Ipinapakita ang mga post na may etiketa na mga sanaysay ng pagbangon. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na mga sanaysay ng pagbangon. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Agosto 25, 2014

Paunang Salita sa aklat na Mga Sanaysay ng Pagbangon

PAGMULAT AT PAGBANGON!

"Hindi ang lahat ay nakatulog sa kapanahunan ng ating mga ninuno!" Ito'y ayon kay Pilosopo Tasyo sa Kabanata 25 ng Noli Me Tangere ni Gat Jose Rizal. Sinabi ito ni Pilosopo Tasyo nang mapuna ni Crisostomo Ibarra ang kanyang isinusulat sa baybayin (o unang sistema ng panulat ng ating mga ninuno), na tinawag na hiyeroglipiko ni Ibarra. Makahulugan ang sinabing ito ng matanda na nauukol pa rin hanggang sa panahong ito.

Siyang tunay. Mahirap matulog sa gitna ng panganib, sa gitna ng pagsasamantala ng naghaharing uri, sa gitna ng pananalasa ng bulok na sistema, sa gitna ng pagyurak sa dangal ng bayan, sa gitna ng kawalan ng paggalang sa karapatang pantao ng bawat isa. Ngunit mas mahirap ang nagtutulug-tulugan. Tulad din ng mahirap ang magbulag-bulagan sa harap ng nagdudumilat na katotohanan ng karukhaan at kawalang katarungan. Tulad din ng mahirap ang magbingi-bingihan sa kabila ng dinig na dinig ang mga bulong ng pasakit, mga hinaing at hikbi ng mga nahihirapan at pinagsasamantalahan. Tanda ng kawalang pakialam sa kapwa ang pagtutulug-tulugan, at mas nais pang kunwari'y umidlip upang hindi mapansin ang mga suliranin sa paligid. Hindi lahat ay natutulog dahil may panahon ng pagbangon kahit sa kailaliman ng gabi upang iligtas ang bayan, ang kapwa, ang uri.

Ngunit sa paghikab, dahil na rin sa pagod sa maghapon, ay natutuluyan na tayong makatulog at managinip.

Pag hindi maganda ang ating panaginip, magmumulat agad tayo upang ang hininga'y habulin. Pagkat ang pangit na panaginip ay maaaring magdulot ng bangungot. Pangit ang ating mga nararanasan sa kasalukuyang sistema ng lipunan, kaya dapat tayong mamulat at magbangon upang palitan ito ng sistemang ang bawat isa'y magbibigayan ng ngiti, upang magkaroon ng sistemang wala nang pagsasamantala ng tao sa tao.

Magmumulat tayo't babangon upang yakapin ang isang magandang adhikain. Ang mabuting layunin para sa mas nakararami ay hindi kinakailangang balutan pa ng baluktot at tiwaling gawain.

Ang mga sanaysay na tinipon sa aklat na ito'y bunga ng mga siphayo, danas at pangarap upang magkaroon ng katiwasayan ang puso't isip, upang magbahagi sa kapwa, upang mamulat at bumangon din ang iba mula sa bangungot ng karukhaan dulot ng kapitalista't elitistang sistema na siyang naghahari sa kasalukuyang lipunan. Ang mga sanaysay na narito'y ambag sa kasalukuyan at mga susunod pang salinlahi, at siyang dahilan upang balikatin natin ang tungkuling baguhin ang lipunan at magkaisa tayo tungo sa tunay na kaunlaran ng lahat tungo sa pagpawi ng mga uri ng tao sa lipunan, upang magkaroon ng pantay na karapatan at mawala na ang pagsasamantala ng isa sa kanyang kapwa. Dapat ay hindi lamang iilan sa lipunan ang nagtatamasa kundi lahat ng mamamayan. Dapat wala nang sanlaksang dukha at iilang nagtatamasa sa yaman ng lipunan.

Nawa'y makatulong munti man ang mga sanaysay na narito sa ating pagbangon mula sa matagal na pagkakaidlip.


GREGORIO V. BITUIN JR.
Agosto 25, 2014

Biyernes, Agosto 8, 2014

Dalawang Jose, Dalawang Bayani

DALAWANG JOSE, DALAWANG BAYANI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nanalasa ang bagyong Jose sa bansa nitong nakaraang linggo. Kasagsagan ng bagyong Jose ay pinatutugtog naman ang Lolo Jose sa radyo, isang awitin ng pagmamahal ni Coritha sa kanyang matanda. Hanggang sa pumasok sa aking isipan ang dalawang bayaning may pangalang Jose.

Nakilala ko si Rizal noong elementarya, at sa maraming dako ay may makikita kang rebulto ni Rizal sa Maynila, habang nakilala ko si Marti noong ako'y maging aktibista, at minsan ay nakakadalo sa talakayan ng samahang Philippine-Cuba Friendship Association, sa panahong may embahada pa ang Cuba dito sa Pilipinas. Sino nga ba ang dalawang Joseng ito at sino ba sila sa atin?

Pambansang bayani ng Cuba si Jose Marti. Pambansang bayani naman ng Pilipinas si Jose Rizal. Pareho silang makata at manunulat sa panahong sakop ng bansang España ang kani-kanilang bansa. Pareho silang naghangad na mapalaya ang kanilang bansa mula sa pananakop ng mga Kastila.

Si Jose Marti ay isinilang sa Havana, Cuba noong Enero 28, 1853. Si Jose Rizal ay isinilang sa Calamba, Laguna noong Hunyo 19, 1861. Si Jose Marti ang panganay sa walong magkakapatid; si Jose Rizal ay pampito sa labing-isang magkakapatid.

Pareho silang may napakaraming kapatid na babae. Pitong babae ang kapatid ni Marti. Siyam na babae ang kapatid ni Rizal.

Pareho silang pintor at iskultor. Si Jose Marti ay nag-aral sa Professional School for Painting and Sculpture. Si Jose Rizal naman ay natuto ng pagpipinta sa ilalim ng sikat na pintor na Kastilang si Agustin Saez, at ng paglililok sa ilalim ng gabay ni Romualdo de Jesus.

Pareho silang nagsulat ng dula sa wikang Kastila. Isinulat ni Jose Marti ang "Amor con amor se paga".(Love is Repaid with Love). Isinulat naman ni Jose Rizal ang "El Consejo de los Dioses" (Council of the Gods) na inilathala sa Maynila ng Liceo Artistico Literario de Manila noong 1880, at sa La Solidaridad noong 1883.

Pareho silang makata, at nagsulat ng mga tula sa wikang Kastila. May tatlong kalipunan ng tula si Marti, at ito ang Ismaelillo (1882), ang Versos sencillos (1891), at  Versos libres, na pawang sinulat noong dekada ng 1880, ngunit nailathala lamang noong 1913. Noong Oktubre 4, 1882, hinilingang tumula si Rizal ng mga kasapi ng Circulo Hispano-Filipino, kaya tinula ni Rizal sa harapan nila ang kinatha niyang "Me piden versos" sa pulong na ginanap sa bahay ng isang Pablo Ortiga y Rey. Nagsulat ng tula si Rizal sa iba't ibang lugar na kanyang napuntahan. Tinalakay naman ni Rizal ang Arte Metrica del Tagalog (Ang Sining ng Tugma at Sukat sa Tagalog) na kanyang binigkas sa wikang Aleman (at isinalin niya kalaunan sa Espanyol) sa Sociedad Etnografica sa Berlin noong Abril 1887, at inilathala ng naturang samahan sa taong ding iyon.

Pareho silang may tulang pinaghalawan ng awit. Bahagi ng tula ni Jose Marti sa kanyang aklat na "Versos Sencillos" (Simple Verses) ay ginawang awit, ang "Guantanamera" na naging makabayang awitin ng Cuba. Ang dalawang taludtod ng tulang Sa Aking Mga Kabata, na umano'y isinulat ni Jose Rizal noong siya'y bata pa, ay ginamit sa isang sikat na awitin ni Florante. Ayon sa awiting Ako'y isang Pinoy ni Florante: "Si Gat Jose Rizal nuo’y nagwika, siya ay nagpangaral sa ating bansa, ang hindi raw magmahal sa sariling wika, ay higit pa ang amoy sa mabahong isda." Gayunman, may mga bagong saliksik ngayon na nagsasabing hindi kay Rizal ang tulang Sa Aking Mga Kabata. Magandang sangguniin hinggil sa usaping ito ang aklat na Rizal: Makata ni Virgilio S. Almario, pambansang alagad ng sining para sa panitikan.

Pareho silang nagsulat ng kwentong pambata. Inilathala ni Jose Marti ang La Edad de Oro, na isang magasing pambata, habang sinulat naman ni Jose Rizal ang mga kwentong Ang Pagong at ang Matsing, at ang kwentong Apoy at Gamugamo.

Pareho silang nagsulat sa pahayagan. Si Jose Marti ay nagsulat sa mga pahayagang Opinión National (ng Caracas, Venezuela), La Nación (ng Buenos Aires sa Argentina), New York Sun, El Partido Liberal, La República, El Economista Americano, at La Opinión Pública. Nagsulat din siya sa mga pahayagang lihim na El Diablo Cojuelo at La Patria Libre. Ang artikulong "Amor Patrio" ni Rizal ay nalathala sa Diaryong Tagalog, at bilang isa sa mga haligi ng kilusang propaganda, ay nagsulat siya ng mga artikulo sa La Solidaridad na nakabase sa Madrid sa España.

Pareho silang naging tagasalin (translator). Isinalin ni Jose Marti ang Mes Fils (Aking Mga Anak) ni Victor Hugo, mula sa wikang Pranses tungo sa Wikang Kastila, at ito ang Mis Hijos. Ang Ramona ni  Helen Hunt Jackson na nasa wikang Ingles ay isinalin ni Marti sa Espanyol. Isinalin din ni Marti ang mga teksto mula sa larangang diplomatiko, pilosopiya, kasaysayan, panitikan at pulitika. Isinalin naman ni Jose Rizal ang dulang William Tell mula sa wikang Aleman sa wikang Tagalog. Isinalin din ni Rizal sa wikang Kastila mula sa wikang Aleman ang kanyang Arte Metrica del Tagalog, na nabanggit na sa unahan. Ang Karampatan ng Tawo  ay salin umano ni Rizal noong siya’y nasa Hongkong ng Declaration of the Rights of Man and the Citizen ng Rebolusyong Pranses. May salin umano si Rizal mula sa wikang Kastila tungo sa wikang Ingles ng Sucesos de las Islas Filipinas (Events in the Philippine Islands) ni Antonio Morga noong 1890, kasama ang kanyang anotasyon.

Pareho silang kumuha ng espesyal na pag-aaral upang maging propesyunal. Si Jose Marti ay kumuha ng abugasya at nagtapos ng pagkaabogado. Si Jose Rizal naman ay kumuha ng medisina at nabigyan ng Licentiate in Medicine noong Enero 21, 1884, ngunit hindi nagawaran ng diploma sa pagka-doktor dahil hindi niya naipasa ang tesis na kinakailangan sa gradwasyon. Nag-espesyalisa siya sa optalmolohiya sa Paris at Alemanya upang magamot niya ang mata ng kanyang ina.

Pareho silang naglakbay sa iba't ibang bansa. Naglakbay si Jose Marti sa Mexico, Guatemala, Amerika, Haiti at Dominican Republic. Naglakbay naman si Jose Rizal sa España, Singapore, Pransya, Colombo, Hongkong, Japan, Alemanya, Belgium, at Switzerland.

Pareho silang nag-asawa ng dayuhan. Napangasawa ng Cubanong si Jose Marti si Carmen Zayas ng Guatemala, at ikinasal sila noong 1877. Napangasawa naman ng Pilipinong si Jose Rizal si Josephine Bracken ng Britanya, at ikinasal sila ilang oras bago bitayin si Rizal.

Pareho rin silang nagkaroon ng isang anak na lalaki. Pinangalanang Jose ang anak ni Jose Marti at nabuhay ito ng matagal. Namatay naman ang anak ni Jose Rizal ilang araw matapos itong isilang. Pinangalanang Francisco ang bata bilang paggunita sa kanyang ama.

Kapwa nila ipinahayag ang dalamhati sa mga pinaslang na mahahalagang tao sa kasaysayan. Si Jose Marti ay sa pagkapaslang kay Abraham Lincoln, habang si Jose Rizal ay sa pagbitay sa tatlong paring Gomburza, kung saan niya inalay ang kanyang nobelang El Filibusterismo.

Pareho rin silang nag-organisa ng samahan. Itinatag ni Jose Marti noong 1892 ang Cuban Revolutionary Party (Partido Revolutionario Cubano). Itinatag naman ni Jose Rizal nang taon ding iyon, Hulyo 3, ang La Liga Filipina, ngunit siya'y dinakip na ng mga Kastila. Apat na araw matapos maitatag ang La Liga Filipina ay naitatag nina Andres Bonifacio ang Katipunan.

Parehong napiit at ipinatapon sina Jose Marti at Jose Rizal. Si Jose Marti ay sinentensyahang mabilanggo ng anim na taon ng matinding paggawa (hard labour). Dahil sa tulong ng kanyang mga magulang, napaikli ang kanyang sentensya, ngunit pinatapon siya sa bansang España. Si Jose Rizal naman ay ibinilanggo sa Fort Santiago mula Hulyo 6, 1892 hanggang Hulyo 15, 1892 bago siya ipinatapon sa Dapitan. Muli siyang ikinulong sa Fort Santiago noong Nobyembre 3, 1896 hanggang sa umaga ng kanyang kamatayan noong Disyembre 30, 1896.

Pareho silang kinilala ng mga lumalaban sa kasalukuyang sistema ng lipunan. Kinilala si Jose Marti ng rebolusyonaryong si Fidel Castro. Si Jose Rizal naman ay kinilala ng mga anarkistang Pilipino, dahil sa bida niyang si Simoun na nais pasabugin, sa pamamagitan ng regalong lampara, ang pagtitipon sa isang bahay bilang hudyat ng isang pag-aalsa ng taumbayan.

Pareho nilang hinarap ang kanilang kamatayan at namatay sa tama ng bala. Noong Mayo 19, 1895, napatay si Marti habang nakikipaglaban sa mga pwersang Kastila sa Dos Rios kung saan pinangunahan niya ang paglusob. Hinarap naman ni Jose Rizal ang kanyang kamatayan sa Bagumbayan noong Disyembre 30, 1896.

Anupa't sina Jose Marti at Jose Rizal ay kinilala ng kani-kanilang kababayan. Marami silang pagkakapareho ngunit marami ring pagkakaiba.

Pareho silang ginawang simbolo ng pakikibaka sa kani-kanilang bansa. Kasama si Marti ng mga rebolusyonaryong Cubanong sina Heneral Maximo Gomez at Heneral Antonio Maceo sa pakikipaglaban upang mapalaya ang Cuba sa kamay ng mga Kastila. Upang madali namang magkakilanlanan ang mga Katipunero, bukod sa Gomburza'y ginamit nilang koda (password) ang Rizal. Subalit hindi naging lider ng rebolusyon si Rizal. Sa katunayan, itinakwil niya ang rebolusyon, lalo na ang kilusan nina Bonifacio at ng mga Pilipinong lumaban upang matamo ang kalayaan.

Si Jose Marti ay kinilalang pambansang bayani ng Cuba. Si Jose Rizal ay kinilalang pambansang bayani ng Pilipinas, ngunit maraming nagsasabing siya ay American-sponsored hero, dahil tinanggihan niyang maging pinuno ng rebolusyon para sa kalayaan ng bayan. Gayunman, hindi matatawaran ang tapang at kabayanihan ni Rizal sa ginawa niyang pagharap sa mga balang ipinutok sa kanya.

Narito ang ilang tula nina Jose Marti at Jose Rizal hinggil sa pagmamahal nila sa kanilang bansa, na aking isinalin sa wikang Filipino.


NABUHAY AKO BAGAMAT AKO'Y NAMATAY (Tula 26)
ni Jose Marti
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Nabuhay ako bagamat ako'y namatay
Na nagpapahayag ng mahusay kong tuklas
Sapagkat kagabi'y aking naging patunay
Pagmamahal ang pinakamagandang lunas.

Kapag tinimbang sa kurus, ang isang tao
Ay resolbadong mamatay para sa wasto
Gagawin niya ang lahat ng kabutihan
At uuwing pinaliguan ng liwanag.


PINAG-ISA TAYO NG CUBA
ni Jose Marti
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Pinag-isa tayo ng Cuba sa dayong lupa,
Banaag sa Cuba yaring awit ng pagsinta:
Cuba ang iyong puso, aking langit ang Cuba
Sa iyong aklat, ang Cuba ang aking salita.


AWIT NI MARIA CLARA
ni Jose Rizal
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Kaytamis ng mga oras sa bayang tinubuan,
kung saan magiliw yaong araw na kumikinang
Simoy yaong buhay na winawalis yaong parang
ang pagsinta’y magiliw, tahimik ay kamatayan.

Naglalaro sa mga labi'y mainit na halik
habang nakaharap sa aming ina kami'y gising
pinapangarap siyang yapusin ng mga bisig
mga mata'y ngumiti habang sila'y nakatitig

Kaytamis kung mamamatay sa bayang tinubuan,
kung saan magiliw yaong araw na kumikinang!
Simoy yaong kamatayan sa sinumang nilalang
na walang pag-ibig, walang ina, at walang bayan!

Pinaghalawan:

http://www.poemhunter.com/jose-rizal/
http://www.poemhunter.com/jose-marti/
http://allpoetry.com/
http://www.kirjasto.sci.fi/josemart.htm
http://www.translationdirectory.com/articles/article1670.php
Bagong Kasaysayan, Lathalain Blg. 6, p. 48

Lunes, Enero 20, 2014

Ang awiting "Dakilang Guro: Teodoro Asedillo" sa Concert at the Park

ANG AWITING "DAKILANG GURO: TEODORO ASEDILLO" SA CONCERT AT THE PARK
 ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makabagbag-damdamin ang pag-awit ng tulang "Dakilang Guro: Teodoro Asedillo" sa Concert at the Park noong Enero 19, 2014.

Ang tulang iyon ay hiniling ng ka-facebook kong si Joel Costa Malabanan matapos kong i-upload sa facebook ang ilang litrato hinggil sa pagdalaw ko at ng aking mga kasamahan sa bahay ni Lola Rosa, ang bunsong anak ni bayaning si Teodoro Asedillo noong Enero 5, 2014. Isa si Ka Joel sa nakabasa ng aking artikulong "Teodoro Asedillo: Dakilang Guro, Lider-Manggagawa, Bayani" sa aking blog. Ang artikulong iyon, na sinulat ko noong 2006 ay nalathala na sa magasing Tambuli ng Dakilang Lahi noong 2006 at sa magasing Ang Masa noong Marso 2012.

Nang hinilingan ako ng tula hinggil kay Asedillo upang lapatan niya ng musika, agad ko iyong pinaunlakan. Ilang araw din bago ko iyon nagawa. At nang sa palagay ko'y maayos na ang tula ay agad kong ipinadala sa kanya.

Narito ang aking tula:

TEODORO ASEDILLO, DAKILANG GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kabutihang asal ang pinatimo
nasa wikang taal ang tinuturo
magagandang diwa'y ipinapayo
sa mag-aaral ay mabuting guro

ngunit mga Kano'y sakdal-bagabag
wikang Ingles ang pilit nilalatag
gurong si Asedillo'y di pumayag
sa harap ng Kano'y naging matatag

bakit wikang dayo ang gagamitin?
at ang sariling wika'y aalisin?
banyaga na ba ang dapat tanghalin?
wikang sarili ba'y wikang alipin?

edukasyon noon pa'y pinaglaban
na ito'y dapat umangkop sa bayan
ngunit si Asedillo pa'y nawalan
ng trabaho kahit nasa katwiran

kawalang katarungan ang nangyari
ngunit siya'y patuloy na nagsilbi
di sa eskwela kundi sa marami
inalay ang buhay sa masang api

o, Asedillo, dakila kang guro
halimbawa mo'y nasa aming puso
bayani kang tunay sa ating pulo
at liwanag ka sa maraming dako

May ilang dinagdag si Ka Joel upang lumapat sa tono. Gayunman, halos 95% naman, ayon sa kanya, ang nanatili. Narito ang buong liriko ng awit:

DAKILANG GURO : TEODORO ASEDILLO,
Titik ni ni Gregorio V. Bituin Jr. (11 pantig bawat taludtod)
Musika ni Joel Costa Malabanan

Intro: D – A –Bm – G – (2x)

Kabutihang asal ang pinunla mo
At wikang taal ang itinuturo
Makabayang diwa'y ipinapayo
Sa mag-aaral ay mabuting guro

Ngunit mga Kano'y sakdal-bagabag
Wikang Ingles ang pilit nilalatag
Gurong si Asedillo'y di pumayag
Sa harap ng dayo'y naging matatag

Bakit wikang dayo ang gagamitin?
At ang sariling wika'y aalisin /
Banyaga nga ba ang dapat tanghalin?
Wikang sarili ba'y wikang alipin?

Edukasyon noon pa'y pinaglaban
Na ito'y dapat umangkop sa bayan
Ngunit si Asedillo’y tinanggalan
Ng trabaho kahit nasa katwiran

Kawalang katarungan ang nangyari
Ngunit siya'y patuloy na nagsilbi
Di sa eskwela kundi sa marami
Inalay ang buhay sa masang api

Bakit wikang dayo ang gagamitin?
At ang sariling wika'y aalisin?
Banyaga nga ba ang dapat tanghalin?
Wikang sarili ba'y wikang alipin?

O, Asedillo, dakila kang guro
Halimbawa mo'y nasa aming puso
Bayani kang tunay sa ating pulo
At liwanag ka sa maraming dako

Bakit wikang dayo ang gagamitin?
At ang sariling wika'y aalisin?
Banyaga nga ba ang dapat tanghalin?
Wikang sarili ba'y wikang alipin?

Ang ating bayan ay ating gisingin
At ating isipan ay palayain!
Gurong Dakila ngayo’y kilalanin
Si Asedillo ay alalahanin!


Magsisimula na ang palatuntunan nang ako'y dumating. Pinatayo kaagad kami upang awitin ang Pambansang Awit ng Pilipinas. Nasa bandang gitna lamang ako upang kita ko ang buo, habang ang ibang may pyesa ring aawitin ay nasa bandang unahan. Naka-LCD projector ang mga liriko ng awit upang masundan ng mga tao.

May namimigay ng papel hinggil sa programa ng gabing iyon, at dahil malayo ako sa namimigay ng papel ay ako na mismo ang lumapit sa kanya at humingi. Naisip ko na hindi maaaring wala ako ng palatuntunang iyon, dahil isa iyong ebidensyang maaari kong ipagmalaki na minsan man sa buhay ko ay inawit ang isa kong tula sa Concert at the Park.

Ito ang nakasulat sa palatuntunang ipinamigay sa mga dumalo roon:

Concert at the Park presents "MAESTRO"
Tampok sina Joel Costa Malabanan at Ferdinand Pisigan Jarin, mga gurong musikero
Ika-6:00 ng gabi, Linggo, 19 Enero 2014
Open Air Auditorium, Rizal Park, Maynila

Ang Maestro ay binubuo ng dalawang gurong musikerong sina Ferdinand Pisigan Jarin at Joel Costa Malabanan. Kapwa sila propesor ng Kagawaran ng Filipino sa Philippine Normal University. Nabuo ang Maestro noong ika-1 ng Pebrero, 2012 at nakapagtanghal na sa mga konsyerto sa iba't ibang pamantasan gaya ng UST, DLSU Taft at sa PNU. Huling nagtanghal ang MAESTRO sa Paco Park Presents noong Nobyembre 15, 2013.

Si Ferdinand Pisigan Jarin ay naging script-contributor ng pambatang-programang Batibot at tatlong ulit nang nagawaran ng Don Carlos Palanca Award for Literature para sa dulang may isang yugtong "Sardinas" noong 2001, sanaysay na "Anim na Sabado ng Beyblade" noong 2005 at sa sanaysay na "D 'Pol Pisigan Band" noong 2010. Si Joel Costa Malabanan naman ay nagwagi sa mga textula tulad ng DALITEXT AT DIONATEXT at Tulaan sa Facebook. Noong 2010 ay nagkamit siya ng karangalang banggit sa Talaang Ginto.

Ang musika ng MAESTRO ay sumasalamin sa kanilang mga karanasan bilang mga guro at sa kanilang mga pananaw hinggil sa mga isyung panlipunan. Nasa anyo ito ng folk, reggae at rock subalit higit na dapat pagtuunan ang mensahe ng kanilang mga awit. Para sa pagtatanghal, makakasama nila si Nico Evangelista sa lead guitar at si Aji Adiano sa persecussion.

PROGRAMA

Julian Felipe - PAMBANSANG AWIT

Joel Costa Malabanan - A KINSE
Ferdinand Pisigan Jarin - DIYARYO
Joel Costa Malabanan - PAG HINDI NA PUMAPATAK ANG ULAN
Ferdinand Pisigan Jarin - LANGIT
Joel Costa Malabanan - AWIT KAY MACARIO SAKAY
Ferdinand Pisigan Jarin - MALAMANG
G. Bituin Jr. / J. C. Malabanan - DAKILANG GURO: Teodoro Asedillo
Ferdinand Pisigan Jarin - TULOY, TULOY, TULOY
M. Coroza / J. C. Malabanan - SA GABI NG KASALA
Ferdinand Pisigan Jarin - SUKATAN
B. Basas / F. Pisigan Jarin - PAGLIKHA NG BAGONG DAIGDIG
Joel Costa Malabanan - SPEAK IN ENGLISH ZONE
Joel Costa Malabanan - NAPAGTRIPAN LANG
G. R. Cruz / F. Pisigan Jarin - KAPAG UMIBIG KA
Joel Costa Malabanan - SIYAM-SIYAM

Concert at the Park, isang proyektong pangkultura ng Department of Tourism, Sec. Ramon R. Jimenez, Jr.

at ng
National Parks Development Committee
Elizabeth H. Espino
Punong Tagapagpaganap

Rhea J. Dela Ostia, taga-ulat

Matapos ang palatuntunan ay kinamayan ko si Ka Joel Costa Malabanan. Naroon din ang kaibigang Benjo Basas, pangulo ng Teachers Dignity Coalition (TDC), na hiniraman ko ng isangdaang piso para makabili ng CD, dahil pamasahe lang ang meron ako ng mga panahong iyon. HIndi ako nakabili ng CD dahil wala pa pala roon ang awit kay Asedillo, at hindi pa raw niya nairerekord. Sa Enero 21, 2014 kasi ay ika-79 na kaarawan ni Lola Rosa, ang anak na babae ng bayaning Teodoro Asedillo, na plano naming puntahan ng aking mga kasama.

Gayunman, wala mang CD, isang malaking kagalakan na ang isa kong tula ay ginawang awitin at inawit mismo sa Concert at the Park sa Luneta noong Enero 19, 2014.

Maraming salamat. Mabuhay ka, Ka Joel Costa Malabanan, at nawa'y magpatuloy ka pa sa iyong magagandang layunin para sa sambayanan.



Miyerkules, Nobyembre 27, 2013

Ang mga mapagpalayang awiting "Bayan Ko" at "Lipunang Makatao"


ANG MGA MAPAGPALAYANG AWITING "BAYAN KO" AT "LIPUNANG MAKATAO"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang awiting "Bayan Ko" at "Lipunang Makatao" ang dalawa sa mga paborito't mapagpalayang awiting inaawit sa maraming pagtitipon. Ang "Bayan Ko" ay popular sa pagtitipon ng mga aktibista, lalo na yaong nasa kilusang makabayan. Ang "Lipunang Makatao" naman ay popular sa pagtitipon ng mga manggagawa't dukha, lalo na yaong nasa kilusang sosyalista.

Dalawang awiting mapagpalaya. Dalawang awiting dapat isapuso at kantahin ng sinumang mapagmahal sa kalayaan at ayaw sa lipunang mapagsamantala.

Ang awiting "Bayan Ko" ay isa sa mga tula ng makatang Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute, at naging Hari ng Balagtasan. Ang awiting ito'y nalathala sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, na pinamatnugutan ni Virgilio S. Almario, na nasa pahina 184-185.

Ayon sa talababa blg. 63 sa nasabing aklat, na nasa pahina 200: "Ang pagtaya na sinulat ang titik ng awit na ito sa taong 1929 ay batay sa isang sipi ng musikang nasa pag-iingat ng balo ni Corazon at limbag ng Perlas Music Store, Bustos, Maynila."

BAYAN KO
ni Jose Corazon de Jesus


Ang bayan kong Pilipinas,
Lupain ng ginto't bulaklak;
Pag-ibig ang sa kanyang palad,
Nag-alay ng ganda't dilag.

At sa kanyang yumi at ganda,
Dayuhan ay nahalina;
(Bayan ko ay binihag ka,
Nasadlak sa dusa!)

Ibon mang may layang lumipad,
Kulungin mo at umiiyak;
Bayan pa kayang sakdal dilag
Ang di magnasang makaalpas...

Pilipinas kong minumutya,
Pugad ng luha ko't dalita,
Aking adhika:
Makita kang sakdal laya!


Ang "Lipunang Makatao" naman ay mula sa panulat ng isang Resty Domingo na nagwagi sa unang gantimpala sa timpalak sa awit na pinamahalaan ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) noong 1988. Ito'y nilagyan ng himig nina Mar Laguna, Bobet Mendoza, Joey Asidera, at Elena Cruz. Ang instrumentalista ay sina Noel Cabangon para sa gitara (nylon, steel), synthesizer, (strings); Angelo Villegas para sa gitara (bass); at Rene Santos para sa drum set. Ang umawit naman nito ay si Razel Amisola para sa solo at ang grupong Teatro Pabrika para sa koro.

Ang liriko ng awiting ito ay sinipi mula sa cover ng cassette tape album na pinamagatang "Haranang Bayan", na inihandog ng Teatro Pabrika sa pakikipagtulungan ng Philippine Educational Theater Association (PETA), na inilunsad noong mga unang bahagi ng 1990s.

LIPUNANG MAKATAO
ng Teatro Pabrika


Solo:
Luha'y dumadaloy sa mugto mong mga mata
Larawan mo'y kalungkutan at kawalan ng pag-asa
Magagandang pangarap sa buhay mo'y di makita
Nabubuhay ka sa panahong mapagsamantala.

Koro:
Gumising ka, kaibigan, ang isip mo'y buksan
Dapat mong tuklasin ang tunay na kadahilanan
Bakit may naghihirap na gaya mo sa lipunan
At sa dako roo'y hanapin ang kasagutan.

Tama ka, kaibigan, sila nga ang dahilan
Ang mapagsamantalang uri sa lipunan
Likhang yaman natin, sila ang nangangamkam
Na dapat mapasaatin at sa buong sambayanan.

Koro:
Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya
Panahon nang wakasan ang pagsasamantala
Sa diwa ng layunin tayo'y magkaisa
Lipunang makatao'y itindig ng buong sigla
Buong Sigla.

(Instrumental)
(Acapela ng koro)
(Ulitin ang koro kasama ng instrumento)

Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya.


Ang awiting "Lipunang Makatao" dahil na rin sa mapagpalayang nilalaman nito ay mas dapat kantahin sa maraming pagtitipon o pagkilos, tulad ng rali, konsyerto, talakayan, pulong-bayan, atbp. Dapat itong maisapuso, tulad ng pagsasapuso ng awiting "Bayan Ko".

Ang "Bayan Ko" ay hinggil lamang sa pagmamahal sa bayan, at ang nakikitang suliranin batay sa liriko ng awitin ay dayuhan. At upang lumaya ay dapat mawala ang mga dayuhan. Kaibang-kaiba ang awiting "Lipunang Makatao" na ang nakikitang suliranin ay ang mapagsamantalang uri sa lipunan, at hindi lang simpleng dayuhan.

Ang "Bayan Ko" ay pambansa. Ang "Lipunang Makatao" ay pandaigdigan. Ang "Bayan Ko" ay laban sa dayuhan. Ang "Lipunang Makatao" ay laban sa uring mapagsamantala. Sa "Bayan Ko", lalaya lang tayo kung mapapalayas na ang mga dayuhan, kahit naririyan ang mga Pilipinong naghaharing uri't nagsasamantala. Sa "Lipunang Makatao", lalaya tayo kung mawawala, hindi lang ang mga dayuhan, kundi higit pa roon, ay mawala ang mga Pilipinong naghaharing uri at nagsasamantala, at tuluyan nang mawakasan ang pagsasamantala ng tao sa tao. Ang "Bayan Ko" ay kinagigiliwang awitin ng mga aktibista at ng mga panggitnang uri sa lipunan, lalo na sa mga pagtitipon, tulad ng anti-pork barrel, anti-PDAF at anti-DAP. Ang "Lipunang Makatao" ay tiyak na aawitin ng mga aktibista ngunit hindi pa ng mga panggitnang uri sa lipunan.

Gayunman, hindi natin dapat paglabanin o pagpilian kung alin ang magandang awitin o magaling sa dalawa, dahil pareho silang mapagmulat at dapat nating awitin. Hindi dapat "Bayan Ko" lamang dahil hindi naman natatapos ang suliranin ng bayan pag napalayas na ang dayuhan. Dapat na taos-puso rin nating awitin ang "Lipunang Makatao" dahil hindi lamang dayuhan ang problema, kundi mga kababayan din, at higit sa lahat, ang sistemang mapagsamantala. Ayon nga sa awitin, panahon nang wakasan ang pagsasamantala, at tayo'y magkaisa't magsama-sama upang kamtin ang dakilang adhikaing ito, hindi lang para sa kasalukuyan, kundi para sa kinabukasan, at para sa mga susunod pang henerasyon.

Magandang pagnilayan natin ang kaibahan ng bayan at lipunan sa nakasulat sa aklat na "Puhunan at Paggawa" ni Ka Popoy Lagman:

"Marami ang nag-aakalang ang “bansa” ang mismong “lipunan”. Ito ang turo ng gubyerno at iskwelahan. Kung ang “lipunan” ay siya mismong “bansa”, natural, hindi na pag-uusapan kung gusto nating maging myembro. Pero ang “bansa” at “lipunan” ay di iisa’t parehas na bagay. Ang “bansa” ay binubuo ng nagkakaisang lahi. Ang “lipunan” ay binubuo ng magkakaibang uri. Wala sa lahi ang pagkakaiba sa uri. Wala sa dugo ang tatak ng uri. Wala sa kalikasan ng bansa kundi nasa sistema ng lipunan. Walang kinalaman ang ating pagiging Pilipino sa pagiging manggagawa o kapitalista ng sinuman sa atin. Mayaman o mahirap, tayo’y Pilipino. Isinilang sa isang bansa. May diwa ng isang lahi. Pero sa loob ng pagawaan o plantasyon, balewala ang pagiging magkababayan. Pati pagkamakatao. Ang nangingibabaw ay ang pagkakaiba sa uri, ang relasyong makauri."

Mungkahi kong sa bawat mapagpalayang pagtitipon ay hindi lamang "Bayan Ko" ang inaawit kundi huwag ding kalimutang awitin ang "Lipunang Makatao" upang mas maipatagos pa natin sa mas marami pa na hindi lamang pagmamahal sa bayan ang mahalaga, kundi ang pagpawi sa uring mapagsamantala at pagtatayo ng isang lipunang makatao.

Halina't awitin natin ang dalawang mapagpalayang awiting ito sa maraming pagtitipon, at ipaabot din natin sa mas marami pa ang kahulugan at kahalagahan ng dalawang ito sa kamulatan ng bawat isa tungo sa pagkakaroon ng mas maunlad na pagbabago sa bansa at sa lipunan, nang kasama ang lahat sa pag-unlad at hindi lamang ang iilan.

Lunes, Hunyo 10, 2013

Ang Dapat Gunitain ng Manggagawa sa Hunyo 12

ANG DAPAT GUNITAIN NG MANGGAGAWA SA HUNYO 12
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tradisyunal nang ginugunita ng pamahalaan, na kadalasan ay etsapuwera ang masa, ang taunang Hunyo 12, na sinasabi nilang Araw ng Kalayaan. Pero sa simpleng masa o ng karaniwang tao, ginugunita lamang nila ito bilang holiday, at hindi bilang araw ng paglaya. Marahil dahil alam din ng masa, lalo na ng manggagawa, na huwad ang kalayaang ito. Na ito'y paglaya sa Kastila at pagpapailalim sa Amerikano.

Maliwanag ito sa nakasulat sa Acta de Independencia, ang dokumentong nilagdaan ng maraming manghihimagsik bilang patunay umano ng deklarasyon ng kalayaan. Ayon sa dokumento, lumalaya ang Pilipinas mula sa bansang España upang magpailalim naman sa bansang Amerika. Ito ba ang kalayaan? Narito ang patunay: "And having as witness to the rectitude of our intentions the Supreme Judge of the Universe, and under the protection of our Powerful and Humanitarian Nation, The United States of America, we do hereby proclaim and declare solemnly in the name by authority of the people of these Philippine Islands, that they are and have the right to be free and independent; that they have ceased to have allegiance to the Crown of Spain; that all political ties between them are should be completely severed and annulled..." (http://www.msc.edu.ph/centennial/declaration.html)

Ikalawa, ang mga kulay ng iwinawagayway na bandila ng ating bansa ay batay mismo sa kulay ng watawat ng Amerika bilang pagtanaw ng utang na loob ng mga kabig ni Aguinaldo sa imperyalistang bansang iyon. Narito ang patunay: "and the colors of Blue, Red, and White, commemorating the flag of the United States of America, as a manifestation of our profound gratitude towards this Great Nation for its disinterested protection which it lent us and continues lending us." (http://www.msc.edu.ph/centennial/declaration.html)

May dapat mas gunitain at gawing pagkilos ang uring manggagawa sa Hunyo 12. Ito'y ang World Day Against Child Labor. (O Labour para sa mga bansang impluwensyado ng Ingles ng Britanya, dahil ang Labor ay ispeling sa mga bansang impluwensyado ng Ingles ng Amerika.) Ngunit marahil tatanungin ng manggagawa: Bakit child labor, pangkabataan iyan. Dapat isyu lang iyan ng mga batang manggagawa. 

Balikan din natin sila ng tanong: Ang isyu ba ng batang manggagawa ay isyu lang ng bata, o dahil may kakabit itong salitang manggagawa bilang pang-uri, ito'y isyu rin ng uring manggagawa? Taglisin natin: Ang isyu ba ng child labor ay isyu lang ng child, o isyu rin ito ng labor? Kaya ba may adjective na child sa child labor ay dahil isyu lang ito ng child?

Ang usapin ng child labor o ng mga batang manggagawa ay usapin din ng labor o ng paggawa / manggagawa. Mismong ang nagsabi nito'y ang International Labour Organization (ILO), isang pandaigdigang samahan ng mga manggagawa na nasa ilalim ng pamumuno ng United Nations. Patunay na rito ang deklarasyon ng ILO na ang Hunyo 12 ay gunitain bilang World Day Against Child Labour.

Ayon sa pahayagang Philippine Star nitong Mayo 1, 2013, Araw ng Pandaigdigang Paggawa, may lima't kalahating milyong (5.5M) batang manggagawa sa bansa, at may naitalang dalawang daan at labinglimang milyong (215M) batang manggagawa sa buong mundo, higit na dalawang ulit na malaki sa ating populasyon na 94M (2011 data).

"The Philippines has about 5.5 million child laborers (from five to 17 years old) with nearly three million of them doing hazardous tasks, a 2011 survey on children release by the National Statistics Office (NSO) showed. Globally, there are 215 million child laborers, with half of them doing hazardous work, according to the United Nations International Labor Organization (ILO)." http://www.philstar.com/business/2013/05/01/936783/phl-has-5.5-m-child-laborers
Batay pa sa ulat ng Philippine Star, ang ugat ng child labor ay ang kahirapan at kawalan ng disente at produktibong paggawa. "The root of child labor is directly linked to poverty and lack of decent and productive work."

Inilunsad ng International Labour Organization (ILO) ang kauna-unahang World Day Against Child Labour noong Hunyo 12, 2002 bilang paraan nila upang maiparating sa higit na nakararami ang kalagayan ng mga batang ito. Ang paglulunsad ng araw na ito'y ibinatay sa maraming deklarasyon at talakayan, tulad ng ILO Convention No. 182 hinggil sa masasamang anyo ng pagtatrabaho ng mga bata (worst form of child labour) at sa ILO Convention No. 138 hinggil sa minimum na edad ng pagtatrabaho. Ngayong 2013, ang tema ng paggunitang ito ay "No to child labour in domestic work!" Noong 2012, ang tema'y "Human rights and social justice... let's end child labour!"

Ang mga batang manggagawa'y makikitang nasa batilyo, nasa pangingisda gamit ang pampasabog, nasa agrikultura, nasa mga minahan, nasa pabrika’t lansangan. Lantad sila sa panganib at sa mga mapanganib na kagamitan, kemikal, init at lamig ng panahon, at walang pananggalang sa alikabok na maaaring pumasok sa ilong. Maraming nasa lansangan ang naglalako ng paninda tulad ng yosi at mani, habang nasa pabrika naman ng sardinas ang iba. Meron ding nasa murang gulang pa lang ay nagiging katulong na, habang may mga batang nasa edad labinlima pababa ang nasa mga bahay-aliwan. Napagsasamantalahan sila pagkat nagtatrabaho sila sa murang edad at hindi nababayaran ng minimum wage. Nakakamura ng lakas-paggawa ang mga kapitalistang nag-eempleyo sa kanila. Dapat nasa paaralan ang mga batang ito, ngunit dahil sa hirap ng buhay, nagtrabaho sila ng maaga at hindi hustong dinanas ang kasiyahan ng pagiging bata. Wala na silang pagkakataong maglaro at mag-aral. Ganito ba ang kinabukasan nila sa isang sistemang walang pagpapahalaga sa kanila? Kailangan itong mabago. Kailangan nating kumilos. 

Hindi kaya may kaugnayan din ang isyu ng child labor sa isyu ng salot na kontraktwalisasyon? Pinatatrabaho na ng mga nangangapital sa mga batang manggagawa ang mga trabahong mabibigat dahil mura ang paggawa kaysa mga matatandang mahal ang bayad kahit ang mga ito’y kontraktwal. Hindi rin saklaw ng pag-uunyon ang mga batang manggagawa dahil sa kanilang edad.

Ang isyu ng batang manggagawa o ng child labor ay hindi isyu lamang ng mga bata kundi ng manggagawa sa pangkalahatan. Isyu rin ito ng karapatang pantao, na dapat ang mga bata sa kanilang murang gulang ay dapat nasa paaralan at dinaranas ang katuwaan ng pagiging bata, at hindi dapat nagtatrabaho na ng maaga. Marapat lamang na lumabas din at kumilos ang mga manggagawa, kasama ang mga batang manggagawa at ang dukha nilang mga magulang, sa Hunyo 12 upang iparating sa pamahalaan na dapat nang itigil ang child labor sa bansa at dapat na itong solusyunan ng pamahalaan.

Dapat bigyan ng trabaho ang mga magulang ng mga batang manggagawa, at hindi ang mga batang manggagawa ang magtrabaho sa murang edad. Bigyan ng trabaho ang mga magulang, at hindi trabahong kontraktwal na walang kasiguruhan, kundi trabahong regular. Ang isyu ng batang manggagawa ay hindi lang isyu ng mga bata kundi isyu ng mga manggagawa. Ayon nga kay Frances Ann Yap, presidente ng Pagkakaisa ng mga Kabataang Manggagawa para sa Karapatan (PKMK), noong Mayo 1, 2009: “Nais namin sa paaralan. Ayaw namin sa basurahan. Dapat nang itigil ang child labor sa ating bansa upang kaming mga bata ay makapag-aral, makapaglaro at mabuhay bilang malayang bata. Dapat din pong bigyan ng sapat na trabahong makabubuhay ng pamilya ang aming mga magulang. Dapat nang itigil ang pananakit sa mga bata, child trafficking, at ang patuloy na pagdami ng mga batang manggagawa.” Ang PKMK ay nakapaloob sa Child Rights Program (CRP) ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML).

Ang isyu ng child labor ay isyu rin ng karapatang pantao. Ayon sa International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR), Artikulo 10(3): "Ang mga bata at kabataan ay dapat maprotektahan mula sa pagsasamantalang pang-ekonomya't panlipunan. Ang kanilang pagtatrabahong makasasama sa kanilang moral o kalusugan o mapanganib sa buhay o yaong makapagbabaog sa kanilang normal na pag-unlad ay dapat parusahan ng batas. Dapat ding maglagay ang Estado ng limitasyon sa edad na mababa sa kung saan ang binabayarang trabaho ng batang manggagawa ay pinagbabawal at pinarurusahan ng batas. (Children and young persons should be protected from economic and social exploitation. Their employment in work harmful to their morals or health or dangerous to life or likely to hamper their normal development should be punishable by law. States should also set age limits below which the paid employment of child labour should be prohibited and punishable by law.)"

Ayon sa Convention on the Rights of the Child, Artikulo 32: "Kinikilala ng mga Partidong Estado ang karapatan ng mga bata upang maprotektahan laban sa mga pagsasamantalang pang-ekonomya at mula sa pagsasagawa ng anumang trabahong nakikitang mapanganib, at nakasasama sa kalusugan ng bata at sa kanyang pisikal, mental, ispiritwal, moral, at panlipunang pag-unlad. (States Parties recognize the right of the child to be protected from economic exploitation and from performing any work that is likely to be hazardous or to interfere with the child's education, or to be harmful to the child's health or physical, mental, spiritual, moral or social development.)"

Sa mga batas ng ating bansa, naririyan ang mga batas hinggil sa proteksyon ng mga batang manggagawa ngunit hindi naipatutupad. Dahil kung naipatutupad ito, bakit may 5.5 milyon pang batang manggagawa sa bansa? Nariyan ang Republic Act (RA) 7160 - Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination, Artikulo VIII, Seksyon 12-16; ang RA 9231 na pag-amyenda sa RA 7160 - An Act providing for the Elimination of the Worst Form of Child Labor and affording stronger protection for the working child, amending for this purpose RA 7160. Nariyan din ang RA 7658 - Prohibiting the Employment of Children Below Fifteen (15) Years of Age in Public and Private Undertakings. Ang Artikulo 130-153 ng Labor Code ay hinggil sa espesyal na grupo ng manggagawa, tulad ng bata at kababaihan. Higit sa lahat, nariyan ang Department Order (DO) 46-03 hinggil sa paggunita sa ika-12 ng Hunyo bawat taon bilang Pandaigdigang Araw Laban sa Pagtatrabaho ng mga Bata (World Day Against Child Labor).

Gayunpaman, dapat din nating maunawaan na magkaiba ang child labor sa child work. Sa child work, ang trabaho ay angkop sa edad at kakayahang mental ng bata, habang sa child labor, ang trabaho'y mabigat sa edad, katawan, at kaisipan ng bata. Sa child work, tulad ng mga batang artista, dapat silang kumuha ng Working Child's Permit sa DOLE. Sa child work, ang trabaho ng bata'y naaayon sa batas at kalakaran ng pamilya't pamayanan, habang sa child labor, ang pagtatrabaho ng bata'y labas sa mga umiiral na batas, seguridad at benepisyo. Sa child work, limitado ang oras-paggawa at may oras ang bata upang makapag-aral, makapaglaro at makapagpahinga, habang sa child labor, napakahabang oras ng paggawa ng batang manggagawa, at limitado o wala nang oras para makapag-aral, makapaglaro at makapagpahinga. Dagdag pa, sa child labor, itinulak ng kalagayan o ng ibang tao ang mga bata upang magtrabaho sa murang edad, at ang mga batang manggagawa'y karaniwang naaabuso sa pisikal, sekswal, sikolohikal at berbal.

Ang Hunyo 12 ay paalala sa atin na hindi pa malaya ang mga batang manggagawa, kundi patuloy pa ang pagsasamantala sa kanila. Kaya ang Hunyo 12 ay gawin nating pagkilos ng uring manggagawa sa isyu ng child labor, at hindi tayo dapat magpahinga lamang sa araw na ito dahil idineklarang holiday ng pamahalaan, kundi dapat kumilos tayo dahil ito'y isyu ng paggawa at karapatang pantao. Gunitain nating sama-sama ang World Day Against Child Labor tuwing Hunyo 12 at ating iparating sa buong bansa at sa buong mundo: END CHILD LABOR, NOW!

Miyerkules, Abril 11, 2012

Makauring Kamalayan

MAKAURING KAMALAYAN

Nalathala bilang Editoryal ng magasing Ang Masa, Abril 16-Mayo 15, 2012

Tuwing Mayo Uno, SONA, Nobyembre 30, at iba pang pagkilos, umaalingawngaw sa lansangan ang sigaw na "Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!" Ngunit gaano nga ba nauunawaan ng mga manggagawang sila ang hukbong magpapalaya sa bayan mula sa pang-aalipin ng kapital, na ang paglaya ng manggagawa ay nasa sarili nilang kamay.

Ang suliranin ng manggagawa'y nasa kanya mismong sarili, dahil wala pa siyang tiwala sa kanyang sariling lakas. Hindi pa niya batid ang kanyang totoong lakas, kaya hindi pa niya nagagamit ito para sa kanyang paglaya at pagtatanggol sa kanyang interes, dahil ang gumagamit at nakikinabang pa sa pinagsamang lakas ng manggagawa ay ang mga kapitalista. Hindi pa batid ng manggagawa na siya ang nagpapakain sa buong mundo. Kitang-kita ang lakas na ito ng manggagawa sa kalakal na kung tawagin ay "lakas-paggawa". Ito ang kalakal na ibinebenta ng milyun-milyong manggagawa sa kapitalista sa araw-araw, at pinanggagalingan ng limpak-limpak na tubo ng kapitalista habang nananatiling binabarat ang sahod ng manggagawa. Subukan ng manggagawang sabay-sabay na tumigil sa pagtatrabaho at tiyak na titirik ang pabrika, titigil ang pagtakbo ng ekonomya ng bansa, kayang itirik ang buong kapitalistang sistema.

Iyan ang lakas ng mga manggagawa na hindi pa nila nakikita hanggang ngayon. Dahil ang tingin pa ng manggagawa sa kanyang sarili'y simpleng empleyado lamang, simpleng manggagawang pabalik-balik sa kanilang pabrika, pagawaan o opisina upang buhayin ang sarili't ang pamilya sa sweldong ibinibigay ng kanilang kapitalista o employer, silang ang tingin sa kanilang trabaho't kinikita'y utang na loob nila sa mga kapitalista, na ang mga kapitalista ang bumubuhay sa kanila, gayong sila ang bumubuhay sa kapitalista. Dapat makilala ng manggagawa ang kanyang sarili bilang mulat-sa-uri. Hindi pa alam ng manggagawa na binubuo nila ang isang URI sa lipunan, na pare-pareho ang kanilang interes sa pare-parehong paraan upang mabuhay, ang magpaalipin sa kapitalista kapalit ng katiting na sahod, na sila'y pare-parehong walang inaaring mga kagamitan sa produksyon, na ang tangi nilang pag-aari'y ang kanilang lakas-paggawa.

Kailangang makilala ng manggagawa ang kanyang sarili bilang isang uri, dahil ito ang unang larangan ng labanan, ang palayain ang kaisipan ng manggagawa mula sa bansot na kaisipang isinubo ng kapitalistang sistema sa buong bayan, sa buong daigdig. Sa madaling salita, hindi lamang dapat magkasya ang manggagawa sa isyu ng pagtaas ng sahod, pagwawagi ng living wage, at pagiging maayos ng kondisyon sa pabrika bilang mga sahurang alipin. Higit sa lahat, sila'y maging mulat-sa-uring manggagawa na may layuning durugin ang katunggali nilang uri, ang uring kapitalista. 

Bilang mulat-sa-uring manggagawa, ang dapat paghandaan nila’y ang pagtatayo ng isang lipunang kanilang ipapalit sa bulok at inuuod na sistemang kapitalismo, ang pagtatagumpay ng diktadurya ng uring manggagawa, hanggang sa maitayo ang kanilang nakatakdang lipunan, ang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, ang lipunang SOSYALISMO.

Sabado, Marso 24, 2012

Hindi Sapat ang Galit

HINDI SAPAT ANG GALIT

Nalathala bilang Editoryal ng magasing Ang Masa, Marso 16-Abril 15, 2012

Galit ka dahil sa patuloy na kahirapang dinaranas. Galit kami dahil sa patuloy na pagtataas ng presyo ng langis at LPG. Galit tayo dahil karamihan sa atin ay patuloy na pinahihirapan ng mataas na presyo ng mga bilihin, tulad ng bigas, isda, karne, atbp. Galit sila dahil patuloy silang nagugutom sa kabila ng kasaganaan sa lipunan. Galit ang maraming tao sa hindi magandang bukas na danas. Nakakangiti pa paminsan-minsan para pansamantalang makalimutan ang mga pagdurusang idinulot ng salot na sistemang kapitalismo sa bawat isa. Tanging mga kapitalista't elitista sa lipunan na lang yata ang di nagagalit sa sistema, bagkus ay tuwang-tuwa dahil sa pagkakamal ng labis-labis na tubo.

Galit ka ngunit basta ka na lang ba manununtok? Galit kami ngunit mananahimik na lang ba kami sa isang sulok? Galit tayo ngunit basta na lang ba tayo susugod sa Malakanyang? Hindi sapat ang galit. Hindi sapat ang umismid ka na lang, o kaya'y magtatatalak na lang sa isang tabi, gayong hindi ka kumikilos. Marami nang mamamayan ang galit, ngunit di nila lubusang maipakita ang kanilang galit sa sistema. Napapakita lang nila ito sa paisa-isang kilos-protesta ng iilang mamamayang organisado, ngunit hindi tuluy-tuloy, hindi sustenado. Habang ang mayoryang di organisado'y dinadaan na lang sa pag-ismid at pagwawalang-bahala, dahil sa katwirang wala namang mangyayari anuman ang gawin nating pagkilos.

Pag-aralan natin ang lipunan. Organisahin natin ang ating galit sa isang malawak at direktang pagkilos na tutugon upang masolusyunan ang ating mga problema. Huwag tayong padalus-dalos at bibira ng bara-bara dahil galit tayo sa pamahalaan at sa sistemang patuloy na nagpapahirap sa atin. Kailangan organisado tayong kumikilos, sa iisang layunin, sa iisang direksyon, upang mapalitan ang bulok na sistemang patuloy na yumuyurak sa ating dangal at pagkatao.

Dapat tayong mag-organisa. Dapat kumilos ang mamamayan. Dapat mapakilos ang mamamayan. Ngunit kikilos lang sila ng sama-sama kung maoorganisa sila, kung may matatanaw silang lideratong palaban, matalino, tapat sa uring manggagawa, at kapakanan ng buong bayan ang laging nasa puso't isip.

Hindi sapat ang galit. Mababago lang natin ang ating kalagayan kung tayo'y kikilos. Isa sa unang kongkretong hakbang ay ang pagsapi sa  mga sosyalistang organisasyong nakikibaka para sa pagbabago ng sistema, tulad ng sosyalistang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), sosyalistang Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), sosyalistang Partido Lakas ng Masa (PLM), atbp. At mula doon ay pagkaisahin natin ang ating mga lakas patungo sa iisang layunin. Dapat tayong kumilos, mag-organisa, tungo sa iisang direksyon, tungo sa ating pangarap, tungo sa tagumpay ng ating layunin. 

Bawat hakbang natin patungong sosyalismo!

Miyerkules, Pebrero 23, 2011

Mag-People Power Laban sa Bulok na Sistema

MAG-PEOPLE POWER LABAN SA BULOK NA SISTEMA!
ni Greg Bituin Jr.

Lumaganap na ang people power sa iba't ibang bansa. Nakilala na ng masa na kung magsasama-sama lamang silang kikilos ay kaya nilang magpabagsak ng isang pangulo nang mapayapa. Naging halimbawa sa mamamayan ng daigdig ang Edsa 1 Revolution sa Pilipinas (1986) na nagpatalsik kay Marcos. Nasundan ito ng Singing Revolution sa Estonia, Latvia at Lithuania (1988), Velvet Revolution sa Czechoslovakia (1989), Bulldozer Revolution sa Yugoslavia (2000), Edsa 2 Revolution sa Pilipinas (2001), Rose Revolution sa Georgia (2003), Orange Revolution sa Ukraine (2004), Cedar Revolution sa Lebanon (2005), Tulip Revolution sa Kyrgystan (2005), Jasmine Revolution sa Tunisia (2011), at Day of Anger Revolution sa Egypt (2011).

Ngunit may mga pagkatalo rin, tulad ng 8888 Uprising sa Burma (1988), Tiananmen Students Protest sa Tsina (1989), Edsa 3 Urban Poor Revolution sa Pilipinas (2001), at Saffron Revolution sa Burma (2007).

Nagtagumpay ang mga mamamayan na mapatalsik ang kani-kanilang pangulo, ngunit karamihan sa kanila, inagaw pa rin ng naghaharing uri ang pamumuno. Dahil lahat ng ito’y pag-aalsa ng mamamayan, hindi pag-aalsa ng isang uri laban sa katunggaliang uri, hindi pag-aalsa ng uring manggagawa laban sa burgesya. Walang kapangyarihan ang masa. Wala ang uring manggagawang namumuno para sa pagbabago ng sistema. Dahil hindi lang relyebo ng pangulo ang kasagutan.

Sa ngayon, matapos mapatalsik ng mamamayan ng Egypt ang kanilang pangulo, pumutok na rin ang pag-aalsa ng mga mamamayan sa mga bansang Bahrain, Yemen at Libya. Nanalo nga ang mamamayan ng Egypt na mapatalsik ang pangulo nilang si Mubarak, ngunit dahil walang namumunong grupo o partido na gumagabay sa pag-aalsa, napunta sa kamay ng militar ang kapangyarihan, imbes na sa kamay ng mamamayang nagsakripisyo para mabago ang pamahalaan.

Ano ang kulang? Bakit sa Pilipinas na tatlong beses nang nag-Edsa, wala pa ring naramdamang pagbabago, kaya nanlalamig na ang karamihan sa people power? Naganap ang Edsa 1 at 2, napatalsik ang pangulo ngunit napalitan lang ng kauri nilang elitista. Si Marcos ay napalitan ni Cory. Si Erap ay napalitan ni Gloria. Walang lider-manggagawa, walang lider-maralita, walang lider-kababaihan, walang lider-magsasakang napunta sa poder. Wala ang isyu ng masa, wala ang isyu ng kahirapan, wala ang isyu ng trabaho, wala ang isyu ng pabahay, wala ang isyu ng salot na kontraktwalisasyon. Hindi umangat ang pakikibaka ng sambayanan sa tunggalian ng uri sa lipunan.

Dahil hindi sapat na ang layunin lang ng people power ay ang pagpapalit ng pangulo. Dapat itong itaas sa pagbabago ng sistema. Hindi sapat na demokrasya lang ang kasagutan. Dapat ipakita na may tunggalian ng uri sa lipunan, at ang pagpawi sa mga uri ang siyang kasagutan. Dapat ipakitang ang mga manggagawa’y hindi lang tahimik na masang nagtatrabaho, kundi isang malakas at pangunahing pwersa sa pagbabago.

Ano ang dapat gawin? Dalhin natin sa masa ang isyu ng kahirapan bilang pangunahing panawagan sa people power. Ipakita natin sa masa ang tunggalian ng uri. Ikampanya natin sa lahat ng pabrika’t komunidad, sa lahat ng lungsod at kanayunan, sa mga pahayagan, radio at telebisyon, sa internet, ang pagkasalot ng kapitalismo sa buhay ng mamamayan. Pag-aralan natin ang lipunan at iangat ang kamalayan ng masa tungo sa pagwawakas sa kapitalistang sistemang dahilan ng kanilang pagdurusa’t kahirapan.

Paputukin natin ang isyu ng pabahay, tulad ng ginawang pagkubkob ng mga maralitang lungsod sa Libya sa mga pabahay ng kanilang gobyerno nitong Enero 2011. Paputukin natin ang isyu ng kontraktwalisasyon bilang panawagan sa people power na pangungunahan ng uring manggagawa. Paputukin natin ang iba pang makauring isyu na maaaring magpabagsak sa mga elitista sa lipunan.

Panahon na para manawagan ng people power laban sa bulok na sistema, laban sa kapitalismo. Dapat mag-people power ang uring api laban sa uring mapagsamantala’t naghahari-harian sa lipunan!

Uring manggagawa, magkaisa! Ipakita ang inyong mapagpalayang papel para sa pagbabago ng lipunan! Mag-people power laban sa bulok na sistema!

Huwebes, Agosto 19, 2010

Ang Lipunang Makatao sa BMP Hymn

ANG LIPUNANG MAKATAO SA BMP HYMN
ni Greg Bituin Jr.

Tama si Tina ng Teatro Pabrika nang sinabi niyang "Hayo" at hindi "Tayo" ang nakasulat sa unang taludtod ng ikalawang saknong (koda) ng BMP Hymn. Sinabi niya sa akin ito nuong isang gabi (Agosto 15 o kaya'y 16, 2010 ito) habang kumakanta sila ni Michelle ng BMP Hymn, Lipunang Makatao, at 2 pang awit, sa opisina ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Nag-print kasi ako sa computer ng kopya ng kanilang mga inaawit. Bale apat na awitin iyon sa isang bond paper.

Nang sinabi ni Tina na "Hayo" ay agad akong nagsaliksik ng kopya ng BMP Hymn para malaman ko kung mali siya o ako ang mali. Kaya binalikan ko ang kopya ng magasing Maypagasa ng Sanlakas na nalathala noong Setyembre 1998, at tama siya. Mali nga ako dahil ang ibinigay ko sa kanilang kopya ng kanta ay "Tayo" ang nakasulat, imbes na "Hayo". Maraming salamat sa puna, Tina.

Habang inaawit nila ang BMP Hymn, "lipunang makatao" ang nababanggit ni Michelle kaya pinupuna siya ni Tina na "daigdig na makatao" ang tama imbes na "lipunang makatao". Lumalabas sa pananaliksik ko na tama si Michelle sa pag-awit, dahil "lipunang makatao" ang nasa orihinal na kopya.

Natatandaan ko, ako nga pala ang nag-type ng kopyang ito na binigay sa akin ni Bobet Mendoza ng Teatro Pabrika noong 1998 para isama sa artikulong inakda ko na pinamagatang "Teatro Pabrika: Artista at Mang-aawit ng Pakikibaka" sa unang isyu ng magasing Maypagasa, kung saan isa ako sa nag-asikaso nito.

Gayunpaman, magandang nabaliktanawan ito, dahil may isang pagkakamali o inonsistency akong napansin sa koro ng BMP Hymn na iniabot ko kay Michelle, nakasulat sa ikatlong taludtod, "daigdig na makatao" imbes na "lipunang makatao". Mas popular kasing inaawit ngayon ang "daigdig na makatao", habang ang nakalathala naman sa magasing Maypagasa ay "lipunang makatao". Alin ba ang tama sa dalawa?

Mapapansing ang pagkakasulat ng buong awit ay patula, lalo na't susuriin natin ang tugma at sukat nito. Nakakaunawa ng paraan ng pagtulang may tugma't sukat ang kumatha nito, kaya may palagay akong isa ring makata ang nag-akda ng awit.

Ngunit bago ito, dapat maunawaan ng mambabasa kung ano ba itong tinatawag nating pantig (syllable), taludtod (line), saknong (stanza), tugma (rhyme) at sukat (meter). Ang pantig ang bawat buka ng bibig sa pagsasalita. Ang taludtod ang bawat linya ng tula. Ang saknong ay binubuo ng ilang taludtod, na kung baga sa sanaysay, ito ang talata na binubuo ng ilang pangungusap. Ang tugma naman ay ang pagkakapareho ng tono sa dulo ng dalawa o higit pang taludtod. Ang sukat ang siyang bilang ng pantig bawat taludtod.

Binilang ko ang pantigan ng tatlong saknong ng BMP Hymn, labing-apat ang pantig sa una at ikalawang saknong, habang ang ikatlong saknong naman o ang koro ay labindalawang pantig lahat.

BMP Hymn
Nalathala sa magasing Maypagasa ng Sanlakas
Setyembre 1998, pahina 23


Ating mga karanasan, pinanday, hinubog (14)
Nitong pakikibakang sa atin ay huminog (14)
Kaya't tumindig, patuloy sa pagbabantayog (14)
Ng pag-asa at liwanag na nais ihandog. (14)

Koda:
Hayo na't iguhit sa dahon ng kasaysayan (14)
Sagisag ng uri't ganap nating kalayaan (14)
Nasa pagbubuklod natin ang kapangyarihan (14)
Na kamtin ang pagbabagong ating inaasam. (14)

Koro:
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (12)
Ang siyang tatambuli sa buong mundo (12)
Tungo sa isang lipunang makatao (12)
Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo. (12)

(Ulitin ang koda)
(Ulitin ang koro 3x)

Kaya kung ang inaawit ngayon sa koro ay "daigdig na makatao" imbes na "lipunang makatao" na nasa orihinal, inconsistent na ito sa pantigan, dahil magiging labintatlo na ang pantig ng ikatlong taludtod ng koro. Kaya ganito ang mangyayari:

Koro:
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (12)
Ang siyang tatambuli sa buong mundo (12)
Tungo sa isang daigdig na makatao (13)
Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo. (12)

Paano nga ba nangyaring nabago ang taludtod na ito? Ginusto ba ito ng mga umaawit nito, o pinalitan mismo ito ng Teatro Pabrika sa pag-aakalang ito ang mas tama? Tila ang nagbago nito'y di nauunawaan ang tugma't sukat sa pagtula na dapat na una niyang pinansin kung babaguhin niya ang tulawit (tulang paawit) na ito. Marahil kung malalaman ng orihinal na nagsulat ng kanta na binago ito ay agad itong magpoprotesta.

Mas angkop pa at hindi kapansin-pansin ang pagbabago kung halimbawa’y ganito ang ginawang pagbabago sa ikatlong taludtod ng Koro: Patungo sa daigdig na makatao, 12 pantig pa rin.

Kaya magiging ganito na ang Koro:

Koro:
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (12)
Ang siyang tatambuli sa buong mundo (12)
Patungo sa daigdig na makatao (12)
Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo. (12)

Gayunman, mahalagang suriin natin ang mismong nilalaman ng koro, at ito ang pagtuunan natin ng pansin. "Daigdig na makatao" nga ba o "lipunang makatao"? Magandang suriin muna natin kung ano ang kahulugan ng "daigdig" at "lipunan".

Ayon sa unang kabanata ng librong "Puhunan at Paggawa" ni Ka Popoy Lagman, "Ang lipunan ay kung paano nabubuhay ang tao. Ito ang sistema ng ating kabuhayan. Ibig sabihin, ang lipunan ay ang sistema ng ekonomya. Ang paraan ng produksyon ng isang bansa. Kung ang lipunan ay “asosasyon ng tao”, ito’y isang “asosasyon” para sa kabuhayan ng mga myembro nito."

Ano naman ang "daigdig"? Ang daigdig naman ay isang planeta sa pisikal na kaanyuan nito, at hindi isang sistema ng kabuhayan. Ayon sa Tagalog na Wikipedia, ang malayang ensiklopedya, at sa WikiFilipino: "Ang planetang Daigdig[1] ay ang pangatlong planeta mula sa Araw. Ito ang pinakamalaking planetang terestriyal ng sistemang solar. Kumpirmado ng makabagong agham na ang Daigdig lamang ang katawang pamplaneta kung saan maaaring tumira ang mga buhay na organismo tulad ng mga hayop at halaman."

Agad naresolba ang munting problemang ito kung pagbabatayan ang ikaapat na taludtod ng koro na "Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo", kaya ang ikatlong taludtod ng koro ay tumutukoy sa "lipunang makatao" at hindi sa "daigdig na makatao". Pagkat ang sosyalismo ay sistema ng lipunang ipapalit natin sa lipunang kapitalismo. Tulad ng ating binabanggit sa ating mga pag-aaral ng lipunan sa daigdig na ito mula primitibo komunal, lipunang alipin, lipunang pyudal, ang kasalukuyang lipunang kapitalismo, at ang ipapalit natin ditong lipunang sosyalismo. Bagamat sinasabi nating pandaigdigan ang pagbabagong dapat maganap dahil pandaigdigan ang salot na kapitalismo, na dapat nating palitan ng pandaigdigang sosyalismo, ang mas tinutukoy nating babaguhin ay ang sistema ng lipunan, at di pa ang mismong daigdig. Dagdag pa rito, nabanggit na sa ikalawang taludtod ng koro ang salitang "mundo" na singkahulugan ng "daigdig".

Kaya para maayos at pare-pareho ang bilang ng pantig, may lohika, at magkakaugnay sa ibig ipahiwatig, mas angkop at wastong gamitin ang "lipunang makatao" kaysa "daigdig na makatao" sa koro ng awit. Mungkahing ito ang ating gamitin sa pag-awit ng BMP hymn. Ang kabuuan nito yaong nasa itaas.

Sa kabuuan, maganda ang mensahe ng sosyalistang awitin ng BMP dahil makatindig-balahibo at nakapagpapaapoy ng damdamin kung uunawaing mabuti ang mensahe ng awit, sadyang kumakapit sa kaibuturan ng ating diwa't pagkatao.

Biyernes, Mayo 14, 2010

May hiwaga ba sa awiting "Bayang Mahiwaga"?

MAY HIWAGA BA SA AWITING "BAYANG MAHIWAGA"?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan, nagtanong sa akin ang isang kasama. Okey daw ba ang awiting "Bayang Mahiwaga" na isang parodiya ng "Bayang Magiliw". Ang agad na isinagot ko ay hindi. Bakit? Dahil sa salitang "mahiwaga".

May problema kasi sa salitang "mahiwaga". Bakit ba ito ang ginamit gayong hindi ito isang terminong dapat panghawakan ng mga aktibista, lalo na't mga aktibistang Marxista, at mga manggagawa, dahil walang mahiwaga.

Kung pakasusuriin, o kaya'y aalamin natin ang pinanggalingan ng orihinal na awitin, may sapantaha akong ito'y nakatha noong panahon ng batas militar, at kaya sinasabing "mahiwaga" ang bayan, ay upang maawit ito ng itinatago ang tunay na layunin ng mga umaawit. Ito'y upang maiwasan ang sinumang nais humuli sa mga aktibistang nananawagan ang pagbabago. Itinago ang salitang pagbabago ng sistema sa salitang "bayang mahiwaga". Sino nga ba ang huhuli sa aawit ng bayang "mahiwaga"? "Mahiwaga" nga ang bayan, eh.

Narito ang orihinal na kopya ng awitin na pinamagatang "Lupang Sinira" na mula sa extension site sa multiply ng grupong Tambisan sa Sining kung saan tinutukoy sa unang taludtod pa lamang ang "bayang mahiwaga".


LUPANG SINIRA

Bayang mahiwaga sa malayong silangan
Alab ng puso sa dibdib mo'y apoy
Lupang sinira, bayan ng magigiting
Sa manlulupig, ikaw ay lalaban

Sa nayon at lungsod
Itinatag makabayang pamahalaan
May tilamsik ng dugo ang awit
Sa paglayang inaasam

Koro:
Ang pula ng watawat mo'y
tagumpay na magniningning
Ang maso (/karit) at kamao nya'y
Hinding-hindi magdidilim

Laya ay langit, kaluwalhati at pagsinta
Buhay ay lupa sa piling mo
Aming ligayang makita ang baya'y di api
Ang mamatay ng dahil sa'yo

(Repeat 2)
Aming tungkuling ubusin ang mapang-api
Ang pumatay ng dahil sa'yo


Ngunit nagkaroon ng pagbabago sa awiting ito nang ito'y baguhin ng Teatro Pabrika para maging awitin ng uring manggagawa. At imbis na "Lupang Sinira" ang pamagat ay mas nakilala ito sa "Bayang Mahiwaga".


BAYANG MAHIWAGA

Bayang mahiwaga sa malayong silangan
Alab ng puso sa dibdib mo'y apoy
Lupang sinira, bayan ng magigiting
Sa manlulupig, ikaw ay lalaban

Sa nayon at lunsod, itinatag
Sosyalistang pamahalaan
May tilamsik ng apoy at pawis
Sa paglayang inaasam

Ang pula ng watawat mo'y
Tagumpay na nagniningning
Ang karit at maso niya'y
Hinding-hindi pasisiil

Laya ay langit, kalwalhatia't pagsinta
Buhay ay alay sa piling mo

Aming ligayang makitang
Obrero'y di api
Ang pumatay ng dahil sa 'yo


Mapapansing mas maikli ang bersyon ng Teatro Pabrika. Gayunman, dapat pa ring baguhin at paunlarin ang binagong bersyon na ito, lalo na ang salitang "mahiwaga". Sa unang saknong pa lang ng tula ay hindi na akma ang bayang "mahiwaga" sa lupang "sinira", gayong ang mga kasunod na mga salita nito ay angkop sa bawat isa.

Maaaring ang sinasabing "mahiwagang bayan" sa awiting ito ay isang bayang utopya tulad ng pinangarap noon nina Sir Thomas More, Saint Simon, Robert Owen, Charles Fourier, Etienne Cabet, Edward Bellamy, William Morris, at iba pa. Isang lipunang may pagkakapantay-pantay ang lahat ng tao sa kalayaan, sa kalagayan, at sa pagkatao.

Ngunit bakit "mahiwaga" ang salitang ginamit gayong para sa mga Marxista, walang mahiwaga, pagkat lahat sa mundo ay may paliwanag. Maaring sinasabi lang nilang mahiwaga ang isang bagay kung ito'y di pa nila nauunawaan, tulad ng paglitaw ng eroplano sa panahon ni Julius Caesar, o ng computer sa panahon ni Andres Bonifacio. Hindi mahiwaga ang mga bagay na iyon, o ang buhay sa bayang iyon, kundi hindi lang nila maipaliwanag ang mga bagay na may mga paliwanag naman, lalo na't sasaliksikin at pag-aaralan.

Kung pakasusuriin ang buong awitin, tanging ang salitang "mahiwaga" ang hindi katanggap-tanggap, bagamat may mga metaporang ginamit sa iba pang bahagi ng awitin, tulad ng "sa dibdib mo'y apoy" na tumutukoy sa galit na nasa iyong dibdib, at hindi ang literal na apoy na makakasunog sa iyong dibdib. Nariyan din ang pagkamakabayan ng pariralang "sa malayong silangan" na tumutukoy sa bansang Pilipinas.

Ang maaari nating gawin ay palitan ang salitang "mahiwaga" ng isa pang mas may katuturang salita. Kaya magbabago ang buong awitin. Ang mungkahi ko ay palitan ito ng salitang "kinawawa". Mas akma ito lalo na kung isasaalang-alang natin ang pagkakapareho ng bayang "kinawawa" sa lupang "sinira" na nasa unang saknong.


BAYANG KINAWAWA

Bayang kinawawa sa malayong silangan
Alab ng puso sa dibdib mo'y apoy
Lupang sinira, bayan ng magigiting
Sa manlulupig, ikaw ay lalaban

Sa nayon at lunsod, itinatag
Sosyalistang pamahalaan
May tilamsik ng apoy at pawis
Sa paglayang inaasam

Ang pula ng watawat mo'y
Tagumpay na nagniningning
Ang karit at maso niya'y
Hinding-hindi pasisiil

Laya ay langit, kalwalhatia't pagsinta
Buhay ay alay sa piling mo

Aming ligayang makitang
Obrero'y di api
Ang pumatay ng dahil sa 'yo


Ito'y mungkahi lamang at maaari pang pagdebatehan hanggang sa sang-ayunan ng mas nakararami ang nararapat na salita.

Huwebes, Mayo 6, 2010

Ang Rebolusyonaryong Pag-ibig ayon kina Che Guevara at Andres Bonifacio


ANG REBOLUSYONARYONG PAG-IBIG AYON KINA CHE GUEVARA AT ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Rebolusyonaryong pag-ibig. Ito marahil ay isang tipo ng pag-ibig na akma sa mga nakikibaka para sa kalayaan ng bayan, ng uri, at ng kanilang mamamayan. Pag-ibig na hindi makasarili, kundi pag-ibig sa kapwa, sa uri't sa bayan nang walang hinihintay na kapalit. Ito ang nais ipahiwatig ng rebolusyonaryong si Ernesto "Che" Guevara sa kanyang sanaysay na "Sosyalismo at Tao sa Cuba" nang kanyang isinulat:

"Sa panganib na magmukhang katawa-tawa, pahintulutan n’yong sabihin kong ang tunay na rebolusyonaryo ay ginagabayan ng dakilang pag-ibig. Imposibleng isiping wala nito ang tunay na rebolusyonaryo. Marahil isa ito sa pinakamalaking dula ng isang pinuno na dapat niyang pagsamahin ang marubdob niyang damdamin sa kanyang kaisipan at gumawa ng mahihirap na desisyon ng walang atrasan. Ang ating mga nangungunang rebolusyonaryo’y dapat gawing huwaran itong pag-ibig sa taumbayan, sa napakabanal na layunin, at gawin itong buo at hindi nahahati. Hindi sila dapat bumaba, ng may kaunting pagmamahal, sa antas kung paano magmahal ang karaniwang tao."

Napakasarap namnamin ng sinabing ito ni Che Guevara. Napakalalim ngunit magaan sa pakiramdam. Tunay ngang imposibleng walang dakilang pag-ibig sa puso ng bawat rebolusyonaryo, pagkat ito ang gumagabay sa kanila kaya nakikibaka para baguhin ang sistema at kolektibong kumikilos upang maitayo ang isang lipunang may pagkakapantay-pantay, walang pagsasamantala, at ibinabahagi ang yaman ng lipunan sa lahat, isang lipunang pinaiiral ang pagpapakatao't pakikipagkapwa-tao. 

Napakadakila ng pag-ibig ng isang rebolusyonaryong inilaan ang panahon, lakas at talino para sa isang makataong prinsipyo't marangal na simulain at handang ialay ang buhay para sa kabutihan ng higit na nakararami.

Sa ating bansa, kinilala ang talas ng kaisipan ng rebolusyonaryong si Gat Andres Bonifacio nang kanyang sabihing: Aling pag-ibig pa ang hihigit kaysa pag-ibig sa tinubuang lupa. "Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala." Sinulat ito ni Bonifacio sa kanyang 28-saknong na tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan", kung saan ginawang popular na awitin ang ilang piling saknong nito noong panahon ng batas-militar sa bansa. Narito ang unang tatlong saknong ng tula:

"Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinub'ang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Ulit-ulitin mang basahin sa isip
At isa-isahing talastasing pilit
Ang salita't buhay na limbag at titik
Ng sangkatauhan, ito'y namamasid.

Banal na pag-ibig! Pag ikaw ang nukal
Sa tapat ng puso ng sino't alinman,
Imbi't taong gubat, maralita't mangmang,
Nagiging dakila at iginagalang."

Napakatindi ng mensahe ng dalawang rebolusyonaryo. Hindi simpleng galit sa sistema ang dahilan ng kanilang pagkilos at paglaban, kundi pag-ibig! Pag-ibig! Inialay nila sa sambayanan ang kanilang buhay, lakas, at talino dahil sa sinasabi ni Bonifacio na "banal na pag-ibig", dahil banal din ang kanilang hangaring mapalaya ang bayan at ang mamamayan mula sa pagsasamantala ng sistema, hindi lamang ng dayuhan. 

Ang dalumat ni Bonifacio sa kanyang pag-ibig sa tinubuang lupa ay nagpapakitang hindi ang Diyos ng mananakop ang kanyang pinaniniwalaan, dahil Diyos iyon ng mga mapagsamantala. Ipinagdidiinan ni Bonifacio na dapat ibaling na ng sambayanan ang kanilang pagkahumaling sa Diyos ng mananakop tungo sa pag-ibig sa bayang tinubuan. Wala nang pag-ibig pang hihigit kaysa pag-ibig sa bayan, kahit na ang pag-ibig sa Diyos ng mga mapagsamantalang mananakop ay hindi makahihigit. Pagano ba si Bonifacio nang kanya itong isinulat?

Ngunit hindi pa rin masasabing pagano si Bonifacio dahil may paniwala pa rin siya sa Maykapal. Patunay dito ang ika-8 saknong sa tula niyang "Tapunan ng Lingap":

"Sa Diyos manalig at huwag pahimok
Sa kaaway natin na may loob-hayop,
Walang ginagawa kundi ang manakot
At viva ng viva'y sila rin ang ubos."

Marahil, hindi ang Diyos ng mananakop ang kanyang tinutukoy dito, kundi yaong Maykapal na bago pa dumating ang mga Kastila ay pinaniniwalaang Bathalang matulungin at hindi Diyos ng mga mapagsamantala. 

Ngunit ano nga ba ang rebolusyonaryong pag-ibig? Mayroon nga ba ng tinatawag na ganito? O ito'y pag-ibig din na hindi kaiba sa karaniwang nadarama ng umiibig? Mula sa puso. Ipaglalaban hanggang kamatayan. Nagkakaiba-iba lang kung sino ang iniibig. Isa bang kasintahan? Pamilya? Bayan? O sangkatauhan?

Rebolusyonaryong pag-ibig ba pag gumamit ka ng dahas para makuha ang gusto mo? O kailangan ng pagpapakasakit, ng pagpaparaya? Na mismong buhay mo'y iyong ilalaan para sa iyong iniibig, para sa iyong inaadhika? O ang rebolusyonaryong pag-ibig ay yaong iyong nadarama para sa uring pinagsasamantalahan na dapat kumbinsihing kumilos at baguhin ang sistema?

Ang rebolusyonaryong pag-ibig ay higit pa sa pag-ibig ni Bonifacio kay Gregoria de Jesus, higit pa sa pag-ibig ni Che Guevara sa kanyang asawang si Aleida March, at sa kanilang anak. 

Makahulugan ang tinuran ng bayaning si Emilio Jacinto sa kanyang mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim, na kung walang pag-ibig ay mananatiling lugmok at api ang bayan. Kailangan ng pag-ibig at pagpapakasakit upang lumaya ang bayan sa pagsasamantala at mabago ang sistema. Ani Jacinto: 

"Kung ang pag-ibig ay wala, ang mga Bayan ay dili magtatagal, at kapagkarakang mapapawi sa balat ng lupa ang lahat ng pagkakapisan at pagkakaisa, at ang kabuhayan ay matutulad sa isang dahon ng kahoy na niluoy ng init at tinangay ng hanging mabilis. Ang pag-ibig, wala na kundi ang pag-ibig, ang makaaakay sa tao sa mga darakilang gawa sukdang ikawala ng buhay sampung kaginhawahan."

"Sa pag-ibig nunukal ang kinakailangang pagdadamayan at pagkakaisang nagbibigay ng di-maulatang lakas, maging sa pag-aabuluyan at pagtutulungan ng isa’t isa, maging sa pagsasanggalang ng mga banal na matwid ng kalahatan."

Ating tingnan ang ilang saknong sa isa pang tula ng pag-ibig na marahil ay maaaring makapaglarawan kung ano nga ba ang tinatawag na rebolusyonaryong pag-ibig. Ito ang sampung saknong na tulang "Pag-ibig" ng kilalang makatang Jose Corazon de Jesus. Gayunman, ang buong tula ni Huseng Batute (alyas ni Jose Corazon de Jesus) ay tungkol sa pag-ibig sa pangkalahatan, at hindi tungkol sa rebolusyonaryong pag-ibig. Sinipi ko lamang ang tatlong saknong (ang ika-4, ika-6 at ika-7 saknong) dahil palagay ko'y angkop ang mga ito sa paglalarawan kung ano ang rebolusyonaryong pag-ibig, bagamat hindi ito ang pakahulugan doon:

"Ang pag-ibig kapag duwag ay payapa't walang agos,
walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos.
Ang pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod
pati dangal, yama't dunong nalulunod sa pag-irog.

Kapag ikaw'y umuurong sa sakuna't sa panganib
ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip.
Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig,
pag umibig, pati hukay ay aariin mong langit.

Iyang mga taong duwag na ang puso'y mahihina,
umibig man ay ano pa, di pag-ibig, kundi awa.
Kailangan sa pag-ibig ay hirap at mga luha
at ang duwag ay malayong sa pag-ibig dumakila."

Magandang dalumatin ang mga piniling tatlong saknong na ito sa tula ni Batute. Ang pag-ibig ay di duwag. Kikilos ka upang ipaglaban ang pag-ibig na naroroon sa kaibuturan ng iyong puso. At gagamitin mo naman ang iyong isip upang magtagumpay kang makamtan ito. Takot ka pa at hindi umiibig kung umuurong ka sa mga kakaharapin mong panganib.

Ang ganitong pag-ibig - pag-ibig na hindi duwag - ang nagdala kina Bonifacio at Che Guevara sa pagkilos at pakikibaka para sa kalayaan ng sambayanan. Kinaharap nila ang anumang sakuna't panganib, at hindi sila umurong sa mga labanan, maliban marahil kung ang pag-urong ay taktika upang magpalakas at makabalik sa labanan. Ang pag-ibig na ito rin ang nagdala sa kanila sa hukay nang sila'y parehong paslangin. Ang pag-ibig na ito ang nagdala sa kanila sa imortalidad.

Kaiba ito sa pag-ibig na sinasabi ni Balagtas sa saknong 80 ng kanyang koridong Florante at Laura, bagamat makakatas din ang rebolusyonaryong pag-ibig sa saknong na ito.

"O pagsintang labis ang kapangyarihan
Sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok sa puso ninuman
Hahamakin lahat masunod ka lamang."

Hahamakin lahat masunod lamang ang rebolusyonaryong pag-ibig sa bayang tinubuan. Lalabanan ang lahat ng mga mapagsamantalang walang pag-ibig sa mga maliliit. Babakahin ang sinumang nang-aapi't hindi umiibig sa kanyang mga kapatid, kasama, at kababayan. Lilipulin ang mga kaaway dahil sa pag-ibig sa kanyang kapwa. Malalim at matalim ang rebolusyonaryong pag-ibig, na kahit buhay man ang mawala'y ikasisiya ng sinumang nakadarama ng luwalhati ng pagsinta.

Bigyang pansin naman natin ang istruktura ng tula. Sa punto naman ng sukat at tugma, ang tula ni Bonifacio ay binubuo ng 12 pantig bawat taludtod sa 28-saknong, at may sesura sa ikaanim. Nagpapatunay lamang ito ng kaalaman ni Bonifacio sa tuntunin ng katutubong pagtula. Pansinin ang ikatlong taludtod ng unang saknong. "Gaya ng pag-ibig sa tinub'ang lupa", ang tinubuan ay naging tinub'an. Ito'y dahil sa mahigpit na tuntunin sa sukat at tugma sa pagtula noong panahong iyon. Ang tula naman ni Batute ay binubuo ng 16 na pantig bawat taludtod sa 10-saknong, na may sesura tuwing ikaapat na pantig. Kapwa tig-aapat na taludtod ang bawat saknong. 

Kahit ang ilan pang tula ni Bonifacio ay sumusunod sa padron ng Florante at Laura ni Balagtas, ang pagtulang alehandrino, na binubuo ng lalabindalawahing pantig bawat taludtod, at bawat saknong ay binubuo ng apat na taludtod. Ang iba pang tula ni Bonifacio ay ang "Tapunan ng Lingap", "Ang Mga Cazadores", "Katapusang Hibik ng Filipinas", at ang kanyang salin ng "Ultimo Adios" ni Rizal sa sariling wika.

Magandang halimbawa ang pag-ibig na ipinakita ng ating dalawang bayani. Mga halimbawang dapat pagnilayan, pag-ibig na dapat damhin, dahil ang bawat pagkilos ng mga manghihimagsik ay hindi nakatuon lamang sa galit sa kaaway kundi higit pa ay sa pag-ibig sa kanyang mga kapatid, mga kauri, mga kapamilya at kapuso, pag-ibig sa mga maralitang hindi niya kakilala ngunit nauunawaan niyang dapat hindi hinahamak at pinagsasamantalahan, pag-ibig sa uring kanyang kinabibilangan upang ito'y hindi apihin at yurakan ng dangal at karapatan. Rebolusyonaryo dahil naghahangad ng pagbabago taglay ang adhikaing pagtatayo ng sistemang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Pag-ibig na walang pagkamakasarili kundi iniisip ang kapakanan na pangkalahatan.

Ang pag-ibig nilang ito'y maaaring maging gabay sa kasalukuyan. Hindi lamang pulos galit sa sistema ang dapat makita sa mga aktibista, o yaong mga nakikibaka sa lansangan. Tulad din ng pag-ibig ng mga aktibista ngayon, handa silang magpakasakit at iwan ang marangyang buhay, kung marangya man, o yaong dating buhay, upang yakapin ang prinsipyo at kilusang pinaniniwalaan nilang tunay na naglilingkod at nagmamahal sa sambayanan at sa uring matagal nang pinagsasamantalahan ng mapang-aping sistema. 

Tila magkatiyap ang kapalaran nina Andres Bonifacio at Che Guevara. Pareho silang manunulat at nag-iwan ng ilang mga sulatin. Pareho nilang nais ng pagbabago kaya sila'y nakibaka para sa kalayaan, kahit ibuwis nila ang kanilang buhay. Pareho silang humawak ng armas at naglunsad ng rebolusyon upang palayain ang bayan. Pareho silang nahuli at binihag. 

Pareho silang pinaslang habang sila'y bihag ng kanilang kaaway. Ang isa'y pinaslang ng mga dapat ay kapanalig sa pagpapalaya ng bayan, habang ang isa'y pinaslang ng mga kaaway sa lupain ng dayuhan. Si Bonifacio'y pinaslang ng mga tauhan ni Heneral Emilio Aguinaldo sa pamumuno ni Major Lazaro Macapagal noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite. Si Che Guevara naman, na ipinanganak sa Argentina, ipinanalo ang rebolusyong Cubano kasama ni Fidel Castro noong 1959, ay pinaslang noong Oktubre 9, 1967 sa La Higuera, Bolivia. Binaril siya ng sundalong Boliviano na nagngangalang Mario Teran, kahit siya na'y bihag ng mga ito.

Halina't ating pagnilayan ang tatlong huling taludtod ng tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan" ni Gat Andres Bonifacio:

"Kayong mga pusong kusang niyurakan
Ng daya at bagsik ng ganid na asal,
Ngayon ay magbango't Baya'y itangkakal,
Agawin sa kuko ng mga sukaban.

Kayong mga dukhang walang tanging palad
Kundi ang mabuhay sa dalita't hirap,
Ampunin ang Bayan kung nasa ay lunas
Pagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig,
Hanggang sa mga dugo'y ubusing itigis,
Kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid
Ito'y kapalaran at tunay na langit."

Kailangan natin ng rebolusyonaryong pag-ibig sa panahong ito ng ligalig.

Mga pinagsanggunian:
1. Aklat na "Panitikan ng Rebolusyon(g 1896)", ni Virgilio S. Almario, University of the Philippines Press, 1993, mp. 141-144, at p. 171-173
2. Aklat na "Si Che: Talambuhay at Ilang Sulatin ni Ernesto 'Che' Guevara", ni Gregorio V. Bituin Jr., Aklatang Obrero Publishing Collective, Oktubre 2007, p. 26 
3. Aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula", ni Virgilio S. Almario, De La Salle University Press, 1984, mp. 28-29
4. Aklat na "Florante at Laura" ni Francisco Balagtas

Huwebes, Abril 22, 2010

Aktibista, Makamasa, Internasyunalista

AKTIBISTA, MAKAMASA, INTERNASYUNALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bakit nga ba may aktibista, ang tanong ng karamihan. Sila raw ay nanggugulo lamang. Totoo iyon. Ginugulo nila ang gobyernong mali ang patakaran upang magwasto ito. Ginugulo nila ang mga kapitalistang manhid na walang pakialam kung mas masarap pa ang kinakain ng kanilang mga alagang aso kaysa pagkain ng karaniwan nilang manggagawa.

May aktibista dahil may kawalang katarungan. Tutunganga na lang ba tayo kahit inaapi na ang ating mga kababayan at kapatid? O tayo'y kikilos upang sila'y sagipin? Patuloy ang teroristang demolisyon ng tahanan ng mga maralita, patuloy ang mababang pasahod sa mga gumagawa ng yaman ng kapitalista, patuloy ang pagtataboy sa mga vendors na naghahanapbuhay ng marangal, patuloy na naiinitan ng sikat ng araw ang mga napakasisipag na magsasaka ngunit nagkukulang sa pagkain ng kanyang pamilya, patuloy ang pagtaas taun-taon ng matrikula sa paaralan gayong karapatan at hindi negosyo ang edukasyon, patuloy ang pagtaas ng presyo ng gamot at pagpapagamot gayong karapatan ng bawat isa ang kalusugan, dumarami ang mga batang manggagawa habang walang trabaho ang matatanda, atbp.

May aktibista dahil may pangangailangang tugunan ang iba't ibang kinakaharap na problema ng mga manggagawa, maralita, kababaihan, kabataan, magsasaka, maliliit na manininda, magniniyog, magtutubo, mangingisda, lumad, at iba pang aping sektor sa lipunan.

May aktibista dahil may nagsuri na mali ang sistemang kasalukuyan nating ginagalawan, na mali na may naghaharing iilan habang naghihirap ang higit na nakararami, na mali na umiiral ang kalagayang may mahirap at may mayaman.

May aktibista dahil may naniniwalang dapat ipaglaban ang lahat ng ating karapatan, at ang karapatan ay hindi dapat gawing negosyo ng pamahalaan at ng mga kapitalista, tulad ng ating karapatan sa pabahay, pagkain, trabaho, kalusugan, at marami pang karapatang dapat kilalanin at igalang.

May aktibista dahil nagdurugo ang ating puso kapag nakikita at nalalaman nating may naaapi at napapagsamantalahan. Hindi natin kayang manahimik, magbulag-bulagan, at magbingi-bingihan sa bawat hikbi ng ating kapwa mahihirap.

May aktibista dahil may nagresponde sa panawagang kumilos laban sa gobyernong puno ng kurakot, laban sa pamahalaan ng katiwalian, laban sa sistemang mapagsamantala, laban sa mga taong sariling interes lamang ang nais manaig imbes na interes ng higit na nakararami, laban sa mga kapitalistang walang pakialam kahit mamatay sa gutom ang pamilya ng manggagawa ngunit binabangungot pag nalulugi ang kumpanya.

May aktibista dahil patuloy na nabubuhay sa kadiliman ang ating bayan, ang ating lipunang ginagalawan. Tungkulin ng bawat aktibistang akayin sa liwanag ang bawat nasa dilim.

May aktibista dahil may taong prinsipyado, may makatarungang prinsipyong tinatanganan at ayaw pabayaan sa dilim ang kanyang kapwa. Prinsipyo niya'y makatao at internasyunalismo.

May aktibista dahil naniniwala siyang makakamit lamang ang kapayapaan sa daigdig kung makakamit ang hustisyang panlipunan para sa lahat.

May aktibista dahil hindi siya pasibo, kundi taong may pakialam sa kanyang kapwa tao.

May aktibista dahil naniniwala siya sa pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, at ito'y ninanais niyang umiral sa bawat isa.

May aktibista dahil mapagmahal siya sa kalikasan, at ayaw niyang mawasak ang mundong ito ng mga armas-nukleyar at mapamuksang elemento sa daigdig.

May aktibista dahil naniniwalang hindi dapat negosyo ng iilan ang mga serbisyo't karapatan ng bawat mamamayan.

May aktibista hangga't patuloy na umiiral ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika, hilaw na materyales, at lupa. Naniniwala siya at nakikibaka upang tiyaking maging pag-aari ng lipunan ang mga kasangkapan sa produksyon para sa kapakanan ng lahat, at di ng kakarampot na elitista lamang.

May aktibista dahil may patuloy na mangangarap, kahit yaong di pa isinisilang ngayon, ng isang lipunang makatao, isang lipunang hindi pinaghaharian ng kapital, isang lipunang may pagkakapantay-pantay, isang lipunang walang uri.

May aktibista dahil siya'y internasyunalista. Hindi siya makabayan, pagkat lahat ng uring api at pinagsasamantalahan, anuman ang lahi nito, ay kanyang ipinagtatanggol. Anumang tribu, anumang lalawigan, anumang bansa, anumang lahi ay dapat ipagtanggol laban sa lahat ng anyo ng pagsasamantala at pang-aapi ng tao sa tao. Anong silbi ng pagiging makabayan kung ang karatig bayan na hindi mo kalahi ay naaapi?

Ang aktibista'y internasyunalista. Walang bakod ang kanyang pagtulong sa maliliit at pagsusulong ng sistemang tunay na makatao para sa lahat.

Kung walang aktibista, lagi tayong nasa dilim, at patuloy tayong inaakay ng mga naghaharing uri sa kumunoy ng kahirapan. Patuloy pa ang kadiliman. Nananatiling sakbibi ng lumbay at dusa ang mga gumagawa ng yaman habang nagpapasasa sa yaman ng lipunan ang mga naghaharing iilan.

May aktibista dahil naririto tayo. Aktibo, hindi pasibo. May pakialam sa mga nangyayari sa ating kapaligiran, sa ating pamayanan, sa ating bayan, sa lipunang ating ginagalawan.

Yaong mga tumutuligsa sa mga aktibista ay yaong mga naghaharing uri at mga elitistang makasarili, walang pakialam sa kapwa tao, at ayaw itama ang kanilang mga kabuktutan sa kanilang kapwa. Yaong mga ayaw sa mga aktibista ay yaong mga gustong magkamal ng mas malalaking tubo at magpasasa sa pinaghirapan ng iba. Yaong mga tumutuligsa sa mga aktibista ang mga kapitalistang kung mandurog ng karapatang mag-unyon ng mga manggagawa ay parang pumipisa lamang ng mga ipis.

Ah, dapat pang hilumin ang mga sugat na nilkha sa kaibuturan ng puso't diwa ng mga mahihirap, mga sugat na likha ng mga elitistang yumuyurak sa karangalan at pagkatao ng mahihirap, mga sugat na likha ng mapag-imbot na kapitalistang sistema, mga sugat na kung maghilom man ay mag-iiwan pa rin ng pilat ng nakaraan.

Mga kapwa aktibista, hindi tayo dapat tumigil hangga't hindi nagwawagi. Marami pang suliraning dapat tugunan. Ang mga karapatan ay dapat tamasahin ng lahat at di negosyo ng iilan. Patuloy pa ang kurakutan sa kabangyaman ng bayan. Patuloy pa rin ang pagkamkam ng tubo ng mga kapitalista sa lakas-paggawa ng mga manggagawa. Kailangan pa ang mga aktibista ngayon para sa pagbabago.

Nawa'y makapagbigay tayo ng liwanag sa mga pusong inaagiw na sa pag-iimbot, mga matang mapangmata sa maliliit, sa mga taingang laging nagtetengang-kawali sa mga daing ng maralita, sa mga nangangakong laging pinapako ang kanilang sumpa pag naupo na sa poder, sa mga walang awa.

Ako'y aktibista at ipinagmamalaki ko iyon.

Halina’t itanim natin ang binhi ng aktibismo sa bawat isa. Para sa isang lipunan at daigdig na tunay na makatao.