Ipinapakita ang mga post na may etiketa na paunang salita sa aklat. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na paunang salita sa aklat. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Setyembre 6, 2014

Paunang Salita sa aklat na Bolshevismo 1

Paunang Salita sa aklat na Bolshevismo 1

BOLSHEVISMO BILANG DIWA’T GABAY
NG URING MANGGAGAWA

Bakit Bolshevismo? Marahil ito ang tanong ng marami sa atin kung bakit ito ang napiling katawagan sa aklat na ito. Ano nga ba ang Bolshevismo? Mula ito sa salitang "bolshevik" na sa wikang Ruso'y nangangahulugang "mayorya". Lumitaw ang salitang ito sa panahong nagkaroon ng dalawang paksyon sa ikalawang Kongreso ng Partido ng Russian Social Democratic Labour Party (RSDLP) noong 1903. Ang dalawang paksyong ito ay ang Bolshevik (mayorya) na pinamunuan noon ni Lenin, at Menshevik (minorya) na pinamunuan naman ni Julius Martov. Dahil sa pamumuno ng mga Bolshevik ay nagtagumpay ang Rebolusyong 1917. Dito natin hinalaw ang pangalang Bolshevismo ng aklat na ito, na kung babalikan natin ang kasaysayan ay isang ideya ng sama-samang pagkilos ng manggagawa, at isang sistemang nakabatay sa ideya ni Lenin bilang ating gabay sa pagrerebolusyon at pag-oorganisa ng uring manggagawa, na siyang mayorya sa lipunan.

Narito ang ilang depinisyon ng Bolshevismo mula sa iba't ibang diksyunaryo:

Mula sa dictionary.reverso.net, "Bolshevism is the political system and ideas that Lenin and his supporters introduced in Russia after the Russian Revolution of 1917".

Mula sa www.merriam-webster.com, ang Bolshevismo ay "the doctrine or program of the Bolsheviks advocating violent overthrow of capitalism".

Mula sa freedictionary.com, ang Bolshevismo ay "the strategy developed by the Bolsheviks between 1903 and 1917 with a view to seizing state power and establishing a dictatorship of the proletariat".

Mahaba naman ang pagtalakay sa Bolshevismo sa Oxford Dictionary of Politics, na ang unang talata ay ito: "Political theory and practice of the Bolshevik Party which, under Lenin, came to power during the Russian Revolution of October 1917. The Bolshevik (meaning ‘majority’) radical communist faction within the Russian Social Democratic Labour party emerged during the 1903 Party Congress following the split with the more moderate Mensheviks (meaning ‘minority’). After a period of intermittent collaboration and schism with the latter, the Bolshevik Party was formally constituted in 1912."

Ayon naman sa Gale Encyclopedia of Russian History, "Bolshevism may be characterized by strong organization, a commitment to world revolution, and a political practice guided by what Lenin called democratic centralism."

Ayon naman sa Wikipedia, "The Bolsheviks, founded by Vladimir Lenin and Alexander Bogdanov, were by 1905 a major organization consisting primarily of workers under a democratic internal hierarchy governed by the principle of democratic centralism, who considered themselves the leaders of the revolutionary working class of Russia. Their beliefs and practices were often referred to as Bolshevism."

Sa akdang Left-Wing Communism: an Infantile Disorder, tinalakay ni Lenin sa Paksang "The Principal Stages in the History of Bolshevism" ang kasaysayan ng Bolshevismo, na hinati niya sa iba’t ibang yugto:

The years of preparation for revolution (1903-05). The approach of a great storm was sensed everywhere.

The years of revolution (1905-07). All classes came out into the open. 

The years of reaction (1907-10). Tsarism was victorious.

The years of revival (1910-14). 

The First Imperialist World War (1914-17). 

The second revolution in Russia (February to October 1917).

Adhika ng Bolshevismo, Unang Aklat, at ng mga susunod pang serye nito, na ihatid sa malawak na mambabasa, lalo na sa uring manggagawa, ang mga sulatin ng mga rebolusyonaryong tulad nina Marx, Engels at Lenin, na isinalin sa wikang Filipino upang mas madaling maunawaan ng ating mga kababayan ang mga aral ng mga dakilang gurong ito ng rebolusyon. Sa ngayon ay inihahanda na ang Bolshevismo, Ikalawang Aklat.

Nawa ang proyektong pagsasalin na ito'y makapag-ambag sa muling pagbibigay-sigla sa kilusang paggawa, makapagpalalim ng kaalaman at pag-unawa sa mga teorya ng Marxismo-Leninismo, at makatulong sa mga manggagawa sa kanilang pagyakap at pag-unawa sa kanilang mahalagang papel na ginagampanan sa pagbabago ng lipunan. Halina’t sama-sama nating tahakin ang landas ng Bolshevismo! Marami pong salamat! Mabuhay kayo!

GREGORIO V. BITUIN JR.
Setyembre 6, 2014
Sinulat sa ika-68 kaarawan ng aking ina

Lunes, Agosto 25, 2014

Paunang Salita sa aklat na Mga Sanaysay ng Pagbangon

PAGMULAT AT PAGBANGON!

"Hindi ang lahat ay nakatulog sa kapanahunan ng ating mga ninuno!" Ito'y ayon kay Pilosopo Tasyo sa Kabanata 25 ng Noli Me Tangere ni Gat Jose Rizal. Sinabi ito ni Pilosopo Tasyo nang mapuna ni Crisostomo Ibarra ang kanyang isinusulat sa baybayin (o unang sistema ng panulat ng ating mga ninuno), na tinawag na hiyeroglipiko ni Ibarra. Makahulugan ang sinabing ito ng matanda na nauukol pa rin hanggang sa panahong ito.

Siyang tunay. Mahirap matulog sa gitna ng panganib, sa gitna ng pagsasamantala ng naghaharing uri, sa gitna ng pananalasa ng bulok na sistema, sa gitna ng pagyurak sa dangal ng bayan, sa gitna ng kawalan ng paggalang sa karapatang pantao ng bawat isa. Ngunit mas mahirap ang nagtutulug-tulugan. Tulad din ng mahirap ang magbulag-bulagan sa harap ng nagdudumilat na katotohanan ng karukhaan at kawalang katarungan. Tulad din ng mahirap ang magbingi-bingihan sa kabila ng dinig na dinig ang mga bulong ng pasakit, mga hinaing at hikbi ng mga nahihirapan at pinagsasamantalahan. Tanda ng kawalang pakialam sa kapwa ang pagtutulug-tulugan, at mas nais pang kunwari'y umidlip upang hindi mapansin ang mga suliranin sa paligid. Hindi lahat ay natutulog dahil may panahon ng pagbangon kahit sa kailaliman ng gabi upang iligtas ang bayan, ang kapwa, ang uri.

Ngunit sa paghikab, dahil na rin sa pagod sa maghapon, ay natutuluyan na tayong makatulog at managinip.

Pag hindi maganda ang ating panaginip, magmumulat agad tayo upang ang hininga'y habulin. Pagkat ang pangit na panaginip ay maaaring magdulot ng bangungot. Pangit ang ating mga nararanasan sa kasalukuyang sistema ng lipunan, kaya dapat tayong mamulat at magbangon upang palitan ito ng sistemang ang bawat isa'y magbibigayan ng ngiti, upang magkaroon ng sistemang wala nang pagsasamantala ng tao sa tao.

Magmumulat tayo't babangon upang yakapin ang isang magandang adhikain. Ang mabuting layunin para sa mas nakararami ay hindi kinakailangang balutan pa ng baluktot at tiwaling gawain.

Ang mga sanaysay na tinipon sa aklat na ito'y bunga ng mga siphayo, danas at pangarap upang magkaroon ng katiwasayan ang puso't isip, upang magbahagi sa kapwa, upang mamulat at bumangon din ang iba mula sa bangungot ng karukhaan dulot ng kapitalista't elitistang sistema na siyang naghahari sa kasalukuyang lipunan. Ang mga sanaysay na narito'y ambag sa kasalukuyan at mga susunod pang salinlahi, at siyang dahilan upang balikatin natin ang tungkuling baguhin ang lipunan at magkaisa tayo tungo sa tunay na kaunlaran ng lahat tungo sa pagpawi ng mga uri ng tao sa lipunan, upang magkaroon ng pantay na karapatan at mawala na ang pagsasamantala ng isa sa kanyang kapwa. Dapat ay hindi lamang iilan sa lipunan ang nagtatamasa kundi lahat ng mamamayan. Dapat wala nang sanlaksang dukha at iilang nagtatamasa sa yaman ng lipunan.

Nawa'y makatulong munti man ang mga sanaysay na narito sa ating pagbangon mula sa matagal na pagkakaidlip.


GREGORIO V. BITUIN JR.
Agosto 25, 2014

Huwebes, Agosto 21, 2014

Paunang Salita sa aklat na MASO, Ikaapat na Aklat

TATAGAN ANG PAGTANGAN SA MASO

Matagal nang hindi nakapaglathala ng aklat na MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa. Nalathala ang unang koleksyon noong 2006, ikalawang koleksyon noong 2007, at ikatlong koleksyon noong 2008. Anim na taon ang nakalipas, muli itong nalathala ngayong 2014. Bakit nagtagal nang ganoong panahon bago muling makapaglathala? Maraming salik.

Una, halos kakaunti na lang sa mga manggagawa ang nagsusulat ng panitikan, kaya mahirap silang makumbinsing magpasa ng akda. Marahil din naman, hindi naman ganoong kapopular ang ating aklat na MASO kahit na nakapaglathala na ito ng tatlong koleksyon ng panitikan. Kakaunting bilang ng aklat lamang ang nalalathala dahil na rin pultaym na aktibista ang nagpopondo, na kadalasang kapos din sa pangangailangan.

Ikalawa, hindi ito napagtuunan ng pansin dahil na rin sa bukod sa maraming gawain ay mas inasikaso ang mga blog ng panitikan sa internet, imbes na maglathala.

Ikatlo, nalunod sa bagyong Ondoy ang natitirang kopya ng Maso 1, 2 at 3, at pinatuyo na lamang ang mga iyon kahit hindi na nabubuklat dahil masisira. Pinatuyo at itinago bilang patunay ng nailathalang naunang tatlong isyu, na kung magkakaroon ng panustos na mas maalwan ay ilalathala muli ang tatlong iyon.

Ikaapat, mahirap mag-ipon ng akda ng mga makata't manunulat. Mabuti na lamang at nakumbinsi silang magsulat at naitatabi ko ng maayos ang kanilang mga ipinasang akda.

Mahalaga ang pag-iipon ng mga tula, sanaysay at maikling kwento ng mga aktibista't manggagawang nasa loob mismo ng isang kilusang mapagpalaya at naghahangad ng tunay na pagbabago, sa prinsipyo ng pagpapakatao at pagkakapantay sa lipunan, prinsipyong mawala na ang pagsasamantala ng tao sa tao, at prinsipyong itayo ang isang tunay na lipunang makatao, na iginagalang ang karapatan ng bawat isa, at nabubuhay ng may dangal.

Kaya kailangang magpatuloy. Hindi maaaring hindi malathala ang kanilang ipinasang mga akda. Ang kanilang mga inaambag at isinulat ay malaki nang kontribusyon sa panitikan ng uring manggagawa, hindi lang dito sa bansa, kundi maging sa iba pang panig ng daigdig.

Ang bawat akda’y inipon at pinagtiyagaang i-edit sa mga maling pagtipa sa kompyuter, ngunit hindi halos ginalaw ang buong akda upang kahit papaano’y madama ng mambabasa ang kaseryosohan ng umakda. Nilagay na rin ang petsa sa dulo ng bawat akda upang malaman ng mambabasa kung kailan ba ito nasulat, o naipasa sa inyong lingkod.

Halina't basahin natin at namnamin ang mga sakit at timyas ng panitik ng mga makata't manunulat na naririto. Lasapin natin ang tamis at pait ng kanilang danas, sakripisyo at tuwa. Damhin natin ang higpit ng kanilang panawagang pagkaisahin ang uri bilang malakas na pwersa sa pagbabago. Marahil ay matatagpuan din natin ang ating sarili sa mga sulating ito habang matatag nilang tangan ang maso ng pakikibaka, magtagumpay man sila o mabigo.

Paghandaan na natin ang ikalimang koleksyon ng panitikan - ang MASO 5 - kaya muli tayong kumatha at mag-ipon ng mga panitikang balang araw ay pakikinabangan din ng mga susunod na henerasyon. Mabuhay kayo!

GREGORIO V. BITUIN JR.
Tagatipon at Editor ng MASO 4
Tagapamahala ng Aklatang Obrero Publishing Collective

21 Agosto 2014

Martes, Abril 22, 2014

Paunang Salita sa aklat na Kahoy na Walang Lilim

Paunang Salita sa aklat na Kahoy na Walang Lilim
ni Gregorio V. Bituin Jr.


ANG KAHOY NA WALANG LILIM 
SA KARTILYA NG KATIPUNAN

“Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag." ~ mula sa Kartilya ng Katipunan

Napakahalaga ng katitikang ito mula sa Kartilya ng Katipunan. Kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag ang buhay na hindi ginamit sa isang marangal at banal na layunin. Naramdaman ko ang kahoy na walang lilim na iyon nang magtungo ako, kasama ang iba pa, sa isang lugar na nasalanta ng Yolanda.

Sumama ako sa paglalakbay patungong Samar at Leyte mula Disyembre 1 hanggang madaling araw ng Disyembre 6, 2013. May dalawang trak at isang van kami na nag-convoy. Kasama ako sa isang trak na tumungo sa barangay ng Canramos, sa bayan ng Tanauan sa lalawigan ng Leyte. Habang ang isang trak naman ay sa isa pang bayan sa Leyte. Sumabay sila sa amin sa Canramos bago tumulak kinabukasan patungo sa bayan ng Abuyog na siyang bayan din ng dalawang estudyante ng UP na kasama namin at gumiya sa trak paroon. Ang van ay nagtungo naman sa Guiuan sa lalawigan ng Samar, na dumaan din sa bayan ng Borongan upang dalhin ang dala naming generator na binili sa Quiapo.

Isa akong aktibista, na layunin sa buhay ay makibaka at tumulong sa aking kapwa tungo sa pagbabago at pagkakapantay sa lipunan. Ito ang dahilan kung bakit napadpad ako sa mga grupong tulad ng KAMALAYAN o Kalipunan ng Malayang Kabataan, Sanlakas, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Zone One Tondo Organization (ZOTO), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Saniblakas ng Inang Kalikasan (SALIKA), Partido Lakas ng Masa (PLM), at sa kasalukuyan ay sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Kasapi rin ako ng Kamalaysayan  (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan, na dating Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan) na nagtataguyod ng Kartilya ng Katipunan.

Dalawang dekada nang kumikilos mula sa kilusang makabayan tungo sa kilusang sosyalista. Nasa tanggapan ako ng PLM nang maranasan ang matinding bagyong Ondoy na nagpalubog ng buong Kamaynilaan sa baha sa loob ng anim na oras noong Setyembre 26, 2009. Hanggang sa maganap ang pinakamtinding bagyo sa kasaysayan, ang Yolanda (na Haiyan ang internasyunal na pangalan), noong Nobyembre 8, 2013. Dahil dito'y boluntaryo akong sumama sa People's Caravan patungo sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Ang People’s Caravan ay pinangunahan ng mga kasapi ng Partido Lakas ng Masa (PLM), Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Timog Katagalugan (BMP-ST), at SuporTado Movement.

Nakarating kami sakay ng trak sa St. Vincent Ferrer Parish sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte noong Disyembre 3, 2013. Sinalubong kami ng kura parokong si Fr. Joel, at nagtulong kami ng mga mamamayan doon sa pagbaba ng mga kargamentong relief goods mula sa trak.

Magkahalong pananabik at panlulumo ang aking dinatnan doon. Pananabik dahil sa unang pagkakataon ay nakarating ako ng lalawigan ng Samar at Leyte. Panlulumo dahil dinatnan namin ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga kababayan nating nasalanta ng superbagyong Yolanda.

Naikwento naman ni Fr. Joel ang tungkol sa isa niyang sakristan na umalis na sa lugar. Ayon sa kanya, noong kasagsagan ng bagyo, akala ng sakristan na hawak na nito ang kamay ng kanyang kapatid upang di matangay ng rumagasang baha, ngunit ibang tao pala ang kanyang nasagip. Wala ang kanyang kapatid at ilang araw pa bago natagpuan ang labi nito sa isang malayong lugar.

Naglibot ako at nakita ako ni Ka Rene na dati kong kakilala noon pang 1998 sa pakikibaka laban sa demolisyon sa kanilang lugar sa Taguig. Nakilala agad niya ako at sinabi niyang "Di ba, taga-Sanlakas ka?" Na sinagot ko naman agad ng "Oo." Dugtong niya, "Natatandaan mo pa ba ako? Dati akong taga-Fomcres, kasama nina Dacuno." Sagot ko naman ay "Oo, pamilyar nga sa akin ang mukha mo." Napakaliit ng mundo.

Naikwento niya ang masakit na pangyayari noong panahon ng Yolanda. Nang humupa ang bagyo at bumaba na ang tubig ay natagpuan na lamang na nakasabit sa isang mataas na puno ang kanyang ina, wala nang buhay.

Tapos noon ay sinabi ko kay Fr. Joel ang tungkol kay Ka Rene. Inakyat naman namin nina Ka Rene ang kampanaryo upang makita ang buong paligid. Naglibot din kami ni Ka Rene sa palibot ng barangay hanggang sa plasa, kung saan nakita ko ang maraming body bags, mga nawalan ng bubong na eskwelahan at mga tanggapan, habang tangan ko ang aking kamera at kumuha ng mga litrato.

Mainit ang panahon ng aming paglilibot. Dapat na nakasumbrero ka o kaya'y nakapayong dahil walang punungkahoy na may lilim. Habang nagmumuni doon ay naalala ko ang unang taludtod na nakatitik sa Kartilya ng Katipunan, na tulad ng nakikita ko nang panahong iyon. Kahoy na walang lilim. Ang pambungad na aral ng Kartilya ng Katipunan ay "“Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag."

Aktibista ako, makakalikasan, at nais kong gugulin ang aking buhay hindi tulad ng isang kahoy na walang lilim. Tulad din ng ibang may marangal na layunin sa buhay, hindi natin dapat sayangin ang ating panahon sa mga walang kabuluhang bagay. Nais kong gugulin ang aktibismo upang maiahon ang bayan sa kahirapang dulot ng pribadong pagmamay-ari ng iilan sa mga kasangkapan sa produksyon. Dapat tayong maging isang punong magbibigay lilim sa ating kapwang naiinitan ng karukhaang kanilang dinaranas.

Ang kahoy na may lilim ay magbubunga ng matatamis na prutas pagkat minahal at inalagaang mabuti. Tulad ng isang matatag na punongkahoy, pag tayo ay nawalay sa uring manggagawa ay para tayong mga sangang nawalay sa puno. Dapat pala tayong maging sanga ng punong nagbibigay ng lilim sa ating kapwa.

Napakahalaga ng Kartilya ng Katipunan bilang bahagi ng ating pakikibaka para sa isang maayos na kapaligiran at magandang kalikasan. Kaya halina’t isapuso ang Kartilya ng Katipunan at huwag maging kahoy na walang lilim.

Umalis kami sa Leyte nang may panibagong pag-asang lalong nagpainit sa pagkilos upang makamit ang lipunan at kalikasang inaasam.

Abril 22, 2014
Sampaloc, Maynila

Lunes, Disyembre 9, 2013

Paunang Salita sa aklat na SAGAD SA BUTO


Paunang Salita

PAG SAGAD NA SA BUTO, ANONG DAPAT GAWIN?

Laksa-laksa ang mga api sa lipunan, habang may iilang nagtatamasa sa yaman ng lipunan. Sagad na sa buto, ngunit hindi sagot ang paghihimutok lamang. Hindi sapat ang magalit lamang tayo ngunit wala tayong pagkilos na gingagawa at hindi pa tayo nanawagan ng pagkakaisa ng kapwa api. Sagad na sa buto kaya kinakailangan ang nararapat na pagkilos upang lutasin ang suliraning yumayanig sa buong pagkatao.

Sagad na sa buto ang kaalipinan ng mga itim kaya sila kumilos. Sagad na sa buto ang kawalanghiyaan ng mga kapitalista sa mga manggagawa. Sagad na sa buto ang mga ganid at sakim sa salapi at kapangyarihan. Sagad na sa buto ang pangungurakot ng mga pulitiko sa kaban ng bayan.

Sagad na sa buto. Inuuk-ok na ang ating kaibuturan ng kabulukan ng sistema ng lipunan. Hindi na tayo dapat magbulag-bulagan sa ating mga nararanasang dusa. Hindi tayo dapat maging bingi sa daing ng kapwa api. Hindi tayo dapat maging pipi kundi ihiyaw natin na sobra na, tama na, at dapat palitan na ang lipunang yumuyurak ng dangal ng ating kapwa. Oo, sagad na sa buto. Ibig sabihin, pag puno na ang salop, dapat nang kalusin. Pag sagad na sa buto, dapat nang lumaban! Suriin at pag-aralan ang lipunan, at kumilos para sa pagbabago! Karapatan ng sinumang api ang maghimagsik!

Ibig ding sabihin, dahil ang kabulukan ng sistema’y hene-henerasyon nang nagaganap, dapat nang magkaroon ng malawakang pagbabago, dapat nang mag-aklas ang mga api upang ibagsak ang uring mapang-api at tuluyang magbago ang kanilang kalagayan. Hindi na dapat manahin pa ng mga susunod na henerasyon ang mga kaapihang dinanas ng kanilang mga ninuno mula sa kamay ng mga mapang-aping uri. Panahon nang mag-aklas. Panahon na ng pagbabago, Panahon na ng rebolusyon. Maghimagsik laban sa mga mapagsamantala.

Ang mga tulang naririto'y paglalarawan kung bakit lumalaban ang mga api, at kung bakit dapat pangarapin ng mga api ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Nawa'y makatulong ang mga tulang naririto, kahit bahagya man, sa pagkamulat ng marami nating kababayang dapat nang humulagpos sa tanikala ng pagkaapi at kahirapan.

GREGORIO V.  BITUIN JR.
Sampaloc, Maynila
Disyembre 9, 2013

Miyerkules, Oktubre 2, 2013

Paunang Salita sa aklat na BONIFACIO 150

Paunang Salita
ni Gregorio V. Bituin Jr.

BONIFACIO 150

Ani Gat Andres Bonifacio, "Dapat naman ninyong mabatid na ang kadahilanan ng ating paggugugol ng lalong mahalaga sa loob at sampu ng ingat na buhay ay nang upang tamuhin at kamtan yaong nilalayong Kalayaan ng ating Bayang tinubuan na siyang magbibigay ng buong kaginhawahan at magbabangon ng ating kapurihan na inilugmok ng kaalipinan sa hukay ng kadustaang walang makatulad." (mula sa ikaapat na talata ng kanyang maikling akdang Mararahas na mga Anak ng Bayan)

Ang mga akda, sakripisyo, buhay, at karanasan ni Gat Andres Bonifacio ay mga aral na dapat nating balikan bilang pagpupugay sa kasaysayan at dangal ng bayan. At sa pagdatal ng ika-150 kaarawan ni Bonifacio sa Nobyembre 30, 2013, ay ating gunitain at ipagdiwang ang pagkakaroon ng isang Andres Bonifacio sa kasaysayan.

Mga kapatid, ang kasalukuyang panahon ay hindi naiiba sa panahon nina Bonifacio. Bagamat maraming nagbago dahil sa teknolohiya ay wala pa rin talagang nagbago, pagkat nagpapatuloy pa rin ang kahirapan, kagutuman, at kaalipinan.

Kaya kinakailangan pa rin nating kumilos at huwag manahimik na lang sa nakikita nating kaaba-abang kalagayan ng ating mga kababayan at laganap na katiwalian at pagsasamantala sa ating lipunan.

Sinikap ng inyong lingkod na sulatin at tipunin ang mga akdang ito bilang handog sa ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio. Ang kanyang halimbawa ay ating balikan at pag-aralan, at gawin nating inspirasyon ang kanyang kabayanihan tungo sa paglilingkod sa kapwa at sa pagpapalaya at pagtatamo ng ginhawa ng mga naninirahan sa bansang itong tangi nating lupang tinubuan.

Mabuhay ang ika-150 kaarawan ng Supremo! Mabuhay si Gat Andres Bonifacio

Martes, Hunyo 12, 2012

Paunang Salita sa aklat na ISANG KABIG, ISANG TULA


Paunang Salita

PAGKABIG NG 101 TULA

Isang paglalaro ng salita mula sa kasabihang "isang kahig, isang tuka" ang pamagat ng aklat - Isang Kabig, Isang Tula. Bagamat ang kasabihan ay tumutukoy sa mga dukha o yaong bihirang makakain ng sapat kung hindi kakayod, ang Isang Kabig, Isang Tula ay katipunan ng isangdaan at isang (101) tula hinggil sa iba't ibang isyung panlipunan at personal.

Bakit nga ba kabig, at bakit tula? Marahil ay dahil pangit pakinggan ang isang kahig, isang tula, na tila ba naghihirap ang makata sa pagkatha ng tula, at nagkukulang na siya sa haraya. Kaya hindi ginamit ang salitang kahig, dahil animo'y gutom na manok na naghahanap ng uod na matutuka. Mas maganda at tumutugma rin sa "isang kahig, isang tuka" ang "isang kabig, isang tula" dahil positibo ang salitang kabig sa pagtugaygay sa tula.  Tulad din ng pagiging positibo ng mga negatibong pananaw, kung paanong ang negatibong "kaya ngunit mahirap" ay gawin nating positibong "mahirap ngunit kaya".

Sa UP Diksyunaryong Filipino, Ikalawang Edisyon, 2010, pahina 536, may dalawang entrada ang salitang kabig:

ká-big png 1: paghila ng anuman papalapit sa sarili sa pamamagitan ng kamay; pnd 2: a. anumang napanalunan sa sugal, b. pagkolekta ng napanalunan sa sugal; 3. alagad

ka-bíg png: pinakamabilis na hakbang sa pagtakbo ng kabayo habang hindi pa nakatungtong ang mga paa nito sa lupa

Kung pagbabatayan ang depinisyon, kinakabig ng makata papalapit sa madla ang mga paksang maaring pagnilayan, pangit man o maganda, sa ayaw man o gusto, at bakasakaling may mapulot silang aral na balang araw ay makatutulong sa kanilang paglangoy sa agos ng buhay. Tulad din ito ng pagkabig ng manibela habang nagmamaneho sa panahong kailangan upang makaiwas sa panganib o sakuna, maingatan ang bawat sakay nito, at maging maayos ang pagpapatakbo ng sinasakyan.

Maganda rin ang salitang napanalunan sa kahulugan ng kabig, dahil sa bawat tula’y hindi  marahil mabibigo ang makata sa pagbigay sa masa ng tulang makakikiliti sa diwa at pagnilayan ang mga yaon. Animo'y sugal na di alam ng makata kung sino ang makababasa sa kanya, at ang magbasa ng kanyang katha'y panalo na niya sa puso't diwa. At higit sa lahat, ang mambabasa'y nagiging kaibigan, kasama, at kapwa alagad na kaisa sa marangal na adhikain, bagamat di personal na nagkakatagpo ang makata't ang mambabasa.

Sa ikalawang entrada naman ng depinisyon ng kabig, ang pinakamabilis na hakbang ng makata upang iparating sa masa ang mga paksang nais ibahagi ay sa pamamagitan ng tula

Mula dito'y tinipon ng makata ang 101 sa kanyang mga tula upang himukin ang mambabasa na alamin ang ilang isyung panlipunan, kasama na ang ilang personal na usapin, tulad ng pag-ibig, sa layuning magbahagi. Magbahagi sa madla bilang nagkakaisang kabig patungo sa pag-unlad, at hindi pagiging kabig tungo sa kabiguan.

Nawa'y kagalakan ng sinumang mambabasa ang mga gayak at pahiyas na isiningkaw ng makata sa bawat tulang inililis ng haraya upang kahit papaano'y makatulong sa pagtistis sa ilang suliraning pansarili, lalo na ang sakit ng lipunan at kapaligiran na naghahanap ng tugon, sa panahong mahirap humagilap ng agarang lunas ngunit patuloy na naghahanap.

Gregorio V. Bituin Jr.
Sampaloc, Maynila
Hunyo 12, 2012

Miyerkules, Setyembre 15, 2010

Paunang Salita - sa aklat na KapitBisig

PAUNANG SALITA
sa aklat na KAPITBISIG, Pagkakaisa sa Laban ng Manggagawa ng Goldilocks
ni Gregorio V. Bituin Jr.


PAGSULONG AT PAGMATE

“sa bawat labanan may iba't ibang taktika
upang pasukuin ang tusong kapitalista
panalo sa isa, sa iba'y baka di ubra
kaya sa bawat sulong, dapat mag-analisa”

Binaybay ng aklat na ito ang naging pakikibaka ng mga manggagawa ng Goldilocks bilang testamento ng kanilang marubdob na pagkakaisa sa layuning ipagtagumpay ang kanilang laban.

Gayunman, ang aklat na ito ay hindi isang blueprint kung paano manalo sa laban, kung paano magtagumpay ang isang welga, dahil wala namang blueprint ang bawat taktika at estratehiya, pagkat lahat ay nakadepende sa magkakaibang sitwasyon at magkakaibang taktika ng magkabilang panig. Walang iisang pormula kung paano manalo sa laban. Ang pagkawagi sa isang labanan ay maaaring pagkatalo naman sa isa pa. Iisa ang sigurado - hindi tayo dapat patulog-tulog sa pansitan.

Tulad ng larong chess, hindi pwedeng ang alam mo lang na opening move ay 1. e4 na ang ekspektasyon mo sa katunggali ay tutugon agad ng 1... e5 2. Nf3 Nc6 (na siyang sulong ng magkatunggali sa popular na ruy lopez opening), paano na kung tumira ng sicilian defense na 1...c5 ang iyong katunggali, e, di nawindang ka agad dahil di ka pamilyar sa sulong ng iyong katunggali. Paminsan-minsan naman, ibahin mo ang iyong sulong. Mag-1.d4 ka. Mag-queens gambit ka. Opening move pa lang iyan. Paano na kaya sa middle game hanggang sa end game? Marami ang di na nakararating sa middle game o sa end game dahil sa opening pa lang ay namate na.

Sa bawat sitwasyon, kailangan ng masusing pagsusuri sa kalagayan, hindi iyong basta tira lang ng tira. Kailangang inaanalisa ang bawat pagsulong ng katunggali, lalo na ang bawat tira mo, at baka malapit ka nang mamate ay hindi mo pa alam. Kung hindi nagkaisa sa laban at hindi nagsuri ang mga manggagawa ng Goldilocks, marahil sa unang salpukan pa lang ay namate na sila ng management. Ngunit sa matagal na panahon ng tunggalian ng uri sa lipunan, tulad ng larong chess, ay nakakaintindi sa laban ang uring manggagawa. Hindi sila paiisa sa kanilang katunggali. Ayaw nilang basta mamate na lang ng kapitalista ng walang kalaban-laban. At ayaw ng manggagawang mamate.

Ang 16 na araw na welga ng mga manggagawa ng Goldilocks, kasama na ang mga sumuporta sa kanila, ay nagpapakita ng marubdob na hangarin at determinasyon ng bawat isa na sa pagkakaisa ng uri ay kanilang mapapagtagumpayan ang anumang laban. O di kaya naman, kung di agad maipanalo ang laban dahil sa bangis ng katunggali, ay draw o kaya'y stalemate muna, upang mapaghandaan ang mga susunod na laban.

Mahaba pa ang laban, dahil hindi lang Goldilocks ang naapi at dapat tulungan, kundi marami pang unyon sa marami pang pabrika, marami pang manggagawa sa marami pang pagawaan, may unyon man o wala, na dapat organisahin at pagkaisahin. Dahil habang nasa ilalim tayo ng isang sistemang ang pangunahing layunin lagi ay tubo at ang tingin sa manggagawa ay gastos sa produksyon, mananatiling kawawa ang mga manggagawa na pinaiikot lang sa palad ng mga kapitalista. Dapat baguhin ang ganitong sistema't pananaw sa manggagawa.

Ang manggagawa ang bumubuhay sa kapitalista, ngunit ang manggagawa pa ang api sa pabrika. Kung walang manggagawa, hindi mabubuhay ang kapitalista. Maaaring mabuhay ang lipunang ito ng walang kapitalista, ngunit hindi mabubuhay ang lipunang ito ng walang manggagawa. Ang manggagawa ang bumubuhay sa ekonomya ng bansa, ngunit hindi siya binabayaran ng tamang presyo ng kanyang lakas-paggawa. Binibiktima ang manggagawa ng salot na kontraktwalisasyon sa iba't ibang pabrika, ngunit nag-aakala ang manggagawa na ganito na kasi ang kalakaran kaya dapat pagtiisan, na hindi naman dapat.

Dapat pag-aralan ng mga manggagawa sa pabrika, maging empleyado sa gobyerno, tulad ng mga guro, kung sa anong klaseng lipunan tayo nabubuhay, kung bakit laksa-laksa ang naghihirap at may kakarampot na yumayaman, kung bakit may nakatira sa kariton, mapalad na kung may barung-barong, gayong naglalakihan ang mga mansyon at kondominyum na walang nakatira. Sa kabila ng pag-unlad sa lipunan, bakit kumakain ng tira-tirang pagkain o pagpag mula sa McDo at Jollibee ang maraming maralita?

Manggagawa, masdan mo ang iyong paligid. Pag-aralan mo ang lipunang ating ginagalawan. Bakit tayong mga manggagawa ang naghihirap gayong tayo ang gumagawa ng yaman ng lipunan? Dapat ba tayong magkayod kalabaw at gumapang sa hirap para pag-aralin ang ating mga anak, gayong ang edukasyon ay karapatan kaya dapat tinatamasa ng lahat? Na kung ang edukasyon ay karapatan, ito'y dapat libre, at kung ito'y libre, bakit pa tayo magkakayod kalabaw at gagapang sa hirap para pag-aralin natin ang ating mga anak?

Dahil nabubuhay tayo sa kapitalistang sistema. Isang sistemang ang ating mga karapatan ay hindi natin natatamasa dahil may presyo. Ang ating karapatan sa kalusugan ay dapat libre, ngunit kailangan mo munang mag-down payment sa ospital bago ka magamot. Na kung di ka makapag-down payment dahil sa kawalan ng salapi, bahala ka nang mamatay sa isang tabi dahil walang pakialam ang ospital dahil wala kang pera.

Sa ngayon, nahaharap pa rin sa tuluy-tuloy na laban ang mga manggagawa. Patuloy pa ang salot na kontraktwalisasyon, kung saan karaniwang limang buwan na lamang pinagtatrabaho ang manggagawa para palitan ng ibang manggagawang limang buwan ding magtatrabaho na ang layunin ng kontraktwalisasyong ito ay makatipid ang kapitalista at maiwasan nila ang pagbibigay ng benepisyo dahil para sa mga kapitalista't negosyante, kabawasan ito sa limpak-limpak nilang tubo at gastos sa produksyon . Gastos sa produksyon, hindi lang ang benepisyo, kundi ang mismong manggagawang kakarampot ang sahod.

Sa Goldilocks man tayo nagtatrabaho o sa ibang kumpanya, may tungkulin tayong maging kaisa ng mga manggagawa sa iba't ibang pagawaan, pabrika, paaralan o maging ahensya ng pamahalaan. Kailangang magkaisa ang manggagawa bilang iisang uri. Kailangang kailangan para sa kinabukasan ng ating mga anak, magiging apo, at ng mga susunod pang henerasyon. Dapat nating ituring na ang laban ng bawat manggagawa para sa katiyakan sa pagtatrabaho ay laban ng buong uri. May tungkuling tayong mga manggagawa na itayo ang sarili nating lipunan, isang lipunang makatao. Kung hindi tayo magkakaisa ngayon bilang iisang uri, kailan pa? Kung hindi tayo, sino?

Binigyan tayo ng pagkakataong maging kaisa ng iba't ibang manggagawa mula sa iba't ibang pabrika, unyon at pederasyon, ipagpatuloy natin ito, tapos man ang welga o hindi. Dahil ang pagkakaisang ito ang hudyat natin sa ating ikapagtatagumpay upang tuluyan nang mapalitan ang bulok na sistemang kapitalismo na nagsadlak sa maraming nagdaralitang tao sa dagat ng kahirapan, di lang dito sa ating bansa kundi sa buong daigdig. Ang welga ng mga manggagawa ng Goldilocks at ang pagkakaisa ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang unyon, pederasyon at pabrika sa labang ito ay isang aral sa ating lahat. Halina’t magkaisa tayong tulungan at organisahin ang iba pang kapatid nating mga manggagawa sa iba pang pabrika, pagawaan o ahensya upang sila’y mamulat at maging kaisa rin natin sa laban upang itayo ang lipunang walang pagsasamantala, isang lipunan ng uring manggagawa.

Magkakaiba man ang sitwasyon at pagkakataon sa pagbasa upang maipanalo ang welga, isa lang ang tiyak na maiaambag ng karanasang ito, ang pagkakaisa at pagtutulungan ng kapwa manggagawa.

Mabuhay ang mga manggagawa ng Goldilocks! Mabuhay ang Bisig-Aglo-BMP! Mabuhay ang uring manggagawa! Tuloy ang laban!

Setyembre 14, 2010

Lunes, Enero 25, 2010

Paunang Salita sa Librong "Aralin sa Kahirapan"

Paunang Salita sa Librong "Aralin sa Kahirapan"

HALINA'T PAG-ARALAN ANG LIPUNAN
Sinulat ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mga kapatid, kasama, kaibigan, kababayan, halina't pag-aralan natin ang lipunang ating ginagalawan.

Bakit nga ba laksa-laksa ang mga naghihirap sa ating bayan, habang may kakarampot na nagpapasasa sa yaman ng bansa? Talaga nga bang may ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig? Bakit sa kabila ng kaunlarang inabot ng tao ay nakabungad pa rin sa atin ang mukha ng karalitaan?

Bakit ang gumagawa ng yaman ng lipunan - ang mga manggagawa - ang siyang naghihirap?

Bakit ang mga karpinterong gumagawa ng bahay ang siyang nakatira sa barung-barong, imbes na sa mansyon?

Bakit ang mga magsasakang gumagawa ng bigas ang kadalasang walang maisaing na bigas dahil walang pambili?

Bakit ang mga gurong humuhubog sa kinabukasan ng ating mga kabataan sa pamamagitan ng may kalidad na edukasyon ang siyang may mababang sahod at mababa ang kalidad ng pamumuhay?

Bakit sa kabila ng mga pangako ng mga pulitiko na kalidad ng buhay sa bawat halalan ay naglipana pa rin ang mga pulubi at mga batang lansangan, na walang matirahan kundi kariton o kaya'y karton sa mga bangketa?

Karapatan natin ang mag-aral ngunit kung karapatan ito, bakit ito may presyo at iyun lamang may kakayahang magbayad nito ang nakakakuha ng magandang edukasyon?

Karapatan natin ang kalusugan ngunit kung karapatan ito, bakit ito may presyo at iyun lamang may kakayahang magbayad sa ospital ang nagagamot?

Karapatan natin ang magkaroon ng sariling bahay ngunit kung karapatan ito, bakit ito may presyo at iyun lamang may kakayahang magbayad nito ang nagkakaroon ng magagandang mansyon?

Napakaraming katanungang naghahanap ng malinaw na kasagutan. Maraming bagay sa mundong ito na dapat hanapan ng paliwanag at maunawaan nating mabuti, lalo na't malaki ang kaugnayan nito sa ating buhay, at sa buhay ng ating mga mahal. Hindi natin dapat ipagwalang-bahala na lamang ang mga bagay na ganito. Kaya nararapat lamang nating masusing pag-aralan ang lipunang ating kinasasadlakan.

Hindi sapat ang galit! Hindi sapat na tayo'y magalit lamang habang wala tayong malamang gawin dahil di natin nauunawaan ang takbo ng lipunan. Hindi sapat na tumunganga lamang tayo sa kabila ng nakikita na natin ang mga problema.

Kailangan nating kumilos. Hindi lahat ng panahon ay panahon ng pagsasawalang-kibo, ngunit lahat ng panahon ay panahon ng pagpapasiya.

Kaya nagpasya kami sa Aklatang Obrero Publishing Collective na muling ilathala ang Aralin sa Kahirapan (ARAK) na inakda ni Ka Popoy Lagman, bayani ng uring manggagawa. Ang ARAK ay isang aklat ng kasaysayan ng lipunan, isang aklat ng pagsusuri sa kalagayan ng tao, na kinatatampukan din ng mga paliwanag kung bakit dapat tayong makibaka para baguhin ang kalunus-lunos na kalagayan ng marami.

Ang muling paglalathala ng aklat na ARAK ay isang pagpapatuloy upang maunawaan ng kasalukuyan at ng mga susunod pang henerasyon ang esensya kung bakit dapat mabago ang lipunan, lalo na ang sistemang naging dahilan ng lalong paglaki ng agwat ng laksa-laksang mahihirap at kakarampot na mayayaman.

Nilangkapan ito ng mga bagong datos na kinakailangan upang ilapat ito sa kasalukuyang panahon, ngunit walang binago sa mismong sulatin, maliban sa pag-edit at pagtama sa bantas at ispeling, na marahil ay dulot ng pagmamadali sa pagtipa sa kompyuter.

Naniniwala ang inyong lingkod na hindi dapat matago na lamang sa baul ng kasaysayan ang araling ito, bagkus dapat itong pag-aralan ng mga bagong henerasyon ngayon, lalo na iyong mga naghahangad ng pagbabago sa lipunan, at nagnanais na matanggal ang ugat ng kahirapan ng mamamayan ng daigdig, ang tuluyang pagwasak sa pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika at mga lupain, upang maging pag-aari ng buong lipunan. Nang sa gayon ay makinabang lahat, at hindi lamang iilan.

Halikayo, mga kapatid, kaibigan, kasama. Ating namnaming mabuti sa ating isipan ang nilalaman ng aklat, at mula doon ay mag-usap tayo at magtalakayan. Kung sakaling matapos mo itong basahin, ipabasa mo rin ito sa iba.

O, pano? Tara nang magbasa.