Miyerkules, Setyembre 12, 2012

Hindi Maralita ang Sanhi ng Baha, kundi Climate Change!


HINDI MARALITA ANG SANHI NG BAHA,
KUNDI CLIMATE CHANGE!
Sinulat ni Greg Bituin Jr. para sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

Nakababahala ang anunsyo ng pamahalaang Aquino na idemolis ang mga kabahayan ng maralitang nakatira sa danger zone matapos ang Habagat. (Philippine Star news - 195,000 families in danger zones face relocation, August 14, 2012). Nakababahala dahil maralita na naman ang sinisisi sa mga naganap na pagbaha, at hindi ang mga nagtatayugang gusali, hindi ang mga malls at iba pang istrukturang nagpaliit ng daluyan ng tubig, kundi lagi na lang sinisisi ay maralita. Maralita ang sinisisi. Maralita ang laging may kasalanan. Ayon pa sa balita, pag hindi sumunod, pupwersahin silang paalisin, kundi'y pasasabugin ang kanilang mga bahay upang di na sila makabalik.

Sa pananalasa ng mga kalamidad gaya ng mga nagdaan at paparating pang mga bagyo, nakakita ang gobyerno ng kumbinyenteng palusot upang walisin lahat ng mga itinuturong dahilan ng pagbabara ng mga lagusan ng tubig na nagdulot ng mga matitinding pagbaha. Dahil dito'y idineklara ng pamahalaang Aquino na pwersahang pagdemolis sa 195,000 pamilya sa Metro Manila na tatangging umalis sa mga danger zones, tulad ng tulay, estero, tabing ilog, at tabing dagat na daluyan ng tubig. Ipapatupad din ang three (3) meters easement sa mga tabing ilog at creek na madaragdag pa sa bilang ng mga mawawalan ng tahanan.

Saan itataboy ang maralita? Mula sa danger zone patungo sa death zone? Pinatunayan na ng mga karanasan na hindi tamang ilagay sa death zone ang mga maralita dahil wala doong kabuhayan kundi gutom. 

Ang problema sa patuloy na pananalasa ng baha ay simplistikong tinitingnan ng gobyerno na dulot ng mga pasaway na mga maralitang naglulungga sa mga daluyan ng tubig. Tayo ang nakababara kaya dapat na tayo ang tanggalin. Ang nakikita ng gobyerno ay mga madudungis at mga baboy na mga iskwater na kung saan-saan nagtatapon ng kanilang mga basura habang pikit-mata ito sa mga naglalakihang gusaling nakahambalang mismo sa mga daanan ng tubig. Mga salaulang pabrika na nagtatapon ng mga mapaminsalang basura, walang-habas na pagmimina, pagkakalbo ng kagubatan at iba pang mga kababuyan ng mga kapitalista sa paghahangad ng malaking tubo na lalo pang nagpapabilis sa pag-init ng daigdig o global warming. 

Ang problema sa gobyerno, tayo lang ang kayang-kayang pagbuntunan ng lahat ng sisi sa mga pagbaha at hindi makita ang mga baradong programang pang-ekonomiya na hindi lumulutas sa patuloy na paglobo ng mga mahihirap na mamamayan na napipilitang manirahan sa kahit sa pinakamapanganib na lugar. Kung susuriin, marami sa mga naninirahan sa mga danger zones ay mga maralitang galing na sa kung saan-saang relocation sites sa bansa. Marami ang nagsibalikang relocatees dahil sa kawalan ng hanapbuhay sa mga pinagdalhan sa kanilang relocation areas. May mga napaalis din bunga ng bantang demolisyon at cancellation of rights dahil sa kawalan ng pera para sa mga bayarin sa mga relocation areas. 

Ang dapat makita at dapat aminin ng gobyerno ay ang palpak na ipinatutupad na polisiyang pang-ekonomiyang neo-liberal na patuloy na nakaasa sa dayuhang pamumuhunan habang binabale-wala ang kapakanan ng kanyang mamamayan. Ang dapat makita ng gobyerno ay ang nakatakdang paglobo pa ng bilang ng mga maralitang lungsod na titira sa kahit sa pinakamapanganib na lugar dahil sa kakulangan at kawalan ng hanapbuhay dahil ang programang pang-ekonomiya ay inilaan hindi sa mahihirap na mamamayan kungdi sa mga dayuhan at bilyonaryong iilan. 

CLIMATE CHANGE ANG DAHILAN

Maralita ba ang dahilan nang maganap ang Ondoy noong 2009? Ang isang buwang ulan ay naganap lamang sa loob ng anim na oras na nagpalubog sa maraming lugar. Maralita ba ang dahilan niyan?

Naganap ang Pedring, Quiel, Sendong, Gener, at nitong huli'y ang Habagat na nagpalubog muli sa maraming lugar, maralita ba ang dahilan niyan? Ngitngit ng kalikasan! Ang Mindanao na hindi dating binabaha ay dinelubyo ng Sendong. Marami ang nasawi. Maralita ba ang dahilan niyan?

Ayaw aminin ng gobyerno na nagbabago na ang klima, na climate change ang dahilan ng ganitong mga kalamidad. Kahit ang tila walang pag-asang PAGASA'y di man lamang masabing climate change ang dahilan ng mga pagbaha. Bakit?

Hindi sapat na sisihing ang mga maralita kasi ay nakakabara sa mga daluyan ng tubig, dahil sino ba namang nais tumira sa daluyan ng tubig kung may sapat silang kabuhayan para magkaroon ng tahanan, o makaupa ng matitirahan? Dapat nating suriin ang ugat ng pagbabagong ito ng klima.

Ang pagbabago ng klima ay dulot ng epekto ng GHG o greenhouse gases sa ating atmospera. Ang greenhouse, sa malalamig na bansa, ay parang maliit na bahay na salamin ang dingding, kung saan dito pinatutubo ang mga halaman. Pinapasok sa mga greenhouse ng mga panel na salamin ang init na mula sa araw, ngunit di nila ito pinalalabas. Ito ang dahilan kung bakit umiinit ang greenhouse, na animo'y pampalit sa araw na nakakatulong sa pagpapalago ng halaman. Ang greenhouse gases naman ang gas na nakokonsentra sa atmospera nang maganap ang Rebolusyong Industriyal (bandang 1800s), at maimbento ang makinang singaw (steam engine). Nagmula ang GHG sa paggamit ng mga fossil fuels (o mga langis galing sa mga bangkay o kalansay ng mga dinasaur, at iba pa, sa nakalipas na ilang milyong taon), tulad ng langis o krudo (na nagpapatakbo ng mga sasakyang bumubuga ng maraming usok), at mga uling o karbon (coal). Ang GHG ang nagpapainit ng mundo. Gayunman, hindi masama ang GHG, basta't sapat lamang at nasa tamang espasyo sa atmospera. 

Gayunman, ang anumang labis ay masama. Kaya ang labis na konsentrasyon ng GHG sa partikular na espasyo sa atmospera ang nagdulot ng pagkabutas ng ozone layer. Nagdudulot  ang konsentrasyong ito ng labis na pag-iinit ng mundo, pagkatunaw ng malalaking tipak ng yelo sa mga malalamig na lugar, tulad sa North Pole at Antartica. Nangyari ito dahil sa labis-labis na paggamit ng gasolina at uling (coal) para magamit sa pabrika, sasakyan, at pagpapaunlad ng kanilang sariling kabuhayan, at mismong ekonomya ng kani-kanilang bansa.

Sa nakalipas na apatnapung taon, naging matingkad at mabilis ang pagbabago sa klima. Dahil na rin sa ipinatakaran ng mga mayayamang bansa hinggil sa neoliberal, o pagsagad ng kapitalistang sistema. Bumilis ang kapitalismo. Sa ngalan ng tubo'y binutas ng binutas ang lupa para sa langis, bumuga ng bumuga ng usok ang mga pabrika upang makagawa ng sobra-sobrang produkto, gumamit ng sobrang langis (carbon footprints) upang magdala ng mga produkto mula sa ibang bansa tungo sa isa pa, kahit meron namang produktong ganoon sa bansang iyon.

SINONG DAPAT SISIHIN?

May dapat managot. Ngunit hindi ang mga maralitang isang kahig, isang tuka, na hindi kayang bumuga ng usok ng pabrika at coal plant, maliban sa kanilang paisa-isang sigarilyo. Kaya sino ang may pananagutan sa mga nagaganap na ito? Dahil sa labis na akumulasyon sa tubo para manaig sa kumpetisyon, isinakripisyo  ng mga mayayamang bansa ang kalikasan. Umunlad at yumaman ang maraming bansa, habang maraming bansa naman ang patuloy na naghihirap. Dahil sa matinding kumpetisyon sa ekonomya ng mga mayayamang bansa, kinalbo ang kabundukan, sinira ang karagatan, at winasak ng pagmimina ng mayayamang bansa ang kalupaan ng mahihirap na bansa nang walang sapat na kabayaran sa mga ito. Ang mga umunlad at mayayamang bansang ito ang siyang nakatala bilang mga  Annex 1 countries sa dokumento ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change) na inamyendahan sa Ikatlong Kumperensya ng mga bansa o partido noong Disyembre 1997: Ang mga bansang ito'y ang Australia, Austria, Belarus, Belgium, Bulgaria, Canada, Croatia, Czech Republic, Denmark, the European Community, Estonia, Finland, France, Germany, Greece, Hungary, Iceland, Ireland, Italy, Japan, Latvia, Liechtenstein, Lithuania, Luxembourg, Monaco, Netherlands, New Zealand, Norway, Poland, Portugal, Romania, Russian Federation, Slovakia, Slovenia, Spain, Sweden, Switzerland, Turkey, Ukraine, United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland, at United States of America. Sila ang pangunahing mga bansang kapitalista sa mundo. 

Sa mga pangyayaring ito, grabeng naapektuhan ang mga mahihirap na bansa. Lumubog ang maraming lugar. Tagtuyot sa iba't ibang lugar. Sobrang init ay biglang uulan, kaya nagkakasakit ang mga tao. Nagbago ang klima kaya ang pagtatanim ng mga magsasaka'y naapektuhan. Dahil ang mga mayayamang bansa ang dahilan ng labis na pagkasira ng kalikasan, dapat silang magbayad (reparasyon) sa mga mahihirap na bansa, sa iba't ibang porma, tulad ng salapi, mga pagkain, at iba pa, na magtitiyak na ang pananagutan nila sa mga mahihirap na bansa ay matugunan. 

Sa madaling salita, sa pagsulpot ng sistemang kapitalismo, unti-unti nang nawasak ang ating kalikasan, ang klima ng mundo. Dapat baguhin ang sistemang ito.

MARALITA, MAGKAISA

Hindi tayong mga maralita ang dapat magdusa sa mga nagaganap na pagbabago ng klima. Hindi tayo dapat itaboy na parang mga daga sa ating mga tahanan. Hindi tayo dapat alisin na lamang basta sa mga danger zones para itapon sa death zone. Hindi tayo tatangging mapunta sa ligtas na lugar. Sino ba ang aayaw? Ngunit nasaan ang kabuhayan, ang ilalaman sa aming tiyan kung ilalayo kami sa aming pinagkukunan ng ikabubuhay, kung itataboy kami sa mga relocation site na gutom ang aming kagigisnan. 

Ilang beses na bang nagsibalikan ang mga maralita mula sa mga relokasyong pinagdalhan sa kanila? Napakarami na. Dahil hindi solusyon ang pabahay lamang. Dahil nakakaligtaan ng pamahalaan ang tatlong magkakaugnay na usapin ng pabahay, trabaho at serbisyo, na isa man sa mga ito ang mawala ay tiyak na problema sa maralita. Ang kailangan ng maralita'y di lang simpleng pang-unawa, kundi totoong programang magkasama ang pabahay, hanapbuhay at serbisyo, at hindi negosyong pabahay at matataas na bayarin. Ang munting usaping ito'y hindi kalabisan, kundi ito'y makatarungan lamang para sa mga maralitang tao rin tulad ng mga nasa pamahalaan.

Ang dapat asikasuhin ng pamahalaan ay singilin ang mga bansang malaki ang naiambag sa pagbabago ng klima. Dapat magbayad ang mga ito sa mga mahihirap na bansa. Gayunman, hindi ito ganito kadali, lalo na't kaligtasan ng buhay ang nakasalang, at di sampung tao lamang ang pinag-uusapan dito, kundi milyong tao. Kaya marapat lamang itong pagtuunan ng pansin, pag-aralan at paghandaan, di lamang ng pamahalaan, kundi ng mismong mga taong direktang maaapektuhan. Hindi maaaring ang mga ibon ang magpapasiya sa kapalaran ng mga isda. Dapat mismong ang taumbayan ay kasama sa pagdedesisyon sa kanilang kapalaran at kaligtasan. Dapat magkaugnayan, magtulungan at magkaisa ang buong sambayanan upang singilin ang mga mayayamang bansa, at baguhin na ang kapitalistang sistemang mapangwasak sa kalikasan na ang pangunahin lagi ay akumulasyon ng tubo imbes na pangalagaan ang kalikasan at ang mamamayan.

PHILIPPINE MOVEMENT FOR CLIMATE JUSTICE (PMCJ)
Setyembre 12, 2012

Miyerkules, Agosto 29, 2012

Pag-aangkop (Adaptasyon)

BURADOR (DRAFT)

PAG-AANGKOP (ADAPTASYON) SA NAGAGANAP NA PAGBABAGO NG PANAHON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
inihanda para sa Komite sa Adaptasyon ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

Dahil sa pagbabago ng klima, naganap ang maraming delubyong hindi inaasahan ng taumbayan. Lumubog sa tubig ang mga kalunsuran, ang mga kanayunan, at maging ang kabundukan.

Nanariwa sa akin ang sinabi ng isang kasama na mismong ang Lungsod ng Baguio ay nilubog sa baha. Napakataas ng Baguio para bahain. Ngunit binaha ito dahil sa mga basurang bumara sa mga kanal. 

Maraming konsepto ng adaptasyon o kung paano tayo aangkop sa ganitong nagaganap na kalamidad. Napakaraming aghamanon (syentista) at mga propesyunal ang nagbigay ng iba't ibang kahulugan o depinisyon kung ano nga ba ang adaptasyon. Tingnan natin ang bawat isa.

a. Adaptation - Adjustment in natural or human systems in response to actual or expected climatic stimuli or their effects, which moderates harm or exploits beneficial opportunities. Various types of adaptation can be distinguished, including anticipatory and reactive adaptation, private and public adaptation, and autonomous and planned adaptation (IPCC TAR, 2001 a)
b. Adaptation - Practical steps to protect countries and communities from the likely disruption and damage that will result from effects of climate change. For example, flood walls should be built and in numerous cases it is probably advisable to move human settlements out of flood plains and other low-lying areas…” (Website of the UNFCCC Secretariat)
c. Adaptation - Is a process by which strategies to moderate, cope with and take advantage of the consequences of climatic events are enhanced, developed, and implemented. (UNDP, 2005)
d. Adaptation - The process or outcome of a process that leads to a reduction in harm or risk of harm, or realisation of benefits associated with climate variability and climate change. (UK Climate Impact Programme (UKCIP, 2003)

Kung ibubuod ang mga kahulugang ito, ang adaptasyon ang mga hakbang upang umangkop sa mga nagaganap na pagbabago sa kapaligiran nang isinasaalang-alang ang kaligtasan ng buhay at mapababa ang panganib ng sakuna.

Sa karaniwang masa, napakakumplikado ng mga terminong ito ng agham, ngunit madali naman nila itong mauunawaan kung ipapaliwanag sa kanila ito sa mga payak na salita.

Simple lamang naman kung ano ang adaptasyon - umangkop ka sa kalagayan. Ibig sabihin, kung mababa ang iyong kinalalagyan, pumunta ka sa mas mataas na kalalagyan, o kaya naman ay itaas mo ang kinalalagyan mo. Kung mahuna na o magato ang materyales ng iyong tahanan, aba'y gawan mo ng paraan kung paano ito magiging matibay. Maaaring palitan mo ng bagong kahoy ang mga mahuhuna at ginagato na, o kaya naman ay gawin mo nang bato ang iyong dingding na sawali.

Halimbawa, laging binabaha sa Dagat-Dagatan, ang ginawa ng mga tao ay tinaasan ang kanilang bahay para pag bumaha ay hindi aabot sa kanilang sahig. Dumating din ang panahong tinambakan na ang mababang lupa at ginawang sementado sa pamamagitan ng pamahalaang lokal.

Gayunman, hindi ganito kadali, lalo na't kaligtasan ng buhay ang nakasalang, at di sampung tao lamang ang pinag-uusapan dito, kundi milyong tao. Kaya marapat lamang itong pagtuunan ng pansin, pag-aralan at paghandaan, di lamang ng pamahalaan, kundi ng mismong mga taong direktang maaapektuhan. Hindi maaaring ang mga ibon ang magpapasiya sa kapalaran ng mga isda. Dapat mismong ang taumbayan ay kasama sa pagdedesisyon sa kanilang kapalaran at kaligtasan.

Noong 2009, nilikha ang Climate Change Commission (CCC) ng Pilipinas sa pamamagitan ng Batas Republika 9729 (Climate Change Act of 2009). Ito ay binubuo ng 23 ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at kinatawan ng akademya, sektor ng negosyo at mga NGOs. Ang Komisyong ito ang may mandatong magsagawa ng opisyal na National Framework Strategy on Climate Change (NFSCC) at ang National Climate Change Action Plan (NCCAP). Ang Pangulo ng Pilipinas ang siyang namumuno sa Komisyong ito.

Ang NCCAP ay nilikha upang isulong ang abotkayang programa ng pagkilos para matugunan ang adaptasyon at mitigasyon sa isyu ng nagbabagong klima. Ang pitong istratehikong dapat pangunahing tugunan nito ay ang isyu ng mga sumusunod:
1. Seguridad sa pagkain (food security)
2. Kasapatan sa tubig (water sufficiency)
3. Pangkapaligiran at pang-ekolohiyang katatagan (environmental and ecological stability)
4. Kaligtasan sa tao (human security)
5. Kapana-panatiling enerhiya (sustainable energy)
6. Mapag-angkop sa Klimang Industriya at Serbisyo (Climate-Smart Industries and Services)
7. Pagpapaunlad ng Kaalaman at Kakayahan (Knowledge and Capacity Development)

Mandato rin ng CCC na magbigay-tulong sa mga pamahalaang lokal sa paglikha ng mga ito ng LCCAP (local climate change action plan).

Ano ang ating papel bilang organisasyon? 

Una, ang komite sa adaptasyon ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ang tumatayong kinatawan ng mga progresibong organisasyon upang tiyaking ang mga patakaran ng pamahalaan kaugnay sa isyu ng adaptasyon at nagbabagong klima ay maayos na naisasakatuparan. 

Ikalawa, maging kritikal at mapanuri, na ang ginagawa ng pamahalaan ay hindi sapat hangga't hindi nasisingil ang mga mayayamang bansa sa kanilang mga pananagutan. 

Ikatlo, ang nagaganap na pagbabago ng klima ay dahil sa isang sistemang hindi inuuna ang kapakanan ng sambayanan kundi tubo para sa iilan, iilang bansa, iilang sektor (business sector), iilang tao (mayayaman), sistemang walang pagsasaalang-alang sa kinabukasan ng higit na nakararami.

Ikaapat, pagsusulat at pagpapaabot sa pamamagitan ng mass media ng paninindigan at pagsusuri ng PMCJ sa mga nagaganap, tulad ng bantang pasasabugin (blasting) ng mga kabahayan sa danger zones para ilipat ang mga tao sa death zone. 

Ikalima, makipag-ugnayan at maging bahagi ang PMCJ sa mga NCCAP at LCCAP, o kaya'y sumubaybay (monitoring) ng mga ginagawa ng pamahalaan.

Martes, Agosto 28, 2012

Nagbabagong Klima, Nagbabagang Klima


BURADOR (DRAFT)

Nagbabagong Klima, Nagbabagang Klima (Climate Change 101)
Inihanda ni Greg Bituin Jr. ng KPML-NCRR para sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

1. Ano ang pagbabago ng klima o climate change?
Mula sa nakagisnang siklo ng panahon, tulad ng tag-init na buwan ng Mayo, tag-ulan na buwan ng Agosto, taglamig na Disyembre, nasira na ang padron at siklo nito. Umuulan sa Mayo, habagat sa Agosto, unos sa Setyembre, mas malamig na ang Pebrero kaysa Disyembre. Apektado ang mga magsasaka kung paano magtatanim, at ang mga estudyante’y laging walang pasok. Mas tumitindi ang klima at di na bumabalik sa dati. Sa naganap na bagyong Ondoy, ang ulan na dati'y umaabot ng ilang araw upang bahain ang kalunsuran, ngayon ay nagpalubog sa lungsod sa loob lamang ng maikling panahon, anim na oras. Pinalubog ng Sendong ang dating di binabagyong bahagi ng Mindanao. Hinabagat ang maraming lungsod. Sala sa init. Sala sa lamig.

2. Ano ang mga dahilan ng pagbabagong ito sa klima?

Tinitingnan lang noon ng mga aghamanon (syentista) na ang pagbabago sa klima ay bahagi lamang ng likas na siklo ng panahon, may tag-araw, may tag-ulan, sa mga bansa sa tropiko, habang may taglamig (winter), tagsibol (spring), tag-init (summer), at taglagas (fall). Ngunit ngayon, hindi na ganito ang kanilang pagtingin, dahil nawasak na ang siklo nito.

Ang pagbabago ng klima ay dahil sa epekto ng GHG o greenhouse gases. Ito ang gas na nakokonsentra sa atmospera nang maganap ang Rebolusyong Industriyal (bandang 1800s), at maimbento ang makinang singaw (steam engine). Nagmula ang GHG sa paggamit ng mga fossil fuels (o mga langis galing sa mga bangkay o kalansay ng mga dinasaur, at iba pa, sa nakalipas na ilang milyong taon), tulad ng langis o krudo (na nagpapatakbo ng mga sasakyang bumubuga ng maraming usok), at mga uling o karbon (coal). Ang GHG ang nagpapainit ng mundo. Gayunman, hindi masama ang GHG, basta't sapat lamang at nasa tamang espasyo sa atmospera. Gayunman, ang anumang labis ay masama. Kaya ang labis na konsentrasyon ng GHG sa partikular na espasyo sa atmospera ang nagdulot ng pagkabutas ng ozone layer. Nagdudulot  ang konsentrasyong ito ng labis na pag-iinit ng mundo, pagkatunaw ng yelo sa mga malalamig na lugar, tulad sa North Pole at Antartica. Nangyari ito dahil sa labis-labis na paggamit ng gasolina at uling (coal) para magamit sa pabrika, sasakyan, at pagpapaunlad ng kanilang sariling kabuhayan, at mismong ekonomya ng kani-kanilang bansa.

Sa nakalipas na apatnapung taon, naging matingkad at mabilis ang pagbabago sa klima. Dahil na rin sa ipinatakaran ng mga mayayamang bansa hinggil sa neoliberal, o pagsagad ng kapitalistang sistema. Bumilis ang kapitalismo. Sa ngalan ng tubo'y binutas ng binutas ang lupa para sa langis, bumuga ng bumuga ng usok ang mga pabrika upang makagawa ng sobra-sobrang produkto, gumamit ng sobrang langis (carbon footprints) upang magdala ng mga produkto mula sa ibang bansa tungo sa isa pa, kahit meron namang produktong ganoon sa bansang iyon.

3. Ano ang epekto ng pagbabagong ito ng klima?

Dahil sa pag-iinit ng mundo, natutunaw ng mabilis ang mga yelo sa malalamig na lugar, tulad sa Antartica, na nagsisilbing dahilan upang tumaas ang tubig sa dagat, na maaaring ikalubog ng maraming mga pulo at makaapekto ng malaki sa tahanan ng mga mamamayang nakatira dito.

Sa ating bansa, ang mga lugar na hindi dati binabaha at binabagyo ay nakaranas na ng bagyo at pagbaha, tulad sa Mindanao sa kasagsagan ng bagyong Sendong noong 2011. Lumiit ang daluyan ng tubig sa ilog nang maitayo ang SM Marikina na naging dahilan ng mabagal na paglabas ng tubig patungong dagat, at pag-apaw nito patungong mga kabahayan. Ngunit sino ba ang kayang sumisi sa tulad ni Henry Sy, kundi ang mga maralita ang laging sinisisi. (Phil. Star news, Aug. 14, 2012 – 195,000 families in danger zones face relocation – upang ilipat sa mga death zone na relokasyon, mga relokasyong catch basin at nasa pagitan ng mga bundok.)

4. Sino ang dapat sisihin sa mga ito?

Bagamat maaari nating tukuyin na ang dahilan nito’y ang mga kaugaliang sobrang pag-aaksaya, tulad ng paggamit ng sasakyan para bumili sa kanto, pwede namang maglakad, ito’y maliit na bagay lamang pagkat may sistemang siyang dahilan ng  labis na pagkasirang ito. Kaya sino ang may pananagutan sa mga nagaganap na ito? Dahil sa labis na akumulasyon sa tubo para manaig sa kumpetisyon ng mga mayayamang bansa, isinakripisyo ang kalikasan. Umunlad at yumaman ang maraming bansa, habang maraming bansa naman ang patuloy na naghihirap. Dahil sa matinding kumpetisyon sa ekonomya ng mga mayayamang bansa, kinalbo ang kabundukan, sinira ang karagatan, at winasak ng pagmimina ng mayayamang bansa ang kalupaan ng mahihirap na bansa nang walang sapat na kabayaran sa mga ito. Ang mga umunlad at mayayamang bansang ito ang siyang nakatala bilang mga  Annex 1 countries sa dokumento ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change) na inamyendahan sa Ikatlong Kumperensya ng mga bansa o partido noong Disyembre 1997: Ang mga bansang ito'y ang Australia, Austria, Belarus, Belgium, Bulgaria, Canada, Croatia, Czech Republic, Denmark, the European Community, Estonia, Finland, France, Germany, Greece, Hungary, Iceland, Ireland, Italy, Japan, Latvia, Liechtenstein, Lithuania, Luxembourg, Monaco, Netherlands, New Zealand, Norway, Poland, Portugal, Romania, Russian Federation, Slovakia, Slovenia, Spain, Sweden, Switzerland, Turkey, Ukraine, United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland, at United States of America. Sila ang pangunahing mga bansang kapitalista sa mundo. 

Sa mga pangyayaring ito, grabeng naapektuhan ang mga mahihirap na bansa. Lumubog ang maraming lugar. Tagtuyot sa iba't ibang lugar. Sobrang init ay biglang uulan, kaya nagkakasakit ang mga tao. Nagbago ang klima kaya ang pagtatanim ng mga magsasaka'y naapektuhan. Dahil ang mga mayayamang bansa ang dahilan ng labis na pagkasira ng kalikasan, dapat silang magbayad (reparasyon) sa mga mahihirap na bansa, sa iba't ibang porma, tulad ng salapi, mga pagkain, at iba pa, na magtitiyak na ang pananagutan nila sa mga mahihirap na bansa ay matugunan. 

5. Anong mga dapat gawin?

May apat na pangunahing hakbang na dapat isagawa: adaptasyon (pag-aangkop sa sitwasyon), mitigasyon (pagbabawas ng dahilan ng pag-iinit), technology transfer (pamamahagi ng kaalaman sa teknolohiya mula sa isang bansa o organisasyon sa iba pa) at pinansya (kailangang pondohan ang mga hakbanging ito).  

Ang adaptasyon ay pag-angkop sa kalagayan. Ibig sabihin, kung mababa ang iyong kinalalagyan, pumunta ka sa mas mataas na kalalagyan, o kaya naman ay itaas mo ang kinalalagyan mo. Kung mahuna na o magato ang materyales ng iyong tahanan, aba'y gawan mo ng paraan kung paano ito magiging matibay. Maaaring palitan mo ng bagong kahoy ang mga mahuhuna at ginagato na, o kaya naman ay gawin mo nang bato ang iyong dingding na sawali. Gayunman, hindi ganito kadali, lalo na't kaligtasan ng buhay ang nakasalang, at di sampung tao lamang ang pinag-uusapan dito, kundi milyong tao. Kaya marapat lamang itong pagtuunan ng pansin, pag-aralan at paghandaan, di lamang ng pamahalaan, kundi ng mismong mga taong direktang maaapektuhan.

Ang mitigasyon ay pagbabawas, unti-unti man o mabilisan, ng pagkasira ng kalikasan, tulad ng pagbabawas sa paggamit ng langis para sa sasakyan, na kung malapit lamang ang pupuntahan ay lakarin na lamang, pagbawas sa napuputol na puno, at muling magtanim upang ang mga nawalang puno ay mapalitan, pagbabawal ng plastik dahil sa ito'y hindi naaagnas o nareresiklo, pagbawas sa mga plastik na nagpapabara sa mga kanal, itigil ang pagminina. Ibig sabihin, kailangan ng bagong oryentasyon ng pamumuhay o bagong lifestyle. Bawasan ang carbon footprints. Maaari namang di na umangkat ang Pilipinas ng mga produkto sa ibang bansa na meron naman sa atin, upang makatipid sa mga langis o gasolinang ginagamit sa pagta-transport ng mga produkto.

Ang technology transfer naman ay pamamahagi ng kaalaman sa teknolohiya mula sa isang organisasyon tungo sa isang organisasyon, o sa pagitan ng dalawa o mahigit pang bansa.  Napakahalaga nito dahil ang mga kaalaman sa ibang bansa ay maaaring magamit natin. Halimbawa, ang bansang Netherlands ay mababa pa kaysa lebel ng dagat, ngunit dahil sa mga itinayo nilang dike at magaling na engineering ay nagpatuloy ang matiwasay na pamumuhay sa kanila. Dapat matutunan kung paano ang tamang  paglalapat ng siyentipikong kaalaman sa mga disenyo, pagbubuo at pagpapatakbo sa mga makinarya, kagamitan at mga pamamaraan sa paraang matipid at epektibo, na ang makikinabang ay ang bansang binahaginan. Ang teknolohiya ng mga inhinyero sa Netherlands ay dapat matutunan ng mga Pilipino upang magawan ng paraan ang baha, halimbawa, sa laging binabahang Dagat-Dagatan sa Navotas.

Sa lahat ng mga proyektong ito'y nangangailangan ng pinansya upang matiyak na ito'y matustusan at maisagawa. Halimbawa, kailangan ng bansa ng People's Survival Fund, at matiyak na ang pondong nakalaan dito'y para talaga sa layuning tiyakin ang kaligtasan ng buhay, at tiyaking mapondohan ang mga plano at proyekto sa adaptasyon at mitigasyon.

6. Ang ating mga tungkulin

a. Pag-aralan ang kalikasan. Suriing mabuti kung bakit nagbabago ang klima. Pag-aralan ang mga syentipikong paliwanag hinggil sa isyung ito, at iwasan ang pamahiin at iba pang paniwalang hindi kayang ipaliwanag ng syentipiko at may batayan.

b. Pag-aralan ang lipunan. Ano ang dahilan kung bakit bumilis ang pagkasira ng kalikasan? Paano ito nagsimula? Suriin ang kasaysayan mula pa noong panahon ng primitibo komunal hanggang sa panahon ngayon ng lipunang kapitalismo. Bakit hindi na uubra ang kapitalismo sa panahong ito, at bakit dapat itong palitan, upang matiyak na ang susunod na henerasyong ibubunga ng bagong sistema'y may daratnang maayos na kalikasan, at magiging handa na kung anong klaseng kalamidad ang kanilang susuungin sa hinaharap.

c. Magbigay ng pag-aaral. Hindi lamang sa klasrum ang pag-aaral. Ang simpleng pakikipag-usap sa katabi at pakikipagtalastasan sa kapwa hinggil sa mga isyu ng kalikasan ay isang anyo na rin ng pagbibigay ng pag-aaral. Gawin natin ang iba't ibang porma, tulad ng tula, awit, paggawa ng nobela, pinta, facebook, email, rali, at iba pa. Magsulat at mamahagi ng polyeto, komiks, at iba pang babasahin. Magsalita sa mga programa sa radyo. Magsagawa ng mga dula sa lansangan (street plays). Isalin sa wikang nauunawaan ng masa ang mga isyu hinggil sa klima. Ipasok ang mga pag-aaral na ito sa mga batayang aralin ng iba't ibang organisasyon at sektor.

d. Mag-organisa. Hindi lamang kaunting tao ang dapat kumilos, ipaunawa natin ang mga isyung ito sa madla, lalo na sa iba’t ibang sektor. Mag-organisa tayo ng mga talakayan at mga eksibit, ng mga mobilisasyon. Magtayo ng mga tsapter ng PMCJ o iba pang samahang pangkalikasan sa iba't ibang lugar.

e. Makipag-ugnayan sa nararapat na ahensya at maging aktibong tagapagtaguyod at kritiko nito. Ang mga ahensyang ito ang nasa posisyon sa ngayon upang maipatupad ang mga nararapat na patakaran hinggil sa mga isyung pangkalikasan, kaya nararapat na nakikipag-ugnayan tayo sa mga ito, kasabay ng pagiging mahigpit na kritiko nito sa mga patakarang labis na nakakaapekto sa madla.

Huwebes, Hunyo 21, 2012

Pagpapasinaya sa mga bagong stall ng MMVA-QC

PAGPAPASINAYA SA MGA BAGONG STALL NG MMVA-QC
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malaking kaganapan ang naganap sa grupong Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) noong Hunyo 20, 2012. Ginanap ang pasinaya sa harapan ng PNB Branch sa kanto ng Kalayaan Avenue at Elliptical Road sa Lungsod Quezon, malapit sa Quezon Memorial Circle.

Sa harapan ay may tarpouline kung saan nakasulat:
Quezon City Market Development and Administration Department
Vending Site Development and Poverty Alleviation Program
in cooperation with Sikap Buhay, Metro Manila Vendors Alliance-QC Chapter, CRBB and UPLIFT
Brgy. Old Capitol, Brgy. San Vicente, Brgy. Central, and Brgy. Commonwealth
HanapBuhay para sa Disiplinadong Manininda
Mayor Herbert Bautista
Vice Mayor Joy Belmonte
Danny Matias, City Market Administrator
and Barangay Council

Mga isandaang silya sa harapan, ang limampung brown na upuan ay mula sa opisina ng Sanlakas, habang ang mga puti naman ay dinala mula sa Quezon City Hall. Nakasuot ng berdeng t-shirt ang mga maliliit na manininda, na may tatak na "HanapBuhay para sa Disiplinadong Manininda", kung saan ang letrang HDBM ay kulay pula, habang ang iba pang letra ay kulay dilaw. Ang ilan sa kanila ay may sumbrerong dilaw na nakasulat ang MMVA-QC.

Ganap na ika-10:25 ng umaga nang magsimula ang palatuntunan. Sinabi ng tagapagpadaloy (emcee) ng programa na si Claire Regoso ng Hawkers Division ng QC Hall ang  palatuntunan. Ipinakilala rin niya ang mga opisyales ng pamahalaan na nagsidating.

Inumpisahan ang cutting of ribbon and blessing sa pamamagitan nina Councilor Ivy Lagman ng District IV ng Quezon City, at Fr. Mos ng Immaculate Heart of Mary Parish. Nagtayuan sa upuan ang mga vendors at nagtungo kung saan naroon ang ribbon cutting. Matapos magupit ni Coun. Lagman ang ribbon, nagkuhanan ng litrato, at nagbalikan na ang mga tao sa kani-kanyang upuan.

Muling pinasinayaan ng tagapagpadaloy ang programa at tinawag si Coun. Lagman upang magsalita. Ayon kay Coun. Ivy Lagman, magandang proyekto ang nangyaring ito dahil hindi na kailangang makipaghabulan pa ng mga manininda sa mga pulis, dahil legal na ang kanilang pagtitinda. Binati rin niya ang mga taga MDAD, Sikap Buhay, Sanlakas, MMVA, mga kapitan ng barangay. Sa pagtatapos, kanyang sinabi, "In behalf of Mayor Herbert Bautista at Vice Mayor Joy Belmonte. congratulations po sa ating lahat."

Binigyan ng pagkilala ng tagapagpadaloy si Mam Sharon Magpayo, manager ng PNB, at ang tinawag naman niya ay si City Market Administrator Danny Matias upang magsalita. Ayon kay Admin. Matias, siya ang pinakamasaya sa araw na iyon. Binati niya ang mga opisyales ng pamahalaan na dumalo, at ang mga vendors ng MMVA. Ayon pa sa kanya, ang proyektong ito ay dumaan sa hirap ng proseso, merong batas na dapat sundin. Pinuna rin niyang kung saan may terminal, naroon ang vendors. Kung ang palengke ay nasa loob ng isang property, ang sidewalk ay walang administrasyon. Pinuri niya ang mga vendors nang kanyang sinabing "Kung di buo ang loob ninyo na ipagtanggol ang inyong kabuhayan, wala tayo dito. Kayong vendors ang nagpapatunay na pag may tiyaga, may nilaga. Laging may polisiya, (1) malinis, (2) may maayos na pagtitinda, (3) huwag kayong mag-away-away. Dapat nagtitinda kayo ng nakangiti. Dapat may responsibilidad, pagtutulungan, may respeto sa batas. Sana'y magtulungan tayo't mabuhay tayong lahat."

Nagpahayag din ang punong barangay ng Old Capitol na si Kapitan Mauricio C. Rodriguez. Ayon sa kanya, "Karangalan ng aming barangay na napagbigyan ang aming vendors ng hanapbuhay. Lubos na nagpapasalamat kay Mayor, Vice Mayor at dsa lahat ng konsehal. Ang pagkakataong ito'y huwag nating pabayaan."

Binati naman ni Kapitana Josephine I. Velasco ng Brgy. Central si Tita Flor. "Natutuwa kami na kami'y naging bahagi ng vendors association. Tiyakin natin ang ating kalinisan, segregation, uniporme. Nakatutuwa. Maraming salamat at mabuhay ang programang ito."

Ayon naman kay Amigo Puno, kagawad ng Brgy. San Vicente, "Nagpapasalamat ako sa mga city officers. kay Mayor, Vice Mayor, sa napakagandang proyektong ito." Idinagdag pa niyang sa pagkakaroon ng pwesto ng manininda, kailangan ang disiplina sa sarili.

Sinabi naman ni John Jumansan ng Sikap Buhay, "Di kami nagpapautang. Kami ay tumutulong lang mag-prepare." Nagbibigay din sila ng entrepreneurship training para sa mga vendors.

Matapos nito, inanunsyo ng tagapagpadaloy ang signing ng memo of undertaking at tinawag ang mga pangalan ng presidente ng ilang samahan ng vendors na kasapi ng MMVA-QC. Binasa ang nilalaman ng memo of undertaking, kung saan ang mga matitingkad na nilalaman nito'y ang temporary vending site, implementing the HanapBuhay para sa Disiplinadong Manininda, Sikap Buhay as co-implementor of the program, pay taxes to QC Hall. Ang mga saksi ay ang mga dumalo habang nagpipirmahan.

Tinawag ng tagapagpadaloy si Tita Flor Santos ng Sanlakas at adviser ng MMVA. Ayon kay Tita Flor, "Magandang tanghali po sa lahat. Palakpakan po natin lahat ng vendors na naririto. Salamat kay Mayor Herbert Bautista, palakpakan natin siya kahit wala siya. Palakpakan po natin si Vice Mayor Joy Belmonte, Konsehala Ivy Lagman, Sir Danny Matias, kasamang John ng Sikap Buhay, Task Force Commo Col. Pacaña, Chairman Tolentino ng MMDA kahit wala siya, kapitan Mauricio Gutierrez, Kapitana Josie Velasco, Kagawad Puno at Kapitan Jose Gaviola ng Brgy. Commonwealth kahit wala siya, sa lahat ng barangay na nagbigay ng resolusyon, sa TWG - Kim Espina ng Hawkers, sa lahat ng staff ng Sikap Buhay. Lahat po kami sa MMVA ay tuwang-tuwa. Kitang-kita po nating gusto nating disiplinado. Ayaw na natin ng tatakbo-takbo. Pangalagaan po natin ito dahil nakataya ang pangalan ng MMVA-QC at Sanlakas. Magandang tanghali po sa inyo. Congratulations po sa lahat.

Natapos ang palatuntunan sa ganap na ika-11:14 ng umaga. Sumunod noon ay nagkaroon ng kaunting salu-salo para sa mga dumalo.

Martes, Hunyo 12, 2012

Paunang Salita sa aklat na ISANG KABIG, ISANG TULA


Paunang Salita

PAGKABIG NG 101 TULA

Isang paglalaro ng salita mula sa kasabihang "isang kahig, isang tuka" ang pamagat ng aklat - Isang Kabig, Isang Tula. Bagamat ang kasabihan ay tumutukoy sa mga dukha o yaong bihirang makakain ng sapat kung hindi kakayod, ang Isang Kabig, Isang Tula ay katipunan ng isangdaan at isang (101) tula hinggil sa iba't ibang isyung panlipunan at personal.

Bakit nga ba kabig, at bakit tula? Marahil ay dahil pangit pakinggan ang isang kahig, isang tula, na tila ba naghihirap ang makata sa pagkatha ng tula, at nagkukulang na siya sa haraya. Kaya hindi ginamit ang salitang kahig, dahil animo'y gutom na manok na naghahanap ng uod na matutuka. Mas maganda at tumutugma rin sa "isang kahig, isang tuka" ang "isang kabig, isang tula" dahil positibo ang salitang kabig sa pagtugaygay sa tula.  Tulad din ng pagiging positibo ng mga negatibong pananaw, kung paanong ang negatibong "kaya ngunit mahirap" ay gawin nating positibong "mahirap ngunit kaya".

Sa UP Diksyunaryong Filipino, Ikalawang Edisyon, 2010, pahina 536, may dalawang entrada ang salitang kabig:

ká-big png 1: paghila ng anuman papalapit sa sarili sa pamamagitan ng kamay; pnd 2: a. anumang napanalunan sa sugal, b. pagkolekta ng napanalunan sa sugal; 3. alagad

ka-bíg png: pinakamabilis na hakbang sa pagtakbo ng kabayo habang hindi pa nakatungtong ang mga paa nito sa lupa

Kung pagbabatayan ang depinisyon, kinakabig ng makata papalapit sa madla ang mga paksang maaring pagnilayan, pangit man o maganda, sa ayaw man o gusto, at bakasakaling may mapulot silang aral na balang araw ay makatutulong sa kanilang paglangoy sa agos ng buhay. Tulad din ito ng pagkabig ng manibela habang nagmamaneho sa panahong kailangan upang makaiwas sa panganib o sakuna, maingatan ang bawat sakay nito, at maging maayos ang pagpapatakbo ng sinasakyan.

Maganda rin ang salitang napanalunan sa kahulugan ng kabig, dahil sa bawat tula’y hindi  marahil mabibigo ang makata sa pagbigay sa masa ng tulang makakikiliti sa diwa at pagnilayan ang mga yaon. Animo'y sugal na di alam ng makata kung sino ang makababasa sa kanya, at ang magbasa ng kanyang katha'y panalo na niya sa puso't diwa. At higit sa lahat, ang mambabasa'y nagiging kaibigan, kasama, at kapwa alagad na kaisa sa marangal na adhikain, bagamat di personal na nagkakatagpo ang makata't ang mambabasa.

Sa ikalawang entrada naman ng depinisyon ng kabig, ang pinakamabilis na hakbang ng makata upang iparating sa masa ang mga paksang nais ibahagi ay sa pamamagitan ng tula

Mula dito'y tinipon ng makata ang 101 sa kanyang mga tula upang himukin ang mambabasa na alamin ang ilang isyung panlipunan, kasama na ang ilang personal na usapin, tulad ng pag-ibig, sa layuning magbahagi. Magbahagi sa madla bilang nagkakaisang kabig patungo sa pag-unlad, at hindi pagiging kabig tungo sa kabiguan.

Nawa'y kagalakan ng sinumang mambabasa ang mga gayak at pahiyas na isiningkaw ng makata sa bawat tulang inililis ng haraya upang kahit papaano'y makatulong sa pagtistis sa ilang suliraning pansarili, lalo na ang sakit ng lipunan at kapaligiran na naghahanap ng tugon, sa panahong mahirap humagilap ng agarang lunas ngunit patuloy na naghahanap.

Gregorio V. Bituin Jr.
Sampaloc, Maynila
Hunyo 12, 2012

Sabado, Hunyo 2, 2012

Ang Magasing "Ang Masa" Bilang Alternatibong Babasahin


ANG MAGASING "ANG MASA" BILANG ALTERNATIBONG BABASAHIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakawalong isyu na ang magasing "Ang Masa" nang magsimula ito noong Setyembre 2011. Sa loob ng walong buwan, nakita ng madla ang sipag at tiyaga ng mga manunulat nito kaya bawat buwan ay may inilalabas silang magasin. Ala-Liwayway ang tipo nito, at nagnanais na maging ala-Time magazine sa hinaharap.

Ang magasing "Ang Masa" ang tumatayong ligal na babasahin ng kilusang sosyalista sa kasalukuyan. Sa madaling salita, ito'y isang sosyalistang babasahin. Bagamat ito'y nag-oopisina sa tanggapan ng Partido Lakas ng Masa (PLM), inilalathala ng magasing "Ang Masa" ang paninindigan sa iba't ibang isyu at mga balita mula sa iba't ibang organisasyong sosyalista tulad ng sosyalistang PLM, sosyalistang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at sosyalistang Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralitang Lungsod (KPML). Inilathala rin natin sa magasin ang mga isyu't paninindigan ng mga kapatid nating organisasyon tulad ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Alyansa ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), Zone One Tondo Organization (ZOTO), Sanlakas, Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), SUPER Federation, Metro East Labor Federation (MELF), Piglas-Kabataan (PK), at iba pa.

Gayunman, bagamat tumatayo itong magasin ng buong sosyalistang kilusan, hindi lamang limitado sa mga organisasyong ito ang nilalaman ng magasin dahil lagpas pa rito, isinisiwalat sa magasin ang mga pagsusuri sa mga nangyayari sa lipunan lalo na sa pamahalaang Noynoy Aquino, sa Kongreso, sa Korte Suprema, sa iba pang ahensya ng gobyerno. Nalalathala rito ang pagkamuhi sa sistemang kapitalismong siyang dahilan ng kahirapan sa lipunan at pagkawasak ng kalikasan. At higit sa lahat, ang pakikibaka para baguhin ang bulok na sistema, at ibando sa lahat ang pangangailangan ng isang sistemang sosyalismo.

Nariyan ang matatalisik na pagsusuri sa panlipunang isyu at usapin nina Sonny Melencio, Luke Espiritu, Jhuly Panday at Merck Maguddayao na madali namang maunawaan ng mga mambabasa, lalo na ng mga maralita, dahil sa kanilang pagtangan sa wikang madaling maunawaan ng kahit ng simpleng manggagawa at kahit ng dukhang di nakatapos ng elementarya. Ang mga inambag na sulatin nina John Cortez, Emma Garcia, Allan Dela Cruz at Ramon Miranda hinggil sa lipunan, kababaihan, maralita at kahirapan ay hindi matatawaran.

Nagpa-pioneer ang magasing "Ang Masa" sa paglalathala ng panitikang sosyalista, na kaiba sa panitikang burges na laganap ngayon at kaiba rin sa panitikang makabayan ng ibang grupo. Nariyan ang mga maiikling kwento at tula ng mga aktibistang kasapi ng kilusang sosyalista. Dito kinagiliwan ng mga mambabasa at kinakitaan ng galing ang mga manunulat na sina Jhuly Panday, Lorena "Ohyie" Purificacion, Anthony Barnedo, at marami pang iba. Anupa't kung pagbubutihin lamang nila ang pagsusulat ay maaari silang manalo ng Palanca balang araw. Katunayan, plano nang isalibro ang koleksyon ng mga maikling kwento ni Purificacion sa darating na hinaharap.

Nagsulat na rin ng kanyang unang akda ang magiting na mang-aawit ng Teatro Pabrika na si Tina Foronda, kung saan tinalakay niya ang nangyayari sa kanilang unyon at pabrika ng Gelmart.

Inilathala na rin sa magasin ang serye hinggil sa buhay ng mga kilalang manggagawa sa kasaysayan, tulad nina Filemon, “Ka Popoy” Lagman, Teodoro Asedillo, Hermenegildo Cruz, Alex Boncayao, Amado V. Hernandez at Dominador Gomez. Pati na ang kasaysayan tulad ng Paris Commune, na siyang unang gobyerno ng uring manggagawa, ay matatampukan sa mga pahina ng magasing “Ang Masa”. Nalathala rin dito ang mga naganap sa mga manggagawa mula sa iba't ibang pabrika, tulad ng Fortune, Arco Metal at Aboitiz, ay atin ding nalathala. Nariyan din ang pagsipat sa nangyaring pagpaslang sa mga rebolusyonaryong sina Andres Bonifacio at Macario Sakay. Ang inyong lingkod naman ang siyang nagle-layout ng buong magasin at nalathala na rin ang ilang artikulo, lalo na't tula.

Nakatakda namang magpasa ng kani-kanilang sulatin sina Vicente Barlos at Erwin Puhawan, na nakausap ng inyong lingkod kamakailan. Tatalakayin ni Barlos ang pangyayari sa kanilang lugar sa Lupang Arenda, kung saan maaari itong mawala sa kanila nang pinawalang-bisa ni dating pangulong Gloria Arroyo ang batas na nagtatakda na ang Lupang Arenda ay para sa maralita, ngunit patuloy nila itong ipinaglalaban. Tatalakayin naman ni Erwin Puhawan ang hinggil sa mga nangyayari sa mga manggagawa sa ibayong dagat, ang mga OFW na tinaguriang bayani sa kabila ng pagpapaalipin sa dayuhan. Hinilingan din nating magsulat sina Diego Vargas at John Cortez hinggil sa maaaring mangyari sa Lawa ng Laguna, kung saan sa palibot nito'y maaaring tanggalin ang maraming naninirahan. Alam nating para sa interes ng taumbayan, tayo naman ay kanilang pauunlakan. Ang MMVA na magdiriwang ng kanilang ika-10 anibersaryo sa Agosto 30, 2012 ay binibigyan din natin ng espasyo sa ating magasin.

Bagamat paminsan-minsan ay naglalathala tayo ng artikulong nakasulat sa Ingles, na karaniwan ay halaw mula sa babasahing banyaga, Wikang Filipino ang wikang ginagamit ng ating magasin, dahil naniniwala tayong sa wikang ito'y mas madali nating maipapatagos sa ating kapwa ang mga pagsusuri sa iba’t ibang isyu ng lipuna, at higit sa lahat, ang ating pakikibaka tungo sa adhikain nating lipunang sosyalismo.

Ang magasing "Ang Masa" bilang alternatibong magasin ng taumbayan ay hindi dapat mamatay na lamang dahil sa kakulangan ng pang-imprenta. Dahil dakila ang layuning itinakda ng mga nagtataguyod nito. Isang magasing maglalathala ng tindig ng uring manggagawa bilang pangunahing pwersa sa lipunan, isang magasing bagamat nakasulat sa wikang Filipino ay naninindigan sa prinsipyo ng internasyunalismo, isang magasing hindi makabayan kundi sosyalista, isang magasing alternatibo sa mga magasing inilalathala ng burgesya't kapitalista, isang magasing para sa masa at tungo sa masa, isang magasing sosyalista. Ang katapatan sa uring manggagawa at sa prinsipyong sosyalista, at hindi sa kaninumang tao, ang siyang gabay ng bawat manunulat nito kaya't patuloy silang nagsusulat sa ating magasin.

Gayunman, dahil sa kakulangan sa pananalapi'y nanganganib itong mamatay na lamang. Hindi natin dapat payagang mangyari ito. Ang dakilang misyon nito bilang alternatibong magasin, at pagtindig nito bilang magasin ng kilusang sosyalista, ay dapat magpatuloy.

Halina't tangkilikin natin ang ating alternatibong magasin. Tangkilikin natin ang ating magasing "Ang Masa".

Hunyo 1, 2012, sa Lungsod Quezon

Martes, Abril 17, 2012

Alex Boncayao: Lider-Manggagawa

Alex Boncayao: Lider-Manggagawa, Kapartido ni Ninoy Aquino sa LABAN (1978)
Sinaliksik at sinulat ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa ikawalong isyu ng magasing Ang Masa, Abril 16-Mayo 15, 2012, pahina 18.)

Kilalang manggagawa si Ka Alex Boncayao. Isa siya sa kapartido ni dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr., nang tumakbo ito para sa halalan noong 1978 para sa Interim Batasang Pambansa.Ang Lakas ng Bayan, na pinaikling LABAN, ang partido pulitikal na inorganisa ng nakakulong pa noon na si Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr.  Kalaban nilang mahigpit dito ang KBL (Kilusang Bagong Lipunan). Ang ilan sa mga kumandidato rito ay sina Alex Boncayao (kinatawan ng manggagawa), Trinidad "Trining" Herrera (kinatawan ng maralita) at Jerry Barican (kinatawan ng kabataan). Sa 165 kandidato, 137 ang nakuha ng KBL, ngunit walang naipanalo kahit isa ang LABAN. Ngunit sino nga ba si Alex Boncayao, ang lider-manggagawa? Bakit ang pangalan niya ay mas sumikat, hindi pa sa halalan, kundi nang ipinangalan sa kanya ang isang brigadang kinatakutan noon ng burgesya, ang Alex Boncayao Brigade (ABB)?

Ayon sa ilang pananaliksik, tubong Agos, sa bayan ng Bato, sa lalawigan ng Camarines Sur si Alex Boncayao na mula sa pamilya ng mga magsasaka. Dahil namulat sa kahirapan sa kanayunan, sa murang gulang ay nilisan niya ang pinagmulang bayan upang makapag-aral at makapagtapos sa kolehiyo. Pagdating niya ng lungsod, naghanap siya ng iba't ibang trabaho upang mabuhay. Siya'y naging tricycle driver, naging dyanitor at naging assistant chemist sa pabrikang Solid Mills.

Panahon ng batas militar nang maging tagapangulo siya sa unyon ng Solid Mills. Pinangunahan niya ang mga welga't sama-samang pagkilos ng mga manggagawa ng Solid Mills noong 1976-77. Noong 1975-76, isa si Alex sa mga responsableng lider ng naunang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na namuno sa militanteng kilusang manggagawa upang labanan ang diktadurya ng  rehimeng Marcos.

Kasama siya sa mga tumakbong kandidato, sa pangunguna ni Senador Ninoy Aquino, sa ilalim ng bandera ng LABAN, sa halalan ng Interim Batasang Pambansa (IBP). Kasama ni Alex Boncayao sa mga kandidato ng Laban ang mga kilalang pulitikong sina Ernesto Maceda, Ramon Mitra, Jr., Nene Pimentel, Soc Rodrigo, Charito Planas at Neptali Gonzales. Walang nakalusot ni isa sa dalawampu't isang kandidato ng LABAN.

Dahil sa malawakan at lantarang dayaan sa halalan at panghuhuli ng diktaduryang Marcos sa mga kandidato ng LABAN, nagpasyang mamundok si Alex. Tumungo si Alex sa kanayunan at nagpasyang lumahok sa armadong pakikibaka. Sumapi si Alex Boncayao sa Bagong Hukbong Bayan (NPA) sa Nueva Ecija at nag-organisa ng mga manggagawang bukid. Hunyo 19, 1983, isang buwan bago paslangin si Ninoy Aquino sa tarmac ng Manila International Airport, napatay si Alex Boncayao ng mga sundalo ng rehimeng Marcos sa isang engkwentro sa Nueva Ecija.

Isang taon pagkamatay niya, noong 1984, binuo ng Metro Manila Rizal Regional Party Committee ng Communist Party of the Philippines ang isang brigadang ipinangalan sa kanya, ang Alex Boncayao Brigade (ABB) na may layuning magkaroon ng level playing field bilang armadong hukbong tagapagtanggol ng mga manggagawa laban sa mga goons ng kapitalista, at maging tagapagtanggol ng mga inaapi. Ngunit sa pagdaan ng panahon, ang ABB ay kinatakutan ng burgesya’t mayayamang mapang-api sa masa habang lihim namang nagpapalakpakan, sa ayaw man natin o sa gusto, ang masang kaytagal na pinagsamantalahan ng bulok na sistema.

Si Alex Boncayao, tulad ng iba pang martir ay hindi makakalimutan ng kilusang sosyalista at ng kilusang paggawa. Ang pangalan niya'y naging simbolo ng paglaban sa pang-aabuso at pagsasamantala. 

Ang kanyang mga makabuluhang ambag para sa pagsusulong ng pagbabago ay hindi matatawaran. Isa siyang tunay na martir ng uring mapagpalaya. Mabuhay si Alex Boncayao, manggagawa!

Mga Pinaghalawan:
(a) aklat na Ulos, Mayo 2002
(b) Wikipedia articles
(c) filipinovoices.com
(d) matangapoy.blogspot.com
(e) Taliba ng Bayan, 1992


PAHIMAKAS KAY ALEX BONCAYAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Nagpapatuloy pa ang pakikibaka
Ng maraming api sa gabi at araw.
Sa tinig sa ilang ng luha at dusa
Ang ngalan mo'y tila umaalingawngaw.

Kasama mo noon si Ninoy Aquino
Kandidato kayo sa partidong Laban
At tumakbo kontra pasistang gobyerno
Upang ang bayang api’y mapaglingkuran.

At nang matapos nang ganap ang eleksyon
Ay pumalaot ka tungong kanayunan
Sumama ka na doon sa rebolusyon
Ang masa'y kapiling at pinagsilbihan.

Prinsipyo’y matatag, hindi nadudungo
Magiting kang lider ng masa't obrero
Ngunit pinaslang ka ng pasistang punglo
Kaytindi ng iyong isinakripisyo.

Kaya nang mapaslang ka’y naging imortal
Sa ngalan mo’y natatag isang brigada
Misyo’y durugin kapitalistang hangal
Na sa manggagawa’y nagsasamantala.

Ang ngalan mo yaong umaalingawngaw
Sa dakong iyon ng bulok na sistema
Bayani kang tunay, Ka Alex Boncayao
Tulad mong obrero'y tunay na pag-asa.