Huwebes, Enero 2, 2014

Pagpupugay sa ika-50 anibersaryo ng "Mga Agos sa Disyerto" (1964-2014)

PAGPUPUGAY SA IKA-50 ANIBERSARYO NG "MGA AGOS SA DISYERTO" (1964-2014)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pagpupugay sa ikalimampung anibersaryo ng "Mga Agos sa Disyerto" ngayong 2014. Ang "Mga Agos sa Disyerto" ay isang aklat na kalipunan ng mga maikling kwento ng limang magkakaibigang manunulat sa wikang Filipino na nalathala noong 1964.

Binago ng grupong Mga Agos sa Disyerto ang panitikang Pilipino nang pinaksa nila sa kanilang mga akda ang buhay ng karaniwang tao, lalo na ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan, at kabataan. Sa usapin ng uring manggagawa, nariyan ang mga kwentong "Mga Aso sa Lagarian" at "Makina" ni Dominador Mirasol, "Dugo ni Juan Lazaro" at "Buhawi" ni Rogelio Ordoñez, at “Daang Bakal” ni Edgardo M. Reyes. Sa paksa ng magsasaka, nariyan ang kwentong "Tata Selo" ni Rogelio Sikat, "Lugmok na ang Nayon" ni Edgardo Reyes, at "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" ni Rogelio Ordoñez. Sa paksang maralita, nariyan ang "Impeng Negro" ni Rogelio Sikat, na siyang una kong nabasa nang ako'y nasa high school pa. Sa usaping kababaihan, nariyan ang "Ang Lungsod ay Isang Dagat" ni Efren Abueg, "Isang Ina sa Panahon ng Trahedya" ni Dominador Mirasol, at "Ang Gilingang-Bato" ni Edgardo Reyes. At sa usaping kabataan ay ang "Mabangis na Lungsod" ni Efren Abueg at "Di Maabot ng Kawalang Malay" ni Edgardo Reyes.

Ang limang manunulat sa unang edisyon ng "Mga Agos sa Disyerto" ay sina Efren R. Abueg, Edgardo M. Reyes, Eduardo Bautista Reyes, Rogelio L. Ordoñez, at Rogelio R. Sikat, na makikita sa pabalat ng aklat. Sa ikalawang edisyon naman ng aklat, nawala na si Eduardo Bautista Reyes at pinalitan siya ni Dominador B. Mirasol, na makikita sa pabalat ng aklat. Kaya ang bumubuo ng ikatlong edisyon ay may inisyal na AMORS batay sa kanilang apelyido (Abueg, Mirasol, Ordoñez, Reyes at Sikat). AMORS na tila plural ng puso (amor + s), (ang amor ay wikang Kastila sa puso).

Ayon sa WikiPilinas.org (http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Agos_sa_Disyerto): "Ang Unang Edisyon ng antolohiya noong 1964 ay kinapapalooban lamang ng tigtatatlong maiikling katha o 15 katha nina Efren R. Abueg, Edgardo M. Reyes, Eduardo Bautista Reyes, Rogelio L. Ordoñez, at Rogelio R. Sikat. Ang Ikalawang Edisyon (1974) ng antolohiya ay kinapapalooban ng 20 katha. Sa Ikalawang Edisyon ng antolohiya ay mawawala ang mga akda at may akdang si Eduardo Bautista Reyes; siya ay mapapalitan ni Dominador B. Mirasol. Ang Ikatlo (1993) at Ikaapat (2010) na Edisyon ay kinapalooban ng 25 katha. Kakailanganin ng mas malalim na pagsusuri upang maipaliwanag ang pagbabagong naganap sa bawat edisyon."

Paano ba nalathala ang "Mga Agos sa Disyerto"? Ito ang isinulat ni Edgardo M. Reyes sa kanyang aklat na "Sa Aking Panahon: 13 Piling Katha (at Isa Pa!), pahina 60-61, kung paano nalimbag ang "Mga Agos sa Disyerto":

"Sa punto ng hanapbuhay, hindi isang magandang tiyempo ang pagpapamilya. Ibinalik ng Liwayway ang dating reglamento na hindi makatutuloy sa editoryal ang contributors, hanggang guwardiya lang. Nagkaisa naman ang buong grupo na wala munang susulat sa Liwayway hanggang hindi muling binubuksan sa amin ang pintuan ng editoryal."

"Naayos ni Efren kay Atty. Teofilo Sauco, editor ng Bulaklak (tanging magasing kakompitensya noon ng Liwayway) na makapagsulat kami roon. Isang nobela na sunurang susulatin, bawat labas, ng limang awtor. Nagpulong kami nina Eddie Bautista Reyes, Efren at ang dalawang Roger para sa tema at balangkas ng nasabing nobela. Pinamagatan namin ng Limang Suwail. Na kalaunan ay sinabing tamang-tama raw na itawag sa aming lima dahil pulos kami suwail sa Liwayway."

"Ang mismong nobela ay hindi maipagmamalaki at siguro'y dapat pang ikahiya. Ngunit sa amin ay may magandang kahulugan iyon. Sinasagisag niyon ang aming pagkakaisa at paglaban sa isang institusyon."

"Tuwing araw ng singilan, dumarating kaming lima sa opisina ng Bulaklak sa R. Hidalgo, Quiapo. Ang pera ay nalalaspag lang sa kain at toma. Hanggang sa mapag-usapan namin na mabuti yatang iukol namin sa higit na mahalaga. Napagkasunduan noon din na hindi na kami maniningil. Iipunin namin ang pera. Pag natapos ang nobela, saka namin biglang kukubrahin ang kabuuan. Para sa isang proyekto."

"Ginamit namin ang perang iyon upang mailabas ang unang edisyon ng "Mga Agos sa Disyerto".

Karamihan sa mga akda ay pawang nagawaran ng mga pagkilala bilang mahuhusay na akda. Ito'y ang mga:
(1) Mga Aso sa Lagarian, ni Dominador B. Mirasol (Unang Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1964)
(2) Dugo ni Juan Lazaro, ni Rogelio Ordoñez (Unang Gantimpala, Gawad Kadipan 1962)
(3) Di Maabot ng Kawalang Malay, ni Edgardo M. Reyes (Pangatlong Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1960)
(4) Emmanuel, ni Edgardo M. Reyes (Pangatlong Gantimpala, Timpalak Liwayway 1962)
(5) Tata Selo, ni Rogelio Sikat (Ikalawang Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1963)
(6) Impeng Negro, ni Rogelio Sikat (Ikalawang Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1962; Unang Gantimpala, Timpalak Liwayway 1962)
(7) Mabangis na Lungsod, ni Efren Abueg (Pangatlong Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1961)
(8) Sa Bagong Paraiso, ni Efren Abueg (Pangatlong Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1963)
(9) Mapanglaw ang Mukha ng Buwan, ni Efren Abueg (Pangatlong Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1959)

Ganito rin ang isinulat ni Gng. Corazon Lalu-Santos ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University sa kanyang sanaysay na "Kambal na Disyerto: Ang Kolonyal na Kanon at Komersyalismo at ang Panimulang Pagpapaagos ng Mga Agos sa Disyerto: Hindi mga “karaniwang” kuwentong limbag sa magasing komersyal ang ipapagitna ng ipinalimbag nilang koleksyon ng kanilang mga kuwento kundi mga premyado—sinuri at kinilala ng mga hurado/kritiko ng mga patimpalak na kanilang nilahukan. Sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, nanalo ang “Mga Aso sa Lagarian”, Unang Gantimpala, “Impeng Negro” at “Tata Selo”, kapwa Pangalawang Gantimpala, “Mapanglaw ang Mukha ng Buwan”, “ Di-Maabot ng Kawalang-Malay”, “Mabangis na Lunsod”, “Sa Bagong Paraiso” at “Dugo sa Ulo ni Corbo”, lahat ay pawang nagwagi ng Pangatlong Gantimpala sa iba’t ibang taon ng patimpalak. Ginawaran din ng KADIPAN ng unang gantimpala ang “Dugo ni Juan Lazaro”. Itong mga premyadong akdang ito  ang pangunahing tanda ng kanilang pagtanggi sa imaheng ikinakabit sa panitikang Pilipino at sa pamantayang kailangang tupdin upang sila ay “mapabilang”.

Ang tiglilimang katha ng limang manunulat ay ang mga sumusunod, batay sa Ikaapat na Edisyon ng Mga Agos sa Disyerto:

Efren R. Abueg:
(1) Sa Bagong Paraiso
(2) Mapanglaw ang Mukha ng Buwan
(3) Mabangis na Lungsod
(4) Dugo sa Ulo ni Corbo
(5) Ang Lungsod ay Isang Dagat

Dominador B. Mirasol:
(1) "Eli, Eli, Lama Sabachthani"
(2) Mga Aso sa Lagarian
(3) Isang Ina sa Panahon ng Trahedya
(4) Ang Biktima
(5) Makina

Rogelio L. Ordoñez:
(1) Dugo ni Juan Lazaro
(2) Buhawi
(3) Sa Piling ng mga Bituin
(4) Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya
(5) Si Anto

Edgardo M. Reyes:
(1) Di Maabot ng Kawalang-malay
(2) Lugmok na ang Nayon
(3) Emmanuel
(4) Ang Gilingang-bato
(5) Daang-bakal

Rogelio R. Sikat:
(1) Tata Selo
(2) Impeng Negro
(3) Quentin
(4) Sa Lupa ng Sariling Bayan
(5) Ang Kura at ang Agwador

Ang una at ikalawang edisyon ng aklat ay may mga Intoduksyon ng mga may-akda, ang ikatlong edisyon ay may Introduksyon ni Bienvenido Lumbera, na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, at ang ikaapat na edisyon ay may Introduksyon naman nina Alexander Martin Remollino (SLN) at Noel Sales Barcelona. Sa ngayon, sa limang manunulat na nabanggit ay dalawa na lang ang nabubuhay - sina Abueg at Ordoñez.

Ang Mga Agos sa Disyerto ay isa nang moog sa panitikang pambansa. Hinawan nito ang landas tungo sa panitikang mulat at pagkukwento ng mga tunay na nangyayari sa buhay ng karaniwang tao. Tinalakay nila ang mga dusa't hirap, ang payak na buhay ng mga maralita, manggagawa, kabataan, mga karaniwang tao.

Ang Introduksyon sa Unang Edisyon ng Mga Agos sa Disyerto ay isang manipesto, isang paglingon sa nakalipas at pananaw sa hinaharap. Halina't baliktanawin at ating namnamin ang nilalaman ng kanilang manipesto:

"Kaming kabataang manunulat ay naninindigang may matatawag na tayong Panitikang Pilipino sa sariling wika. Iyan ay sa kabila ng masasakit na paratang na ang paniwalang ito ay bahagi lamang ng mga hibang na isip ng mga manunulat na Pilipino. Nililingon naming kabataan ang mga gawa ng mga yumaong manunulat sa wikang pambansa na kung hindi man nag-iwan ng mga akdang nakikipagtagalan sa panahon ay nagbukas naman ng landas patungo sa Lupang Pangako ng sariling panitikan."

"May nagparatang din na kung mayroon mang Panitikang Pilipino, ito naman ay 'malawak na disyerto,' na ang makikita lamang ay bungo, gapok na mga sanga ng kahoy, nangangalirang na mga damo sa tabi ng isang nauuhaw ring oasis. Ito ang kalagayan ng panitikan sa Pilipino na karaniwang pinaniniwalaan. Hindi kami naniniwala sa kadisyertuhang ito. Ang disyerto'y namamayani lamang sa bahagi ng pamayanang tumututol umunlad at nasisiyahan na lamang na ang mga paa'y nakatungtong na lagi sa alikabok at buhanginan. Ang manunulat na Pilipino, sa kabila ng mga tukso at balakid, ay nagsusumakit at umuunlad."

"Gayunman, kung may bahagi sa Panitikang Pilipino na 'disyerto,' ito'y sinisikap na 'paagusan' sa bagong anyo, ng bagong paksa, ng bagong pagpapakahulugan sa buhay, ng bagong paniniwala na inilululan sa mga kasalukuyang akda. Iyan ang layunin ng aklat na ito."

"Napapansin namin na ang mga akdang pinag-aaralan ngayon sa mga paaralan, maging sa hayskul at sa pamantasan, ay pawang sinulat bago sumapit ang 1955. Pagkaraan ng taong iyon, ang kathang sinulat ng bagong sibol na manunulat ay hindi na napalimbag. Mula noon hanggang ngayong 1964 ay hindi napupulsuhan ng bayan ang bagong sikdo ng panitikang Pilipino."

"Ito ang ibig naming gawin. Ibig naming ipabasa sa bayan ang mga bagong akdang sa abot ng aming kaalaman at kasanayan ay tinipon namin at sa kabila ng mga sagabal sa pagpapalimbag ay naipagsumakit naming maiharap sa bayan."

"Inaasahan naming ang Mga Agos sa Disyerto ay lalaganap sa "sinasabing" kadisyertuhan ng Panitikang Pilipino, pati na rin sa isipan ng mga kaaway nito."


Mga pinaghalawan:
Mga Agos sa Disyerto, Ikaapat na Edisyon, C & E Publishing, Inc., 2010
Sa Aking Panahon: 13 Piling Katha (at Isa Pa!), Edgardo M. Reyes, 1990
WikiPilipinas.org
Kambal na Disyerto: Ang Kolonyal na Kanon at Komersyalismo at ang Panimulang Pagpapaagos ng Mga Agos sa Disyerto, Kritika-Kultura, sanaysay ni Gng. Corazon Lalu-Santos ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University

Lunes, Disyembre 9, 2013

Paunang Salita sa aklat na SAGAD SA BUTO


Paunang Salita

PAG SAGAD NA SA BUTO, ANONG DAPAT GAWIN?

Laksa-laksa ang mga api sa lipunan, habang may iilang nagtatamasa sa yaman ng lipunan. Sagad na sa buto, ngunit hindi sagot ang paghihimutok lamang. Hindi sapat ang magalit lamang tayo ngunit wala tayong pagkilos na gingagawa at hindi pa tayo nanawagan ng pagkakaisa ng kapwa api. Sagad na sa buto kaya kinakailangan ang nararapat na pagkilos upang lutasin ang suliraning yumayanig sa buong pagkatao.

Sagad na sa buto ang kaalipinan ng mga itim kaya sila kumilos. Sagad na sa buto ang kawalanghiyaan ng mga kapitalista sa mga manggagawa. Sagad na sa buto ang mga ganid at sakim sa salapi at kapangyarihan. Sagad na sa buto ang pangungurakot ng mga pulitiko sa kaban ng bayan.

Sagad na sa buto. Inuuk-ok na ang ating kaibuturan ng kabulukan ng sistema ng lipunan. Hindi na tayo dapat magbulag-bulagan sa ating mga nararanasang dusa. Hindi tayo dapat maging bingi sa daing ng kapwa api. Hindi tayo dapat maging pipi kundi ihiyaw natin na sobra na, tama na, at dapat palitan na ang lipunang yumuyurak ng dangal ng ating kapwa. Oo, sagad na sa buto. Ibig sabihin, pag puno na ang salop, dapat nang kalusin. Pag sagad na sa buto, dapat nang lumaban! Suriin at pag-aralan ang lipunan, at kumilos para sa pagbabago! Karapatan ng sinumang api ang maghimagsik!

Ibig ding sabihin, dahil ang kabulukan ng sistema’y hene-henerasyon nang nagaganap, dapat nang magkaroon ng malawakang pagbabago, dapat nang mag-aklas ang mga api upang ibagsak ang uring mapang-api at tuluyang magbago ang kanilang kalagayan. Hindi na dapat manahin pa ng mga susunod na henerasyon ang mga kaapihang dinanas ng kanilang mga ninuno mula sa kamay ng mga mapang-aping uri. Panahon nang mag-aklas. Panahon na ng pagbabago, Panahon na ng rebolusyon. Maghimagsik laban sa mga mapagsamantala.

Ang mga tulang naririto'y paglalarawan kung bakit lumalaban ang mga api, at kung bakit dapat pangarapin ng mga api ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Nawa'y makatulong ang mga tulang naririto, kahit bahagya man, sa pagkamulat ng marami nating kababayang dapat nang humulagpos sa tanikala ng pagkaapi at kahirapan.

GREGORIO V.  BITUIN JR.
Sampaloc, Maynila
Disyembre 9, 2013

Miyerkules, Nobyembre 27, 2013

Ang mga mapagpalayang awiting "Bayan Ko" at "Lipunang Makatao"


ANG MGA MAPAGPALAYANG AWITING "BAYAN KO" AT "LIPUNANG MAKATAO"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang awiting "Bayan Ko" at "Lipunang Makatao" ang dalawa sa mga paborito't mapagpalayang awiting inaawit sa maraming pagtitipon. Ang "Bayan Ko" ay popular sa pagtitipon ng mga aktibista, lalo na yaong nasa kilusang makabayan. Ang "Lipunang Makatao" naman ay popular sa pagtitipon ng mga manggagawa't dukha, lalo na yaong nasa kilusang sosyalista.

Dalawang awiting mapagpalaya. Dalawang awiting dapat isapuso at kantahin ng sinumang mapagmahal sa kalayaan at ayaw sa lipunang mapagsamantala.

Ang awiting "Bayan Ko" ay isa sa mga tula ng makatang Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute, at naging Hari ng Balagtasan. Ang awiting ito'y nalathala sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, na pinamatnugutan ni Virgilio S. Almario, na nasa pahina 184-185.

Ayon sa talababa blg. 63 sa nasabing aklat, na nasa pahina 200: "Ang pagtaya na sinulat ang titik ng awit na ito sa taong 1929 ay batay sa isang sipi ng musikang nasa pag-iingat ng balo ni Corazon at limbag ng Perlas Music Store, Bustos, Maynila."

BAYAN KO
ni Jose Corazon de Jesus


Ang bayan kong Pilipinas,
Lupain ng ginto't bulaklak;
Pag-ibig ang sa kanyang palad,
Nag-alay ng ganda't dilag.

At sa kanyang yumi at ganda,
Dayuhan ay nahalina;
(Bayan ko ay binihag ka,
Nasadlak sa dusa!)

Ibon mang may layang lumipad,
Kulungin mo at umiiyak;
Bayan pa kayang sakdal dilag
Ang di magnasang makaalpas...

Pilipinas kong minumutya,
Pugad ng luha ko't dalita,
Aking adhika:
Makita kang sakdal laya!


Ang "Lipunang Makatao" naman ay mula sa panulat ng isang Resty Domingo na nagwagi sa unang gantimpala sa timpalak sa awit na pinamahalaan ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) noong 1988. Ito'y nilagyan ng himig nina Mar Laguna, Bobet Mendoza, Joey Asidera, at Elena Cruz. Ang instrumentalista ay sina Noel Cabangon para sa gitara (nylon, steel), synthesizer, (strings); Angelo Villegas para sa gitara (bass); at Rene Santos para sa drum set. Ang umawit naman nito ay si Razel Amisola para sa solo at ang grupong Teatro Pabrika para sa koro.

Ang liriko ng awiting ito ay sinipi mula sa cover ng cassette tape album na pinamagatang "Haranang Bayan", na inihandog ng Teatro Pabrika sa pakikipagtulungan ng Philippine Educational Theater Association (PETA), na inilunsad noong mga unang bahagi ng 1990s.

LIPUNANG MAKATAO
ng Teatro Pabrika


Solo:
Luha'y dumadaloy sa mugto mong mga mata
Larawan mo'y kalungkutan at kawalan ng pag-asa
Magagandang pangarap sa buhay mo'y di makita
Nabubuhay ka sa panahong mapagsamantala.

Koro:
Gumising ka, kaibigan, ang isip mo'y buksan
Dapat mong tuklasin ang tunay na kadahilanan
Bakit may naghihirap na gaya mo sa lipunan
At sa dako roo'y hanapin ang kasagutan.

Tama ka, kaibigan, sila nga ang dahilan
Ang mapagsamantalang uri sa lipunan
Likhang yaman natin, sila ang nangangamkam
Na dapat mapasaatin at sa buong sambayanan.

Koro:
Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya
Panahon nang wakasan ang pagsasamantala
Sa diwa ng layunin tayo'y magkaisa
Lipunang makatao'y itindig ng buong sigla
Buong Sigla.

(Instrumental)
(Acapela ng koro)
(Ulitin ang koro kasama ng instrumento)

Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya.


Ang awiting "Lipunang Makatao" dahil na rin sa mapagpalayang nilalaman nito ay mas dapat kantahin sa maraming pagtitipon o pagkilos, tulad ng rali, konsyerto, talakayan, pulong-bayan, atbp. Dapat itong maisapuso, tulad ng pagsasapuso ng awiting "Bayan Ko".

Ang "Bayan Ko" ay hinggil lamang sa pagmamahal sa bayan, at ang nakikitang suliranin batay sa liriko ng awitin ay dayuhan. At upang lumaya ay dapat mawala ang mga dayuhan. Kaibang-kaiba ang awiting "Lipunang Makatao" na ang nakikitang suliranin ay ang mapagsamantalang uri sa lipunan, at hindi lang simpleng dayuhan.

Ang "Bayan Ko" ay pambansa. Ang "Lipunang Makatao" ay pandaigdigan. Ang "Bayan Ko" ay laban sa dayuhan. Ang "Lipunang Makatao" ay laban sa uring mapagsamantala. Sa "Bayan Ko", lalaya lang tayo kung mapapalayas na ang mga dayuhan, kahit naririyan ang mga Pilipinong naghaharing uri't nagsasamantala. Sa "Lipunang Makatao", lalaya tayo kung mawawala, hindi lang ang mga dayuhan, kundi higit pa roon, ay mawala ang mga Pilipinong naghaharing uri at nagsasamantala, at tuluyan nang mawakasan ang pagsasamantala ng tao sa tao. Ang "Bayan Ko" ay kinagigiliwang awitin ng mga aktibista at ng mga panggitnang uri sa lipunan, lalo na sa mga pagtitipon, tulad ng anti-pork barrel, anti-PDAF at anti-DAP. Ang "Lipunang Makatao" ay tiyak na aawitin ng mga aktibista ngunit hindi pa ng mga panggitnang uri sa lipunan.

Gayunman, hindi natin dapat paglabanin o pagpilian kung alin ang magandang awitin o magaling sa dalawa, dahil pareho silang mapagmulat at dapat nating awitin. Hindi dapat "Bayan Ko" lamang dahil hindi naman natatapos ang suliranin ng bayan pag napalayas na ang dayuhan. Dapat na taos-puso rin nating awitin ang "Lipunang Makatao" dahil hindi lamang dayuhan ang problema, kundi mga kababayan din, at higit sa lahat, ang sistemang mapagsamantala. Ayon nga sa awitin, panahon nang wakasan ang pagsasamantala, at tayo'y magkaisa't magsama-sama upang kamtin ang dakilang adhikaing ito, hindi lang para sa kasalukuyan, kundi para sa kinabukasan, at para sa mga susunod pang henerasyon.

Magandang pagnilayan natin ang kaibahan ng bayan at lipunan sa nakasulat sa aklat na "Puhunan at Paggawa" ni Ka Popoy Lagman:

"Marami ang nag-aakalang ang “bansa” ang mismong “lipunan”. Ito ang turo ng gubyerno at iskwelahan. Kung ang “lipunan” ay siya mismong “bansa”, natural, hindi na pag-uusapan kung gusto nating maging myembro. Pero ang “bansa” at “lipunan” ay di iisa’t parehas na bagay. Ang “bansa” ay binubuo ng nagkakaisang lahi. Ang “lipunan” ay binubuo ng magkakaibang uri. Wala sa lahi ang pagkakaiba sa uri. Wala sa dugo ang tatak ng uri. Wala sa kalikasan ng bansa kundi nasa sistema ng lipunan. Walang kinalaman ang ating pagiging Pilipino sa pagiging manggagawa o kapitalista ng sinuman sa atin. Mayaman o mahirap, tayo’y Pilipino. Isinilang sa isang bansa. May diwa ng isang lahi. Pero sa loob ng pagawaan o plantasyon, balewala ang pagiging magkababayan. Pati pagkamakatao. Ang nangingibabaw ay ang pagkakaiba sa uri, ang relasyong makauri."

Mungkahi kong sa bawat mapagpalayang pagtitipon ay hindi lamang "Bayan Ko" ang inaawit kundi huwag ding kalimutang awitin ang "Lipunang Makatao" upang mas maipatagos pa natin sa mas marami pa na hindi lamang pagmamahal sa bayan ang mahalaga, kundi ang pagpawi sa uring mapagsamantala at pagtatayo ng isang lipunang makatao.

Halina't awitin natin ang dalawang mapagpalayang awiting ito sa maraming pagtitipon, at ipaabot din natin sa mas marami pa ang kahulugan at kahalagahan ng dalawang ito sa kamulatan ng bawat isa tungo sa pagkakaroon ng mas maunlad na pagbabago sa bansa at sa lipunan, nang kasama ang lahat sa pag-unlad at hindi lamang ang iilan.

Miyerkules, Oktubre 30, 2013

Pagninilay sa Kumperensyang "The Working Class Struggle for Social and National Emancipation in Asia and the Pacific"

PAGNINILAY SA KUMPERENSYANG "THE WORKING CLASS STRUGGLE FOR SOCIAL AND NATIONAL EMANCIPATION IN ASIA AND THE PACIFIC"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga nakadalo sa tatlong araw na Pandaigdigang Kumperensyang pinamagatang "From Anti-Colonialism to Anti-Neoliberalism: The Working Class Struggle for Social and National Emancipation in Asia and the Pacific" sa Bonifacio Hall ng SOLAIR (School of Labor and Industrial Relations) sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon mula Oktubre 23 hanggang 25, 2013.

Sa unang araw, naroon na ang mga delegado sa ganap na ikalawa ng hapon, ngunit pormal na nagsimula ang programa sa ganap na ikaapat ng hapon. 

Kinatampukan ang unang araw ng pagpapakilala sa mga dumalo, pagbibigay ng mensahe ng mga tagapagsalita, pagpapasinaya ng isang silid bilang dedikasyon kay Gat Andres Bonifacio, presentasyon ng aklat ni Dr. Rene Ofreneo, at salu-salo. 

Binuksan ang palatuntunan sa pamamagitan ng mga mensahe ni Dr. Caesar A. Salome, Chancellor ng UP Diliman; Dr. Jonathan P. Sale, Dean ng SOLAIR; at Mr. Berthold Leimbach na resident representative ng Friedrich Ebert Stiftung.

Nagbigay rin ng mensahe ang apo ni Bonifacio na si Atty. Gary Bonifacio, at ang awtor na si Dr. Vivencio Jose.

Binubuo naman ng pitong plenaryo ang ikalawa at ikatlong araw na kumperensya, na pawang nagsimula ng ikasiyam ng umaga: 

Tatlong plenaryo sa ikalawang araw:

Plenary 1: Labor's Continuing Struggles for Social Justice, Equity ad Democracy: Lessons and Insights

Plenary 2: The Working Class and Working Class Organizations in the 21st century

Plenary 3: The Role of Women and Women's Organizations in Emancipatory Struggles

Apat na plenaryo sa ikatlong araw:

Plenary 4: Social Protection and Wage Equality for All: Institutional Challenges and Labor's Response

Plenary 5: The Working Class and the Arts

Plenary 6: The Rise of Precarious Work and Labor's Strategies

Plenary 7: Labor's Role in Building an Inclusive and Sustainable Asia and the Pacific

Sa Unang Plenaryo, tatlong tagapagsalita ang nagbigay ng presentasyon. Dapat ay apat ito batay sa programa, ngunit hindi nakarating ang unang tagapagsalita na si Hari Nugroho hinggil sa kanyang paksang pinamagatang "Opportunities, Constraints and Pitfalls: Labour movements in Indonesia's local democracy".

Unang nagbigay ng presentasyon si Sanjiv Pandita, Executive Director ng Asia Monitor Resource Centre, na nakabase sa Hong Kong. "Social Protection in Asia" ang pamagat ng kanyang presentasyon. Nabanggit niya ang Social Protection - AROSS Declaration noong Oktubre 22, 2013 sa SOLARIS, Manila, kailangan ng redistributive justice para sa inhustisya sa mga nakaraan, at ang pangangailangan ng isang pandaigdigang sistemang maisasabatas at kasama ang lahat, lalo na ang mga kababaihan, mga taong iba ang kulay ng balat, mga migrante, at iba pa. At ayon pa sa tagapagsalita, ang social protection ay hinggil sa hustisya.

Ikalawang nagbigay ng presentasyon ay si Dr. Ramon Guillermo, associate professor ng Department of Filipino and Philippine Literature ng UP. Ang pamagat ng kanyang presentasyon ay "Excluding Andres Bonifacio: Neoliberal Policies and the Access of the Philippine Working Class to Education at UP". Tinalakay niya ang buhay ni Bonifacio, na ito'y palabasa at palaaral. Noong ika-19 na siglo, ang edukasyon ay para lang sa mga maysalapi, habang nitong ika-20 siglo, ang edukasyon ay nakapailalim na sa neoliberalismo, naging negosyo na ang edukasyon, imbes na karapatan ng lahat. Sa dulo ay sinabi niyang sana balang araw ay may magtapos na isang Andres Bonifacio sa Unibersidad ng Pilipinas.

Ang ikatlong nagbigay ng presentasyon ay si Gerry Rivera ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA) na pinamagatang "PALEA's Fight against Contractualization". Tinalakay niya ang mga nangyari sa empleyado ng PAL, lalo na sa isyu ng kontraktwalisasyon, pagkakatanggal ng mga manggagawa, pagtatayo nila ng piketlayn, at ang ginagawa nilang patuloy na paglaban para sa katarungan sa mga manggagawa ng PAL.

Apat naman ang tagapagsalita sa Ikalawang Plenaryo. Ito'y sina Dr. Jonathan P. Sale hinggil sa "Identifying and Defining the Working Class in the Philippines: An Analytic Framework"; Benjamin Velasco hinggil sa "ICCAW: Building a Voice for Call Center Workers"; Dr. Ronahlee A. Asuncion hinggil sa "Work-Life Balance: The Case of UP Diliman Security Guards", at si Ms. Rosalinda C. Mercado hinggil sa "The PULLMAN Workers' Cooperative Experience".

Sa talakay ni Dr. Sale, matalinghaga niyang sinabing ang manggagawa ay tulad ng pusang itm na madilim na silid. Tinalakay niya kung sino ba ang uring manggagawa, at may binanggit siyang mga indicator o pamantayan. Binanggit niya ang mga saliksik mula kay Zweig (2001), Mertzgar (2005), Virola (2007) at Candeias (2007), at Serrano, Antunes (2013). Binanggit naman ni Velasco ang kasaysayan ng pagkakatayo ng Inter-Call Center Association of Workers o ICCAW, pati na ang dinaanang pakikibaka ng 667 call center agents na basta na lang tinanggalan ng trabaho sa isang call center company, hanggang sa sila'y maorganisa. Tinalakay naman ni Dr. Asuncion ang kaso ng mga gwardya sa UP, na ang 21% ay lady security guards. Ang pasok ng mga ito'y dalawang shift, mula 7am-7pm at mula 7pm-7am. Marami namang debate sa ikaapat na talakayan, na hinggil sa pagtatayo ng kooperatiba sa mga pabrika o pagawaan. Sa open forum, dito'y sinabi ng isang dumalo roon na ang pagtatayo ng kooperatiba ay isang labor-only contracting, dahil pinuputol na ang employer-employee relations, tinatabingan na ang karapatan ng mga manggagawa, tinuturuan ang mga manggagawang maging kapitalista, at pinapatay ang unyonismo. Ayon pa sa ibang dumalo, kung kaya pa lang itayo ang kooperatiba, dapat kaya ring itayo ang unyon, ngunit sinabi ng manggagawang taga-PULLMAN, hindi naman sila ang may ayaw ng unyon kundi ang management ang may ayaw ng unyon. Dito'y nagpalakpakan ang mga manggagawa sa kanya mismong pag-amin.

Sinabi pa ni Ms. Mercado na ang Pullman Workers Cooperative ay nasa labas ng kumpanya. Idinagdag pa ng ibang dumalo, ang unyon ang pangunahin o batayang organisasyon ng mga manggagawa sa pabrika at hindi ang kooperatiba, at ang kooperatiba ay hindi dapat maging pang-areglo sa union-management dispute. Ganito rin ang nais ng management ng PAL sa mga manggagawa ng PALEA, ngunit hindi pumayag ang mga taga-PALEA.

Ang Ikatlong Plenaryo ay hinggil sa kababaihan. Tinalakay ni Dr. Rosalinda Pineda-Ofreneo ang paksang "Locating Women's Emancipatory Struggles in Diverse Arenas under Neoliberal Globalization". Tinalakay naman ni Dr. Judy M. Taguiwalo ang paksang "Revolutionary Movements and Filipino Women's Emancipation, the Katipunan and the CPP". Tinalakay naman ni Dr. Rebecca S. Gaddi ang "Gender-Responsive Rural Women's Development Plan".

Nabanggit ang ilang punto: pagprotekta sa dignidad ng tao, ang Emancipation of Women ni Lenin, ang isyu ng bayan at unyon ay isyu ng kababaihan, 80% remittance ng mga seaman ay napupunta sa kanilang asawa, at ayon sa NEDA, ang sweldo ng fulltime housewife ay pumapatak sa P45,000 a month.

Sa open forum ay sinabi kong dapat na magrali ang mga manggagawa hindi lamang sa Nobyembre 30 na 150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio kundi sa Nobyembre 25 din, na siya namang International Day for the Elimination of Violence Against Women. Sinang-ayunan ito ng karamihan.

Matapos ang open forum ay nagtanghal naman sina Ebru Abraham at ang KontraGapi. Mga isang oras din ang kanilang pagtatanghal at nakipagsayawan pa sa kanila ang ilang delegado.

Sa sumunod na araw, Oktubre 25, sinimulan ang Ikaapat na Plenaryo ni Dr. Marius Oliver sa pagtalakay sa "Streamlining Social Protection for Asian Migrant Workers: The need for a coordinated policy". Ang sumunod na nagtalakay ay si Dr. Emily Christi A. Cabegin sa paksang pinamagatang "Widening Gender Wage Gap in Economic Slack: the Philippine Case". Si Rainier Almazan naman ang nagtalakay ng "Designing a microinsurance program for trade union members in Cambodia."

Dalawa lang ang tagapagsalita sa Ikalimang Plenaryo. Ito'y sina Jose S. Buenconsejo sa kanyang "Unvoicing the Poor: A Critique of the Film 'Pakiusap,' a Representation of Social Relationship in Feudalistic Philippines" at si Ms. Michelle Miguel Galvez sa kanyang "Looking at Women's Empowerment through Visual Arts". Ipinalabas ni Buenconsejo ang video ng ilang bahagi ng pelikula, at ipinalabas naman ni Ms. Galvez ang panayam ni Tina Monzon-Palma sa mga kababaihang nasa visual arts.

Sa Ikaanim na Plenaryo, ang apat na tagapagsalita ay sina Dr. Jonathan P. Sale, "Types and Concepts of Work and the Labor Code; Towards a Policy Framework"; Dr. Melissa R. Serrano, "Non-standard Employment in Selected ASEAN Countries: Trends and Union Strategies", Rene Magtubo, "Arresting the Spread of Precarious Work: Strategies or Courses of Actions for Trade Unions in the Philippines", at Aryana Satrya, "Working conditions and employees' job satisfaction and work engagement".

Sa Ikapitong Plenaryo, ang dalawang tagapagsalita ay sina Edlira Xhafa na nagtalakay sa paksang "Trade Unions and Economic Inequality: Perspectives, Policies and Strategies" at Dr. Rene Ofreneo na tinalakay ang "Forging the Social Contract for the 21st Century."

Isang malaking bagay para sa akin na nakadalo sa kumperensyang ito pagkat maraming nadagdag na kaalaman at impormasyon sa akin, lalo na sa iba't ibang isyu ng mga manggagawa. Sa mga susunod na magkaroon pa uli ng ganitong kumperensya ay dadalo pa rin ako.

Tunay na nakapukaw sa akin ang pamagat ng kumperensya - "From Anti-Colonialism to Anti-Neoliberalism: The Working Class Struggle for Social and National Emancipation in Asia and the Pacific" - na tila sayang ang pagkakataon kung hindi ako makadalo rito.

Ngunit may pagninilay ako hinggil sa pamagat ng buong kumperensya. Dahil sa salitang "struggle for social and national emancipation" ay hinanap ko ang mga lider at mga labanan, mga pag-aarmas para sa kalayaan. May ilan pa ngang nadismaya sa pamagat dahil nga ang inaasahan nila ay history o kasaysayan ng pakikibaka at madudugong labanan nina Andres Bonifacio, ngunit kung pagninilayan, sadyang iba ang laban ng uring manggagawa. Isyu at hindi pag-aarmas. Sa una ay aakalain mong digmaang bayan ito, ngunit sa proseso ng mga pagtalakay ay sadyang iba ang laban ng uring manggagawa. Ang armas ng manggagawa ay ang kanilang teorya ng pagbabago, hindi baril, ang pagtatayo ng isang lipunang walang pang-aapi at pagsasamantala, at hindi madugong sagupaan.

Kaya ang panawagang "Workers of the World, Unite! We have nothing to lose but our collective chain!" sa dulo ng presentasyon ni Dr. Ofreneo, at siyang tumapos sa pitong plenaryo, ay napapanahon pa hanggang ngayon, at panawagang siya ring bumuod sa naturang kumperensya.








Sabado, Oktubre 19, 2013

Ang usaping coal, klima at maralita


ANG USAPING COAL, KLIMA AT MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa darating na Oktubre 22 ay National Day of Action Against Coal (Pambansang Araw ng Pagkilos Laban sa Pagsusunog ng Karbon). Labinlimang lugar sa buong bansa ang magpoprotesta sa araw na ito. Ito'y sa Metro Manila, na lunsaran ng pambansang protesta; at sa mga lugar na may coal plant at balak itayong coal plant, sa Subic, Zambales, Bataan, Semirara, Caluya, Leyte, Socsargen, Ozamis, Pagadian, Palawan, Cebu, Davao, Iloilo, at Negros.

Ang protestang ito'y pinangungunahan ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) at ng iba't ibang samahang anti-coal sa mga lugar na nabanggit.

Dito sa Metro Manila, kasama ang mga maralita sa magpoprotesta. Bakit? Ano ba ang kaugnayan ng coal sa usaping klima at maralita.

Unang-una, ang proseso ng pagsusunog ng karbon sa mga coal plant ay nagpaparaming lalo sa mga carbon emission sa ating kalawakan. Isa itong "dirty and harmful energy" o marumi at mapanganib na enerhiya, dahil matindi ang dumi at polusyong ikinakalat nito sa kapaligiran, nakakapag-ambag sa papatinding pagbabago ng klima. Ibig sabihin, hindi na natural ang ating klima dahil sa napakaraming maruruming usok na nakakalat na sa ating kalawakan, lalo na sa espasyo ng ating kalawakan sa Pilipinas.

Napakalaki ng ambag ng labis na pagsusunog ng karbon sa akumulasyon ng greenhouse gas sa atmospera ng ating daigdig at ito ang pinakamalaking pinagmumulan ng pandaigdigang emisyon ng greenhouse gas. 

Ayon sa International Energy Agency (IEA), nanggaling sa pagsusunog ng karbon ang apatnapu't limang bahagdan (45%) o 14.2 gigaton ng kabuuang 31.6 gigaton ng pandaigdigang emisyon ng carbon dioxide mula sa kombustyon ng fossil fuel noong 2011. Ang labis na konsentrasyon ng greenhouse gas sa armospera ang pinagmumulan ng pag-iinit ng mundo at nagbabagong klima.

Sa nakaraang limang taon, inaprubahan ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagtatayo ng 26 na bagong planta ng karbon na pawang karagdagan sa 29 plantang karbon na pinatatakbo sa kasalukuyan, at 22 pang iminungkahing planta. Inaprubahan din ang 21 permit para sa pagmimina ng karbon, at ang kabuuang bilang ng mga permit na ito sa kasalukuyan ay umabot na sa 60.

Bakit dapat tayong magprotesta at makiisa sa pandaigdigang protesta laban sa coal at ano ang kinalaman nating mga maralita? Dahil ang pagbabago ng klima ay walang pinipiling taong tatamaan, kundi tayong lahat.

Una, kung lahat ay tatamaan, bakit matindi ang diskriminasyon sa ating mga maralita pag may dumating na malaking pagbaha na dulot ng pagbabago ng klima, na kahit sa panahon ng tag-araw ay matindi ang mga pag-ulan? Katunayan, matapos ang Habagat noong Agosto 2012, agad sinisi ng Malakanyang kaya dapat palayasin ang mga maralita sa mga tabing-ilog, tulay at estero dahil ang mga maralita raw ang pangunahing nakakapagdumi ng mga lagusang tubig, estero at ilalim ng tulay dahil marami sa atin ang doon nakatira.

Ayaw banggitin ng gobyerno na climate change ang dahilan ng pagbaha. Na ang nagdulot ng pagbaha ay dahil nababago na ang klima, na dulot naman ng labis-labis na konsentrasyon ng greenhouse gas sa atmospera, na isa sa mga mayor na dahilan ay ang mga coal-fired power plant. Ayaw rin naman ng mga maralitang tumira sa tabing-ilog, ilalim ng tulay at estero, ngunit napipilitang doon magtayo ng bahay dahil sa kahirapan. Hindi sapat ang sariling diskarte ng maralitang isang kahig, isang tuka para umupa ng bahay. Bukod pa sa ang mayorya ng maralita'y biktima ng salot na kontraktwalisasyon, at kawalan ng katiyakan sa trabaho.

Hanggang ngayon, nakikibaka pa rin ang mga maralitang nakatira sa tabing-ilog, ilalim ng tulay at estero, para sa maayos na paninirahan at hustisyang panlipunan, kahit na mayroon na silang ginawang mga people's proposal kung paano sila makakaiwas sa panganib ng pagbaha, dahil ang mismong gobyerno'y nais talaga silang maitaboy sa malalayong lugar, dahil ang maralita'y masakit sa mata ng mga negosyante.

Ikalawa, laging sinisisi ang mga maralita sa pagbabago ng klima, gayong ang pangunahing pinagmumulan ng pagbabago ng klima ay ang konsentrasyon ng greenhouse gas sa atmospera na ang isa sa pangunahing nagdudulot ay ang mga coal-fired power plants. Nagbabago ang klima, at sa bawat pagbabago ay apektado ang mga maralitang nakatira sa mga tabing ilog, ilalim ng tulay, at estero. Pag nagbaha, hindi sisisihin ang pagkakatayo ng malalaking malls na nagpakipot sa ilog na patungo sana sa dagat, tulad ng pagkipot ng ilog sa pinagtayuan ng SM Marikina.

Sa ating mga maralita, dapat tayong magprotesta laban sa mga panibagong plano ng pamahalaan na magtayo pa ng mga bagong coal-fired power plants bilang pinagmumulan ng enerhiya dahil bukod sa ito'y marumi at mapanganib, ito'y hindi mura. Tigilan na ang pagsisi sa ating maralita, at panahon nang tingnan ng pamahalaan ang kanilang mga patakarang nagdudulot pa ng paglala ng climate change. Ang pagmimina ng karbon at proseso ng kombustyon ay may malala at nakalalasong epekto sa kalusugan ng tao at ng kapaligiran. Pinahihina nito ang katatagan at kakayahan ng tao at ng pamayanan na harapin ang mga epekto ng nagbabagong klima. Winawasak ng pagmimina ng karbon ang mga kagubatan, kabundukan at mga daluyang tubig - na ang kahihinatnan ay malubhang kalagayan kabilang na ang paglala ng kalamidad dahil sa klima.

Dapat magsagawa ang pamahalaan ng plano patungo sa mga renewable energies o yaong mga pagkukunan ng malinis na enerhiya, tulad ng solar energy. Dapat laanan ng pondo ng pamahalaan mula sa labis-labis na pork barrel ng mambabatas at ng pamahalaan para sa mga solar panel sa mga lugar ng maralita, tulad sa mga lugar ng relokasyon, upang malinis na pinagmumulan ng kuryente ang dumaloy sa kabahayan ng maralita, bukod pa sa ito'y kabawasan sa pagbabayad ng maralita sa kuryente.

Sa Oktubre 22, magkita-kita tayo sa Morayta sa ganap na ika-9 ng umaga. Kung kakayanin, magsuot tayo ng itim na t-shirt bilang simbolo ng maitim na usok na ibinubuga ng mga coal-fired power plants at bilang simbolo ng pagdumi ng mga ilog, dagat at kapaligiran sa mismong paligid ng mga coal-fired power plants. Magmamartsa tayo patungong Mendiola sa ganap na ika-10 ng umaga.

Dalhin natin ang ating mga flags at magdala na rin ng ating sariling plakards, na ang nakasulat: 
"Climate Change at Coal Plants, Dahilan ng Pagbaha sa Kalunsuran! Huwag magtayo ng panibagong Coal Plants!"
"No to new coal plants!"
"No to coal mining!"
"Shift to Renewable Energies!"
"Pondohan ng pamahalaan ang paggamit ng Solar Power sa mga Komunidad ng Maralita!"
"Solar Power sa mga Komunidad ng Maralita, Simulan Na!"
"Solar Power Na, Hindi Coal Plants!"

Linggo, Oktubre 13, 2013

Oktubre 13 bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad


Oktubre 13 bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong buwan matapos ang bagyong Ondoy na nagpalubog sa maraming lugar sa Pilipinas noong Setyembre 26, 2009, idineklara naman ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa o PKNB (United Nations General Assembly) noong Disyembre 21, 2009 na ang Oktubre 13 ng bawat taon ay Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction). Layunin ng paggunitang ito na maiangat ang kamalayan kung ano ang mga isinasagawang paraan ng mamamayan, saanmang bansa sila naroroon, upang mabawasan ang panganib na kakaharapin nila kung sakaling dumating ang mga kalamidad. Ang mga kalamidad na binabanggit ay tulad ng bagyo, biglaang pagbaha, pagpasok ng tubig sa bahay, lindol, buhawi, ipu-ipo at iba pang likas na kalamidad.

Gayunman, noong una'y bahagya akong naguluhan sa termino, dahil mas kilala natin ang katagang DRR o disaster risk reduction, na karaniwang ibinibigay na programa sa ilang samahan dito sa Pilipinas. Disaster risk reduction o pagbawas sa panganib na dulot ng kalamidad, at hindi disaster reduction na pagbawas sa kalamidad. Hindi kasi natin mababawasan ang kalamidad dahil ito'y kalikasan at hindi gawa ng tao. Ang kaya nating bawasan bilang tao ay ang epekto ng kalamidad sa tao. Kung dati ay binabaha ang iyong tahanan, aba'y taasan mo ang lupang tinutuntungan ng iyong bahay, o kaya'y lumipat ka ng tahanan. Pero bakit nga ba disaster reduction ang mas piniling katawagan sa pandaigdigang araw na iyon, imbes na disaster risk reduction. Nais ko itong hanapan ng sagot. Marahil, ang DRR ay paraan upang mabawasan ang panganib habang ang disaster reduction ay paglalarawan sa isang nakaambang panganib.

Batay sa Resolusyon Bilang 44/236 noong Disyembre 22, 1989 ng PKNB, idineklara nila ang ikalawang Miyerkules ng Oktubre bilang Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang mga Likas na Panganib (International Day for Natural Disaster Reduction), ngunit ito'y inobserbahan lamang sa loob ng sampung taon, mula 1990 hanggang 1999 dahil ang dekadang ito'y idineklarang Pandaigdigang Dekada upang Mabawasan ang mga Kalamidad (International Decade for Natural Disaster Reduction). Gayunpaman, umikli ang katawagan sa pandaigdigang araw na iyon nang sa pamamagitan ng Resolusyon Bilang 64/200 noong Disyembre 21, 2009, pinagtibay ng PKNB na ang Oktubre 13 ng bawat taon ay paggunita sa Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Kalamidad (International Day for Disaster Reduction).

Iba't iba ang tema ng bawat taon mula nang italaga ang pandaigdigang araw na ito noong 2009. Isa-isahin natin.

Tema ng 2009 - "Ligtas ang mga ospital sa kalamidad" (Hospitals safe from disaster). Napakahalagang ligtas ang mga ospital dahil sa iba't ibang kalamidad sa Pilipinas, Vietnam, Tsina, Samoa, Indonesia at Silangang Aprika, na hindi lamang buhay ang mga nawala, kundi nasira din ang mga pasilidad at imprastrakturang pangkalusugan. Kaya minungkahi ng UN sa lahat na magtayo ng mga bagong ospital na hindi kayang yanigin ng mga kalamidad

Tema ng 2010 - "Naghahanda na ang aking Lungsod!" (My city is getting ready!) Ipinanawagan ng UN sa mga kasapi nito na dapat silang maging aktibo sa pagprotekta sa mga lungsod laban sa mga kalamidad. Nang taong iyin, maraming bansa ang sinalanta ng mga kalamidad, tulad ng lindol sa mga bansang Haiti, Chile, at New Zealand; pagbaha at bagyo sa Pilipinas, Pakistan, Silangang Europa, Mozambique, ay ilan pang lugar sa Aprika; ang mga pagkasunog ng kagubatan sa Rusya; at pagputok ng bulkan sa Indonesia at Iceland, kung saan nagdulot ito ng maramihang pagkawasak ng lugar, at matinding hirap sa mga tao.

Tema ng 2011 - "Ang mga Bata at Kabataan ay Katuwang sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad: Humakbang tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad! (Children and Young People are partners for Disaster Risk Reduction: Step Up for Disaster Risk Reduction!) Tatlong kabataan ang naging tagapagsalita sa Pandaigdigang Plataporma tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad! (Global Platform for Disaster Risk Reduction) sa Geneva na dinaluhan ng 2,600 kinatawan mula sa iba't ibang bansa.Ang tatlong batang ito'y sina Andre, edad 16, at Alicia, 14, ng Pilipinas, at Johnson, 17, mula sa Kenya. Dito'y inilunsad nila ang limang puntong Kasulatang Pinagkayarian ng mga Kabataan tungo sa Pagbabawas ng Panganib ng Kalamidad (Children's Charter for Disaster Risk Reduction), na mula sa konsultasyon sa mahigit 600 kabataan mula sa 21 bansa.

Ang limang puntong ito sa Kasulatan ay ang mga sumusunod: (1) Dapat ligtas ang mga paaralan - at hindi nagagambala ang pag-aaral. (2) Pangunahin ang proteksyon sa mga bata, bago, habang, at matapos ang kalamidad. (3) Ang mga bata at kabataan ay may karapatang lumahok at makakuha ng impormasyong kinakailangan nila. (4) Dapat ligtas ang anumang imprastraktura sa komunidad, at ang pagtulong at pagtatayo muli ng mga nawasak ay dapat makatulong upang mabawasan ang panganib ng kalamidad. (5) Ang pagbabawas ng panganib ng kalamidad ay dapat makarating sa mga matinding tatamaan ng kalamidad.

Tema ng 2012 - "Ang mga kababaihan at batang babae ay may kapangyarihang magtaguyod ng pagbabago." (Women and girls are powerful agents of change.) Ang kawalan ng pagkakantay dahil sa magkaibang kasarian ang naglalagay sa mga babae, bata at sa buong pamayanan sa panganib pag dumating na ang kalamidad. Kaya marapat lamang ang edukasyon upang maging pantay ang pagtingin sa bawat isa, at isama ang mga kababaihan at batang babae sa buhay ng lipunan. Ito'y dahil wala namang pinipiling kasarian ang kalamidad, kaya dapat lahat ay maging kasama sa paghahanda, lalo na ang mga kababaihan at batang babae. Sila'y mga epektibong daluyan ng impormasyon upang lahat ay magkaunawaan at magkatulungan, lalo na sa oras ng kalamidad.

Tema ng 2013 - "Pamumuhay kasama yaong may kapansanan at kalamidad (Living with Disability and Disasters). Ang mga taong may kapansanan ay hindi ligtas sa kalamidad, dahil sa kanilang kalagayan at karamihan sa kanila'y mahihirap, ay may kakulangang makakuha ng edukasyon, maayos na kalusugan, tirahan, pagkain at paggawa, bago pa tumama ang kalamidad. Karaniwang wala silang mahalagang papel sa proseso ng pagpaplano paano mababawasan ang panganib ng kalamidad, mapigil ang kalamidad o kaya'y magtayo ng masiglang pamayanan. Karaniwan din ay hindi sila nakakatanggap ng tulong na kailangan nila kapag may kalamidad, at hindi rin kaagad sila nakakabangon.

Ayon nga kay Ban Ki-moon, Pangkalatang Kalihim ng Nagkakaisang Bansa, "Nakakapagligtas ng buhay ang paglahok. At pinatatatag nito ang mga taong may kapansanan upang angkinin nila ang kanilang sariling kaligtasan - pati na ang kanilang pamayanan." (Inclusion saves lives. And it empowers persons with disabilities to take ownership of their own safety – and that of their community.)

May ilang mga dokumentong mahahalaga hinggil sa pagbabawas ng panganib ng kalamidad. Nariyan ang Istratehiya sa Yokohama at Plano sa Pagkilos para sa Ligtas na Daigdig (Yokohama Strategy and Plan of Action for a Safer World) ng 1994, ang Balangkas ng Pagkilos para sa Pagpapatupad ng Pandaigdigang Istratehiya tungo sa Pagbabawas ng Kalamidad (Framework for Action for the Implementation of the International Strategy for Disaster Reduction) ng 2001, ang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo (Hyogo Framework for Action) mula 2005-2015, at marami pang resolusyon ng Pangkalahatang Kapulungan.

Ang dokumentong Istratehiya sa Yokohama at Plano sa Pagkilos para sa Ligtas na Daigdig ang resulta ng pandaigdigang kumperensyang ginanap sa Yokohama, Japan noong Mayo 23-27, 1994. Inilatag nito ang ilang patakaran hinggil sa pagpigil sa kalamidad, kahandaan at pagbabawas (mitigasyon). Ang unang bahagi ng dokumento ay naglalarawan ng mga alituntunin kung saan nakabatay ang istratehiya ng pagbabawas ng panganib. Ang ikalawang bahagi ang pinagkaisahang gabay ng pagkilos ng mga kasaping estado ng Nagkakaisang Bansa. At ang ikatlo naman ang naglalatag ng mga bagay hinggil sa mga susunod pang pagkilos.

Ito namang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo (Hyogo Framework for Action) ang unang planong nagpapaliwanag, naglalarawan, at nagbibigay ng detalye sa kinakailangang mga pagkilos ng iba't ibang sektor at siyang kumikilos upang mabawasan ang mga mawawala sa kalamidad. Layunin nitong mabawasan ang mga pagkamatay dulot ng kalamidad at mabawasan din ang mga maaapektuhan sa usaping panlipunan, pang-ekonomya't pangkapaligiran kapag nariyan na ang kalamidad. Naisagawa ang Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo sa isang pandaigdigang kumperensyang ginanap sa Lungsod ng Kobe, sa lalawigan ng Hyogo, sa bansang Japan, mula Enero 18 hanggang 22, 2005. May nakasaad na limang puntong nakapaloob sa Balangkas ng Pagkilos sa Hyogo. Ito'y ang mga sumusunod:

1. Pagtiyak na ang pagbabawas ng panganib ng kalamidad ay isang pambansa at isang lokal na prayoridad nang may matatag na batayang institusyonal sa pagsasakatuparan nito.

2. Tukuyin, suriin at subaybayan ang mga panganib ng kalamidad at patindihin ang maagang babala ng kalamidad.

3. Gamitin ang kaalaman, pagkamalikhain at edukasyon upang itatag ang isang kultura ng kaligtasan at katatagan sa lahat ng antas.

4. Pagbabawas ng mga batayang salik ng panganib.

5. Pagpapatibay ng kahandaan sa kalamidad para sa epektibong pagtugon sa lahat ng antas.

Napakarami nang bagyong nanalanta sa ating bayan, at napakarami nang tao ang nagbuwis ng buhay. Sa datos ng ating PAGASA, nariyan ang bagyong Uring noong Nobyembre, 1991 na 5,080 katao ang namatay, 292 ang nasaktan, habang may nawawalang 1,264 katao; bagyong Nitang noong Setyembre 1984, na 1,029 ang namatay, 2,681 ang nasaktan, at 464 ang nawawala. Sa mga nawasak ng bagyo, nariyan ang bagyong Rosing noong 1995 na sumira sa imprastrakturang nagkakahalaga ng P1.726B at agrikulturang nagkakahalaga ng P9.037B. Ang bagyong Loleng naman noong 1998 ay sumira ng imprastrakturang nagkakahalaga ng P6.787B at agrikulturang P3.695B.

Sa nakaraang dekada naman, umabot sa 337 ang namatay sa Ondoy (ABS-CBN, 100909), 102 namatay sa mga bagyong Pedring at Quiel (GMA News, 101011), 278 ang namatay sa bagyong Sendong sa Mindanao (Inquirer, 121711), 98 ang namatay sa Habagat (ABS-SBN, 081312). Umabot ng 1,621 ang namatay sa lindol noong Hulyo 16, 1990, at 847 naman ang namatay sa pagputok ng Mount Pinatubo noong 1991 kung saan 364 komunidad at 2.1 milyong katao ang apektado.

Malaki ang nawawala. Ari-arian at buhay, kaya dapat nating maging handa kung sakali mang dumating ang mga kalamidad. Kailangang magsuri at maging mapanlikha upang maging akma ang mga gagawing solusyon. Ang mahalaga, mabawasan ang maaapektuhan ng kalamidad dahil nagawa natin ang nararapat, tulad ng adaptasyon, o pag-aangkop sa sitwasyon upang mabawasan ang panganib, tulad ng paglipat sa mataas na lugar pag nagbaha o pagpapatibay ng bahay kung sakaling marupok na ang mga haligi nito.

Kailangang laging handang kumilos ang mga awtoridad at mga tao sa komunidad, lalo na yaong nasa nanganganib na lugar, at may kaalaman sila at kapabilidad para sa epektibong paggampan sakaling nariyan na ang kalamidad. Lalo na sa Pilipinas na taun-taon na lamang ay dinadalaw ng bagyo't binabaha. Kailangan nating laging maging handa, hindi lamang simpleng mga pag-angat ng gamit sa ating mga tahanan sakaling magbaha, kundi ang kahandaan ng kalooban at kaalaman, kung sakaling tayo na ang sinasalanta ng kalamidad, at kahandaang tumulong sa iba pang sinalanta. Napakahalaga ng bayanihan ng taumbayan sa panahong ito ng kalamidad.

Ang Oktubre 13 bilang pandaigdigang araw ay dapat magpagunita sa atin ng taal na diwa ng bayanihan, kahandaan, pagtutulungan, at pakikipagkapwa-tao. Mahalaga ang bawat buhay, kaya mahalaga ang kaligtasan ng bawat isa sa anumang mga kalamidad pang darating. Kailangang maging handa ng bawat isa sa mga darating pang kalamidad. Higit sa lahat, magtulungan at magbayanihan tayo upang masagip natin ang anumang buhay na maaaring mawala dahil sa kalamidad.

Mga pinagsanggunian:
http://www.un.org/en/events/disasterreductionday/, http://www.unisdr.org/2013/iddr/, http://kidlat.pagasa.dost.gov.ph/cab/tc_frame.htm, http://en.wikipedia.org/wiki/Typhoons_in_the_Philippines, http://www.abs-cbnnews.com/nation/10/09/09/death-toll-ondoy-rises-337, http://www.gmanetwork.com/news/story/234832/news/nation/pedring-quiel-death-toll-hits-102-ndrrmc, http://newsinfo.inquirer.net/112849/180-dead-nearly-400-missing-in-storm, http://rp1.abs-cbnnews.com/nation/08/13/12/95-killed-34-million-affected-habagat-rains, http://en.wikipedia.org/wiki/Mount_Pinatubo

Sabado, Oktubre 12, 2013

Ang dokumentaryong "Dear Mandela" ng CineMaralita

 ANG DOKUMENTARYONG "DEAR MANDELA" NG CINEMARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Oktubre 10, 2013, Huwebes, umaga, nang makita ko sa facebook ang patalastas sa dokumentaryong "Dear Mandela" na "free admission" o libre ang palabas. Ipapalabas ito sa UP Threatre sa Diliman, dalawang sakay lamang sa tinutuluyan ko. Kinagabihan, ikapito ng gabi, naroon na ako upang panoorin ang palabas.

Dahil lamang sa pamagat na "Dear Mandela" kaya ako nagtungo roon, na sa tingin ko ay tungkol sa buhay ni Nelson Mandela, ang presidente ng Katimugang Africa. Ngunit nagkamali ako, hindi pala iyon tungkol kay Mandela kundi sa mga maralita sa Africa na naipanalo nila ang kanilang laban.

Nagkamali lang ako dahil sa pamagat, ngunit maganda na nakatungo ako roon dahil din sa isyu ng maralita. Isa sa pinanggalingan kong organisasyon ay samahang maralita - ang Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod o KPML. Napunta ako ng KPML hindi dahil nanggaling ako sa isang lugar na dinemolis, kundi dahil doon ako napunta mula sa grupong Sanlakas. Kinuha ako ng KPML, ni Ate Emy, upang maging manunulat ng KPML dahil nag-resign na ang dating manunulat nila sa kanilang pahayagan.

Kaya ang pag-aakala ko sa pamagat ay hindi naman nakadismaya sa akin, kundi mas nagdagdag pa ng panibagong kaalaman. Kumbaga, may kaugnayang sadya sa aking adbokasya at sa adbokasya ng KPML, lalo na sa karapatan sa paninirahan at pagbaka sa mga maling polisiyang basta na lamang itinataboy na parang daga ang mga maralita sa kanilang tinitirhan nang walang maayos na proseso at kawalan ng paggalang sa kanilang karapatan bilang tao.

Ang "Dear Mandela" ay dokumentaryo tungkol sa mga maralita sa Durban sa Katimugang Aprika at ang kanilang pakikibaka para sa isang maayos na paninirahan. Ang ginamit na halimbawa rito ng mga maralita, lalo na ang mga kabataan, ay ang mga halimbawa ni Nelson Mandela kung paano lumaban at ipanalo ang kanilang laban.

Nang ang pamahalaan ng Katimugang Aprika ay nangakong aalisin ang mga iskwater at itataboy sila sa malalayong lugar, malayo sa lungsod, tatlong magkakaibigan ang tumangging umalis. Ito'y sina Mazwi, Mnikelo, at ang babaeng si Zama, na siyang mas pinagtuunan ng pansin ng dokumentaryo. Mga bahay na giniba, mga pagbabanta, mga pagkilos sa korte, pinangunahan ng ilang kabataan ang pagtindig sa kanilang karapatan sa paninirahan bilang patunay ng lakas ng taumbayan kung magsasama-sama. Tinawag ang kilusan nila na Abahlali baseMjondolo (residents of the shack, o yaong mga naninirahan sa mga barungbarong sa kanilang lugar). Ngunit kaiba ang tirahan nila sa barungbarong ng Maynila, dahil nakatira sila sa malalaking gusaling maraming mga silid, at bawat silid ay tirahan ng bawat pamilya. 

Mula sa kanilang tahanang ito na nais silang mapaalis hanggang sa pinakamataas na korte, iginiit ng mga maralitang kabataang ito ang halimbawa ni Mandela at pinamunuan nila ang isang lumalaking kilusang nagtatanggol sa kanilang karapatan. 

Gayunman, ang pagtingin ng tatlong kabataang ito, hindi natupad ng partido ni Mandela, ang ANC (African National Congress) ang kanilang pangakong pagbabago. Dahil na rin ito sa pagkakasabatas ng "Slums Act" na nagligalisa sa ebiksyon at demolisyon, at nalabag ang karapatang nakaukit sa Saligang Batas ng kanilang bansa. Sa tulong ng mga abogadong pro bono o yaong hindi nagpabayad ng serbisyo, hinamon nila ang katumpakan ng "Slums Act" hanggang sa umabot sila sa pinakamataas na korte.

Ngunit napakaraming sakripisyo ang kanilang dinaanan. Nariyan ang demolisyon, tangkang pagpatay sa kanila, at pagsasamantala sa kanila ng pamahalaan, ngunit naging matatag sila sa mga pagsubok na iyon. 

Sa bandang huli ng palabas, nanalo sila sa korte at hindi napaalis. Ipinakita ng dokumentaryo ang malaking papel na ginagampanan ng mga kabataan sa pagbabago ng kanilang kalagayan.

Ang mga direktor ng "Dear Mandela" ay sina Dara Kell at Christopher Nizza. Ang dokumentaryong ito'y nanalo ng Grand Chameleon Award & Best Documentary sa Brooklyn Film Festival noong 2012. isa't kalahating oras o 90 minuto ang haba ng dokumentaryong ito.

Umuwi akong nasa isipan ang kanilang tagumpay, at nagdagdag sa akin ng inspirasyon na magpatuloy sa mga gampanin sa KPML at ipagtanggol ang karapatan ng mga maralita sa paninirahan sa pamamagitan ng makatarungang pamamaraan at malalim na paninindigan.