Miyerkules, Abril 8, 2009

Ang Awiting Internasyunal

ANG AWITING INTERNASYUNAL
Sinaliksik ni Greg Bituin Jr. para sa pahayagang Obrero

Karaniwang inaawit ng mga manggagawa ang awiting Internasyunal sa mga pagtitipon. tulad ng rali, kongreso ng manggagawa, luksang parangal sa mga kasama, atbp. Ngunit sino ba ang lumikha ng Internasyunal at paano ito sumikat sa buong daigdig, lalo na sa mga manggagawa?

Ang Internasyunal ang siyang pandaigdigang awit ng uring manggagawa’t mga sosyalista. Nilikha ang awiting ito ng makatang proletaryo na si Eugene Pottier (1816–1887) noong Hunyo, 1871 bilang paggunita sa naganap na Komyun ng Paris noong Marso-Mayo 1871, at sana'y aawitin sa tono ng La Marseillaise.

Ang Komyun ng Paris ang unang rehimeng proletaryo sa kasaysayan ng sangkatauhan. Isa si Eugene Pottier sa mga nahalal na kasapi nito. Nabigo ang Komyun ng Paris sa kabila ng magiting na pagtatanggol ng mga manggagawa at mamamayang Pranses dahil sa mabangis na pananalakay ng berdugong si Thiers sa pakikipagsabwatan kay Otto von Bismarck. Bagamat pinaghahanap ng kaaway, nanatili si Pottier sa kanugnog na pook ng Paris. Nilagom niya ang kabiguan at ibinunga nito ang tulang Internasyunal. Ang tulang ito ay tigib ng matibay na paniniwalang ang mga inaalipin, na siyang lumilikha ng kasaysayan, ay tiyak na magwawagi laban sa pang-aapi at pagsasamantala. Ito'y isang panawagan sa mga naiwang kasapi ng Komyun ng Paris at sa lahat ng uring pinagsasamantalahan sa buong daigdig na ipagpatuloy ang pakikibaka hanggang sa tagumpay.

Noong Hulyo, 1888, pitong buwan pagkamatay ni Pottier, nabasa ni Pierre De Geyter (1848-1932), isang manlililok at kompositor, ang mga titik ng Internasyunal. Hindi na siya nag-aksaya ng panahon at nang gabi ring iyon, sinimulan niyang likhain ang tugtugin ng Internasyonal. Noong Hulyo ng taon din iyon, pinamunuan ni De Geyter ang pagkanta ng isang koro sa awit na ito sa isang pagtitipon ng mga nagtitinda ng pahayagan sa Lille. Mula noon, lumaganap ang Internasyunal hanggang itanghal ito ng International Workingmen's Association bilang opisyal na awitin sa pakikibaka ng proletaryado sa buong daigdig.

Noong 1904, inudyukan ni alkalde Gustave Delory ng Lille ang kapatid ni Pierre na si Adolphe para sa copyright ng kanta upang ang kikitain dito ay mapunta sa French Socialist Party ni Delory. Natalo sa unang kasong copyright si Pierre noong 1914, ngunit nang magpatiwakal ang kanyang kapatid at nag-iwan ng sulat hinggil sa pandaraya, idineklarang may-ari ng copyright si Pierre. Namatay si Pierre noong 1932, at ang kanyang awiting Internasyunal ay naka-copyright sa France hanggang Oktubre 2017.

Sa ating bansa, may mga magkakaibang bersyon ang pagkakasalin ng awiting ito, bagamat ito'y parehong tungkol sa kalayaan ng uring manggagawa. Iba ang liriko ng PKP 1930, at iba ang mga titik ng kasalukuyang bersyon. Gayunman, dapat maunawaan, maisaulo, at madama ng sinumang manggagawa, maralita, magsasaka, kababaihan, kabataan, at iba pang sektor ang awiting ito.

Halina't awitin natin ang Internasyunal at tayo'y magsibangon sa pagkakabusabos. Tayong api'y dapat magbalikwas. Tayo man ngayon ay inaalipin ngunit sa uring manggagawa ang bukas, pagkat wala tayong maaasahang bathala o manunubos, kaya't nasa pagkilos natin ang ating kaligtasan. Halina, manggagawa at bawiin natin ang yamang inagaw ng uring kapitalista. Hawakan natin ang maso upang pandayin ang bukas.

INTERNASYUNAL 
(Popular na bersyong inaawit sa kasalukuyan)

Bangon sa pagkakabusabos
Bangon alipin ng gutom
Katarunga'y bulkang sasabog
Sa huling paghuhukom.

Gapos ng kahapo'y lagutin
Tayong api'y magbalikwas
Tayo ngayo'y inaalipin
Subalit atin ang bukas.

Koro: 
Ito'y huling paglalaban
Magkaisa nang masaklaw
Ng Internasyunal
Ang sangkatauhan.

Wala tayong maasahang
Bathala o manunubos
Pagkat ang ating kaligtasa'y
Nasa ating pagkilos.

Manggagawa bawiin ang yaman
Kaisipa'y palayain
Ang maso ay ating hawakan
Kinabukasa'y pandayin.

Ulitin ang Koro 

INTERNASYUNAL 
(Lumang bersyon ng awit)

* Sinipi mula sa pahina 32 ng souvenir program ng PKP 1930 
sa kanilang ika-70 anibersaryo, Nobyembre 7, 2000.

Eugene Potier - Kompositor
Peter Degeyter - Musika
Leonardo Santos - Malayang Salin sa Filipino

Bangon sa pagkakagupiling
Bangon ka uring alipin
Sa daigdig iyong sikapin
Sosyalismo'y tanghalin

Halina at ating usigin
Laya nating sinisiil
Buhay, dugo ay puhunanin
Tanikala ay lagutin

KORO:
Ito'y huling paglalaban
Tunay na kalayaan
Ng manggagawa
Sa buong daigdigan
(ulitin ang koro)

Wala tayong maaasahan
Lingap sa mga gahaman
Kaya tayo'y magbagong buhay
Hirap nati'y lunasan

Manggagawa, huwag mong tulutan
Apihin ka habang buhay
Hanapin mo ang kalayaan
Panlulupig ay wakasan.

(Ulitin ang koro ng 2 beses)

Walang komento: