Sabado, Disyembre 5, 2020

Paggawa ng ekobrik

PAGGAWA NG EKOBRIK
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nitong Nobyembre 18, 2020, ay nagtungo ako sa tanggapan ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) upang aking pirmahan ang ilang dokumento hinggil sa isang petisyon sa Korte Suprema nang ibinigay sa akin ni kasamang Jackie ang natipon nilang isang bag na walang lamang plastik ng mga kape. Aba’y alam pala niyang ako’y nageekobrik. Ibig sabihin, ginugupit ko ang mga malilinis na plastik, tulad ng mga ubos na kape upang ipasok sa boteng plastik at gawing ekobrik. Patitigasin iyon na parang brick na pawang laman lang ay mga plastik. Para saan ba ito? Ang mga natipong ekobrik ay pagdidikitin upang gawing istruktura, tulad ng upuan o kaya’y lamesa. Maraming salamat, Ate Jackie!

Nananalasa ang mga basurang plastik sa ating kapaligiran, pati na sa ating mga karagatan. Kaya may mga nag-inisyatibang ipasok ang mga plastik sa loob ng boteng plastik upang mapaliit ang basura. 

Nagsimula ito sa Mountain Province, nakita ng isang Canadian, at ginawang kampanya laban sa plastik. Ngayon ay marami nang nageekobrik sa iba’t ibang panig ng daigdig. Nabuo ang Global Ecobrick Alliance o GEA, kung saan isa ako sa nakatapos, at may sertipiko.

Sa paggawa nito, dapat malinis ang mga plastik at walang latak, halimbawa, ng kape. Dahil kung marumi, baka may mabuong bakterya na sa kalaunan ay sisira sa mga ekobrik na ginawang istruktura tulad ng silya o lamesa, na maaaring mapilayan ang sinumang uupo doon. 

Upang matuto pa, tingnan ang GoBriks.com sa internet.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 16.

Biyernes, Disyembre 4, 2020

Bukrebyu: Ang librong "Che: A Graphic Biography" ni Spain Rodriguez

BUKREBYU

ANG LIBRONG “CHE: A GRAPHIC BIOGRAPHY” NI SPAIN RODRIGUEZ
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nakita ko lang sa aklatan ng Bukluran ng Manggagawag Pilipino (BMP) ang aklat na “Che: A Graphic Biography” ni Spain Rodriguez. Inilarawan niya ang talambuhay ni Che Guevara sa pamamagitan ng komiks, o ng mga larawan. Bagamat nakagawa na rin ako ng libro ni Che Guevara noon, iyon ay pulos mga salin ng mga sulatin ni Che.

Iba ito, talambuhay ni Che na isinakomiks. Nakasulat sa Ingles at magaganda ang pagguhit ng mga larawan, na nasa black-and white, hindi colored. Subalit nakakahalina dahil sa galing ng tagaguhit at awtor na si Spain, kaygandang pangalan.  

Si Che Guevara ang isa sa mga kasamahan ni Fidel Castro nang ipinanalo nila ang rebolusyon sa Cuba noong 1959. Kinikilala siyang “the most iconic revolutionary of the twentieth century”, ayon sa libro. Sabi pa, “It portrays his revolutionary struggle through the appropriate medium of the under-ground political comic – one of the most prominent countercultural art form of the 1960s.” Wow, bigat!

Kaya kahit nasa wikang Ingles ay binasa ko ang kasaysayang komiks na ito. Kung may pagkakataon, nais ko itong isalin sa wikang Filipino.

Inirerekomenda ko itong basahin ng mga estudyante at aktibista, at sinumang nagnanais ng kalayaan ng bayan mula sa kuko ng mapang-api at mapagsamantala.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 15.

Linggo, Nobyembre 29, 2020

Kwento - Bakit ako ang magsasalin ng RA 7270 o UDHA? Dapat KWF dahil sila ang ahensya sa wika!


BAKIT AKO ANG MAGSASALIN NG RA 7279 O UDHA? DAPAT KWF DAHIL SILA ANG AHENSYA SA WIKA!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang hapon iyon nang kinausap ni Igme si Igor dahil nais niyang isalin ni Igor sa wikang Filipino ang Urban Development and Housing Act (UDHA) o Republic Act 7279. “Igor, maaari mo bang isalin ang UDHA upang mas maunawaan ng kapwa natin maralita kung ano ba ang batas na itong nakakaapekto sa kanila.”

Sumagot si Igor, “Aba, oo. Malaking karangalan sa akin ang pagsasalin ng batas na iyan sa wikang Filipino. May kopya ka ba ng UDHA upang masimulan ko nang isalin?”

“Eto, o.” At ibinigay ni Igme kay Igor ang kopya ng UDHA.

Sa bahay, binabasa ni Igor ang dokumento, hanggang sinimulan niyang isalin ang bawat salita, bawat artikulo, at bawat seksyon. Kinailangan pa niya ng diksyunaryong Ingles-Filipino dahil may mga salitang duda siya kung tama ba ang salin. Sa katagalan, napapaisip siya. Tanong niya sa sarili, “Batas ito ng bansa para sa mga maralita. Pag isinalin ko ba ito ay pakikinabangan ng maralita? Sino ang magpopondo nito? Kung ang samahan lang namin ni Igme ang makikinabang, paano ang iba? Baka may iba pang nagsasalin sa ibang organisasyon, o baka naman may salin na ito sa wikang Filipino, ay hindi namin alam.”

Nasa gayon siyang pagninilay nang makita siya ng kanyang asawa, at tinanong siya kung anong ginagawa niya. At sumagot siya, “Hiniling ni Igme sa akin na tagalugin ko itong UDHA para mas maunawaan ng ating mga kapitbahay at kapwa maralita kung ano ang batas na ito. Kaya lang napapaisip ako, mahal ko. Pakikinabangan ba ito ng mas nakararami pag natagalog ko na, o kami lang ang makakaintindi? Hindi ba dapat ang mga batas ng bansa ay hindi isa-isa nating isinasalin. Baka sabihan pa ako ng mga mas nakakaalam na bara-bara lang itong salin ko .”

Sumagot si Ingrid, “Sige lang, tagalugin mo, at malaking tulong iyan sa ating mga maralita dahil UDHA iyan. Diyan nakalagay sa seksyon 28 niyan kung paano ang proseso bago idemolis ang isang lugar?”

“Iyon nga, eh, kaya ba nakasulat sa Ingles ang mga batas natin ay upang hindi natin maintindihan ang mga batas na nakakaapekto sa masa, sa ating maralita, tulad nga niyang Seksyon 28 ng UDHA hinggil sa demolisyon. Napapaisip nga ako, sino ang maglalathala ng tinagalog ko upang maunawaan ito ng mas marami, kahit nasa probinsya.” Ani Igor.

Sumagot si Ingrid, “Tulong mo na iyan sa samahan. Kaya ituloy mo lang ang binigay ni Pangulong Igme sa iyo.”

Muling nagsalita si Igor, “Napapaisip din kasi ako. Dapat ba sa bawat batas na tatama sa maralita, o iyang Labor Code ng manggagawa, o Local Government Code, bakit lahat nakasulat sa ingles, at paghirapan nating intindihin. Ngayon, pipilitin nating tagalugin. Hanggang mamilipit tayo. Dapat ang gobyerno mismo ang magsalin ng mga ito. Mungkahi ko nga, dapat ang Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ang dapat magsalin ng lahat ng batas ng bansa, dahil sila ang ating ahensya sa wika. KWF dapat ang bigyan ng mandato sa pagsasalin ng lahat ng batas ng bansa. Isalin nila sa wikang Filipino, o Tagalog para sa mga nasa NCR, Gitnang Luzon, at Timog Katagalugan. Isalin din ang mga batas natin sa Igorot, Ilokano, Kapampangan, Bikolano, Ilonggo, Cebuano, Tausug, Maranao, at iba pang wika sa ating bansa. Halimbawa, iyang IPRA o Indigenous People’s Rights Act, katutubo ba ang magsasalin niyan upang maunawaan nila? O iyang KWF.”

“Paano iyan magagawa, eh, wala yata sa batas na naglikha sa KWF na sila ang magsalin? Kung meron, dapat ginagawa na nila.” Ani Ingrid.

“Tama ka, mahal ko,” ani Igor, “kailangang kumausap tayo ng mga kongresista at senador na gagawa ng batas upang gawing opisyal na tagasalin ng mga batas ng bansa iyang KWF.”

“Kausapin muna natin si Pangulong Igme,” Ani Ingrid. At nagtungo naman sila sa pangulo ng samahan.

Ani Igor, “Sinimulan ko nang isalin ang UDHA. Subalit bakit ako ang magsasalin ng batas ng bansa. Hindi ba dapat ang Komisyon sa Wikang Filipino dahil ito ang ahensyang pangwika ng pamahalaan? Baka hindi ito maipamahagi sa iba, o baka isiping bara-bara lang ang salin ko?”

“Tama ka, Igor,” ani Igme. “Mungkahi ko, gumawa tayo ng petisyon na lalagdaan ng ating mga kasapian, at ipadala sa mga gumagawa ng batas na hinihiling nating amyendahan ang batas na lumikha ng KWF, at italaga ang KWF bilang opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa. Bukod sa pagsasalin mo ng UDHA ay isa iyan sa ating kampanya upang mas maunawaan ng masa ang mga batas na apektado sila.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 16-30, 2020, pahina 14-15.

Pananalasa ni Ulysses, nagpalubog sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela

PANANALASA NI ULYSSES, NAGPALUBOG SA MGA LALAWIGAN NG CAGAYAN AT ISABELA
Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nagmistulang dagat ang binahang mga lalawigan dahil sa pananalasa ng bagyong Ulysses. Nakakakilabot habang pinapanood sa telebisyon. Paano kung tayo ang nasa kanilang kalagayan? Gutom, antok, pagod, dusa, sakripisyo, agam, mga negatibong karanasang animo’y bangungot.

Ayon sa isang ulat, "Mula sa kanilang mga bubong, nanawagan ng tulong ang mga residente ng Cagayan Valley at Isabela matapos lumubog sa baha ang kanilang bahay - dahilan para idaan ng netizens sa social media ang panawagan na agarang pagsagip sa mga residente. Nasa state of calamity ngayon ang buong probinsiya ng Cagayan, kung saan 9 na ang kumpirmadong patay, apat dito ang natabunan ng landslide, dalawa ang nakuryente habang nagre-rescue, at tatlo naman ang nalunod."

"Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, umagos ang tubig-ulan sa mga probinsiya ng Quirino, Nueva Vizcaya, Kalinga, at Isabela sa kanilang probinsiya, dahilan para mag-overflow ang tubig sa Cagayan River at matapon ito sa ilang bayan. Nangyari ang pagbaha kahit walang storm signal na nakataas sa bansa matapos umalis ang bagyong Ulysses sa Philippine area of responsibility."

Sa isa pang balita, "Isinailalim naman sa state of calamity ang Isabela City, kung saan 3 ang namatay batay sa inisyal na tala ng mga awtoridad. Unang nabanggit din ng LGU na nasa 144,000 indibidwal ang naapektuhan ng baha."

At sa isa pang balita, "At sa dulo din umano ng ilog sa Magapit ay paliit o kumikipot ang ang bahagi ng river sa bahagi ng Alcala kaya naiimbudo ang tubig at naiipon doon. Ayon kay PAGASA administrator Vicente Malano, kahit alisin ang tubig na inilabas ng Magat dam, babaha at babaha pa rin ang Cagayan."

Malayo ako sa pinangyarihan subalit noong bata pa ako’y dinanas ko na ang sunod-sunod na pagbaha sa Maynila, kaya habang pinanonood ko ang mga balita’y talagang sindak at awa ang aking nararamdaman. Nais kong makatulong subalit paano? Sa mga evacuation center ay wala nang social distancing. Nangabaha ang mga kagamitan at lumubog ang mga kabahayan. Kahindik-hindik na karanasan bihirang dumating sa buhay ng tao, ang lumubog ang buo mong nayon sa baha. 

Kailangan ng mga nasalanta ang mga pagkaing luto na, dahil hindi sila makakapagluto at nalubog sa tubig kahit ang kanilang kalan. Kailangan din nila ng malinis na inuming tubig, idagdag pa ang gamot sakaling may magkasakit. Mga pampalit na damit, at huwag na nating iambag ang ating mga pinaglumaang damit na para lang sa mga pulubi, sira-sira, butas-butas. Maayos na damit sana.

Nais ding tumulong ng pamunuan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga nasalanta, lalo na yaong mga nawalan ng tahanan, dahil ang karapatan sa paninirahan ang kanilang mandato. Subalit bagyo at hindi demolisyon ang dahilan ng pagkawala ng tahanan ng mga ito. Anuman ang maliit na makakayanan, ay gawin natin ang makakaya, ayon kay Ka Kokoy Gan, ang pambansang pangulo ng KPML. Tayo’y magtulungan sa panahong ito ng pandemya’t kalamidad.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2020, pahina 7-8.

Sabado, Nobyembre 14, 2020

Ang mga bagyong Rolly at Ulysses

Ang mga bagyong Rolly at Ulysses
Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Dalawang matitinding bagyo ang sumalanta sa bansa nito lamang unang dalawang linggo ng Nobyembre 2020. Ang bagyong Rolly ay tinatawag na super Typhoon Goni sa ibang bansa, at ang Ulysses naman ay Typhoon Vamco. Dumating ang bagyong Rolly, na ayon sa mga ulat ay kinatakutan dahil sa Category 5 na super-bagyo, na tinawag na "pinakamatinding tropical cyclone sa buong mundo noong 2020." Napakalakas nga nito ayon sa prediksyon. Mabilis itong humina, ngunit matapos manalasa ay nag-iwan ito ng pinsalang nakaapekto sa daan-daang libong katao, at puminsala sa libu-libong bahay.

Nakakabigla rin ang pagdating ng bagyong Ulysses, na ayon sa ulat ay bagyong nasa Kategorya 2, subalit ang pinsalang iniwan nito'y mas laganap, at nagdulot ng pinsala sa agrikultura at imprastraktura, nag-iwan ng 67 na patay, at higit sa 25,000 walang tirahan.

Sadyang maiiyak ka kung ikaw ang tinamaan ng alinman sa dalawang bagyong ito. Sa Ulysses ay naulit ang bangungot ng Ondoy. Ako nga'y muntik nang hindi makasama sa isang lakad sa Thailand kung nalunod sa tubig ang aking pasaporte. Kakukuha ko lang ng pasaporte ko noong Setyembre 25, 2009, naganap ang Ondoy ng Setyembre 26, 2009, at nakalipad ako puntang Thailand kasama ng iba pa noong Setyembre 28, 2009. Ang pinuntahan ko'y isang kumperensya hinggil sa nagbabagong klima o climate change, at isa ang Ondoy sa aming napag-usapan doon.

Ayon sa mga ulat, ang Bagyong Rolly ang pinakamalakas na bagyong naitala sa buong mundo ngayong 2020. Una itong bumagsak sa Pilipinas noong Nobyembre 2, na tumama sa Bato, Catanduanes; Tiwi, Albay; San Narciso, Quezon; at Lobo, Batangas. Bago nito, inilikas ng pamahalaan ang halos 1 milyong residente sa Bicol, ngunit malubhang napinsala ni Rolly ang higit sa 10,000 mga bahay sa Catanduanes lamang. Ang malakas na hangin at malakas na pag-ulan ang sanhi ng pagbaha, pagdaloy sa mga kabukiran ng lahar mula sa bulkang Mayon, mga pagguho ng lupa, at paghalimbukay ng unos (storm surge) sa rehiyon. Nagdala rin ito ng malawak na pagkawala ng kuryente at nasira ang linya ng komunikasyon.

Noong Nobyembre 11 2020 naman, sinalanta ng Bagyong Ulysses ang pangunahing isla ng Luzon na rumagasa ang mapanirang hangin at matitinding pagbagsak ng ulan na nagdulot ng matitinding mga pagbaha sa maraming lugar kabilang na ang Cagayan Valley (Rehiyon 2) na isa sa mga pinakamatinding naapektuhan. Halos 40,000 na mga tahanan ang ganap o bahagyang nalubog sa Lungsod ng Marikina, ayon naman kay Mayor Marcelino Teodoro ng Marikina. At naulit muli sa Marikina ang naranasang bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009.

Sa pagitan ng Rolly at Ulysses ay dumaan din sina Siony at Tonio. Mabuti't mahina lamang sila. Subalit sa nangyaring bagyong Rolly at Ulysses, napakaraming istoryang kalunos-lunos ang ipinakita sa telebisyon at narinig sa radyo. Nariyan ang naglalakad na mga tao sa baha pasan ang kanilang mga gamit, aso, o kaya'y anak. Nariyan ang mga tao sa bubungan ng kanilang bahay na naghihintay masagip dahil nalubog na ang kanilang bahay sa baha. Nariyang hindi na mauwian ang tahanan dahil nawasak na.

Sa taon-taong bagyong nararanasan ng bansa, masasabing beterano na ba tayo sa baha? Maling sabihin dahil nakakaawa ang sinasapit ng ating mga kababayan. Dapat na seryosong makipagtulungan ang pamahalaan sa taumbayan kasama na ang mga nasa lugar na madaling bahain. Dapat magkaroon ng sistema, mekanismo, istraktura, at mabisang hakbang upang maghanda, at mabisang tugunan at mapamahalaan ang mga natural na kalamidad tulad ng mga nangyaring bagyo. Dapat kasangkot ang mamamayan sa pagtugon, maging responsable, at sundin ang mga protokol. Dapat handa na tayo sa ganitong mga sitwasyon, lalo na’t pabagu-bago ang klima at patuloy pa ring gumagamit ang bansa ng coal-fired power plants na itinuturing na isa sa dahilan ng matitinding bagyo.

Mga pinaghalawan:
https://reliefweb.int/report/philippines/wfp-philippines-typhoon-rolly-situation-report-1-6-november-2020
https://newsinfo.inquirer.net/1359823/typhoon-ulysses-triggers-worst-floods-in-metro-manila-in-years
https://opinion.inquirer.net/135319/five-lessons-from-typhoon-ulysses

* Ang artikulong ito'y unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2020, pahina 10-11.

Biyernes, Oktubre 30, 2020

Mula Smokey Mountain hanggang Happy Land

Litrato mula sa internet. CTTO (Credit to the owner).

MULA SMOKEY MOUNTAIN HANGGANG HAPPY LAND
Munting saliksik at sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ilan sa mga kasapi ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay nakatira sa Happyland sa Brgy. 105 sa Tondo, Maynila. Sinasabing ito ang kilalang Smokey Mountain noon, o yaong bundok-bundok na basura, na kaya tinawag na Smokey Mountain ay dahil sa nakasusulasok na amoy ng sunog na basura rito.

Paano nga ba ito tinawag na Happy Land, o sa wikang Tagalog ay Masayang Lupain? Gumanda na nga ba ang buhay ng mga maralitang nakatira rito kaya masaya na sila't tinawag itong Happy Land? 

Subalit batay sa pananaliksik, ang pinagmulan ng salitang Happy Land ay hindi Ingles, kundi ito'y salitang Bisaya na HAPILAN, na ibig sabihin ay lugar na mabaho dahil sa basura. Ganito ipinaliwanag ito sa isang akdang nakita ko sa internet. "The name “Happyland” is derived from the Visayan dialect’s name for smelly garbage: Hapilan, a slum made up of many mini dumpsites put together. The most common type of trash seen here is from the large fast food chain in Philippines Jollibean, where the scavenger sort the different types of packaging and leftover food from cups to straws to spoons.The leftover food gets recooked into ‘pag pag’ and is actually re-consumed by the scavengers."

Ayon sa pananaliksik, tinanggal na ang Smokey Mountain sa Tondo, subalit lumikha naman ng isang bagong Smokey Mountain na naging tirahan ng mga walang matirahan, na animo'y naging kampo na ng mga nagsilikas sa kung saan-saan at doon nakakita ng pansamantala, kundi man, pirmihang matutuluyan. Bukod sa Hapilan ay may tiatawag pa umanong lugar na Aroma. O marahil iba pang katawagan iyon dahil sa amoy o aroma ng lugar.

Maraning maliliit na tambakan ng basura sa lugar. At ang karaniwan ummanong basura roon ay mula sa mga pagkaing itinapon na o tira-tira mula sa mga fast food, tulad ng Jollibee, kung saan pinipili ng mga magbabasura ang iba't ibang nakabalot at tira-tirang pagkain. Ang mga tira-tira, o yaong hindi naubos, ay ipapagpag muna upang bakasakaling malaglag ang anumang dumi, halimbawa sa tirang pritong manok. Tapos ay huhugasan ito at muling iluluto. Dahil ipinagpag muna kaya tinawag na PAGPAG ang mga pagkaing ito.

Kung nakapunta ka na rito, o sa mga lugar na malapit dito, maraming itinitindang pritong manok, na kung kinain mo'y para ka na ring nasa Jollibee. Subalit pagpag na pala iyon.

Sa hirap ng buhay at nasa sentro ka pa ng kapital ng bansang Pilipinas, gayon ang buhay ng mahihirap na tao roon. Namumulot ng basura subalit namumuhay ng marangal. Mahirap man, kapit man sa patalim, subalit doon nila binuo ang kanilang pamilya at mga pangarap. Sa kabila ng hirap, nakakangiti, na animo'y paraiso kaya tinawag na Happy Land. Tanda nga ba iyon ng pagiging resilient ng mga Pinoy, o dahil wala na silang mapuntahan, kaya kahit ayaw nila roon ay nagiging kontento na rin doon. Marahil, naiisip nila, nabubuhay man silang mahirap, subalit may dignidad. Ika nga sa awitin ni Freddie Aguilar:

"Ako'y anak ng mahirap
Ngunit hindi ako nahihiya
Pagka't ako'y mayroon pang dangal
Di katulad mong mang-aapi."

Nawa’y maging tunay na masaya o happy ang mga taga-Happy Land. Hangad kong matagpuan nila rito ang pangarap na kaalwanan at kaginhawaan, at kapayapaan ng kanilang puso. At sana’y hindi na maging tapunan ng basura ang kanilang lugar.

Pinaghalawan:
https://ph.theasianparent.com/teach-kids-genuine-compassion
https://www.lydiascapes.com/happyland-philippine-slums-in-manila/
https://glam4good.com/they-call-this-happy-land-a-heartbreaking-view-from-inside-manila-slums-on-thanksgiving-day/

* Ang akdang ito'y unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 14-15.

Huwebes, Oktubre 29, 2020

Kwento: Nawalan ng trabaho dulot ng pandemya

NAWALAN NG TRABAHO DULOT NG PANDEMYA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Noong mag-lockdown, nahinto kami sa produksyon sa pabrika dahil hindi kami makapasok sa trabaho. Hindi ko malaman ano ang gagawin. Paano na kami ng aking pamilya? Ang kakarampot kong sahod ay di sapat lalo't nangungupahan lang kami ni misis, kasama ng apat naming anak." Ito ang sabi ni Mang Inggo nang unang linggo ng lockdown at hindi sila pinayagang magbiyahe patungo sa trabaho.

Wala na kasing pinayagang makalabas ng bahay noon, kaya pati mga nagtatrabaho, sa pabrika man iyan, sa opisina, sa pamamasada o maging tindera sa palengke, ay napatigil sa pagtatrabaho. Ayon naman sa pamahalaan, kailangan mag-lockdown upang labanan ang COVID-19. 

Ang mga maralita nga ng San Roque sa Lungsod Quezon ay nagrali na dahil sila'y nagugutom. Gutom ang dulot ng lockdown. Gutom dahil di makalabas upang makadiskarte ng pang-ulam. Di makakain si Bunso. Mabuti kung may natitira pa silang salaping pambili sa tindahan. Subalit kahit pagbili sa tindahan ay pahirapan din dahil nga hindi sila makalabas.

Si Mang Tune na drayber ng dyip ay naghihimutok dahil hindi na sila makapamasada. Ang nangyari ay tambay na lang sila sa looban. Naaabutan lang ng may malasakit. Ang ayudang bigay ng pamahalaan ay di naman sapat. Ang iba’y nabibigyan ng salapi, habang ang iba’y nabibigyan ng grocery na pang-ilang araw lang, na tulad ng ibinibigay sa mga nasunugan. Limang kilong bigas, ilang delatang sardinas, ilang noodles, kape, asukal, nadagdagan lang ng alkohol at face mask.

“Anong dapat nating gawin?” Sabi ni Mang Igme sa kanyang mga kapitbahay. “Hindi tayo makalabas. Gutom ang aabutin natin nito?” 

Kaya nagkaisa ang mga magkakapitbahay, sa pamamagitan ng HOA nila, upang pag-usapan ang mga hakbang na dapat gawin. Di makapag-patawag ng pulong ang HOA dahil lockdown. Walang makalabas. Gayunman, nagawan nila ng paraang makapagpulong, nang isa-isa silang magpuntahan sa bahay ni Mang Kanor, ang pangulo ng HOA.

Ayon kay Mang Kanor, “Dalawang dahilan lamang upang bigyan tayo ng pamahalaan ng makakain, pag panahon ng gera at pag panahon ng kalamidad. Ngayong idineklara ng pamahalaan ang lockdown, ito’y nasa linya ng kalamidad, kaya dapat bigyan nila tayo ng ayuda upang hindi magutom ang ating pamilya. “

Sa ganitong punto ay napagkaisahan nilang sumulat sa pamahalaan upang bigyang katugunan ang kanilang kalagayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 16.