sistemang mapagsamantala, bagamat may mga palahaw na ng protesta sa mga lansangan sa iba't ibang panig ng mundo. Kailangan pa ng totoong pag-aalsa ng uring manggagawa upang ang mga dukhang itinuturing na sandakot na lupa sa lipunang ito'y bumangon at makibaka upang lumaya sa tanikalang ipinulupot sa kanila ng bulok na kapitalistang sistema.

Ang pamagat ng aklat na ito, ang "Sandakot na Lupa", ay mula sa ikatlong taludtod, ikalawang sesura, ng ikaanim na saknong ng 12-saknong na tulang "Bayani" ng pambansang alagad ng sining na si Gat Amado V. Hernandez, kung saan ganito ang nakasaad:

Ang luha ko’t dugo’y ibinubong pawa
sa lupang sarili, ngunit nang lumaya,
ako’y wala kahit sandakot na lupa!
Kung may tao’t bayang nangaging dakila,
karaniwang hagda’y akong Manggagawa,
nasa putik ako’t sila’y sa dambana!

Ang tulang "Bayani" ay nagwagi sa 30 kalaban sa timpalak-panitik sa Malolos, Bulakan, sa pagdiriwang ng Unang Araw ng Mayo noong 1928, kung saan ang mga inampalan ay sina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaceda at Iñigo Ed. Regalado. Ayon kay Senador Recto, ito ang “pinakamahusay na tulang Tagalog sa paksang paggawa.”

Kay Gat Amado, wala siyang kahit sandakot na lupa sa kanyang bayang pinaghaharian ng dayuhan, tulad din ng mga nangyayari ngayon sa mga maralitang lungsod na pawang "iskwater sa sariling bayan" ang turing. Imbes na mga kababayang isinilang dito sa Pilipinas ang may tirahan sa sariling bayan, sila pa ang itinataboy na parang mga daga para pagbigyan lamang ang mga kapritso ng mga dayuhang mayayaman. Wala na nga, wala, sadyang salat na ang mga maralita. Salat na sa buhay, salat na sa pang-araw-araw, salat pa sa karapatang manirahan sa sariling bayang tinubuan. 

Ngunit sadya yatang ganito sa kapitalistang lipunan. Kung sino ang may salapi, kung sino ang may milyones sa bangko, sila ang mga naghahari. SIla ang mga kinikilala sa bayang ito. Kung sino pa ang nakararami sa lipunan, sila ang tinuturing na sandakot dahil minamaliit ng iilang akala mo'y malalaki.

Sa bilang, ang mga maralita'y di sandakot lamang, kundi milyun-milyon sa Pilipinas, ngunit kung tingnan sila'y sandakot lamang, dahil walang nagkakaisang tinig na kumakatawan sa kanila. Wala pa silang pagkakaisa. Patuloy pa silang nagpapabola sa mga pulitikong pinahahalagahan lang sila sa panahon ng halalan. Ang totoong sandakot ay ang mga naghaharing iilan, na kung mag-alsa ang mga maralitang sadyang nakararami sa lipunan sa usapin ng pagpapalit ng bulok na sistema, tiyak na mag-aalsa balutan ang mga mapang-aping iilan. Lupa man ang turing sa mga dukha, hindi nangangahulugang patuloy na tatapak-tapakan at yuyurakan ang dangal ng dukha, pagkat sila'y mga tao ring may karapatang mabuhay ng may dignidad.

Panahon na ng pagkilos. Panahon na upang baguhin ang sistemang nagtanikala sa dukha. Itanim natin kahit na sa sandakot na lupa ang binhi ng paglayang inaasam, alagaan ito at diligan araw-araw, upang kung ito'y lumago ay maging matatag na punong magbibigay ng masarap na bunga sa mga nagpapakahirap, lalo na sa mga dukha't manggagawang patuloy na nagpapatulo ng pawis para makakain ang lipunan. Panahon na upang ibaon sa lupa ang sandakot na iilang naghahari sa lipunan.

Mabuhay ang mga dukha't ang uring manggagawa!

Linggo, Nobyembre 13, 2011

Tayo ang 99.999%

TAYO ANG 99.999%
ni Greg Bituin Jr.

Simboliko ang katawagang 99%. Tumutukoy ito sa mga mayorya ng naghihirap na mamamayan sa buong mundo. Sila ang pinahihirapan ng 1% ng bilyonaryo at milyonaryo sa daigdig. 

Ayon sa United Nations, umabot na sa 7 Bilyon ang tao sa buong mundo. Ang 99% ng 7B ay 6,930,000,000, at ang 1% ay 70,000,000. Ibig sabihin, 70 Milyon ang mayayamang kumokontrol sa buong mundo. Napakalaki ng bilang nila, 70M. Baka nga mas maliit pa ang bilang nito dahil sa kanilang kumpetisyon ay tiyak nagkakainan sila. Marahil 0.01% o 700,000 lang sila, at tayo naman ay nasa 99.99% o 6,999,300,000. O kaya sila'y 0.001% o 70,000 milyonaryo sa buong mundo, at tayo naman ay 99.999% = 6,999,930,000. 

Gayunpaman, dahil ipinanawagan na sa buong mundo ang 99%, na hindi naman ito round-off, ito na rin ang tinanggap natin, dahil mas madaling maunawaan ng simpleng masa. Naghihirap ang 99%. Ang damuhong 1% ang dahilan ng patuloy na kahirapan at pagdurusa ng sambayanan.

Dito sa Pilipinas, sa populasyon nating 94 Milyon, tayong nasa 99% ay bumibilang ng 93,060,000, habang silang 1% ay 940,000 milyonaryo lamang, o marahil ay napakababa pa ng bilang nito. Marahil sila'y 0.001% o 940 lamang, habang tayo'y 99.999% o 93,999,060 katao. Ang bilang ng bilyonaryo'y tiyak na mabibilang sa daliri.

Ngunit sa ating kabilang sa 99%, ilan dito ang organisado? Wala pa bang 1% ng 99%, o 930,600? May 1,500 na unyon na nakatala sa DOLE, kung saan nasa 8 milyon ang organisado. Pero ang may CBA lamang ay nasa 200,000 indibidwal. Ibig sabihin 8.5% lamang manggagawa ang organisado, ngunit 0.2% lamang ang may CBA. 

Nakararami ang mga mahihirap sa bansa. Nariyan ang nasa sektor ng maralita, magsasaka, mangingisda, at iba pa. Kaunti na lang ang mga regular na manggagawa, at karamihan ay mga kontraktwal na. Dapat silang maorganisa bilang kasama sa 99% upang baguhin ang kalagayang ang kumokontrol lamang sa buhay ng mayorya sa Pilipinas ay ang 1%. Isama na rin natin dito ang ispesyal na sektor ng kababaihan at kabataan upang mas tumaginting ang tinig ng protesta laban sa mga naghaharing uri.

Kabilang sa nasa 1% ang mga nakaupo sa kongreso at senado, mga nasa ekekutibo at hudikatura, mga malalaking negosyante, anupa't nakapwesto sila sa matataas na posisyon sa pamahalaan at mayhawak ng malalaking negosyo sa bansa. Sila ang mga bilyonaryo't milyonaryong dahilan ng kahirapan ng higit na nakararami. Sila ang may-ari ng mga pabrika, makina, at malalawak na lupain, na kahit yata dagat at hangin ay gusto ring ariin at pagtubuan. Sila ang gumagawa ng batas, na dapat sana'y para sa lahat ng mamamayan, ngunit laging pabor sa kanilang uri. Sila ang nagpauso ng salot na kontraktwalisasyon na pahirap sa manggagawa. Sila ang madalas magpademolis ng bahay ng maralita. Sila ang mga kapitalistang mahilig magpunta sa simbahan, magdasal, at laging nagbibigay ng malaking donasyon sa simbahan, ngunit hindi maitaas ang sahod ng kanilang manggagawa. Silang 1% ang dahilan ng malaking agwat ng mahirap at mayaman.

Sa buong mundo, ang 1% ang kumokontrol sa ekonomya ng daigdig. Sila ang nagsasagawa ng polisiya sa World Bank, International Monetary Fund, World Trade Organization, at iba pang mga financial institution. Sila ang nagpapautang sa maraming mahihirap na bansa, ngunit may malaking interes, na dahilan upang lalo pang maghirap ang mga mahihirap.

Silang mga nasa 1% ang pahirap sa bayan, pahirap sa buong mundo. Hangga't pag-aari nila ang malalawak na lupain, makina't pabrika, paiikutin lang nila tayo sa kanilang mga maninipis na palad, habang ang mga manggagawa't iba pang aping sektor ng lipunan ay pulos lipak at kalyo na ang palad ngunit nananatiling mahirap. Silang mga nasa 1% ang dapat nating patalsikin. 

Tayong nasa 99% ay dapat maorganisa sa adhikaing baguhin ang lipunang ito tungo sa pagtatayo ng isang lipunang makatao kung saan wala nang 1% na nagpapahirap sa sambayanan. Dapat tayo na'y maging 100% na nakakakain ng sapat sa bawat araw, at nakakamtan ang ating mga batayang karapatan, kabilang na ang karapatan sa paninirahan, trabaho, kalusugan, edukasyon, at iba pa. 

Ngunit hindi natin ito makakamtan kung hindi tayo kikilos. Kung hindi tayo, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa? Halina’t mag-organisa! Baguhin ang sistema!