Ipinapakita ang mga post na may etiketa na apoy ng panitik. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na apoy ng panitik. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Enero 18, 2012

20 T sa Gawaing Propaganda

20 T sa Gawaing Propaganda
ni Greg Bituin Jr.

Bilang mga aktibista, napakahalaga ng gawaing propaganda sa pagsusulong ng ating sosyalistang adhikain. Sa usaping propaganda, tulad ng pagsusulat ng polyeto, paggawa ng visual, OP-OD, pagsasalita sa radio, pagsusulat ng mga artikulo sa dyaryo o magasin, hinanapan ko ito ng gabay na maaaring makatulong bilang propagandista. Sa kabutihang palad naman ay mayroon tayong natukoy na ilang sangkap na makakatulong upang maisagawa ng maayos ang ating propaganda, at lahat ng ito’y nagsisimula sa titik na T.

1. Tema (theme) – ano ang kabuuang tema ng isang propaganda, polyeto man iyan, balita o sanaysay sa isang magasin, blog, at iba pa

2. Tampok (center of attraction) – sino o ano ang pinatatampok sa propaganda, sinong personalidad at anong isyu

3. Totoo (truth) – may katotohanan ba ang balita, saan nanggaling ang balita, sino ang pinanggalingan, at may magpapatunay ba sa nakuhang balita o impormasyon, ano ang batayan?

4. Tunggalian (struggle) – may tunggalian ba, sinu-sino ang nagtutunggalian, at paano natin isisiwalat ang tunggaliang iyon upang magamit sa ating propaganda, dapat kilala natin ang mga tao sa likod ng isyu

5. Tahasan (dareness) – gaano kalakas ang loob ng propagandista upang isiwalat ang dapat isiwalat, upang ilantad ang kabulukan ng sistema, at labanan ang katunggaling pwersa 

6. Talas (sharpness) – sa pagsusuri sa tema, tampok, katotohnan at tunggalian, paano ito matalas na nasuri

7. Tiyempo (timeliness) – napapanahon ba ang paglalabas ng propaganda

8. Target (target) – sino ang target audience ng propaganda at sino ang pinatutungkulan ng propaganda

9. Tira (attack) – inupakan ba o tinira ang target ng propaganda, sa paanong paraan

10. Tindi (impact) – gaano katindi o ano ang impact ng ilalabas na propaganda sa usaping pulitikal at ekonomikal, ano ang halaga ng propaganda sa kilusang paggawa at paano ito nakaapekto sa takbo ng lipunan

11. Tapang (courage) – mailalabas ba ang propaganda sa kabila ng maaaring banta sa buhay ng propagandista

12. Tatag (firmness) – gaano katatag ang propagandista sa kanyang ilalabas na propaganda, kaya ba ng kanyang bayag na panindigan ang kanyang mga isinulat o ipinahayag

13. Titulo (title) – paano madaling makapukaw ng atensyon ng mambabasa ang titulo ng akda sa polyeto man o sa anupamang babasahin

14. Tutok (aim) – paano natin tuluy-tuloy na matutukan ang isyung ginawan natin ng propaganda hanggang sa ito’y magtagumpay

15. Tigib (emotion) – ano ang pumukaw na damdamin sa mga taong nasa balita, at ano ang pupukaw sa mga mambabasa

16. Titig (stare) – nakakatitig ba tayo ng matuwid sa mga taong pinatutungkulan ng ating propaganda, dahil sila’y mga sinungaling at pahirap sa sambayanan, lalo na sa uring manggagawa; nakikita raw sa mata ang katotohanan o pagsisinungaling; nakakatitig ba tayo ng matuwid sa ating mga mambabasa, bilang pahiwatig ng ating katapatan sa ating isinagawang propaganda

17. Tapat (loyal) – gaano katapat ang propagandista sa kanyang craft o sining ng pagsusulat o pagpopropaganda, at gaano siya katapat sa kanyang mambabasa

18. Tibak (activist) – may mga kasama bang aktibista sa ibabalita, paano ang paghawak sa propaganda upang hindi sila madale, o kaya’y di sila malagay sa alanganin

19. Tago (hide) – ano ang mga dapat itago ng propagandista na hindi niya muna dapat ilabas dahil sa kanyang pagsusuri’y mali ang tyempo ng paglalabas, o may problema pa sa dapat ilabas kaya kailangan pa ng matamang imbestigasyon

20. Tungkab (to open forcefully) – ano ang mga lihim na dapat tungkabin upang maisiwalat ang katotohanan, paano tutungkabin ang katotohanan, ito’y isasagawa sa pamamagitan ng imbestigasyon

Maaaring madagdagan pa ang mga sangkap na ito. Ngunit sa ngayon, ito lang muna. Dapat nating isaalang-alang ang mga sangkap na ito upang matiyak ang pagiging epektibo ng ating propaganda. Magtagumpay man tayo o hindi sa propaganda, tiyak na may mahalagang maiiwan sa mga mambabasa, nakakita ng ating pagkilos, at nakarinig ng ating mga pahayag, upang balang araw sila’y kumilos din tungo sa ating sosyalistang adhikain.

Pag ang mga sangkap na ito’y nakabisado na ng mga propagandista, lalo na yaong mga bagong aktibistang hahawak ng gawaing propaganda, malaking tulong na ito sa kanila upang maging matagumpay sa kanilang gawain, at tuluy-tuloy na maisulong ang adhikain ng uring manggagawa tungo sa pagbabago ng lipunan.

Linggo, Nobyembre 6, 2011

Mga Agos sa Disyerto: Isang Pagsusuri

MGA AGOS SA DISYERTO: ISANG PAGSUSURI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang pag-alon ng Mga Agos sa Disyerto ang nagbukas ng bagong yugto ng panitikang Pilipino na nakabatay sa totoong kalagayan ng nakararami sa lipunan - ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan at kabataan. Ang mga maiikling kwento sa Mga Agos sa Disyerto ay inakda nina Efren Abueg, Dominador Mirasol, Rogelio Ordoñez, Edgardo Reyes at Rogelio Sikat. Sa mga manunulat na ito'y tanging si Ordoñez pa lang ang aking nakadaupang-palad at nagbigay sa akin ng huli niyang libro ng mga tula sa launching nito.

Binago ng grupong Mga Agos sa Disyerto ang panitikang Pilipino nang pinaksa nila sa kanilang mga akda ang buhay ng karaniwang tao, lalo na ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan, at kabataan. Sa usapin ng uring manggagawa, nariyan ang mga kwentong "Mga Aso sa Lagarian" at "Makina" ni Dominador Mirasol, "Dugo ni Juan Lazaro" at "Buhawi" ni Rogelio Ordoñez, at “Daang Bakal” ni Edgardo M. Reyes. Sa paksa ng magsasaka, nariyan ang kwentong "Tata Selo" ni Rogelio Sikat, "Lugmok na ang Nayon" ni Edgardo Reyes, at "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" ni Rogelio Ordoñez. Sa paksang maralita, nariyan ang "Impeng Negro" ni Rogelio Sikat, na siyang una kong nabasa nang ako'y nasa high school pa. Sa usaping kababaihan, nariyan ang "Ang Lungsod ay Isang Dagat" ni Efren Abueg, "Isang Ina sa Panahon ng Trahedya" ni Dominador Mirasol, at "Ang Gilingang-Bato" ni Edgardo Reyes. At sa usaping kabataan ay ang "Mabangis na Lungsod" ni Efren Abueg at "Di Maabot ng Kawalang Malay" ni Edgardo Reyes.

Mabisa ang mga paglalarawan sabuhay ng karaniwang tao. Lumitaw ang grupong Mga Agos sa Disyerto sa panahong tigang ang panitikang Pilipino sa mga agos ng totoong nangyayari sa lipunan, sa panahong pulos pag-iibigan at romansa ang nangingibabaw na panitikan, dahil ito ang nais ng komersyal. Binali nila ito at sinundan nila ang yapak ng mga nauna sa kanila, tulad ni Rizal na may-akda ng Noli at Fili, ni Amado V. Hernandez na may-akda ng marami ring maiikling kwento at kilalang nobelang "Mga Ibong Mandaragit" (na dumugtong sa El Fili ni Rizal) at "Luha ng Buwaya", ni Lazaro Francisco na may-akda ng nobelang satire na "Maganda pa ang Daigdig" at "Daluyong", at marami pang iba.

Batay sa mga totoong pangyayari at may mabisang paglalarawan ng tunggalian ng uri, ang mga akda sa aklat na Mga Agos sa Disyerto ay sadyang taga sa panahon, mga paglalarawan ng mga pangyayaring hanggang ngayon ay umiiral pa, lalo na ang kahirapan at pagmamalupit ng mga kapitalista sa mga manggagawa. Mga kwentong hindi pumasa sa magasing Liwayway ngunit nanalo ng Palanca, at nailathala sa magasin ng kolehiyo, tulad ng The Quezonian ng MLQU.

Gayunpaman, bagamat mabisa ang mga paglalarawan, kulang upang kumbinsihin ang mambabasa upang baguhin nila ang api nilang kalagayan, baguhin ang bulok na sistema, baguhin ang mapagsamantalang lipunan. Marahil, hindi sakop ng panitikan ang ideyolohikal na pakikibaka. Ngunit may pangangailangang gamitin ang panitikan upang ilarawan ang masahol na kalagayan ng mahihirap sa ilalim ng kapitalistang sistema, at kasabay nito’y makapangumbinsi at manawagan ang panitikan ng pagwasak sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon dahil ito ang ugat ng kahirapan, paksain kahit pampulitikang ekonomya, kung bakit sosyalismo at di unyonismo ang landas ng paglaya, bakit walang dapat magmay-ari ng lupa’t pabrika, bakit kailangan ng sosyalistang rebolusyon, atbp.

Ang panitikan ay nagbabago, umuunlad. At ang mga kwentista'y mas nagiging matalas na rin sa pagsusuri sa lipunan. Kung noon ay palasak sa mga kwento ang malapyudal at malakolonyal na lipunan, ngayon naman ay naging tungkulin na ng mga manunulat na ilagay sa kwento ang mga pagsusuri ngayon batay sa kongkretong kalagayan ng kapitalistang lipunan. Nasapol ito mismo ni Rogelio Ordonez sa kanyang maikling kathang "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" nang kanyang tinalakay dito kung paanong ang isang bukirin ay naging pabrika, ang mga magsasaka'y naging manggagawa, pati na mga problema sa pabrika tulad ng kawalan ng umento sa sahod at ang pangamba sa pag-uunyon.

Sa ngayon, may panibagong hamon sa mga seryosong manunulat, ang ilarawan sa kanilang mga maikling kwento ang tunay na kalagayan ng mga aping sektor ng lipunan, laluna ang uring manggagawa, sa ilalim ng kapitalistang lipunang umiiral ngayon, at ang pangangailangan ng isang bagong sistemang ipapalit sa kapitalismo - ang sosyalismo. At ang mahalaga, mailathala ito sa mga magasin, at sa kalaunan ay maisalibro ito sa darating na panahon upang magamit din ng mga mag-aaral sa sekundarya at sa kolehiyo. Sa ngayon, tanging ang nobelang Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos ang tumatalakay sa sosyalismo. Nasundan ito ng mahabang tulang Pasion Ding Talapagobra (Pasyon ng Manggagawa) (1936) ni Lino Gopez Dizon. Ngunit sa pagsingit ng kaisipang pambansang demokratiko sa panitikan ay hindi na nasundan ang mga akdang may sosyalistang adhikain, na batay sa pagkakaisa ng uring proletaryado.

Ito ang kailangan ngayon ng bayan upang makatulong sa pagmumulat tungo sa sosyalismo. Mula sa Mga Agos sa Disyerto ay durugtungan natin ito ng mga kwentong magmumulat sa masa patungo sa ating sosyalistang adhikain.

Sa panahong disyerto pa ang panitikan, unti-unti natin itong tatamnan at didiligan upang maging lupaing masasaka, na mapapayabong ang mga tanim upang balang araw ay maani natin ang isang totoong lipunang makatao. Hanggang sa ito’y di na disyerto kundi isa nang lupaing sagana dahil wala nang panginoong maylupa't kapitalistang nag-aangkin ng likas yaman at huhuthot sa lakas-paggawa ng manggagawa. At sinisimulan na ito ngayon.

Siyanga pala, maraming salamat sa isang kasamang nagbigay ng aklat na Mga Agos sa Disyerto na kabilang sa mga binigay niyang halos dalawampung aklat pampanitikan, na pawang nasa sariling wika. Mabuhay ka, kasama!

Lunes, Enero 3, 2011

Ang Tula Bilang Propaganda

ANG TULA BILANG PROPAGANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan ay sinabi ng dakilang lider at rebolusyonaryong Vietnamese na si Ho Chi Minh, "Poetry should also contain steel and poets should know how to attack." Kung paglilimiang mabuti ang mga katagang ito, sinasabi ni Ho Chi Minh na ang makata'y di lang tagahabi ng mga kataga o nagtatahi lang ng mga salita. Ang makata'y isa ring mandirigma. Ibig sabihin, dapat di pulos mabulaklak na salita, kundi bakal na tagabandila rin ng katotohanan na umaatake sa bulok na sistema ang dapat mamutawi sa mga titik ng kanyang mga tula.

At sino ang dapat atakehin ng makata? Ang mga naghaharing uri ba o ang mga inaaping uri? Kanino siya magsisilbi? Marahil ang makata'y mas magiging kakampi ng inaaping uri. Dahil wala namang pera sa tula. Sino ba namang tangang kapitalista ang mamumuhunan sa tula gayong alam naman niyang malulugi siya rito? Pagtutubuan ba ng uring elitista ang mga tula ng makata? Hindi. Bihira, kundi man kakaunti lang ang bibili nito kaya tiyak ang kanilang pagkalugi.

Kung hindi kakampi ng naghaharing uri ang makata, kakampi ba siya ng inaaping uri? Ang kanyang mga tula, palibhasa'y nasa anyo ng tugma't sukat, lalo na kung matalinghaga na siyang isang katangian ng tula, ay maaaring di basahin ng dukha o ng mga manggagawa dahil marahil mahihirapan silang arukin ang mga ito pagkat di ito ang karaniwan nilang sinasalita sa araw-araw. Baka isnabin lang nila ito't ituring ding elitista ang makata. Kaya saan susuling ang makata? Nasa kanya ang desisyon. Ngunit dahil sa mapanuligsang katangian ng makata sa mga nangyayaring di dapat sa bayan, mas mapapakinabangan siya ng aping uri upang mapalaya ang mga ito sa kanilang kaapihan. Kaya may mga makatang aktibista. Gayunman, marami ang nangingimi, o marahil ay naiirita, sa mga nililikhang tula ng mga aktibista. Di daw sila sanay magbasa ng tula, dahil hindi ito pangkaraniwan, at nauumay sila sa tugma nito't sukat. Kaya nagkakasya na lamang sila sa pagbabasa ng mga prosa o akdang tuluyan.

Ngunit ang tula'y pangmatagalan, panghabampanahon, di tulad ng mga polyetong pinapakalat na ang buhay ay nakadepende sa lumitaw na isyu sa kasalukuyan, na pagkatapos maresolba ang isyu ay sa bentahan ng papel, kundi man sa basurahan, ang tungo ng mga polyeto. Ang tulang "Mga Muog ng Uri" na isinulat ni Amado V. Hernandez sa kulungan ng Muntinlupa noong Mayo 1952 ay nalathala sa libro, habang wala ka nang makikitang mga polyetong ipinamahagi noong APEC Conference sa Pilipinas noong 1996. Ang tulang "Manggagawa" ng makatang Jose Corazon de Jesus na isinulat noong bandang 1920s (1932 namatay ang makata) ay nagawan pa ng kanta, habang ang mga polyeto noong Pebrero 2006 laban sa pagrereyna ni Gloria Macapagal-Arroyo ay di mo na makita ngayon. Wala ka na ring makitang kopya ng paid advertisement ng mga manggagawang bumuo ng UPACC (Union Presidents Against Charter Change) sa Philippine Daily Inquirer noong Mayo ng 1997 o 1998 (di ko na matandaan ang taon).

Makikita pa ang kopya ng mahabang tulang "Epiko ni Gilgamesh" sa napreserbang 12 tabletang luwad mula sa koleksyon ng aklatan ni Haring Ashurbanipal ng ika-7 siglo BC. Ito'y orihinal na pinamagatang "Silang Nakakita ng Kailaliman" (Sha naqba imuru) o Paglaktaw sa Iba Pang mga Hari (Shutur eli sharri). Ang mahahabang epikong tulang Iliad at Odyssey ni Homer ay buhay pa rin ngayon. Sa Pilipinas, naririyan ang dalawang mahahabang tulang tumatalakay sa isyu ng bayang sawi dahil sa mga naghahari-harian sa lipunan, "Florante at Laura" ni Balagtas, at ang "Sa Dakong Silangan" ni Huseng Batute (Jose Corazon de Jesus). May maiikli rin namang mga tula, tulad ng walang kamatayang "The Raven" at "Annabel Lee" ni Edgar Allan Poe, mga tula ng komunistang si Pablo Neruda, ang "Invictus" ni William Ernest Henley, ang "Manggagawa" at "Bayan Ko" ni Jose Corazon de Jesus, "Kung Tuyo na ang Luha mo, Aking Bayan" ni Amado V. Hernandez, at "Republikang Basahan" ni Teodoro Agoncillo. Nariyan din ang walang kamatayang "Sa Aking Mga Kabata" na pinagmulan ng kasabihang "ang di marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda”, ngunit ayon sa makabagong pananaliksik ay di pala akda ni Gat Jose Rizal ang naturang tula.

Narito ang birtud ng tula bilang isang makasaysayang sining at tagabandila ng kultura ng sibilisasyon noon pang una. Ipinipreserba nito ang kasaysayan, kaisipan, damdamin at paninindigan ng mga una pang tao sa pamamagitan ng tula. Di lang ang iniisip ng mga tao noon, kundi kung ano ang karanasan ng kanilang bayan at nararanasan ng kanilang mamamayan. Ang ganitong preserbasyon ng mga tula ng mahabang panahon ang isa sa mahalagang katangian ng tula na makasaysayan at kapaki-pakinabang para sa mga susunod na henerasyon.

Sa Pilipinas, nagtunggalian noon ang Sining-para-sa-Sining (art for art's sake) na kinakatawan ni Jose Garcia Villa laban sa aktibismo sa panitik na kinakatawan naman ni Salvador P. Lopez. Ito, sa pakiwari ko, ang pulso ng debate hinggil sa form versus content, o anyo laban sa nilalaman. Debateng maaari namang pag-ugnayin at hindi paghiwalayin. Maaari namang magtugma't sukat, o laliman ang talinghaga, kahit na pulitikal ang nilalaman, upang hindi ito lumabas na nakakaumay sa panlasa ng mambabasa. Kailangang mas maging mapanlikha o creative pa ang makata upang basahin at pahalagahan ang kanyang katha.

Sa sirkulo ng mga aktibista't rebolusyonaryo sa kilusang kaliwa, ang pagtula ay isang obra maestra ng makata, lalo na yaong nasa mga pook ng labanan, sa sonang gerilya man iyan, sa pabrika, sa dinemolis na erya ng iskwater, sa pangisdaan, maging sa paaralan. Ang tula'y kanyang kaluluwa, kakabit ng kanyang pagkatao, at hindi isang libangan lang. Ang tula’y propaganda upang patagusin sa kamalayan ng masa ang paninindigan ng makata.

Nagmula ang salitang "propaganda" sa Congregatio de Propaganda Fide, na ang ibig sabihin ay "congregation for propagating the faith," o "kongregasyon para sa pagpapalaganap ng pananampalataya", isang komite ng mga kardinal na itinatag noong 1622 ni Gregory XV upang pangasiwaan ang mga misyon sa ibayong dagat. Nagbago ang kahulugan nito noong Unang Daigdigang Digmaan, at nagkaroon ng negatibong kahulugan. Gayunman, ang tunay na kahulugan nito ang ating ginagamit ngayon - pagpapalaganap ng kaisipan o paniniwala.

Dahil para sa mga makatang mandirigma, ang tula'y armas sa propaganda, armas ng pagmumulat sa masa, sandata upang mulatin ang uring manggagawa sa kanyang mapagpalayang papel upang palitan ang sistemang mapang-api at mapagsamantala. Ang tula'y kasangkapan ng makatang proletaryado laban sa burgesya at naghahari-harian sa lipunan.

Sa ngayon, naitayo ang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK noong Setyembre 2010 ng ilang mga mapangahas at makatang aktibista na layuning dalhin ang ideolohiyang sosyalista sa panitikang Pilipino. Lumikha na rin sila ng blog para sa layuning ito.

Nauna rito'y prinoyekto ng Aklatang Obrero Publishing Collective na tipunin ang mga nagawa nang tula, maikling kwento't sanaysay na tinipon ng mga nasa panig ng RJs. Nailathala na ang tatlong tomo ng aklat na MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa mula 2006 hanggang 2008, dalawang tomo ng KOMYUN: Katipunan ng Panitikang Maralita mula 2007 hanggang 2008, at ang unang aklat ng TIBAK: Katipunan ng Panitikang Aktibista noong 2008. Walang nailathalang aklat na MASO, KOMYUN at TIBAK nitong 2009 at 2010, dahil bukod sa kakapusan ng pinansya, ay dahil sa kakulangan ng akda ng mga literati, tulad ng makata at manunulat ng maikling kwento, sa kilusang sosyalista. Ang mga susunod na tomo ng mga aklat na ito'y poproyektuhin na ng grupong Maso at Panitik sa pakikipagtulungan sa Aklatang Obrero. Kaya asahan ng uring manggagawa at masa ng sambayanan ang muling paglilimbag ng MASO, KOMYUN at TIBAK.

Higit pa sa metaporang pagkausap sa mga buwan, bituin, paruparo at bulaklak, at tigib ng damdaming panaghoy ng pag-ibig ang tungkulin ng tula. Pagkat ang tula bilang propaganda ay pagmumulat ng mga natutulog na isipan, o ng mga walang pakialam sa mga nangyayari sa lipunan. Ngunit di naman lahat ay nagbabasa ng tula, kaya dapat maging mapanlikha ang mga sosyalistang makata. Ang mga tula nila'y maaaring gawing awitin, o kaya naman ay bigkasin sa mga rali, sa harap ng mas maraming nagkakatipong manggagawa't aktibista. Halina’t suriin natin ang ilan sa mga walang kamatayang saknong at taludtod sa panulaang Pilipino, na nagsilbi upang mulatin ang maraming Pilipino sa kalagayan ng lipunan at mapakilos sila tungo sa pagbabago.

Maraming manghihimagsik ang namulat sa kalagayan ng bayan nang mabasa ang ilang saknong ng Florante at Laura, tulad ng:

“Sa loob at labas / ng bayan kong sawi
Kaliluha’y siyang / nangyayaring hari
Kagalinga’t bait / ay nalulugami
Ininis sa hukay / ng dusa’t pighati.”

Ang tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, na binubuo ng labing-anim na pantig bawat taludtod, at may sesura (hati ng pagbigkas) tuwing ikawalong taludtod, ay tigib ng pagpupugay sa lumilikha ng yaman ng bansa, ang mga manggagawa.

MANGGAGAWA
ni Jose Corazon de Jesus
16 pantig bawat taludtod

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.
- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 98

Mapagmulat. Maraming tulang nagsasalaysay na ang tingin ng marami ay simpleng maikling tulang nagsalaysay lamang sa ilang pangyayari, ngunit pag niliming maigi ay mapapansin ang hiyas ng diwang naglalarawan na pala ng tunggalian ng uri sa lipunan. Sa sumusunod na tula’y inilarawan ang konseptong baluktot na lumukob na sa madla, ngunit sa pamamagitan ng ilang taludtod lamang ay nagwasak sa kasinungalingan ng mga ideyang pilit isinaksak ng naghaharing uri sa dukha.

MGA TAGA-LANGIT
ni Gat Amado V. Hernandez
12 pantig bawat taludtod

“Saan ako galing?” ang tanong ng anak,
“Galing ka sa langit” ang sagot ng ina;
“Ang tatang at ikaw, taga-langit din ba?”
“Oo, bunso, doon galing tayong lahat.”
“Masarap ba, inang, ang buhay sa langit?”
“Buhay-anghel: walang sakit, gutom, uhaw,
walang dusa’t hirap, walang gabi’t araw,
abot ng kamay mo ang balang maibig.”

Bata’y nagtatakang tanong ay ganito:
“Kung tayong mag-anak ay sa langit mula
at ang buhay doo’y kung pulot at gata
bakit nagtitiis tayo sa impyerno?”
Sa gayon, ang tanging panagot ng ina,
ay isang malalim na buntong-hininga.

Napakasimple ng tula ni Gat Amado, ngunit tumatagos sa isip at puso ang kamalian ng mga ideyang burgis. Sadyang mapagmulat. Ang bata mismo’y nagtataka kung galing nga ba tayo sa langit? O ang langit na sinasabi’y ang tinatamasa ng mga naghaharing uri sa lipunan, ang buhay na pulot at gata. Bakit ba tayo pinabayaan ng langit na sinasabi at dito sa mundo’y pulos hirap. Sadya ngang higit pa sa pagdala ng makata sa pedestal ng pagsinta sa nililiyag ang tungkulin at katangian ng tula. Bagkus ito mismo’y kasangkapan ng aping uri upang mamulat ang mas marami pang kababayang naghihirap. Hindi lang pagtalakay ng isyu, hindi lang paglalarawan ng nagaganap sa lipunan, bagkus ay nagpapaliwanag at nangungumbinsi sa uring api na hindi permanente ang kalagayan ng dukha, na may sisilay pang panibagong sistemang magbabalik sa dangal ng tao, maging siya man ay dukha o petiburges. Kailangang wasakin ang mga baluktot na kaisipang nagpapanatili ng kamangmangan ng tao, tulad ng paniniwala sa pamahiin, mitolohiya at burgis na advertisements. Kailangang baligtarin natin ang mga kaisipang nakaangkla sa pagkamal ng tubo, imbes na sa pagpapakatao.

Malaki ang papel ng pulitika at ekonomya sa buhay ng tao. Mula pa pagkabata'y sakop na siya ng paaralan, alituntunin ng pamahalaan, kabuhayan, lipunan at kalinangan. Minomolde ng panitikan bilang bahagi ng kalinangan ng isang bansa ang kaisipan ng tao. Nariyan ang sanaysay, tula, dula, maikling kwento, na hindi lamang mababasa sa libro, kundi maririnig sa radyo at mapapanood sa telebisyon, sinehan, DVD, at mga balita't dokumentaryo sa mas malawak na saklaw. Alam ng makata na hindi nahihiwalay ang kanyang mga tula sa lipunan.

Ang tula bilang propaganda ay pagmumulat. Tagabandila na may nagaganap na tunggalian ng uri sa lipunan. Walang takot bagkus ay nakaharap na tulad ng mandirigmang sugatan na nais ipanalo ang isang digmaan. Kung matatandaan ko pa ay ganito ang sinabi minsan ni Bob Dylan, “Art is not merely a reflection of reality but it must also subvert reality.” Ibig sabihin, ang tula bilang sining ay hindi lang tagapaglarawan ng mga isyu ng lipunan at mga bagay-bagay sa paligid, bagkus ang tula’y tagapagwasak din, tulad ng pagkawasak ng konsepto ng langit sa isipan ng bata sa tula ni Gat Amado.

Kaya kailangang maunawaan ng mga makabagong makata ngayon ang pangangailangang gamitin nila ang kanilang mga tula para sa pagsulong ng pakikibaka tungo sa pagpapalit ng sistemang kapitalismo tungo sa susunod na yugto nito. Sosyalisado na ang produksyon, ngunit pribado pa rin ang pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon kaya marami pa ring naghihirap. Tungkulin ng mga aktibista’t rebolusyonaryong makata na gamitin ang kanilang mga tula sa pagmumulat tungo sa sosyalismo. Ito ang niyakap na tungkulin ng sosyalistang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK.

Tulad ng sinabi ni Ho Chi Minh, tunay na malaki ang tungkulin ng makata sa pagmumulat, lalo na sa uring manggagawa, upang baguhin ang bulok na sistemang umiiral sa lipunan. Bilang mandirigmang makata, kinatas ko sa ilang taludtod ang tungkulin ng tula sa rebolusyon:

TULA AT REBOLUSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

i.

ano ang silbi ng tula sa rebolusyon
kung di ito nagmumulat ng masa ngayon

dapat ba tula'y ialay lang sa pedestal
ng malaking tubo't kapitalistang hangal

o tula'y pwersang gamit sa pakikibaka
upang mapalitan ang bulok na sistema

dapat ang bawat tula'y sintigas ng bakal
masasandigan, may prinsipyong nakakintal

tula'y malaking silbi sa pakikibaka
lalo sa pagmumulat ng aping masa

di basta-basta mahuhulog sa imburnal
pagkat bawat tula ng makata'y may dangal

tula'y may tindig, naghahangad ng paglaya
ng uring manggagawa at lahat ng dukha

ii.

dapat bawat makata'y alam sumalakay
sa bulok na sistema, gobyerno’t kaaway

makata'y dapat agapay ng pagbabago
at tinig ng mga aping dukha't obrero

sila'y di dapat laging nasa toreng garing
kundi kasama ng dukha't masang magiting

sa laban dapat makata'y kayang tumagal
hindi agad natitinag o hinihingal

dapat alam nila paano umatake
nang matulungang manalo ang masang api

laban sa mga ganid, mapagsamantala
at kumakatawan sa bulok na sistema

makata'y dapat magaling ding umasinta
at kayang durugin ang lahat ng puntirya

Lunes, Setyembre 27, 2010

Ang grupong MASO at PANITIK

Ang grupong MASO at PANITIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sinimulan ang grupong MASO AT PANITIK noong Setyembre 4, 2010 sa pamamagitan ng paglikha ng blog nito na masoatpanitik.blogspot..com kung saan dito tinitipon ang iba't ibang akda ng mga aktibistang makata at manunulat. 

Nauna rito ay nabuo na noong 2005 ng Association of Progressive Poets (APP) ngunit kaunti lamang ang mga kasamang nag-aktibo rito, at di naman talaga ito naging isang ganap na samahan. Nakapagpatatak lamang ng t-shirt na may nakasulat na buong pangalan ng APP. Nang lumaon, nagbago ito ng anyo, at naging MASO AT PANITIK bilang tanda ng pagyakap sa prinsipyo't diwa ng uring manggagawa bilang hukbong mapagpalaya, isang samahan ng mga makatang lumilikha ng seryosong mga tula, masakit man tumama at nakasusugat ang mga salita, isang samahang mapagmulat, mga makatang para sa adhikaing maipagwagi ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Kaya binuo ang MASO AT PANITIK bilang isang samahan ng mga makata at manunulat para sa uring manggagawa at masa ng sambayanan, mga aktibistang alagad ng panitikan na nagsusulong ng kaisipang Marxismo at Leninismo sa pambansang kamalayan na ang adhikain ay ang pagtatayo ng lipunang sosyalismo. Ang tema ng kanilang mga sulatin ay hinggil sa pakikibaka ng uring proletaryado, iba't ibang isyung panlipunan at pang-ekonomya, at layuning pagwasak sa relasyon ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon dahil ito ang ugat ng kahirapan.

Sa panitikan ngayon, laganap pa rin ang kaisipan ng burgesya, mayayaman, kapitalista, at mga elitista. Sa kabilang banda’y laganap din ang nagsusulong ng kaisipang makabayan at pambansang demokrasya. Bihira ang nagtatalakay ng pagbuwag mismo sa pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon at pangangampanya tungo sa lipunang sosyalismo. Kaya nararapat lamang na organisahin ang mga aktibistang manunulat at makata upang makapag-ambag sa pagsulong ng sosyalistang literatura sa buong daigdig. Ang MASO AT PANITIK ay kaisa, di lamang ng mga kilusang makabayan, kundi higit ay ng kilusang sosyalista, di lamang sa bansa, kundi sa iba pang panig ng daigdig.

Para sa grupong MASO AT PANITIK, internasyunalismo at sosyalismo ang dapat lumaganap ngayon. Kaya nagkaisa ang ilang mga sosyalistang makata at manunulat na dapat gamitin ang literatura para sa pagsusulong ng kaisipang sosyalismo sa uring manggagawa at masa ng sambayanan. Tungkulin ng mga kasapi ng MASO AT PANITIK ang pagmumulat sa madla tungo sa adhikaing pagbabago at pagkakapantay sa lipunan hanggang sa maitatag ang isang lipunang sosyalismo.

MGA SASAPI:
- Nakakuha ng oryentasyon ng MASO AT PANITIK
- Nakapagpasa ng tatlong tula o dalawang sanaysay o isang maikling kwento
- Nasulatan, nalagdaan at nakapagpasa ng membership form
- Nakakuha ng edukasyong pang-aktibista, tulad ng Aralin sa Kahirapan (ARAK), Landas ng Uri (LNU), at Puhunan at Paggawa
- May pagkilala sa Pahayag ng mga Prinsipyo ng sosyalistang Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (mula sa Saligang Batas ng KPML) at 10 Katangian ng Sosyalismong Tinitindigan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), na siyang mga magulang ng grupong MASO AT PANITIK

MGA TUNGKULIN AT GAWAIN NG MGA KASAPI:
- Pagtukoy at pagrerekrut ng mga aktibistang manunulat at makata
- Pagsusulat ng maikling kwento, sanaysay at tula na nagpapakita ng aping kalagayan ng manggagawa, maralita, mangingisda, magsasaka, kababaihan, kabataan, at iba pang aping sektor sa lipunan
- Pagbibigay ng pag-aaral hinggil sa pagsusulat ng maikling kwento, sanaysay, tulang may tugma't sukat, tulang may malayang taludturan, kasaysayan ng panitikang Pilipino
- Sariling pag-aaral at pagbibigay ng sosyalistang pag-aaral sa kapwa makata't manunulat, tulad ng Aralin sa Kahirapan (ARAK), Landas ng Uri (LNU), at Puhunan at Paggawa (PAKUM)
- Pag-oorganisa ng mga literary editors sa mga pahayagang pangkampus
- Paggawa ng mga aklat-pampanitikan hinggil sa iba't ibang isyung panlipunan at pang-ekonomya
- Palagiang paglulunsad ng mga poetry reading hinggil sa iba't ibang isyu ng sambayanan, na maaaring gawin sa mga piketlayn, sa mga lugar na dinemolis, sa rali sa Mendiola, sa lansangan ng pakikibaka
- Pagpapakilala sa mga sosyalistang makata at manunulat
- Pagkatha ng mga islogan sa mga pagkilos, tulad ng rali o mobilisasyon
- Pagmumulat sa pamamagitan ng pagtula
- Pagsasalin ng mga sosyalistang akda at tula
- Paghahanap ng pondo para sa mga ilalathalang aklat at pahayagan
- At marami pang iba na may kaugnayan sa pagsusulong ng sosyalistang diwa’t panitikan

ILANG MGA PAHAYAG:

Pahayag ng mga Prinsipyo ng KPML
- mula sa Saligang Batas ng KPML, Artikulo 2

Seksyon 4. Bilang sosyalistang organisasyon, itinatakwil ng KPML ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, dahil ito ang pinag-uugatan ng malaganap na kaapihan, kahirapan at pagsasamantala ng tao sa kapwa tao.

Seksyon 8. Naniniwala ang KPML na maaaring baguhin at lumaya ang mamamayan sa kahirapan at kawalang katarungan kung ganap na maitatayo ang isang sosyalistang lipunan at paglikha ng yaman na aariin ng lahat sa halip na iilan lamang at magkaroon ng tunay na kasaganaan para sa lahat ng mamamayan.

Seksyon 9. Naniniwala ang KPML na ang isang sosyalistang kaayusan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng mahigpit na pagkakaisa, sama-sama at tuloy-tuloy na pagkilos ng mga maralita ng lunsod, ng mga manggagawa, at ng buong sambayanan.

10 Katangian ng Sosyalismong Tinitindigan ng BMP

Isa mga pangunahing dahilan ng pagbaklas ng BMP sa KMU ang magkaibang tindig ng dalawang samahan sa oryentasyon ng kilusang paggawa - magkakasya na lamang ba ang mga manggagawa sa pagsusulong ng pambansang demokrasya o ipaglalaban nila ang isang lipunan na bubuwag sa lahat ng anyo ng pang-aapi at pagsasamantala?

Sa ilalim ng pambansang demokrasya, iinam ang kalagayan sa paggawa ng mga manggagawa. Subalit mananatili silang alipin ng kapital - mga sahurang alipin na binubuhay lamang para lumikha ng yaman na hindi sa kanila.

Sa sosyalismong tinitindigan ng BMP, ipapalit ang isang sistema na walang pagsasamantala at pang-aapi sa sinuman. Isang sistema na magtataglay ng sumusunod na katangian:

1. Lipunang walang mga uri. Lipunan na hindi hinahati, hindi sinisino o kinikilala ang tao sang-ayon lamang sa uri niyang kinalalagyan.

2. Lipunang walang imperyalismo at imperyalistang pagsasamantala. Lipunang wawakas sa kapitalismo at kapitalistang pagsasamantala.

3. Lipunang walang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon. Lipunang nakapundar sa sosyal na pagmamay-ari ng mga kasangkapan at mga produktong nililikha nito.

4. Lipunang hindi pinatatakbo ng 'free market' o nakapundar lamang sa tubo at paghahangad ng limpak na tubo. Lipunang nakaplano ang ekonomiya sang-ayon sa layuning ipagkaloob ang lahat ng pangangailangan ng tao.

5. Lipunang ang estado ay pinatatakbo ng mga manggagawa. Lipunang ang buong populasyon ay bahagi ng armadong hukbo ng bayan.

6. Lipunang ipinatutupad ang ganap na demokrasya sa pamamagitan ng direktang partisipasyon ng bawat tao sa gobyerno at sa lahat ng usaping hinaharap ng lipunan.

7. Lipunang ipagkakaloob ang lahat ng pangangailangan ng tao - trabaho sa lahat, libreng pabahay, libreng edukasyon sa kabataan, libreng gamot at pangangalaga sa kalusugan, at marami pa. Ang mga ito ay hindi pribilehiyo kundi karapatan ng bawat mamamayan.

8. Lipunang ang mga pagawaan ay patatakbuhin ng mga manggagawa mismo (workers' self-management).

9. Lipunang ganap na magpapalaya sa kababaihan mula sa pang-aapi sa pagawaan at sa loob ng tahanan.

10. Lipunang bibigkis sa pinakamalawak na pagkakaisa ng buong sangkatauhan.

Linggo, Agosto 30, 2009

Wikang Filipino, Wika ng Aktibismo

WIKANG FILIPINO, WIKA NG AKTIBISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 2, p.2)

Tatlong daan taon tayong alipin ng mga mananakop. Hindi tayo nagkakaisa. Ngunit nang simulan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang pagsusulat ng ating kasaysayan at adhikaing mapagpalaya sa mismong ating sariling wika, napakabilis ng pagpapalawak nila sa Katipunan. Ilang taon lamang ay inilunsad ang paghihimagsik at lumaya tayo sa kamay ng mga Kastila.

Ilang beses nang sinabi ng national artist na si Virgilio S. Almario na nang sinakop tayo ng mga Kastila, winasak nito ang ating gunita. Wala tayong maayos na nasulat na kasaysayan bago pa ang Kastila dahil binura nito ang ating alaala. Ngunit naiwan ang ating wika, na siyang salamin ng ating pagkatao at pagkakakilanlan bilang isang lahi sa silangan. Dahil sa wika, nakilala natin ang ating sarili, tayo'y nagkaisa. Napakahalaga ng sariling wika sa pagkatao kaya nasabi ni Jose Rizal sa kanyang tulang "Sa Aking Mga Kabata" na inawit ni Florante: "Ang sinumang di magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa mabahong isda." Dito pa lang ay ikinabit na ni Rizal ang wika sa pagkatao at dangal.

Idadagdag ko pa: "Ang sinumang Pilipinong di gumamit at magsalita ng sariling wika ay higit pa sa amoy ng malansang isda." Walang pagkatao at dangal ang mga Pilipinong ayaw magsalita ng sawiling wika. Dapat silang ikahiya.

Mas nais pa nilang gamitin ang wika ng ilustrado. Kung noon ay wikang Kastila, ngayon naman ay wikang Ingles. Marami sa ating ang lumaki sa paniniwalang Ingles ang wika ng mga edukado, ng mayayaman, ng makapangyarihan, ng husgado, ng senado, ng burgesya sa pangkalahatan, ng mga respetado sa mataas na lipunan. At ang tingin nila sa wikang Filipino ay wika sa kanto, wika ng mga atsay, wika ng mga api, wika ng masa.

Ngunit dahil sa wikang Filipino, nagkaunawaan tayo. Nagkaisa ang mamamayang Pilipino laban sa mga Kastila, sa Amerikano, sa Hapon, at sa diktadurya. Ibinagsak natin ang diktadurya dahil nauunawaan natin ang isa't isa, masa man at mayaman.

Ang nakakalungkot, kahit sa eskwelahan, minsan ay halos wala nang naririnig na ibang wika kundi Ingles, na masasabi nating naghati sa marami, naghati sa mga probinsiyano't tagalunsod, sa mahihirap at mayayaman. Patok pa ay mga pelikulang Ingles habang bakya naman ang tingin ng marami sa pelikulang Filipino, kahit na marami itong naipanalong award. Ganuon din sa mga awitin.

Ang nakakaawa ay ang kababayan nating hindi bihasa sa Ingles kaya hindi maipagtanggol kaagad ang sarili dahil ang mga batas at patakaran ay nasusulat sa Ingles. Para bang inihiwalay ang ating puso't utak. Wikang sarili ang gamit sa pakikipagtalastasan habang nakasulat sa wikang Ingles ang pinag-uusapan.

Kaytagal na nilang ginagamit ang wikang Ingles ngunit nananatli pa rin ang problema ng bayan sa ekonomya, pulitika, at edukasyon. Ito'y dahil na rin sa halip na gumawa ng paraan upang itaguyod ang pambansang wika, hinahati tayo't pinagwawatak-watak ng wikang Ingles. Ginagamit ito para wasakin ang mga bahay ng maralita, kamkamin ang lupa ng mga magsasaka, upang tanggalin ang mga manggagawa sa pabrika, upang pagharian nila ang pulitika at ekonomya, upang maging mababa ang tingin sa masa, upang bolahin sa SONA ang mamamayan.

Gamitin natin ang wikang sarili laban sa mga ilustrado, laban sa burgesya, para sa pagkakaisa ng masa. Walang bansang umunlad na hindi nagtaguyod ng sariling wika nila. At kawawa ang bansang walang sariling wika, dahil wala silang gunita ng kanilang kasaysayan at nakaraan, kaya sila'y mga alipin. Mabuti na lamang at nang burahin ng mananakop ang alaala ng ating mga ninuno'y di nila nabura ang ating wika. Ang sariling wika ay kakabit na ng pagkatao at dangal ng bawat isa. Kung wala kang sariling wika, isa kang alipin at walang kalayaan. Kung may sarili kang wika ngunit ayaw mo itong gamitin, mayabang ka kundi man mapang-alipin.

Gamitin natin ang sariling wika upang magtagumpay ang masa tungo sa kanyang paglaya. Ang bayang may sariling wika ay bayang malaya. Kaya hindi lang sa pagsapit ng Linggo ng Wika tuwing Agosto lang natin inaalalang dapat itaguyod ang sariling wika, kundi sa lahat ng panahon. Ayon nga sa isang kasabihan, "Ang sinumang di magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa mabahong isda."

Lunes, Disyembre 15, 2008

Sariling Wika ang Dapat Gamitin sa mga Papeles

SARILING WIKA ANG DAPAT GAMITIN SA MGA PAPELES
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mayro'ng isang aso, daig pa ang ulol
Siya'y ngumingiyaw, hindi tumatahol
Katulad ng iba, painglis-inglis pa
Na kung pakikinggan, mali-mali naman
'Wag na lang
- mula sa awiting “Tayo’y Mga Pinoy”
ni Heber Bartolome

Kadalasan, ang mga babasahing nakasulat sa Ingles, bagamat binabasa ng ilang lider-maralita, ay kadalasang pinapasalin pa sa wikang Tagalog. At marami ang nagsasabing bakit nila babasahin iyon ay nakasulat sa Ingles. Wala bang nakasulat sa sariling wika? Tama sila.

Ang wikang Ingles ay di naman araw-araw na ginagamit ng maralita, kundi wikang Tagalog (o para sa iba ay wikang Pilipino). Ngunit pagdating na sa mga papeles, laging Ingles ang nakasulat, na karaniwan ay pinapaikot-ikot lamang ang maralita.

Karaniwan, ang maralita ay hindi nasanay magsalita ng Ingles, bagamat dinaanan nila ito sa kanilang pag-aaral sa elementarya at sekundarya, at sa mga nakaabot din ng kolehiyo. Ngunit ang pagkatuto sa Ingles ay dahil kinakailangan upang makapasa sa pag-aaral kahit di naman nila araw-araw itong ginagamit.

Tama naman ang sinasabi ng ilan na kailangan ang Ingles para makipag-usap sa buong mundo, pagkat di pa naman pandaigdig ang wikang Tagalog. Ngunit dapat nilang maunawaan na pag tayong magkababayan na ang nag-uusap-usap hinggil sa ating mga problema, bakit Ingles pa ang gagamitin, gayong tayong may sariling wikang mas magkakaunawaan tayo? Tayo-tayong magkababayan, mag-i-inglesan pa, e, meron naman tayong sariling wikang pwede agad tayong magkaunawaan.

Ginagamit ng iba ang wikang Ingles upang ipamukha sa maralita na sila'y may pinag-aralan at ang maralita'y wala, na sila'y dapat saluduhan ng maralita, na sila ang mas may karapatan kaysa mga maralita, na may karapatan silang magyabang kaysa maralita.

Ang Ingles ay naging tatak na ng elitistang pamumuhay, at ginagamit ito upang lalong i-etsa-pwera ang mga maralita. Ginagamit nila ang Ingles upang lituhin ang maralita sa mga karapatan nito.

Ang Ingles ay panakot ng mga nasa poder, na habang nakikipag-usap ka sa kanila hinggil sa usaping tulad ng demolisyon, bigla silang mag-i-Ingles upang lituhin ang mga palabang maralita na hindi sanay sa Ingles.

Ang Ingles ay pantapos sa mga argumento ng maralita, na habang ang maralita ay mainit na nakikipagdebate sa mga taong gobyerno hinggil sa demolisyon, o sa papeles na nakasulat, biglang mag-i-ingles ang mga taong gobyerno para matapos agad ang usapan, at maipamukha sa mga maralita na silang nag-i-ingles ang agad dapat masunod.

Ang Ingles ay naging tatak na ng awtoridad, na kung hindi ka sanay mag-ingles, kahit may alam ka rito at di nga lang nasanay ang iyong dila sa pagsasalita nito, ay maaari kang i-etsapwera agad. Kung di ka man direktang i-etsapwera, mag-i-ingles sila para ma-out-of-place ka, at igalang mo agad sila, dahil ikaw ay maralita, at sila ay inglesero't ingleserang may pinag-aralan.

Totoong mahalaga ang Ingles sa pakikipag-usap sa dayuhan o sa labas ng bansa, ngunit bakit ito pa rin ang ginagamit sa mga papeles na tayo-tayong kapwa Pilipino ang nag-uusap.

Ang mga batas sa demolisyon at notice para ka i-demolis ay nakasulat sa Ingles. Pag inilaban ng inyong samahan ang inyong karapatan, kadalasan kailangang isulat nyo ito sa Ingles, sa pagbabakasakaling basahin ang inyong sulat.

Sariling wika natin ang dapat gamitin sa mga papeles, at hindi Ingles.