Lunes, Setyembre 20, 2021

Paalam, Nanay Sofia

PAALAM, NANAY SOFIA

Nitong Agosto 2021, dalawang magkapatid na pinsang buo ko at nanay nila na tiyahin ko ang sabay-sabay na namatay dahil sa COVID-19 sa Batangas. Sina Kuya Esmer Bituin, Ate Evelyn Bituin-Alipio, at Inay Charing Bituin.

Ngayong Setyembre 2021, nang umuwi ako ng La Trinidad, Benguet, kina misis, dalawa ang namatay na nagpositibo rin sa COVID. Si hipag Kokway o Engeline Talastas ay namatay noong Setyembre 14. Ang aking biyenan naman, si Nanay Sofia Talastas, ay kaninang madaling araw, Setyembre 20. Matagal na ring may thyroid cancer si Nanay at ayon kay misis ay kumalat na sa katawan. Dinala si Nanay sa Benguet General Hospital, nag-swab test, at nag-positive, pati na ang isa kong pamangking lalaki, si L.K.

Dinala naman kahapon ang isa ko pang pamangkin, si Nori, sa BenguetGen na binabantayan naman ng kanyang tatay, ni bayaw Demir.

Ah, napakatindi ng variant na ito ng COVID na tumama sa ating bansa.

Nagpa-swab test ako ng Setyembre 9 sa BenguetGen, nakuha ang resulta na positive ako sa COVID noong Setyembre 12, at kasalukuyang nasa kwarto, kabilin-bilinang di pwedeng lumabas at baka maimpeksyon. 

Ang dalawa kong pamangkin ay nasa ospital pa rin. Nawa'y lumakas na sila at gumaling na sa sakit. Kami na lang ni misis sa bahay.

Una naming pagkikita ni misis ay nitong Setyembre 3 nang sinundo ko siya sa Benguet General Hospital dahil nagpabakuna ng second dose kaya siya na ay fully vaccinated.

Kaya umuwi akong Benguet ay upang daluhan ang 68th birthday at thanksgiving ng aking biyenan nitong Setyembre 5. Nag-75th birthday naman ang aking ina nitong Setyembre 6. Oo, magkasunod sila ng birthday.

Sa ngayon, bilin ni misis na sa kwarto lang ako dahil positibo pa ako sa COVID, huwag lalabas. Mag-alkohol lagi at mag-face mask lagi kahit nasa bahay.

Mag-ingat po tayong lahat sa COVID. Huwag po itong ipagwalang bahala. Laging mag-fask, face shield at mag-alkohol. Social distancing po.

Ang litratong ito ang huling litrato namin ni Nanay Sofia na selfie noong kanyang kaarawan.

Martes, Setyembre 14, 2021

Kwento - Mataas na upa, sa iskwater tumira


MATAAS NA UPA, SA ISKWATER TUMIRA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Baguhan lang sa Maynila si Igme. Galing siyang lalawigan at lumuwas lang ng Maynila upang maghanap ng trabaho. Nakahanap naman ng trabaho si Igme. Hindi sa pabrika kundi bilang magbabasura. Iyon bang kumukuha ng basura sa bahay-bahay at inilalagay sa trak.

Gaano lang ang sinasahod ni Igme sa isang buwan. Sapat lang sa pagkain, na minsan ay kulang pa nga. Paano na ang pambayad sa upa sa bahay? Noong una ay nakipisan muna siya sa pamilya ng kanyang pinsan noong bagong salta pa lang siya sa lungsod. Subalit tila kinaiinisan na siya ng asawa ng kanyang pinsan kaya nagpasya siyang mangupahan na lang. Kaytataas ng mga upa ng kwarto. Kaya nag-bed spacer muna siya. Kahit paano ay kaya pa niya ang upa. Hanggang manligaw si Igme sa isang may di gaanong kagandahang dilag na nagtitinda ng gulay sa palengke. Nagkaibigan sila hanggang sila’y ikasal. Hindi na mag-isa si Igme sa kanyang kama, at di na bed-space, kundi kwarto na ang kanyang inupahan bilang mag-asawa. Mahal na ang upa. Hanggang sa abutan sila ng pandemya. Nawalan sila ng trabaho nang mag-lockdown.

Nang lumuwag na ang lockdown, nagbalik siya sa pagtatrabaho bilang basurero, habang ang buntis niyang asawa ay hindi na makapag-tinda sa palengke. Subalit tumutulong sa asawa sa pamamagitan ng paglalabada. Hindi naman maganda ang kinikita nilang dalawa, kaya napilitan si Igme na maghanap ng mauupahang mas mura hanggang mayaya siya ng kanyang mga katrabaho na magtayo ng barungbarong na pansamantala nilang matitirahan sa malapit sa tambakan ng basura. 

Doon muna sila pansamantalang nagtirik ng tirahan kasama ang kanyang mga katrabaho. Doon sa tabi ng tapunan ng basura ay libre silang makatira dahil walang upa, walang maniningil sa kanila. Kaya doon sila nagtayo ng kanilang paraiso - isang munting barungbarong.

Libre ang paninirahan. Walang upa. Libre rin ang magkasakit dahil nasa tabi ng basurahan. Marahil ay ganyan ang kapalaran ni Igme at ng iba pang mahihirap na tulad niya. Ayaw nila ng hirap, tulad ng marami sa atin. Nais nila ng ginhawa, tulad ng marami sa atin.  Subalit dahil sa mahal na upa ng kahit maliit na kwarto na hindi kaya ng kanilang sinasahod, napilitan silang tumira sa iskwater, sa tabi pa ng tambakan ng basura. Naalala ko tuloy ang awitin ni Gary Granada na may pamagat na “Bahay.” Tila ganuon ang nangyari kina Igme. Nagtayo ng tagpi-tagping barungbarong na pinatungan ng bato.

Hanggang magkasarilinan ang mag-asawa at nagkausap.

“Hanggang kailan ba tayo titira rito, Igme?” tanong ni Teresa. “Dito ba natin palalakihin ang ating mga magiging anak?”

Nakatunganga sa kawalan si Igme. Hindi niya mawari ang kanyang kapalaran. Ang nasabi na lang niya sa kanyang asawa na aalis din sila doon kung makakaluwag-luwag na sila. Naisip niyang umuwi sa lalawigan, ngunit anong trabaho ang madadatnan niya roon kundi magsaka na mas mabigat na trabaho kaysa pagtatapon ng basura.

“Kailan ba tayo makakaluwag-luwag? Kakarampot lang naman ang sinasahod mo, kontraktwal ka pa. Hindi pa sigurado kung kailan ka mareregular sa trabaho mo?” ungkat muli ng kanyang asawa.

“Hindi ko alam, Teresa. Basta ang alam ko, aalis tayo rito. Ayoko rin namang itira ka rito. Basta makaluwag-luwag tayo, hahanap ako ng mas maayos-ayos na kwartong uupahan natin. Basta hindi mahal o mataas ang presyo. Baka mapunta na lang sa upa ang sahod ko at hindi na tayo makakain.” Ito na lang ang malungkot na nasabi ni Igme.

“Makakaraos din tayo.” Muling sabi ni Igme sa kanyang asawa. Tila baga pagbibigay ng pag-asa sa walang kapaga-pag-asang kinabukasan.

“Tara, mahal ko, matulog muna tayo. Mag-aalas-dose na pala ng hatinggabi,” ang nasabi na lang ni Igme habang nakatitig sa kawalan.

Umalingawngaw sa di kalayuan ang isang mahinang awitin sa radyo. Tila ba batid ni Gary Granada ang kanilang sinapit. Hanggang unti-unting nakatulugan ni Igme ang pakikinig.

“Isang araw, ako'y nadalaw sa bahay-tambakan
Labinlimang mag-anak ang doo'y nagsiksikan
Nagtitiis sa munting barong-barong na sira-sira
Habang doon sa isang mansiyon, halos walang nakatira

Sa init ng tabla't karton, sila doo'y nakakulong
Sa lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong
Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato
Hindi ko maintindihan, bakit ang tawag sa ganito ay bahay?

Sinulat ko ang nakita ng aking mga mata
Ang kanilang kalagayan, ginawan ko ng kanta
Iginuhit at isinalarawan ang naramdaman
At sinangguni ko sa mga taong marami ang alam

Isang bantog na senador ang unang nilapitan ko
At dalubhasang propesor ng malaking kolehiyo
At ang pinagpala sa mundo, ang diyaryo at ang pulpito
Lahat sila'y nagkasundo na ang tawag sa ganito ay bahay.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 1-15, 2021, pahina 16-17.

Biyernes, Agosto 20, 2021

Bukrebyu: Ang Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos

BUKREBYU: ANG BALARILA NG WIKANG PAMBANSA NI LOPE K. SANTOS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tuwang-tuwa akong nabili ang aklat na Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos. Bihira lang ang magkaroon ng mahalagang aklat na ito, na sa madalas kong paglilibot sa mga book store ay wala nang makikitang ganito. 

Buti na lamang at muli itong inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pakikipagtulungan sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) noong 2019 bilang isang proyekto sa Aklat ng Bayan. Ang Aklat ng Bayan, ayon sa aklat, "ay isang pangmatagalang proyekto ng KWF na layuning isulong ang "Aklatan ng Karunungan" (Library of Knowledge) na magtatampok sa Filipino bilang wika ng pagkatha at saliksik."

Nabili ko ang aklat na ito mula sa katas ng isa kong artikulong inilathala ng Cultural Center of the Philippines (CCP) sa kanilang publikasyong Ani, kaya sa pagdalaw ko sa makasaysayang Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila ay hindi ko na pinakawalan pa ang aklat na ito. Dahil naisip kong bihira lang ang nagkakaroon ng ganitong aklat. Nabili ko ang aklat noong Hunyo 3, 2021 sa halagang animnaraang piso (P600.00).

Ang sukat ng nasabing aklat ay 7" x 10" at ang kapal nito ay 1 at 1/4". Naglalaman ito ng mga pahinang Roman numeral na 42 at Hindu Arabic numeral na 496, na sa kabuuan ay 538 pahina.

Pinasimulan ang aklat sa mahabang talakay ni Galileo S. Zafra, na pinamagatang "Si Lope K. Santos at ang kanyang Palatuntunang Pangwika" mula pahina XI hanggang XLI. Dito'y tinalakay rin niya ang talambuhay ni LKS hanggang sa isulat nito ang Balarila ng Wikang Pambansa.

Ang Unang Bahagi ng aklat ay binubuo ng mga sumusunod na kabanata:
I. Balarila ng Wikang Pambansa, p.8
II. Ang Palatitikan, p.12
III. Ang mga Pantig, p.23
Iv. Palabuuan ng mga Salita, p.28
V. Mga Sangkap ng Pananalita, p.35
VI. Ang Palagitlingan, p. 40
VII. Ang Palatuldikan, p. 66
VIII. Ang Baybaying Pilipino, p. 95
IX. Ang mga Pang-angkop, p. 105

Ang Ikalawang Bahagi naman ay binubuo ng mga sumusunod na kabanata:
Ang Palasurian (Analogy), p. 111
X. Ang mga Pantukoy, p. 112
XI. Ang Pangngalanp. 120
XII. Ang Pang-uri, p. 167
XIII. Ang mga Panghalip, p. 234
XIV. Ang Pandiwa, p. 253
XV. Ang Pandiwari, p. 397
XVI. Ang Pang-abay, p. 402
XVII. Pang-ukol, p. 444
XVIII. Ang Pangatnig, p. 451
XIX. Ang Pandamdam, p. 470

Sa dulo ng aklat, mula p. 476 ay may kabanatang Mga Dagdag na Panutuhan, kung saan kasunod niyon ang Appendix A, B, at C.

Mapapansing mahahabang pahina ang inukol sa pagtalakay sa Kabanata XII na may 67 pahina at sa Kabanata XIV na may 144 pahina, patunay ng pinag-ukulan ng panahon at pananaliksik ang mayabong na pagtalakay hinggil sa Pang-uri at Pandiwa. Bagamat ang ibang maiikling kabanata ay kasinghalaga rin naman ng mga nabanggit.

Sa mga pagtalakay ay nagbibigay ng halimbawa si LKS upang mas magagap pa ng mambabasa o mag-aaral ng wika kung paano ba ito ginagamit.

Isa sa mga nagustuhan ko ang pagtalakay sa Titik m ng Kabanata VI hinggil sa Palagitlingan, na tumutukoy sa paggamit ng gitling sa panlaping ika (na madalas ay mali ang pagkakagamit ng ilan nating kababayan sa kasalukuyan, tulad ng ika-5 ay nilalagyan ng gitling kapag ginawang salita, ika-lima, na mali).

(m) Kung gamit sa pagbilang ng mga nagkakasunud-sunod sa hanay, at ang bilang ay di mga salita kundi mga titik-bilang o tambilang (numero-figure). Gaya ng: 

ika-8 ng umaga; ika-10 n.t.; ika-11 n.g.
ika-28 ng Pebrero; ika-13 ng Agosto; ika-25 ng Disyembre
tuntuning ika-4, kabanatang ika-12; ika-20 pangkat

Kung ang mga bilang ay salita, pinagkakabit na nang walang gitling. Gaya ng:

ikawalóng oras; ikasampú't kalahati; ikalabing-isá
ikadalawampú't walo ng Pebrero; ikalabintatló ng Agosto
tuntuning ikaapat; kabanatang ikalabindalawá

Mapapansing ginamitan pa niya ng tuldik ang mga halimbawa. Sadyang pinag-ukulan ng pansin ang paggamit ng gitling na binubuo ng dalawampú't siyam na pahina.

Sa kabuuan, ang aklat na ito ay isang kayamanang maituturing ng tulad kong makata't manunulat upang lalo pang mapahusay ang pagsusulat ng mga kwento, sanaysay at tula

Ibahagi natin ang mga kaalamang ito. Inirerekomenda ko ito sa mga mag-aaral, mga manunulat, kwentista, mandudula, kompositor, makata't mananalaysay, mga mananaliksik sa wika, at sa kapwa palaaral sa wikang pambansa. At ang munting pagtalakay na ito'y isa nang ambag at magandang pambungad ngayong Agosto bilang Buwan ng Wika.

08.20.2021

Biyernes, Hulyo 2, 2021

Pagpapatakbo at pamamalakad

PAGPAPATAKBO AT PAMAMALAKAD

Alam nating iba ang TAKBO sa LAKAD. Ang takbo ay mabilis, ang lakad ay hindi mabilis. Ang isang kilometrong takbo ay baka makuha mo ng limang minuto. Subalit mahigit dalawampung minuto kung lalakarin mo ang isang kilometro. Tantiya ko lang ito.

Ngunit nag-iiba pala ang kahulugan ng salita pag nilagyan na ng panlapi. Nakita ko ito sa isang Pinoy krosword puzzle. Tingnan ang 7 Pababa ng litratong ito.

Magsingkahulugan ang PAGPAPATAKBO sa PAMAMALAKAD. Hinggil ito sa pamamahala ng grupo ng tao, samahan, kumpanya, opisina, liga, partido o anumang aktibidad.

Dahil sa panlapi, nag-iiba ang gamit ng salita. Sa ganitong kalagayan lang marahil nagiging magsingkahulugan ang TAKBO at LAKAD.

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Hulyo 1, 2021

Bukrebyu: Ang aklat na "100 Tula ni Bela"




BUKREBYU: ANG AKLAT NA "100 TULA NI BELA"
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang talagang hinahanap kong aklat, bukod sa pelikula, ay yaong may pamagat na "100 Tula Para Kay Stella". Nakita ko na iyon sa Fully Booked sa Gateway sa Cubao, subalit hindi ko binili dahil nagkataong wala akong sapat na salapi ng araw na iyon. Ilang araw pa ang lumipas nang mapadaan muli sa Fully Booked at bigla kong naalala ang librong iyon. Kaya sinilip ko kung naroon pa ang aklat na iyon subalit wala na.

Isa iyon sa mga nais kong mabasa, at maisama sa mga koleksyon ko ng aklatula o petry book, para sa munti kong aklatan. Nag-ikot ako sa ibang book store subalit wala.

Hanggang isang araw, napadaan ako sa Book Sale sa Farmers' Plaza, at nakita ko ang aklat na "100 Tula ni Bela", na sinulat ng aktres na si Bela Padilla, na siya ring aktres na gumanap sa pelikulang "100 Tula Para Kay Stella". Binili ko agad ang aklat na "100 Tula ni Bela" sa halagang P110.00, nasa 112 pahina. Ang petsa nang binili ko iyon ay Nobyembre 24, 2020, na kadalasang isinusulat ko sa mga aklat na aking nabili. Petsa, presyo, at kung saang book store ko binili. Nakaugalian ko na iyon, upang malaman ko kung saan at kailan ko ba nabili ang isang libro at kung magkano ko iyon binili.

Laking tuwa kong mabili ang aklat na iyon, bagamat sa kalaunan ay nahimasmasan ako. Iba palang libro ito. 100 Tula ni Bela. Hindi ang hinahanap kong "100 Tula Para Kay Stella". Gayunpaman, binasa ko pa rin. Maganda ang kanyang mga isinulat na tula. Tunay na pagpapahayag ng kanyang damdamin sa simpleng pamamaraan.

Ang librong iyon ang inspirasyon ko upang gawin din ang 100 Tula Para Kay Liberty, na siyang napili kong pamagat ng aklat. O kung isasalin sa Ingles ay 100 Poems for Liberty, na pag isinalin sa wikang Filipino ay 100 Tula Para sa Kalayaan. Oo, 100 Tula Para Kay Liberty, dahil Liberty ang pangalan ni misis. Datapwat iilan lamang ang mga tula ko sa Ingles.

Hindi ko alam kung kailan ko matatagpuan ang aklat na "100 Tula Para Kay Stella" upang maisama sa aking mga collector's item, at mabasa na rin. Gayunman, patuloy kong ginagawa ang aking planong 100 tula para kay esmi.

Mapapansing maiikli ang mga tula ni Bela. Sa bawat tula sa librong "100 Tula ni Bela" ay may mga litrato kung saan nakapatong doon ang mumunting hiyas ng puso't diwa ni Bela Padilla. At paurong ang bilang, dahil sinimulan sa libro ang Tula 100, sunod ay Tula 99, at nagtapos sa Tula 1. May mga tulang nakasulat sa Ingles at karamihan ay nasa wikang Filipino. Pampakilig sa mga binata ang kanyang mga tula. Bagamat may lalim din ang pananalinghaga ng dalaga. Marami ring mga hugot na talaga mong madarama, na tila ba pinatatamaan ka ng kanyang pananalita.

Namnamin mo ang ilan sa mga tula niyang ito. Kahanga-hanga ang mga hugot at palaisipang mula sa kanyng puso'y tunay nating mararamdaman.

Tula 26:

BEATIFUL DEATH

I'm pleased to know that after my life
I still serve a purpose.
When you come home at night and you look at me,
I feel like I did something selfless.
Maybe the pain of my death was meant to be.
To take your sorrows away.
To make you happy.

Tula 42:

REBULTO

Magdamag na nakatindig,
nakikita mo ang lahat.
Ang buhay naming mga dumadaan
na iba't iba ang pamagat.
Buti nalang wala kang nararamdaman
dahil wala ka namang puso.
Kung hindi masasaktan ka sa amin,
ako'y sigurado.
Naiinggit ako sayo,
dahil wala kang kaalam-alam.
Di mo alam ang tamis ng pagmamahal
at ang kirot ng salitang paalam.

Hindi ko pupunahin ang istruktura ng kanyang pananaludtod, o pawang vers libre ang kanyang mga tula, mga malayang taludturang tumatagos sa mambabasa, dahil ika nga, ang tula ay mula sa puso, inihahayag sa pamamagitan ng mga titik, at hindi maaaring basta ikulong na lang sa tugma't sukat. Iba iyon sa aking pagtula, pagkat kadalasang bawat tula ko'y nakabartolina sa tugma't sukat.

Maganda ang pagkakabalangkas ng kanyang Tula 17 na masasabi mo talagang maaari siyang ihanay sa iba pang magagaling na makata sa Ingles. Halina't namnamin ang ganda ng kanyang pananaludtod.

Tula 17:

MYRIAD

Sometimes plenty,
mostly few.
Sometimes happy,
mostly blue.
Sometimes taunting,
mostly true.
Sometimes me,
mostly you.

Gayunpaman, marahil ay inspirasyon ni Bela ang pelikula niyang ginampanan upang mabuo ang sarili niyang bersyon ng 100 Tula. Mabuhay ka, Bela Padilla, at ang iyong mga malikhang obra.

07.01.2021

Martes, Hunyo 29, 2021

Bukrebyu: Ang aklat na "Tungkos ng Talinghaga"



BUKREBYU: ANG AKLAT NA "TUNGKOS NG TALINGHAGA"
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tuwang-tuwa akong makabili ng mga aklat ng tula ng iba pang makata, bilang mga koleksyon sa munti kong aklatan. Tulad na lang nitong aklat na "Tungkos ng Talinghaga" na inilathala ng Talingdao Publishing House sa Taguig noong 2002. Nabili ko ang aklat na ito sa Solidaridad Bookshop sa Ermita nito lang Pebrero 19, 2021, sa halagang P250.00.

Sampung manunulat, sampung tula bawat isa. Ito ang agad kong napansin sa koleksyon. Ibig sabihin, isangdaang tula lahat-lahat. At bawat makata ay may maikling tala bago ang kanilang sampung tula. Ang mga nag-ambag sa aklat na ito'y sina Lilia F. Antonio, na siya ring patnugot ng koleksyon, Apolonio Bayani Chua (ABC), Eugene Y. Evasco (EYE), Ezzard R. Gilbang, Ruby Gamboa Alcantara, Florentino A. Iniego Jr., Wilfreda Jorge Legaspi, Jimmuel C. Naval, Rommel Rodriguez, at Elyrah Loyola Salanga.

Nagbigay ng Paunang Salita si Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 2003, at naging guro ko sa poetry clinic na LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) noong Setyembre 2001 hanggang Marso 2002. Nagbigay ng Panimula (o Pambungad hinggil sa koleksyon) ang baitakng manunulat na si Ligaya Tiamzon-Rubin, na madalas kong nababasa sa magasing Liwayway. At mensahe mula sa patnugot na si Lilia F. Antonio.

Ang buong aklat ay binubuo ng 184 pahina, kasama na ang mga unang pahinang nasa Roman numeral. Ang mga tula ay hanggang 163 pahina, at ang mga paunang paliwanag ay naka-Roman numeral na 19 pahina. Subalit may mga blangkong pahina, o yaong walang nakalathala.

Ang mga nasabing makata ay pawang mga nasa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod ng Quezon. Nakakatuwa ang pamagat ng Paunang Salita ni Almario, May Iba Pang Makata, na sabi nga niya, "nais patunayan wari ng koleksyon na may iba pang mga makata na dapat makilala ng madla. Na maaaring hindi nagwagi ng anumang pambansang gawad pampanulaan ang mga kalahok subalit hindi mapipigil ang natural na simbuyong umibig at lumikha ng tula." At idinagdag pa niya sa ibang talata: "Sa madaling sabi, iba lamang nilang tumula."

Ayon naman kay Panimula ni Rubin, "Animo'y may puwersang nagtutulak sa kanila upang maging makata. Maaaring hindi isinilang na may budbod na talinghaga ang kanilang haraya subalit may lawas o kolektibong kaisahan ang umaahon sa kanilang kaloob-looban upang lumikha ng mga bersong magtatakda ng kanilang identidad at pananaw sa mundo." At inisa-isa ni Rubin kung sinu-sino ba ang nabanggit sa itaas na sampung makata.

Napakaganda naman ng mensahe ng patnugot na si Lilia F. Antonio, "Dahil bayan na agrikultural ang Pilipinas, klasikong talighaga ng ating panitikan ang linang o kabukiran. Gayundin, ang mga tula o alinmang anyong pampanitikan ay naiuugnay bilang tungkos ng talinghaga - isang patunay sa pananalig ng Pilipino sa palay bilang halaman ng buhay. Lagi kasing nakalatag sa hapagkainang Pilipino ang sinaing. Ang mga manunulat - establisado man o nakikibaka ng isang pangalan - ay kadalasang inihahambing bilang sumisibol o hinog na nakakawing sa pangunahing talinghaga ng palay. Kung salat ang nalilikhang akda, agad masasabing tigang ang lupang sakahan."

Maganda ang pagkakalatag ng tulang "Alak" ni Antonio dahil nakadisenyo ang tula sa korteng bote ng alak. Nagagandahan din ako sa tulang "Anak ng Manggagawa" ni Apo Chua, lalo na't siya'y ilang ulit ko na ring nakasama dahil siya ang tagapayo ng pangkulturang grupong Teatro Pabrika, na kasama naman namin sa mga pagtatanghal sa lansangan pag may pagkilos ang mga manggagawa. Si Evasco naman, na isang premyadong manunulat, ay nababasa ko na sa Liwayway dahil sa kanyang kolum doon na Buklat-Mulat.

Para naman kay Ruby Gamboa-Alcantara, "Pansariling libangan at ekspresyon lamang ng sarili ang manaka-nakang pagsusulat na walang sinusunod na pormal na batas sa pagsulat." Si Ezzard R. Gilbang naman itinanghal na Makata ng Taon 2014 sa Talaang Ginto ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Sa pagpapakilala naman kay Iniego ay nakasulat: "At narito ang matapat na tungkulin ng makata - sikaping sindihan ang mitsa ng mga alaala bago tuluyang mamuo at matuyo sa putik ang mga kislap ng gunita."

Ayon naman kay Legaspi, "Ang mga tulang sinusulat ko ay ekspresyon lamang ng mga sandaling nais kong makawala sa hawla ng pagiging edukador at akademista." Para naman kay Naval, "Sumusulat ako ng tula upang tugunan ang responsibilidad at tungkulin, upang magpahayag at magpalaya." Sa pagpapakilala kay Rodriguez ay nakasulat: "Kuntento sa buhay... kahit papaano." 

Anong ganda naman ng paliwanag ni Salanga, "Dahil sa aktibo at nagbabago ang lipunan na ating ginagalawan, naniniwala ako na ang pagsusulat ay kinakailangang maging mapanuri, pumupuna't nanghihimasok sa kanyang mambabasa. Hindi nagwawakas ang pagsusulat sa iisang tuldok. Ito ay malaya't paulit-ulit na isinisilang."

Tunay na isang kayamanan ang katipunang ito ng kanilang mga tula, pagkat bukod sa kapupulutan ng mga naiibang talinghaga ay isa rin itong inspirasyon upang magpatuloy sa pagsusulat. Isa itong koleksyong maipagmamalaki kong nasa aking munting aklatan. Mabuhay ang mga makatang nalathala sa aklat na ito. At nawa'y magpatuloy pa silang magbigay-inspirasyon sa iba pang makata.

Hunyo 29, 2021 

Lunes, Hunyo 14, 2021

Kwento: Bakit may kahirapan?

BAKIT MAY KAHIRAPAN?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Bakit may kahirapan?” Isa ang tanong na iyan sa ayaw tugunan ng nasa kapangyarihan o kaya’y ayaw nilang pag-usapan. Mas nais lang nilang maglimos kaysa malaman ang ugat ng kahirapan. Natatandaan ko pa ang sinabi ni Bishop Helder Camara ng Brazil, "When I give food to the poor, they call me a saint. When I ask why the poor have no food, they call me a communist. (Kapag nagbibigay ako ng pagkain sa mahihirap, tinatawag nila akong santo. Kapag tinatanong ko kung bakit walang pagkain ang mga mahihirap, tinatawag nila akong komunista.)"

Kaya nang minsang magkaroon ng pag-aaral ng mga maralita hinggil sa ugat ng kahirapan, ibinungad agad ng tagapagpadaloy ang sinabing ito ni Obispo Camara. “Balido ang sinabi ni Obispo Camara, may tumututol ba rito?” Walang nagtaas ng kamay, pawang nag-iisip.

Hanggang sa tumayo si Mang Igme, isang lider-maralita sa Tondo, “Kayganda ng sinabi ng Obispo. Talagang mapapaisip tayo. Pag nagbigay ka ng pagkain sa dukha, banal ka, subalit pag tinanong mo ang dukha bakit sila mahirap, aba’y masama ka na! Komunista agad ang tingin sa iyo! Aba’y magaling kung komunista ka pala pagkat palatanong ka, at hindi tango nang tango na lang sa kung anong dikta sa iyo.”

“Aba’y maganda ang iyong tinuran, Manong Igme,” sabi naman ni Mang Inggo. “Natandaan ko tuloy ang kwento ng binatang si Archimedes Trajano, na biktima ng marsyalo! Alam n’yo ba ang kwento niya. Aba’y nang tinanong lang niya noon sa isang talakayan si Imee Marcos kung bakit siya ang pangulo ng Kabataang Barangay, aba’y nairita si Imee, at ang kanyang mga tao ay biglang dinaluhong si Archimedes. Itinapon pa raw sa bintana kaya namatay. Aba’y masama pala magtanong kung kaharap mo ay may kapangyarihan!”

“Kaya nga dapat baguhin ang bulok na sistema. Ito ang panawagan namin noon pa, upang maitayo natin ang isang lipunang makatao,  walang pagsasamantala ng tao sa tao, walang pang-aapi, kundi lipunang kumikilala sa dignidad ng bawat tao kahit pa siya’y maralita. Subalit bago natin iyon magawa nang sama-sama, dapat ay nauunawaan natin bakit nga ba may kahirapan. Magtanong kayo dahil diyan magiging mabunga ang ating talakayan.” Sabad ni Mang Kulas, ang tagapadaloy.

“Alam n’yo, noong ako’y bata pa, nagisnan ko nang mahirap ang buhay nina Itay at Inay. Hindi nila ako napag-aral noon, subalit kahit paano naman ay nakaabot ako ng Gred Wan.” Sabi ni Isko.

“Ang ganda pa naman po ng pangalan ninyo, Mang Isko, Parang iskolar ng bayan. Subalit iyan ba ang dahilan bakit kayo mahirap, gayong may karunungan kayong di basta nakukuha sa pag-aaral sa eskwelahan. Karunungang mula karanasan. Ang sinabi ninyo’y di ugat na kahirapan. Dii lang po kayo nabigyan ng pagkakataong makapag-aral.” Ani Kulas.

Nagtaas ng kamay si Iking, “Sabi po ng iba, katamaran daw po ang ugat ng kahirapan. Kaya lang po, hindi ko maubos-maisip na tama nga iyon, dahil si Tatang naman ay kaysipag sa bukid. Maagang gumigising upang mag-araro at magtanim, ngunit kami’y mahirap pa rin. Si Kuya Atoy naman ay kay-agang pumasok sa pabrika at hindi lumiliban sa trabaho ngunit mahirap pa rin kami.”

“Tama ka, Iking, ang katamaran ay hindi ugat ng kahirapan.”

“Populasyon po ba?” Tanong ni Aling Telay, “Pag maraming anak ay naghihirap. Pag kaunti ang anak ay kaunti lang ang pakakainin. O kaya kapalaran na talaga naming maging mahirap.”

“Pag naniwala kang ang populasyon at kapalaran ang ugat ng kahirapan, aba’y hindi na pala uunlad ang may maraming anak, kahit anong sipag pa ang kanyang gagawin.” Ani Kulas.

“Ang totoong ugat ng kahirapan ay ang pagkakaroon ng isang tao o grupo ng mga pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon tulad ng pabrika, makina at mga lupain. Tulad sa lugar natin, ang nag-aari ng lupa ay si Don Ogag, na imbes na tayo ang makinabang sa ating pinagpaguran, ibibigay pa natin ang mayorya ng pinagpawisan natin sa kanya, dahil lang sa pribilehiyo niyang siya ang may-ari. Upang mawala ang kahirapan dapat mawala ang ganyang konsepto ng pribadong pag-aari upang makinabang ang lahat sa kanilang pinagpaguran. Tanggalin sa kamay ng iilan ang pag-aaring yamang kinamkam nila upang ang lahat naman ay makinabang.”

Tatango-tango lahat ng naroon. Naunawaan na nilang ang pribadong pag-aari pala ng mga pabrika, makina’t lupain ang ugat ng kahirapan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2021, pahina 18-19.