Biyernes, Agosto 30, 2019

Bakit kami mga aktibista: Bukas na liham sa lahat ng magulang

Bakit kami mga aktibista: Bukas na liham sa lahat ng magulang
Philippine Daily Inquirer, Agosto 29, 2019
Malayang salin mula sa Ingles ni Greg Bituin Jr.

Walang alinlangang tayo'y nasa panahon ng ligalig. Lahat ng hintuturo mula sa pamahalaan at masmidya ay tila nakaturo sa mga estudyanteng aktibista bilang "salot ng bayan" sa pinakamabuti, at tagakalap ng kasapi ng rebeldeng grupong komunista sa pinakamasahol. Alam naming maaari ninyong maramdamang dapat ninyo kaming protektahan mula sa galamay ng ating kasundaluhan, kapulisan, at iba pang elemento ng estado sa pamamagitan ng pagsira ng aming loob mula sa pagtungo sa mga lansangan... ngunit nais naming maglaan kayo ng panahon upang maunawaan kung bakit sa pangunahin ay naging aktibista ang inyong mga anak.

Nananahan ang inyong mga anak sa daigdig kung saan sa bawat sulok ng kanilang mga mata, ay napapalibutan sila ng mga resulta ng isang lipunang hinati-hati ng di mapigil na kapitalismo.

Sa kanang bahagi nila, nahaharap sila sa mga pulitikong hindi iniisip ang mga taong dapat nilang paglingkuran. Oras-oras, binibigo sila ng mga taong ginawang karera ang serbisyo-publiko, ang pangunahing gawain nila'y pagsilbihan ang elitistang iilan: ang mga kapitalista, mga asendero at dayuhang kapitalista at pulitiko. Sa mga lansangan, pagala-gala sa paligid ang mga elemento ng estado upang patayin ang mga walang malay na mamamayang dukha, gumagamit man ang mga ito ng droga o hindi, sa ngalan ng digmaan laban sa droga na nagsisilbing balatkayo para sa katangiang kontra-maralita nito. Sa aming magandang katangian, pinipiga ng malalaking multinasyunal na kumpanya ng pagmimina ang mga lupa hanggang matuyo ito sa likasyaman habang nagsisilikas ang daan-daan hanggang libu-libong naninirahan doon. At higit sa lahat, sa tuktok ng ating sistemang pampulitika, mayroon tayong pinakabastos, mapagkunwari, elitistang reptilo, tulad ni Pangulong Duterte, na pinahintulutang mangyari ang lahat ng mga kagaguhang ito sa pama
magitan ng pagtatanggol sa kasalukuyang kaayusang labis na mapang-api at hindi demokratiko.

Sa kanilang kaliwa naman, nahaharap sila sa malawak na uri ng masang manggagawa, na sa pinakamalalang kalagayan ay tumindig at sama-samang ipinaglaban ang kanilang mga karapatan sa isang lipunang mapang-api na pinamamahalaan ng iilan. Mula sa mga unyon sa paggawa at mga grupo ng kababaihan hanggang sa mga grupong makakalikasan, mga pangkat ng LGBTQ + at marami pang mula sa inaaping sektor sa lipunan; na inilarawan ng mga kakila-kilabot na pangyayaring dinala ng pasistang administrasyong Duterte, ipinagtatanggol nila ang kanilang mga karapatan laban sa lahat ng anyo ng karahasang idinulot sa kanila - maging ito'y propaganda ng kasinungalingan, digmaang sikolohikal o pisikal na karahasan. Kahit na sila'y maaaring maging malakas, sila'y kulang sa bilang at napaglalangan ng malakas ng kaaway na tangan ang kayraming pera at pampulitikang puhunan upang mahadlangan ang karamihan sa kanilang makatarungan at lehitimong panawagan.

Sa isang lipunan ng mapagsamantala at pinagsasamantalahan, kaninong panig ang pipiliin mo? Ito ang batayang katanungang kinakaharap naming mga estudyanteng aktibista sa araw-araw.

Lumahok kami ng tiyakan sa aktibismo ng mga estudyante dahil sa aming mga natutunan sa umpisa pa lang: na kami'y tinuruang mahalin ang ating kapwa’t kababayan at manindigan kung ano ang tama.

Maaaring di namin ganap na maunawaan ang bawat isa, ngunit inaasahan naming mauunawaan ninyong mas malaki pa sa amin ang aming ipinaglalaban bilang mga estudyanteng aktibista. Inaasahan namin na isang araw — sa sandaling matapos na ang pakikibaka, at ang dating daigdig ng karahasan, kasakiman at pang-aapi ay mapalitan ng isang daigdig ng tunay na kapayapaan, pag-ibig at pagpapalakas sa mamamayan - magagawa na ninyong lingunin kaming muli, kaming inyong mga anak, at mapuno ng pagmamalaki dahil sa aming mga nagawa.

SAMAHAN NG PROGRESIBONG KABATAAN,
progresibongkabataan@gmail.com


https://opinion.inquirer.net/123599/why-we-are-activists-an-open-letter-to-all-parents

Why we are activists: An open letter to all parents
Philippine Daily Inquirer
August 29, 2019

These are undoubtedly scary times. All fingers from our government and mass media seem to point to student activists as “salot ng bayan” at best, and recruiters for communist insurgent groups at worst. We know that you may feel that you have to protect us from the hands of our military, police and other state elements by discouraging us from taking to the streets… but we wish you would take time to understand why your children have become activists in the first place.

Your children live in a world where in each corner of their eyes, they are surrounded by the results of a society that has been divided by unbridled capitalism.

On their right, they are faced with politicians who think nothing of the people they are supposed to serve. Time after time, they are failed by those who’ve made public service a career, the primary trade of which is serving the elite minority: capitalists, hacienderos and foreign capitalists and politicians. On the streets, state elements roam around to kill unsuspecting poor citizens, whether they are drug users or not, under the name of a drug war that serves as a guise for its antipoor nature. In our beautiful nature, massive multinational mining companies suck the earth dry of resources at the expense of displacing hundreds up to thousands of people. And to top it all off, at the top of our political system, we have the most vile, misogynistic, elitist reptiles, such as President Duterte, who enable all these atrocities to happen by defending a status quo that is profoundly oppressive and undemocratic.

On their left, they are faced with the vast ranks of the toiling masses, who in the worst of conditions have stood up and fought for their rights collectively in an oppressive society ruled by the few. From labor unions and women’s groups to environmental groups, LGBTQ+ groups and more from the oppressed sectors in society; animated by the dire circumstances  brought upon by the fascist Duterte administration, they defend their rights against all forms of violence inflicted upon them—whether it be black propaganda, psychological warfare or physical violence. Though they may be strong, they are outnumbered and overpowered by an enemy who has all the money and political capital to thwart most of their just and legitimate calls.

In a society of oppressors and oppressed peoples, whose side will you choose? This is the basic question that we as student activists are faced with every day.

We engage in student activism precisely because of what we’ve been learning from the very start: that we’ve been taught to love our fellow countrymen and stand for what is right.

We may not ever come fully to understand each other, but we hope you understand that what we fight for as student activists is greater than us. We hope one day—once the struggle has ended, and the old world of violence, greed and oppression has been replaced by a world of genuine peace, love and empowerment—you will be able to look back at us, your children, and be filled with pride for what we’ve done.

SAMAHAN NG PROGRESIBONG KABATAAN,
progresibongkabataan@gmail.com

Martes, Agosto 13, 2019

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Bukrebyu: BANAAG AT SIKAT ni Lope K. Santos
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nabili ko nitong Hulyo 26, 2019 ng hapon ang aklat na "Banaag at Sikat" ni Ka Lope K. Santos sa Popular Bookstore sa halagang P295.00. Ito ang ikalawa kong pagbili ng aklat na ito, pagkat naiwala ko o marahil ay nasa hiraman, na di ko na matandaan, ang una kong aklat na nabili ko noong Hulyo 4, 2008, sa halagang P250.00. (Natatandaan ko ang petsang iyon pagkat naisalaysay ko na ito sa isa pang artikulo.)

Ang Banaag at Sikat ang kauna-unahang nobelang sosyalista sa ating bansa. Isinulat niya ito ng serye sa pahayagang Muling Pagsilang noong 1904-05 at nalathala naman bilang ganap na aklat noong 1906. Ayon kay LKS, "Ang unang pagkalimbag nitong Banaag at Sikat ay noong 1906. May dalawang taong sinulat ko araw-araw at inilathala sa pahayagang Muling Pagsilang, at nang matipon na at mabuo, ay ibinigay ko sa imprenta McCullough, at doon nga ginawa ang paglilimbag."

Binubuo ng 588 pahina ang kabuuan ng aklat, at 547 pahina nito ay ang buong nobela. May siyam na pahinang pagsusuri sa nobela si Efren R. Abueg, kilalang nobelista rin at bahagi ng grupong Agos sa Disyerto. Pitong pahina ang inialay naman bilang paunang salita sa paraang Paunawa ang sinulat ni G. Macario Adriatico na may petsang Disyembre 1906. Sa huling bahagi ng aklat ay nakapagsulat ng sanaysay si LKS na may petsang Abril 1959, sa gulang na 80 taon.

Nais kong sipiin ang isang talata sa Banaag at Sikat, p. 42:

-- Hindi po ako -- anya -- ang una-una lamang nakapagsabi ng ganyan, kundi ang pantas na si Goethe, nang isulat niya ang sagutan ng isang maestro at isang alumno, tungkol sa buong pinagmulan at kasaysayan ng yaman o pag-aari.

Itinanong daw ng NAGTUTURO: -- "Turan mo, saan galing ang kayamanan ng iyong ama?" -- "Sa ama po ng aking ama," itinugon daw naman ng NAG-AARAL. -- At ang sa ama ng iyong ama?" -- "Sa ama ng ama ng aking ama." -- "At sa ama ng ama ng iyong ama?" -- "Ninakaw po."...

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), p. 15, isyu ng Agosto 1-15, 2019

Miyerkules, Hulyo 31, 2019

Ang mga maikling kwento ni Ohyie Purificacion

ANG MGA MAIKLING KWENTO NI OHYIE PURIFICACION
Maikling Sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Isa sa mga magagaling na manunulat para sa uring manggagawa si kasamang Ohyie, o Ma. Lorena Purificacion. Isa siyang dating pangulo ng unyon sa kumpanya ng Noritake, ang Noritake Porcelana Labor Union (NPLU) na isa sa kasaping unyon ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Bukod sa kanya ay may dalawa pang kasamang manunulat ang may natipon ding mga sulatin - ang gurong si Prof. Ramon Miranda, na isa sa best man ko sa kasal, at si Ka Jhuly Panday na nasa Partido Lakas ng Masa. At kung makakapag-ipon tayo ng sapat na sulatin para maisaaklat ang kanilang mga naipong akda ay ilalathala natin ang mga iyon bilang aklat. Ito naman ay sa pamamagitan ng pinangangasiwaan kong Aklatang Obrero Publishing Collective.

Anim ang maikling kwento, dalawang tula at isang sanaysay ni kasamang Ohyie ang natipon ko. Dalawang kwento niya ang nalathala sa magasing PUGON ng Noritake Porcelana Labor Union. Apat na maikling kwento naman niya ang nalathala sa magasing ANG MASA na inilathala ng Partido Lakas ng Masa mula Nobyembre 2011 hanggang Mayo 2012.

Nalathala sa PUGON ang kanyang maikling kwentong "Anay at Bukbok" at "Minsan, sa Luneta". Nalathala naman sa magasing ANG MASA ang kanyang maikling kwentong "Ang Huling Biyahe ni Margie" (Nobyembre-Disyembre 2011), Si Mina (Disyembre 2011 - Enero 2012), Si Violy (Pebrero-Marso 2012), at Si Hanna, at si Lilly (Abril-Mayo 2012). Inilagay ko ito sa kawing na http://mgaakdaniohyie.blogspot.com/ blogsite ng kanyang sulatin na ako na ang lumikha, sa layuning hindi na ito mawala.

Mayroon din siyang sanaysay na pinamagatang "Kumusta na ang mga manggagawa", at dalawang tulang pinamagatang "Ang Mundo ay Triyanggulo" at "Ang Manggagawa".

Anim na makabuluhang maiikling kwento hinggil sa buhay sa pabrika, buhay ng manggagawa, buhay ng kababaihan, na tiyak na kagigiliwang basahin ng madla. Anim na kwentong nararapat mapasama sa panitikang Pilipino.

Kung hindi nagsara ang magasing Ang Masa dahil sa kawalan ng pondo, marahil ay nasa apatnapu o limampu na ang kwentong naisulat ni kasamang Ohyie. At maaari na itong maisalibro.

Nawa'y makapagsulat pa si kasamang Ohyie ng makabuluhan at napapanahong maiikling kwento ng buhay, lalo na sa panahon ng tokhang, kontraktwalisasyon, at paninibasib ng globalisasyon sa kabuhayan ng mamamayan. Alam kong kaya ni kasamang Ohyie na isulat ang mga ito. Marahil kailangan muli ng malalathalaang magasin o pahayagan upang sumipag muli si kasamang Ohyie sa pagsusulat. 

O kaya naman, may mga naisulat na talaga siyang maiikling kwento pa, subalit nakatago lamang dahil walang maglathala. Sana'y marami pa siyang naipong kwentong dapat malathala dahil ang talento ng tulad niyang dating lider ng unyon ng manggagawa ay hindi dapat maitago na lamang.

Napapanahon na upang malathala ang kanyang mga kwento sa isang aklat at bibilhin natin ito sa National Book Store, Power Books, Fully Booked, Book Sale, Popular Book Store, at iba pa.

Malaking ambag sa panitikang manggagawa at sa panitikang Pilipino ang kanyang mga sulatin.

Martes, Hulyo 23, 2019

Maralita at Kontraktwalisasyon

MARALITA AT KONTRAKTWALISASYON
Sinulat ni Greg Bituin Jr.

Pabor ba sa maralita ang kontraktwalisasyon dahil kahit papaano'y nakakasingit siya ng trabaho kahit 5-months, 5-months lang? Hindi naman magkalayo ang bituka ng manggagawa at maralita upang gustuhin ng maralita ang maging kontraktwal kaysa naman walang trabaho. Nais ba ng maralita ng mumo kaysa walang makain? Bituka ba at hindi karapatan kaya nais niyang maging kontraktwal? Sawa na siya sa 555 na sardinas, ngayon ay nais niyang magtrabaho ng 5-5-5 months bilang kontraktwal.

Maraming benepisyo at katiyakan sa trabaho (security of tenure) ang mga benepisyong hindi tinatamasa ng mga manggagawang kontraktwal. Na hindi rin tatamasahin ng maralitang naging manggagawang kontraktwal.

At ang maralitang kontraktwal ay magiging manggagawa na rin. At hindi niya maiiwasang mamulat bilang manggagawa bunsod ng labis na kaapihan at pagdurusa sa kalupitan ng mga kapitalista, at sa kalaunan ay maunawaan niya ang katumpakan ng makauring pagkakaisa at harapin ang mga hamon ng kasaysayan. Hanggang sa matanto ng maralitang kontraktwal na hindi lamang dahil sa kagustuhang magkatrabaho ay magbibingi-bingihan na siya sa karaingan  ng  kanyang  mga kapwa manggagawa.

Nanaisin tiyak ng maralitang naging kontraktwal na ipaglaban din, hindi lamang ang ilalaman ng kanyang tiyan, kundi ang karapatan nila bilang manggagawa.

Matatransporma sa kalaunan ang kamalayan ng maralitang kontraktwal upang yakapin niya ang kanyang uring pinagmulan - ang uring walang pag-aari kundi ang kanyang lakas-paggawa - ang uring manggagawa. 

Kaya hindi lamang pabahay at laman ng tiyan ang nasa kanyang isipan kundi ang karapatan niya sa loob ng pagawaan ay maipaglaban, at ang kanyang dignidad bilang tao (hindi makina) ay kanyang maipagtanggol at mapanghawakan.

* Nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Espesyal SONA issue, Hulyo 2019, p. 6

Miyerkules, Hulyo 17, 2019

Pampublikong pabahay: Kinonsepto para sa mga manggagawa

PAMPUBLIKONG PABAHAY
Kinonsepto para sa mga manggagawa
Sinaliksik ni Greg Bituin Jr.

Sa pananaliksik, maraming pampublikong pabahay ang kinonsepto para sa mga manggagawa. Tulad na lang sa Inglatera, nang dumami ang mamamayan sa lungsod nang maganap ang Rebolusyong Industriyal noong ika-19 na siglo. Ilang halimbawa nito ay nang magtayo ng barangay o nayon ang ilang may-ari ng pabrika para sa kanilang manggagawa, tulad sa Saltaire noong 1853 at Port Sunlight noong 1888.

Noong 1885 nang magkaroon ng interes sa pagtatayo ng pampublikong pabahay ang Royal Commission sa Inglatera. Idinulot nito ang pagkapasa ng batas na Housing of the Working Class Act of 1885. Binigyang kapangyarihan ng batas na iyon ang mga Local Government Boards upang isara ang mga gusaling may mga sira na at hinikayat silang mas paunlarin pa ang pabahay sa kani-kanilang lugar.

Sa bansang Espanya, mayroon naman silang proyektong pampubliko at kolektibong pabahay kung saan tiniyak nila ang kahalagahan nito sa loob mismo ng kanilang pamantasan sa arkitektura. Dahil dito'y lumikha sila ng ispesyalisadong kurso tulad ng MCH Master in Collective Housing.

Sa bansang Mexico, nagtayo ng proyektong pabahay para sa mga manggagawa sa pabrika ng papel, at ito'y nasa Barrio ng Loreto sa San Angel, Alvaro Obregon, D. F.

Sa Finland, ang unang proyektong pampublikong pabahay ay sa Helsinki. Noong 1909, dinisenyo ni arkitekto A. Nyberg ang apat na bahay na gawa sa kahoy para sa mga manggagawa sa lungsod. Dahil karamihan ng mga residente  roon  ay  mga pamilya  ng  manggagawang may maraming anak. Ang pabahay at pamumuhay ng mga pamilyang manggagawa sa Helsinki mula 1909 hanggang 1985 ay itinanghal sa museo malapit sa Linnanmäki amusement park. 

Nang manalo sa halalan ang Social Democratic Party ng Austria para sa Viennese Gemeinderat (city parliament), nagkaroon ng tinatawag nilang Red Vienna. Bahagi ng kanilang programa ang probisyon ng disenteng pabahay para sa Viennese working class kung saan narito ang bulto ng mga sumuporta sa kanila. Ang Karl-Marx-Hof ay isa sa mga kilalang pampublikong pabahay sa Vienna, na matatagpuan sa Heiligenstadt, isang distrito ng ika-19 na distrito ng Vienna, Döbling.

Sa Denmark, ang pampublikong pabahay ay tinatawag na Almennyttigt Boligbyggeri na inaari at pinamamahalaan ng tinatayang 700 organisasyong demokratiko at nagsasarili. Karamihan sa mga samahang ito ay mauugat sa kasaysayan ng mga labor union sa Denmark, at sa ngayon ay bumubuo sa nasa 20% ng total housing stock na may 7,500 departamento sa buong bansa.

Sa layuning gawing isang "multilaterally developed socialist society" ang Romania, simula 1974, isang sistematikong demolisyon at  rekonstruksyon ng mga nayon, bayan at lungsod ang isinagawa. Noong 2012, may 2.7 milyong apartment na naitayo, na nasa 37% ng kabuuang pabahay sa Romania at sa halos 70% sa mga lungsod at bayan.

Sa New Zealand naman ay naisabatas ang Workers' Dwellings Act of 1905 na nagresulta upang magtayo ng 646 pabahay. Noon namang 1937, ang Unang Labor Government sa New Zealand ay naglunsad ng isang mayor na sistemang pampublikong pabahay para sa mamamayan nilang hindi kayang mangupahan.

Ang Danish Public Housing ay walang restriksyon sa kinikita ng mga nakatira. Subalit sa pagdaan ng panahon, nagkaroon ng regulasyon ang pamahalaan na pumapabor sa mga nakatirang may trabaho at hindi pinapaboran yaong mga walang trabaho o kahit yaong may part-time na trabaho. Kaya nagkaroon sila ng problemang ghettofication, o yaong mga iskwater kung ikukumpara sa atin. Ang pagsasapribado ng pampublikong pabahay ay isinulong bilang bahagi ng programang ideolohikal ng makakanang panig ng pamahalaan at inilunsad matapos isara ang Ministry of Housing Affairs noong 2001.

Marami pang halimbawa ng pampublikong pabahay na maaaring halawan natin ng mga aral. Ang pampublikong pabahay ay isang anyo ng pabahay na inaari at pinamamahalaan ng isang gobyerno, sentral man ito o lokal.

Miyerkules, Hunyo 19, 2019

Nilay-Aklat: Ang aklat na "HELEN KELLER"




Nilay-Aklat (BukRebyu):
Ang aklat na "HELEN KELLER"
maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakakatuwa ang nabili kong aklat. Isang inspiradong aklat na kaysarap basahin. Ito'y tungkol sa talambuhay ni Helen Keller, isang bulag ngunit isa ring sosyalista. Nabili ko ang aklat na ito sa BookEnds BookShop sa Lungsod ng Baguio nitong Hunyo 5, 2019, sa halagang P80 lamang, at may 90 pahina. Ang aklat na ito'y bahagi ng serye ng mga aklat na Rebel Lives.

Sa maraming kwento, kilala si Helen Keller bilang bulag na nagbigay inspirasyon sa nakararami. Subalit ang hindi alam ng karamihan ay isa siyang manunulat at sosyalista sa kanyang panahon. Ayaw lang ng ibang tanggapin siya bilang isang sosyalista kundi nais lang ng marami na ikwento siya bilang isang bulag na maraming nagawa para sa mga kapwa bulag, at hindi para sa mga manggagawa.

Sa pabalat pa lang ng aklat ay pinakilala na si Helen Keller bilang "Revolutionary activist, better known for her blindness rather than her radical social vision". At sa likod na pabalat ay nakasulat: "Poor little blind girl or dangerous radical? This book challenges the sanitized image of Helen Keller, restoring her true history as a militant socialist. Here are her views on women's suffrage, her defense of the Industrial Workers of the World (IWW), her opposition to Wolrd War I and her support for imprisoned socialist and anarchist leaders, as well as her analysis of disability and class."

Sa aklat, ating silipin ang ilang pamagat ng kanyang mga nagawang artikulo. Sa Unang Bahagi na may pamagat na Disability ang Class na may limang artikulo, ang ilan ay may pamagat na "The Unemployed", "To The Strikers at Little Falls, New York", at "Comments to the House Committee on Labor". Sa Ikalawang Bahagi naman na may pamagat na Socialism na may pitong artikulo, nariyan ang mga artikulong "How I Became a Socialist", 'Why I Became an IWW (Industrial Workers of the World)?", "On Behalf of the IWW", at "Help Soviet Russia".

Ang Ikatlong Bahagi, na may pamagat na Women, at ang Ikaapat na Bahagi na may pamagat na War, ay may tiglilimang artikulo ang mga ito. Sa Ikatlong Bahagi ay nariyan ang mga artikulong "Why Men Need Women Suffrage", "The New Women's Party" at "Put Your Husband in the Kitchen", habang sa Ikaapat na Bahagi naman ay ang "Strike Against War" at "Menace of the Militarist Program". Sa kabuuan, may dalawampu't dalawang artikulong naisulat si Helen Keller na nailathala sa nasabing aklat.

Mulat sa uring manggagawa si Helen Keller. Katunayan, isinulat niya ang kanyang paninindigan upang magkaisa ang manggagawa bilang uri. Narito at sinipi ko ang halimbawa ng kanyang isinulat. Sa artikulong "What is an IWW?" mula sa pahina 37-38 ay kanyang isinulat: "The IWW's affirm as a fundamental principle that the creators of wealth are entitled to all they create. Thus they find themselves pitted against the whole profit-making system. They declare that there can be no compromise so long as the majority of the working class lives in want while the master class lives in luxury. They insist that there can be no peace until the workers organize as a class, take possession of the resources of the earth and the machinery of production and distribution and abolish the wage system. In other words, the workers in their collectivity must own and operate all the essential industrial institutions and secure to each laborer the full value of his product."

Ito naman ang malayang salin ko ng nasabing sulatin: "Pinagtitibay ng IWW ang pangunahing prinsipyo na ang mga lumilikha ng yaman ay  may karapatan sa lahat ng kanilang nilikha. Subalit nakita nila ang kanilang sariling nahaharap laban sa buong sistema ng paggawa ng tubo. Ipinahahayag nilang maaaring walang kompromiso hangga't ang karamihan sa uring manggagawa ay nabubuhay sa pagnanasa habang ang uring elitista ay nabubuhay sa luho. Iginigiit nilang walang kapayapaan hangga't magkaisa bilang uri ang mga manggagawa, ariin ang mga mapagkukunan ng lupa at ang makinarya ng produksyon at pamamahagi, at ipawalang-bisa ang sistema ng pasahod. Sa madaling salita, ang mga manggagawa sa kanilang kolektibidad ay dapat mag-ari at magpatakbo ng lahat ng mahahalagang institusyong  pang-industriya at tiyakin sa bawat manggagawa ang buong halaga ng kanyang nilikha."

Isang magandang inspirasyon ang mga artikulong isinulat ng bulag na si Helen Keller, lalo na't nais niyang magkaisa ang buong uring manggagaw at itayo ang lipunang pamamahalaan ng mga ito, ang lipunang sosyalismo. Siya ay pisikal na bulag, habang yaong mga nangangayupapa pa rin sa salot at bulok na sistemang kapitalismo'y bulag sa isip at bulag ang puso, dahil mas inuuna nila ang tutubuin ng kanilang puhunan kaysa karapatan ng tao. Marami pa rin ang bulag sa katotohanang marami ang naghihirap habang iilan ay payaman ng payaman.

Maraming salamat, kasamang Helen Keller, sa kontribusyon mo sa malawak na literaturang sosyalista at patuloy na pagkilos upang mamulat ang mga tao sa pagkakamit ng isang lipunang pantay-pantay at walang pagsasamantala ng tao sa tao. 

Miyerkules, Mayo 15, 2019

Ang 13 Martir ng Bagumbayan, ng Cavite, at ng Arad

ANG 13 MARTIR NG BAGUMBAYAN, NG CAVITE, AT NG ARAD
Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Ano nga ba ang mayroon sa numero 13 at sa pananaliksik ko'y may labintatlong martir ng himagsikan sa tatlong lugar - dalawa sa Pilipinas at 1 sa ibang bansa. Marahil ay mayroon pang iba na tulad nito na hindi pa nasasaliksik. 

Sagisag ba ng kamalasan ang numero 13 kaya labintatlong manghihimagsik ay magkakasamang pinaslang sa magkakahiwalay na pangyayaring ito?

Naisip kong sulatin ang artikulong ito dahil nang sinaliksik ko ang talambuhay ni Moises Salvador, napag-alaman kong isa siya sa 13 Martir ng Bagumbayan. Sa Moises Salvador Elementary School ako bumuboto kaya pilit kong kinilala si Moises Salvador. Dahil kilalang lugar sa Cavite ang Trese Martires, na ipinangalan sa 13 martir ng Cavite noong Himagsikan Laban sa Kastila, naisip kong pagsamahin sa iisang artikulo ang 13 Martir ng Bagumbayan at 13 Martir ng Cavite. Ito'y paraan din upang ipakilalang may 13 Martir ng Bagumbayan, pagkat mas kilala sa kasaysayan ang 13 Martir ng Cavite. 

Habang nagsasaliksik ako'y mayroon din palang 13 martir sa Arad, sa Hungary, kaya isinama ko na rin ito rito. Matapos ang Rebolusyong Hungaryano noong 1848-1849, pinaslang ng Imperyo ng Austria noong Oktubre 6, 1849 ang nadakip na labintatlong rebeldeng Heneral ng Hungary.

Sa Pilipinas, bukod sa nabanggit kong 13 martir ng Bagumbayan at 13 martir ng Cavite, marami pang Pilipinong martir na pinaslang noong panahon ng mga Kastila subalit hindi labintatlo, tulad ng 15 martir ng Bicol at 19 na martir ng Aklan, subalit hindi ko na muna sila tatalakayin dito. May pagkakapareho ang mga nabanggit na pangyayari. At lahat ng mga martir na ito'y nakibaka upang palayain ang kanilang bayan laban sa pananakop ng dayuhan. Nais nilang maging malaya, at hindi alipin ng mga mananakop. Nais nilang magkaroon ng malaya, mapayapa at maginhawang bayan.

Halina't talakayin natin ang 13 martir sa bawat pangyayari.

ANG 13 MARTIR NG BAGUMBAYAN

Noong Enero 11, 1897, binaril sa Bagumbayan ang labintatlong maghihimagsik na nadakip ng mga Kastila matapos pangunahan ni Supremo Gat Andres Bonifacio ang pagpunit ng sedula bilang simbolo ng paglaban sa mananakop na Kastila. Ang 13 nadakip ay hinatulan ng mga Kastila sa kasong sedisyon, at pinaslang sa Bagumbayan.

Ang labintatlong martir ng Bagumbayan ay sina: 
1. Numeriano Adriano (abugado),
2. Domingo Franco (negosyante at propagandista),
3. Moises Salvador (propagandista),
4. Francisco L. Roxas (industriyalista at lider-sibiko),
5. Jose Dizon (kasapi ng Katipunan),
6. Benedicto Nijaga (tinyente sa hukbong Espanyol at kasapi ng Katipunan, mula sa Calbayog, Samar),
7. Geronimo Cristobal Medina (korporal sa hukbong Espanyol at kasapi Katipunan).
8. Antonio Salazar (negosyante),
9. Ramon A. Padilla (empleyado at propagandista),
10. Faustino Villaruel (negosyante at Mason),
11. Braulio Rivera (kasapi ng Katipunan),
12. Luis Inciso Villaruel, at
13. Estacio Manalac.

Naglagay ng makasaysayang batong-tanda ang National Historical Institute sa Rizal Park bilang pag-alala sa 13 Martir ng Bagumbayan.

ANG 13 MARTIR NG CAVITE

Noong Setyembre 12, 1896, labintatlong maghihimagsik ang pinaslang ng mga Kastila sa Plaza de Armas malapit sa Fuerto de San Felipe, sa Lungsod ng Cavite, dahil sa pagkakasangkot sa rebolusyon ng Katipunan. Sampu sa mga martir ay mga Mason, at tatlo ang hindi. Ito'y sina:
1. Si Mariano Inocencio, 64, isang mayamang propitaryo,
2. Jose Lallana, 54, isang sastre, dating kabo sa hukbong Espanyol at isang Mason,
3. Eugenio Cabezas, 41, manggagawa ng relo at miyembro ng Katipunan,
4. Maximo Gregorio, 40, kawani ng arsenal sa Cavite,
5. Hugo Perez, 40, isang doktor at kasapi ng Katipunan,
6. Severino Lapidario, 38, Punong Bantay sa piitang panlalawigan at kasapi ng Katipunan,
7. Alfonso de Ocampo, 36, isang mestisong Espanyol at kasapi ng Katipunan,
8. Luis Aguado, 33, kawani ng arsenal sa Cavite,
9. Victoriano Luciano, 32, parmasyutiko at makata, at
10. Feliciano Cabuco, 31, kawani ng ospital na pang-nabal sa Cavite.

Ang tatlong hindi Mason ay sina:
11. Francisco Osorio, 36, isang mestisong Intsik at kontratista,
12. Antonio de San Agustin, 35, isang siruhano at negosyante, at
13. Agapito Concio, 33, isang guro, musikero at pintor.

Sa alaala ng 13 martir ng Cavite, noong 1906, isang bantayog ang itinayo sa lugar kung saan sila pinaslang. Ang kabisera ng Cavite ay pinalitan naman ng Trece Martires bilang paggunita sa 13 martir, at ang 13 mga nayon nito ay ipinangalan sa bawat isang martir.

ANG 13 MARTIR NG ARAD

Noong Oktubre 6, 1849, pinaslang sa utos ni Heneral Julius Jacob von Haynau ng Austria ang labintatlong rebeldeng heneral ng Hungary sa lungsod ng Arad pagkatapos ng Rebolusyong Hungaryano. Ang Arad ay bahagi ng Kaharian ng Hungary na ngayon ay bahagi na ng bansang Romania. Karamihan sa mga martir ay hindi binaril, bagkus ay binigti.
Ang labintatlong Martir ng Arad ay sina:
1. Lajos Aulich (1793-1849)
2. János Damjanich (1804-1849)
3. Arisztid Dessewffy (1802-1849)
4. Ernő Kiss (1799-1849)
5. Károly Knezić (1808-1849)
6. György Lahner (1795-1849)
7. Vilmos Lázár (1815-1849)
8. Károly Leiningen-Westerburg (1819-1849)
9. József Nagysándor (1804-1849)
10. Ernő Poeltenberg (1814-1849)
11. József Schweidel (1796-1849)
12. Ignác Török (1795-1849)
13. Károly Vécsey (1807-1849)

Bilang pag-alala sa kanila, nagkaroon ng nililok na mukha ng 13 martir ng Arad sa patyo ng Museum of Military History sa Arpad Toth Promenade 40, Buda Castle Quarter, sa Budapest, Hungary.

May kwento sa Hungary na habang binibitay ang mga heneral ay nag-iinuman ng serbesa ang mga sundalong Austriano, at ikinakalansing ang kanilang mga baso ng serbesa sa pagdiriwang sa pagkatalo ng Hungary. Kaya isinumpa ng mga Hungaryo na hindi makikipagkalansing ng baso muli habang umiinom ng serbesa sa loob ng 150 taon. Bagamat ang nabanggit na tradisyon ay hindi na ginagawa ngayon, mayroon pa ring mga makabayang Hungaryo na hindi nakalilimot sa nangyari sa Arad sa kasaysayan ng Hungary.

Sa aking pagninilay sa mga pangyayaring ito'y nakalikha ako ng tula hinggil sa bawat pangyayari.

ANG 13 MARTIR NG BAGUMBAYAN, NG CAVITE, AT NG ARAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ano kayang mayroon sa bilang na labingtatlo
at sa kasaysayan, mayroong labintatlong martir?
Nagkataon bang labintatlong rebolusyonaryo
ang lumaban upang durugin ang malaking pader?

Ilang araw lang matapos si Rizal ay mapaslang
sa Bagumbayan nitong mananakop na Kastila
Labintatlong maghihimagsik din yaong pinaslang
sa parehong lunan, mga buhay nila'y winala.

Doon sa Cavite'y labintatlong maghihimagsik
ang pinaslang ng mga Kastila't pinagbabaril
At sa lugar na iyon, bantayog ay itinirik
bilang tanda ng paglaban sa mga maniniil.

Sa Hungary'y pinaslang ang labintatlong heneral
na nadakip sa paglaban sa Imperyong Austria
Ang karamihan sa kanila'y binigti, sinakal
habang kalaban nila'y umiinom, tumatawa.

Sa labintatlong martir, taos-pusong pagpupugay!
dahil ipinaglaban ninyo ang laya ng bayan.
Nagkaisa't naghimagsik kapalit man ay buhay
puso't diwa'y inilaan para sa sambayanan.

Mga pinagsanggunian:
http://www.executedtoday.com/2010/01/11/1897-the-thirteen-martyrs-of-bagumbayan/
https://kahimyang.com/kauswagan/articles/871/today-in-philippine-history-january-11-1897-the-socalled-thirteen-martyrs-of-bagumbayan-were-executed
https://kahimyang.com/kauswagan/articles/597/today-in-philippine-history-september-12-1896-the-13-martyrs-of-cavite-were-executed-by-spanish-authorities
http://www.executedtoday.com/2008/10/06/1849-lajos-batthyany-13-martyrs-of-arad-hungary-1848/
https://en.wikipedia.org/wiki/The_13_Martyrs_of_Arad