SARILING WIKA ANG DAPAT GAMITIN SA MGA PAPELES
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Mayro'ng isang aso, daig pa ang ulol
Siya'y ngumingiyaw, hindi tumatahol
Katulad ng iba, painglis-inglis pa
Na kung pakikinggan, mali-mali naman
'Wag na lang
- mula sa awiting “Tayo’y Mga Pinoy”
ni Heber Bartolome
Kadalasan, ang mga babasahing nakasulat sa Ingles, bagamat binabasa ng ilang lider-maralita, ay kadalasang pinapasalin pa sa wikang Tagalog. At marami ang nagsasabing bakit nila babasahin iyon ay nakasulat sa Ingles. Wala bang nakasulat sa sariling wika? Tama sila.
Ang wikang Ingles ay di naman araw-araw na ginagamit ng maralita, kundi wikang Tagalog (o para sa iba ay wikang Pilipino). Ngunit pagdating na sa mga papeles, laging Ingles ang nakasulat, na karaniwan ay pinapaikot-ikot lamang ang maralita.
Karaniwan, ang maralita ay hindi nasanay magsalita ng Ingles, bagamat dinaanan nila ito sa kanilang pag-aaral sa elementarya at sekundarya, at sa mga nakaabot din ng kolehiyo. Ngunit ang pagkatuto sa Ingles ay dahil kinakailangan upang makapasa sa pag-aaral kahit di naman nila araw-araw itong ginagamit.
Tama naman ang sinasabi ng ilan na kailangan ang Ingles para makipag-usap sa buong mundo, pagkat di pa naman pandaigdig ang wikang Tagalog. Ngunit dapat nilang maunawaan na pag tayong magkababayan na ang nag-uusap-usap hinggil sa ating mga problema, bakit Ingles pa ang gagamitin, gayong tayong may sariling wikang mas magkakaunawaan tayo? Tayo-tayong magkababayan, mag-i-inglesan pa, e, meron naman tayong sariling wikang pwede agad tayong magkaunawaan.
Ginagamit ng iba ang wikang Ingles upang ipamukha sa maralita na sila'y may pinag-aralan at ang maralita'y wala, na sila'y dapat saluduhan ng maralita, na sila ang mas may karapatan kaysa mga maralita, na may karapatan silang magyabang kaysa maralita.
Ang Ingles ay naging tatak na ng elitistang pamumuhay, at ginagamit ito upang lalong i-etsa-pwera ang mga maralita. Ginagamit nila ang Ingles upang lituhin ang maralita sa mga karapatan nito.
Ang Ingles ay panakot ng mga nasa poder, na habang nakikipag-usap ka sa kanila hinggil sa usaping tulad ng demolisyon, bigla silang mag-i-Ingles upang lituhin ang mga palabang maralita na hindi sanay sa Ingles.
Ang Ingles ay pantapos sa mga argumento ng maralita, na habang ang maralita ay mainit na nakikipagdebate sa mga taong gobyerno hinggil sa demolisyon, o sa papeles na nakasulat, biglang mag-i-ingles ang mga taong gobyerno para matapos agad ang usapan, at maipamukha sa mga maralita na silang nag-i-ingles ang agad dapat masunod.
Ang Ingles ay naging tatak na ng awtoridad, na kung hindi ka sanay mag-ingles, kahit may alam ka rito at di nga lang nasanay ang iyong dila sa pagsasalita nito, ay maaari kang i-etsapwera agad. Kung di ka man direktang i-etsapwera, mag-i-ingles sila para ma-out-of-place ka, at igalang mo agad sila, dahil ikaw ay maralita, at sila ay inglesero't ingleserang may pinag-aralan.
Totoong mahalaga ang Ingles sa pakikipag-usap sa dayuhan o sa labas ng bansa, ngunit bakit ito pa rin ang ginagamit sa mga papeles na tayo-tayong kapwa Pilipino ang nag-uusap.
Ang mga batas sa demolisyon at notice para ka i-demolis ay nakasulat sa Ingles. Pag inilaban ng inyong samahan ang inyong karapatan, kadalasan kailangang isulat nyo ito sa Ingles, sa pagbabakasakaling basahin ang inyong sulat.
Sariling wika natin ang dapat gamitin sa mga papeles, at hindi Ingles.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento