Lunes, Hunyo 27, 2022

Banyaga ngunit hindi dayuhan

BANYAGA NGUNIT HINDI DAYUHAN
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Paano mo sasabihing dayuhan ang isang indibidwal kung hindi naman siya dumayo o nakadayo dito sa bansa? Di ba't tinatawag nating mga dayuhan ang mga tagaibang bansa o yaong hindi natin kalahi? Ito'y dahil dumayo sila sa ating bayan.

Sikat nga ang panawagang "Palayasin ang mga dayuhan!" lalo na noong panahon ng mananakop na Kastila, Amerikano at Hapones, na naging dahilan ng digmaan, kabayanihan at pagkamatay ng ating mga ninunong nakipaglaban para sa kalayaan. Ibig sabihin pa, mga mananakop ang mga dayuhang iyon.

Paano pag sa ilang pananaliksik ay tinuring na "foreign authors" o "foreign poets" ang ilang manunulat at makata? Maisasalin ba silang dayuhang manunulat o dayuhang makata, gayong hindi sila dumayo sa ating bansa? Na ang iba'y hindi naman nandayuhan o lumabas sa kanilang bansa.

Ang pagninilay na ito'y bunsod ng ginagawa kong pagsasalin ng ilang mga tula ng mga kilalang makatang Ingles, Ruso, Turko, Amerikano, Aleman, Pranses, Hapones, at Intsik. Tulad ng pagsasalin ko ng mga tula nina William Shakespeare, Vladimir Mayakovsky, Nazim Hikmet, Edgar Allan Poe, Karl Marx, Eugene Pottier, Matsuo Basho, at Sappho. Tanging sina Hikmet at Marx lamang ang alam kong umalis sa kanilang bansa o nangibang bayan, di lang basta umalis kundi napilitang umalis dahil sila'y na-exile dahil sa kanilang mga pulitikal na gawain. Habang ang ibang makata'y nanatili sa sariling bansa hanggang sa kamatayan.

Isinasalin ko sina Shakespeare at Poe mula sa wikang Ingles, habang ikalawang pagsasalin ang ginagawa ko sa mga tula nina Mayakovsky, Hikmet, Marx, Pottier, Basho at Sappho, na nauna nang isinalin sa wikang Ingles, na siyang pinagbabatayan ko naman ng aking isinasalin.

Matatawag ko ba silang dayuhan dahil tagaibang bansa sila gayong hindi naman sila dumayo sa ating bansa? Hindi ba't kaya tinawag na dayuhan ang isang tao o kaya'y pulutong ng mga tao ay dahil sila'y dumayo sa ibang lupain? Paano silang tatawaging dayuhan kung hindi naman sila dumayo ng ibang bansa? Ang buong buhay nila'y nasa kanilang bayan lamang sila.

Kaya hindi ko matatawag na makatang dayuhan sina Shakespeare, Mayakovsky, Hikmet, Poe, Marx, Pottier, Basho, at Sappho. Kaya ano ang tamang tawag sa kanila? Tama bang tawagin ko silang makatang banyaga?

Tiningnan ko ang kahulugan ng mga kinakailangan kong salita sa UP Diksiyonaryong Filipino:

dayúhan - dáyo
dáyo - 1. dayúhan, tao na tagaibang pook o bansa o kaya'y hindi kilala sa pook na kaniyang pinuntahan; 2. pagdáyo, pagtungo sa ibang pook nang may tanging layunin; 3. tanod sa libingan ng panginoon
banyága - 1. [Waray] masamâng tao; 2. [Sinaunang Tagalog] tao na nagpupunta sa mga bayan-bayan, lulan ng kanyang bangka, at nagtitinda ng maliliit na bagay; 3. [ST] bahay na maliit at walang kilo
banyagà - [Kapampangan, Tagalog] 1. tao na isinilang o mula sa ibang bansa na iba sa kapuwa niya: alien, foreign, foreigner 2. hindi mamamayan ng bansa: alien, foreign, foreigner

Ang dayuhan o dayo ay tiyak na pumunta talaga sa ibang lugar, kaya hindi ito ang marahil tumpak na dapat itawag sa mga tagaibang bansang hindi naman dumayo sa ibang bansa, o sa ating bansa. Kaya hindi ko matatawag na dayuhan, bagamat mula sa ibang bansa, ang mga makatang Shakespeare, Mayakovsky, Hikmet, Poe, Marx, Pottier, Basho, at Sappho.

Mapapansing dalawa ang banyaga, subalit ang una ay walang impit at may diin sa ikalawang pantig, habang ang ikalawa ay may impit at mabagal ang bigkas. Mas tumpak sa tingin ko ang ikalawang pakahulugan: "tao na isinilang o mula sa ibang bansa na iba sa kapuwa niya" bilang pagtukoy sa mga makatang nabanggit ko sa itaas, na hindi dumayo sa ibang lugar o hindi lumabas sa kanilang bansa, at iyon din ang mas tamang paglalarawan na aking hinahanap.

Mahalaga sa akin ang ganitong paghahanap ng tamang salin sapagkat tiyak na balang araw ay isusulat ko ang kanilang talambuhay, lalo na't isinasalin ko ang kanilang mga akda. Madalas gamiting animo'y sinonimo o pareho sila ng kahulugan. Subalit sa maikling sabi, ganito ang munting kaibahan ng dalawa: Banyaga sila dahil tagaibang bansa sila. Dayuhan sila dahil tagaibang bansa sila na narito sa ating bansa.

Ang pananaliksik na ito'y bunsod na rin sa aking proyektong pagsasalin na sinimulan ko ilang taon na ang nakararaan na ang layunin ko'y ipabasa sa ating mga kababayan sa ating wika ang mga tula ng mga nabanggit na makatang banyaga. Iniipon ko ito't inilalagay sa aking blog. Nawa'y wasto ang aking mga napili sa paghahanap ko ng mga tamang salita.

Ginawan ko ng munting tula ang aking nasaliksik:

BANYAGA NGUNIT HINDI DAYUHAN

ang salin ng foreign poet ba'y dayuhang makata
gayong di naman sila dumayo sa ating bansa
sa pagsalin ay hinanap ko ang wastong salita
hanggang masaliksik ang kahulugan ng banyaga

akala ko, salitang "banyaga'y" wikang Espanyol
ngunit nang sa talahuluganan ay tingnan iyon
sariling salita pala nating nakapatungkol
mula sa Waray, Tagalog, Kapampangan din yaon

salamat sa UP Diksiyonaryong Filipino
sa mga tulong sa anumang isinasalin ko
naging aking kakampi noon at ngayon, totoo
sangguniang tila kakabit na ng pagkatao

banyaga ngunit hindi dayuhan ang gagamitin
kung foreign author o poet ay aking isasalin
mga wastong salita't salin ay nahahanap din
basta't maging mahinahon lagi't titiyagain

06.27.2022

Huwebes, Hunyo 16, 2022

Pagsasalin

PAGSASALIN

Hindi dakila ang digmaan, kaya hindi ko isinalin ng "dakila" ang "great" sa aklat na Poems of the Great War 1914-1918. Mas angkop pa marahil na salin ng "great" sa puntong ito ay "dambuhala". Kaya dapat isalin itong Mga Tula noong Dambuhalang Digmaan.

Gayunpaman, mas isinalin ko ang pamagat ng aklat sa esensya nito, ang Great War na tinutukoy ay ang World War I. Kaya isinalin ko iyon ng ganito: Mga Tula ng Unang Daigdigang Digmaan. Mas "ng" imbes na "noong" ang aking ginamit dahil marahil hindi naman ginamit ay Poems from, kundi Poems of. Gayunman, maaari pang pag-isipan kung ano ang tamang salin sa panahon na ng pag-iedit ng buong aklat ng salin. Subalit sa ngayon, sinisimulan pa lang ang pagsasalin ng mga tula. Mahaba-habang panahon ang kailangan sa pag-iedit.

Marahil itatanong mo: "Bakit hindi mo isinalin ng Unang Digmaang Pandaigdig?" At marahil, idadagdag mo pa: "Digmaang Pandaigdig ang palasak na ginagamit ngayon at iyan din ang salin na nakagisnan natin." At ang akin namang magiging tugon sa iyo ay: "Palagay ko'y hindi angkop na paglalarawan na pandaigdig ang nabanggit na digmaan. Ang maaari pa ay daigdigan na mas nyutral." Ganito ko isinulat noong 2009 sa isang artikulo kung ano ba dapat ang tamang salin ng World War:

"Ang tamang pagkakasalin ng World War II sa ating wika ay Ikalawang Daigdigang Digmaan at hindi ang nakasanayang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil ang salitang "Pandaigdig" ay may konotasyon ng pagpayag o pagsang-ayon sa bagay na tinutukoy. Ang iba pang katulad nito'y ang "pam, pang" at kung susuriin ang mga ito, "pansaing, panlaba, panlaban, pambayan, pangnayon, pambansa, pandaigdig, makikita nga nating ang unlaping "pan, pam, pang" ay may pagsang-ayon sa nakaugnay na salita nito.

Gayundin naman, dahil hindi lahat ay payag o sang-ayon sa digmaan, maling tawaging Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang World War II, kundi mas tumpak na gamitin ang neutral na salitang Ikalawang Daigdigang Digmaan." mula sa kawing na: http://salinnigorio.blogspot.com/2009/05/tamang-salin-ng-wwii.html

Ibinilang ko na sa mga collectors' item ko ang aklat na Poems of the Great War 1914-1918 nang mabili ko ang pambihirang aklat na ito (na mabibilang sa rare book), na may sukat na 4" x 5.5", sa BookSale ng Farmers sa Cubao noong Enero 18, 2018, sa halagang P60.00. Inilathala ito ng Penguin Books noong 1998. Plano kong isalin sa wikang Filipino ang lahat ng tula, kung kakayanin, sa aklat na ito, na binubuo ng 145 pahina.

Borador pa lamang ang disenyo ng pabalat, kung saan anino ko, o selfie, ang aking kinunan nang minsang naglalakad pauwi isang gabi. Aninong marahil ay sumasagisag din sa mga nangawala noong panahon ng digmaan. Naging adhikain ko at niyakap ko nang tungkulin ang pagsasalin ng mga tula mula sa ibang wika upang mabatid at maunawaan ng ating mga kababayan ang iba pang kultura at pangyayari sa ibang bayan. Tulad noong Unang Daigdigang Digmaan, na hindi naman dinanas ng ating bayan.

Gayunman, kung may matatagpuan pa tayong aklat ng mga tula hinggil naman sa World War II, iyon ay paplanuhin ko ring isalin sa wikang Filipino. Sa ilang mga dokumentong isinalin ko'y Ikalawang Daigdigang Digmaan na ang aking ginamit na salin ng World War II. Sa mga nagpasalin ng akda nila, sana'y naunawaan po ninyo ako. Marami pong salamat.

Nais kong ilarawan sa munting tula ang pagmumuni ko sa paksang ito.

ANG SALIN KO NG WWII

Ikalawang Daigdigang Digmaan ang salin ko
sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, totoo
dama ko'y may konotasyon ng pagsang-ayon ito
sa gyera, nyutral na daigdigan ang ginamit ko

kaya sa aklat ng pagsasalin ng mga tula
ng mga nabuhay at lumaban noon sa digma
ay sadyang bubuhusan ko ng pawis, dugo, diwa't
panahon, upang maunawaan sila ng madla

ang kasaysayan nila sa tula inilarawan
bilang makata'y tungkulin ko na sa panulaan
ang magsalin ng akda nang madama ang kariktan
ng saknong at taludtod sa kabila ng digmaan

nawa kanilang tula'y matapat kong maisalin
lalo't gawaing ito'y niyakap ko nang tungkulin
para sa mamamayan, para sa daigdig natin
salamat ko'y buong puso kung ito'y babasahin

06.16.2022

* ang unang litrato ang pabalat ng aklat na isasalin ng makata, at ang ikalawa naman ang borador o draft na disenyo ng aklat ng salin

Dalawang aklat ng salin

DALAWANG AKLAT NG SALIN

Nakakatuwa na sa paghahalungkat ko sa aking munting aklatan ng nais kong basahin ay nakita kong muli ang dalawang aklat ng salin, lalo na't pulos proyekto ko ngayon ay gawaing pagsasalin.

Noong 2016 ay ibinigay sa akin ng isang kaibigan ang aklat na "Nabighani: Mga Saling Tula ng Kapwa Nilikha" ni Fr. Albert E. Alejo, SJ. Inilathala ito ng UST Publishing House. May dedikasyon pa iyon ng nasabing pari, kung saan isinulat niya: "Greg, Bituin ng Pagsasalin, Paring Bert, 2016". Dedikasyong tila baga bilin sa akin na ipagpatuloy ko ang gawaing pagsasalin.

Nabili ko naman sa Popular Bookstore noong Disyembre 29, 2021 ang aklat na "Landas at Kapangyarihan: Salin ng Tao Te Ching" ni Prof. E. San Juan, Jr.. Ang librong Nabighani ay may sukat na 5.5" x 9" at may 164 pahina, at ang librong Landas at Kapangyarihan, na inilathala ng Philippine Cultural Center Studies, ay may sukat na 5.25" x 8" at may 100 pahina.

Maganda't nahagilap ko ang mga ito sa panahong tinatapos ko ang salin ng 154 soneto ni William Shakespeare para sa ika-459 niyang kaarawan sa Abril 2023, pati na pagsasalin ng mga tula ng makatang Turk na si Nazim Hikmet at ng makatang Bolshevik na si Vladimir Mayakovsky. Bukod pa ito sa planong pagsasalin ng mga tula ng mga lumahok noong Unang Daigdigang Digmaan. Nasimulan ko na ring isalin ang ilang tula nina Karl Marx (noong panahong 1837-38) at ni Edgar Allan Poe. Nakapaglathala na rin ako noon ng aklat ng salin ko ng mga akda ni Che Guevara, kung saan inilathala ito ng Aklatang Obrero Publishing Collective.

Binabasa ko at pinag-aaralan ang mga akda sa dalawang nabanggit kong aklat ng salin, upang bakasakaling may matanaw na liwanag o anumang dunong sa ginawa nilang pagsasalin, na hindi lamang basta nagsalin ng literal kundi paano nila ito isinalin nang matapat sa orihinal at maisulat nang mas mauunawaan ng mambabasa.

Ang mga ganitong aklat ng salin ay nagbibigay inspirasyon sa akin upang pag-igihan pa at ipagpatuloy ang mga nasimulan kong gawain at tungkuling pagsasalin. Wala naman akong inaasahang kikitain sa mga ito dahil ito'y inisyatiba ko lamang, kung saan tanging kasiyahan ang madarama pag natapos at nalathala ang mga ito. Higit pa ay nais kong mag-ambag upang higit na maunawaan ng ating mga kababayan ang mga akda ng mga kilalang tao sa kasaysayan, at ng mga hindi kilala ngunit may naiambag na tula upang ilarawan ang kanilang karanasan sa kanilang panahon.

Nais kong mag-iwan ng munting tula ng pagninilay at sariling palagay hinggil dito.

ako'y matututo sa dalawang aklat ng salin
na sa munting sanaysay na ito'y nabanggit ko rin
mabuti't nagkaroon ng ganitong babasahin
nang nangyayari sa ibang dako'y mabatid natin

di lang ito babasahin kundi aaralin pa
upang sa ginawa nila, may aral na makuha
salamat sa salin nila para sa mambabasa
nang maunawa yaong klasikong akda ng iba

para sa akin, libro't nagsalin ay inspirasyon
di lang ang aklat kundi ang mga nagsalin niyon
sa gitna ng pagkakaiba ng kultura't nasyon
magsalin at magpaunawa ang kanilang misyon

sadyang kayganda ng layunin ng kanilang aklat
isinalin upang maunawaan nating sukat
yaong mga klasikong akda't tulang mapagmulat
mabuhay ang mga nagsalin, maraming salamat

tunay na mahalaga ang gawaing pagsasalin
kaya ito'y ginawa ko't niyakap ding tungkulin
para sa masa, para sa bayan, para sa atin
at sa kinabukasan ng henerasyong darating

06.16.2022

Huwebes, Hunyo 9, 2022

Si Juan Bobo sa Puerto Rico, si Juan Tamad sa Pilipinas

SI JUAN BOBO SA PUERTO RICO, SI JUAN TAMAD SA PILIPINAS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kung may Juan Tamad tayo sa Pilipinas, aba'y may Juan Bobo naman ang Puerto Rico. Aba'y oo. Nakita ko ito sa litrato ng pabalat ng kwentong Juan Bobo Goes to Work sa librong Children's Literature, 10th Edition, pahina 262. Habang ang pagbanggit tungkol dito ay tinipon lang sa iisang talata, na nasa pahina 259 at 261 ng nasabing aklat.

Nabili ko noong Abril 12, 2022 sa halagang P330.00 sa BookSale ng SM Megamall ang nasabing aklat na pinatnugutan ni Barbara K. Ziefer ng Ohio State University. At pag may panahon ay akin itong binabasa-basa, hanggang sa makita ko nga ang kwento ni Juan Bobo.

Narito at aking sinipi ang buong isang talata hinggil kay Juan Bobo sa nabanggit na aklat:

"Maria Montes's Juan Bobo is a favorite folk hero in Puerto Rico and is typical of the many noodlehead characters found around the world. In Juan Bobo Goes to Work, Juan sets out to get a job from a farmer. The first time he is paid he forgets what his mother, Doña Juana, told him and puts the coins in his holey pocket rather than holding them in his hand. The next time he sets out, Doña Juana tells him to put his pay in the burlap bag she gives him. This does not go well when he is paid in milk. The third day Juan goes to the grocer for work. Doña Juana instructs him to carry the pail of milk in his head. When he is paid with cheese instead of milk he puts it under his hat. Of course, the cheese melts as he walks home in the hot sun. The next week Doña Juana gives Juan Bobo a piece of string and tells him to tie up whatever the grocer gives him. He obeys, and drags a ham behind him on the string. The village dogs and cats proceed to have a feast. All is not lost because, as he walks by the window of a rich man, the man's sick daughter sees him. The daughter laughs out loud and is cured. In gratitude the rich man sends Juan and his mother a ham every Sunday."

Ang salitang "bobo" sa Puerto Rico ay kaparis ng kahulugan ng bobo sa ating wika. Ibig sabihin ay mangmang, tanga, tonto. Kaya nagsaliksik pa tayo.

Nakita natin na halos may pagkakapareho ang kwento ni Juan Bobo ng Puerto Rico sa kwento ni Juan Tamad, lalo na sa usaping katatawanan. Isinapelikula pa nga ang Juan Tamad Goes to Congress sa direksyon ni Manuel Conde. 

"Juan Tamad Goes to Congress" is the first political satire of Philippine cinema. Based on an original story by Congressman Pedro A. Venida of Camarines Norte (Nacionalista), who made a name for himself as a wit through his "Nothing" and "Something" speeches in Congress, the film is set in pre-Hispanic times. https://pelikulaatbp.blogspot.com/2017/05/juan-tamad-goes-to-congress-satire-on-html

Ito pa ang ilang kwento kay Juan Tamad, ayon naman sa Wikipedia:

Juan Tamad comes upon a guava tree bearing ripe fruit. Being too slothful to climb the tree and take the fruits, he instead decides to lie beneath the tree and let gravity do its work. There he remained, waiting for the fruit to fall into his gaping mouth.

Juan Tamad is instructed by his mother to purchase mud crabs at the market. Being too lazy to carry them home, he sets them free in a ditch and tells them to go home, as he would be along later.

Juan Tamad's mother makes some rice cakes and instructs him to sell these at the market. Passing by a pond, he sees frogs swimming to and fro. Being lazy to sell the cakes, he instead thrown them at the frogs, who eat the cakes. Upon reaching home, he tells his mother that all the cakes had been sold on credit; the buyers would pay for them the next week.

Juan Tamad's mother instructs him to go to the village market and buy a rice pot. A flea infestation in the village soon has Juan Tamad jumping and scratching for all he's worth; he lets go of the pot and it breaks into pieces. Thinking quickly, he picks up the pieces, grinds them into fine powder and wraps the powder in banana leaves, which he markets as "flea-killer."

Ang pangalang Juan ay sagisag ng karaniwang tao sa bansang Puerto Rico at Pilipinas, o sa iba pang bansang nasakop din ng bansang Espanya. Kaya minsan, mapapaisip ka kung bakit may kwentong Juan Bobo at Juan Tamad na animo'y pinagtiyap ang kapalaran. Kaya ginawan ko ng munting komento sa paraang patula ang dalawang magkatukayo.

SI JUAN BOBO AT SI JUAN TAMAD

ginawa bang katatawanan ng mga Kastila
ang mga katutubo sa sinakop nilang bansa
upang palabasing ang Kastila'y kahanga-hanga
at ang mga sinakop na Indyo'y kaawa-awa

tingni ang kwento ni Juan Bobo ng Puerto Rico
tingni ang kwento ni Juan Tamad sa Pilipino
parang pinagtiyap, animo'y iisa ang kwento
ang isa'y tamad, habang ang isa naman ay bobo

tila mga Kastila'y kumatha ng kwentong bayan
upang mga sakop ay balingan, mapagtawanan
dahil bobo't tamad, di yayaman o uunlad man
kaya karapatan ng Indyo'y madaling yurakan

aba'y ganitong kwento'y mabuting palitan natin
magandang katangian ng masa'y ating kathain
gawing kontrabida ang mga nanakop sa atin
at itanghal ang mga bayani nating magiting

06.09.2022

Biyernes, Mayo 13, 2022

Lipunang Makatao: Sagot sa Kantang "Bagong Lipunan"

LIPUNANG MAKATAO: SAGOT SA KANTANG "BAGONG LIPUNAN"
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kampanyahan pa lang ay pinatutugtog na sa trompa o MPT ng BBM ang "Bagong Lipunan". Ang kantang pinauso noong panahon ng batas-militar, noong panahon ng diktadura. At ngayong malaki ang kalamangan ni BBM kay Leni sa halalan, at pag sumumpa na bilang pangulo si BBM, tiyak muling iilanglang sa himpapawid ang kanta ng diktadura - ang "Bagong Lipunan".

Nakakasuka, pag alam mo kung ano ang awiting iyon. Ideyolohikal, kanta ng panahon ng diktadura, noong panahong maraming paglabag sa karapatang pantao, maraming tinortyur, kinulong at iwinala na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita. Kumbaga, labanan din ito ng kultura. Kaya balikan natin ang isa pang awiting mas nararapat na kantahin ng ating mamamayan, ang "Lipunang Makatao". Lagi itong inaawit sa mga pagtitipon ng manggagawa't maralita. Lagi itong inaawit ng grupong Teatro Pabrika sa mga pagkilos, bagamat karaniwang ang salitang "kaibigan" ay pinapalitan nila ng "manggagawa". Lagi namin itong inaawit. Lagi ko itong inaawit.

Dalawang magkaibang kanta - Bagong Lipunan at Lipunang Makatao. Anong klaseng lipunan nga ba ang nais tukuyin ng magkatunggaling awiting ito? Magkaibang liriko ng awitin. Kanta upang disiplinahin ang mamamayan. Awit hinggil sa kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan ng mamamayan. Dalawang magkatunggaling awit. Labanan ng mga uri. Kapitalista laban sa manggagawa. Burgesya laban sa dukha. Trapo laban sa tinuturing na basahan. Mapagsamantala laban sa pinagsasamantalahan. Mapang-api laban sa inaapi.

Mas matindi rin ang "Lipunang Makatao" kaysa "Bayan Ko" na sinulat ni Jose Corazon de Jesus. Ang lipunan ay pandaigdigan, hindi lang pambayan. Dapat palitan ang sistema ng lipunan, hindi lang paalisin ang dayuhan. Dapat lumaya sa pagsasamantala, hindi lang paglaya sa kuko ng agila o dragon.

Ang awiting "Lipunang Makatao" ay titik ni Resty Domingo na nagwagi ng unang gantimpala sa isang patimpalak ng awit noong 1988. Awitin itong makabagbag-damdamin pag iyong naunawaan ang ibig sabihin ng awit. Talagang titindig ka para sa prinsipyo ng isang lipunang malaya at makatao, isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Bilang aktibistang makata, nais kong balikan, ituro, at ipabatid sa mga manggagawa't maralita ang awit na "Lipunang Makatao" bilang pangontra sa "Bagong Lipunan". Narito po ang liriko ng awit, na sinipi mula sa cover ng cassette tape album na pinamagatang "Haranang Bayan", na inihandog ng Teatro Pabrika sa pakikipagtulungan ng Philippine Educational Theater Association (PETA), na inilunsad noong mga unang bahagi ng 1990s.

Awit:
LIPUNANG MAKATAO

Solo:
Luha'y dumadaloy sa mugto mong mga mata
Larawan mo'y kalungkutan at kawalan ng pag-asa
Magagandang pangarap sa buhay mo'y di makita
Nabubuhay ka sa panahong mapagsamantala.

Koro:
Gumising ka, kaibigan, ang isip mo'y buksan
Dapat mong tuklasin ang tunay na kadahilanan
Bakit may naghihirap na gaya mo sa lipunan
At sa dako roo'y hanapin ang kasagutan.

Tama ka, kaibigan, sila nga ang dahilan
Ang mapagsamantalang uri sa lipunan
Likhang yaman natin, sila ang nangangamkam
Na dapat mapasaatin at sa buong sambayanan.

Koro:
Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya
Panahon nang wakasan ang pagsasamantala
Sa diwa ng layunin tayo'y magkaisa
Lipunang makatao'y itindig ng buong sigla
Buong Sigla.

(Instrumental)
(Acapela ng koro)
(Ulitin ang koro kasama ng instrumento)

Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya.

Huwebes, Mayo 12, 2022

Salin ng My Desiderata ni Ka Sonny Melencio

Ang Aking Ninanais (My Desiderata)
[Pasintabi kay Max Ehrmann (1872-1945)]
ni Ka Sonny Melencio

Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

* Desiderata - wikang latin sa "desired things"

Mapoot ka sa kabila ng ingay at pagmamadali, at tandaan anong kapayapaan mayroon sa pagtutol.

Hangga’t kakayanin, huwag susuko, makitungo ng maayos sa lahat ng inaapi.

Sabihin mo ng malakas at malinaw ang iyong katotohanan; at makinig sa masa, maging sa api at walang alam; sila’y may kanya-kanyang pakikibaka at kwento.

Iwasan ang maingay at agresibong trapo; nakakainis sila sa lahat. Kung ihahambing mo ang iyong sarili sa iba, ito’y upang matagpuan lamang ang pakikiisa sa kanila, dahil palaging may mas dakila’t mahusay na taong mababahaginan mo n mga pangarap at layunin.

Masiyahan sa iyong mga nakamit pati na rin sa iyong mga balakin. Panatilihing interesado sa kalagayan ng iba, gaano man kabigat at mahirap; tunay itong mapanghahawakan sa nagbabagong kapalaran ng panahon.

Mag-ingat sa iyong mga pampulitikang gawain, lalo’t puno ng panlilinlang at pandarambong sa daigdig. Ngunit hayaan itong nakahiwalay sa iyo sa kung anong makasariling katangian mayroon ito; nagsusumikap ang maraming tao para sa matataas na mithiin at prinsipyo, at saanpaman, ang buhay ay punong-puno ng pakikibaka at kabayanihan.

Maging tao ka sa iyong kapwa. Lalo na’t huwag magkunwang gumigiliw. Ni maging mapang-uyam sa pakikibaka; sapagka't sa harap ng lahat ng kapighatian at kawalang-kasiyahan, magiging kapara ng damo ang tagumpay.

Tanggapin mong mabuti ang payo ng mga mandirigma sa harap mo, isuko ang lahat ng walang kabuluhang bagay ng kabataan. Pangalagaan ang lakas ng iyong diwa upang malabanan ang anumang daratal na kasawian.

Datapwat huwag pahirapan ang iyong sarili sa madilim na akala. Maraming takot ang nagmula sa pagkapagod at pagkamakasarili.

Higit pa sa matinding disiplina, maging magalang sa iyong sarili at sa kapwa. Kayong lahat ay mga anak ng sansinukob, kung ihahambing sa mga puno at mga bituin; lahat kayo’y may karapatang maging naririto. Malinaw man ito sa iyo o hindi, ang lahat ng sangkatauhan at ang buong sansinukob ay dumaratal sa harap mo.

Kaya makiisa sa sambayanan, saan man sila matagpuan. At anuman ang iyong mga pinaghirapan at adhikain, sa mabigat na kaguluhan ng buhay, hanapin ang kapayapaan sa pakikibaka.

Linisin ito sa lahat ng kasamaan, pang-aapi, at karahasan, upang ito‘y maging magandang daigdig. Tumutol, makibaka, at maging masaya.

Mayo 2022
.
.
.
MY DESIDERATA
(Apology to Max Ehrmann)
by Ka Sonny Melencio

Go rage amid the noise and the haste, and remember what peace there is in resisting.

As far as possible, do not surrender, be on good terms with all the oppressed people.

Speak your truth loudly and clearly; and listen to the masses, even to the downtrodden and the ignorant; they all have their struggle and story.

Avoid loud and aggressive trapos; they are vexatious to everyone. If you compare yourself with others, it is only to find solidarity with them, for always there will be greater and better persons to share your dreams and goals.

Enjoy your achievements as well as your plans. Keep interested in others’ situation, however ardous and difficult; it is a real possession in the changing fortunes of time.

Exercise caution in your political affairs, for the world is full of trickery and thievery. But let this not bind you to what selfish virtue there is; many persons strive for high ideals and principles, and everywhere, life is full of struggle and heroism.

Be a human being for others. Especially do not feign affection. Neither be cynical about the struggle; for in the face of all adversity and disenchantment, victory will be as perennial as the grass.

Take kindly the counsel of fighters before you, surrender all trivial things of youth. Nurture your strength of spirit to combat sudden misfortune.

But do not distress yourself with dark imaginings. Many fears are born of fatigue and selfishness. 

Beyond a strong discipline, be gentle with yourself and with others. You are all children of the universe, no less than the trees and the stars; you all have a right to be here. And whether or not it is clear to you, all humanity and the entire universe are unfolding before you.

Therefore be in solidarity with the masses, wherever you face them to be. And whatever your labors and aspirations, in the grueling turmoil of life, find peace in the struggle. 

Cleanse it of all evil, oppression, and violence, so it will be a beautiful world. Resist, struggle, and be happy.

May 2022

Lunes, Abril 11, 2022

Panayam hinggil sa pagsasalin

PANAYAM HINGGIL SA PAGSASALIN

Pito silang mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) sa kursong Hospitality Management na nag-aaral hinggil sa Tourism ang aking nakasalamuha kaninang umaga, Abril 11, 2022. Layunin nilang kapanayamin ako hinggil sa gawaing pagsasalin o pag-translate ng English tungo sa wikang Filipino. 

Nagkita kami sa harapan ng PLM sa ganap na ikasampu ng umaga, at naghanap ng lugar kung saan kami magkakausap. Nais nilang sa isang kainan upang may mga upuan, hanggang makita namin ang isang plasa na may mga upuan, sa Memorare - Manila 1945, sa loob pa rin ng Intramuros. Sabi ko'y kabisado ko ang Intramuros dahil sa lugar na iyon ako nag-high school.

Isang tula ni Robert Frost ang may tatlong magkakaibang salin ang kanilang ipinabasa sa akin upang magbigay ako ng komento. Ang tula ay The Road Not Taken. Pinakita ko naman sa kanila ang sarili kong salin ng The Road Not Taken, pati ang pagkasalin ko ng ilang tula ng mga makatang sina Shakespeare, Petrarch, Poe, Marx, Nick Joaquin, Pablo Neruda, at iba pa. Subalit mas tumutok ang talakayan hinggil sa tatlong magkakaibang salin ng tula ni Robert Frost.

Maganda ang naging talakayan. Marami silang tanong na sinagot ko naman. Pinuna ko rin ang ilang maling pagkakasalin ng tula, tulad ng "both" na sa isang salin ay "isa", hindi kapwa o pareho. Nagbigay rin ako ng ilang payo sa gawaing pagsasalin, tulad ng kung tula iyon, basahing maigi dahil minsan ay literal tayong nagsasalin, subalit dapat unawain natin na magkakaiba tayo ng lengguwahe, ang wikang Ingles at Filipino. Naitanong din nila kung paano natin matitiyak na tama ang salin ng Ingles mula sa wikang Italyano, tulad ng salin ng tula ng Italyanong makatang si Petrarch sa Ingles na isinalin ko sa wikang Filipino. Kumbaga, ako ang pangatlong salin, subalit hindi mula sa orihinal na wikang Italyano kundi mula na sa salin din sa Ingles.

Itinuro ko rin sa kanila ang tugma't sukat sa wikang Filipino, kaya ang pagkakasalin ko ng The Road Not Taken ay tiniyak kong labing-anim na pantig bawat taludtod. Iyon ang hindi raw nila napansin, ang tugma't sukat, dahil marahil hindi pa naman nila napag-aralan iyon. Natutunan ko nga lang iyon sa isang espesyal na kurso labas sa eskwelahan, sa poetry clinic ni Rio Alma, sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo). Kaya ibinahagi ko ang ilang kaalaman sa pagsusulat ng may tugma't sukat at pagsasalin na ginagamit din ang tugma't sukat.

Sa ganang akin naman, personal kong pagninilay, muling nabuhay ang interes ko sa pagsasalin, at ang mga nabinbin kong proyektong salin ay nais kong ipagpatuloy. At mismong ako'y nakita kong dapat kong rebyuhin ang aking mga isinalin, dahil may nakita rin akong tingin ko'y maling salin, tulad ng wood, na di lang kahoy, kundi kakahuyan o kagubatan, depende sa iyong pagkaunawa sa mismong taludtod, o sa tula. 

Nakita rin nila ang sticker ni Ka Leody de Guzman na nakakabit sa aking folder ng mga tula, kaya sinabi nilang kilala nila si Ka Leody, kaya binigyan ko sila ng sticker nina Ka Leody at Atty. Luke Espiritu. Kilala rin daw nila si Atty. Luke, kaya nagpakuha rin kami ng picture sa tarp ni Ka Leody habang tangan naman nila ang sticker na Atty. Luke Espiritu.

Bago kami umalis ay ibinigay ko sa kanila ang kopya ng salin ko ng Invictus ni Hensley, salin ko ng limang haiku ng Japanese poet na si Matsuo Basho, at iba pa. At naghiwa-hiwalay na kami sa tapat ng aking alma mater, habang patungo naman sila sa isa pang taong nais din nilang kapanayamin, na nasa Sampaloc, Maynila.

Taospusong pasasalamat kina Aivee Jen, Elijah Christopher, Rea Jean, Camille, Sarah, Matthew James, at JM. Nawa'y makapasa kayo sa inyong kurso, maka-graduate with honors at maging ganap na manggagawa sa turismo. Dahil dito ay naigawa ko sila ng munting tula.

PASASALAMAT

sa inyo ako'y taospusong nagpapasalamat
kayong mga estudyante'y nakadaupangpalad
dahil napili ninyong imbitahan akong sukat
upang aral sa pagsasalin, aking mailahad

ang talakayan natin ay malusog at maganda
bagamat halos isang oras lang iyon kanina
kaysarap ng pagtatalakay sa inyo talaga
tila ako'y talagang guro, at guro ng masa

kayo'y inspirasyon upang ituloy ang gawain
ng pagsasalin ng pampanitikang babasahin
nawa nakapagbigay ako ng payo't gabay din
upang makapasa kayo sa kurso n'yo't aralin

at muli, ako'y nagpapasalamat ngang totoo
kung may tanong sa pagsalin o tula, handa ako
sinumang estudyante ang makatalakayan ko
ay buong puso kong sasagutin ang mga ito

- gregoriovbituinjr.
04.11.2022