Sabado, Enero 13, 2024

Kolum na patula sa dyaryo


KOLUM NA PATULA SA DYARYO
Sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Madalas kong nakikita sa pesbuk ang paglalathala ng kolum na patula ng isang katotong makata. Dahil pahayagang paglalawigan, tiyak na malaki ang naaabot niyon.

Subalit sa age of social media, nawawala na ang ibang pasulatan, o yaong nalilimbag sa papel. Kaya natutuwa ako sa katoto kong makatang si Glen Sales, isang guro, at kasapi ng Angono 3/7 Poetry Society, sa lingguhang paglabas ng kanyang kolum na patula na pinamagatang DAGITAB sa pahayagang Laguna Courier. Dahil dito'y saludo ako kay kamakatang Glen Sales.

Lalo na't bihirang makata na ngayon ang nalalathala sa mga pahayagan at magasin, maliban sa magasing Liwayway na laging may itinatampok na tula. Hindi ko naman matandaan na ang pangalan ng dyaryo sa Bulacan na may kolum din na patula, na nababasa ko noon. Sa mga arawang pahayagan naman tulad ng Abante, Bulgar, Pang-Masa, Pilipino Star Ngayon, Remate, Sagad, atbp. bihira naman ang may kolum na patula. At bihira rin silang naglalathala ng tula.

Ako naman ay may pinagsusulatang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), na nasimulan kong muli nang mahalal ako bilang sekretaryo heneral ng KPML noong Setyembre 16, 2018. Ito'y nalalathala ng dalawang beses sa isang buwan. Una ko itong hinawakan at nilathala noong taon 2001 nang maging staff ng KPML hanggang Marso 2008 nang ako'y mawala sa KPML dahil di na nag-renew ang funder, na siyang dahilan kaya nakakapaglathala noon ng Taliba ng Maralita.

Dati ay may pahayagang Obrero mula taon 2003 hanggang 2010 ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) kung saan isa ako sa nagsusulat, at sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM) mula 2011-2012 na pinagsusulatan ko rin, subalit wala na ang mga ito ngayon. Kaya malaking bagay sa akin na may pinagsusulatang pahayagang Taliba ng Maralita.

Ang unang sukat nito noon ay 8.5 x 11.5 o sukat ng short bond paper, walong pahina kada isyu, at naglalathala ng 1,000 kopya kada labas, mula sa isang printing company. Subalit ngayon, lumiit na ang Taliba ng Maralita, na ang sukat ay kalahati ng short bond paper, na may 20-pahina kada isyu. Subalit wala pang isandaang kopya bawat labas dahil na rin sa kakapusan ng salapi, at wala nang funder para sa proyektong ito. 

Tulad ng ibang pahayagan, nilalaman nito'y headline, editoryal, mga balita, kolum ng pangulo ng KPML, komiks, at mga pahayag ng KPML. Ang kaibahan lang, may pampanitikan dito tulad ng Liwayway, pagkat sa pahina 18-19 nito ay maikling kwento, at sa pahina 20 ang mga tula. Ang tatlong dulong pahinang iyon ang kumbaga'y kolum ko.

Nakakatuwa nga na minsan ay sinabihan ako ng pangulo ng aming organisasyon, na pulos tula daw ang sinusulat ko. Aba'y isang pahina lang ang tula, ah, at sa dulong pahina pa, subalit ito ang pumukaw sa kanyang isip.

Kung ang kamakatang Glen Sales ay may apat na beses na labas ng kolum na patula kada buwan, ako naman ay dalawang beses kada buwan. Kung ang kanyang dyaryo'y nasa sanlibong kopya kada labas, ang Taliba ng Maralita ay wala pang isandaang kopya kada labas.

Gayunpaman, kung walang Taliba ng Maralita, pakiramdam ko'y manunulat akong walang pinagsusulatan. Kaya taospusong pasasalamat sa Taliba ng Maralita sa paglalathala ng aking maikling kwento't mga tula sa bawat isyu nito.

Nais ko pa ring magsulat at malathala sa iba pang pahayagan, lalo na't malawak ang naaabot, hindi lang sa social media o sa internet. Iba pa rin talaga ang malathala ka sa pahayagan na iyong nahahawakan at nababasa. Ginawa ko nang misyon ang pagsusulat sa Taliba ng Maralita lalo na't ito na lang ang pinagsusulatan kong dyaryo.

01.13.2024

Biyernes, Enero 12, 2024

Paano ba tatapusin ang kwento?

PAANO BA TATAPUSIN ANG KWENTO?
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kailangan bang matapos agad ang kwento? Iyan ang tanong ko minsan, lalo na sa pagbabasa lang sa isang upuan. Mahalaga ito lalo't bukod sa tula ay nagsusulat ako ng maikling kwento, dahil inaalagaan ko ang dalawang pahina sa pinagsusulatan kong pahayagan upang paglathalaan ng sinusulat kong kwento.

Noong bata pa ako, nagbabasa kami ng komiks na madalas ay serye kaya itutuloy sa susunod na labas. Kung gayon, hindi mo agad nababatid ang buong kwento dahil dapat mong abangan ang susunod na kabanata. Nariyan naman noon ang Wakasan Komiks na talagang sa apat na pahina ay tapos na agad ang kwento. Subalit sa Aliwan komiks, halimbawa, dahil nobela, aabangan mo ang bawat labas. Noon nga ay di mo pa kailangang bilhin ang komiks, kundi arkilahin lang, at doon mo basahin sa tabi ng tindera ng komiks. Ibabalik mo rin pagkatapos mong basahin at magbayad.

Sa radyo, inaabangan namin noon ang Simatar na aabangan mo rin kada araw upang masundan mo ang kwento. Kumbaga, sa haba ng kwento, o sabihin na nating nobela, hindi mo agad mababatid ang rurok o ang katapusan ng kwento. Ang mahalaga'y napapakinggan mo ito at nasusubaybayan.

Karaniwan naman sa pelikula, natatapos mo ang kwento sa isang upuan, at nababatid mo ang kabuuan ng kwento. Tulad na lang ng mga kwento sa pelikula ni FPJ. May simula, may bakbakan ng bida at kontrabida, at kung paano tinapos ang kwento. Kumbaga, hindi bitin ang manonood.

Sa serye ng pelikulang Lord of the Rings, bitin ang manonood sa unang dalawang pelikula, lalo na yaong hindi nakabasa ng aklat ni J.R.R. Tolkien. Sa Fellowship of the Ring (2001) pa lang ay bitin dahil hindi tapos ang kwento. Sumunod ay ang Two Towers (2002), na maganda ang pagkakasalaysay, subalit bitin pa rin dahil hindi tapos ang kwento. Nabatid na lang natin ang katapusan ng kwento sa The Return of the King (2003) nang mahulog na sa kumukulong laba ng Mordor ang singsing na pinagsikapang dalhin doon ni Frodo, at ng kanyang kaibigang si Sam, kasama si Gollum.

Sa munti naming pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), ang pahina 18-19 nito ay itinalaga na para sa maikling kwento. Subalit paano mo tatapusin ang maikling kwento sa gayong maliit na espasyo. Ang bawat pahina ay kalahati ng short bond paper. Kaya ang kwento mo talaga ay ipinasok mo sa isang pahina lang ng short bond paper. Gayong pag nagbabasa tayo halimbawa ng mga maikling kwento sa magasing Liwayway, maraming pahina ang kailangan, na minsan ay umaabot ng lima o anim na pahina sa bagong anyo nito ngayon. Sa dating malaking anyo nito, na malaki pa sa short bond paper bawat pahina, ang maikling kwento ay umaabot pa minsan ng dalawa hanggang tatlong pahina.

Mahalaga kasi, hindi lang sa manunulat, kundi sa mambabasa, na mabatid agad niya ang nais iparating ng kwento, na hindi bitin ang mambabasa. Kumbaga, natapos agad niya ang kwento. Maaari namang subukang gawing serye ang kwento sa Taliba, subalit mas pinili kong bawat kwento ay wakasan upang di sila mabitin. Nalalathala ang Taliba ng dalawang beses kada buwan, kaya dalawang maikling kwento ang ating ginagawa sa bawat buwan.

Dagdag pa riyan ang kalagayang kaunti lang ang nalalathalang Taliba, wala pang isangdaang kopya bawat isyu, depende kasi sa kung magkano ang hawak na salapi, at sa mga lugar ng maralita na pagdadalhan ng Taliba dahil kung saan lang mapadapo ang organizer ay doon lang nagkakaroon ng pahayagang Taliba ang mga maralita, o nabebentahan. Kailangang ibenta upang may balik sa puhunan at makagawa uli ng pahayagan. Ang 20-pahinang Taliba ay P10. Kung walang pera ang maralita, ibinibigay na lang natin, o kaya'y donasyon batay sa kanilang kakayanan. Minsan may nagbibigay ng P5, at tinatanggap na natin basta magkaroon sila ng kopya ng Taliba. Hindi na natin pinipilit na mabayaran dahil pangkain nga lang, kulang pa sa kanila, sisingilin mo pa. Subalit meron pa rin talagang nagbibigay. Ang pahayagang Taliba naman ay hindi negosyong dapat pagkakitaan kundi babasahing katuwang ng maralita sa kanilang laban.

Sa Taliba, mas ang isyu ng maikling kwento ay batay sa kalagayan at pakikibaka ng maralita, dahil nga pahayagan iyon ng maralita. Kaya kung hindi kaugnay sa isyu nila, hindi ko roon inilalathala ang nakatha kong maikling kwento kundi sa aking blog. Sa isang iglap, tingin agad natin ay hindi isyu ng maralita ang nagbabagong klima o climate change, subalit isyu rin ng maralita ang klima, hindi lang pabahay, kahirapan, at pagiging iskwater sa sariling bayan, kundi pati na rin karapatang pantao, hustisyang panlipunan, ang ugnayan sa uring manggagawa, taas ng presyo ng bilihin, at mga isyung panlipunan.

Kaya sa tanong sa pamagat na "Paano ba tatapusin ang kwento?" Payak lang ang aking tugon. Sa kabuuan ng kwento ay nasabi ko ang isang paksa nang sa palagay ko'y hindi bitin ang mambabasa. Bagamat marahil ay bitin pa sila, depende marahil sa kanilang hinahanap o iniisip, dahil maraming paksa talaga ang nangangailangan ng detalye, malaliman at mahabang paliwanag, lalo na't isyu ito ng maralita o panlipunan, subalit baka hindi na maikling kwento iyon kundi nobela na ang kailangang sulatin. Nawa'y nakamit ko ang layuning ito sa mga kinatha kong maikling kwento.

Gayunpaman, sinasanay ko ang pagsusulat ng maikling kwento bilang paghahanda sa mahaba-habang kwento o nobela na nais kong kathain. Pangarap kong maging nobelista rin balang araw. Maraming salamat sa Taliba ng Maralita at binigyan ako ng pagkakataong malinang ang aking kakayahang kumatha ng kwento at mailathala ang mga iyon.

Talagang malaking hamon sa akin ang pagsusulat ng maikling kwento sa pahayagang Taliba, kung paano ba sisimulan ang kwento, paano padadaluyin ang usapan at banghay, at paano ko ba ito tinapos sa gayong kaliit lang na espasyo ng pahayagan.

01.12.2024

Kwento - Makikisayaw ka ba sa ChaCha?

MAKIKISAYAW KA BA SA CHACHA?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Nagsasayaw ka pa rin ba ng ChaCha, mareng Isay?” Tanong ni Ina kay Isay, na dati niyang kasama sa pagsasayaw noong kanilang kabataan.

“Ano ka ba naman, Ina? May mga anak na ako, ano? Pero kagaya noong hayskul tayo, alam ko pa rin ang mga hakbang sa pagsasayaw ng ChaCha, Ikaw ba, mare?” Sagot naman ni Isay.

“Hindi na rin ako nagsasayaw, at wala na akong praktis, mare. Si Pare mo naman, walang hilig sa pagsasayaw. Subalit kanina, napadaan ako sa kanto, maraming tao, may pipirmahan daw. Para raw sa ChaCha, Aba’y nag-usyoso nga ako at baka mabigyan din ako ng ayuda pag nakisayaw ako sa kanila ng ChaCha. Aba’y ibang ChaCha pala iyon. Iyon bang Charter Change?” Sabi naman ni Ina.

“Haynaku, mare. Iyang napapabalitang Charter Change na iyan ay ang pagbabago ng ating Konstitusyon. Nakiusyoso rin ako kanina riyan. Subalit hindi ako pumirma. Aba’y hindi naman nila pinaliliwanag ng maayos kung bakit dapat palitan ang Konstotusyon. Ang sabi lang, basta pumirma lang daw at may kapalit na ayuda. Aba’y pandaraya na iyan, ha? Tulad ng nakaraang halalan na may bilihan din ng boto.” Sabi ni Isay.

Napanganga si Ina, “Ano bang mali sa pagpirma roon, kung kapalit naman ay ayuda. Kailangan nga natin ng ayuda dahil mahirap lang tayo at maliit lang ang kita ng aking asawang tsuper. May banta pang mawalan siya ng trabaho pag natuloy iyang jeepney phaseout.”

“Alam mo ba, mare, ang sinasabi mo? Ang sa akin lang, huwag tayong padenggoy na naman sa mga pulitikong ang hangad ay taliwas sa ating mga mahihirap. Nais nilang baguhin ang Konstitusyon, para ano, para pahabain ang termino nilang mga nanunungkulan. Eto ang naririnig ko. Nais nilang tanggalin ang 60-40 na pag-aari sa bansa. Sa Saligang Batas, animnapung porsyento dapat ang pag-aari ng Pilipino habang apatnapung porsyento lang sa dayuhan. Ngunit nais nilang tanggalin iyon upang maging maluwag sa mga dayuhang kapitalista ang patakaran sa bansa, Nais nilang sandaang porsyento ay maaari nang mag-ari ang mga dayuhan sa Pilipinas. Halimbawa, ng lupa, masmidya, paaralan, at anumang negesyo. Mantakin mo iyan. Tayo nga na iskwater na sa saring bayan, ibebenta mo pa ang buo mong kaluluwa sa dayuhan. Saan na tayo pupulutin niyan kung ginawa nang sandaang porsyento na pag-aari ng dayuhan ang mga lupain sa Pilipinas.” Mahabang paliwanag ni Isay.

“Nakupo, ibang ChaCha pala iyan. Buti, hindi pa ako nakapirma. Mahaba kasi ang pila kanina. Akala ko pa naman, may pa-kontest ng ChaCha at baka mag-tsampyon ako ay magkaroon din ako ng pera, di lang ayuda. Kung ganyang kapakanan at kinabukasan natin ang nakataya, hindi na ako makikisayaw sa ChaCha nila.” Sabi ni Ina.

Maya-maya ay dumating si Igme, na asawa ni Isay, kasama naman ang kumpareng Inggo nito. Galing lang sila sa pamamasada. Narinig nina Isay at Ina ang usapan ng dalawa.

Ani Igme. “Hay, matapos kaming harangin sa Mendiola sa aming tigil pasada kanina, narinig kong may bago na namang pakana. Iyon bang People’s Initiative daw na patawag ni Kongresman. Pumirma raw tayo para sa Charter Change. E, ang tanong ko nga, paanong naging People’s Initiative iyon kung atas ni Congressman? Baka naman Trapo Initiative iyon. Klaro naman sa pangalan pa lang, People’s Initiative, dapat inisyatiba na kusa mula sa tao, mula sa mamamayan, di sa mga trapo, di ba? Mantakin mo, pirma natin kapalit ng ayuda. Ano iyon? Pag-aralan muna natin iyan. Huwag muna  tayong pumirma.”

“Hoy, Igme,” sabad ni Isay, “Iyan din ang pinag-uusapan namin ni mare. Iyang ChaCha o Charter Change. Akala niya, tulad ng isinasayaw namin noon. Di pala.”

“Pumirma ba kayo?” Tanong ni Inggo.

“Hindi. Mahaba ang pila kanina.” Sagot ni Ina.

Si Igme. “Aba’y huwag kayong pumirma dahil hindi pa natin alam talaga iyan. Baka isinusubo na naman natin sa kapahamakan ang ating sarili. Pati kinabukasan ng mga bata ay maapektuhan. Lalo na’t mga pulitiko ang may pakana niyan. Mabuti sana, kung papalitan lang ang Saligang Batas, ay kung manggagawa’t maralita na mismo ang may inisyatiba at humihiling niyan. At mangyayari lang iyan marahil pag naitayo na natin ang gobyerno ng masa.”

Si Isay, “Aba’y kailan pa? Pag napalitan ng ng mamamayan ang bulok na sistema? Matagal pa iyon, ngunit tatrabahuhin natin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2024, pahina 18-19.

Huwebes, Enero 11, 2024

Ang aklat ng mga kontrabida sa komiks

ANG AKLAT NG MGA KONTRABIDA SA KOMIKS
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Agad napukaw ang atensyon ko nang pumasok ako sa Book Sale sa SM Fairview nang makita ko agad ang aklat na "The Legion of Regrettable Supervillains, featuring the 50 Strangest Supervillains in the History of Comics, The Loot Crate Edition" na Jon Morris. Nabili ko ito sa halagang P130.00, Enero 10, 2024.

Hinati sa tatlong kabanata ang aklat. Unang Bahagi: The Golden Age, na naglalaman ng 25 kontrabida; Ikalawang Bahagi: the Silver Age, na naglalaman ng 16 kontrabida; at Ikatlong Bahagi: The Modern Age, na may siyam na kontrabida.

Pinangsanggunian ng may-akda para sa kanyang aklat ang Digital Comic Museum (digitalcomicmuseum.com) at ang Comic Book Plus (comicbookplus.com) na kanya ring pinasalamatan. Ayon nga sa kanya, "without whose tireless archivists and exhaustive catalog the research for the majority of this book would have been impossible."

Mabuti't may nag-ipon ng ganito, pagkat ito'y makasaysayan. Ang Golden Age ay mula taon 1938-1949; ang Silver Age ay mula taon 1950-1969; at ang Modern Age ay mula taon 1970-present.

Nakakatuwang basahin, bagamat hindi naman ito komiks ng Pilipinas, kundi sa Amerika. Naisip ko lang, paano sa ating bansa, may nagaarkibo ba? Mabuti na lang at isa ako sa mahilig magbasa at mangolekta ng dating lingguhan, ngunit ngayon ay buwanang Liwayway magazine.

May kolum na "Balik-Tanaw: Artsibo ng Nobelang Komiks sa Loob ng 100 Taon ng Liwayway" si Edgar Calabia Samar. Nabuhay din ako sa panahong wala pa o hindi pa uso ang internet, at sa mga tindahan ng dyaryo ay may mga komiks na pinaaarkila. Arkilahin mo lang sa tabi ng mga ilang minuto, o kaya'y kalahating oras, masaya ka na. tapos ay isoli mo sa tindera, dahil may nakapila pang nais magbasa ng komiks na binasa mo. Nariyan ang mga komiks noon na Wakasan Komiks, Aliwan Komiks, Tagalog Klasiks, Hiwaga Komiks, at marami pang iba.

Maraming nobela sa komiks na isinapelikula, tulad ng Totoy Bato, Bakekang, Kampanerang Kuba, Lastikman, Bindying, at ang walang kamatayang Darna.

Noong bata pa ako ay may Funny Comics, kung saan bago pa ang pelikulang Planet of the Apes, ay mayroon nang Planet Op Da Eyps sa Funny Komiks, pati na sina Super Dog at sumunod ay Super Cat, at ang kwento ni NikNok.

Sa aking pananaliksik, napag-alaman kong mayroon din palang Philippine Comics Art Museum, na matatagpuan sa https://web.archive.org/web/20110508041423/http://alanguilan.com/museum/.
Nariyan din ang sumusunod na sanggunian: 
(a) Celebrating 120 Years of Komiks From the Philippines I: The History of Komiks, Newsarama, October 19, 2006
(b) Celebrating 120 Years of Komiks From the Philippines II: The Future of Komiks, Newsarama, October 21, 2006
(c) Lent, John A. (2009) The First One Hundred Years of Philippine Komiks and Cartoons. Boboy Yonzon.
(d) Roxas, Cynthia and Joaquin Arevalo, Jr. A History of komiks of the Philippines and other countries, with contributions by Soledad S. Reyes, Karina Constantino-David, Efren Abueg; edited by Ramon R. Marcelino. Nariyan din ang ""Philippine Comics" The most comprehensive library of Filipino comics on the internet".

Subalit sino kaya ang mga kontrabida sa ating mga komiks. Hindi gaya sa American comics, kilala ang kanilang mga kontrabida. Halimbawa, sa Batman, nariyan ang mga kalaban niyang sina Joker, Riddler at Penguin.

Sa atin naman, sikat ang bidang kontrabida na sina Zuma, at ang kanyang anak na si Galema. Hindi rin natin agad maalala kung sino ang matinik na kalaban nina Captain Barbell at ni Lastikman.

Ang nabili kong aklat ng supervillains sa American comics ay pumukaw sa aking diwa upang pansinin din ang kalagayan ng ating mga komiks. Nakakarami pala ng ating mga komikero o kwentista sa komiks, na ang talaan ay makikita sa https://en.wikipedia.org/wiki/List_of_Filipino_comics_creators.

Mahilig lang akong magbasa ng komiks, subalit hindi ako makadrowing ng maganda. Sinimulan ko ring kumatha ng komiks na "MARA at LITA" sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) mula pa Enero 2021 hanggang sa kasalukuyan, na dalawang beses kada buwan ang labas. Mas mabuti pa kaya, idaan ko sa tula ang nasasadiwa.

sadyang kahanga-hanga ang mga dibuho
at kwento sa komiks ng mga komikero
lalo na't isinapelikula pa ito
kaya sumikat ang mga gumanap dito

nakilala ang mga kalaban ni Batman
aba'y sina Penguin, Riddler, Joker ba naman
sikat din sa atin ang kwento ni Superman
mula komiks na talagang kinagiliwan

nakilala't sumikat sa atin si Darna
likha ni Mars Ravelo sa komiks talaga
sinong makakalimot sa mag-amang Zuma't
Galema, mula komiks sinapelikula

halina't komiks na Pinoy ay tangkilikin
nobelang komiks nga'y binabalak kong gawin
ito'y isang pangarap na nais kong tupdin
bida't kontrabida'y aking pasisikatin

ngunit balak kong bida'y kolektibong masa
mga maralita't manggagawa ang bida
walang manunubos kundi pagkakaisa
iyan, ganyan ang nais kong gawing nobela

01.11.2024

Lunes, Enero 8, 2024

Ang tamang gamit ng RITO at DITO

ANG TAMANG GAMIT NG RITO AT DITO

"Bawal Umihi Rito" ang nakita kong paalala sa isang pader sa T. Alonzo St. sa Baguio City, malapit sa Baguio Center Mall. Wow! Karaniwan nang nakikita ko sa kinalakhan kong Maynila, ang nakasulat ay "Bawal Umihi Dito."

Mas tumpak ang paalala sa Baguio City. Talagang batid nila ang turo mula  sa Balarila ng Wikang Pambansa, na sinulat ng lider-manggagawa at nobelistang si Lope K. Santos.

Ayon sa Balarila, ginagamit ang RITO kung ang sinundang salita ay nagtatapos sa patinig (vowel), tulad ng "Bawal Umihi Rito", subalit kung nagtatapos sa katinig (consonant), ang ginagamit na ay DITO. Halimbawa, "Bawal Tumawid Dito", at hindi "Bawal Tumawid Rito." Gayon din ang gabay sa paggamit ng RIN at DIN, RAW at DAW, ROON at DOON, RINE at DINE, RIYAN at DIYAN, atbp.

Nang mapadaan ako sa paalalang iyon sa pader sa Baguio, hindi ako nakaamoy ng mapalot o mapanghi, na ibig sabihin, sinusunod iyon ng mga tao, at walang umiihi roon. Sa lungsod na kinalakhan ko na may paalalang "Bawal Umihi Dito", aba'y iniiwasan. Paano, pag dumaan ka roon, amoy mapalot. Ang panghi! Ngiii!

Ibig sabihin ba, mas disiplinado ang mga taga-Baguio kaysa tulad kong taga-Maynila? Ibig sabihin ba, pag tama ang paggamit ng RITO at DITO, sinusunod ng mga tao? Hmmm... Sana nga.

- gregoriovbituinjr.
01.08.2024

Sab-atan

SAB-ATAN

Nang magtungo kami ni misis sa Baguio City, at dumating doon ng madaling araw, kumain muna kami sa Sab-atan restaurant, Enero 8, 2024. Sinamahan ko siya sa Baguio upang gampanan niya ang kanyang transaksyon Balik agad kami ng Maynila kinabukasan dahil may pasok.

Ayon kay misis, ang sab-atan ay salitang Igorot sa tagpuan (noun) o nagkitaan (verb). Alam niya pagkat si misis ay mula sa Mountain Province. Iba pa ang dap-ayan na tagpuan din subalit ang dap-ay ay tumutukoy sa isang sagradong pook.

Naisip ko naman na ang sab-atan marahil ang pinagmulan ng salitang sabwatan minus w. Nang magkatagpo at magkita ay doon na nag-usap o nagpulong upang maisagawa ang anumang plano o gawain.

kumain muna kami sa Sab-atan
nang dumating madaling araw pa lang
nabatid kay misis ang kahulugan
Sab-atan ay Igorot sa tagpuan

salamat sa bago kong natutunan
na magagamit ko sa panulaan
ibahagi ang dagdag-kaalaman
upang mabatid din naman ng tanan

- gregoriovbituinjr.
01.08.2024

Linggo, Enero 7, 2024

Naabutan ko ang Showa period sa Japan

NAABUTAN KO ANG SHOWA PERIOD SA JAPAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naabutan ko ang Showa period sa Japan, o ang panahong buhay pa si Emperor Hirohito, na arkitekto ng pananakop ng Hapon sa Pilipinas.

Namatay si Emperor Hirohito noong Enero 7, 1989, kung saan isa akong iskolar ng anim-na-buwan sa isang pabrika ng electronics sa Hanamaki City, Iwate Prefecture, mula Hulyo 16, 1988 hanggang Enero 15, 1989. Doon na ako nag-20th birthday.

Nag-aral ako ng radio-tv technician ng anim-na-buwan dito sa bansa. Tatlong buwan pa lang ay pinadala na ako at isa pang kaklase ng aming eskwelahan sa Japan upang mag-OJT, kaya hindi namin natapos ang aming kurso.

Nasa Japan ako sa huling limang buwan at tatlong linggo ng Showa period, at isang linggo ng umpisa ng Taisho period.

Pag-uwi ko sa Pilipinas, agad akong kinuha ng isang Japanese-Filipino company na ang produkto ay piyesa ng floppy disk ng kompyuter. Nakabase iyon sa Alabang, Muntinlupa. Ako'y machine operator sa Metal Press Department ng tatlong taon mula Pebrero 6, 1989 hanggang Pebrero 5, 1992. 

Manggagawa na ako sa kumpanya nang maisabatas ang Herrera Law noong 1989. Pebrero 6, 1992 nang mag-resign ako sa kumpanya upang mag-aral sa kolehiyo. Kumatha ako ng munting tula hinggil dito.

huling taon na pala ni Emperor Hirohito
nang sa Lungsod ng Hanamaki ay naroon ako
isa siyang emperor na patakara'y berdugo
nang bayan kong sawi ay nilusob nilang totoo

nadamay sa Ikalawang Daigdigang Digmaan
itong bayang mahal, dahil sa kanyang kagagawan
sapagkat nagpalawak sila ng nasasakupan
iyon ang una kong bansang pinuntahan - ang Japan

pinadala ng aking paaralan ang tulad ko
upang mag-aral ng kaalamang elektroniko
bilang O.J.T. ay doon ang una kong trabaho
pinadala ko naman sa pamilya ang sweldo ko

naabutan ko roon ang kapanahunang Showa
o panahong si Hirohito'y nanunungkulan pa
isang karanasang di ko malimutan talaga
bilang manggagawa, at ngayon, bilang aktibista

01.07.2024

* litrato mula sa google