Huwebes, Setyembre 14, 2023

Kwento - Pabahay ay Serbisyo, Huwag Gawing Negosyo


PABAHAY AY SERBISYO, HUWAG GAWING NEGOSYO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napag-usapan ng magkumpareng Igme at Inggo ang hinggil sa alok ng pamahalaan na pabahay. Sinabatas na kasi ni BBM sa kanyang Executive Order #34 na flagship project ng pamahalaan ang 4PH o Pambansang Pabahay Para sa Pilipino program nitong Hulyo 2023. Agad ding lumabas ang Operations Manual nito.

“Hindi naman pala para sa maralita ang 4PH kundi para sa mga may regular na trabahong may regular na sweldo.” Ito ang bungad ni Igme habang nagkakape sila ni Inggo sa karinderya ni Aling Isay.

“Aba’y nabasa mo na ba ‘yung sinasabing batas?” Tanong ni Inggo.

“Oo, napakaganda nga ng paliwanag dahil ginamit pa ang Saligang Batas, na nagsasabing dapat magkaroon ng disenteng pabahay sa abot kayang halaga ang mga underprivileged at homeless citizen sa mga lungsod at relokasyon. Pinaganda pa nga ang tawag sa mga iskwater - ISF o Informal Settler Families.” Ani Igme. “Subalit pagdating na sa Operations Manual, aba’y hindi pala kasali ang totoong ISF - na iskwater o yung mga underprivileged at homeless citizen. Parang pinaiikot lang nila ang ulo nating mga maralita.”

Napatingin tuloy sa kanila si Aling Isay, na agad sumabad sa usapan. “Matanong ko nga, paano mo naman nasabing hindi pangmaralita iyang bagong programa ng pamahalaan sa pabahay? Balita ko’y magtatayo raw ng parang kondominyum na pabahay para sa mga iskwater.”

“Ang totoo po niyan, Aling Isay, ang tinutukoy na benepisyaryo ng pabahay  sa Operations Manual ay tinatawag na buyer. Hindi na talaga mga iskwater, o yaong vendor, o dumidiskarte lang para mabuhay. Hindi tayo kasali, dahil dapat may regular kang trabahong may regular na sahod. Paano mo mababayaran ang isang libong pisong mahigit kada buwan na pabahay kung ang kinikita mo ay sapat lang para sa pang-araw-araw na pagkain ng pamilya mo? Ang nakasulat nga sa Operations Manual, ang prayoridad ay low-salaried ISF, employees and workers. Diyan pa lang ay makikitang hindi pangmaralita kundi pang may tiyak na buwanang sahod ang pabahay na iyan. Higit milyong pisong pa ang presyo ng maliit na espasyo sa itatayong ilang palapag na gusali.” Ang mahabang paliwanag ni Igme.

“Hindi pala talaga serbisyo sa maralita ang pabahay na iyan kundi negosyo. Hindi kataka-taka dahil dating contractor ng San Jose Builders iyang bagong kalihim ng DHSUD na si Alcuzar.” Pailing-iling si Aling Isay.

“Saan naman sila magtatayo ng pabahay? Baka naman itapon na naman tayo sa malalayong lugar na malayo sa ating mga trabaho? Aba’y talagang giyera-patani na naman iyan pag nagkataon.” Sabi ni Inggo.

Agad namang sumagot si Igme. “Maghahanap ng lupa ang lokal na pamahalaan upang pagtayuan ng pabahay. Ang problema pa, sila ang pipili ng mga benepisyaryo. Kaya kung political dynasty iyan, iyong mga kabig lang nila ang uunahin nila. Dehado na naman ang mga maralitang laging walang boses. Ano pa? Pag hindi ka agad nakabayad, papalitan ka agad-agad ng may kakayahang magbayad. Paano ang mga naihulog mo dati? Talo ang maralita sa negosyong 4PH. Binibilog nila ang ulo natin.”

“Kaya anong dapat nating gawin?” Tanong ni Inggo.

“Dumalo muna tayo sa patawag na pulong ni Ka Tek, ang pangulo ng samahan ng maralita dito sa lugar natin, upang mapag-usapan ang tungkol diyan. Mamayang ikaapat ng hapon, sa tapat ng barungbarong ni Igor, tatalakayin ang 4PH at ang gagawin nating pagkilos sa harap ng tanggapan ng DHSUD  sa susunod na Lunes.” Ani Igme. 

“Sasama ako sa pulong na iyan at makikinig. Pababantayan ko muna kay Bunso itong munti kong karinderya.” Ani Aling Isay.

Hapon. Pumunta sina Igme, Inggo, at Aling Isay sa tapat ng bahay ni Igor, habang naglabas naman ng mga bangko ang mga kapitbahay para sa pulong. Maya-maya, dumating na rin si Ka Tek, na naglabas naman ng manila paper upang pagsulatan. Nagkumustahan muna, saka tinalakay ni Ka Tek ang kanilang pagsusuri sa bagong programang pabahay na 4PH at inilatag ang planong pagkilos sa Lunes sa tanggapan ng DHSUD sa QC.

“Mga kasama, dahil negosyo at hindi serbisyo ang 4PH, ayon sa ating pinaliwanag kanina, may pagkilos tayo sa Lunes, kasama pa ang ibang maralitang dinemolis sa kani-kanilang lugar. Ito ang detalye, kitaan at oras. Dahil isyu naman nating maralita ito, kanya-kanyang pamasahe tayo. Wala kasi tayong pondo para pang-arkila ng sasakyan. Okay ba sa inyo? Ilan ang sasama?” Ani Ka Tek.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 1-15, 2023, pahina 18-19.

Lunes, Setyembre 4, 2023

20 Haiku hinggil sa typhoon Haikui

20 HAIKU HINGGIL SA TYPHOON HAIKUI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nananalasa ngayon sa bansa ang bansang Hanna, na ang international name ay Haikui. Sa una kong basa sa Ulat Panahon sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, ito'y Haiku, isang anyo ng pagtulang Hapones, na may pantigang 5-7-5. Subalit nang muli kong tingnan, Haikui pala, hindi typhoon Haiku. Gayunpaman, naisipan kong kumatha ng ilang haiku hinggil sa typhoon Haikui.

Ilang pantig ba ang Haikui? Ang pronunciation o pagkabigkas sa bagyong Haikui, ayon sa http://paladinofstorms.net/cyclone/typhoon.html ay Haikui "high-kway". Ibig sabihin, dalawang pantig. Subalit maaari ring tatlong pantig dahil sa titik k.

Kaya pinakinggan ko ang bigkas sa isang balita sa bidyo na https://www.youtube.com/watch?v=ezu0aAxSYsA na may pamagat na Haikui expected to become another typhoon threat - August 29, 2023, binasa ang Haikui na haykuwi. Tatlong pantig.

Dahil may titik k, kaya ipinagpalagay ko nang tatlong pantig pati ang naunang saliksik na "high-kway. Narito ang ilang haiku na kinatha ko hinggil sa bagyong Haikui.

1
bagyong Haikui
ay kaylakas na bagyo
mag-ingat tayo

2
ang ibong gala
sa bagyo'y basang-basa
tila tulala

3
ingat sa ihi
ng daga pag nagbaha
lestospirosis

4
dyip ay tumirik
at pasahero'y siksik
sa baha't trapik

5
di pala haiku
kundi bagyong Haikui
ang pagkasabi

6
pinagmamasdan
ko ang bahang lansangan
kaligaligan?

7
ang bagyong Hanna
na Haikui rin pala
nananalasa

8
dumapong ibon
sa kawad ng kuryente
sa bagyo'y ginaw

9
mapapakain
sana ang mga anak
kahit may unos

10
pag nadisgrasya
ka sa manhole na bukas
sinong sisihin?

11
sa botang butas
pag nilusong sa baha
ay, alipunga

12
papasok pa rin
sa trabaho, baha man
nang makabale

13
hawakang husay
iyang payong mong taglay
baka matangay

14
kaygandang dilag
ang kasabay sa baha
puso'y pumitlag

15
pulos basura
sa kalye'y naglipana
anod ng baha

16
bubong na butas
aba'y tagas ng tagas
sinong gagawa

17
kayraming plastik
na nagbara sa kanal
walang magawa?

18
basa ng dyaryo
o makinig ng radyo
kapag may bagyo

19
tagas na tubig
ay ipunin sa timba
pang-inidoro

20
kapag may unos
mabuti't may PAGASA
makapaghanda

09.04.2023

Martes, Agosto 29, 2023

Kwento - Rali ng maralitang taga-Malipay


RALI NG MARALITANG TAGA-MALIPAY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga sumama sa rali ng mga taga-Malipay sa isang araw nilang pag-iikot at pagpoprograma sa harap ng Senado, Kongreso at sa paanan ng Mendiola. Bunsod iyon ng nangyayari sa kanila na pagtanggal ng kuryente at ang buo nilang komunidad ay binakuran na ng pamilya ng isa sa makapangyarihan at mayamang angkan sa bansa.

“Dumudulog kami ngayon sa Senado upang mapaimbestigahan ang nagaganap sa aming lugar kung saan binakuran na ang aming pamayanan at tinanggalan pa kami ng kuryente kung saan wala na kaming ilaw sa gabi. Walang bentilador ang aming mga anak na kapag natutulog na’y nilalamok. Hindi na rin kami makapag-charge ng aming selpon dahilan upang hindi kami makontak ng aming mga kamag-anak.” Ito ang sabi ng isang lider-maralita habang tangan ang megaphone.

Binulungan din ako ni Ka Tek, ang bise-presidente ng aming samahan, “Pakinggan mo ang kanilang inilalahad. Talagang mula sa puso. Mula sa galit nila sa mga namamanginoon at nang-aagaw ng kanilang lupang tinitirahan.” Napatango na lang ako dahil totoo. Kita mong tahimik lang sila roon ngunit nanggagalaiti na sa galit bagamat nagpipigil.

Sigaw naman ng isang lider-maralita. “Karapatan sa paninirahan, ipaglaban!” At sinabayan din namin ang kanyang sigaw. “Karapatan sa paninirahan, ipaglaban! Karapatan sa paninirahan, ipaglaban”

Nagpa-receive din sila ng liham na humihiling na imbestigahan ng Senado ang nangyayari sa kanila. Subalit may agam-agam sapagkat isang Senador ang kalaban nila sa nasabing lupa at umano’y asawa ng isang talamak na land grabber. Sa isip-isip ko, hindi kaya harangin lang ang sulat? Gayunman, nagpatuloy sila sa pagkilos. Matapos iyon ay nagsilulan na kami sa mga sasakyan upang magtungo ng Mendiola.

Habang daan, napapag-usapan namin paano magpo-programa sa Mendiola, gayong alam naming di na pinapapasok sa makasaysayang tulay ng Mendiola ang sinumang nais magpahayag. 

Bukas ang Mendiola kung saan paroo’t parito ang mga sasakyan habang naglalakad naman papasok ang mga estudyante. Umakyat kami sa footbridge at pagdating sa paanan ng Mendiola ay agad nagladlad ng plakard, nagkapitbisig at nagprograma. Nais talaga ng mga maralita na matugunan ang kanilang problema, dahil buhay, gutom at kawalan ng tirahan ang kanilang kinakaharap. Para sa kanila, makasaysayan ang pagkilos na iyon. At naging bahagi kami ng nasabing kasaysayan.

Agad kaming hinarang ng mga pulis. Itinaboy sa labas ng paanan ng Mendiola. Mukhang napaganda pa ang pwesto, dahil sa mas maraming taong nagdaraan at nakasakay ang makakabasa ng aming mga plakard. At baka maunawaan nila ang aming mga ipinaglalaban.

Binigyan kami ng mga pulis ng labinglimang minuto para sa apat na tagapagsalita. Naglahad doon ng kanilang damdamin ang mga taga-Malipay. Habang ang mga kasama ay matatag na nagkakapitbisig.

Katanghaliang tapat na iyon. Matapos ang pagkilos sa Mendiola ay nagsikain muna kami. May baon ang ilan, habang kami’y kumain sa karinderyang malapit doon. Alauna na ng hapon nang lumarga kami.

Nang papunta na kami ng Kongreso ay nadaanan namin ang Commission on Human Rights o CHR. Bakit kaya hindi namin binigyan ng liham iyon? Sa isip-isip ko, baka dahil hindi na kaya sa buong maghapon ang lakarin. Matapos ang Kongreso ay pupunta pa sa Energy Regulatory Commission para hilinging ibalik ang kanilang kuryente.

Dumating kami sa panulukan ng Commonwealth Ave. at Batasan Ave. sa ganap na ikalawa ng hapon. Doon ay hinintay pa namin ang ibang kasamang umano’y nahuli ang sinasakyan. Pasado ikatlo ng hapon ay lumarga na kami. Mga limang sasakyan na lamang kami.

Sa South Gate ng Kongreso ay nagprograma agad kami habang sa North Gate naman nagtungo ang ilang kasama upang magpa-receive ng sulat. Sana nga ay maimbestigahan na, in aid of legislation, masulat ng midya, o kaya’y talagang maresolba na ang kanilang problema.

Hindi madali ang kanilang laban. Wala namang madaling laban. Ngunit ang ipinakita nilang pakikibaka sa ligal na paraan, pagtungo sa Senado, Malakanyang at Kongreso, ay nagbibigay inspirasyon sa iba pa na matutong ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa paninirahan at mapahalagahan ang karapatan ng bawat tao.

Hindi na kami pumunta ng ERC dahil mag-aalas-singko na. Hindi na kami aabot. Gayunman, sana’y maipanalo nila ang kanilang laban.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2023, pahina 18-19.

Biyernes, Agosto 25, 2023

Maling impormasyon sa aklat na "Filipino Food"


MALING IMPORMASYON SA AKLAT NA "FILIPINO FOOD"
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabili ko ang aklat na What Kids Should Know About Filipino Food, Second Edition, sa Fully Booked Gateway, Cubao, QC nito lang Abril 17, 2023. Sinulat ito ni Felice Prudente Sta. Maria, at may mga dibuho ni Mika Bacani. Batay sa pamagat, ang aklat na ito'y para sa mga tsikiting, sa mga bata, nag-aaral man o hindi. Inilathala ito ng Adarna House noong 2016.

Ano nga bang makukuhang aral dito ng ating mga tsikiting kundi tungkol sa pagkaing Pinoy? Mabatid ang iba't ibang pinagmulan at anu-ano ang mga pagkaing Pinoy mula sa iba't ibang dako ng bansa.

Subalit may nakita akong mali sa isang entri. Opo, maling impormasyon. Marahil may iba pang mali subalit hindi natin alam pa. Nakasulat sa pahina 45, sa ilalim ng talaan ng Calabarzon na mula sa Quezon province ang bagoong Balayan. Alam ko agad na mali dahil taga-Balayan, Batangas ang aking ama, at paborito kong sawsawan ang bagoong Balayan.

Sa talata ng Batangas, ito ang nakasulat: Batangas adds adobong dilaw, bulalo, maliputo, sinigang na tulingan, and tawilis.

Sa talata ng Quezon ay ito naman: Quezon brings bagoong Balayan, barako coffee, lambanog, pansit habhab, patupad rice cake, paksiw na bituka ng kalabaw, hand-size oval tamales, and sinaing na tulingan.

Sa Batangas ay kilala rin ang barako coffee at sinaing na tulingan. Subalit hindi sa Quezon mula ang bagoong Balayan, kundi sa Balayan, Batangas.

Marahil, ininebenta rin ang produktong bagoong Balayan sa ilang bayan sa Quezon at patok ito roon. Kaya ipinagpalagay ng awtor na ang bagoong Balayan ay mula sa lalawigan ng Quezon, subalit kung nagsaliksik lamang siya, at marahil ang nag-edit ng kanyang aklat, makikitang mali ang entri na iyon sa aklat. Na ang bagoong Balayan pala ay produktong galing sa Balayan, Batangas.

Marahil sa Ikatlong Edisyon ng nasabing aklat ay maiwasto na ang maling entri.

Ginawan ko ng tula ang usaping ito:

KAMALIAN SA LIBRONG "FILIPINO FOOD"

sa aklat na Filipino Food ay may kamalian
mula raw sa Quezon province ang bagoong Balayan
mali po ito't dapat itama, batid ko iyan
pagkat ama ko'y Balayan, Batangas ang minulan

aklat itong nagbibigay ng maling impormasyon
sa mga batang baka nagbabasa nito ngayon
ano bang dapat gawin upang maitama iyon
sikat na Adarna House pa ang naglathala niyon

marahil nang minsang nagpa-Quezon ang manunulat
ay doon nga natikman ang bagoong na maalat
habang kumakain at nagsasaliksik ngang sukat
sa kwadernong dala'y agad niya iyong sinulat

subalit dapat nilaliman ang pananaliksik
lalo't sa impormasyon ang libro'y siksik at hitik
di napansin ng editor? o di na lang umimik?
aba, ito po'y iwasto nang walang tumpik-tumpik

08.25.2023

Martes, Agosto 22, 2023

Ang Panuntukan o Pinoy Boxing

ANG PANUNTUKAN O PINOY BOXING
Saliksik, sanaysay, at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang katutubong anyo ng boksing umano ng Pinoy ay tinatawag na "panuntukan". Tiyak na mula ito sa salitang "suntok" na nilagyan ng unlaping "pan" at hulaping "an". Mula sa "pansuntukan' ay uminog ito sa "panuntukan". Hmmm, magandang salita, na maaari nating masabing wastong salin ng boxing sa wikang Filipino.

Malaki umano ang impluwensya ng panuntukan sa Western boxing. Ayon sa isang guro ng eskrima at dating amateur na kampyong boksingero na si Luckly Lucaylucay: "The English style of boxing would almost always lose to the Filipino style," at idinagdag pa niya, "It was just vastly sophisticated." Ang apelyido niyang Lucaylucay ay Pinoy, na sa pananaliksik natin sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 719, ay ganito ang nakasulat: lukay-lukayan [Sinaunang Tagalog]: tanikalang ginto.

Sa kanyang tinuran, aba'y ganoon pala katindi ang panuntukan ng Pinoy. Narito ang isang talatang sinulat ni Perry Gil S. Mallari kung saan binabanggit ang panuntukan, na nalathala sa magasing Rapid Journal, Vol. 6, No. 2, (Book 20, Taon 2001), pahina 45:

Filipino Martial Arts Influence

The Filipino martial arts and Western boxing crossed their paths in the island of Hawaii during the 1920s. Hawaii then, was a volatile territory and a great melting pot of cultures and martial arts. Filipinos in Hawaii during that time practiced their own indigenous form of boxing called panuntukan, whose movements are derived from knife fighting. In an interview conducted by Lilia Inosanto Howe, escrima master and former boxing amateur champion, Luckly Lucaylucay recounted how the Filipino method performed against the established form of Western boxing of that period: "The English style of boxing would almost always lose to the Filipino style," says Lucaylucay, "It was just vastly sophisticated." Thus, after experiencing the efficacy of the Filipino strategy, visiting serviceman and boxers adapted the panuntukan concept. Some believe that the Filipino ingredient aided the transition of boxing's body mechanics from a rigid straight-forward structure to a more fluid and alive form.

Narito naman ang malayang salin ko ng nabanggit na talata:

Impluwensya ng Filipino Martial Arts

Nagkurus ang landas ng Filipino martial arts at Western boxing sa isla ng Hawaii noong 1920s. Ang Hawaii noon, ay hindi pa matatag na teritoryo at lugar na malawak ang paghahalu-halo ng mga kultura at sining-paglaban o martial arts. Ang mga Pilipino sa Hawaii noong panahong iyon ay nagpapraktis ng kanilang sariling katutubong anyo ng boksing na tinatawag na panuntukan, na ang mga galaw ay hango sa pakikipaglaban gamit ang kampit o kutsilyo. Sa isang panayam na isinagawa ni Lilia Inosanto Howe sa escrima master at dating boxing amateur champion na si Luckly Lucaylucay, ikinwento nito kung paano isinasagawa ang pamamaraang Pilipino laban sa matatag na anyo ng Kanluraning boksing noong panahong iyon: "Ang istilong Ingles ng boksing ay halos palaging natatalo sa istilong Pilipino. ," sabi ni Lucaylucay, "Ito ay napaka-sopistikado." Kaya naman, matapos maranasan ang bisa ng istratehiyang Pinoy, niyakap na ng mga dumadalaw na kawal at boksingero ang konsepto ng panuntukan. Naniniwala ang ilan na ang sangkap na Pilipino ay tumulong sa paglipat ng mekanika ng katawan ng boksing mula sa isang matibay na tuwid na istraktura patungo sa isang mas magalaw at buhay na anyo.

Sinubukan kong ilapat sa tula ang naturang saliksik:

PANUNTUKAN

isa palang anyo ng taal na sining-paglaban
ang noon pa ma'y tinatawag nilang panuntukan
ginamit noon sa Hawaii ng mga kababayan
marahil ay salin ng boxing sa kasalukuyan

di nga raw manalo ang kanluraning boksing dito
sa estratehiya't galawan ng ating kamao
na mula sa sining-tanggol na gamit ang kutsilyo
mapapahanga ka sa dagdag-kasaysayang ito

mula salitang ugat ng panuntukan na suntok
kung paanong wikang ugat ng panuluka'y sulok
habang historya'y binasa, kayraming naaarok
panuntukan kaya'y ilan ang noon inilugmok?

salamat sa kasaysayang dapat ipamahagi
taal na salitang buhay pa't dapat manatili
sining na patunay na di tayo basta pagapi
sa sinumang sa atin ay basta mang-aaglahi

08.22.2023

Biyernes, Agosto 18, 2023

Salin ng demystify

SALIN NG DEMYSTIFY
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Wala akong makitang eksaktong salin ng demystify sa wikang Filipino. Wala nito sa UP Diksiyunaryong Filipino, o maging sa English-Tagalog Dictionary ni Leo James English.

Hinanap ko rin sa internet ang eksaktong salin ng demystify, wala rin. Kaya hinanap ko ang etymology o pinagmulan ng salitang demystify. Ayon sa wiktionary.org, ang pinagmulan o etymology ng demystify ay "From French démystifier, or de- +‎ mystify" na ang kahulugan ay "To remove the mystery from something; to explain or clarify."

Gayundin naman, napadako ako sa antonym ng demystify. Nakita ko ang mystify.

Ayon sa English-Tagalog Dictionary ni Leo James English, p. 645, ang mystify ay verb: to bewilder purposely; puzzle; perplex: Magpataka, papagtakhin. The magician's tricks mystified the audience: Nakapagtataka sa mga tao ang mga dayâ (panlilinlang) ng salamangkero.

to bewilder purposely, ibig sabihin, may layunin na pagtakahin o magtaka tayo

Sa English-Pilipino Dictionary nina Consuelo Torres Panganiban at Jose Villa Panganiban, pahina 155, ang kahulugan ng mystify ay verb: mistipikahin (papagtakhin).

Kung mystify ay may layuning magtaka tayo, ang demystify ay may layuning huwag tayong magtaka. Ibig sabihin, may layuning magpaliwanag. May paliwanag.

Wala namang mystify sa UP Diksiyonaryong Filipino, sa pahina 805, na dapat nasa gitna ng mga salitang mysticism at mystique.

Kaya sa artikulong "Demystifying Contractualization: Why Manpower Agencies are Useless?" ni Atty. Luke Espiritu, na inilathala niya sa socmed noong Mayo 24, 2018, ito ay isasalin ko nang "Pagpapaliwanag sa Kontraktwalisasyon: Bakit Walang Saysay ang mga Ahensyang Kumukuha ng Trabahador?"

Isa pa iyan, ang manpower agencies ay isinalin ko sa "mga ahensyang kumukuha ng trabahador".

Lahat ng ito ay malayang salin, na ang pangunahing layunin ay mas maunawaan ng karaniwang masa ang buong artikulo.

Isa sa pinagkaaabalahan kong proyektuhin ang malayang salin ng buong artikulong "Demystifying Contractualization: Why Manpower Agencies are Useless?" ni Atty. Luke Espiritu, upang mas maunawaan pa ng masa ang isyung ito ng kontraktwalisasyon. At mailathala ang salin nito sa limang papel na talikuran at i-staple ko sa gitna, upang ipamahagi sa higit na nakararaming manggagawa.

Bahagi rin ito ng pagsisikap nating maitaguyod ang wikang Filipino, lalo na ngayong Agosto, ang Buwan ng Wika, upang mas higit pa tayong magkaunawaan.

08.18.2023

Lunes, Agosto 14, 2023

Kwento - Anak, pag-aralan mo rin ang lipunan


ANAK, PAG-ARALAN MO RIN ANG LIPUNAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kinagabihang umuwi ang anak mula sa paaralan, naikwento nito sa kanyang ama na tinanggal na pala sa kolehiyo ang pagtuturo ng wikang Filipino at Kasaysayan.

“Itay, bakit nangyari iyon? Wala na bang saysay ang mga paksang iyan sa atin? Ang mga iyan pa naman ang paborito kong subject.”

Humihigop noon ng kape habang nagbabasa ng pahayagan ang kanyang ama nang kanyang kausapin. Napatingin sa kanya ang ama, napakunot ang noo, at marahang ibinaba sa hapag-kainan ang tasa ng ininom na barakong kape. Saka sa kanya bumaling ng tingin.

“Ang inyong edukasyon kasi, anak, sa ngayon ay nakabalangkas na sa kapitalistang globalisasyon, kung saan dapat ang mga gradweyt ay manilbihan sa mga mayayamang bansa. Kaya sa inyong K-12 noon, pulos mga pagsasanay na bokasyunal at teknikal ang tinututukan. Dahil iyon ang kailangan sa ibang bansa. Kaya hindi nakapagtatakang tanggalin ang mga subject na Filipino at Kasaysayan dahil wala naman daw iyang paggagamitan pag nagtrabaho na kayo sa ibang bansa. May tinatawag nga kami noon na brain drain, dahil ang mga magagaling nating gradweyt ay kinukuha at binabayaran ng malaking sahod ng mga banyaga upang magtrabaho sa kanilang bansa, kaya tayo nawawalan ng magagaling na magsisilbi sana sa ating bayan.”

“Paano na ang mga tulad ko, Itay? Nais kong maging guro upang makapagturo pagkagradweyt ko. At nais kong ituro ang wikang Filipino, Kultura, Panitikang Bayan, at lalo na ang Kasaysayan. Kung tinanggal na iyan, di ko na maituturo iyan sa kolehiyo. Magiging batayang paksa na lang sila sa elementarya. Malamang ay mga estudyante sa elementarya ang turuan ko. Para bagang hanggang doon na lang ang mga subject na iyon. Wala na bang halaga sa pamahalaan na matutunan ng mga mag-aaral ang wika at kasaysayan? Lalo na ngayong buwan ng Agosto, na Buwan ng Wikang Pambansa, at Buwan din ng Kasaysayan.”

“Alam mo, anak, may mga pag-aaral ding hindi mo makukuha sa apat na sulok ng paaralan, dahil ayaw itong ituro ng mga kapitalistang edukador. Tulad halimbawa ng kung ano ang totoong ugat ng kahirapan, na hindi naman kamangmangan, kapalaran, populasyon o katamaran. Iyon naman ang tinuturo namin sa aming mga kasama sa pabrika, sa unyon, pati sa mga komunidad. Palagay ko, anak, aralin mo rin iyon.”

Napatitig ang anak sa ama, “Ano naman ang halaga niyan sa aming mga estudyante? Eh, hindi naman iyan subject sa eskwelahan?”

“Ang tanong mo kasi, anak, ay kung bakit tinanggal ang wikang Filipino at Kasaysayan sa kolehiyo. Aba’y iIlang taon nang nangyayari iyan. May kaugnayan din ang pag-aaral mo ng lipunan sa kung bakit nawala na ang mga paborito mong subject. Sa globalisadong mundo kasi, balewala na sa merkado ang kung anu-anong hindi naman nila magagamit upang umunlad ang kanilang mga korporasyon. Kaya nagkaroon kayo ng K-12 upang mas ang pag-aralan na ninyo ay ang mga bukasyunal at teknikal, at hindi na ang hinggil sa usaping pambansa, tulad ng Kasaysayan at Wika.”

“Ah, eh, salamat, Itay, sa mga paliwanag, pag-iisipan ko po iyan.”

“Ang tanging maipapayo ko sa iyo, anak, pag-aralan mo ang lipunan. Aralin mo ang kasaysayan ng mga nagdaang lipunan at itanong sa sarili bakit ba may mayamang iilan habang laksa-laksa ang naghihirap sa ating bayan, kundi man sa buong daigdigan. Bakit may mga korporasyon at bakit kailangang magtayo ng samahan ang mga manggagawa? Bakit tinanggal ng mga kapitalistang edukador ang mahahalagang subject? Bakit ba laging taas ng taas taun-taon ang tuition fee? Na bukod sa pahirap sa mag-aaral ay pahirap din sa mga magulang na iginagapang sa hirap ang mga anak makapag-aral lamang. Yayain mo ang mga kapwa mo estudyante at nang kaming mga manggagawa ay makapagbigay sa kanila ng pag-aaral - talakayan  hinggil sa lipunan.”

“Sige po, Itay. Maraming salamat po sa payo ninyo. At sasabihan ko na rin ang mga kaklase ko para maisama ko sila sa talakayan. Baka sa labas na, Itay, hindi sa loob ng paaralan. Baka masita kami.”

“Salamat, anak, at ako’y iyong naunawaan. Malawak naman ang ating bakuran para pagdausan ng pag-aaral, maaari na roon. Ayusin mo lamang ang iskedyul kung kailan, at nang maisaayos ko rin ang aking iskedyul, at nang mapaghandaan din ang pag-aaral na ibibigay.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2023, pahina 18-19.