Sabado, Hunyo 25, 2016

Paggunita sa ika-10 anibersaryo ng parusang bitay

PAGGUNITA SA IKA-10 ANIBERSARYO NG PAG-ALIS SA PARUSANG BITAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dinaluhan ko ang isang aktibidad bilang paggunita sa ikasampung anibersaryo ng pagkakaalis sa parusang bitay sa bansa. Ito yung pagsasabatas ng Batas Republika Bilang 9346, na may pamagat na "An Act Prohibiting the Imposition of the Death Penalty in the Philippines" noong Hunyo 24, 2006 na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Ginanap ang paggunitang ito sa Commission on Human Rights (CHR) nitong Biyernes ng umaga, Hunyo 24, 2016.

Nalaman ko ang aktibidad na ito sa mga kasapi ng HR groups noong Hulyo 3, 2016, kasabay ng konsyertong "Human Rights to the Max" na isa ring fund raising campaign para sa pagpapagamot ni Ginoong Max de Mesa, na chairman ng PAHRA (Philippine Alliance of Human Rights Advocates) na ginanap din sa CHR.

Pagdating ko sa CHR ay nakasalubong ko ang isang kaeskwela noong elementarya na si Ginoong Gerry Bernabe. Mas una ako ng isang taon sa kanya. Siya na pala ang spokesperson ng CBCP-ECCPC (Catholic Bishops' Conference of the Philippines - Episcopal Commission on Prison Pastoral Care). Siya rin ang agad in-interview ng isang reporter ng TV. Dahil matagal kaming hindi nagkita, binigyan ko siya ng aking librong "Patula ng UDHR" at nagpalitrato kasama siya.

Nagsimula ang isang misa bandang ika-11 ng umaga, at naroroon sa harapan ang limang pari. Ang paring taga-Cotabato ang nagmisa, at Si Fr. Robert Reyes ang siyang nagbigay ng homiliya o sermon.

Matapos ang misa ay nagpahayag ang iba't ibang organisasyon. Nagsalita ang kinatawan ng CADP (Coalition Against Death Penalty) na si Ginoong Rodolfo Diamante, na siya ring spokesperson nito at executive secretary ng CBCP-ECPPC.

Nagsalita din si Maria Socorro I. Diokno, secretary general ng FLAG (Free Legal Assistance Group). Naroroon din at nagsalita si CHR Commissioner Chito Gascon.

Ipinaliwanag ng mga tagapagsalita ang paglagda ng Pilipinas noong Setyembre 20, 2006 sa Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights (na may layuning maalis na ang parusang bitay). Niratipika naman ito noong Nobyembre 20, 2007. At ang muling pagbuhay sa parusang bitay ang paglabag na umano sa Unang Artikulo ng Second Optional Protocol. Sinabi naman ni Ginang Diokno na muli na namang mabubuhay ang FLAG dahil sa pakikibaka laban sa pagbabalik ng parusang bitay.

Habang nakaupo ako roon ay paminsan-minsang lumilingon ako sa likod dahil hinahanap ko ang mga taga-HR groups, sa panig ng TFDP (Task Force Detanees of the Philippines), PhilRights, PAHRA, MAG (Medical Action Group), MTB (Mamamayan Tutol sa Bitay), at iba pa. Ngunit wala ni isa man sa kanila ang naroroon. Ako lang ang naka-t-shirt ng "Human Rights to the Max" na ginamit namin sa konsyerto noong Hunyo 3.

Tinapos nila ang programa sa pamamagitan ng pagpapalipad sa labas ng sampung puting lobo. Matapos iyon ay nagpalitrato kami ng kaibigang Dino Manrique kina Fr. Robert Reyes at CHR Comm. Gascon, na binigyan ko rin ng aklat kong "Patula ng UDHR."

May apat na papel na pinamahagi roon. Bukod sa programa, namahagi ng kanilang pahayag ang CADP, FLAG, at ang Ateneo de Manila University Human Rights Center.

Nais kong sipiin ang ilang mahahalagang punto sa kanilang mga pahayag.

Ayon sa CADP, ang death penalty "is a violation of the right to life", "is cruel, inhuman and degrading treatment", "is tilted against the poor, the marginalized and the most vulnerable sectors of society", "is irrevocable" at "does nothing to prevent crime". Kaya sila'y aaksyon batay sa kanilang mga balakin tulad ng mga sumusunod: (a) Lobby for the non-restoration of the death penalty; (b) Continuing public education program against death penalty; (c) Campaign for the improvement in the criminal justice system; at (d) Encourage a rehabilitative rather then punitive correctional system.

Ayon naman sa pahayag ng FLAG, "In the almost thirteen year period during which the death penalty was implemented, the lives of Leo Echegaray, Eduardo Agbayani, Jose Morallos, Archie Bulan, Dante Piandong, Pablito Andan and Alex Bartolome were forever lost. Yet the combined efforts of deat hrow families, church groups, lawyers, civil society organizations / individuals and of course, the lawmakers, managed to pull off what was thought of as an impossible task - the re-abolition of the death penalty with an almost unanimous vote in Congress. Hence, is is ironic that on this 10th aniiversary of the abolition, President-elect Rodrigo Duterte has called for the re-imposition of the death penalty."

Ayon naman sa AdMU Human Rights Center, "Instead of immediately ending the lives o criminals, one of the focuses of the incoming administration should be on the improvement of Restorative Justice Programs. This needs the full cooperation and functionality of the Bureau of Corrections to re-intorduce and reintegrate the offender as an individual in society."

Magaganda ang kanilang panukala, at ang inyong lingkod naman bilang bahagi ng Human Rights Online at nakasama sa ilang aktibidad bilang human rights defender, ay nakikiisa sa panawagang ito na huwag mabalik ang parusang bitay. Ngunit kung pakakaisipin, dapat ding matigil ang paggawa ng krimen, dahil halos lahat ng may gustong maibalik ang parusang bitay ay yaong may mga mahal sa buhay na pinatay. Ngunit papaano? Mahabang talakayan ito, lalo na't dapat talakayin ang lipunan at mga uring nagtutunggalian dito.

Bakit may mahihirap na nagbebenta ng shabu? Dahil kailangan nilang kumain at mapakain ang kanilang pamilya. Bakit may mayayaman na nagbebenta ng ecstasy? Dahil ba kailangan nilang kumain at mapakain ang kanilang pamilya? Hindi. Marahil tulad ng ibang negosyante, nais nilang magkamal ng tubo at luho.

Subalit ayaw natin ng parusang bitay dahil ang mga nabibitay lamang sa mga nakaraan ay yaong mga mahihirap, habang nakalalaya ang mga mayayaman. Halimbawa na lamang, si Leo Echgaray na mahirap at si Jalosjos na mayaman. Pareho silang naakusahang umabuso ng batang babae. Si Echegaray na mahirap ay nabitay habang si Jalosjos na mayaman ay nakulong ngunit nakalaya na ngayon.

Ngunit kung ang bibitayin ay ang mga mayayamang nang-aapi sa kanyang mamamayan, marahil ay nararapat lamang ang bitay, tulad ng nangyari noong Rebolusyong Oktubre 1917 na binitay ng mga mamamayan ang naghaharing Tsar noon sa Rusya. Binitay din ng mga Communards sa Paris Commune ang mga abogadong nanloloko at nanlalansi sa kanila. Subalit panahon iyon ng matitinding rebolusyon. Pinawi ng aping uri ang uring mapang-api.

Sa ganitong pananaw, maaari ang bitay kung dapat ipanalo ng aping uri ang isang sistemang panlipunang magbibitay sa mga naghaharing uri upang hindi na ito makabalik sa kapangyarihan.

Ngunit sa panahon ngayon, na payapa at walang kumbensyunal na digmaang nagaganap, dahil tangan o kontrolado ng naghaharing uri ang sistemang panlipunan, tiyak na kakampihan nila ang mga nakukulong na mayayaman na marahil ay palalayain pa ng burgesya. At tanging mga mahihirap lamang ang mabibitay. Hindi pantay ang hustisya sa kasalukuyang lipunan. Dapat palitan na ang bulok na sistemang umiiral.

Sabado, Hunyo 4, 2016

Tatlong tulang handog sa programang "Human Rights to the Max"

TATLONG TULANG HANDOG SA PROGRAMANG "HUMAN RIGHTS TO THE MAX"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong tulang sariling katha ang inihandog ng inyong lingkod sa dinaluhang "Human Rights to the Max: Pangkulturang pagtatanghal sa saliw ng mga paninindigan at pagpapatibay ng komitment sa Karapatang Pantao". Idinaos ang aktibidad na ito sa Commission on Human Rights (CHR) Grounds nitong Hunyo 3, 2016, mula ika-6 hanggang ika-12:00 ng gabi.

Ito'y pinangunahan ng human rights community bilang isang fund raising activity para makapag-ambag sa pagpapaopera ni Chairman Max de Mesa ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), at sa kinakaharap na atake sa usaping karapatang pantao, tulad ng pagbabalik ng parusang bitay, pagpaslang ng walang proseso ng batas, at ang pagsipol sa isang babaeng mamamahayag (catcalling).

Maraming nagbigay ng awit at mga tula rito, tulad ng Teatro Pabrika, Soulful Band, University of Makati Active, Bayang Barrios, Jun Carlos at Teatro Balagtas, Rod De Vera, at marami pang iba. Marami ding nagbigay ng mensahe, tulad ng isang commissioner ng CHR, Princess Nemenzo, Rene Magtubo, atbp. Binasa ang isang tula sa martial law ni Levy Balgos dela Cruz, at mayroon ding monologo. Naroon din si propesor Apo Chua ng UP. Ang nag-emcee ay sina Egay Cabalitan ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) at Ate Rose ng PAHRA.

Bandang alas-onse na ng gabi nang ako'y makapagbasa ng aking inihandang tula. Labis akong nagpapasalamat dahil nabigyan ako ng pagkakataong tumula sa ganitong okasyon, at mabigyang buhay ang mga patay na letra sa aking mga kathang tula. 

Sa inilahad na kalagayang kinakaharap ng bansa lalo sa usaping karapatang pantao, mas nadama ko ang tungkulin ng mga makata sa panahon ng ligalig. Hindi kami dapat tumahimik, kaya nang ako'y maimbitahang tumula, ako'y agad na nagpaunlak. Pagkakataon na iyon na hindi ko dapat palampasin.

Naanyayahan akong tumula sa okasyong ito noong magkita-kita kami nina Ate Rose, Ate Jackie at Egay sa ika-55 anibersaryo ng Amnesty International noong Mayo 28, 2016 kung saan binasa ko sa harapan ng madla ang dalawa kong tula hinggil sa karapatang pantao.

Tatlong maikling tula sa tatlong malalaking isyu ng karapatang pantao ang aking pinaglamayan, inihanda at binasa sa harap ng madla doon sa CHR Grounds. Ang tatlong isyung ito'y hinggil sa martial law, sa mga nangawala, at sa bagong pamunuan. Narito ang tatlo kong tula.


NEVER AGAIN SA BATAS-MILITAR
15 pantig bawat taludtod

huwag kalilimutan ang marahas na panahon
na karapatang pantao'y niyurak at nilulon
ng batas-militar kaya masa'y nasa linggatong
ng kaba't poot, kayraming nawala, ikinulong

huwag kalilimutan ang sama-samang pagkilos
upang panahong marahas ay mag-iba ng agos
hinarap ng taumbayan ang rumagasang unos
hanggang mapatalsik ang lintik na nambubusabos

mabuhay ang lahat ng nagsakripisyo't lumaban
sa diktaduryang dahas, yumurak sa karangalan
ngunit bagong elit ang kumubkob sa pamunuan
bagong burgesyang tadtad din ng mga kabulukan


ILANTAD SI SOMBATH SAMPHONE
13 pantig bawat taludtod

awardee siya ng Gawad Ramon Magsaysay
ngunit sa kanyang pamilya siya'y nawalay
nang dinukot ng animo'y bakal na kamay
ebidensyang CCTV'y magpapatibay
dapat ilantad si Sombath na sana'y buhay
at kung hindi man, nahan na ang kanyang bangkay

sa bansang Laos, siya kaya'y nakakulong
o patay na’t tayo’y baon na sa linggatong
sinong saksing maaaring makapagsuplong
lalo't karapatan na ang dinadaluyong
desaparesido siyang naglaho ngayon
ating isigaw: ilantad si Sombath Samphone!


KAMAY NA BAKAL
15 pantig bawat taludtod

malaking problema kung mismong nasa pamunuan
ay di nauunawa ang pantaong karapatan
patay dito, patay doon, bugso ng kamatayan
para naman daw maging payapa ang taumbayan

tama bang namumuno sa pambibistay masanay
para raw sa kapayapaan, uutas ng buhay
di na daraan sa proseso, may dugo ang kamay
ganito bang paraan ang wasto, kita'y magnilay

kung iiral ay ganyan, saan na tayo patungo
mananahimik na lang ba't di na tayo kikibo
di ba't di wasto kung tao'y basta pinapaglaho
di ba't di kapayapaan kung ligalig ang puso

kung basta na lang mamamaslang ang kamay na bakal
siya'y pusakal ding higit pa sa laksang pusakal
Ito ang imbitasyon galing sa Human Rights community.

Martes, Mayo 31, 2016

Pagbigkas ng tula sa tatlong rali, Mayo 31, 2016

PAGBIGKAS NG TULA SA TATLONG RALI, MAYO 31, 2016
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong rali ang dinaluhan ko ng araw na iyon, Mayo 31, 2016, araw ng Martes, dalawa sa umaga at isa sa hapon. Ang maganda sa mga pagkilos na iyon ay binigyan ako ng pagkakataong tumula, bagamat hindi naman ako humiling na tumula. Ang gawain ko sa tatlong raling iyon ay kumuha ng litrato at ng video.

Ang unang rali ay sa harapan ng gusaling Arcadia sa Abenida Quezon, kung saan naroroon ang tanggapan ng DOLE-QC (Department of Labor and Employment - Quezon City). Kasama namin ang dalawang unyon ng manggagawa, ang mga taga-Bonpack at ang mga taga-Asgard, pati na ang SUPER Federation na may hawak ng kanilang kaso, at kami sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Nagsimula kami bandang ikawalo't kalahati ng umaga.

Ang ikalawang rali ay sa harapan ng gusali ng DOLE-NCR (National Capital Region) na nasa Daang Maligaya sa Malate, Maynila. Kami pa rin ang magkakasama. Halos magtatanghalian na nang kami'y magsimula roon.

Ang ikatlo ay sa harapan ng tanggapan ng COMELEC sa Intramuros, Maynila, kung saan nagkapiket naman doon ang mga kasapi ng Ating Guro party list dahil sa nangyayaring panalo na sila ay hindi ipinroklama. Bandang hapon ay nagsimula muli sila ng programa roon, bagamat noong umaga ay nagsagawa sila roon ng Jericho March, kung saan halos tatlong daang katao ang nagmartsa ng pitong ikot sa palibot ng gusali ng COMELEC. Hindi ko nasaksihan iyon dahil sa dalawang naunang raling dinaluhan.

Mahalaga ang pagbibigay ng pagkakataong iyon sa akin upang makapagpahayag sa pamamagitan ng pagtula. Mabuti na lamang at may mga nakahanda akong tula para sa mga okasyong iyon na siya kong binasa. Apat na tula ang aking inihandog sa tatlong pagkilos na iyon. Dalawa roon ang naulit ang pagbasa. Sa unang rali'y binasa ko ang Imortal at ang Pangako ng Bagong Pamunuan, na doon ko lang naisulat, dahil sa kahilingan ng isang kasama. Sa ikalawa'y ang Imortal at ang Unday ng Maso, at sa ikatlo naman ay tungkol sa mga guro.

Sa mga nagtiwala sa akin upang magpahayag sa pamamagitan ng tula, taospusong pasasalamat po ang ipinaaabot ng inyong lingkod. Ang pagtitiwala ninyo' nakapagbibigay ng sigla upang muli pa akong kumatha ng mga tulang mapagpalaya para sa nakikibakang manggagawa't aping sektor sa lipunan. Mabuhay kayo!

Halina't namnamin ang mga tulang iyon.


IMORTAL
15 pantig bawat taludtod

manggagawa - sila ang mayorya sa daigdigan
imortal ang gawaing pakainin ang lipunan
sila ang lumikha ng laksa-laksang kaunlaran
binubuhay nila kahit naghaharing iilan

dugo't pawis yaong gamit sa pabrika't makina
nagbayo, nagsaing, nagpalago ng ekonomya
ngunit kayraming sa kanila'y di kumikilala
lalo't nangapital na tuso't mapagsamantala

kahit walang puhunan, mabubuhay ang daigdig
kayraming puno't pananim, ulan ang dumidilig
mga obrero silang gamit ang lakas ng bisig
sa puso nitong mundo, sila ang nagpapapintig

kahit walang puhunan, mabubuhay ang obrero
kung walang obrero'y di mabubuhay ang negosyo
ngunit baligtad ang nadaranas natin sa mundo
kung sinong may puhunan ang naghaharing totoo

tunay na pagbabago ang nais ng manggagawa
totoong pagbabago ang inaasam ng madla
nais nila'y lipunang pagsasamantala'y wala
isang lipunang makatao'y kanilang adhika


PANGAKO NG BAGONG PAMUNUAN
15 pantig bawat taludtod

manggagawa, nangangako ang bagong pamunuan
para siya sa manggagawa, totoo ba naman?
aba'y kung tunay, dapat niya iyong patunayan
ang mga bulok sa DOLE ay tanggaling tuluyan

pangako niyang tanggalin ang kontraktwalisasyon
ay aabangan ng manggagawa kung tunay iyon
mga tiwali sa ahensya'y sibakin na roon
linisin ang DOLEng sa katiwalian nabaon

dahil kung hindi, kasimbulok siya ng sistema
dahil palasuko rin sa uring kapitalista


UNDAY NG MASO
15 pantig bawat taludtod

kabisado ng manggagawa ang unday ng maso
pawang matitipunong bisig ang may tangan nito
ang pagbuwag sa pader ay kanila ngang kapado
paano pa kung buwagin nila'y kapitalismo

dinambong ng tuso ang kanilang lakas-paggawa
otso-oras nila'y di nababayaran ng tama
ang unyon nila'y binubuwag ng tusong kuhila
kalagayan sa pabrika nila'y kasumpa-sumpa

di kalagayan lang sa pabrika'y dapat baguhin
kundi higit sa lahat, sistemang mapang-alipin
maso'y tangan upang bulok na sistema'y buwagin
mula roon, lipunan ng manggagawa'y buuin

ang uring manggagawa ang hukbong mapagpalaya
lipunan nila'y itayo ang kanilang adhika


ISANG UPUAN SA ATING GURO'Y DAPAT IBIGAY
15 pantig bawat taludtod

kaylakas ng unos subalit patuloy ang kampay
dumatal yaong sigwa'y pumapadyak silang sabay
sa buhawing dumaan, sila ang magkakaramay
di payag na sa delubyo'y tanghalin silang bangkay

patuloy ang paglaban, tuloy ang pakikibaka
paniwalanila, hangga't may buhay, may pag-asa
kung ano ang wasto'y sadyang ipaglalaban nila
kaytatag sa pagdatal ng laksa-laksang problema

hindi ba't mga guro ang nagtuturo ng wasto
bakit inagaw ang upuan nila sa Kongreso
takot nga ba sa kanila ang sangkaterbang trapo
pagkat baka mabigyan nila ng mababang grado

isang upuan sa Ating Guro'y dapat ibigay
pagkat nanalo't karapatan nila itong tunay

 

Biyernes, Mayo 27, 2016

10-kilometrong lakad para sa Ating Guro

10-KILOMETRONG LAKAD PARA SA ATING GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tinatayang nasa sampung kilometro rin ang nilakad ng inyong lingkod (Mayo 27, 2016, Biyernes) upang makarating sa COMELEC at makipag-ugnayan sa mga nagkampo roong mga kasapi ng ATING GURO party list na may isang linggo na ring narororon upang ipaglaban at iparating sa COMELEC ang panawagan nilang iproklama na ang Ating Guro.

Nagsimula akong umalis ng tanggapan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa Lunsod Quezon bandang ikaanim ng umaga, naglakad at sumakay ng dyip sa harap ng National Housing Authority (NHA) patungong SM-North. Bandang 6:30 am na ako nakarating doon. Ang tanggapan ng DepEd NCR (Department of Education - National Capital Region) ay nasa pagitan ng SM-North (sa may malaking globe) at SM-North Annex. Noong una'y nakalampas ako at napunta sa Cordillera St. at sa Nueva Viscaya St. na makalampas lang ng SM North batay sa dala kong mapa, ngunit sa paghahanap ay natuklasan kong nasa loob pala ng pasilyo ng SM-North.

Bandang ikapito ng umaga nang makarating ako sa DepEd NCR, walang tao roon na makakasama ko sa paglalakad. Naroon lang ay ang gwardya, at lumabas siya nang makita niyang nag-selfie ako sa harap ng kanilang tanggapan, sa tapat ng logo ng ahensyang iyon. Ipinakita ko naman yung picture sa celfone sa kanya, at sinabi kong paalis na ako upang maglakad patungong COMELEC, dahil hawak ko noon ang isang baligtarang plakard, na ang nakasulat: "Seat allocation, Iwasto; Ibigay ang 1 upuan sa ATING GURO".

Pagkatapos noon ay umalis na ako. Nagpa-load ng celfone bandang Muñoz market, saka ko tinext ang ilang kasama na nagsimula na akong maglakad.

Bandang Roosevelt ay nilitratuhan ko ang isang marker na nakasulat: Km 10 QC, na ang ibig sabihin, nasa 10 kilometers iyon mula sa Luneta Grandstand kung saan naroon ang marker ng KM zero. Kaya tinatayang 10-kilometro ang aking nalakad dahil sa marker na iyon. Isinaalang-alang ko sa pag-estima sa distansya ang layo ng DepEd NCR sa marker na iyon na tinataya kong nasa isang kilometro, at ang layo ng COMELEC sa Kilometer Zero sa Luneta na sa tantya ko rin ay isang kilometro.

Ang aking ruta ay DepEd NCR sa SM North, kanan sa Edsa, kaliwa sa Roosevelt Avenue, kanan sa Quezon Avenue, España, Morayta, Recto, kanan sa Avenida Rizal, tawid ng McArthur Bridge, Lawton, lakad patungong COMELEC. Malapit na sa COMELEC nang makita ko ang dalawang kakilalang manggagawa, at binigyan ko sila ng tig-isang plakard. Nang dumating kami sa Plaza Roma, naroon na sa tapat ng COMELEC at nagpoprograma ang mga kasapi ng ATING GURO at iba pang organisasyong sumusuporta dito, tulad ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (NCR) na kinabibilangan ko. Umalis ako ng ikapito ng umaga sa DepEd NCR at dumating sa COMELEC sa Intramuros ng 10:07 ng umaga, bale tatlong oras na lakaran.

Nasa bandang Recto na ako nang tumawag sa aking celfone si kasamang Benjo Basas, ang unang nominado ng Ating Guro party list, dahil tinext ko siya nang magsimula na akong maglakad. Bandang 9:45 am siya tumawag.

Napag-usapan lang namin ang paglalakad na ito ni Sir JR (Juanito Dona Jr.) na siyang ikalimang nominado ng Ating Guro partylist, dalawang gabi bago ang takdang paglalakad. At sinabi ko sa kanyang isang mabisang porma ng pagkilos ang paglalakad. Kaya tinanong ko sa kanya kung saan kaya ang magandang pagsimulan ng paglalakad, isang simbolo ng edukasyon? At isa nga sa mungkahi niya ang tanggapan ng DepEd NCR sa SM North, bukod pa yung sa DepEd National sa Pasig, at Dep Ed-Mimaropa sa Ortigas.

Bakit kailangang maglakad mula DepEd NCR hanggang COMELEC? Maaaring di pa maunawaan ng iba bakit kailangang maglakad ng gayong kalayo, mga sampung kilometro. Nais kong ipakita ang aking taospusong pakikiisa sa laban ng mga guro sa pamamagitan ng paglalakad. Naniniwala kasi akong isang porma ng pagkilos ang paglalakad, tulad ng ginawa noon ni Mahatma Gandhi ng India, na nagkataong ka-birthday ko, nang maglakad siya at kanyang mga tagasuporta para sa tinaguriang Salt March. Naipagtagumpay nila ang 24-araw na paglalakad na iyon laban sa kahirapan at kagutuman ng kanilang kababayan laban sa monopolyo ng asin ng mga mananakop na Briton.

Ilang beses na rin akong nakasama sa mga mahahabang lakaran, tulad ng 148 km Lakad Laban sa Laiban Dam mula Gen. Nakar, Quezon hanggang Maynila (2009), 1,000 km Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban (2014), sa French leg ng Climate Pilgrimage mula Roma hanggang Paris (2015), at 120 km Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila (Abril 2016).

Sa aming mga nasa Climate Walk, kahit sa munti mang aktibidad ay naglalakad kami kung kinakailangan. Ito ngang Mayo 2016, si kasamang Joemar ay naglakad mula Maynila hanggang Lungsod ng Baguio (tinatayang 250 km) sa loob ng ilang araw.

Bakit kami naglakad ng ilang araw? Mga baliw ba kaming nagpapakahirap maglakad kahit na may pamasahe at transportasyon naman?

Ang paglalakad ay isang anyo ng pagkilos, na ginamit na ng maraming tao sa kasaysayan upang iparating ang kanilang mensahe. Halimbawa nga ang ginawa ni Gandhi, at ng mga Climate Walker sa pangunguna ni Yeb Saño, dating chief negotiator ng Pilipinas sa usaping climate.

Naniniwala ako na kung sumakay lamang ako ng dyip patungong COMELEC habang dala ko ang plakard ay kaunti lamang ang makababasa nito, ngunit dahil ako'y naglakad sa mataong lugar, marami ang nakabasa ng plakard at ng mensahe nito. Habang naglalakad ay nakalilikha ako sa aking isip ng mga tula na agad ko namang isusulat sa aking maliit na kwaderno. At pagharap ko sa kompyuter ay saka ko ita-tayp.

Ang mensahe ng ATING GURO sa kanilang mga plakard ay napakahalaga, at isa ako sa mga naantig ang damdamin sa nangyaring iyon sa COMELEC. Kailangan nilang magtagumpay sa laban at dapat hindi na maulit ang nangyari sa ikalawang pagkakataon. Ginawa ko ang paglalakad dahil wala akong ibang maiaambag sa laban ng mga guro, lalo na sa pinansya, pagkain, atbp, at isang paraan upang makapag-ambag sa ipagtatagumpay ng kanilang laban ay ang paglalakad upang iparating sa iba na dapat makamit na ng ATING GURO ang nararapat para sa kanila.

Kung sakaling maglulunsad muli ng paglalakad para sa katarungan, anuman ang isyu, tulad ng isyu ng Ating Guro, muli akong sasama sa paglalakad, at kung kinakailangan ay kahit ako muling mag-isa.

Mayo 27, 2016

Miyerkules, Abril 6, 2016

Dalawang tulang "Bonifacio" ni Ka Amado V. Hernandez

DALAWANG TULANG "BONIFACIO" NI KA AMADO V. HERNANDEZ
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang tula, iisang pamagat. Kapwa pagninilay sa ating bayaning si Gat Andres Bonifacio. Kung alin ang nauna sa dalawa ay hindi ko na nalaman pagkat walang petsa ang nasabing mga tula. Narito ang magkaibang tula ni Ka Amado V. Hernandez hinggil sa Supremo ng Katipunan.

Ang isa'y mula sa aklat na Tudla at Tudling, mp. 276-277, na hinati sa tatlong bahagi, na kung susuriin animo'y pinagdugtong na tatlong soneto, at ang bawat taludtod ay tiglalabing-anim na pantig, at may sesura o hati sa pangwalong pantig.

Ang isa naman ay nasa aklat na Isang Dipang Langit, p. 159, na binubuo ng apat na saknong na may tig-aapat na taludtod, at lalabindalawang pantig, at may sesura o hati sa ikaapat na pantig.

Halina't tunghayan natin at namnamin ang dalawang tulang ito na iisa ang pamagat.


BONIFACIO
ni Amado V. Hernandez

I
Pag malubha na ang init, sumasabog din ang bulkan,
pag labis ang pagkadusta'y naninigid din ang langgam:
at ang bayan, kahit munti, kung inip na sa karimlan,
sa talim ng isang tabak hinahanap ang liwayway!

Walang bagay sa daigdig na di laya ang pangarap,
iyang ibon, kahit ginto ang kulunga'y tumatakas;
kung baga sa ating mata, kalayaan ay liwanag,
at ang bulag, tao't bayan ay tunay na sawingpalad!

Parang isang bahagharing gumuhit sa luksang langit,
ang tabak ni Bonifacio'y tila kidlat na gumuhit
sa palad ng ating bayang "nauuhaw'y nasa tubig."

Sa likuran ng Supremo'y kasunog ang buong lahi,
samantalang libo-libo ang pangiting nasasawi,
sa gitna ng luha't dugo, ang paglaya'y ngumingiti.

II
Ang kalansay ng bayaning nangalagas sa karimlan,
naging hagdan sa dambana ng atin ding kasarinlan;
at ang Araw, kaya pala anong pula ng liwayway,
ay natina sa dumanak na dugo ng katipunan!

Namatay si Bonifacio, subali't sa ating puso,
siya'y mutyang-mutyang kayamanang nakatago;
wari'y kuintas ng bulaklak, nang sa dibdib ay matuyo,
bagkus natin nalalanghap ang tamis ng dating samyo.

Sa Ama ng Katipuna'y kautangan nating lahat
ang dunong na matutunan ng lakas sa kapwa lakas,
batong-buhay, nang magpingki'y may apoy na naglalablab!

Natanto ring kung may tubig na pandilig sa pananim,
ang laya man, kung nais na mamulaklak ay dapat ding
diligin ng isang lahi ng dugong magigiting.

III
Iyang mga baya'y tulad ng isda rin palibhasa,
ang maliit ay pagkain ng malaking maninila;
ang kawawang Pilipinas, pagka't munti at kawawa,
kaya lupang sa tuwina'y apihin ng ibang lupa.

Oh, kay saklap! Anong saklap! Ang sa atin ay sumakop,
isang naging busabos ding tila ibig mangbusabos;
kung kaya ang ating laya'y isa lamang bungang-tulog,
nasa kurus hanggang ngayon itong si Juan de la Cruz!

At ang bayan, sa malaking kasawiang tinatawid,
ang ngalan ni Bonifacio ay lagi nang bukang-bibig,
tinatanong ang panahon kung kailan magbabalik!

Kailan nga magbabalik ang matapang na Supremo?
Tinatawag ka ng bayan: - "Bonifacio! Bonifacio!
isang sinag ng paglaya bawa't patak ng dugo mo!"


BONIFACIO
ni Amado V. Hernandez

Kalupitan ay palasong bumabalik,
kaapiha'y tila gatong, nagliliyab;
Katipuna'y naging tabak ng himagsik,
at ang baya'y sumiklab na Balintawak!

Isang tala ang sumipot sa karimlan,
maralita't karaniwang Pilipino;
ang imperyo'y ginimbal ng kanyang sigaw,
buong lahi'y nagbayaning Bonifacio!

Balintawak, Biak-na-Bato, Baraswain,
naghimala sa giting ng bayang api;
kaalipnan ay nilagot ng alipin,
at nakitang may bathalang kayumanggi.

Republika'y bagong templong itinayo
ng bayan din, di ng dayo o ng ilan;
Pilipinas na malaya, bansang buo,
na patungo sa dakilang kaganapan.

Lunes, Marso 21, 2016

Ako'y Manggagawa: Butil ng Buhangin - Dalawang Tula ni Amado V. Hernandez

AKO'Y MANGGAGAWA: BUTIL NG BUHANGIN - DALAWANG TULA NI AMADO V. HERNANDEZ
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang tula ni Ka Amado V. Hernandez, pambansang alagad ng sining sa panitikan, ang inumpisahan niya sa taludtod na ito: "Ako'y manggagawa: butil ng buhangin". Ito'y matatagpuan sa kanyang tulang Bayani na kinatha noong Mayo 1, 1928, at ang Isang Tula sa manggagawa, na nalathala sa pahayagang Pawis noong Hunyo 5, 1946. Dahil sinimulan sa taludtod na iyon, ang kabuuan ng dalawang tula ay lalabindalawahing pantig. 

Ang tulang Bayani, na binubuo ng sampung saknong at bawat saknong ay may anim na taludtod, ay nasa aklat na Isang Dipang Langit, mp. 22-24. Ang tula naman niyang Isang Tula sa Manggagawa, na may walong saknong, ay nasa aklat na Tudla at Tudling, mp. 304-305. Ang unang dalawang saknong ay binubuo ng limang taludtod, habang ang ikatlo hanggang ikawalong saknong ay tig-aanim na taludtod.

Ayon sa talababa ng tulang Bayani: Ang tulang Bayani ay nagwagi sa 30 kalaban sa timpalak-panitik sa Malolos, Bulacan, sa pagdiriwang sa Unang Araw ng Mayo noong 1928. Inampalan: Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaceda at Iñigo Ed. Regalado. Ayon kay Senador Recto, ito ang "pinakamahusay na tulang Tagalog sa paksang paggawa."

Ang dalawang tula, bagamat pareho ang unang taludtod ay halos nagkaroon ng bahagyang pagkakaiba sa mga pananalita, bagamat iisa ang nilalaman, ang tungkol sa buhay at kahalagahan ng manggagawa sa ating daigdig. Katunayan, napakaganda ng huling taludtod ng kanyang tulang Bayani: "Taong walang saysay ang di Manggagawa!"

Halina't tunghayan natin ang dalawang tulang ito at namnamin ang masarap na lasa nitong tila pukyutan sa tamis dahil inaalay sa mayorya sa lipunan, ang manggagawa.

BAYANI 
ni Amado V. Hernandez

Ako'y manggagawa: butil ng buhangin
sa daa'y panambak, sa templo'y gamit din;
buhay ko'y sa Diyos utang nga marahil,
ngunit ang palad ko'y utang din sa akin.
Alam ko ang batas: "Tao, manggagaling
sa sariling pawis ang iyong kakanin."

Hubad ang daigdig nang ako'y sumilang
at pikit ang mata ng sangkatauhan:
dahilan sa aki'y kaharia't bayan
ang nangapatayo sa bundok at ilang,
aking pinasikat sa gabi ang araw
at tinanlawan ko ang diwa't ang buhay.

Ako ang nagbangon ng Gresya at Roma,
ako ang nagbagsak sa palalong Troya;
ang mga kamay ko'y martilyo't sandata –
pambuo't panggiba ng anumang pita!
Kung may kayamanan ngayong nakikita,
paggawa ko'y siyang pinuhunan muna!

Ako'y isang haring walang trono't putong,
panginoong laging namamanginoon,
daming pinagpalang binigyan ng milyon
ay ako't ako ring itong pataygutom;
sila ay sa aking balikat tumuntong,
naging Mamo't Nabod ang dati kong ampon!

Sambundok na ginto ang aking dinungkal,
kahi't na kaputol, di binahagihan!
ang aking inani'y sambukiring palay,
nguni't wala akong isaing man lamang!
ang buhay ng iba'y binibigyang-buhay
habang nasa bingit ako ng libingan!

Ang luha ko't dugo'y ibinubong pawa
sa lupang sarili, nguni't nang lumaya,
ako'y wala kahi't sandakot na lupa!
Kung may tao't bayang nangaging dakila,
karaniwang hagda'y akong Manggagawa,
nasa putik ako't sila'y sa dambana!

Kung kaya sumulong ang ating daigdig,
sa gulong ng aking mga pagsasakit;
nilagyan ang tao ng pakpak at bagwis,
madaling nag-akyat-manaog sa langit;
saliksik ang bundok, ang bangin at yungib,
ang kailaliman ng dagat, saliksik!

Ang mga gusali, daan at sasakyan,
ay niyaring lahat ng bakal kong kamay;
sa tuklas kong lakas – langis, uling, bakal,
naghimala itong industria't kalakal;
nguni't lumawak din naman ang pagitan
ng buhay at ari... nasupil ang buhay!

Ang mundo'y malupit: ngayo't ako'y ako,
nakamihasnan nang dustain ng mundo
gayon pa ma'y habang ang tao ay tao,
gawa ang urian kung ano't kung sino;
batong walang ganda'y sangkap ng palasyo,
sanggol sa sabsaba'y naging isang Kristo.

Tuwi na'y wal'in man ako ng halaga,
iyan ay pakanang mapagsamantala;
ang ginto, saan man, ay gintong talaga,
ang bango, takpan man, ay di nagbabawa;
itakwil man ako ng mga nanggaga,
walang magagawang hadlang sa istorya!

Kung di nga sa aki'y alin kayang bagay
ang magkakasigla at magkakabuhay?
Puhunan? Likha ko lamang ang Puhunan!
Bayan? At hindi ba ako rin ang Bayan?
Walang mangyayari pag ako ang ayaw,
mangyayaring lahat, ibigin ko lamang!

Sa wakas, dapat nang ngayo'y mabandila
ang karapatan kong laong iniluha,
ang aking katwiran ay bigyan ng laya
at kung ayaw ninyo'y ako ang bahala
sa aking panata sa pagkadakila...
Taong walang saysay ang di Manggagawa!

Mayo 1, 1928


ISANG TULA SA MANGGAGAWA
ni Amado V. Hernandez

I
Ako'y manggagawa: butil ng buhangin
Sa dagat ng buhay ay masuliranin,
Nguni't ang palad ko'y utang din sa akin!
Sa sariling pawis pinapanggaling
Ang dinadamit ko't aking kinakain.

II
Hubad ang daigdig nang ako'y sumilang
At pikit ang mata ng sangkatauhan,
Dahilan sa aki'y kahariharian
Ang nangapatayo sa bundok at ilang,
Pinapagningning ko ang dating karimlan.

III
At ang kabihasnan ng buong daigdig
Ay bunga ng aking mga pagsasakit
Ang Kapwa ko tao'y binigyan ng bagwis
Upang makalipad hanggang himpapawid!
Utang din sa aking paggawa kung bakit,
Ang pusod ng dagat ay nasasaliksik!

IV
Ang mga gusali, dagat at sasakyan
Ay nalikhang lahat ng bakal kong kamay,
Ang ginto at pilak, ang uling at bakal,
Ay dahil sa akin kung kaya't nabungkal,
Ako'y manggagawa ng maraming bagay
Pangalawang Diyos sa lupang ibabaw.

V
Gayon ma'y malimit dustain ako,
Ang munti'y talagang dustain sa mundo
Subali't ang bakal, hamak ma'y alam kong
Nagagawang baril, gulok, punglo, maso...
Ang buhangi'y sangkap sa isang palasyo't
Ang bato ang siyang haligi ng templo!

VI
Madalas man akong pawalang halaga
Ang uri ko'y hindi mababawasan pa:
Ang ginto saan ma'y napagkikilala,
Ang bango takpan ma'y hindi nagbabawa!
Ako ay bayaning bisig ang sandata,
Ang pawis ko'y lakas, buhay at pag-asa!

VII
Anak pawis akong dukha at maliit,
Ang tahana'y dampa na pawid ang atip,
Nguni't ang dambanang pinakamarikit
Ay utang sa aking matipunong bisig
At ang boong yaman sa silong ng langit
Ay mula sa aking kasipaga't pawis!

VIII
Pagmalasin ninyo! Tila isang anghel
Ng pagkakaisang sa langit nanggaling,
Larawan ng Bayang maganda't mahinhin
Na wala nang gapos ng pagkaalipin,
Liwayway ng layang darating, darating,
At mamamanaag paglipas ng dilim!

Pawis, Hunyo 5, 1946

Ang dalawang tulang ito'y patunay ng maalab na pagmamahal ni Ka Amado V. Hernandez sa mga manggagawang kanyang pinaglingkuran. Bilang isang batikan at iginagalang na lider-manggagawa, matatandaang si Ka Amado ay naging haligi ng Congress of Labor Organizations (CLO), na isang samahan ng manggagawang nagtataguyod ng pagbabagong panlipunan. Noong Mayo 5, 1947, pinangunahan niya ang pinakamalaking welgang bayan noon. Nang maging pangulo siya ng CLO ay pinangunahan niya ang paglulunsad ng malaking pagkilos ng manggagawa noong Mayo 1, 1948.

Mabuhay ang alaala ni Ka Amado V. Hernandez at ang kanyang mga tula para sa kilusang paggawa!

Linggo, Pebrero 21, 2016

Highway 54 noon, EDSA ngayon


HIGHWAY 54 NOON, EDSA NGAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa pinakamakasaysayang pook sa ating bansa ang EDSA o Epifacio de los Santos Avenue. Mula sa monumento ni Bonifacio sa Lungsod ng Caloocan hanggang sa SM Mall of Asia sa Lungsod ng Pasay ang kahabaan ng EDSA. Bago ito tinawag na EDSA, ito'y tinawag munang Highway 54.

Pinangalanan muna itong North and South Circumferential Roas matapos itong magawa noong 1940 na pinangunahan ng mga inhinyerong sina Florencio Moreno at Osmundo Monsod. Ngunit may nagsasabing pinangalanan muna itong Junio 19 bilang pagpupugay sa petsa ng kapanganakan ng ating pambansang bayaning si Jose Rizal.

Matapos ang Ikalawang Daigdigang Digmaan, pinangalanan na itong Highway 54. Subalit bakit Highway 54? Dahil ba ito'y 54 kilometro ang haba. Ngunit ayon sa ilang pananaliksik, ito'y nasa 23.8 kilometro lamang o 14.8 milya.

May nagsasabi namang ang kahabaang ito ng Highway 54 ay itinayo ng 54th Army Engineering Brigade, kung saan kinuha ang numerong 54. Kumbaga ito ang highway na ginawa ng 54th Army Engineering Brigade kaya Highway 54.

Noong ika-7 ng Abril, 1959 ay nilagdaan ang Batas Republika Blg. 2140 kung saan pinangalanang EDSA ang Highway 54. Narito po ang teksto ng isa sa pinakamaikling batas na naisagawa.

Republic Act No. 2140

An Act Changing the Name of Highway 54 in the Province of Rizal to Epifanio de los Santos Avenue in Honor of Don Epifanio de Los Santos, a Filipino Scholar, Jurist and Historian

Section 1. The name of Highway 54 in the Province of Rizal is changed to Epifanio de los Santos Avenue in honor of Don Epifanio de los Santos, a son of said province and the foremost Filipino scholar, jurist and historian of his time.

Section 2. This Act shall take effect upon its approval.

Approved, April 7, 1959.

Inaprubahan ang batas noong ika-7 ng Abril 1959 bilang pagpupugay sa kapanganakan ni Ginoong Epifanio de los Santos, na isinilang noong ika-7 ng Abril, 1871 sa Malabon, at namatay noong ika-28 ng Abril, 1928 sa Maynila. Kilala siya bilang si Don Panyong.

Tiyak na matutuwa ang mga may kaalaman sa wikang Espanyol pag naririnig nila ang pangalang Epifanio de los Santos, na sa Ingles ay nangangahulugang epiphany of the saints. At sa wikang Filipino ay pagpapahayag ng mga banal. Sa Bibliya, ang kwento ng Epiphany ay nakaugnay sa unang tatlong ebanghelista na sina Mateo, Markus at Lukas, at ayon umano sa Mateo 2:1-12, ito ay pagpapahayag ng Kristo sa mga Hentil na kinakatawan ng tatlong Haring Mago.

Si Don Panyong o Epifanio de los Santos ay kilalang Pilipinong historyador, kritiko sa panitikan at sining, dalubhasa sa batas, tagausig, iskolar, arkiwista, pintor, makata, musikero, tagasalin, mamamahayag, patnugot, tagapaglathala, at marami pang iba. Hinirang siya noong 1925 ni Gobernador Heneral Leonard Wood bilang Direktor ng Philippine Library and Museum.

Si Epifanio de los Santos ay itinuturing na isa sa mga pinakamahusay na Pilipino manunulat sa Espanyol ng kanyang panahon at ritinuturing na henyo sa panitikan. Siya ang unang Pilipinong naging kasapi ng  Spanish Royal Academy of Language, Spanish Royal Academy of Literature and Spanish Royal Academy of History in Madrid.

Naglingkod din sa Epifanio de los Santos bilang katulong na patnugot ng rebolusyonaryong pahayagang La Independencia, gamit ang sagisag-panulat niyang G. Solon. Kasapi rin siya ng Kongreso ng Malolos. Isa rin siya sa mga nagtatag ng iba pang pahayagan, tulad ng  La Libertad, El Renacimiento, La Democracia, at La Patria. At nakapaglathala rin ng kanyang akda sa mga publikasyong  Algo de Prosa (1909), Literatura Tagala (1911), El Teatro Tagala (1911) Nuestra Literatura (1913), El Proceso del Dr. José Rizal (1914), at Folklore Musical de Filipinas (1920).

Kasapi rin siya ng "Samahan ng Mga Mananagalog" na pinasimulan ni Felipe Calderon noong 1904, at kinabibilangan din nina Lope K. Santos, Rosa Sevilla, Hermenigildo Cruz, Jaime C. de Veyra at Patricio Mariano. Siya rin ang nagsalin ng Florante at Laura ni Francisco Balagtas sa wikang Kastila.

Ang ipangalan sa kanya ang isang mahabang kalsada ay isa nang malaking karangalan, pagkat ang mga nagawa niyang ambag sa ating bayan ay hindi matatawaran. Naukit na ang pangalang Epifanio de los Santos sa ating kasaysayan, lalo na noong Rebolusyong EDSA ng 1986, kung saan pinabagsak ng nagkakaisang pagkilos ng mga Pilipino ang kinamumuhiang diktador na dahilan ng maraming pagpatay at pagyurak sa karapatang pantao.

Ang mapayapang Rebolusyong EDSA na ito na ginawang halimbawa ng marami pang bansa upang ibagsak din ng kanilang mamamayan ang mapaniil nilang pamahalaan. Patunay dito ang Singing Revolution sa Estonia, Latvia at Lithuania (1988), Velvet Revolution sa Czechoslovakia (1989), Bulldozer Revolution sa Yugoslavia (2000), Edsa 2 Revolution sa Pilipinas (2001), Rose Revolution sa Georgia (2003), Orange Revolution sa Ukraine (2004), Cedar Revolution sa Lebanon (2005), Tulip Revolution sa Kyrgystan (2005), Jasmine Revolution sa Tunisia (2011), at Day of Anger Revolution sa Egypt (2011). Bagamat may mga hindi nagtagumpay, tulad ng 8888 Uprising sa Burma (1988), Tiananmen Students Protest sa Tsina (1989), Edsa 3 Urban Poor Revolution sa Pilipinas (2001), at Saffron Revolution sa Burma (2007).

Epifanio de los Santos Avenue. EDSA. Hindi lang ito lansangan na lagi nating naiisip na sobra ang trapik. Lansangan din ito na tunay na makasaysayan sa ating bansa, na ipinangalan sa isang maaari din nating ituring na bayani dahil sa dami ng kanyang nagawa para sa ating bayan.

Mga pinagsanggunian:

http://filipinolibrarian.blogspot.com/2006/02/epifanio-de-los-santos-avenue.html
http://www.answers.com/Q/Why_was_EDSA_named_HIghway_54
http://en.wikipilipinas.org/index.php/Epifanio_de_los_Santos_Avenue
https://en.wikipedia.org/wiki/Epifanio_de_los_Santos