Huwebes, Mayo 6, 2010

Ang Rebolusyonaryong Pag-ibig ayon kina Che Guevara at Andres Bonifacio


ANG REBOLUSYONARYONG PAG-IBIG AYON KINA CHE GUEVARA AT ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Rebolusyonaryong pag-ibig. Ito marahil ay isang tipo ng pag-ibig na akma sa mga nakikibaka para sa kalayaan ng bayan, ng uri, at ng kanilang mamamayan. Pag-ibig na hindi makasarili, kundi pag-ibig sa kapwa, sa uri't sa bayan nang walang hinihintay na kapalit. Ito ang nais ipahiwatig ng rebolusyonaryong si Ernesto "Che" Guevara sa kanyang sanaysay na "Sosyalismo at Tao sa Cuba" nang kanyang isinulat:

"Sa panganib na magmukhang katawa-tawa, pahintulutan n’yong sabihin kong ang tunay na rebolusyonaryo ay ginagabayan ng dakilang pag-ibig. Imposibleng isiping wala nito ang tunay na rebolusyonaryo. Marahil isa ito sa pinakamalaking dula ng isang pinuno na dapat niyang pagsamahin ang marubdob niyang damdamin sa kanyang kaisipan at gumawa ng mahihirap na desisyon ng walang atrasan. Ang ating mga nangungunang rebolusyonaryo’y dapat gawing huwaran itong pag-ibig sa taumbayan, sa napakabanal na layunin, at gawin itong buo at hindi nahahati. Hindi sila dapat bumaba, ng may kaunting pagmamahal, sa antas kung paano magmahal ang karaniwang tao."

Napakasarap namnamin ng sinabing ito ni Che Guevara. Napakalalim ngunit magaan sa pakiramdam. Tunay ngang imposibleng walang dakilang pag-ibig sa puso ng bawat rebolusyonaryo, pagkat ito ang gumagabay sa kanila kaya nakikibaka para baguhin ang sistema at kolektibong kumikilos upang maitayo ang isang lipunang may pagkakapantay-pantay, walang pagsasamantala, at ibinabahagi ang yaman ng lipunan sa lahat, isang lipunang pinaiiral ang pagpapakatao't pakikipagkapwa-tao. 

Napakadakila ng pag-ibig ng isang rebolusyonaryong inilaan ang panahon, lakas at talino para sa isang makataong prinsipyo't marangal na simulain at handang ialay ang buhay para sa kabutihan ng higit na nakararami.

Sa ating bansa, kinilala ang talas ng kaisipan ng rebolusyonaryong si Gat Andres Bonifacio nang kanyang sabihing: Aling pag-ibig pa ang hihigit kaysa pag-ibig sa tinubuang lupa. "Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala." Sinulat ito ni Bonifacio sa kanyang 28-saknong na tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan", kung saan ginawang popular na awitin ang ilang piling saknong nito noong panahon ng batas-militar sa bansa. Narito ang unang tatlong saknong ng tula:

"Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinub'ang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Ulit-ulitin mang basahin sa isip
At isa-isahing talastasing pilit
Ang salita't buhay na limbag at titik
Ng sangkatauhan, ito'y namamasid.

Banal na pag-ibig! Pag ikaw ang nukal
Sa tapat ng puso ng sino't alinman,
Imbi't taong gubat, maralita't mangmang,
Nagiging dakila at iginagalang."

Napakatindi ng mensahe ng dalawang rebolusyonaryo. Hindi simpleng galit sa sistema ang dahilan ng kanilang pagkilos at paglaban, kundi pag-ibig! Pag-ibig! Inialay nila sa sambayanan ang kanilang buhay, lakas, at talino dahil sa sinasabi ni Bonifacio na "banal na pag-ibig", dahil banal din ang kanilang hangaring mapalaya ang bayan at ang mamamayan mula sa pagsasamantala ng sistema, hindi lamang ng dayuhan. 

Ang dalumat ni Bonifacio sa kanyang pag-ibig sa tinubuang lupa ay nagpapakitang hindi ang Diyos ng mananakop ang kanyang pinaniniwalaan, dahil Diyos iyon ng mga mapagsamantala. Ipinagdidiinan ni Bonifacio na dapat ibaling na ng sambayanan ang kanilang pagkahumaling sa Diyos ng mananakop tungo sa pag-ibig sa bayang tinubuan. Wala nang pag-ibig pang hihigit kaysa pag-ibig sa bayan, kahit na ang pag-ibig sa Diyos ng mga mapagsamantalang mananakop ay hindi makahihigit. Pagano ba si Bonifacio nang kanya itong isinulat?

Ngunit hindi pa rin masasabing pagano si Bonifacio dahil may paniwala pa rin siya sa Maykapal. Patunay dito ang ika-8 saknong sa tula niyang "Tapunan ng Lingap":

"Sa Diyos manalig at huwag pahimok
Sa kaaway natin na may loob-hayop,
Walang ginagawa kundi ang manakot
At viva ng viva'y sila rin ang ubos."

Marahil, hindi ang Diyos ng mananakop ang kanyang tinutukoy dito, kundi yaong Maykapal na bago pa dumating ang mga Kastila ay pinaniniwalaang Bathalang matulungin at hindi Diyos ng mga mapagsamantala. 

Ngunit ano nga ba ang rebolusyonaryong pag-ibig? Mayroon nga ba ng tinatawag na ganito? O ito'y pag-ibig din na hindi kaiba sa karaniwang nadarama ng umiibig? Mula sa puso. Ipaglalaban hanggang kamatayan. Nagkakaiba-iba lang kung sino ang iniibig. Isa bang kasintahan? Pamilya? Bayan? O sangkatauhan?

Rebolusyonaryong pag-ibig ba pag gumamit ka ng dahas para makuha ang gusto mo? O kailangan ng pagpapakasakit, ng pagpaparaya? Na mismong buhay mo'y iyong ilalaan para sa iyong iniibig, para sa iyong inaadhika? O ang rebolusyonaryong pag-ibig ay yaong iyong nadarama para sa uring pinagsasamantalahan na dapat kumbinsihing kumilos at baguhin ang sistema?

Ang rebolusyonaryong pag-ibig ay higit pa sa pag-ibig ni Bonifacio kay Gregoria de Jesus, higit pa sa pag-ibig ni Che Guevara sa kanyang asawang si Aleida March, at sa kanilang anak. 

Makahulugan ang tinuran ng bayaning si Emilio Jacinto sa kanyang mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim, na kung walang pag-ibig ay mananatiling lugmok at api ang bayan. Kailangan ng pag-ibig at pagpapakasakit upang lumaya ang bayan sa pagsasamantala at mabago ang sistema. Ani Jacinto: 

"Kung ang pag-ibig ay wala, ang mga Bayan ay dili magtatagal, at kapagkarakang mapapawi sa balat ng lupa ang lahat ng pagkakapisan at pagkakaisa, at ang kabuhayan ay matutulad sa isang dahon ng kahoy na niluoy ng init at tinangay ng hanging mabilis. Ang pag-ibig, wala na kundi ang pag-ibig, ang makaaakay sa tao sa mga darakilang gawa sukdang ikawala ng buhay sampung kaginhawahan."

"Sa pag-ibig nunukal ang kinakailangang pagdadamayan at pagkakaisang nagbibigay ng di-maulatang lakas, maging sa pag-aabuluyan at pagtutulungan ng isa’t isa, maging sa pagsasanggalang ng mga banal na matwid ng kalahatan."

Ating tingnan ang ilang saknong sa isa pang tula ng pag-ibig na marahil ay maaaring makapaglarawan kung ano nga ba ang tinatawag na rebolusyonaryong pag-ibig. Ito ang sampung saknong na tulang "Pag-ibig" ng kilalang makatang Jose Corazon de Jesus. Gayunman, ang buong tula ni Huseng Batute (alyas ni Jose Corazon de Jesus) ay tungkol sa pag-ibig sa pangkalahatan, at hindi tungkol sa rebolusyonaryong pag-ibig. Sinipi ko lamang ang tatlong saknong (ang ika-4, ika-6 at ika-7 saknong) dahil palagay ko'y angkop ang mga ito sa paglalarawan kung ano ang rebolusyonaryong pag-ibig, bagamat hindi ito ang pakahulugan doon:

"Ang pag-ibig kapag duwag ay payapa't walang agos,
walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos.
Ang pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod
pati dangal, yama't dunong nalulunod sa pag-irog.

Kapag ikaw'y umuurong sa sakuna't sa panganib
ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip.
Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig,
pag umibig, pati hukay ay aariin mong langit.

Iyang mga taong duwag na ang puso'y mahihina,
umibig man ay ano pa, di pag-ibig, kundi awa.
Kailangan sa pag-ibig ay hirap at mga luha
at ang duwag ay malayong sa pag-ibig dumakila."

Magandang dalumatin ang mga piniling tatlong saknong na ito sa tula ni Batute. Ang pag-ibig ay di duwag. Kikilos ka upang ipaglaban ang pag-ibig na naroroon sa kaibuturan ng iyong puso. At gagamitin mo naman ang iyong isip upang magtagumpay kang makamtan ito. Takot ka pa at hindi umiibig kung umuurong ka sa mga kakaharapin mong panganib.

Ang ganitong pag-ibig - pag-ibig na hindi duwag - ang nagdala kina Bonifacio at Che Guevara sa pagkilos at pakikibaka para sa kalayaan ng sambayanan. Kinaharap nila ang anumang sakuna't panganib, at hindi sila umurong sa mga labanan, maliban marahil kung ang pag-urong ay taktika upang magpalakas at makabalik sa labanan. Ang pag-ibig na ito rin ang nagdala sa kanila sa hukay nang sila'y parehong paslangin. Ang pag-ibig na ito ang nagdala sa kanila sa imortalidad.

Kaiba ito sa pag-ibig na sinasabi ni Balagtas sa saknong 80 ng kanyang koridong Florante at Laura, bagamat makakatas din ang rebolusyonaryong pag-ibig sa saknong na ito.

"O pagsintang labis ang kapangyarihan
Sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok sa puso ninuman
Hahamakin lahat masunod ka lamang."

Hahamakin lahat masunod lamang ang rebolusyonaryong pag-ibig sa bayang tinubuan. Lalabanan ang lahat ng mga mapagsamantalang walang pag-ibig sa mga maliliit. Babakahin ang sinumang nang-aapi't hindi umiibig sa kanyang mga kapatid, kasama, at kababayan. Lilipulin ang mga kaaway dahil sa pag-ibig sa kanyang kapwa. Malalim at matalim ang rebolusyonaryong pag-ibig, na kahit buhay man ang mawala'y ikasisiya ng sinumang nakadarama ng luwalhati ng pagsinta.

Bigyang pansin naman natin ang istruktura ng tula. Sa punto naman ng sukat at tugma, ang tula ni Bonifacio ay binubuo ng 12 pantig bawat taludtod sa 28-saknong, at may sesura sa ikaanim. Nagpapatunay lamang ito ng kaalaman ni Bonifacio sa tuntunin ng katutubong pagtula. Pansinin ang ikatlong taludtod ng unang saknong. "Gaya ng pag-ibig sa tinub'ang lupa", ang tinubuan ay naging tinub'an. Ito'y dahil sa mahigpit na tuntunin sa sukat at tugma sa pagtula noong panahong iyon. Ang tula naman ni Batute ay binubuo ng 16 na pantig bawat taludtod sa 10-saknong, na may sesura tuwing ikaapat na pantig. Kapwa tig-aapat na taludtod ang bawat saknong. 

Kahit ang ilan pang tula ni Bonifacio ay sumusunod sa padron ng Florante at Laura ni Balagtas, ang pagtulang alehandrino, na binubuo ng lalabindalawahing pantig bawat taludtod, at bawat saknong ay binubuo ng apat na taludtod. Ang iba pang tula ni Bonifacio ay ang "Tapunan ng Lingap", "Ang Mga Cazadores", "Katapusang Hibik ng Filipinas", at ang kanyang salin ng "Ultimo Adios" ni Rizal sa sariling wika.

Magandang halimbawa ang pag-ibig na ipinakita ng ating dalawang bayani. Mga halimbawang dapat pagnilayan, pag-ibig na dapat damhin, dahil ang bawat pagkilos ng mga manghihimagsik ay hindi nakatuon lamang sa galit sa kaaway kundi higit pa ay sa pag-ibig sa kanyang mga kapatid, mga kauri, mga kapamilya at kapuso, pag-ibig sa mga maralitang hindi niya kakilala ngunit nauunawaan niyang dapat hindi hinahamak at pinagsasamantalahan, pag-ibig sa uring kanyang kinabibilangan upang ito'y hindi apihin at yurakan ng dangal at karapatan. Rebolusyonaryo dahil naghahangad ng pagbabago taglay ang adhikaing pagtatayo ng sistemang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Pag-ibig na walang pagkamakasarili kundi iniisip ang kapakanan na pangkalahatan.

Ang pag-ibig nilang ito'y maaaring maging gabay sa kasalukuyan. Hindi lamang pulos galit sa sistema ang dapat makita sa mga aktibista, o yaong mga nakikibaka sa lansangan. Tulad din ng pag-ibig ng mga aktibista ngayon, handa silang magpakasakit at iwan ang marangyang buhay, kung marangya man, o yaong dating buhay, upang yakapin ang prinsipyo at kilusang pinaniniwalaan nilang tunay na naglilingkod at nagmamahal sa sambayanan at sa uring matagal nang pinagsasamantalahan ng mapang-aping sistema. 

Tila magkatiyap ang kapalaran nina Andres Bonifacio at Che Guevara. Pareho silang manunulat at nag-iwan ng ilang mga sulatin. Pareho nilang nais ng pagbabago kaya sila'y nakibaka para sa kalayaan, kahit ibuwis nila ang kanilang buhay. Pareho silang humawak ng armas at naglunsad ng rebolusyon upang palayain ang bayan. Pareho silang nahuli at binihag. 

Pareho silang pinaslang habang sila'y bihag ng kanilang kaaway. Ang isa'y pinaslang ng mga dapat ay kapanalig sa pagpapalaya ng bayan, habang ang isa'y pinaslang ng mga kaaway sa lupain ng dayuhan. Si Bonifacio'y pinaslang ng mga tauhan ni Heneral Emilio Aguinaldo sa pamumuno ni Major Lazaro Macapagal noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite. Si Che Guevara naman, na ipinanganak sa Argentina, ipinanalo ang rebolusyong Cubano kasama ni Fidel Castro noong 1959, ay pinaslang noong Oktubre 9, 1967 sa La Higuera, Bolivia. Binaril siya ng sundalong Boliviano na nagngangalang Mario Teran, kahit siya na'y bihag ng mga ito.

Halina't ating pagnilayan ang tatlong huling taludtod ng tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan" ni Gat Andres Bonifacio:

"Kayong mga pusong kusang niyurakan
Ng daya at bagsik ng ganid na asal,
Ngayon ay magbango't Baya'y itangkakal,
Agawin sa kuko ng mga sukaban.

Kayong mga dukhang walang tanging palad
Kundi ang mabuhay sa dalita't hirap,
Ampunin ang Bayan kung nasa ay lunas
Pagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig,
Hanggang sa mga dugo'y ubusing itigis,
Kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid
Ito'y kapalaran at tunay na langit."

Kailangan natin ng rebolusyonaryong pag-ibig sa panahong ito ng ligalig.

Mga pinagsanggunian:
1. Aklat na "Panitikan ng Rebolusyon(g 1896)", ni Virgilio S. Almario, University of the Philippines Press, 1993, mp. 141-144, at p. 171-173
2. Aklat na "Si Che: Talambuhay at Ilang Sulatin ni Ernesto 'Che' Guevara", ni Gregorio V. Bituin Jr., Aklatang Obrero Publishing Collective, Oktubre 2007, p. 26 
3. Aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula", ni Virgilio S. Almario, De La Salle University Press, 1984, mp. 28-29
4. Aklat na "Florante at Laura" ni Francisco Balagtas

Walang komento: