Biyernes, Mayo 1, 2009

Makibaka, Huwag Matakot!

MAKIBAKA, HUWAG MATAKOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa lansangan ng protesta, ilang beses na rin nating narinig na isinisigaw ng mas matatagal na sa ganitong larangan ang mga katagang “Makibaka, Huwag Matakot!”

Karamihan sa kanila’y laman at naging bahagi na ng lansangan ng protesta nuong panahon ng diktaduryang Marcos, at ang iba naman ay noong kasagsagan ng kampanya para lansagin ang mga base militar ng Kano, at ikinapanalo naman ng sambayanan nang bumoto ang labindalawang senador para di na manatili pa ang mga base militar na iyon. Hanggang sa maganap ang Ikalawa at Ikatlong Rebolusyong Edsa. Hanggang sa pakikibaka laban sa ChaCha, sa VFA, sa isyu ng dayaan sa eleksyon (Hello Garci), at sa iba't iba pang isyung panlipunan.

“Makibaka, Huwag Matakot!” Nananatili pa ring napapanahon ang panawagang ito. Hindi ito maluluma hangga’t patuloy ang kaapihan ng marami nating kababayan. Magpapatuloy na isisigaw ito kahit ng mga susunod na henerasyon hangga’t laganap ang kahirapan, hangga’t di pantay ang hatian ng yaman sa lipunan. Mananatiling buhay ang panawagang ito hangga’t laganap ang kawalang katarungan sa higit na nakararami.

“Makibaka, Huwag Matakot!” Hindi dapat katakutan ang pakikibaka. Oo, minsan ay talagang nakakatakot dahil maaaring mapatid ang ating buhay sa pakikipaglaban para sa ating karapatan at para sa progresong may hustisyang panlipunan. Ngunit kung mabubuhay tayong patuloy na natatakot, ano pang dahilan para mangarap ng mas maayos na buhay para sa ngayon at sa hinaharap? Kung patuloy na takot ang umiiral sa ating puso at isipan, mananatili tayong aba, busabos, at walang kalayaan.

Kung natakot si Jose Rizal noon, may Noli Me Tangere at El Filibusterismo ba tayo ngayon? Kung natakot noon si Bonifacio at Jacinto, may Katipunan bang naitatag at may Kartilya bang naging gabay ng mga mapagmahal sa kalayaan? Kung natakot noon sina Makario Sakay, nagpatuloy pa ba ang himagsikan sa panahon ng Amerikano? Kung natakot noon ang mga Hukbalahap, nagpatuloy ba ang pakikibaka laban sa pananakop ng mga Hapon? Kung natakot noon si Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. sa pagbalik sa bansa, magkakaroon ba ng Rebolusyong Edsa?

“Makibaka, Huwag Matakot!” May dapat magsindi ng mitsa upang mawala ang takot ng sambayanan laban sa mga mananakop, laban sa mga mapaniil, laban sa mga mapagsamantala. Dapat nating pag-aralan ang lipunan upang maunawaan natin ang ugat ng kahirapan ng higit na nakararami habang nagpapasasa ang iilan.

“Makibaka, Huwag Matakot!” Ito rin ang panawagan natin sa mga manggagawa upang ipagpatuloy nila ang pakikibaka para itayo ang sarili nilang lipunan. Ang mga manggagawa ang gumagawa ng ekonomya ng bansa. Sila ang nagtayo ng mga palasyo at mansyon ng mga naghaharing uri ngunit sila pa ang walang maayos na bahay dahil sa kakarampot na sahod.

“Makibaka, Huwag Matakot!” Ito rin ang panawagan natin sa mga kababaihang dapat ipaglaban ang kanilang karapatan. Hindi sila dapat maging marupok sa harap ng maraming pagsubok. Hindi sila dapat manghina sa harap ng pagsasamantala, tulad ng panggagahasa.

Ito rin ang panawagan natin sa mga magsasaka. Sila ang nagtatanim at nagtitiyak ng ating pagkain ngunit sila pa ang nagdidildil ng asin.

Karapatan ng mga maralita ang pabahay, kaya dapat nilang ipaglaban ang kanilang karapatan laban sa demolisyon.

Karapatan ng mga estudyante ang edukasyon, kaya dapat nilang ipaglaban ito bilang serbisyo at hindi negosyo ng mga kapitalistang may-ari ng paaralan.

Sa lahat ng inaaping sektor, sa mga mangingisda, mga maglalako, kahit sa mga pulubi at taong grasa, lahat sila’y may karapatang mabuhay at magkaroon ng maayos na pamumuhay, nang may dignidad.

Ayon sa isang awitin ng dakilang banda ng Asin, “Ang takot ay nasa isip lamang.” Kaya tayong mga nakikibaka para itayo ang isang lipunang tunay na makatao, dapat nating ipatagos sa kaluluwa ng lahat ng api na hindi sila dapat matakot, bagkus, dapat nilang pag-aralan ang lipunan kung bakit nasadlak sila sa gayong kalagayan, at higit sa lahat, dapat silang magkaisa.

“Makibaka, Huwag Matakot!” Sa harap ng krisis na nararanasan ng mundo ngayon, partikular ang mga manggagawa at maralita, nararapat lang tayong magpatuloy sa pakikibaka. Hindi tayo dapat matakot sa mga mapaniil. Ang kailangan natin ay magkaisa at magtulung-tulong upang lunasan ang kanser ng lipunan. Ang kailangan natin ay mawala ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang dahilan ng lalo’t lalong kahirapan ng higit na nakararami. Ang kailangan natin ay palitan ang bulok na sistemang nagsilang ng kawalang katarungan sa lipunan.

Halina’t ating itayo ang isang lipunang tunay na makatao. Halina’t makibaka! Huwag matakot!

Walang komento: