Biyernes, Hulyo 14, 2017

Sining Gaba

Sining Gaba

Ang Sining Gaba ay isang plano ng pagbubuo ng munting pangkat (loose network, di pa organisasyon, o marahil ay isa lamang kampanya) ng mga makata, mang-aawit, at mahilig sa sining na ang layunin ay itanghal ang kanilang mga sining sa pagtataguyod ng karapatang pantao, hustisyang pangkalikasan, kalayaan, kaisipan ng uring manggagawa, pagbabago ng lipunan, at sosyalismo. Ang Sining Gaba ay halos kasintunog ng sinunggaban. Sining Gaba. Sinunggaban. Ito mismo ang intensyon, ang pagmumulat sa pamamagitan ng sining upang sunggaban ng uring manggagawa ang kapangyarihang pampulitika. Ang pinanggalingan ng dalawang salita ay aking nasaliksik mula sa UP Diksiyonaryong Filipino: Sining - png 1: kalidad, produksyon, o ekspresyon ng anumang maganda, kaakit-akit, at may kahalagahang higit sa karaniwan alinsunod sa mga prinsipyong estetiko; 2: mga bagay na nalikha ayon sa pamantayang estetiko, gaya ng pintura, at eskultura; 3. uri o kategorya ng sining, halimbawa, sayaw o eskultura; 4: anumang larangan na gumagamit ng kasanayan o malikhaing pamamaraan; 5: prinsipyo o metodo na gumagabay sa anumang uri ng kasanayan o pag-aaral; 6: kasanayan o kahusayan sa pagsasagawa ng anumang aktibidad Sining - [Sinaunang Tagalog]: mag-isip o gamitin ang isip Gaba - palihim o biglaang pagsalakay sa kaaway (terminong militar, na nasa wikang Ilokano) Gaba - parusa sa kalapastanganan (Hiligaynon, Sebwano, Waray) Gaba - gupo (Bikolano) 

Mas gusto ko ang dalawang kahulugan: ang Sining na Sinaunang Tagalog na ang kahulugan ay mag-isip o gamitin ang isip. At ang Gaba na palihim o biglaang pagsalakay sa kaaway o gupuin ito. Sa madaling salita, ang layunin ng Sining Gaba ay gamitin ang sining upang mag-isip o gamitin ang isip kung paano gupuin ang kaaway upang matamo ng bayan ang adhikain nitong pagbabago ng lipunan. Sa pamamagitan ng tula, awit, at mga sining biswal ay makapagmulat sa masa upang maisulong ang kalayaang pampulitika at mamulat ang uring manggagawa upang ipaglaban ang karapatang pantao at labanan ang pasismo, diktadura, kapitalismo at iba pang uri ng paniniil. Sa ngayon ay nagsimula ang Sining Gaba sa pagsasagawa ng tula hinggil sa mga isyung napapanahon, tulad ng EJK, SONA, kontraktwalisasyon, laban ng manggagawa at magsasaka, mataas na presyo ng bilihin, pakikibaka laban sa pagmimina at coal plants, pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, pangarap na lipunan, anti-kapitalismo, pagbabago ng sistema, sosyalismo. Maglulunsad din po ang Sining Gaba ng Pagsasanay sa Sining ng Pagtulang may Sukat at Tugma (PSPST). Magkakaroon ng poetry reading sa SONA ang Sining Gaba, sa rali ng mga kasapi ng Sanlakas, BMP, Partido Lakas ng Masa, KPML, at iba pang mga kapatid na organisasyon. Ang petsang iyon na rin ang magiging launching o paglulunsad ng Sining Gaba. Sinumang karaniwang taong nagmamakata, umaawit, nagpipinta at nais paunlarin ang sining bilang instrumento ng pagmumulat, at nais maging bahagi ng Sining Gaba, ay malugod na inaanyayahan. - gregbituinjr./071417

Martes, Hunyo 20, 2017

Ang mga babasahing pambatang "Ang Paghahanap" at "Ito ang Diktadura"


ANG MGA BABASAHING PAMBATANG "ANG PAGHAHANAP" AT ANG "ITO ANG DIKTADURA"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mayo 25, 2017 ay isa ako sa mga dumalo sa paglulunsad ng aklat na "Ang Paghahanap" na ginanap sa Diokno Hall ng Commission on Human Rights (CHR) sa Lungsod Quezon. Ang paglulunsad ay pinangunahan ng grupong FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearance) at ng AFAD (Asian Federation Against Involuntary Disappearance). Ang aklat na "Ang Paghahanap" ay sinulat ni Gng. Nilda Lagman Sevilla at ang mga larawan naman ay iginuhit ni Ryan John L. Tresvalles. Binubuo ito ng 28 pahina na puno ng larawan, na nasa wikang Filipino at may salin sa Ingles. May sukat itong 7" x 9". Inilathala ito ng Gorilla Printing. Si Gng. Sevilla ay kapatid ng hanggang ngayon ay nawawalang si Atty. Hermon Lagman, na dinukot noong 1977, sa panahon ng diktadurang Marcos. 

Hunyo 12, 2017, kasama ang apat pang kasapi ng grupong Block Marcos, ay dumalo rin ako sa paglulunsad ng limang aklat na pambata sa ikalimang palapag ng Gateway sa Cubao, Lungsod Quezon, subalit isang aklat lamang ang aking binili, na may pamagat na "Ito ang Diktadura".  Ang aklat na ito naman ay sinulat ni Equipo Plantel at ang mga larawan naman sa aklat ay iginuhit ni Mikel Casal. Ito naman ay aklat ng salin mula sa wikang Espanyol, binubuo ng 52 pahina, at may sukat na 7" x 8 1/4". Ang apat na aklat-pambatang kasabay nitong inilunsad ay ang " "Mga Uring Panlipunan" na salin mula sa Espanyol, "Ang Kaibigan Kong si Mabini" na hinggil sa bayaning si Apolinario Mabini, "Ang Lakambini at Ako" na hinggil kay Gregoria de Jesus na asawa ni Gat Andres Bonifacio, at "Ang Maraming Ngalan ni Emilio" na tungkol naman sa bayaning si Emilio Jacinto, na siya ring may-akda ng Kartilya ng Katipunan. Inilathala ang limang aklat na ito ng Adarna House.

Binasa ko ang dalawang aklat na nasa akin: "Ang Paghahanap" at "Ito ang Diktadura". Napakagaan ng pagkakatalakay ng kwento sa "Ang Paghahanap" habang sa paraang pagpapaliwanag naman ang "Ito ang Diktadura". Kung pag-iisipan ang kaseryosohan ng paksa ng dalawang aklat, hindi mo aakalaing ang mga paksang gayong kaselan ay maisusulat bilang isang aklat pambata. Ang unang aklat ay kwento ng pagkawala ng isang minamahal noong panahon ng batas militar sa Pilipinas. Ang ikalawang aklat ay hinggil naman sa diktadura.

Napakagaan ng pagkakatalakay sa mga napakabigat na paksa. Bisitahin natin ang ilang talata sa "Ang Paghahanap":

"Buti pa sina Nina at Paulo, may tatay. Kami nina Kuya at Ate, palagi na lang naghihintay."

"Nanay, kwentuhan po ninyo ako tungkol kay Tatay."

"Ang tatay Mario mo ay isang mapagmahal na ama. Pangulo rin siya ng isang unyon ng mga manggagawa."

"Ano po ang ginagawa ng pangulo ng unyon ng mga manggagawa?" 

"Siya ang lider o pinuno ng samahan ng mga nagtatrabaho sa pabrika at pagawaan. Dahil hindi maayos ang pagtrato ng may-ari ng mga pabrika sa mga manggagawa, sila ay nagprotesta at nagwelga."

"KInagabihan, apat na kalalakihan na may mga baril at nakatakip ang mukha ang biglang pumasok sa ating bahay. Nilagyan ng piring ang mga mata ng iyong tatay, madaliang itinali sa likod ang kanyang mga kamay, kinaladkad palabas sa madilim na gabi at sapilitang isinakay sa puting kotse."

"Mula noon, hindi na siya umuwi. Hinanap natin sa iba't ibang lugar - sa mga kampo ng militar, sa istasyon ng pulis, pati sa mga ospital."

Sipatin naman natin ang ilang talata sa "Ito ang Diktadura":

"Parang pagdidikta ang diktadura. Sinasabi ng isang tao kung ano ang dapat gawin at sinusunod naman ito ng iba, para lamang sa kapakanan ng pagsunod."

"Ang taong nagdidikta ang siyang namumuno. Siya ang panginoon ng lahat dahil hawak niya ang lahat. Sinusuportahan ng iilan at nilalabanan ng karamihan."

"Hindi ka maaaring mag-isip para sa iyong sarili sa ilalim ng diktadura. Maaari mo lamang isipin kung ano ang pinahihintulutang isipin ng diktador."

"Ngunit hindi nila kayang labanan ang diktador. Dahil pag-aari ng diktador ang lahat: salapi, sandata, lupa."

"Ang pinakamasama pa, karaniwang nagtatagal ang mga diktadura nang maraming-maraming taon."

Sa hulihan ng aklat ay may "Pagsusulit sa Diktadura" na binubuo ng apat na tanong, at pipiliin mo ang tingin mo ay pinakatamang sagot.

Muli tayong magnilay. Mabigat ang paksa ng dalawang aklat para maunawaan ng mga bata. Subalit iyon ay isinulat para sa mga bata. Sadyang pinagbuhusan din ng atensyon ang pagguhit ng mga larawan upang mas makaakit pa sa mga bata upang bigyang pansin at basahin ang aklat.

Sa maagang edad ba'y dapat na nilang matutunan ang gayong mga mabibigat na paksa? Para bagang hinuhutok ng mabilis ang edad ng bata upang ipaunawa agad sa kanila ang mabibigat na paksa. Na dapat sana'y sa kolehiyo pa nila mas magandang pag-aralan dahil sa panahong iyon ay mas mauunawaan na nila ang mga paksang iyon. Subalit bakit nga ba isinulat ang mga children's books na iyon?

Karaniwan ay iba kasi ang pagkakaunawa natin sa child, sa adolescent, sa teenager, o sa young adult (o kabataan). Sa madaling salita, iba ang bata sa kabataan. Para bagang pag sinabi nating child ay wala pa sa hustong gulang. Sa biglang tingin, ang bata (o child) ay yaong nasa elementarya na nasa edad 6 hanggang 12. Ang teenager naman na kabilang din sa adolescence, dahil sa salitang "teen" ay mula sa edad na thirteen hanggang nineteen. 

Subalit magsaliksik tayo. Ang adolescence ay mula 10 hanggang 19, batay sa WHO. (This period of development corresponds roughly to the period between the ages of 10 and 19 years, which is consistent with the World Health Organization's definition of adolescence.) Ang young adult ay yaong makalampas na sa nineteen, o edad 20 hanggang 39, batay naman ito sa Erikson's stages of psychosocial development. 

Subalit sa United Nations Convention on the Rights of the Child, ang child ay nangangahulugang "a human being below the age of 18 years unless under the law applicable to the child, majority is attained earlier. This is ratified by 192 of 194 member countries. Biologically, a child is generally anyone between birth and puberty."

Kaya kung pagbabatayan ang edad, ang mga children's book tulad ng "Ang Paghahanap" at "Ito ang Diktadura" ay hindi lamang para sa mga batang akala natin ay yaon lamang nasa antas-elementarya, kundi kabilang na rin yaong mga teenager na nasa high school. Mga child din sila, bagamat sa tingin natin ay teenager na sila.

Iba rin kasi ang children's book kung ikukumpara sa mga teenage books, lalo na sa mga gumagamit ng wattpad. Kaiba rin ang young adult fiction. Ayon sa Wikipedia, "Young adult fiction or young adult literature (YA) is fiction published for readers in their youth. The age range for young adult fiction is subjective. Some sources claim it ranges from ages 12-18, while authors and readers of "young teen novels" often define it as written for those aged 15 to the early 20s. The terms young adult novel, juvenile novel, teenage fiction, young adult book, etc., refer to the works in this category."

Ayon naman sa britannica.com, hinggil sa children's literature, "All potential or actual young literates, from the instant they can with joy leaf through a picture book or listen to a story read aloud, to the age of perhaps 14 or 15, may be called children. Thus “children” includes “young people.” Two considerations blur the definition. Today’s young teenager is an anomaly: his environment pushes him toward a precocious maturity. Thus, though he may read children’s books, he also, and increasingly, reads adult books. Second, the child survives in many adults. As a result, some children’s books (e.g., Lewis Carroll’s Alice in Wonderland, A.A. Milne’s Winnie-the-Pooh, and, at one time, Munro Leaf’s Story of Ferdinand) are also read widely by adults."

Subalit may magandang pagtalakay sa britannica.com. Ayon dito, "In the term children’s literature, the more important word is literature. For the most part, the adjective imaginative is to be felt as preceding it. It comprises that vast, expanding territory recognizably staked out for a junior audience, which does not mean that it is not also intended for seniors."

Ibig sabihin, kahit ang mga aklat na "Ang Paghahanap" at ang "Ito ang Diktadura" ay mga children's book, ang mahalaga ay book ito, na maaaring basahin ng mga bata, kabataan, tigulang (o nasa hustong gulang), at mga matatanda.

Magaan ang pagtalakay sa mabibigat na paksa. Subalit nag-iiwan din sa mga mambabasa ng mga katanungan.

Sa huling yugto ng "Ang Paghahanap" ay nakita na ang bangkay ng nawawala. 

"Kumpirmado na po ang lugar kung saan inilibing si Ka Mario. Tuloy na po ang exhumation sa darating na linggo."

"Sasama ako sa paghukay ng mga labi ni Mario. Pagkatapos ilibing natin siya sa Antipolo."

At ito naman ang binasang liham ni Bituin, ang anak ni Ka Mario:

"Mahal kong Tatay, matapos kang mabigyan ng isang disenteng libing, makalilimutan ko na ba ang matagal na hinintay na paglalambing sa iyong piling. Ang laban para sa katarungan, maibabaon ba sa libingan?"

At sa paghuling bahagi naman ng "Ito ang Diktadura" ay ito ang isinalaysay:

"Natatapos lamang ang diktadura kapag pumanaw ang diktador (minsan dahil pinaslang siya). O kung sapilitan siyang pinaalis sa puwesto. At agad-agad, kapag natapos na ang kuwento ng diktadura, magsisimula naman ang kuwento ng kalayaan."

Kailangan nating matamang pagnilayan ang mga huling bahagi ng bawat aklat dahil nag-iiwan iyon ng katanungan sa isip ng mambabasa. Pag nakita na ba ang bangkay ng nawawalang mahal sa buhay at nabigyan iyon ng marangal na libing ay natatapos na nga ba ang paghahanap? O kaakibat pa rin niyon ay ang paghahanap ng katarungan? Nakita na ang bangkay ngunit nakulong ba ang maysala? At pag natapos na ba ang kwento ng diktadura ay ganap na nga bang malaya ang bansa? Paano kung ang pumalit sa diktador ay hindi natugunan ang mga pagbabagong inaasam ng mamamayan?

Sa ating bansa, marami pang biktima ng sapilitang pagkawala o desaparesidos noong panahon ng diktadura ang hindi pa nakikita hanggang ngayon. Marami pang pamilya ng desaparesidos ang patuloy na naghahanap at umaasang balang araw ay makita nila ang kanilang minamahal, na kung hindi man buhay, ay makita man lamang ang pinaglibingan sa mga ito upang mabigyan ng marangal na libing.

Sa ngayong nagbabanta muli ang diktadura o kamay na bakal o batas militar, anong dapat gawin ng mamamayan upang mapigilan ang pagyurak sa karapatang pantao? Paano matitiyak na walang madudukot o mapapaslang dahil nagprotesta sa mga maling patakaran ng pamahalaan? Paano tayo lalahok at magiging aktibo sa pakikibaka laban sa mga paglabag sa karapatang pantao? O mananahimik na lang dahil sa takot o ayaw masangkot?

Ang dalawang aklat ay napapanahon at dapat basahin ng mga nagmamahal sa karapatang pantao at kalayaang kumilos, magtipon, magpahayag. Isa rin itong paraan upang ang mga tulad naming manunulat ay maging bahagi ng pagsusulat ng panitikang tumatalakay sa karapatang pantao at buhay ng maraming nakikibaka para sa pangarap na isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Inirerekomenda ko pong magkaroon kayo ng kopya ng nasabing mga aklat para sa inyong pamilya, mga kamag-anak at mga kaibigan.

Sabado, Marso 25, 2017

Pagpipinta ng makatang tibak

Nagpipinta ng BMP banner dahil may time, at habang nagpipinta ay nag-iisip ng kung anu-ano, bakasakaling makapulot ng piyesa para sa tula at kwento, habang may gumagapang na guyam sa bisig. May nakita akong tilas na nalaglag sa puno, buti't di sa ulo ko nalaglag, tiyak ako'y mangangati. Maitula nga mamaya ang kwento ng guyam at tilas.


Linggo, Marso 19, 2017

SosyalisTULAan bilang bagong simula



SosyalisTULAan bilang bagong simula
ni Greg Bituin Jr.

Ang naghaharing uri nga ba ang nagtatakda ng sining, kultura at panitikan sa isang lipunan? Kung susuriin, marahil ay sila nga, o kaya'y sila lang, lalo na't pinatatampok sa mga komersyal sa telebisyon, at mga istorya sa mga lifestyle section ng mga pahayagan ang kanilang pamamayagpag at panlasa.

Ang namamayaning panitikan ay pilit isinasaksak ng naghaharing uri sa ating mga lalamunan, na halos mabuwalan na tayo ay tinatanggap pa rin ng masa. Marahil dahil di nila nakikita ang alternatiba. O marahil wala namang nagkukusang maging alternatiba.

Hindi naman nakatago ang mga sosyalistang panitikan ngunit hindi naman naipalalaganap. Kung maipalaganap man ay sa maliliit na sirkulo lamang, mga sirkulong hindi mapansin ng madla kahit na magpapansin.

Halimbawa na lamang ang Teatro Pabrika na itinatag noong Nobyembre 1990 na naririnig ang kanilang mga awit sa sirkulo lamang ng maliit na seksyon ng mahigit 40 milyong manggagawa sa Pilipinas, o maliit na porsyento ng organisadong wala pang isang milyong manggagawa. Maganda at makasaysayan na ang kanilang mga naiambag ngunit hindi pa nakakatagos sa kamalayan ng mayorya ng manggagawa. Dagdag pa ang kakulangan ng mga bagong awiting sosyalista.

Paano pa kaya ang mga nasa panitikan o gumagawa ng tula, tulad ng limang makatang magtatanghal sa SosyalisTULAan sa Marso 21 - World Poetry Day. 

May mga nabuong maliliit na sirkulo noon sa panitikan. Bandang 2005 nang maitatag ang Association of Progressive Poets (APP) hanggang sa mamatay na lamang ito. Bandang 2010 ay nagkaroon ng facebook group na Maso at Panitik na layuning pagkaisahin ang mga makatang kumikilos sa kilusang sosyalista, at hindi sa kilusang makabayan.

Ngunit kailangang magsimula. Nagsisimula ang isang unos mula sa ambon lamang. Nagsisimulang mapuno ang tibuyô (tagalog ng Kastilang alkansya) ng isang bata kung may inihuhulog siyang piso bawat araw. Nagsisimula sa unang hakbang ang bawat maraming tagumpay. Hindi nagtatagumpay ang isang layuning hindi sinimulan, at hindi tuluy-tuloy upang abutin ang nilalayon.

Kailangang tunggaliin ang sining, kultura at panitikan ng naghaharing uri. Kaya kailangang organisahin at pagkaisahin ang mga manggagawa sa kultura, manunulat at makata. Ang kaaway ay ang internasyunalismo ng kapital, kaaway ng di-pa-naisasagawa-muling internasyunalismo ng uring manggagawa. Kahit sa ating mga isinusulat na tula, kailangan ang kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan. Ipwesto natin ang ating ikinakatha sa kabuuang kalagayan ng lipunan, lalo na ng uring manggagawa at ng masa ng sambayanan.

Matiyaga nating ipaunawa batay sa ating kakayahan sa pagtula, pag-awit o anupamang uri ng pagtatanghal ang kinapapalooban nating lipunan, habang ang diyalektika ng pagsulong ng lipunan ay inilalantad o ginagawang halimbawa sa bawat katha.

Gayunpaman, kailangan ng taos na pag-unawa sa lipunang ating ginagalawan habang binabakbak natin ang kapitalismong ito kapara ng anay. Kasabay ng pagkilos na ito ang pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, na isang salik ng sosyalismong ating inaasam, o tinatawag nga nating lipunang makatao. Ang mga kinakatha nating tula, sanaysay, maikling kwento, o maging awit, ay dapat maipaunawa sa madla nang may paggalang sa bawat isa, kusang niyayapos ng madla nang hindi ipinipilit o isinusubo na lang nang hindi nila nauunawaan.

Isang bagong simula itong SosyalisTULAan sa Marso 21 - World Poetry Day na dadaluhan ng ilang piling makatang nais mag-ambag sa panitikan ng uring manggagawa. Hindi man ito ang alternatiba ngunit ang pagsisimulang ito’y unang hakbang.

Lunes, Marso 13, 2017

SosyalisTULAan sa Marso 21 - World Poetry Day


SosyalisTULAan sa Marso 21 - World Poetry Day

Ang tula ay hindi lamang para sa mga nasa itaas ng lipunan, o naghaharing uri, o yaong tinatawag na toreng garing (ivory tower). Lalo't higit, dapat nagsisilbi ang tula sa uring manggagawa, at mga sektor, tulad ng OFW, tsuper, konduktor, magsasaka, maralita, kababaihan, vendors, at iba pang nabubuhay sa pagbebenta ng lakas-paggawa.

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Poetry Day sa Marso 21, 2017, araw ng Martes, ay maglulunsad tayo ng bigkasan sa pagtula. Gaganapin ito sa BMP office sa ganap na ika-7 hanggang ika-9 ng gabi.

Magbabahagi ng tula sina:
Kuya Jhuly (Partido Lakas ng Masa),
Merck Maguddayao (SUPER Federation),
Anthony Barnedo (KPML-NCRR),
Ver Panganiban (BMP),
Greg Bituin Jr. (BMP),
at iba pa.

Ang iba pang nais magbahagi ng tula ay inaanyayahang dumalo sa SosyalisTULAan. Halina't tulaan natin ang mga manggagawa at ibang aping sektor ng lipunan. Itula natin ang mga inhustisya sa lipunan, pakikibaka laban sa kontraktwalisasyon, pagkasira ng kalikasan, pang-aapi sa kababaihan, kawalang pagkakapantay-pantay, at ang pangarap nating lipunang walang pagsasamantala.

Kasabay nito, ngayong 2017 ang sentenaryo ng Bolshevik Revolution, o ang matagumpay na Rebolusyong Oktubre 1917 na nagpatalsik sa Tsar sa Rusya at nagtatag ng matagumpay na lipunan ng uring manggagawa. Ipagdiwang natin ang pagkilos na ito sa pamamagitan ng pagtula.

Ang tula ay armas natin sa pagmumulat sa uring manggagawa at sa masa ng sambayanan. Ika nga ni Ho Chi Minh, ""Poetry should also contain steel and poets should know how to attack."

- kasamang Greg


* mangyaring i-klik ang kawing na https://www.facebook.com/events/262228974221214/

Huwebes, Pebrero 23, 2017

Marso 8 at ang Sentenaryo ng Rebolusyong Oktubre 1917

MARSO 8 AT ANG SENTENARYO NG REBOLUSYONG OKTUBRE 1917
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ngayong 2017 ay ipagdiriwang ng uring manggagawa ang sentenaryo ng matagumpay na Rebolusyong Oktubre 1917 sa Rusya. Malaki ang naging papel ng kababaihan dahil sila ang nagsindi ng mitsa upang maging matagumpay ang Rebolusyong Oktubre.

Sinindihan ng manggagawang kababaihan sa St. Petersburg ang matagumpay na Rebolusyong Pebrero noong 1917 upang mapatalsik ang Tsar at mga kaalyado nito.

Noon ay ginagamit pa sa Rusya ang Julian Calendar, kaya nang magsimula ang kababaihan ng kanilang pagkilos ay noong Pebrero 23, 1917, na katumbas ng Marso 8, 1917 sa Gregorian Calendar na ginagamit natin ngayon. Ang matagumpay na Rebolusyong Oktubre na naganap noong Oktubre 25, 1917 sa Julian Calendar ay ipagdiriwang naman sa buong mundo sa Nobyembre 7, 1917 sa Gregorian Calendar. Noong 1918 lamang ginamit ng mga Ruso ang Gregorian Calendar.

Naglunsad ng malawakang pag-aaklas at pagkilos ang mga manggagawang kababaihan noong Marso 8, 1917 (Gregorian Calendar) o Pebrero 23, 1917 sa lumang kalendaryo. Hinihiling nila noon ang Kapayapaan at Tinapay (Peace and Bread). Kumalat sa iba't ibang pabrika ang kilusang welga at sumiklab bilang Rebolusyong Pebrero. Isa itong malawakang proseso na tumungo sa Rebolusyong Oktubre at nagpabago sa kalagayan ng kababaihan. Sa unang pagkakataon sa kasaysayan, ang lipunan ay mapamamahalaan para sa benepisyo ng lahat, para sa lahat ng manggagawa, ng mga maralita at inaapi. Ang prosesong ito ng pagkakamit ng rebolusyon ang siyang naglatag din ng daan upang unti-unting kilalanin ang karapatan ng kababaihan, at magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa lipunan.

Noong 1910, sa Ikalawang Pandaigdigang Kumperensya ng mga Manggagawang Kababaihan, pinangunahan ni Clara Zetkin ang pagtatatag ng Pandaigdigang Araw ng Manggagawang Kababaihan. Pinagpasiyahan ng kumperensya na bawat taon, sa bawat bansa, ay ipagdiwang ng kababaihan ang Araw ng Kababaihan sa panawagang "Ang boto ng kababaihan ang magkakaisa ng ating lakas sa pakikibaka para sa sosyalismo."

Ipinagdiwang ang unang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan noong Marso 19, 1911, na pinili ng mga proletaryadong Aleman dahil sa kahalagahan sa kasaysayan. Noong Marso 19 ng Rebolusyong 1848, na siya ring taon na sinulat nina Marx at Engels ang Manipesto ng Komunista, kinilala ng hari ng Prussia ang lakad ng armadong mamamayan at naglatag ng daan bago pa ang banta ng pag-aaklas ng proletaryado. Isa sa mga pangakong di natupad ng hari ang pagpapakilala sa boto ng kababaihan.

Noong 1913, ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ay inilipat sa Marso 8, at nananatili hanggang ngayon. Sa araw na ito'y nakipagkaisa sa unang pagkakataon ang mga manggagawang kababaihang Ruso, pagkat isa itong reaksyon ng mga kababaihan laban sa Tsarismo. Ang mga ligal na dyaryo ng proletaryado - ang Pravda ng mga Bolshevik at ang Looch ng mga Menshevik - ay naglathala ng mga artikulo hinggil sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, kasama na ang mga pagbati mula sa mga lider-kababaihan tulad ni Clara Zetkin.

Noong 1914 ay mas matatag ang pagkakaorganisa ng manggagawang kababaihan sa Rusya. At nang taon ding iyon ay nagsimula naman ang madugong Unang Daigdigang Digmaan (Hunyo 1914).

Noong 1915, tanging Norway lamang nakapag-organisa ng malawakang pagkilos ang mga kababaihan upang ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ngunit hindi sa Rusya dahil sa tindi ng kamay na bakal at militar ng Tsarismo.

Noong 1917, sa mismong araw ng kababaihan (Pebrero 23 sa lumang kalendaryo) at Marso 8 sa mga kanluraning bansa, libu-libong kababaihan ng Rusya ay nagsilabasan sa lansangan. Sa pagkakataong ito, naging malaking banta sa Tsar at sa militar nito ang ginawang paghihimagsik ng mga manggagawang kababaihan.

Ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ng 1917 ay tumatak na sa kasaysayan. Sa araw na ito, sinindihan ng mga kababaihan ang mitsa ng rebolusyong proletaryado. Ito ang simula ng Rebolusyong Pebrero, na nagtungo sa matagumpay na Rebolusyong Oktubre 1917.

Ngayong taon, 2017, ay ipinagdiriwang ng uring manggagawa, hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo ang tagumpay ng Rebolusyong Oktubre 1917, na sinimulan ng pag-aaklas ng mga kababaihan noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.

Halina't gunitain natin at pagpugayan ang mga kababaihan na nagpasimula ng pag-aaklas upang maging matagumpay ang Rebolusyon nina Kasamang Lenin!

Kaya sa darating na Marso 8, 2017, papulahin natin ang mga kalsada at ibandila ang tagumpay ng mga kababaihan.

At sa darating na Nobyembre 7, 2017, ay sabay-sabay din nating ipagdiwang ang sentenaryo ng Rebolusyong Oktubre!

Taas-kamaong pagpupugay sa alaala ng mga manggagawang kababaihang nagpasimula ng Rebolusyong Pebrero sa Rusya! 

Taas-kamaong pagpupugay sa sentenaryo ng Rebolusyong Oktubre!

Tuloy ang laban para sa pagbabago ng bulok na sistema!

Uring manggagawa, hukbong mapagpalaya!

Mga pinaghalawan:
http://www.history.com/this-day-in-history/february-revolution-begins-in-russia

Huwebes, Pebrero 2, 2017

Planong aklat hinggil kay Ka Anto

Interesado akong sulatin ang isang aklat hinggil kay Crisanto "Ka Anto" Evangelista, ang tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1930.

May dalawa akong saliksik hinggil sa isa niyang sanaysay at isa niyang tula: 
(a) Kung ano ang mga pangunang tungkulin ng isang manggagawa - Sanaysay ni Crisanto Evangelista
(b) Ang Sigaw ng Dukha - tula ni Crisanto Evangelista

Nasaliksik ko rin ang ilang kaso sa Korte Suprema na kanyang kinasasangkutan, tulad ng:
(a) Crisanto Evangelista versus Tomas Earnshaw, G.R. No. 36453 
(b) The People of the Philippines versus Crisanto Evangelista, Jacinto Manahan and Dominador Ambrosio, G.R. No. L-36275 
(c) The People of the Philippines versus Crisanto Evangelista and Abelardo Ramos, G.R. No. L-36277
(d) The People of the Philippines versus Crisanto Evangelista, et al., G.R. No. L-36278

Nabanggit din si Ka Anto sa mga kaso noong 1940 (G.R. No. L-47903), 1948 (G.R. No. L-1673), at 1964 (G.R. No. L-6025). Noong 1921, nang hindi pa niya naitatag ang PKP ay nabanggit na rin siya sa isang kaso, sa G.R. No. L-16717, "On that date a meeting of the strikers and their sympathizers was held at the Zorrilla Theater, which meeting was opened by Simeon and afterwards presided over by Salita. At the meeting one Crisanto Evangelista made an inflammatory speech in which he criticized the Government for protecting the "scabs" with Constabulary guards and secret service men, and stated that in other countries such repressive measure led to violence on the part of strikers. He finally, however, advised the audience to remain peaceful while justice took its course."

Marami pang sulatin si Crisanto Evangelista na dapat masaliksik, at hindi pa ako nagkakaroon ng kumpletong kopya, tulad ng manipestong "Manggagawa: Ano ang Iyong Ibig?"; kopya ng  sanaysay na pinamagatang "Kung Alin-alin ang mga Paraang Mabisa sa Ikalalaganap ng Unyonismo sa Pilipinas" sa ilalim ng alyas na Labor Omnia Vinci (kumilos para sa tagumpay ng lahat) kung saan isinali niya sa isang patimpalak sa sanaysay na inilunsad ng Kawanihan ng Paggawa at nanalo; ang sanaysay na Nasyonalismo-Proteksiyonismo vs. Internasyonalismo-Radikalismo (Babasahing Anak-Pawis, 1929); at iba pa.

Pag nakuha ko ang mga ito, at pati na ang kanyang talambuhay, maaari nang gawing isang aklat ito, upang makatulong sa pagsasaliksik din ng iba hinggil sa tagapagtatag ng PKP. Kung sakali mang makita ninyo ang ilang mga hinahanap kong sulatin, halimbawa, sa Library sa inyong lugar ay sabihan nyo po ako. Marami pong salamat.

- GREGBITUINJR.

Draft cover ng planong aklat ng inyong lingkod