Biyernes, Oktubre 11, 2013

Ang Limang Pandaigdigang Deklarasyon sa Kababaihan


ANG LIMANG PANDAIGDIGANG DEKLARASYON SA KABABAIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Pilipinas, ang kadalasang malakihang raling nagaganap taun-taon ay tuwing Marso 8 (Pandaigdigang Araw ng Kababaihan), Mayo 1 (Pandaigdigang Araw ng Paggawa), SONA (State of the Nation Address) tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo, at ang Nobyembre 30 (Kaarawan ng bayaning si Gat Andres Bonifacio). Sa dalawang pandaigdigang araw na nabanggit, wala ang Mayo Uno bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa kalendaryo ng Nagkakaisang Bansa (United Nations). Bakit kaya? 

Gayunman, nakatala roon ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. At hindi lamang isang deklarasyon hinggil sa kababaihan ang nasa kalendaryo ng UN, may iba pa. At ito'y ang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda (International Widows' Day) tuwing Hunyo 23, ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan sa Kanayunan (International Day of Rural Women) tuwing Oktubre 15, ang Pandaigdigang Araw para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (International Day for the Elimination of Violence Against Women) tuwing Nobyembre 15, at ang pinakabago'y ang Pandaigdigang Araw para sa Batang Babae (International Day for the Girl Child) tuwing Oktubre 11.

Napakahalaga ng mga deklarasyong ito hinggil sa kababaihan, dahil halos kalahati ng populasyon ng mundo ay pawang mga babae. Pinahahalagahan natin ang mga babae dahil bawat isa sa ating narito sa kasalukuyan, maging ang ating mga ninuno, ay nanggaling sa tiyan ng bawat ina, babae.

Isa-isahin natin ang kasaysayan o pinanggalingan ng pagdedeklara ng araw na ito.

Marso 8

Mga sosyalista ang nagpasimula ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan (International Women's Day). Gayunman, sari-sari ang mga petsa bago naitalaga ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Noong 1909, ang unang Pambansang Araw ng Kababaihan ay pinagdiwang sa Estados Unidos sa petsang Pebrero 28. Itinalaga ang petsang ito ng Sosyalistang Partido ng Amerika bilang parangal sa welga ng kababaihang mananahi sa Nuweba York, kung saan nagprotesta ang mga kababaihan laban sa hindi magandang kalagayan sa pabrika. Noong 1910, sa pulong ng Pandaigdigang Sosyalista (Socialist International) na dinaluhan ng mahigit 100 kababaihan mula sa 17 bansa, idineklara nila ang isang Araw ng mga Kababaihan na pandaigdigan ang sakop, bilang parangal sa mga kilusan para sa karapatan ng kababaihan at upang makamit ang karapatan ng kababaihang maghalal at mahalal. Ginamit din ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan bilang mekanismo upang iprotesta ang Unang Daigdigang Digmaan (WWI). At noong Marso 8 ng 1917 sa Rusya, nagprotesta't nag-aklas ang mga kababaihan para sa "Pagkain at Kapayapaan" na tumapat sa Marso 8 sa kalendaryong Gregorian, bagamat ginagamit ng Rusya sa panahong iyon ay kalendaryong Julian na tumapat sa Pebrero. Noong 1975, na siyang Pandaigdigang Taon ng Kababaihan (International Women's Year), sinimulan nang ipagdiwang ng UN ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan tuwing Marso 8. 

Hunyo 23 

Ayon sa tala ng UN, libu-libong kababaihan ang mga nakaligtas sa dyenosidyo sa bansang Rwanda noong 1994 (1994 Rwandan genocide), mga kababaihang pawang namatayan ng asawa dahil sa digmaan. Lahat ay matinding natigatig, marami ang nagahasa, ang ilan ay nagkaroon ng HIV at marami sa kanila ang nakasaksi sa pagpatay sa kanilang pamilya. Mula 1994, nakikibaka na ang mga babaeng ito at ang mga organisasyong tumutulong sa kanila upang mabago ang pakikitungo sa mga kababaihan sa Rwanda, itinaguyod ang pagkakaroon ng madaliang pagkakaroon ng serbisyong medikal, pinansyal at pagpapayo, pati na rin pagbabago sa mga batas hinggil sa pag-aari, kasal, at karapatan sa mana ng kababaihan. Mula sa mga pangyayaring ito, idineklara ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa o PKNB (UN General Assembly) nitong Disyembre 21, 2010, sa pamamagitan ng Resolusyon Bilang 61/189, ang Hunyo 23 ng bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda (International Widows' Day). Ayon kay UN Sec Gen. Ban Ki-moon,"Walang babaeng dapat mawalan ng karapatan pag namatay ang kanyang asawa - ngunit tinatayang 115 milyong balo o biyuda ang nabubuhay sa karalitaan, at 81 milyon naman ang pisikal na naaabuso. Maaaring mangyari rin ito sa mga babaeng may asawang mas matatandang lalaki. Gamitin natin ang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda upang itaguyod ang karapatan ng lahat ng mga balo o biyuda upang gumaan ang kanilang buhay at mapagtanto nila ang kanilang malaking kakayahang makapag-ambag pa sa ating daigdig.

Oktubre 11

Nitong Disyembre 19, 2011, sa ika-89 na pulong plenaryo ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa (UN General Assembly) ay pinagtibay ang resolusyon Bilang 66/170 na nagdedeklarang ang Oktubre 11 ng bawat taon ay Pandaigdigang Araw ng Batang Babae (International Day of the Girl Child). Ito'y bilang pagkilala sa karapatan ng mga batang babae at sa mga panibagong hamon na kanilang kakaharapin, pagtataguyod ng kakayahan ng mga batang babae, at pagtiyak na ang kanilang karapatan ay tunay na nasasaalang-alang. Kinikilala ng UN na may mga diskriminasyon pa ring nangyayari sa mga batang babae sa maraming panig ng mundo. 

Bagamat ang karapatan ng mga batang babae ay nakapaloob na sa Convention on the Rights of the Child, at sa paglaki nila'y sa iba pang pandaigdigang deklarasyon ng kababaihan, hindi sila hiwalay o hindi dapat inihihiwalay sa karapatan ng kababaihan sa kabuuan, ngunit binibigyang diin lamang o pokus ang mga batang babae sa deklarasyong ito, lalo na sa aspekto ng edukasyon, at karapatan ng mga bata. 

Oktubre 15

Noong Disyembre 18, 2007, sa pamamagitan ng Resolusyon 62/136, pinagtibay ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa (UN GA) ang pagtatalaga sa Oktubre 15 bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Kanayunan (International Day of Rural Women). Ito'y bilang pagkilala sa matinding papel at ambag ng mga kababaihan sa kanayunan, kasama na ang mga lumad o katutubo, sa paglilinang ng kaunlaran sa agrikultura at nayon, pagpapaunlad ng seguridad sa pagkain, at pagpawi ng kahirapan sa kanayunan. Ang tema ng ika-57 sesyon ng Komisyon sa Kalagayan ng Kababaihan (nitong Marso 4-15, 2013) ay: "Pagpawi at pagpigil sa lahat ng uri ng karahasan laban sa mga kababaihan at batang babae."

Nobyembre 25

Noong 1960, pinaslang ng diktadurya ni Rafael Trijillo ang tatlong magkakapatid na babaeng sina Patria Mercedes Mirabal (Pebrero 27, 1924-Nobyembre 25, 1960), María Argentina Minerva Mirabal (Marso 12, 1926-Nobyembre 25, 1960), at Antonia María Teresa Mirabal (Ocktubre 15, 1935-Nobyembre 25, 1960). Ang natira na lamang sa magkapatid ay si Bélgica Adela "Dedé" Mirabal-Reyes (isinilang - Marso 1, 1925). Mula 1981, idineklara na ng mga kababaihang aktibista ang Nobyembre 25 bilang araw laban sa karahasan. Noong Disyembre 20, 1993, pinagtibay ng PKNB ang Resolusyon Blg. 48/104 na siyang Pahayag para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (Declaration on the Elimination of Violence against Women).Naging ganap itong pandaigdigang araw noong Disyembre 17, 1999 sa pamamagitan ng Resolusyon 54/134 ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa nang ideklara nito ang Nobyembre 25 ng bawat taon bilang Pandaigdigang Araw para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (International Day for the Elimination of Violence against Women).

Ilang pagninilay

Bagamat halos lahat ng deklaradong pandaigdigang araw sa UN ay pangkalahatan, babae man o lalaki, ang mga pandaigdigang araw para sa kababaihan ay hindi lamang para sa mga babae, kundi para rin sa kalalakihan, upang magkaunawaan ang bawat isa. Binigyang diin lamang dito ang pagtataguyod sa karapatan ng kasariang sa matagal na panahon ng pagsulong ng lipunan ay napabayaan at halos hindi natatamasa ang kanilang karapatan.

Sa palagay ko, dapat isama rin ang Mother's Day sa mga pandaigdigang deklarasyon, pagkat wala pa ito sa talaan ng United Nations. Gayunman, bagamat ito'y hindi pa nakaukit sa pandaigdigang deklarasyon, tiyak na nakaukit ito sa puso ng bawat isang nagmamahal sa ating mga ina.

Sa Pilipinas ngayon, mas kilala ng kababaihan ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan dahil taon-taon itong ginagawa. Kita ito sa malalaking rali ng kababaihan sa araw na ito. Bago lamang ang ilan pang deklarasyon. Bagamat nasimulan na rin sa Pilipinas ang pagkilala sa Nobyembre 25 ay bihira pa rin ang nakakaalam ng araw na ito. Gayunman, nasimulan na rin ilang taon na ang nakararaan ang mga malawakang pagkilos ng kababaihan pag sumasapit ang Nobyembre patungong Mendiola, sa lugar ng makasaysayang protesta. 

Bagamat bago pa lamang ang deklarasyon ng Oktubre 11 para sa mga batang babae, Oktubre 15 para sa mga babae sa kanayunan, at Hunyo 23 para sa mga biyuda, dapat bigyan din ang mga petsang ito ng kapantay na halaga, tulad ng Marso 8 at Nobyembre 25. Kailangan din itong gunitain bilang pagkilala sa mga babae, anuman ang katayuan nito sa buhay, bilang pantay ng lahat ng tao sa karapatan at hindi dapat nakakaranas ng karahasan. Kailangan pa ang mga deklarasyong ito sa ngayon habang marami pang nagaganap na karahasan sa kababaihan bilang paalala sa bawat isa ang paggalang sa karapatang pantao.

Ang mga pandaigdigang araw na ito ng mga kababaihan ay hindi lamang dapat kababaihan ang gumunita at magsikilos, kundi kaming mga kalalakihan din. Pagkat ang bawat karapatan ay dapat tamasahin ng lahat ng tao, anuman ang kanyang kasarian upang matiyak nating ang daigdig na ito'y may paggalang sa bawat isa, iginagalang ang dignidad at pagkatao ng bawat isa, at hindi dinarahas, hindi niyuyurakan, o binabalewala ninuman. Higit sa lahat, ang bawat isa'y nagpapakatao, nakikipagkapwa-tao at iginagalang ang dangal at pagkatao ng bawat isa.

Miyerkules, Oktubre 2, 2013

Paunang Salita sa aklat na BONIFACIO 150

Paunang Salita
ni Gregorio V. Bituin Jr.

BONIFACIO 150

Ani Gat Andres Bonifacio, "Dapat naman ninyong mabatid na ang kadahilanan ng ating paggugugol ng lalong mahalaga sa loob at sampu ng ingat na buhay ay nang upang tamuhin at kamtan yaong nilalayong Kalayaan ng ating Bayang tinubuan na siyang magbibigay ng buong kaginhawahan at magbabangon ng ating kapurihan na inilugmok ng kaalipinan sa hukay ng kadustaang walang makatulad." (mula sa ikaapat na talata ng kanyang maikling akdang Mararahas na mga Anak ng Bayan)

Ang mga akda, sakripisyo, buhay, at karanasan ni Gat Andres Bonifacio ay mga aral na dapat nating balikan bilang pagpupugay sa kasaysayan at dangal ng bayan. At sa pagdatal ng ika-150 kaarawan ni Bonifacio sa Nobyembre 30, 2013, ay ating gunitain at ipagdiwang ang pagkakaroon ng isang Andres Bonifacio sa kasaysayan.

Mga kapatid, ang kasalukuyang panahon ay hindi naiiba sa panahon nina Bonifacio. Bagamat maraming nagbago dahil sa teknolohiya ay wala pa rin talagang nagbago, pagkat nagpapatuloy pa rin ang kahirapan, kagutuman, at kaalipinan.

Kaya kinakailangan pa rin nating kumilos at huwag manahimik na lang sa nakikita nating kaaba-abang kalagayan ng ating mga kababayan at laganap na katiwalian at pagsasamantala sa ating lipunan.

Sinikap ng inyong lingkod na sulatin at tipunin ang mga akdang ito bilang handog sa ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio. Ang kanyang halimbawa ay ating balikan at pag-aralan, at gawin nating inspirasyon ang kanyang kabayanihan tungo sa paglilingkod sa kapwa at sa pagpapalaya at pagtatamo ng ginhawa ng mga naninirahan sa bansang itong tangi nating lupang tinubuan.

Mabuhay ang ika-150 kaarawan ng Supremo! Mabuhay si Gat Andres Bonifacio

Martes, Setyembre 24, 2013

Ang Nalalapit na Halalang Pambarangay

ANG NALALAPIT NA HALALANG PAMBARANGAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Ang akdang ito ay para sa pahayagang Ang Masa, Setyembre 2013)

Ang barangay ang batayang yunit pampulitika sa bansa. Sa mga munisipyo at bayan, ito ang nayon o baryo, at sa wikang Ingles, ito ang village. Sa mga lugar tulad ng Maynila, hinati ang mga barangay batay sa dami ng tao sa tukoy na metro-kuwadrado, at pinangalanan ang barangay batay sa numero. Halimbawa, Barangay 45 sa Tondo, Maynila (populasyon = 2,360) at Barangay 357 sa Santa Cruz, Maynila (populasyon = 859), at sa Caloocan naman ay Brgy. 176 (Bagong Silang) na siyang pinakamalaking barangay sa bansa [populasyon = 243,890). Sa mga lungsod, may maliliit at malalaking barangay. Halimbawa, ang Baguio City ay binubuo ng 129 barangay, ang Batangas City ay may 105 barangay, Cebu City ay 80 barangay, Bacolod City ay 61 barangay, at Zamboanga City ay 98 barangay. May kabuuang 1,705 barangay sa National Capital Region (NCR) at 42,027 barangay sa buong kapuluan.

Ang halalang pambarangay ay idaraos sa Oktubre 28 ng kasalukuyang taon. Ang hinahalal na pamunuan ng barangay ay walo - isang kapitan at pitong kagawad. Kaya sa NCR ay may 1,705 na kapitan ng barangay at 11,935 na kagawad. Sa buong bansa naman ay may 42,027 kapitan ng barangay at 294,189 kagawad. Ito'y malaking bilang ng mga namumuno at may kakayahang mamuno. Ngunit paano ba sila namumuno, at anong mga pagbabago ang kailangan upang tunay silang makapaglingkod sa taumbayan? Kabilang ba sa dinastiyang pulitikal ang mayorya sa kanila? Ayon sa Local Government Code, Seksyon 384, ang papel ng barangay sa pangunahin ay pagpaplano at pagpapatupad ng mga polisiya, plano, programa, proyekto at aktibidad ng pamahalaan sa mga pamayanan, at bilang pook-talakayan kung saan ang mga kolektibong palagay ng taumbayan ay mapapag-usapan, at ang mga gulo ay maaayos sa batayang antas. Kumbaga ay debolusyon ng tungkulin ng pambansang pamahalaan sa mas maliit na antas – sa barangay.

Ang Halalang Pambarangay 2013 ay isang magandang pagkakataon para sa Partido Lakas ng Masa (PLM) at sa iba pang progresibong grupo na patunayan ang kanilang pulitika bilang tunay na serbisyo sa bawat mamamayan. Isang bagong pulitikang maglilinis sa mga tradisyunal na basahan, este, trapo, dahil ang pamumuno ng mga trapo ay tadtad ng mga katiwalian at hindi tunay na nagseserbisyo sa mamamayan kundi sa kanila lamang mga bulsa at sariling ambisyong pulitikal. Hindi ba't punong-puno ng maruming pulitika ang mga basahan, este, trapo, kaya nais ng taumbayan na mawala na ang pork barrel ng mga mambubutas ng bangko, este, mambabatas sa kongreso, senado, at lalo na sa ehekutibo?

Nais natin ng bagong pulitikang malinis at hindi trapo. Pulitikang tunay na naglilingkod sa taumbayan. Kailangan ng bagong sistema ng pamamahala kung saan ang taumbayan mismo ay aktibong lumalahok sa pagpapasya sa kanilang komunidad, isang direktang demokrasya. Hindi tulad ng trapong pulitika sa kasalukuyan na ang demokrasya'y natatamasa lamang ng taumbayan tuwing may halalan, tuwing pipili sila ng wala naman talagang mapapagpilian dahil pawang trapo ang mga kandidato, pawang mga kandidato mula sa iisang pamilya at dinastiyang pulitikal, mga trapong kasabwat ng mga suspek sa bilyon-bilyong scam, mga kandidatong sakim sa tubo at kapangyarihan.

Simulan natin sa barangay ang pagbabago. Ihalal natin ang nararapat na pamunuan ng barangay, mula sa kapitan at pitong kagawad, at kung mayroon pang SK (sangguniang kabataan), ngunit hindi muna isinama sa halalan ngayon ang SK. Gayunpaman, dapat na hindi trapong pulitika ang tangan ng mga kandidato kundi pagseserbisyong hindi para sa tubo kundi serbisyong para sa masa. Isa ang Partido Lakas ng Masa (PLM) sa mga magpapatakbo ng mga kandidato sa iba't ibang barangay upang dalhin ang pulitika ng pagbabago sa antas-barangay at mawakasan na ang trapong pulitika. Dapat palayain na ang mga barangay sa kontrol ng mga trapo, at mapaunlad ang kakayahan ng mga namununo rito na ibigay sa taumbayan ang mga serbisyong tunay na kailangan ng masa gaya ng serbisyo sa kalusugan, edukasyon, maalwang pamumuhay, abotkayang presyo ng tubig at kuryente, at marami pa.

Maraming pagbabagong dapat gawin sa barangay upang hindi ito maging pandayan ng mga tiwaling pulitiko, tulad ng mga sumusunod:

Una, dapat na magkaroon ng mas malaki at desentralisadong pondo para sa barangay. Ang mga pork barrel ng mambabatas, imbes na sa mga Senador at Kongresista mapunta, ay dapat direktang mapunta sa serbisyo sa taumbayan sa pamamagitan ng yunit pampulitikang pinakamalapit sa masa - ang barangay. Ang kalahati ng IRA (internal revenue allotment) para sa LGU ay dapat ilaan din sa barangay.

Ikalawa, sa pamamagitan ng direktang demokrasya ay maging kasangkot ang bawat mamamayan sa pagpapasya sa kanilang barangay sa pamamagitan ng mga pangkalahatang pagpupulong ng mga residente ng barangay ilang beses sa bawat buwan. Magagawa ito kung bukod sa kapitan ng barangay at mga kagawad ay maitatayo ang isang malawak na asembliya ng mga residenteng kinatawan ng bawat pamilya na may karapatang umupo sa asembliya at may karapatang gumawa ng kapasyahan para sa ikabubuti ng buong barangay at komunidad na nasasakupan nito. Ang mga asembliyang ito ng taumbayan ay dapat buuin ng mga manggagawa, maralita, kababaihan, vendor at iba pang sektor upang makita ang kapangyarihan ng taumbayan bilang siyang tunay na mapagpasya sa buong barangay.

Ikatlo, dapat na kalahok ang mamamayan sa pagdedesisyon sa iba’t ibang isyu’t usapin, lalo na sa usapin ng pagbabadyet. Saan dapat ilaan ang badyet ng barangay? Aling kalye ang prayoridad na ipasemento? Anu-anong mga gamot ang kailangan sa health center at magkano ang ilalaan para rito? Sa pamamagitan ng mga asembliya sa barangay, dapat makonsulta at bigyan ng kapangyarihang magpasya ang mga residente nito kung saan at paano gagastusin ang pondo ng barangay sa mga kinakailangang proyekto sa kanilang lugar. Dapat na maglaan din ng badyet sa serbisyong pampaospital ng mga maysakit na residente, maglaan ng pondo para sa pagpapaaral ng lahat ng kabataang residente sa barangay na iyon hanggang sila'y makatapos.

Ikaapat, dapat na may maayos na sistemang pagsubaybay (monitoring system) at buwanang ulat (hindi taunan) para matiyak kung saan napupunta ang badyet para sa barangay, kung naipapatupad ba ng barangay ang mga sumusunod: (1) sa isyu ng kalusugan, dapat na maayos ang mga health center at day-care center, may nakalaang mga gamot, oxygen, at ambulansya; (2) sa isyu ng kalinisan, may maayos na koleksyon ng basura, ibinubukod ang nabubulok sa hindi nabubulok mula pa lamang sa bawat bahay, at tinitiyak na hindi barado ang mga kanal upang kung umulan man ay hindi agad magbaha dahil sa mga baradong imburnal; (3) paglalagay ng wastong grupo ng mga tao na magtitiyak sa katarungang pambarangay; (4) pagkakaroon ng bulwagang pambarangay para sa mga pulong, at pagtatayo ng liwasan at palaruan; (5) pagkakaroon ng aklatan para sa mga mag-aaral, at pondo para sa edukasyon ng mga kabataang residente; (6) pagkakaroon ng maayos na pamilihan o palengke; (7) pagkakaroon ng mga kagamitan upang madaling makasaklolo sa oras ng pangani
b, tulad ng ambulansya, bumbero at rubberboats kung magbaha; (8) matiyak na abotkaya ng mga residente ang presyo ng tubig at kuryente; at marami pang iba.

Ikalima, dapat na ibatay sa mimimum wage ang sweldo ng kapitan at mga kagawad ng barangay, tulad ng panawagang dapat minimum wage din sa mga pulitiko, tulad ng Senador, Kongresista at mga Mayor, dahil ang gawain nila'y tulad din sa manggagawang regular na usual and necessary sa pagpapatakbo ng kanilang nasasakupan.

Ikaanim, dapat magkaroon ng kapangyarihang mag-recall o magpatalsik ng mga abusadong pinuno o kagawad ng barangay ang mga asembliya ng taumbayan, at magkaroon ng ispesyal na halalan para sa hahalili sa matatanggal sa pwesto.

Sa ngayon, may 116 barangay na ang sinusuportahan ng PLM. Napakaliit na bilang kumpara sa 42,027 barangay sa buong bansa. Kailangan pang mapalawak ang masusuportahan ng PLM upang ilako ang konsepto ng tunay at direktang serbisyo sa masa, na hindi na kailangang dumaan sa mga mayayamang trapo. Daan din ito upang unti-unti nang mabawasan ang dinastiyang pulitikal sa bansa dahil ang taumbayan na ang magpapasya sa tatahaking landas at pag-unlad ng kanilang barangay. Paraan din ito upang angkinin na ng mamamayan ang tunay na demokrasya at totoong pagbabago ng sistema ng lipunan na maaaring tumungo sa isang lipunang wala nang pagsasamantala ng tao sa tao.


Dalawa sa mga kandidato ng PLM para sa Halalang Pambarangay ng 2013:
PORTIA M. ARIESGADO

"PAGBABAGO NA CONSULTATIVE AT COLLECTIVE MULA SA MASA".


Si Portia M. Ariesgado, na kilala sa tawag na "Tita Porsh" ay halos apatnapung taon nang naging manggagawa ng Gelmart Industries sa Bicutan, Taguig. Isinilang siya sa Calbayog, Samar noong hunyo 10, 1947, at may apat siyang anak. Bilang kasapi ng unyong Lakas Manggagawa sa Gelmart, tatlong taon siyang shop steward, tatlong taong treasurer, at siyam na taong sekretaryo, hanggang sa ito'y magsara. Kasapi siya ng Konseho ng Partido Lakas ng Masa (PLM) at ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Kasalukuyan siyang chairperson ng PLM Taguig chapter at ng Association of Displaced Filipino Workers (ADFW). Mula 2010 hanggang sa kasalukuyan, siya ay Lupon Tagapamayapa sa Barangay Lower Bicutan sa Lungsod ng Taguig.

Nag-udyok kay Tita Porsh na tumakbong kagawad ng kanilang barangay na maging bahagi ng pagbabago. Ayon sa kanya, "Bilang abanteng pwersa ng ating lipunan na naghahangad ng pagbabago, naniniwala akong kailangang pamunuan ng mga manggagawa at maralita ang pagbabago mula sa pinakamababang posisyon sa barangay hanggang sa antas ng munisipyo at nasyunal kung gusto nating makamit ang tagumpay para ipalaganap ang disenteng pamumuhay, na may dignidad. Nais ko na sa kaunti kong nalalaman ay makapagambag sa aking kinalalagyang barangay ng mga pagbabago sa abot ng aking makakaya, maging tagapagbantay sa mga hindi kanais-nais na gawain ng mga taong halal sa barangay at maging tagasiwalat ng katiwalian kung mayroon man. Ganuon din bilang babaeng lider-manggagawa ay maiparating sa mga kababaihan ang kahalagahan ng kanilang karapatan at obligasyon. Ito ang dahilan kung bakit ako tatakbo sa barangay election."


JULIUS A. PANDAY

Si Kasamang Julius A. Panday, na kilala sa tawag na "Kuya Jhuly" ay isa sa mga tagapagtaguyod ng Partido Lakas ng Masa (PLM). Siya ang sekretaryo ni Bishop Most Rev. Antonio R. Tobias, DD ng Diocese of Novaliches. Sa ngayon, nagbabalak siya ngayong tumakbo bilang Kagawad ng Barangay Gulod sa Novaliches sa Lungsod ng Quezon. Isa rin siya sa tatlong Ecclesiastical Notaries ng Diocesan Tribunal sa Cathedral of the Good Shepherd sa Fairview, Quezon City. Isa rin siyang magaling na photographer at manunulat.

Anim ang kanyang inihandang plataporma na ang mga unang titik ay mula sa kanyang apelyidong Panday. Narito ang sumusunod na plataporma niya para sa Barangay Gulod:

P - PEACE AND ORDER. Kapayapaan at Kaayusan. Pag-oorganisa ng mga Brigada Komunidad at paglaan ng pondo at teknikal na suporta sa mga ito upang mapangalagaan ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang komunidad.

A - ACCOUNTABILITY. Pananagutan sa Taumbayan. Regular na pag-uulat ng mga ginastos at kung sino at saan napunta ang mga proyekto at programang isinagawa. Paglalathala ng nasabing ulat sa isang Monthly Newsletter.

N - NUTRITIONAL PROGRAM. Programang Pangnutrition. Pagsasagawa ng mga Feeding Programs sa tulong ng mga nanay ng mga batang benepisyaryo ng programa at ang paglalan ng pondo upang tuluy-tuloy ang pahsasakatuparan nito.

D - DIRECT DEMOCRACY. Direktang demokrasya. Pagbibigay ng pagkakataon sa mamamayan ng Barangay na maging bahagi ng paggogobyerno. Pagsasagawa ng regular na mga Barangay Assemblies at Talakayan sa Kapitbahayan.

A - ABOLISH PADRINO SYSTEM. Pagtanggal sa Palakasan System. Isang paglilingkod na para sa lahat at walang kinakatigan batay sa katayuan sa buhay, relihiyon, kasarian, edad, ideolohiya, o sinusuportahang pulitiko o partido.

Y - YOUTH EMPOWERMENT. Pagbibigay Kapangyarihan sa mga Kabataan. Pagbibigay ng mahalagang bahagi sa mga kabataan sa pagpaplano at pagpapatakbo ng mga programa at proyektong pangkabataan.

Ayon kay Kuya Jhuly, "Sa tulong at pagtitiwala ninyo, ang lahat ng ito ay ating maisasakatuparan."

Bilang sekretaryo ng Obispo, bilang manunulat, bilang photographer, bilang aktibista, ang kanyang katatagan, talino at sakripisyo sa paglilingkod sa sambayanan ay dadalhin niya sa bulwagan ng Barangay Gulod.

Huwebes, Agosto 29, 2013

Ang Internasyunalismo ng Kartilya ng Katipunan

ANG INTERNASYUNALISMO NG KARTILYA NG KATIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi lang pam-Pinoy ang Kartilya ng Katipunan. Magagamit ito ng sinuman, anuman ang kanyang nasyunalidad, upang mapabuti ang kanyang kalagayan, pagkat ang Kartilya ay mga alituntunin ng kagandahang asal na dapat isapuso ng sinuman. Ang kartilya ng Katipunan ay nakapaloob sa polyetong "Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang Ito" na inilabas noon ng Katipunan bilang gabay sa pangangalap ng mga katipunerong lalaban para sa kalayaan ng bayan.

Kaya Aleman ka man, Pranses, Indones, Malay, o anupamang lahi, ay magagamit ang Kartilyang ito. Dahil wala namang naka-ispesipiko na pam-Pinoy lang ito. Nang isinalin ito sa wikang Ingles, o anupamang wika o diyalekto, at huwag lalagyan ng pamagat o pinanggalingan nito, mahihinuha mong ito'y unibersal o panlahat ng tao. Nakalahad sa ibaba ang sipi ng Kartilya ng Katipunan na may salin sa wikang Ingles, na inayos ng Kamalaysayan noong Hulyo 1992 para sa Katipunan, Sandaan!, at isinalin sa English ng yumaong Paula Carolina Santos-Malay. (mula sa kawing na http://kartilya-katipunan.blogspot.com/ at sa http://filipinos4life.faithweb.com/K-review.htm)

Kaya ang isinulat noon ni Emilio Jacinto na Kartilya ng Katipunan ay di lang pambansa, kundi pandaigdigan, pang-unibersal. Ibig sabihin, internasyunalismo ang Kartilya ng Katipunan, at hindi lamang para sa mga makabayang Pinoy. ito'y mga gabay ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao. Nagkataon lang na Katipunero ang nagsulat nito, at dito tayo sa bansang ito isinilang. Kaya kung susuriin natin ang Kartilya ng Katipunan, ito'y gabay na magagamit kahit na ng hindi kasapi ng Katipunan. Tulad ngayon na hindi na umiiral ang Katipunan na itinayo ni Bonifacio, ngunit ang mga aral nito ay mapaghahalawan pa natin ng aral, at matatagpuang hindi lang ito pambansa kundi pangkalahatan.

Kung maipapalaganap ang bersyong Ingles ng Kartilya ng Katipunan, lalo na sa mga taga-ibang bansa, tiyak na matutuwa ang marami sa mga ito, at maaaari nilang angkinin. Sa gayon, ang unibersalidad ng Kartilya ng Katipunan ay magiging ganap. At ito ang isa sa dapat nating gawin: ipalaganap ang Kartilya ng Katipunan sa daigdig at may salin sa iba't ibang wika upang mas tumagos ito sa puso't diwa ng higit na nakararami.

Halina't namnamin natin ang timyas ng mga pananalitang gabay ng Kartilya ng Katipunan sa ating pagkatao at mula doon ay atin itong isapuso't isadiwa. Pagnilayan din natin ang salin nito sa wikang Ingles na maaari rin nating ipamahagi sa mga kaibigang banyaga, o sa mga dayuhan.

1. “Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi (man) damong makamandag." (A life that is not dedicated to a noble cause is like a tree without a shade or a poisonous weed.)

2. "Ang gawang magaling na nagbubuhat sa paghahambog o pagpipita sa sarili (paghahangad na makasarili), at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan." (A deed lacks nobility if it is motivated by self-interest and not be a sincere desire to help.)

3. "Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang katuwiran." (True piety consists of being charitable, loving one's fellowmen, and being judicious in behavior, speech and deed.)

4. "Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mang­yayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao." (All [persons] are equal, regardless of the color of their skin. While one could have more schooling, wealth or beauty than another, all that does not make one more human than anybody else.)

5. "Ang may mataas na kalooban, inuuna ang (dangal o) puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri." (A person with a noble character values honor above self-interest, while a person with a base character values self-interest above honor.)

6. "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa." (To a [person] of honor, his/her word is a pledge.)

7. "Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y mangyayaring mag­balik; ngunit panahong nagdaan na'y di na muli pang magda­daan." (Don't waste time; lost wealth can be retrireved, but time lost is lost forever.)

8. "Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin ang umaapi." (Defend the oppressed and fight the oppressor)

9. "Ang taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim." (The wise man is careful in all he has to say and is discreet about things that need to be kept secret.)

10. "Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa at mga anak; kung ang uma­akay ay tungo sa sama, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din." (Ang simula nito'y obserbasyon sa ugnayan ng babae at lalaki sa panahon ng Katipunan; para sa kasalukuyan, ang katumbas nito ay ang sumusunod: "Sa daang matinik ng buhay, ang mga magulang ang patnugot ng mag-anak; kung ang umaakay ay tungo sa samâ, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.") (In the thorny path of life, the man leads the way and his wife and children follow. If the leader goes the way of perdition, so do the followers.)

11. "Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay (ng lalaki) sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang (pisikal na) kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa iyong kasang­gulan.” (Never regard a woman as an object for you to trifle with; rather you should consider her as a partner and helpmate. Give proper considerations to a woman's frailty and never forget that your own mother, who brought you forth and nurtured you from infancy, is herself such a person.)

12. "Ang di mo ibig gawin (ng iba) sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba." (Don't do to the wife, children and brothers and sisters of others what you do not want done to your wife, children and brothers and sisters.)

13. "Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Diyos, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking-gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangu­ngusap, may dangal at puri, yaong di nagpa­paapi't di nakikiapi; yaong marunong mag­dam­dam at marunong lumingap sa bayang tinubuan." (A (person's) worth is not measured by his/her station in life, neither by the height of his nose nor the fairness of skin, and certainly not by whether he is a priest claiming to be God's deputy. Even if he is a tribesman/tribeswoman from the hills and speaks only his/her own tongue, a (person) is honorable if he/she possesses a good character, is true to his/her word, has fine perceptions and is loyal to his/her native land.)

14. "Paglaganap ng mga aral na ito, at maningning na sisikat ang araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang Sangkapuluan at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang mag­kakalahi't magkakapatid, ng ligayang walang kata­pusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang matutumbasan." (When these teachings shall have been propagated and the glorious sun of freedom begins to shine on these poor islands to enlighten a united race and people, then all the loves lost, all the struggle and sacrifices shall not have been in vain.)

Huwebes, Agosto 22, 2013

Kung Bakit Salbahe ang Salitang "Salvage"


KUNG BAKIT SALBAHE ANG SALITANG "SALVAGE"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Wikang Ingles ang salitang "salvage" na ang ibig sabihin ay "save" o isalba, sagipin, iligtas. Ginagamit ito lalo na sa pagsagip ng isang barko. Ngunit sa wikang Filipino, hindi pagsagip, pagligtas at pagsalba ang ibig sabihin ng salitang "salvage" kundi ang kabaligtaran nito - pagpatay, pagpaslang, pagsalbahe sa katauhan at katawan ng isang tao. Sa kahulugang ligal, ang "salvage" ay "summary execution" o "extrajudicial killing". Sa ating bansa lamang masasabi na ang salitang "salvage" ay nangangahulugang pagpaslang.

Nang sumadsad ang barkong USS Guardian ng US Navy sa Tubbataha Reef sa Palawan hanggang sa pagtanggal ng barko nitong Marso 30, 2013, narinig natin ang pag-uusap hinggil sa pag-salvage ng barko, na ibig sabihin ay pagsalba. Tingnan natin ang balitang ito: "(CNN) -- The Guardian is gone. What was left of the former U.S. Navy minesweeper was lifted off a Philippine reef on Saturday. "As the hull has been removed, the team is now shifting their effort to collecting minor debris that remains on the reef," the head of the salvage operation, Navy Capt. Mark Matthews, said in a statement. "Every salvage operation presents unique challenges. It has been difficult to extract the Guardian without causing further damage to the reef, but the U.S. Navy and SMIT salvage team with support from other companies and the government of the Philippines have really done a superb job. I could not be more proud," Matthews said. (Minesweeper lifted from Philippine reef, By Brad Lendon, CNN March 30, 2013 http://edition.cnn.com/2013/03/30/world/us-navy-ship-reef/index.html)

Ganito naman ang balita sa Pilipinas: "MANILA, Philippines—The salvage team working on the USS Guardian, which ran aground in Tubbataha Reef, removed the warship’s last remaining section early Saturday afternoon after being stuck on the Unesco World Heritage site for more than 10 weeks, a Philippine Coast Guard (PCG) official said. PCG Palawan District chief Commodore Enrico Efren Evangelista said the stern of the 68-meter US mine countermeasures ship was lifted off the reef at around 2 p.m. Evangelista, head of the task force that oversees the salvage operations, said the team had worked throughout the Holy Week to remove the four sections of the warship’s wooden hull which included its bow, auxiliary machine room, main machine room (MMR) and the stern." (Tubbataha reef salvage, by Philip C. Tubeza, Philippine Daily Inquirer, Sunday, March 31st, 2013, http://globalnation.inquirer.net/70721/tubbataha-reef-salvage). Pansinin ang kahulugan dito ng salitang "salvage" batay sa pagkakagamit ng mga Amerikano.

Sa ating bansa, ang kahulugan ng salitang "salvage" o pagpaslang ay uminog mula sa salitang Kastilang "salbahe" na ibig sabihin ay masama ang ginagawa sa kapwa. At dahil maraming salitang uminog na napapaghalo natin ang salitang Kastila at Filipino, tulad ng salitang "amin" o pag-amin ay naging "aminado", napasama na rin dito ang salitang Kastilang "salbaje" na naging "salbahe" sa Filipino na naging "salvage" sa Ingles.

Kaya maraming balita sa radyo, dyaryo at telebisyon ang nagsasabing may "na-salvage" na naman, na ibig sabihin, may pinaslang na naman. Sa pambungad na pahina (front page) ng pahayagang tabloid na Pilipino Star Ngayon (Hulyo 2, 2013) ay nakasulat: 4 KATAO 'SINALVAGE', NATAGPUAN SA HIGHWAY, at ang kabuuang balita sa pahina 2 ay pinamagatang "4 'sinalvage', natagpuan". Kapuna-puna ang panipi sa salitang "sinalvage" dahil ginawang Filipinisado ang isang salitang Ingles, na sa katotohanan ay mula sa wikang Kastila.

Narito ang ilang saliksik sa media hinggil sa balitang "salvage" matapos ang "salvaging operations" ng USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Marso 30, 2013. Pansinin kung paano inilarawan ang ginawang pag-salvage:

(1) mula sa GMA News: "Bodies of 2 'salvage' victims found in Manila", April 6, 2013:
The bloodied bodies of two victims of suspected summary execution were found in Manila before dawn Saturday. Both bodies were dumped along Dimasalang Street at about 3 a.m., radio dzBB's Paulo Santos reported. A separate dzBB report said both men were blindfolded with packaging tape, and their hands were tied. One was initially described as wearing blue shorts and an orange shirt, while the other was described as wearing gray shorts and a black shirt. No note or identification was found near the bodies.
http://www.gmanetwork.com/news/story/302676/news/metromanila/bodies-of-2-salvage-victims-found-in-manila

(2) mula sa dyaryong Tempo tabloid: ‘Salvage’ victims dumped in Cavite, posted by Online on Aug 5th, 2013
CAMP GEN, PANTALEON GARCIA, IMUS, Cavite – Two bodies of men, apparently “salvage” victims, were found dumped separately over the weekend in the province. A Police Provincial Office (PPO) report said that the first victim was found on Daanghari Road in Barangay Molino IV, Bacoor City, late Friday night. The victim’s body, with tattoo marks, was found stuffed in a sack by passersby. The body was wrapped with packaging tape.
http://www.tempo.com.ph/2013/08/salvage-victims-dumped-in-cavite/#.UjqC4dJmiSo

Ito naman ang ilang lumang balita:

(1) "2 more ‘salvage’ victims in QC; 8 bodies just this month", by Julie M. Aurelio, Philippine Daily Inquirer, Tuesday, August 21st, 2012
The bodies of two more men believed to be summary execution victims were discovered by the side of a road in Quezon City Tuesday morning. The find brought to eight the number of “salvage” victims found in the city so far for this month. All of them died of strangulation and none of them has been identified.
http://newsinfo.inquirer.net/255056/2-more-salvage-victims-in-qc-8-bodies-just-this-month

(2) "Pangatlong biktima ng 'salvage' sa Cubao ngayong Hunyo", (Pilipino Star Ngayon) | Updated June 19, 2013
MANILA, Philippines – Isang bangkay na naman ng lalaki ang natagpuan sa basurahan sa isang bangketa sa lungsod ng Quezon nitong Martes ng gabi, pangatlo na ito ngayong buwan.
Ayon sa pulisya, natagpuan ng isang basurero ang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki bandang alas-11 ng gabi sa Aurora Boulevard sa Cubao. Sinabi ng mga imbestigador na may saksak sa katawan, may mga marka ng pagsakal sa leeg at nakatali ang mga paa ng biktima. Hinala ng mga pulis na biktima ng summary execution ang lalaki na tadtad din ang katawan ng tattoo. Ito na ang pangatlong bangkay na natatagpuan sa Cubao ngayong Hunyo lamang. Nitong Hunyo 12 ay may natagpuan ding katawan ng lalaki sa kahabaan ng Aurora Boulevard na sinundan ng isa pang nakitang bangkay sa tumpok ng mga basura malapit sa EDSA-Cubao footbridge.
http://www.philstar.com/psn-balita-ngayon/2013/06/19/955790/pangatlong-biktima-ng-salvage-sa-cubao-ngayong-hunyo

(3) mula sa pahayagang Remate: "Biktima ng salvage, natagpuan sa Maynila" by Jocelyn Tabangcura-Domenden & Ivan Gaddia, July 19, 2013: NAKATALI ng nylon cord ang leeg, kamay at paa ng isang lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution nang matagpuan ito kaninang madaling araw sa Sampaloc, Maynila. Inilarawan ang biktima na nasa edad na 25-30, may taas na 5’4 hanggang 5’5, balingkinitan ang pangangatawan, nakasuot ng T-shirt na painted at brown khaki short pants. Nauna rito, naglalakad umano sa lugar ang di nagpakilalang tricycle driver nang mapansin ang biktima na nakabalot sa tela at may placard na nakapatong sa kanyang dibdib na “Snatcher ako, huwag pamarisan”.
http://www.remate.ph/2013/07/biktima-ng-salvage-natagpuan-sa-maynila/#.UjqEptJmiSo

Pagpaslang, pagsalbahe sa katawan, pagpapahirap, pagtiyak na wala nang buhay, itinatapon kung saan. Natatagpuan na lamang na malamig nang bangkay. Ang mga biktima ay sinalbahe ng kung sino. Sinalvage sila. Biktima sila ng "summary execution" o "extrajudicial killing".

Sa WikiPedia, ang "summary execution" ay ganito: "Extrajudicial killings in the Philippines are referred to as salvage in Philippine English."
(http://en.wikipedia.org/wiki/Summary_execution)

Sa artikulong "Philippine English" na nalathala sa The News Today (Online Edition) ay nakalista ang 61 mga salita o yaong "terms common only to Philippine English", at ang pang-53 ay "salvage" na ang kahulugan ay "it means to deprive of life; kill".
(http://www.thenewstoday.info/2005/03/15/opinion6.htm)

Sa aklat na "The Activist" ng isang Antonio Enriquez, ganito niya inilarawan ang salitang "salvage": Unknown yet to the public was Davao’s Killing Fields, where those who opposed Dictator Marcos were “salvaged,” a coined word meaning executed. Hundreds of student activists, NPAs, and suspected communists were murdered, after Dictator Marcos’ goons in military uniform tortured them and they were dumped like so many carcasses in the Killing Fields—without a tombstone to mark their graves, or coffins.
(http://www.scribd.com/doc/57252924/The-Activist-by-Antonio-Enriquez)

Kahit sa mga dokumento ng iba't ibang human rights organizations, ang salitang "salvage" ay nangangahulugang "summary execution".

Sa ikawalong kabanatang pinamagatang "To salvage" sa isang aklat ay ganito ang nakasulat: "About 3,000 were killed, 400 to 1,000 were disappeared during the Martial Law. It is believed that the word "salvage" which has original meaning "to save or to rescue" got a different meaning during this time. "Salvage" was used as a euphemism to the act of police and military to assassinate, to execute, to murder suspected enemies of the state." (For Democracy and human Rights: Rekindling Lessons of Martial Law and People Power Revolt, A Public Exhibition, by the Center for Youth Advocacy and Networking or CYAN)

Sa isang libreto naman ng FLAG (Free Legal Assistance Group) na muling inilathala ng PhilRights (Philippine Human Rights Center) ay ganito ang nakasulat:
Ang mga dapat gawin... KUNG SA PALAGAY MO'Y IKAW AY AARESTUHIN O ISA-SALVAGE:
Gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:
1. Huwag lumabas nang mag-isa. Tumataas ang panganib ng pagkawala at salvage dahil walang nakakasaksi o walang gustong sumaksi at magpatunay sa pagdakip sa isang taong nawawala o sinalvage.
2....
10. Kung mayroon ka pang mapagkakatiwalaang impormasyon na may planong arestuhin o i-salvage ka, hindi maipapayo na ikaw ay magtago. Sa halip, pakiusapan ang abogado mo o kung sino mang responsableng tao upang itanong kung may warrant para sa iyong pagdakip.

Kahit ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio S. Almario ay isinulat din ito nang kanyang tinalakay ang tulang "Katapusang Hibik" (na sa ibang bersyon ay may pamagat na "Katapusang Hibik ng Filipinas sa Inang España" bilang ikatlong dugtong sa dalawang tula ng ibang makata na naunang lumabas) ni Gat Andres Bonifacio "hinggil sa parusang kinamit ng mga Filipino sa kamay ng mga Espanyol". Ani Almario sa tulang ito: "Ano ang ikaiiba dito ng mga makahayop na torture at salvaging ngayon? Ngunit hindi ang realismo lamang ng paglalarawan ni Bonifacio ang dapat limiin; hindi rin lamang ang mga historikal na saligan ng mga inilatag na pruweba. Ang higit na makabuluhan sa pagbasang ito ngayon ay ang talim ng pagsipat sa isinagawang paglapastangan ng kolonyalismo sa katawan at katauhan ng sakop. Bukod sa hindi makatao ay mistulang hindi tao ang mananakop. Sa kabilang dako, waring imposibleng maging tao ang sakop dahil sa tinamong mga kahayupan." (Panitikan ng Rebolusyon(g 1896), Virgilio S. Almario, pahina 71)

Balikan natin ang ilang saknong na tinutukoy ni Almario sa tulang "Katapusang Hibik" ni Bonifacio na naglalarawan nito (Ibid. p. 145):

"Gapuring mahigpit ang mga tagalog
Hinain sa sikad, kulata at suntok,
Makinahi't 'biting parang isang hayop
Ito baga, Ina, ang iyong pag-irog?

Ipabilanggo mo't sa dagat itapon
Barilin, lasunin nang kami'y malipol,
Sa aming tagalog ito baga'y hatol,
Inang mahabagin sa lahat ng kampon?

Aming tinitiis hanggang sa mamatay
Bangkay nang mistula ayaw pang tigilan
Kaya kung ihulog sa mga libingan
Linsad na ang buto't lamuray ang laman."

Nasa kamalayan na nga ng masa ang pag-unawa sa salitang "salvage" bilang pagpaslang, bilang isang gawaing salbahe, pagsalbahe sa kapwa, pagsalbahe sa pagkatao, na isinagawa ng mga salbahe. Nasa media na rin ito, at nasa panitikan.

Una kong nalaman ang paggamit ng salitang "salvage" bilang “pagpaslang” noong 1989, pagkabalik ko rito sa Pilipinas mula sa anim-na-buwang pago-OJT sa ibang bansa, nang maging front page sa magasing Philippines Free Press ang pagkakapatay ng isang Patrolman Rizal Alih kay Heneral Batalla sa Zamboanga. At nakasulat sa malaking titik: "SALVAGING A GENERAL". May nabasa rin akong artikulo noon na ganito naman ang pamagat: "Salvaging Bonifacio" at itinuring ng artikulong iyon na "first celebrated salvage victim" si Gat Andres Bonifacio. Talagang sinalbahe sila ng kanilang mga kalaban.

Naghahanap ako ng mga lumang panitikan kung saan ginamit ang salitang pagsalbahe, sinalbahe, sumalbahe, nanalbahe, bilang paglalarawan sa nangyaring pagpatay. Halimbawa, ang isang taong nakitang nakahandusay sa ilog na may tama ng bala ay sinalbahe ng kung sino. Sino ang sumalbahe sa taong iyon? Mula doon ay maaari nating mahalukay pa ang pinag-ugatan o pinag-inugan ng salitang "salvage" na alam ng marami ngayon.

Ang salitang "salvage" na pagpaslang ay isang pabalbal na salita o masasabi nating salitang nauunawaan ng karaniwang tao, ng masa. Pumunta ka nga lang sa isang lugar na maraming tao at sabihin mo sa isa roon na isa-salvage mo siya na ang iniisip mo ay ang kahulugan sa Ingles na “save”, ingat, dahil baka bugbog sarado ka, buti kung bugbog lang, dahil ang salitang “salvage” nga ay pagpaslang at hindi pagsagip. Sa mga balitang inilatag natin sa itaas, mapapansin nating pawang mga dinukot ang mga biktima saka itinapon na lang kung saan. Kaya bago isinagawa ang "salvaging" sa mga biktima, maaaring ang mga ito muna'y tinortyur o pinahirapan, saka pinaslang ang mga ito at itinapon na lamang sa lugar na sa tingin ng mga dumukot ay magliligaw sa mga imbestigador.

Kaugnay nito, may tatlong batas sa karapatang pantao na naisabatas nitong mga nakaraan, na may kaugnayan sa pagdukot bago isagawa ang tortyur o pagpapahirap, at ang pagdukot na hindi na nakita pa ang katawan ng dinukot. Ang mga batas na ito'y ang Republic Act 9745, o Anti-Torture Act of 2009; ang RA 10353, o Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012; at ang RA 10368, o Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013. Gayunman, walang nabanggit na "salvage" o "summary execution" sa RA 9745 at RA 10353.

Isang beses namang nabanggit ang "salvage" o "summary execution" sa RA 10368. Ayon sa Chapter 1, Sec. 2, 3rd paragraph ng batas na ito: "Consistent with the foregoing, it is hereby declared the policy of the State to recognize the heroism and sacrifices of all Filipinos who were victims of summary execution, torture, enforced or involuntary disappearance and other gross human rights violations committed during the regime of former President Ferdinand E. Marcos covering the period from September 21, 1972 to February 25, 1986 and restore the victims’ honor and dignity. The State hereby acknowledges its moral and legal obligation to recognize and/or provide reparation to said victims and/or their families for the deaths, injuries, sufferings, deprivations and damages they suffered under the Marcos regime."

Ibig sabihin, wala pang batas talaga na nagpaparusa sa mga nagsagawa ng "salvaging" o "summary execution." Kaya nagsagawa ang ilang mambabatas ng panukalang batas hinggil dito. Noong Hulyo 2009, nagpasa ng panukalang batas si dating House Speaker Prospero Nograles. Ito ang House Bill 6601, na tatawaging "Anti-Salvaging Law". Nito namang Nobyembre 2012, ipinasa naman ni Kongresista Karlo Alexei Nograles (1st District, Davao City) ang House Bill 3079 o ang "The Anti-Summary Execution Act of 2012."

Ngunit sa panahong wala pang batas na nagpaparusa sa "summary execution" ay tiyak na magagamit ang batas hinggil sa "murder" o pagpaslang. Ngunit dapat mas linawin ang kaibahan ng dalawa. Ang "murder" ay pagpatay na isinagawa ng sinuman sa kanyang kapwa, habang ang "salvaging" naman ay isinagawa ng mga ahente ng estado. Paano kung hindi ahente ng estado ang nagsagawa kundi sindikato? Dapat mailinaw ito sa magagawang batas hinggil dito. Maraming aktibista ang pinaslang ng walang awa, mga biktima ng "salvaging", kaya ito'y masasabi nating isang krimeng pulitikal, at hindi lamang simpleng "murder".

Gayunpaman, dapat matigil na ang ganitong karahasan. Ayon nga sa International Convention on Civil and Political Rights: "Every human being has the inherent right to life. This right shall be protected by law. No man shall be deprived of his life arbitrarily." "[The Death] penalty can only be carried out pursuant to a final judgment rendered by a competent court" – ICCPR Articles 6.1 and 6.2.[1]

Ang "salvage" ayon sa Merriam-Webster Dictionary ay (a) compensation paid for saving a ship or its cargo from the perils of the sea or for the lives and property rescued in a wreck; (b) the act of saving or rescuing a ship or its cargo; (c) the act of saving or rescuing property in danger (as from fire). Ayon naman sa Oxford Dictionary, ang kahulugan ng "salvage" ay "the rescue of a wrecked or disabled ship or its cargo from loss at sea". Sa depinisyon ng dalawang diksyunaryo, tumutukoy ang "salvage" sa pagsagip sa barko at sa mga kargong dala nito. Ang kahulugang ito ang ginamit sa ilang Batas Republika ng bansa na tumutukoy sa pagsagip ng barko, tulad ng mga sumusunod:

Republic Act No. 9993 - Philippine Coast Guard, Section 3, Powers and Functions. (h) To issue permits for the salvage of vessels and to supervise all marine salvage operations, as well as prescribe and enforce rules and regulations governing the same;

Republic Act No. 6106 - An Act Amending RA 1047, as amended, to prescribe the rules for financing the acquisition or construction of vessels to be used for overseas shipping, to allow the creation of a maritime lien thereon, and for other purposes. Sec. 1, letter d, number 4. General average or salvage including contract salvage; bottomry loans; and indemnity due shippers for the value of goods transported but which were not delivered to the consignee;

Naglabas din ang Philippine Coast Guard ng Memorandum Circular MC 06-96 (Salvage Regulations) na ang layunin ay: II. PURPOSE: To prescribe guidelines on the salvage of vessels, including cargoes thereof, wrecks, derelicts and other hazards to navigation.

Marahil, matatagalan pa bago tumimo sa kamalayan ng masa ang kahulugang Ingles ng salitang "salvage" (to save or to rescue), pagkat ang etimolohiya o pinagmulang salita ng paggamit ng mga Pinoy sa salitang "salvage" ay ang wikang Kastilang "salvaje", mula sa mga mananakop na salbahe at sumalbahe sa marami nating kababayan. Higit sa lahat, dapat nang matigil ang "salvaging" o pamamaslang na ito, at idaan sa proseso ng batas kung sakaling sila'y may kasalanan na dapat panagutan. Kung di'y nararapat lang sadyang maparusahan ang mga nagsasagawa ng mga "salvaging" na ito dahil hindi ito makatao, at lalong hindi makatarungan.





Miyerkules, Hunyo 26, 2013

BRAT (Basta! Run Against Torture), Muling Inilunsad

BRAT (BASTA! RUN AGAINST TORTURE), MULING INILUNSAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bilang paggunita sa International Day in Support of Victims of Torture tuwing Hunyo 26 na idineklara ng United Nations, inilunsad ng iba't ibang grupo ang ikapitong Basta! Run Against Torture. Sa temang "Make Philippines a Torture-Free Zone", tumakbo ang may limangdaang katao mula sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon Avenue hanggang sa tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR) sa Commonwealth Avenue sa Lungsod Quezon. 

Ang mga grupong dumalo rito ay kinabibilangan ng United Against Torture Coalition (UATC), MAG (Medical Action Group), Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), Balay Rehabilitation Center (BALAY), Amnesty International - Philippines (AIPh), Organisation Mondiale Contra la Torture (OMCT) o World Organization Against Torture, Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), PhilRights, Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND), Akbayan, Partido ng Manggagawa (PM), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), mga estudyante ng Philippine Normal University (PNU), mga kinatawan mula sa Philippine National Police, Philippine Army, Philippine Navy at Philippine Air Force, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Presidential Human Rights Committee, at Commission on Human Rights (CHR). 

Mula pa 1987, naging bansang kapartido na ang Pilipinas sa United Nations Convention Against Torture (UNCAT). Noong 2009 naman, naisabatas na ang Batas Republika Blg. 9745 o ang Batas Laban sa Tortyur (Anti-Torture Law) ng 2009. Gayunpaman, kahit naisabatas na ito, hindi pa rin ito ganap na naipatutupad, dahil marami pa umanong kaso ng tortyur ang hindi pa epektibong naimbestigahan ng mga awtoridad, at hindi kaagad makapagsuplong ang mga nakakulong dahil sa kakulangan sa agarang serbisyong ligal at medikal.

Nang makarating kami ng tanggapan ng CHR, nagkaroon doon ng maikling programa kung saan nagsalita ang mga kinatawan ng iba't ibang grupo sa karapatang pantao. Nagsalita si Max de Mesa ng Philippine Alliance of Human Rights Advocate (PAHRA), Edel Hernandez ng Medical Action Group (MAG), at isang kinatawan ng CHR. Nagsalita rin ang mga kinatawan ng human rights office ng kapulisan at kasundaluhan.

Ayon sa tagapagsalita ng United Against Torture Coalition (UATC) na si Egay Cabalitan ng TFDP na isa sa kampanya nila ngayon ang pagkakaroon ng torture-free detention centers. Ang pilot area nila sa ngayon ay ang Bagong Silang. Nais din niyang makatulong ang KPML sa balak nilang susunod na pilot area na Tondo sa Maynila. Kaya ipararating ko sa pamunuan ng KPML, lalo na dito sa tsapter namin sa NCR at Rizal, ang hinggil dito. Taos-puso kaming tutulong sa kampanyang ito.


Ito ang ikalawa kong pagsama sa Basta! Run Against Torture. Ang una ay noong 2010. Masarap tumakbo laban sa tortyur, hindi pa dahil sa ehersisyo ng pagtakbo, kundi dahil sa marangal na layunin nitong mawala nang tuluyan sa sistema ng lipunan ang paggamit ng tortyur sa anumang dahilan. Hindi ito dapat maging sandata laban sa kalaban ng pamahalaan, armas laban sa aktibismo, sandata laban sa kababaihan, o armas sa digmaan. Dapat nang tanggalin ang tortyur, at lahat ng uri ng pananakit na pisikal at mental laban sa sinuman.

Halina't gawin nating malaya sa anumang uri ng tortyur ang ating bansa. Ayon nga sa UATC, "Make Philippines Torture Free Zone!"

Lunes, Hunyo 10, 2013

Ang Dapat Gunitain ng Manggagawa sa Hunyo 12

ANG DAPAT GUNITAIN NG MANGGAGAWA SA HUNYO 12
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tradisyunal nang ginugunita ng pamahalaan, na kadalasan ay etsapuwera ang masa, ang taunang Hunyo 12, na sinasabi nilang Araw ng Kalayaan. Pero sa simpleng masa o ng karaniwang tao, ginugunita lamang nila ito bilang holiday, at hindi bilang araw ng paglaya. Marahil dahil alam din ng masa, lalo na ng manggagawa, na huwad ang kalayaang ito. Na ito'y paglaya sa Kastila at pagpapailalim sa Amerikano.

Maliwanag ito sa nakasulat sa Acta de Independencia, ang dokumentong nilagdaan ng maraming manghihimagsik bilang patunay umano ng deklarasyon ng kalayaan. Ayon sa dokumento, lumalaya ang Pilipinas mula sa bansang España upang magpailalim naman sa bansang Amerika. Ito ba ang kalayaan? Narito ang patunay: "And having as witness to the rectitude of our intentions the Supreme Judge of the Universe, and under the protection of our Powerful and Humanitarian Nation, The United States of America, we do hereby proclaim and declare solemnly in the name by authority of the people of these Philippine Islands, that they are and have the right to be free and independent; that they have ceased to have allegiance to the Crown of Spain; that all political ties between them are should be completely severed and annulled..." (http://www.msc.edu.ph/centennial/declaration.html)

Ikalawa, ang mga kulay ng iwinawagayway na bandila ng ating bansa ay batay mismo sa kulay ng watawat ng Amerika bilang pagtanaw ng utang na loob ng mga kabig ni Aguinaldo sa imperyalistang bansang iyon. Narito ang patunay: "and the colors of Blue, Red, and White, commemorating the flag of the United States of America, as a manifestation of our profound gratitude towards this Great Nation for its disinterested protection which it lent us and continues lending us." (http://www.msc.edu.ph/centennial/declaration.html)

May dapat mas gunitain at gawing pagkilos ang uring manggagawa sa Hunyo 12. Ito'y ang World Day Against Child Labor. (O Labour para sa mga bansang impluwensyado ng Ingles ng Britanya, dahil ang Labor ay ispeling sa mga bansang impluwensyado ng Ingles ng Amerika.) Ngunit marahil tatanungin ng manggagawa: Bakit child labor, pangkabataan iyan. Dapat isyu lang iyan ng mga batang manggagawa. 

Balikan din natin sila ng tanong: Ang isyu ba ng batang manggagawa ay isyu lang ng bata, o dahil may kakabit itong salitang manggagawa bilang pang-uri, ito'y isyu rin ng uring manggagawa? Taglisin natin: Ang isyu ba ng child labor ay isyu lang ng child, o isyu rin ito ng labor? Kaya ba may adjective na child sa child labor ay dahil isyu lang ito ng child?

Ang usapin ng child labor o ng mga batang manggagawa ay usapin din ng labor o ng paggawa / manggagawa. Mismong ang nagsabi nito'y ang International Labour Organization (ILO), isang pandaigdigang samahan ng mga manggagawa na nasa ilalim ng pamumuno ng United Nations. Patunay na rito ang deklarasyon ng ILO na ang Hunyo 12 ay gunitain bilang World Day Against Child Labour.

Ayon sa pahayagang Philippine Star nitong Mayo 1, 2013, Araw ng Pandaigdigang Paggawa, may lima't kalahating milyong (5.5M) batang manggagawa sa bansa, at may naitalang dalawang daan at labinglimang milyong (215M) batang manggagawa sa buong mundo, higit na dalawang ulit na malaki sa ating populasyon na 94M (2011 data).

"The Philippines has about 5.5 million child laborers (from five to 17 years old) with nearly three million of them doing hazardous tasks, a 2011 survey on children release by the National Statistics Office (NSO) showed. Globally, there are 215 million child laborers, with half of them doing hazardous work, according to the United Nations International Labor Organization (ILO)." http://www.philstar.com/business/2013/05/01/936783/phl-has-5.5-m-child-laborers
Batay pa sa ulat ng Philippine Star, ang ugat ng child labor ay ang kahirapan at kawalan ng disente at produktibong paggawa. "The root of child labor is directly linked to poverty and lack of decent and productive work."

Inilunsad ng International Labour Organization (ILO) ang kauna-unahang World Day Against Child Labour noong Hunyo 12, 2002 bilang paraan nila upang maiparating sa higit na nakararami ang kalagayan ng mga batang ito. Ang paglulunsad ng araw na ito'y ibinatay sa maraming deklarasyon at talakayan, tulad ng ILO Convention No. 182 hinggil sa masasamang anyo ng pagtatrabaho ng mga bata (worst form of child labour) at sa ILO Convention No. 138 hinggil sa minimum na edad ng pagtatrabaho. Ngayong 2013, ang tema ng paggunitang ito ay "No to child labour in domestic work!" Noong 2012, ang tema'y "Human rights and social justice... let's end child labour!"

Ang mga batang manggagawa'y makikitang nasa batilyo, nasa pangingisda gamit ang pampasabog, nasa agrikultura, nasa mga minahan, nasa pabrika’t lansangan. Lantad sila sa panganib at sa mga mapanganib na kagamitan, kemikal, init at lamig ng panahon, at walang pananggalang sa alikabok na maaaring pumasok sa ilong. Maraming nasa lansangan ang naglalako ng paninda tulad ng yosi at mani, habang nasa pabrika naman ng sardinas ang iba. Meron ding nasa murang gulang pa lang ay nagiging katulong na, habang may mga batang nasa edad labinlima pababa ang nasa mga bahay-aliwan. Napagsasamantalahan sila pagkat nagtatrabaho sila sa murang edad at hindi nababayaran ng minimum wage. Nakakamura ng lakas-paggawa ang mga kapitalistang nag-eempleyo sa kanila. Dapat nasa paaralan ang mga batang ito, ngunit dahil sa hirap ng buhay, nagtrabaho sila ng maaga at hindi hustong dinanas ang kasiyahan ng pagiging bata. Wala na silang pagkakataong maglaro at mag-aral. Ganito ba ang kinabukasan nila sa isang sistemang walang pagpapahalaga sa kanila? Kailangan itong mabago. Kailangan nating kumilos. 

Hindi kaya may kaugnayan din ang isyu ng child labor sa isyu ng salot na kontraktwalisasyon? Pinatatrabaho na ng mga nangangapital sa mga batang manggagawa ang mga trabahong mabibigat dahil mura ang paggawa kaysa mga matatandang mahal ang bayad kahit ang mga ito’y kontraktwal. Hindi rin saklaw ng pag-uunyon ang mga batang manggagawa dahil sa kanilang edad.

Ang isyu ng batang manggagawa o ng child labor ay hindi isyu lamang ng mga bata kundi ng manggagawa sa pangkalahatan. Isyu rin ito ng karapatang pantao, na dapat ang mga bata sa kanilang murang gulang ay dapat nasa paaralan at dinaranas ang katuwaan ng pagiging bata, at hindi dapat nagtatrabaho na ng maaga. Marapat lamang na lumabas din at kumilos ang mga manggagawa, kasama ang mga batang manggagawa at ang dukha nilang mga magulang, sa Hunyo 12 upang iparating sa pamahalaan na dapat nang itigil ang child labor sa bansa at dapat na itong solusyunan ng pamahalaan.

Dapat bigyan ng trabaho ang mga magulang ng mga batang manggagawa, at hindi ang mga batang manggagawa ang magtrabaho sa murang edad. Bigyan ng trabaho ang mga magulang, at hindi trabahong kontraktwal na walang kasiguruhan, kundi trabahong regular. Ang isyu ng batang manggagawa ay hindi lang isyu ng mga bata kundi isyu ng mga manggagawa. Ayon nga kay Frances Ann Yap, presidente ng Pagkakaisa ng mga Kabataang Manggagawa para sa Karapatan (PKMK), noong Mayo 1, 2009: “Nais namin sa paaralan. Ayaw namin sa basurahan. Dapat nang itigil ang child labor sa ating bansa upang kaming mga bata ay makapag-aral, makapaglaro at mabuhay bilang malayang bata. Dapat din pong bigyan ng sapat na trabahong makabubuhay ng pamilya ang aming mga magulang. Dapat nang itigil ang pananakit sa mga bata, child trafficking, at ang patuloy na pagdami ng mga batang manggagawa.” Ang PKMK ay nakapaloob sa Child Rights Program (CRP) ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML).

Ang isyu ng child labor ay isyu rin ng karapatang pantao. Ayon sa International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR), Artikulo 10(3): "Ang mga bata at kabataan ay dapat maprotektahan mula sa pagsasamantalang pang-ekonomya't panlipunan. Ang kanilang pagtatrabahong makasasama sa kanilang moral o kalusugan o mapanganib sa buhay o yaong makapagbabaog sa kanilang normal na pag-unlad ay dapat parusahan ng batas. Dapat ding maglagay ang Estado ng limitasyon sa edad na mababa sa kung saan ang binabayarang trabaho ng batang manggagawa ay pinagbabawal at pinarurusahan ng batas. (Children and young persons should be protected from economic and social exploitation. Their employment in work harmful to their morals or health or dangerous to life or likely to hamper their normal development should be punishable by law. States should also set age limits below which the paid employment of child labour should be prohibited and punishable by law.)"

Ayon sa Convention on the Rights of the Child, Artikulo 32: "Kinikilala ng mga Partidong Estado ang karapatan ng mga bata upang maprotektahan laban sa mga pagsasamantalang pang-ekonomya at mula sa pagsasagawa ng anumang trabahong nakikitang mapanganib, at nakasasama sa kalusugan ng bata at sa kanyang pisikal, mental, ispiritwal, moral, at panlipunang pag-unlad. (States Parties recognize the right of the child to be protected from economic exploitation and from performing any work that is likely to be hazardous or to interfere with the child's education, or to be harmful to the child's health or physical, mental, spiritual, moral or social development.)"

Sa mga batas ng ating bansa, naririyan ang mga batas hinggil sa proteksyon ng mga batang manggagawa ngunit hindi naipatutupad. Dahil kung naipatutupad ito, bakit may 5.5 milyon pang batang manggagawa sa bansa? Nariyan ang Republic Act (RA) 7160 - Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination, Artikulo VIII, Seksyon 12-16; ang RA 9231 na pag-amyenda sa RA 7160 - An Act providing for the Elimination of the Worst Form of Child Labor and affording stronger protection for the working child, amending for this purpose RA 7160. Nariyan din ang RA 7658 - Prohibiting the Employment of Children Below Fifteen (15) Years of Age in Public and Private Undertakings. Ang Artikulo 130-153 ng Labor Code ay hinggil sa espesyal na grupo ng manggagawa, tulad ng bata at kababaihan. Higit sa lahat, nariyan ang Department Order (DO) 46-03 hinggil sa paggunita sa ika-12 ng Hunyo bawat taon bilang Pandaigdigang Araw Laban sa Pagtatrabaho ng mga Bata (World Day Against Child Labor).

Gayunpaman, dapat din nating maunawaan na magkaiba ang child labor sa child work. Sa child work, ang trabaho ay angkop sa edad at kakayahang mental ng bata, habang sa child labor, ang trabaho'y mabigat sa edad, katawan, at kaisipan ng bata. Sa child work, tulad ng mga batang artista, dapat silang kumuha ng Working Child's Permit sa DOLE. Sa child work, ang trabaho ng bata'y naaayon sa batas at kalakaran ng pamilya't pamayanan, habang sa child labor, ang pagtatrabaho ng bata'y labas sa mga umiiral na batas, seguridad at benepisyo. Sa child work, limitado ang oras-paggawa at may oras ang bata upang makapag-aral, makapaglaro at makapagpahinga, habang sa child labor, napakahabang oras ng paggawa ng batang manggagawa, at limitado o wala nang oras para makapag-aral, makapaglaro at makapagpahinga. Dagdag pa, sa child labor, itinulak ng kalagayan o ng ibang tao ang mga bata upang magtrabaho sa murang edad, at ang mga batang manggagawa'y karaniwang naaabuso sa pisikal, sekswal, sikolohikal at berbal.

Ang Hunyo 12 ay paalala sa atin na hindi pa malaya ang mga batang manggagawa, kundi patuloy pa ang pagsasamantala sa kanila. Kaya ang Hunyo 12 ay gawin nating pagkilos ng uring manggagawa sa isyu ng child labor, at hindi tayo dapat magpahinga lamang sa araw na ito dahil idineklarang holiday ng pamahalaan, kundi dapat kumilos tayo dahil ito'y isyu ng paggawa at karapatang pantao. Gunitain nating sama-sama ang World Day Against Child Labor tuwing Hunyo 12 at ating iparating sa buong bansa at sa buong mundo: END CHILD LABOR, NOW!