Lunes, Abril 20, 2009

Bulok na Kamatis

BULOK NA KAMATIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bulok na kamatis. Isang kasabihan ng mga matatanda, o yaong mga may gulang na, na hindi dapat mahaluan ng kahit isang bulok na kamatis ang isang kaing na puno ng kamatis, dahil mahahawa at mabubulok din ang iba nito. Kaya nararapat na tanggalin kaagad, at di manatili kahit isang minuto pa, ang mga bulok na kamatis.

Nakakahawa ang kabulukan, kaya dapat iwasan. Ganito ang bulok na kamatis. Gayundin naman sa sistema ng lipunan. Nakakahawa ang kabulukan kaya dapat iwasan. Nakakahawa ang mga katiwalian, kabalbalan, anomalya, pangungurakot, at iba pang kabalbalan, kaya dapat tanggalin ang mga bulok. Nakakahawa ang mga pulitikong tiwali kaya ang ibang baguhang nais maglingkod sa bayan ay natututo ng katiwalian.

Hindi dapat ihalo sa mga sariwang kamatis ang isang bulok. Gayundin naman, hindi na dapat pang maiboto muli o kaya'y maitalaga sa mataas na katungkulan sa pamahalaan ang mga napatunayan nang bulok na pulitiko. Ilang beses na ba nating napanood sa telebisyon na binato ng bulok na kamatis ang mga pulitikong tiwali at mga sinungaling?

Pero bakit nga ba bulok na kamatis ang paboritong ipambato sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno? Madaling makita ang mensahe. Binato ng bulok na kamatis ang isang pulitiko dahil ang pulitikong ito ay bulok kaya binato. Ibig sabihin, ang pulitiko'y may nagawang kasalanan o kamalian sa kanyang mga pinaggagawa bilang lingkod-bayan. Katiwalian, katarantaduhan, kabalbalan, anomalya, pangungurakot, kasinungalingan, pagsasamantala sa katungkulan, at iba pang kabulukan.

Marami nang lider ng gobyerno ang pinagbabato na ng bulok na kamatis dahil ayaw magsabi ng katotohanan sa taumbayan. Marami pang mga sinungaling ang nais pang batuhin ng bulok na kamatis dahil sa kanilang ginawang kasalanan.

Dalawang lider na ng bansa ang maituturing na halimbawa ng kabulukan ang tinanggal ng taumbayan. Ang isa'y diktador na namatay nang hindi nakulong dahil sa kasalanang ginawa sa sambayanan. Ang isa naman ay sugarol na nahatulang guilty ngunit agad na pinalaya ng kauri niyang elitista.

Nalalapit na naman ang eleksyon. Tiyak na marami na namang mangangako. Tiyak marami na namang paaasahin sa mga pangako. Ang mga mayayamang pulitiko ay makikipagbeso-beso na naman sa maralita, at makikituntong muli sa mga lugar ng iskwater dahil sa boto, pero pagkatapos ng botohan at nanalo, ang pinasukang lugar ng iskwater ay pinandidirihan na.

Ang mga bulok na kamatis, tulad ng mga bulok na pulitiko, ay walang pakinabang para sa kabutihan ng lahat. Dapat lang silang mawala.

Kawawang kamatis. Ang mga nabubulok sa hanay nila ang paboritong gamitin ng mga raliyista upang ipukol sa mukha ng mga mandurugas, mapanlinlang, mga ganid, mandaraya, at higit sa lahat, bulok na pulitiko dahil sa katiwalian, kasinungalingan, at pagsasamantala nila sa mamamayan.

Ngunit mas kawawa ang taumbayan. Ang mga bulok na pulitiko sa hanay ng naghaharing uri ay nagpapatuloy, hindi maalis-alis. Marami kasing magkakamag-anak na nagtutulong-tulong. Marami kasing magkakauri na hindi ang kapakanan ng taumbayan ang nasasaisip kundi kung paano mabubuhay ang kanilang sariling uri - ang uring elitista o yaong tinatawag na naghaharing uri. Tanging ang makaaalis lamang sa mga bulok na pulitiko'y kung mababago ang sistemang naging dahilan kung bakit sila naging tiwali at sinungaling, kung mababago ang sistemang siyang dahilan kung bakit may mahihirap at mayayaman.

Hindi dapat ipagsiksikan pa ang bulok na kamatis sa kaing ng magaganda at sariwang kamatis. Gayundin naman, hindi dapat ipagsiksikan pa ang mga bulok na pulitiko sa gobyerno dahil baka mahawaan pa nila ng kanilang kabulukan ang mga totoong lingkod ng bayan.

Kung nais natin ng maayos na buong kaing na kamatis, tiyakin nating matanggal ang mga bulok. Kung nais nating maging matino ang gobyerno, dapat nating tanggalin ang mga bulok na pulitiko't lingkod-bayan, at baguhin mismo ang sistema ng gobyernong nagluwal ng mga kabulukang ito. Kung nais natin ng matinong lipunan para sa kinabukasan ng ating mga anak at ng mga susunod pang henerasyon, magtulong-tulong tayong baguhin ang sistemang nagluwal at patuloy na nagluluwal ng mga kabulukan ng kasalukuyang mapag-imbot na sistema ng lipunan.

Wala bang pakinabang ang mga bulok na kamatis? Meron. Kung ibabaon natin sila ng tuluyan sa lupa.

Oo, ang mga bulok na kamatis ay dapat ibaon sa lupa upang pakinabangan ng mga uod na makakatulong para lumusog ang lupa. Mga bulok na kamatis na magiging pataba sa lupa. Gayundin naman, ang mga bulok na pulitiko ay dapat na ring ibaon (sa limot) upang sa kangkungan ng kasaysayan na sila pulutin.

Higit sa lahat, ang bulok na kamatis ay pambato sa mga pulitikong sinungaling at puno ng katiwalian. Tutal pareho naman silang bulok kaya magsama sila.

Miyerkules, Abril 8, 2009

Ang Awiting Internasyunal

ANG AWITING INTERNASYUNAL
Sinaliksik ni Greg Bituin Jr. para sa pahayagang Obrero

Karaniwang inaawit ng mga manggagawa ang awiting Internasyunal sa mga pagtitipon. tulad ng rali, kongreso ng manggagawa, luksang parangal sa mga kasama, atbp. Ngunit sino ba ang lumikha ng Internasyunal at paano ito sumikat sa buong daigdig, lalo na sa mga manggagawa?

Ang Internasyunal ang siyang pandaigdigang awit ng uring manggagawa’t mga sosyalista. Nilikha ang awiting ito ng makatang proletaryo na si Eugene Pottier (1816–1887) noong Hunyo, 1871 bilang paggunita sa naganap na Komyun ng Paris noong Marso-Mayo 1871, at sana'y aawitin sa tono ng La Marseillaise.

Ang Komyun ng Paris ang unang rehimeng proletaryo sa kasaysayan ng sangkatauhan. Isa si Eugene Pottier sa mga nahalal na kasapi nito. Nabigo ang Komyun ng Paris sa kabila ng magiting na pagtatanggol ng mga manggagawa at mamamayang Pranses dahil sa mabangis na pananalakay ng berdugong si Thiers sa pakikipagsabwatan kay Otto von Bismarck. Bagamat pinaghahanap ng kaaway, nanatili si Pottier sa kanugnog na pook ng Paris. Nilagom niya ang kabiguan at ibinunga nito ang tulang Internasyunal. Ang tulang ito ay tigib ng matibay na paniniwalang ang mga inaalipin, na siyang lumilikha ng kasaysayan, ay tiyak na magwawagi laban sa pang-aapi at pagsasamantala. Ito'y isang panawagan sa mga naiwang kasapi ng Komyun ng Paris at sa lahat ng uring pinagsasamantalahan sa buong daigdig na ipagpatuloy ang pakikibaka hanggang sa tagumpay.

Noong Hulyo, 1888, pitong buwan pagkamatay ni Pottier, nabasa ni Pierre De Geyter (1848-1932), isang manlililok at kompositor, ang mga titik ng Internasyunal. Hindi na siya nag-aksaya ng panahon at nang gabi ring iyon, sinimulan niyang likhain ang tugtugin ng Internasyonal. Noong Hulyo ng taon din iyon, pinamunuan ni De Geyter ang pagkanta ng isang koro sa awit na ito sa isang pagtitipon ng mga nagtitinda ng pahayagan sa Lille. Mula noon, lumaganap ang Internasyunal hanggang itanghal ito ng International Workingmen's Association bilang opisyal na awitin sa pakikibaka ng proletaryado sa buong daigdig.

Noong 1904, inudyukan ni alkalde Gustave Delory ng Lille ang kapatid ni Pierre na si Adolphe para sa copyright ng kanta upang ang kikitain dito ay mapunta sa French Socialist Party ni Delory. Natalo sa unang kasong copyright si Pierre noong 1914, ngunit nang magpatiwakal ang kanyang kapatid at nag-iwan ng sulat hinggil sa pandaraya, idineklarang may-ari ng copyright si Pierre. Namatay si Pierre noong 1932, at ang kanyang awiting Internasyunal ay naka-copyright sa France hanggang Oktubre 2017.

Sa ating bansa, may mga magkakaibang bersyon ang pagkakasalin ng awiting ito, bagamat ito'y parehong tungkol sa kalayaan ng uring manggagawa. Iba ang liriko ng PKP 1930, at iba ang mga titik ng kasalukuyang bersyon. Gayunman, dapat maunawaan, maisaulo, at madama ng sinumang manggagawa, maralita, magsasaka, kababaihan, kabataan, at iba pang sektor ang awiting ito.

Halina't awitin natin ang Internasyunal at tayo'y magsibangon sa pagkakabusabos. Tayong api'y dapat magbalikwas. Tayo man ngayon ay inaalipin ngunit sa uring manggagawa ang bukas, pagkat wala tayong maaasahang bathala o manunubos, kaya't nasa pagkilos natin ang ating kaligtasan. Halina, manggagawa at bawiin natin ang yamang inagaw ng uring kapitalista. Hawakan natin ang maso upang pandayin ang bukas.

INTERNASYUNAL 
(Popular na bersyong inaawit sa kasalukuyan)

Bangon sa pagkakabusabos
Bangon alipin ng gutom
Katarunga'y bulkang sasabog
Sa huling paghuhukom.

Gapos ng kahapo'y lagutin
Tayong api'y magbalikwas
Tayo ngayo'y inaalipin
Subalit atin ang bukas.

Koro: 
Ito'y huling paglalaban
Magkaisa nang masaklaw
Ng Internasyunal
Ang sangkatauhan.

Wala tayong maasahang
Bathala o manunubos
Pagkat ang ating kaligtasa'y
Nasa ating pagkilos.

Manggagawa bawiin ang yaman
Kaisipa'y palayain
Ang maso ay ating hawakan
Kinabukasa'y pandayin.

Ulitin ang Koro 

INTERNASYUNAL 
(Lumang bersyon ng awit)

* Sinipi mula sa pahina 32 ng souvenir program ng PKP 1930 
sa kanilang ika-70 anibersaryo, Nobyembre 7, 2000.

Eugene Potier - Kompositor
Peter Degeyter - Musika
Leonardo Santos - Malayang Salin sa Filipino

Bangon sa pagkakagupiling
Bangon ka uring alipin
Sa daigdig iyong sikapin
Sosyalismo'y tanghalin

Halina at ating usigin
Laya nating sinisiil
Buhay, dugo ay puhunanin
Tanikala ay lagutin

KORO:
Ito'y huling paglalaban
Tunay na kalayaan
Ng manggagawa
Sa buong daigdigan
(ulitin ang koro)

Wala tayong maaasahan
Lingap sa mga gahaman
Kaya tayo'y magbagong buhay
Hirap nati'y lunasan

Manggagawa, huwag mong tulutan
Apihin ka habang buhay
Hanapin mo ang kalayaan
Panlulupig ay wakasan.

(Ulitin ang koro ng 2 beses)

Linggo, Marso 22, 2009

Ang Makatang Andres Bonifacio

ANG MAKATANG ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi mapasusubaling isa ring makata si Gat Andres Bonifacio. May anim siyang tula, kasama na ang dalawang taludtod na tulang Mi Abanico na isinulat niya sa wikang Kastila. Ang iba pa'y ang Tapunan ng Lingap, Ang mga Cazadores, Pag-ibig sa Tinubuang Bayan, Katapusang Hibik ng Filipinas, at ang Huling Paalam ni Dr. Jose Rizal.

Ang tulang Mi Abanico ay mula sa ulat ng isang E. Arsenio Manuel, na "diumano'y nilikha ni Bonifacio noong bata pa at nakakanta pa ng kapatid na si Espiridiona nang kapanayamin ni Manuel." Aba, di lang pala simpleng tula sa wikang Kastila ang nalikha ni Bonifacio kundi awit.

Ang tulang Tapunan ng Lingap ay panawagan ni Bonifacio sa mga kababayan na huwag matakot sa pakikibaka, at tapunan nawa sila ng paglingap ng Bathala, na kaiba sa Diyos ng mga mananakop. Kung pagbabatayan ang isinulat ni Bonifacio sa sanaysay na "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog", hindi ang Diyos ng mga Kastila o ng Katolisismo ang hininingan niya ng paglingap kundi ang katutubong Bathala ng mga Pilipino bago pa dumating ang mga mananakop. Kanya ngang isinulat sa "Ang Dapat Mabatid..." sa ikatlong talata: "Iminulat tayo sa isang maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan." Pumapatungkol ito sa mga Kastila, batay sa naunang dalawang talata.

Sa tulang Ang Mga Cazadores, inilarawan ni Bonifacio ang kalupitan ng mga kastila, na ginagamit ang awtoridad upang mang-umit ng manok at baka ng mga Pilipino, sinasaliksik ang mga kabahayan upang nakawan ng pilak at alahas, at panghahalay ng mga babae. Ayon nga sa ikalimang saknong, ikatlo't ikaapat na taludtod: "Walang nalalabi sa pag-aagawan ng mga Kastila kung matatagpuan."

Sa dalumat ni Bonifacio sa mahabang tulang Pag-ibig sa Tinubuang Bayan ay tunay na pagmamahal sa bayang tinubuan ang tunay na pag-ibig, Tila pag-alingawngaw din ito sa ikalawang hanay ng kanyang akdang may pamagat na "Katungkulang Gagawin ng mga Z.LL.B.": "2. Gunamgunamin sa sarili tuwina na ang matapat na pagsampalataya sa kanya ang ang pag-ibig sa lupang tinubuan sapagkat ito ang tunay na pag-ibig sa kapwa."

Ang Katapusang Hibik ng Filipinas ang ikatlo at huli sa tatlong animo'y magkakarugtong na tula ng tatlong makata. Ang una'y ang "Hibik ng Filipinas sa Ynang Espana" ni Hermenegildo Flores, ang ikalawa'y ang "Sagot ng Espanya sa Hibik ng Filipinas" ni Marcelo H. del Pilar, at ang ikatlo't pangwakas na tula'y ang "Katapusang Hibik ng Filipinas" ni Andres Bonifacio. Ang sinimulang tula ni Flores ay sinagot ni Del Pilar at sinagot din ni Bonifacio.

Ang Huling Paalam naman ang salin ni Bonifacio sa tulang Mi Ultimo Adios ni Rizal. Ito ang huling tula ni Rizal bago siya bitayin ng mga Kastila, at marahil ay ito rin ang huling tulang ginawa ni Bonifacio bago siya paslangin ng mga kababayan. Ang tula ni Rizal ay binubuo ng 14 na saknong na may limang taludtod bawat saknong, habang ang pagkakasalin ni Bonifacio sa Tagalog ay binubuo ng 28 saknong na ang bawat saknong ay may apat na taludtod. Ang isang saknong ni Rizal ay ginawang dalawang saknong ni Bonifacio.

Hinggil sa pagkakaayos ng tula o istruktura nito, mapapansing marunong si Bonifacio ng katutubong tugma't sukat, at ginamit niya ang palasak noong anyo ng pagtulang sinimulan ni Balagtas sa obra nitong Florante at Laura.

Maliban sa kanyang tula sa wikang Kastila, ang nasaliksik at natipong lima niyang tula ay sumusunod sa padron na labindalawang pantig bawat taludtod, bawat saknong ay may apat na taludtod, at pawang mahahaba ang kanyang mga tula, mula pitong saknong pataas.

Ang Tapunan ng Lingap ay may sampung saknong, Ang mga Cazadores ay may pitong saknong, Pag-ibig sa Tinubuang Bayan ay may 28 saknong, Katapusang Hibik ng Filipinas ay may 14 saknong, at Huling Paalam ni Dr. Jose Rizal, na salin ng Mi Ultimo Adios ay may 28 saknong.

Sa akdang Arte metrica del tagalog ni Jose Rizal, tinalakay niya ang sining ng tugma at sukat sa Tagalog. Ito'y isinalin sa wikang Filipino ng Jose Rizal Centennial Commission mula sa wikang Espanyol. Orihinal na isinulat ito ni Rizal sa wikang Aleman, at siya rin ang nagsalin sa Espanyol. Ang akdang ito'y binasa ni Rizal sa Sociedad Etnografica sa Berlin noong Abril 1887. Nalathala ito ng nasabing samahan nang taon ding yaon.

Natalakay na natin sa itaas ang sukat ng mga taludtod na ginamit ni Bonifacio sa lahat ng kanyang tulang nasa wikang Tagalog na pawang lalabindalawahing pantig bawat taludtod. Dagdag pa rito, bawat taludtod ay may impit o sesura sa gitna o ikaanim na pantig.

Tingnan natin ang kanyang mga tugmaan. Ayon kay Rizal, sa mga salitang nagtatapos sa patinig, magkatugma ang may impit at magkatugma rin ang walang impit. Kaya ang salitang "dugo" at "berdugo" ay hindi magkatugma, dahil ang "dugo" ay may impit habang wala naman ang "berdugo" kahit na pareho itong nagtatapos sa titik "o". Gayundin naman, hindi magkatugma ang "mata" at "dukha" at ang katugma ng "dukha" ay "dalita".

Sang-ayon pa kay Rizal, may dalawang uri ng tugmaan na nagtatapos sa katinig - ang katinig na malakas at ang katinig na mahina. Magkatugma ang mga katinig na malakas na nagtatapos sa b, d, g, k, p, s, at t. Kaya magkatugma ang salitang "loob" at "lubos", pati na ang "patid" at "hapis".

Magkakatugma naman ang mga katinig na mahina na nagtatapos sa l, m, n, ng, y, w, at wala namang nagtatapos sa titik na r at h.

Gayunman, sa isang pag-aaral sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo), isang pambansang samahan ng mga makata sa wikang Filipino, ang titik na r ay kasama sa mga katinig na mahina. Halimbawa, "pader" at "dingding".

Suriin natin ang ilang saknong sa mga tula ni Bonifacio batay sa pagtalakay ni Rizal sa usapin ng tugmaang patinig sa tulang Tagalog.

"Aling pag-ibig pa ang hihit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinub'ang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala."

"At ating lisanin ang dating ugali
Na ikinasira ng taas ng uri,
Ang bayang Tagalog ay may asal dili
Ang puring nilupig ng bakang maputi."
- ikatlong saknong ng tulang "Tapunan ng Lingap"

"Matining na tunog ako sa dinig mo,
ilaw, mga kulay, masamyong pabango,
ang ugong at awit, paghibik sa iyo,
pag-asang dalisay ng pananalig ko!"
- ika-24na saknong ng tulang "Huling Paalam ni Dr. Jose Rizal"

Sa tugmaang katinig naman ay ang mga sumusunod:

"Walang isinuway kaming iyong anak,
Sa bagyong masasal ng salita't hirap,
Iisa ang puso nitong Filipinas
At ikaw ay di na Ina naming lahat."
- ikalawang saknong ng tulang "Katapusang Hibik ng Filipinas"

"Buong kabahayan ay sinasaliksik,
Pilak na makita sa bulsa ang silid;
Gayon ang alahas at piniling damit
Katulad ay sisiw sa limbas dinagit."
- ikatlong saknong ng tulang "Ang mga Cazadores"

"Tubig n'yang malinaw na anaki'y bubog,
Bukal sa batisang nagkalat sa bundok,
Malambot na huni ng matuling agos
Na nakaaaliw sa pusong may lungkot."
- ika-12 saknong ng tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan"

Ginamit din ni Bonifacio ang iisang katinig lamang sa tugmaan, tulad nito:

"Lahat ng makita nilang maggagatas
Agad haharangin, dada'nin sa bulas,
Tuloy lalaklakin ng mga dulingas
Anupa nga't wala nang pinalalampas."
- ikaanim na saknong ng tulang "Ang mga Cazadores"

Ang tamang paggamit mismo ni Bonifacio sa sukat at tugma, at kaalaman sa pagtutugma ng tulang katinig, ay patunay na sadyang alam ni Bonifacio ang tugma at sukat sa tulang Tagalog, at masasabi natin isa siyang ganap na makata.

Lima lamang ang tulang Tagalog ni Bonifacio yaong nasaliksik, nalathala, at natipon. Marahil, marami pa siyang naisulat na tula ngunit hindi na ito nalathala at natipon at nawala na lamang sa pagdaan ng panahon, ngunit naiwan naman ang mga tulang tunay na nakapagpapaalab sa damdamin ng sinumang taong nagnanais na makaalpas sa kamay ng mga mananakop. Mga tula itong tunay na lantay na gintong hindi kukupas sa pagdaan pa ng ilangdaang taon.

Mga pinaghalawan ng datos:
(1) Anim na tula ni Bonifacio, mula sa aklat na Panitikan ng Rebolusyon(g 1986) ni Virgilio S. Almario, mp. 137-150
(2) Ang Sining ng Tugma at Sulat sa Tagalog, ni Jose P. Rizal, mula sa aklat na Poetikang Tagalog, mp. 47-57

Miyerkules, Marso 18, 2009

Ang Sosyalistang Awiting "Imagine" ni John Lennon


ANG SOSYALISTANG AWITING "IMAGINE" NI JOHN LENNON
Isinulat ni Greg Bituin Jr. para sa pahayagang OBRERO, Marso 2009 isyu, pahina 14

Nitong 2008 sa BMP Congress nang inawit ng makasaysayang grupong Teatro Pabrika ang makasaysayang awiting "Imagine" ni John Lennon. Kinikilalang isang sosyalistang awitin ang "Imagine".

Ang "Imagine" ay unang lumabas sa album ng Beatles na Imagine, at nailabas bilang single, noong 1971. Naging pangatlo sa US Billboard Charts at pang-anim sa United Kingdom. Ang "Imagine" ang itinuturing na lakang-akda o magnum opus ni Lennon.

Sa aklat na "Lennon in America" na sinulat ni Geoffrey Giuliano, ipinahayag ni Lennon na ang awitin ay "anti-religious, anti-nationalistic, anti-conventional, anti-capitalistic song, but because it's sugar-coated, it's accepted."

Ang mga titik o liriko ng "Imagine" ay sinulat ni Lennon dahil sa pag-asang magkaroon ng totoong daigdig na mapayapa. Ngunit ang bahagi nito'y isang inspirasyon mula sa mga tula ng kanyang asawang si Yoko Ono, bilang reaksyon sa kanyang kabataan sa Japan noong WWII.

Sa isang panayam ni David Sheff para sa magasing Playboy noong 1980, sinabi ni Lennon na ito'y hindi bagong mensahe - Give Peace a Chance (Bigyan ng Pagkakataon ang Kapayapaan). Sa "Imagine" tinatanong natin "pwede nyo bang isipin ang daigdig na walang bansa o relihiyon?" Parehong mensahe. At ito'y positibo."

Ayon kay Yoko Ono, ang liriko ng awitin ay "ito ang paniniwala ni John - na tayo'y iisang bansa, iisang mundo, iisang tao. Nais niyang ipahayag ang pananaw na ito." Dagdag pa, ang nilalaman ng "Imagine" ay inspirasyon para sa konsepto ng "Nutopia: The Country of Peace", na nilikha noong 1973. Isinama ni Lennon ang simbolikong "anthem" sa bansang ito sa kanyang album na Mind Games.

Noong 1999, kinilala ng BMI ang "Imagine" bilang isa sa nangungunang 100 awitin ng ika-20 siglo. Noong 2004, ang "Imagine" ang pangatlo sa listahan ng Rolling Stone ng 500 Greatest Songs of All Time. Ayon naman sa Recording Industry Association ng America, pang-30 naman ang kanta sa "365 Songs of the Century bearing the most historical significance". Binoto rin ang "Imagine" bilang "greatest song of all time" ng Nine Network's 20 to 1 countdown show sa Australia noong Setyembre 12, 2006. Kinilala ring una ang "Imagine" sa MAX (Channel) ng Australia 5000 song countdown patungo sa 2008 Beijing Olympics. Ang "Imagine" ang inawit ni Stevie Wonder sa closing ceremony ng 1996 Summer Olympics, Agosto 4, 1996. Sampung taon makalipas nito, inawit naman ni Peter Gabriel ang "Imagine" sa Opening Ceremonies ng 2006 Winter Olympics, Pebrero 10, 2006.

Noong Setyembre 21, 2001, inawit ni Neil Young ang "Imagine" para sa benefit telethon ng mga biktima ng teroristang atake sa Amerika. Halos 60 milyong katao ang nanood sa special show na ito sa US.

Noong 2002, pumangalawa lang ang "Imagine" sa botohan ng Guinness World Records bilang "favorite single of all time" ng Britanya. Natalo ito sa "Bohemian Rhapsody" ng grupong Queen.

Ang "Imagine" ang kinikilalang official song ng Amnesty International. Sa katunayan, may mga sikat na mang-aawit din na gumawa ng sarili nilang bersyon ng pag-awit ng Imagine, tulad nina Avril Lavigne, Jack Johnson, Willie Nelson at Me'Shell NdegéOcello para sa 2007 John Lennon tribute album, "Instant Karma: The Amnesty International Campaign to Save Darfur." Noong Enero 30, 2003, pumailanglang sa himpapawid ang kanta upang gisingin ang mga astronaut ng Space Shuttle Columbia sa kanilang nadisgrasyang misyon. Noong bisperas ng bagong taon para sa 2006, 2007, 2008, at 2009, ang "Imagine" ang pumapailanlang na awitin sa Times Square ilang minuto bago mag-alas-dose. Sa Liverpool airport na ipinangalan kay John Lennon, isang parirala mula sa kanta - "above us only sky" - ang nakapinta sa kisame ng terminal. Ang "Imagine" ay paulit-ulit ding inaawit sa bawat yugto ng Freethought Radio ng Freedom from Religion Foundation. Ang pamagat naman ng album na Vagrants on Parade ng grupong Port Coquitlam ska band, ay "Imagine: John Lennonism".

Ginamit na rin ang awitin sa kilusang kaliwa ng Iran, at ito'y nauugnay kay Mansoor Hekmat at sa kanyang grupong Worker-Communist Party of Iran (WPI), kung saan ang awiting ito'y inaawit ng WPI sa mga pulong, demonstrasyon at sa TV channel nito. Sa Iran, inaawit din ang "Imagine" sa mga protesta at sumisimbolo sa kilusang kaliwa lalo na sa WPI.

Ayon sa isang panayam kay Lennon, sinabi nitong ang "Imagine" ang "virtually the Communist Manifesto." Ngunit idinagdag ni Lennon: "even though I am not particularly a communist and I do not belong to any movement."

Ang awiting "Imagine" ni John Lennon ay isinalin ng inyong lingkod sa wikang Filipino, sa pamagat na "Pagninilay".

Pinaghalawan:
en.wikipedia.org/wiki/Imagine:_John_Lennon
www.songfacts.com/detail.php?id=1094
www.beatlesbible.com/.../john-lennon/songs/imagine
salinnigorio.blogspot.com/2009/05/pagninilay-ni-john-lennon.html

Lunes, Marso 9, 2009

Ang Awiting "BABAE" ng Inang Laya

ANG AWITING “BABAE” NG INANG LAYA
ni Greg Bituin Jr.

Isa sa inaawit lagi ng Teatro Pabrika sa mga rali, lalo na pag Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ang awiting "Babae" ng grupong Inang Laya. Mapagmulat. At magaling ang pagkakahanay ng mga pangalan. Alam na alam nila ang kanilang tinutukoy. Ang mga babaeng mahihina sa awit ay tumutukoy sa mga inimbentong pangalan, habang ang mga babaeng palaban at may paninindigan ay batay naman sa mga totoong tao, mga babaeng nagsakripisyo para sa kalayaan ng bayan. Halina't suriin natin at damahin ang awiting "Babae".

Babae
Awit ng Inang Laya

Kayo ba ang mga Maria Clara
Mga Hule at mga Sisa
Na di marunong na lumaban?
Kaapiha’y bakit iniluluha?
Mga babae, kayo ba’y sadyang mahina?

Kayo ba ang mga Cinderella
Na lalake, ang tanging pag-asa?
Kayo nga ba ang mga Nena
Na katawan ay ibinebenta?
Mga babae, kayo ba’y sadyang pangkama?

Ang ating isip ay buksan
At lipuna’y pag-aralan,
Ang nahubog ninyong isipan
At tanggaping kayo’y mga libangan
Mga babae, ito nga ba’y kapalaran?

Bakit ba mayroong mga Gabriela
Mga Teresa at Tandang Sora
Na di umasa sa luha’t awa?
Sila’y nagsipaghawak ng sandata
Nakilaban, ang mithiin ay lumaya.

Bakit ba mayrong mga Lisa
Mga Liliosa at mga Lorena
Na di natakot makibaka
At ngayo’y marami nang kasama?
Mga babae, ang mithiin ay lumaya!

Pagtatanong ang padron ng awit. Tinatanong nila ang mga kababaihan kung kaninong mga sikat na babae sila maaaring ikumpara.

Kapansin-pansin na sa limang saknong ng awit, ang unang dalawang saknong ay pawang negatibo para sa kababaihan - di marunong lumaban, lumuluha, mahihina, lalaki ang tanging pag-asa, ibinebenta ang katawan, sadyang pangkama. Ngunit ang matingkad dito, ang mga kahinaang ito ng babae ay batay sa mga sikat ngunit imbentong pangalan. Ang unang saknong ay mula sa nobela ni Rizal, habang ang ikalawang saknong naman ay mula sa isang fairy tale at isang awit. Di kaya dapat iprotesta ng mga kababaihan ang mga nobela ni Rizal dahil inilalarawan sila dito bilang mahihinang nilalang?

Sa huling dalawang saknong, pawang totoong babae na sa kasaysayan ang nakahanay. Sa ikaapat na saknong ay mga bayani ng panahon ng pakikibaka sa mga Kastila, sina Gabriela Silang ng Ilocos, si Teresa Magbanua ng Iloilo, at si Melchora Aquino o Tandang Sora sa Maynila. Habang sa ikalimang saknong ay mga martir na babae sa panahon ng batas-militar, sina Lisa Balando, Liliosa Hilao at Lorena Barros.

Sa kabuuan, magaling sa propaganda ang nag-compose ng awit kung pagbabatayan ang mga pangalan ng mga babae. Ang kahinaan ng kababaihan ay mula sa mga babaeng inimbento habang ang kanilang kalakasan naman ay mula sa halimbawa ng mga totoong babae sa kasaysayan. Kaya kung "ang isip ay bubuksan, lipuna'y pag-aralan" tulad ng sinasabi sa ikatlong saknong, mahuhubog ang kanilang isipan na hindi ang mga popular na babae sa nobela ni Rizal ang halimbawa ng kababaihan, kundi ang mga bayaning babae sa kasaysayan.

Lunes, Pebrero 2, 2009

Ang Pulang Pasyon

ANG PULANG PASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 14, Marso 2004, pahina 7


Isa sa pinakamahalagang ambag sa paglaganap ng sosyalismo sa Pilipinas ang Pasion ding Talapagobra (Pasyon ng mga Manggagawa) na sinulat ni Lino Gopez Dizon noong 1936. Tinatawag din itong Pulang Pasyon dahil sa paglalantad nito ng mga katiwalian sa lipunan at panawagang baguhin ang bulok na sistemang kapitalismo. Tulad ng orihinal na pasyon, ang Pulang Pasyon ay nasa anyong dalit (tulang may walong pantig bawat taludtod) at may limang taludtod bawat saknong. Nasusulat ito sa Kapampangan, merong 794 na saknong (3,970 taludtod) at binubuo ng tatlumpung kabanata. Umaabot ito ng 108 pahina kung saan ang orihinal na bersyong Kapampangan ay may katapat na salin sa Tagalog. Sa haba nito, halos dalawang araw itong inaawit sa Pabasa pag mahal na araw. Sa Pulang Pasyon, ang manggagawa ang bagong Kristong nagpapasan ng krus ng kahirapan, na nananawagan ng pagkakaisa ng uring manggagawa at pagbabalikwas laban sa kapitalismo.

Lumaganap ang Pulang Pasyon sa maraming bahagi ng Pampanga noong 1930s at pumalit sa tradisyunal na pasyon. Hanggang sa ang pagbasa nito’y ipinagbawal at sinumang may hawak nito’y pinagbantaang darakpin at ikukulong. Kaya ang iba’y ibinaon sa lupa ang kanilang mga kopya. Ngunit may ilang liblib na baryo sa Pampanga ang binabasa pa rin hanggang ngayon ang ilang bahagi ng Pulang Pasyon tuwing mahal na araw. Nasulat ang Pulang Pasyon sa panahong umiiral pa ang Partido Socialista ng Pilipinas (PSP) bago pa nagsanib ang PSP at Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).

Makikita sa Pulang Pasyon ang pagsasanib ng dalawang pananaw: ang Kristyanismo at ang Sosyalismo. May katwiran ang ganito pagkat sa matagal na panahon sa kasaysayan ng Pilipinas, ginamit ng mayayaman, gubyerno at simbahan ang Kristyanismo bilang instrumento ng pang-aapi at pagsasamantala sa mga maliliit, laluna sa mga manggagawa't dukha.

Ayon nga sa isang lider-rebolusyonaryo, "Kung tatanggalin sa Bibliya ang tabing ng mistisismo na pinambalot dito ng Simbahan, matutuklasan mo ang maraming ideya ng Sosyalismo."

Bagamat hindi hinggil kay Kristo ang Pulang Pasyon, naroon siya sa introduksyon kung saan tinalakay ang kalbaryo ng mga naghihirap na "talapagobra" o manggagawa. Katunayan, ang pamagat ng Kabanata I ay “Si Kristo ay Sosyalista”, ang Kabanata IV naman ay “Laban kay Hesukristo ang Pamahalaang Kapitalista”. Ang Pulang Pasyon, bilang isa ring malalimang pagsusuri sa sistemang kapitalismo, ay nagpapaliwanag na ang mga nangyayaring kaguluhan sa lipunan ay di gawa-gawa ng mga "leptis" (makakaliwa) kundi bunga ng pang-aapi't pagsasamantala.

Mahigpit ding tinuligsa ng Pulang Pasyon ang gobyerno’t simbahan, pagkat bukod sa pagkampi sa mayayaman, sila rin ang nagdulot ng matinding kahirapan sa mga gumagawa ng yaman ng lipunan. Patunay ang Kabanata VI – “Ang Papa, Kalaban ang Mahihirap” at Kabanata XIII – “Ang mga Kura at Pari ang Nagpapatay sa mga Bayani ng Pilipinas”.

Makikita ang prinsipyong sosyalista sa bawat kabanata ng Pulang Pasyon, tulad ng apoy ng himagsik laban sa bulok na sistema, tunggalian ng uri, at ang tungkulin ng manggagawa bilang sepulturero ng kapitalismo. Tunghayan natin ang ilan sa mga pamagat ng bawat kabanata: Kabanata X – “Ang Kapitalismo ang Pinagbuhatan ng Gutom, Gulo at Patayan”; Kabanata XV – “Ang Kaligtasan ng Manggagawa Galing Din sa Kanila”; Kabanata XXI – “Sino ang Nagpapasilang ng Rebolusyon?”; Kabanata XXVI – “Karamihan sa mga Dukha Di Namamatay sa Sakit – Namamatay sa Kahirapan”; Kabanata XXVII – “Di Hamak na Mahalaga ang Kalabaw Kaysa Kapitalistang Nabubuhay sa Hindi Niya Pinagpawisan”; at Kabanata XXVIII – “Hindi Tamad ang mga Manggagawa”.

Halina’t ating basahin ang ilang saknong sa Pulang Pasyon.

Saknong 14 – Hinggil sa pagtanghal kay Kristo bilang sosyalista:

Manibat king pungul ya pa
Mibait at meragul ya
Anga iniang camate na,
Iting guinu mekilala
Talaga yang socialista.
(Mula nang sanggol pa
Pinanganak at lumaki siya
Hanggang sa mamatay na
Panginoo’y nakilala
Tunay siyang sosyalista.)


Saknong 243 – Hinggil sa tunggalian ng uri at rebolusyon:

Ngening ilang panibatan
Ning danup ampon caguluan
Calulu mipacde tangan
Isaldac la ring mayaman
Itang talan cayupapan.
(Kung sila ang pinagbuhatan
Ng kagutuman at kaguluhan
Gumising tayo mahihirap,
Ibagsak ang mayayaman
Hawakan natin ang kapangyarihan.)


Saknong 514 – Kung saan napunta ang bunga ng paggawa:

Sasabian ding socialista
Ing angang bunga ning obra
King capital metipun na,
Gabun, cabiayan, at cualta
Kimcam ding capitalista.
(Sinasabi ng mga sosyalista
Lahat ng bunga ng paggawa
Naipon na sa kapital,
Lupa, kabuhayan at pera
Kinamkam ng mga kapitalista.)


Saknong 534 – Hinggil sa kabulukan ng sistema ng lipunan:

Uling ing kecong sistema
Sistema capitalista
Pete yu ing democracia
Ing malda mecalinguan ya
Mi-favor la ring macualta.
(Dahil ang inyong sistema
Sistemang kapitalista
Pinatay n’yo ang demokrasya
Kinalimutan ang madla
Pumabor sa makwarta.)


Saknong 791 – Panawagan sa manggagawa bilang uri:

Ibangan taya ing uri
Sicmal da ding masalapi
A ligmuc da king pusali
Alang-alang caring bini
Caring anac tang tutuki.
(Ibangon natin ang uri
Na sinakmal ng mga masalapi
At inilugmok sa pusali
Alang-alang sa mga binhi
Sa mga anak nating darating.)


Ang Pulang Pasyon ay muling inilathala ng University of the Philippines Press sa aklat na “Mga Tinig Mula sa Ibaba” (Kasaysayan ng Partido Komunista ng Pilipinas at Partido Socialista ng Pilipinas sa Awit, 1930-1955) ni Teresita Gimenez Maceda.

Panitikang Sosyalista sa Pilipinas

PANITIKANG SOSYALISTA SA PILIPINAS
ni Greg Bituin Jr.

Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 13, Pebrero 2004, pahina 7

Ang artikulong ito'y isang panimula sa isang malaliman at mahabang pag-aaral, pananaliksik at pagtalakay sa pag-usbong ng panitikang sosyalista sa Pilipinas. Marami pang mga dapat saliksikin at basahing mga panitikang sosyalista na gumiya at nagmulat sa mga manggagawa.

Mahalaga, hindi lamang noon, kundi magpahanggang ngayon, ang pag-aralan ang panitikan, dahil ito'y repleksyon ng umiiral na sistema at kultura ng panahong isinulat iyon. Ang panitikan ay nagsilbing daluyan ng pagmumulat at isa sa mga epektibong paraan ng pagkokomento sa lipunan at pagpoprotesta laban sa inhustisya. Ang ilan sa mga panitikang ito'y epiko, korido, tula, dula, pabula, parabula, kwentong bayan, at awit.

Ang kauna-unahang nobelang sosyalista sa Pilipinas ay ang Banaag at Sikat na sinulat ni Lope K. Santos, isang manunulat at lider ng Union del Trabajo de Filipinas (UTF). Dalawang taon itong sinerye sa arawang pahayagang Muling Pagsilang noong 1905, kung saan nakatulong ito sa pagmumulat ng mga manggagawa. Nalathala ito bilang isang aklat noong 1906.

Ayon sa manunulat na si Alfredo Saulo, "Si Crisanto Evangelista noo'y isang lider ng unyon sa planta ng Kawanihan ng Palimbagan, ay walang dudang naakit ng nobela ni Santos at nasimsim ang damdaming maka-sosyalista ng Banaag at Sikat." Si Evangelista ang nagtayo ng Union de Impresores de Filipinas noong 1906, at isa sa nagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong 1930.

Idinagdag pa ni Saulo na ang Banaag at Sikat ay "isang matibay na pagpapatunay na ang ideyang sosyalismo o komunismo ay matagal nang 'kumalat' sa Pilipinas bago dumating dito ang mga ahenteng Komunista na galing sa Amerika at Indonesya, at nagpapabulaan din sa sabi-sabi na ang mga dayuhan ang nag-umpisa ng Komunismo sa Pilipinas." Tinutukoy ni Saulo rito ang mga banyagang komunistang sina William Janequette ng Amerika at si Tan Malaka ng Indonesya na dumating sa bansa noong 1930s.

Isa pang popular na nobelang naglalarawan ng tunggalian ng kapital at ng paggawa ay ang nobelang Pinaglahuan (1907) ni Faustino Aguilar. Tinukoy sa nobela na ang mga bagong kaaway ng manggagawa ay ang alyansa ng mga Amerikanong kapitalista at ng mga mayayamang Pilipinong kolaborator. Ang aklat na ito'y muling inilathala ng Ateneo Press sa kulay pulang pabalat noong 1986 at ikalawang paglilimbag noong 2003.

Ang isa pa ay ang nobelang Bulalakaw ng Pag-asa na sinulat ni Ismael A. Amado na nalimbag noong 1909 kung saan tinalakay sa istorya na iisa lamang ang nakikitang lunas sa kadilimang bumabalot sa lipunan, at ito'y rebolusyon. Muli itong inilimbag ng University of the Philippines Press noong 1991 sa kulay itim na pabalat.

isinulat naman ni Aurelio Tolentino ang dulang Bagong Kristo (1907), kung saan naglalarawan ito ng tunggalian ng mayayaman, gubyerno at simbahan laban sa mga manggagawa. Masasabing ito ang naghawan ng landas upang maisulat ni Lino Gopez Dizon ang Pasion Ding Talapagobra (Pasyon ng mga Manggagawa) na lumaganap sa Pampanga noong 1936 at pumalit sa tradisyunal na pasyon. Dito, ang manggagawa ang bagong Kristong nagpapasan ng kurus ng kahirapan na naghahanap ng katarungan sa lipunan.

Kakikitaan naman ng mga sosyalistang adhikain ang mga nobelang Luha ng Buwaya (1962) at Mga Ibong Mandaragit (1969) ng national artist na si Gat Amado V. Hernandez.

Nauna rito, nariyan din ang panitikang Katipunero na sinulat nina Gat Andres Bonifacio at Gat Emilio Jacinto. Sa aklat na Panitikan ng Rebolusyon(g 1896) ni Virgilio S. Almario, may siyam na sulatin si Bonifacio (1 tulang Kastila, 5 tulang Tagalog, 1 dekalogo, 2 sanaysay) habang si Jacinto naman ay may anim na akda at isang koleksyon (2 pahayag, 1 tulang Kastila, 1 maikling kwento, 2 sanaysay, at ang koleksyong "Liwanag at Dilim" na may 7 sanaysay). Bagamat hindi direktang litaw sa mga akdang Katipunero ang kaisipang sosyalista, mababanaag naman dito ang sinapupunan ng sosyalistang literatura.

Naputol ang ganitong mga akdang sosyalista nang lumaganap ang mga nasyonalistang panitikan matapos ang digmaan laban sa Hapon, noong diktaduryang Marcos, hanggang sa ngayon. Katunayan, bihira nang makakita ng mga panitikang sosyalista pagkat ang laganap ngayon sa mga tindahan ng aklat ay mga makabayang panitikan at iba't ibang pocketbooks na tumatalakay sa pag-ibig, katatakutan, aksyon, atbp. Ngunit ang mga panitikang seryosong tumatalakay sa tunggalian ng uri sa lipunan ay bihira. Nalalagay lamang ang mga ito sa mga aklat-pangkasaysayan at aklat-pampulitika na ang karaniwang nagbabasa ay mga intelektwal, at hindi ang masa. Gayong dapat na ang masa ang pangunahing magbasa ng mga ito para sa paglaya mula sa kahirapan at para sa pagnanasa nilang pagbabago sa lipunan.

Kailangan ng mga bagong panitikang sosyalista sa panahong ito. At ito ang hamon sa mga manunulat ngayon: angipagpatuloy ang pagpapalaganap ng mga sosyalistang panitikan na magsisilbing giya sa mga kabataan at manggagawa ng susunod na henerasyon.