Huwebes, Agosto 22, 2013

Kung Bakit Salbahe ang Salitang "Salvage"


KUNG BAKIT SALBAHE ANG SALITANG "SALVAGE"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Wikang Ingles ang salitang "salvage" na ang ibig sabihin ay "save" o isalba, sagipin, iligtas. Ginagamit ito lalo na sa pagsagip ng isang barko. Ngunit sa wikang Filipino, hindi pagsagip, pagligtas at pagsalba ang ibig sabihin ng salitang "salvage" kundi ang kabaligtaran nito - pagpatay, pagpaslang, pagsalbahe sa katauhan at katawan ng isang tao. Sa kahulugang ligal, ang "salvage" ay "summary execution" o "extrajudicial killing". Sa ating bansa lamang masasabi na ang salitang "salvage" ay nangangahulugang pagpaslang.

Nang sumadsad ang barkong USS Guardian ng US Navy sa Tubbataha Reef sa Palawan hanggang sa pagtanggal ng barko nitong Marso 30, 2013, narinig natin ang pag-uusap hinggil sa pag-salvage ng barko, na ibig sabihin ay pagsalba. Tingnan natin ang balitang ito: "(CNN) -- The Guardian is gone. What was left of the former U.S. Navy minesweeper was lifted off a Philippine reef on Saturday. "As the hull has been removed, the team is now shifting their effort to collecting minor debris that remains on the reef," the head of the salvage operation, Navy Capt. Mark Matthews, said in a statement. "Every salvage operation presents unique challenges. It has been difficult to extract the Guardian without causing further damage to the reef, but the U.S. Navy and SMIT salvage team with support from other companies and the government of the Philippines have really done a superb job. I could not be more proud," Matthews said. (Minesweeper lifted from Philippine reef, By Brad Lendon, CNN March 30, 2013 http://edition.cnn.com/2013/03/30/world/us-navy-ship-reef/index.html)

Ganito naman ang balita sa Pilipinas: "MANILA, Philippines—The salvage team working on the USS Guardian, which ran aground in Tubbataha Reef, removed the warship’s last remaining section early Saturday afternoon after being stuck on the Unesco World Heritage site for more than 10 weeks, a Philippine Coast Guard (PCG) official said. PCG Palawan District chief Commodore Enrico Efren Evangelista said the stern of the 68-meter US mine countermeasures ship was lifted off the reef at around 2 p.m. Evangelista, head of the task force that oversees the salvage operations, said the team had worked throughout the Holy Week to remove the four sections of the warship’s wooden hull which included its bow, auxiliary machine room, main machine room (MMR) and the stern." (Tubbataha reef salvage, by Philip C. Tubeza, Philippine Daily Inquirer, Sunday, March 31st, 2013, http://globalnation.inquirer.net/70721/tubbataha-reef-salvage). Pansinin ang kahulugan dito ng salitang "salvage" batay sa pagkakagamit ng mga Amerikano.

Sa ating bansa, ang kahulugan ng salitang "salvage" o pagpaslang ay uminog mula sa salitang Kastilang "salbahe" na ibig sabihin ay masama ang ginagawa sa kapwa. At dahil maraming salitang uminog na napapaghalo natin ang salitang Kastila at Filipino, tulad ng salitang "amin" o pag-amin ay naging "aminado", napasama na rin dito ang salitang Kastilang "salbaje" na naging "salbahe" sa Filipino na naging "salvage" sa Ingles.

Kaya maraming balita sa radyo, dyaryo at telebisyon ang nagsasabing may "na-salvage" na naman, na ibig sabihin, may pinaslang na naman. Sa pambungad na pahina (front page) ng pahayagang tabloid na Pilipino Star Ngayon (Hulyo 2, 2013) ay nakasulat: 4 KATAO 'SINALVAGE', NATAGPUAN SA HIGHWAY, at ang kabuuang balita sa pahina 2 ay pinamagatang "4 'sinalvage', natagpuan". Kapuna-puna ang panipi sa salitang "sinalvage" dahil ginawang Filipinisado ang isang salitang Ingles, na sa katotohanan ay mula sa wikang Kastila.

Narito ang ilang saliksik sa media hinggil sa balitang "salvage" matapos ang "salvaging operations" ng USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Marso 30, 2013. Pansinin kung paano inilarawan ang ginawang pag-salvage:

(1) mula sa GMA News: "Bodies of 2 'salvage' victims found in Manila", April 6, 2013:
The bloodied bodies of two victims of suspected summary execution were found in Manila before dawn Saturday. Both bodies were dumped along Dimasalang Street at about 3 a.m., radio dzBB's Paulo Santos reported. A separate dzBB report said both men were blindfolded with packaging tape, and their hands were tied. One was initially described as wearing blue shorts and an orange shirt, while the other was described as wearing gray shorts and a black shirt. No note or identification was found near the bodies.
http://www.gmanetwork.com/news/story/302676/news/metromanila/bodies-of-2-salvage-victims-found-in-manila

(2) mula sa dyaryong Tempo tabloid: ‘Salvage’ victims dumped in Cavite, posted by Online on Aug 5th, 2013
CAMP GEN, PANTALEON GARCIA, IMUS, Cavite – Two bodies of men, apparently “salvage” victims, were found dumped separately over the weekend in the province. A Police Provincial Office (PPO) report said that the first victim was found on Daanghari Road in Barangay Molino IV, Bacoor City, late Friday night. The victim’s body, with tattoo marks, was found stuffed in a sack by passersby. The body was wrapped with packaging tape.
http://www.tempo.com.ph/2013/08/salvage-victims-dumped-in-cavite/#.UjqC4dJmiSo

Ito naman ang ilang lumang balita:

(1) "2 more ‘salvage’ victims in QC; 8 bodies just this month", by Julie M. Aurelio, Philippine Daily Inquirer, Tuesday, August 21st, 2012
The bodies of two more men believed to be summary execution victims were discovered by the side of a road in Quezon City Tuesday morning. The find brought to eight the number of “salvage” victims found in the city so far for this month. All of them died of strangulation and none of them has been identified.
http://newsinfo.inquirer.net/255056/2-more-salvage-victims-in-qc-8-bodies-just-this-month

(2) "Pangatlong biktima ng 'salvage' sa Cubao ngayong Hunyo", (Pilipino Star Ngayon) | Updated June 19, 2013
MANILA, Philippines – Isang bangkay na naman ng lalaki ang natagpuan sa basurahan sa isang bangketa sa lungsod ng Quezon nitong Martes ng gabi, pangatlo na ito ngayong buwan.
Ayon sa pulisya, natagpuan ng isang basurero ang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki bandang alas-11 ng gabi sa Aurora Boulevard sa Cubao. Sinabi ng mga imbestigador na may saksak sa katawan, may mga marka ng pagsakal sa leeg at nakatali ang mga paa ng biktima. Hinala ng mga pulis na biktima ng summary execution ang lalaki na tadtad din ang katawan ng tattoo. Ito na ang pangatlong bangkay na natatagpuan sa Cubao ngayong Hunyo lamang. Nitong Hunyo 12 ay may natagpuan ding katawan ng lalaki sa kahabaan ng Aurora Boulevard na sinundan ng isa pang nakitang bangkay sa tumpok ng mga basura malapit sa EDSA-Cubao footbridge.
http://www.philstar.com/psn-balita-ngayon/2013/06/19/955790/pangatlong-biktima-ng-salvage-sa-cubao-ngayong-hunyo

(3) mula sa pahayagang Remate: "Biktima ng salvage, natagpuan sa Maynila" by Jocelyn Tabangcura-Domenden & Ivan Gaddia, July 19, 2013: NAKATALI ng nylon cord ang leeg, kamay at paa ng isang lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution nang matagpuan ito kaninang madaling araw sa Sampaloc, Maynila. Inilarawan ang biktima na nasa edad na 25-30, may taas na 5’4 hanggang 5’5, balingkinitan ang pangangatawan, nakasuot ng T-shirt na painted at brown khaki short pants. Nauna rito, naglalakad umano sa lugar ang di nagpakilalang tricycle driver nang mapansin ang biktima na nakabalot sa tela at may placard na nakapatong sa kanyang dibdib na “Snatcher ako, huwag pamarisan”.
http://www.remate.ph/2013/07/biktima-ng-salvage-natagpuan-sa-maynila/#.UjqEptJmiSo

Pagpaslang, pagsalbahe sa katawan, pagpapahirap, pagtiyak na wala nang buhay, itinatapon kung saan. Natatagpuan na lamang na malamig nang bangkay. Ang mga biktima ay sinalbahe ng kung sino. Sinalvage sila. Biktima sila ng "summary execution" o "extrajudicial killing".

Sa WikiPedia, ang "summary execution" ay ganito: "Extrajudicial killings in the Philippines are referred to as salvage in Philippine English."
(http://en.wikipedia.org/wiki/Summary_execution)

Sa artikulong "Philippine English" na nalathala sa The News Today (Online Edition) ay nakalista ang 61 mga salita o yaong "terms common only to Philippine English", at ang pang-53 ay "salvage" na ang kahulugan ay "it means to deprive of life; kill".
(http://www.thenewstoday.info/2005/03/15/opinion6.htm)

Sa aklat na "The Activist" ng isang Antonio Enriquez, ganito niya inilarawan ang salitang "salvage": Unknown yet to the public was Davao’s Killing Fields, where those who opposed Dictator Marcos were “salvaged,” a coined word meaning executed. Hundreds of student activists, NPAs, and suspected communists were murdered, after Dictator Marcos’ goons in military uniform tortured them and they were dumped like so many carcasses in the Killing Fields—without a tombstone to mark their graves, or coffins.
(http://www.scribd.com/doc/57252924/The-Activist-by-Antonio-Enriquez)

Kahit sa mga dokumento ng iba't ibang human rights organizations, ang salitang "salvage" ay nangangahulugang "summary execution".

Sa ikawalong kabanatang pinamagatang "To salvage" sa isang aklat ay ganito ang nakasulat: "About 3,000 were killed, 400 to 1,000 were disappeared during the Martial Law. It is believed that the word "salvage" which has original meaning "to save or to rescue" got a different meaning during this time. "Salvage" was used as a euphemism to the act of police and military to assassinate, to execute, to murder suspected enemies of the state." (For Democracy and human Rights: Rekindling Lessons of Martial Law and People Power Revolt, A Public Exhibition, by the Center for Youth Advocacy and Networking or CYAN)

Sa isang libreto naman ng FLAG (Free Legal Assistance Group) na muling inilathala ng PhilRights (Philippine Human Rights Center) ay ganito ang nakasulat:
Ang mga dapat gawin... KUNG SA PALAGAY MO'Y IKAW AY AARESTUHIN O ISA-SALVAGE:
Gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:
1. Huwag lumabas nang mag-isa. Tumataas ang panganib ng pagkawala at salvage dahil walang nakakasaksi o walang gustong sumaksi at magpatunay sa pagdakip sa isang taong nawawala o sinalvage.
2....
10. Kung mayroon ka pang mapagkakatiwalaang impormasyon na may planong arestuhin o i-salvage ka, hindi maipapayo na ikaw ay magtago. Sa halip, pakiusapan ang abogado mo o kung sino mang responsableng tao upang itanong kung may warrant para sa iyong pagdakip.

Kahit ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio S. Almario ay isinulat din ito nang kanyang tinalakay ang tulang "Katapusang Hibik" (na sa ibang bersyon ay may pamagat na "Katapusang Hibik ng Filipinas sa Inang España" bilang ikatlong dugtong sa dalawang tula ng ibang makata na naunang lumabas) ni Gat Andres Bonifacio "hinggil sa parusang kinamit ng mga Filipino sa kamay ng mga Espanyol". Ani Almario sa tulang ito: "Ano ang ikaiiba dito ng mga makahayop na torture at salvaging ngayon? Ngunit hindi ang realismo lamang ng paglalarawan ni Bonifacio ang dapat limiin; hindi rin lamang ang mga historikal na saligan ng mga inilatag na pruweba. Ang higit na makabuluhan sa pagbasang ito ngayon ay ang talim ng pagsipat sa isinagawang paglapastangan ng kolonyalismo sa katawan at katauhan ng sakop. Bukod sa hindi makatao ay mistulang hindi tao ang mananakop. Sa kabilang dako, waring imposibleng maging tao ang sakop dahil sa tinamong mga kahayupan." (Panitikan ng Rebolusyon(g 1896), Virgilio S. Almario, pahina 71)

Balikan natin ang ilang saknong na tinutukoy ni Almario sa tulang "Katapusang Hibik" ni Bonifacio na naglalarawan nito (Ibid. p. 145):

"Gapuring mahigpit ang mga tagalog
Hinain sa sikad, kulata at suntok,
Makinahi't 'biting parang isang hayop
Ito baga, Ina, ang iyong pag-irog?

Ipabilanggo mo't sa dagat itapon
Barilin, lasunin nang kami'y malipol,
Sa aming tagalog ito baga'y hatol,
Inang mahabagin sa lahat ng kampon?

Aming tinitiis hanggang sa mamatay
Bangkay nang mistula ayaw pang tigilan
Kaya kung ihulog sa mga libingan
Linsad na ang buto't lamuray ang laman."

Nasa kamalayan na nga ng masa ang pag-unawa sa salitang "salvage" bilang pagpaslang, bilang isang gawaing salbahe, pagsalbahe sa kapwa, pagsalbahe sa pagkatao, na isinagawa ng mga salbahe. Nasa media na rin ito, at nasa panitikan.

Una kong nalaman ang paggamit ng salitang "salvage" bilang “pagpaslang” noong 1989, pagkabalik ko rito sa Pilipinas mula sa anim-na-buwang pago-OJT sa ibang bansa, nang maging front page sa magasing Philippines Free Press ang pagkakapatay ng isang Patrolman Rizal Alih kay Heneral Batalla sa Zamboanga. At nakasulat sa malaking titik: "SALVAGING A GENERAL". May nabasa rin akong artikulo noon na ganito naman ang pamagat: "Salvaging Bonifacio" at itinuring ng artikulong iyon na "first celebrated salvage victim" si Gat Andres Bonifacio. Talagang sinalbahe sila ng kanilang mga kalaban.

Naghahanap ako ng mga lumang panitikan kung saan ginamit ang salitang pagsalbahe, sinalbahe, sumalbahe, nanalbahe, bilang paglalarawan sa nangyaring pagpatay. Halimbawa, ang isang taong nakitang nakahandusay sa ilog na may tama ng bala ay sinalbahe ng kung sino. Sino ang sumalbahe sa taong iyon? Mula doon ay maaari nating mahalukay pa ang pinag-ugatan o pinag-inugan ng salitang "salvage" na alam ng marami ngayon.

Ang salitang "salvage" na pagpaslang ay isang pabalbal na salita o masasabi nating salitang nauunawaan ng karaniwang tao, ng masa. Pumunta ka nga lang sa isang lugar na maraming tao at sabihin mo sa isa roon na isa-salvage mo siya na ang iniisip mo ay ang kahulugan sa Ingles na “save”, ingat, dahil baka bugbog sarado ka, buti kung bugbog lang, dahil ang salitang “salvage” nga ay pagpaslang at hindi pagsagip. Sa mga balitang inilatag natin sa itaas, mapapansin nating pawang mga dinukot ang mga biktima saka itinapon na lang kung saan. Kaya bago isinagawa ang "salvaging" sa mga biktima, maaaring ang mga ito muna'y tinortyur o pinahirapan, saka pinaslang ang mga ito at itinapon na lamang sa lugar na sa tingin ng mga dumukot ay magliligaw sa mga imbestigador.

Kaugnay nito, may tatlong batas sa karapatang pantao na naisabatas nitong mga nakaraan, na may kaugnayan sa pagdukot bago isagawa ang tortyur o pagpapahirap, at ang pagdukot na hindi na nakita pa ang katawan ng dinukot. Ang mga batas na ito'y ang Republic Act 9745, o Anti-Torture Act of 2009; ang RA 10353, o Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012; at ang RA 10368, o Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013. Gayunman, walang nabanggit na "salvage" o "summary execution" sa RA 9745 at RA 10353.

Isang beses namang nabanggit ang "salvage" o "summary execution" sa RA 10368. Ayon sa Chapter 1, Sec. 2, 3rd paragraph ng batas na ito: "Consistent with the foregoing, it is hereby declared the policy of the State to recognize the heroism and sacrifices of all Filipinos who were victims of summary execution, torture, enforced or involuntary disappearance and other gross human rights violations committed during the regime of former President Ferdinand E. Marcos covering the period from September 21, 1972 to February 25, 1986 and restore the victims’ honor and dignity. The State hereby acknowledges its moral and legal obligation to recognize and/or provide reparation to said victims and/or their families for the deaths, injuries, sufferings, deprivations and damages they suffered under the Marcos regime."

Ibig sabihin, wala pang batas talaga na nagpaparusa sa mga nagsagawa ng "salvaging" o "summary execution." Kaya nagsagawa ang ilang mambabatas ng panukalang batas hinggil dito. Noong Hulyo 2009, nagpasa ng panukalang batas si dating House Speaker Prospero Nograles. Ito ang House Bill 6601, na tatawaging "Anti-Salvaging Law". Nito namang Nobyembre 2012, ipinasa naman ni Kongresista Karlo Alexei Nograles (1st District, Davao City) ang House Bill 3079 o ang "The Anti-Summary Execution Act of 2012."

Ngunit sa panahong wala pang batas na nagpaparusa sa "summary execution" ay tiyak na magagamit ang batas hinggil sa "murder" o pagpaslang. Ngunit dapat mas linawin ang kaibahan ng dalawa. Ang "murder" ay pagpatay na isinagawa ng sinuman sa kanyang kapwa, habang ang "salvaging" naman ay isinagawa ng mga ahente ng estado. Paano kung hindi ahente ng estado ang nagsagawa kundi sindikato? Dapat mailinaw ito sa magagawang batas hinggil dito. Maraming aktibista ang pinaslang ng walang awa, mga biktima ng "salvaging", kaya ito'y masasabi nating isang krimeng pulitikal, at hindi lamang simpleng "murder".

Gayunpaman, dapat matigil na ang ganitong karahasan. Ayon nga sa International Convention on Civil and Political Rights: "Every human being has the inherent right to life. This right shall be protected by law. No man shall be deprived of his life arbitrarily." "[The Death] penalty can only be carried out pursuant to a final judgment rendered by a competent court" – ICCPR Articles 6.1 and 6.2.[1]

Ang "salvage" ayon sa Merriam-Webster Dictionary ay (a) compensation paid for saving a ship or its cargo from the perils of the sea or for the lives and property rescued in a wreck; (b) the act of saving or rescuing a ship or its cargo; (c) the act of saving or rescuing property in danger (as from fire). Ayon naman sa Oxford Dictionary, ang kahulugan ng "salvage" ay "the rescue of a wrecked or disabled ship or its cargo from loss at sea". Sa depinisyon ng dalawang diksyunaryo, tumutukoy ang "salvage" sa pagsagip sa barko at sa mga kargong dala nito. Ang kahulugang ito ang ginamit sa ilang Batas Republika ng bansa na tumutukoy sa pagsagip ng barko, tulad ng mga sumusunod:

Republic Act No. 9993 - Philippine Coast Guard, Section 3, Powers and Functions. (h) To issue permits for the salvage of vessels and to supervise all marine salvage operations, as well as prescribe and enforce rules and regulations governing the same;

Republic Act No. 6106 - An Act Amending RA 1047, as amended, to prescribe the rules for financing the acquisition or construction of vessels to be used for overseas shipping, to allow the creation of a maritime lien thereon, and for other purposes. Sec. 1, letter d, number 4. General average or salvage including contract salvage; bottomry loans; and indemnity due shippers for the value of goods transported but which were not delivered to the consignee;

Naglabas din ang Philippine Coast Guard ng Memorandum Circular MC 06-96 (Salvage Regulations) na ang layunin ay: II. PURPOSE: To prescribe guidelines on the salvage of vessels, including cargoes thereof, wrecks, derelicts and other hazards to navigation.

Marahil, matatagalan pa bago tumimo sa kamalayan ng masa ang kahulugang Ingles ng salitang "salvage" (to save or to rescue), pagkat ang etimolohiya o pinagmulang salita ng paggamit ng mga Pinoy sa salitang "salvage" ay ang wikang Kastilang "salvaje", mula sa mga mananakop na salbahe at sumalbahe sa marami nating kababayan. Higit sa lahat, dapat nang matigil ang "salvaging" o pamamaslang na ito, at idaan sa proseso ng batas kung sakaling sila'y may kasalanan na dapat panagutan. Kung di'y nararapat lang sadyang maparusahan ang mga nagsasagawa ng mga "salvaging" na ito dahil hindi ito makatao, at lalong hindi makatarungan.





Miyerkules, Hunyo 26, 2013

BRAT (Basta! Run Against Torture), Muling Inilunsad

BRAT (BASTA! RUN AGAINST TORTURE), MULING INILUNSAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bilang paggunita sa International Day in Support of Victims of Torture tuwing Hunyo 26 na idineklara ng United Nations, inilunsad ng iba't ibang grupo ang ikapitong Basta! Run Against Torture. Sa temang "Make Philippines a Torture-Free Zone", tumakbo ang may limangdaang katao mula sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon Avenue hanggang sa tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR) sa Commonwealth Avenue sa Lungsod Quezon. 

Ang mga grupong dumalo rito ay kinabibilangan ng United Against Torture Coalition (UATC), MAG (Medical Action Group), Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), Balay Rehabilitation Center (BALAY), Amnesty International - Philippines (AIPh), Organisation Mondiale Contra la Torture (OMCT) o World Organization Against Torture, Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), PhilRights, Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND), Akbayan, Partido ng Manggagawa (PM), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), mga estudyante ng Philippine Normal University (PNU), mga kinatawan mula sa Philippine National Police, Philippine Army, Philippine Navy at Philippine Air Force, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Presidential Human Rights Committee, at Commission on Human Rights (CHR). 

Mula pa 1987, naging bansang kapartido na ang Pilipinas sa United Nations Convention Against Torture (UNCAT). Noong 2009 naman, naisabatas na ang Batas Republika Blg. 9745 o ang Batas Laban sa Tortyur (Anti-Torture Law) ng 2009. Gayunpaman, kahit naisabatas na ito, hindi pa rin ito ganap na naipatutupad, dahil marami pa umanong kaso ng tortyur ang hindi pa epektibong naimbestigahan ng mga awtoridad, at hindi kaagad makapagsuplong ang mga nakakulong dahil sa kakulangan sa agarang serbisyong ligal at medikal.

Nang makarating kami ng tanggapan ng CHR, nagkaroon doon ng maikling programa kung saan nagsalita ang mga kinatawan ng iba't ibang grupo sa karapatang pantao. Nagsalita si Max de Mesa ng Philippine Alliance of Human Rights Advocate (PAHRA), Edel Hernandez ng Medical Action Group (MAG), at isang kinatawan ng CHR. Nagsalita rin ang mga kinatawan ng human rights office ng kapulisan at kasundaluhan.

Ayon sa tagapagsalita ng United Against Torture Coalition (UATC) na si Egay Cabalitan ng TFDP na isa sa kampanya nila ngayon ang pagkakaroon ng torture-free detention centers. Ang pilot area nila sa ngayon ay ang Bagong Silang. Nais din niyang makatulong ang KPML sa balak nilang susunod na pilot area na Tondo sa Maynila. Kaya ipararating ko sa pamunuan ng KPML, lalo na dito sa tsapter namin sa NCR at Rizal, ang hinggil dito. Taos-puso kaming tutulong sa kampanyang ito.


Ito ang ikalawa kong pagsama sa Basta! Run Against Torture. Ang una ay noong 2010. Masarap tumakbo laban sa tortyur, hindi pa dahil sa ehersisyo ng pagtakbo, kundi dahil sa marangal na layunin nitong mawala nang tuluyan sa sistema ng lipunan ang paggamit ng tortyur sa anumang dahilan. Hindi ito dapat maging sandata laban sa kalaban ng pamahalaan, armas laban sa aktibismo, sandata laban sa kababaihan, o armas sa digmaan. Dapat nang tanggalin ang tortyur, at lahat ng uri ng pananakit na pisikal at mental laban sa sinuman.

Halina't gawin nating malaya sa anumang uri ng tortyur ang ating bansa. Ayon nga sa UATC, "Make Philippines Torture Free Zone!"

Lunes, Hunyo 10, 2013

Ang Dapat Gunitain ng Manggagawa sa Hunyo 12

ANG DAPAT GUNITAIN NG MANGGAGAWA SA HUNYO 12
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tradisyunal nang ginugunita ng pamahalaan, na kadalasan ay etsapuwera ang masa, ang taunang Hunyo 12, na sinasabi nilang Araw ng Kalayaan. Pero sa simpleng masa o ng karaniwang tao, ginugunita lamang nila ito bilang holiday, at hindi bilang araw ng paglaya. Marahil dahil alam din ng masa, lalo na ng manggagawa, na huwad ang kalayaang ito. Na ito'y paglaya sa Kastila at pagpapailalim sa Amerikano.

Maliwanag ito sa nakasulat sa Acta de Independencia, ang dokumentong nilagdaan ng maraming manghihimagsik bilang patunay umano ng deklarasyon ng kalayaan. Ayon sa dokumento, lumalaya ang Pilipinas mula sa bansang España upang magpailalim naman sa bansang Amerika. Ito ba ang kalayaan? Narito ang patunay: "And having as witness to the rectitude of our intentions the Supreme Judge of the Universe, and under the protection of our Powerful and Humanitarian Nation, The United States of America, we do hereby proclaim and declare solemnly in the name by authority of the people of these Philippine Islands, that they are and have the right to be free and independent; that they have ceased to have allegiance to the Crown of Spain; that all political ties between them are should be completely severed and annulled..." (http://www.msc.edu.ph/centennial/declaration.html)

Ikalawa, ang mga kulay ng iwinawagayway na bandila ng ating bansa ay batay mismo sa kulay ng watawat ng Amerika bilang pagtanaw ng utang na loob ng mga kabig ni Aguinaldo sa imperyalistang bansang iyon. Narito ang patunay: "and the colors of Blue, Red, and White, commemorating the flag of the United States of America, as a manifestation of our profound gratitude towards this Great Nation for its disinterested protection which it lent us and continues lending us." (http://www.msc.edu.ph/centennial/declaration.html)

May dapat mas gunitain at gawing pagkilos ang uring manggagawa sa Hunyo 12. Ito'y ang World Day Against Child Labor. (O Labour para sa mga bansang impluwensyado ng Ingles ng Britanya, dahil ang Labor ay ispeling sa mga bansang impluwensyado ng Ingles ng Amerika.) Ngunit marahil tatanungin ng manggagawa: Bakit child labor, pangkabataan iyan. Dapat isyu lang iyan ng mga batang manggagawa. 

Balikan din natin sila ng tanong: Ang isyu ba ng batang manggagawa ay isyu lang ng bata, o dahil may kakabit itong salitang manggagawa bilang pang-uri, ito'y isyu rin ng uring manggagawa? Taglisin natin: Ang isyu ba ng child labor ay isyu lang ng child, o isyu rin ito ng labor? Kaya ba may adjective na child sa child labor ay dahil isyu lang ito ng child?

Ang usapin ng child labor o ng mga batang manggagawa ay usapin din ng labor o ng paggawa / manggagawa. Mismong ang nagsabi nito'y ang International Labour Organization (ILO), isang pandaigdigang samahan ng mga manggagawa na nasa ilalim ng pamumuno ng United Nations. Patunay na rito ang deklarasyon ng ILO na ang Hunyo 12 ay gunitain bilang World Day Against Child Labour.

Ayon sa pahayagang Philippine Star nitong Mayo 1, 2013, Araw ng Pandaigdigang Paggawa, may lima't kalahating milyong (5.5M) batang manggagawa sa bansa, at may naitalang dalawang daan at labinglimang milyong (215M) batang manggagawa sa buong mundo, higit na dalawang ulit na malaki sa ating populasyon na 94M (2011 data).

"The Philippines has about 5.5 million child laborers (from five to 17 years old) with nearly three million of them doing hazardous tasks, a 2011 survey on children release by the National Statistics Office (NSO) showed. Globally, there are 215 million child laborers, with half of them doing hazardous work, according to the United Nations International Labor Organization (ILO)." http://www.philstar.com/business/2013/05/01/936783/phl-has-5.5-m-child-laborers
Batay pa sa ulat ng Philippine Star, ang ugat ng child labor ay ang kahirapan at kawalan ng disente at produktibong paggawa. "The root of child labor is directly linked to poverty and lack of decent and productive work."

Inilunsad ng International Labour Organization (ILO) ang kauna-unahang World Day Against Child Labour noong Hunyo 12, 2002 bilang paraan nila upang maiparating sa higit na nakararami ang kalagayan ng mga batang ito. Ang paglulunsad ng araw na ito'y ibinatay sa maraming deklarasyon at talakayan, tulad ng ILO Convention No. 182 hinggil sa masasamang anyo ng pagtatrabaho ng mga bata (worst form of child labour) at sa ILO Convention No. 138 hinggil sa minimum na edad ng pagtatrabaho. Ngayong 2013, ang tema ng paggunitang ito ay "No to child labour in domestic work!" Noong 2012, ang tema'y "Human rights and social justice... let's end child labour!"

Ang mga batang manggagawa'y makikitang nasa batilyo, nasa pangingisda gamit ang pampasabog, nasa agrikultura, nasa mga minahan, nasa pabrika’t lansangan. Lantad sila sa panganib at sa mga mapanganib na kagamitan, kemikal, init at lamig ng panahon, at walang pananggalang sa alikabok na maaaring pumasok sa ilong. Maraming nasa lansangan ang naglalako ng paninda tulad ng yosi at mani, habang nasa pabrika naman ng sardinas ang iba. Meron ding nasa murang gulang pa lang ay nagiging katulong na, habang may mga batang nasa edad labinlima pababa ang nasa mga bahay-aliwan. Napagsasamantalahan sila pagkat nagtatrabaho sila sa murang edad at hindi nababayaran ng minimum wage. Nakakamura ng lakas-paggawa ang mga kapitalistang nag-eempleyo sa kanila. Dapat nasa paaralan ang mga batang ito, ngunit dahil sa hirap ng buhay, nagtrabaho sila ng maaga at hindi hustong dinanas ang kasiyahan ng pagiging bata. Wala na silang pagkakataong maglaro at mag-aral. Ganito ba ang kinabukasan nila sa isang sistemang walang pagpapahalaga sa kanila? Kailangan itong mabago. Kailangan nating kumilos. 

Hindi kaya may kaugnayan din ang isyu ng child labor sa isyu ng salot na kontraktwalisasyon? Pinatatrabaho na ng mga nangangapital sa mga batang manggagawa ang mga trabahong mabibigat dahil mura ang paggawa kaysa mga matatandang mahal ang bayad kahit ang mga ito’y kontraktwal. Hindi rin saklaw ng pag-uunyon ang mga batang manggagawa dahil sa kanilang edad.

Ang isyu ng batang manggagawa o ng child labor ay hindi isyu lamang ng mga bata kundi ng manggagawa sa pangkalahatan. Isyu rin ito ng karapatang pantao, na dapat ang mga bata sa kanilang murang gulang ay dapat nasa paaralan at dinaranas ang katuwaan ng pagiging bata, at hindi dapat nagtatrabaho na ng maaga. Marapat lamang na lumabas din at kumilos ang mga manggagawa, kasama ang mga batang manggagawa at ang dukha nilang mga magulang, sa Hunyo 12 upang iparating sa pamahalaan na dapat nang itigil ang child labor sa bansa at dapat na itong solusyunan ng pamahalaan.

Dapat bigyan ng trabaho ang mga magulang ng mga batang manggagawa, at hindi ang mga batang manggagawa ang magtrabaho sa murang edad. Bigyan ng trabaho ang mga magulang, at hindi trabahong kontraktwal na walang kasiguruhan, kundi trabahong regular. Ang isyu ng batang manggagawa ay hindi lang isyu ng mga bata kundi isyu ng mga manggagawa. Ayon nga kay Frances Ann Yap, presidente ng Pagkakaisa ng mga Kabataang Manggagawa para sa Karapatan (PKMK), noong Mayo 1, 2009: “Nais namin sa paaralan. Ayaw namin sa basurahan. Dapat nang itigil ang child labor sa ating bansa upang kaming mga bata ay makapag-aral, makapaglaro at mabuhay bilang malayang bata. Dapat din pong bigyan ng sapat na trabahong makabubuhay ng pamilya ang aming mga magulang. Dapat nang itigil ang pananakit sa mga bata, child trafficking, at ang patuloy na pagdami ng mga batang manggagawa.” Ang PKMK ay nakapaloob sa Child Rights Program (CRP) ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML).

Ang isyu ng child labor ay isyu rin ng karapatang pantao. Ayon sa International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR), Artikulo 10(3): "Ang mga bata at kabataan ay dapat maprotektahan mula sa pagsasamantalang pang-ekonomya't panlipunan. Ang kanilang pagtatrabahong makasasama sa kanilang moral o kalusugan o mapanganib sa buhay o yaong makapagbabaog sa kanilang normal na pag-unlad ay dapat parusahan ng batas. Dapat ding maglagay ang Estado ng limitasyon sa edad na mababa sa kung saan ang binabayarang trabaho ng batang manggagawa ay pinagbabawal at pinarurusahan ng batas. (Children and young persons should be protected from economic and social exploitation. Their employment in work harmful to their morals or health or dangerous to life or likely to hamper their normal development should be punishable by law. States should also set age limits below which the paid employment of child labour should be prohibited and punishable by law.)"

Ayon sa Convention on the Rights of the Child, Artikulo 32: "Kinikilala ng mga Partidong Estado ang karapatan ng mga bata upang maprotektahan laban sa mga pagsasamantalang pang-ekonomya at mula sa pagsasagawa ng anumang trabahong nakikitang mapanganib, at nakasasama sa kalusugan ng bata at sa kanyang pisikal, mental, ispiritwal, moral, at panlipunang pag-unlad. (States Parties recognize the right of the child to be protected from economic exploitation and from performing any work that is likely to be hazardous or to interfere with the child's education, or to be harmful to the child's health or physical, mental, spiritual, moral or social development.)"

Sa mga batas ng ating bansa, naririyan ang mga batas hinggil sa proteksyon ng mga batang manggagawa ngunit hindi naipatutupad. Dahil kung naipatutupad ito, bakit may 5.5 milyon pang batang manggagawa sa bansa? Nariyan ang Republic Act (RA) 7160 - Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination, Artikulo VIII, Seksyon 12-16; ang RA 9231 na pag-amyenda sa RA 7160 - An Act providing for the Elimination of the Worst Form of Child Labor and affording stronger protection for the working child, amending for this purpose RA 7160. Nariyan din ang RA 7658 - Prohibiting the Employment of Children Below Fifteen (15) Years of Age in Public and Private Undertakings. Ang Artikulo 130-153 ng Labor Code ay hinggil sa espesyal na grupo ng manggagawa, tulad ng bata at kababaihan. Higit sa lahat, nariyan ang Department Order (DO) 46-03 hinggil sa paggunita sa ika-12 ng Hunyo bawat taon bilang Pandaigdigang Araw Laban sa Pagtatrabaho ng mga Bata (World Day Against Child Labor).

Gayunpaman, dapat din nating maunawaan na magkaiba ang child labor sa child work. Sa child work, ang trabaho ay angkop sa edad at kakayahang mental ng bata, habang sa child labor, ang trabaho'y mabigat sa edad, katawan, at kaisipan ng bata. Sa child work, tulad ng mga batang artista, dapat silang kumuha ng Working Child's Permit sa DOLE. Sa child work, ang trabaho ng bata'y naaayon sa batas at kalakaran ng pamilya't pamayanan, habang sa child labor, ang pagtatrabaho ng bata'y labas sa mga umiiral na batas, seguridad at benepisyo. Sa child work, limitado ang oras-paggawa at may oras ang bata upang makapag-aral, makapaglaro at makapagpahinga, habang sa child labor, napakahabang oras ng paggawa ng batang manggagawa, at limitado o wala nang oras para makapag-aral, makapaglaro at makapagpahinga. Dagdag pa, sa child labor, itinulak ng kalagayan o ng ibang tao ang mga bata upang magtrabaho sa murang edad, at ang mga batang manggagawa'y karaniwang naaabuso sa pisikal, sekswal, sikolohikal at berbal.

Ang Hunyo 12 ay paalala sa atin na hindi pa malaya ang mga batang manggagawa, kundi patuloy pa ang pagsasamantala sa kanila. Kaya ang Hunyo 12 ay gawin nating pagkilos ng uring manggagawa sa isyu ng child labor, at hindi tayo dapat magpahinga lamang sa araw na ito dahil idineklarang holiday ng pamahalaan, kundi dapat kumilos tayo dahil ito'y isyu ng paggawa at karapatang pantao. Gunitain nating sama-sama ang World Day Against Child Labor tuwing Hunyo 12 at ating iparating sa buong bansa at sa buong mundo: END CHILD LABOR, NOW!

Linggo, Oktubre 14, 2012

Kasaysayan ng Tatlong Pag-aalsa


Pag-aalsang Edsa 1, 8888, at Saffron
KASAYSAYAN NG TATLONG PAG-AALSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matapos ang tagumpay ng mga Pilipino nang mapatalsik ng sambayanan si Ginoong Marcos sa pagkapangulo, ang naganap na Pag-aalsang Edsa noong Pebrero 1986 ay naging simbolo ng pakikibaka ng taumbayan sa iba't ibang bansa para sa kanilang kalayaan. Lumaganap na ang people power sa iba't ibang bansa. Nakilala na ng masa na kung magsasama-sama lamang silang kikilos ay kaya nilang magpabagsak ng isang pangulo nang mapayapa. 

Naging halimbawa sa mamamayan ng daigdig ang Pag-aalsang Edsa sa ating bansa noong 1986 na nagpatalsik kay Marcos. Nasundan ito ng Singing Revolution sa Estonia, Latvia at Lithuania (1988), Pagbagsak ng Berlin Wall sa Germany (1989), Velvet Revolution sa Czechoslovakia (1989), Bulldozer Revolution sa Yugoslavia (2000), Pag-aalsang Edsa 2 sa Pilipinas (2001), Rose Revolution sa Georgia (2003), Orange Revolution sa Ukraine (2004), Cedar Revolution sa Lebanon (2005), Tulip Revolution sa Kyrgystan (2005), Jasmine Revolution sa Tunisia (2011), at Day of Anger Revolution sa Egypt (2011). Ngunit may mga pagkatalo rin, tulad ng 8888 Uprising sa Burma (1988), Tiananmen Students Protest sa Tsina (1989), Edsa 3 Urban Poor Revolution sa Pilipinas (2001), at Saffron Revolution sa Burma (2007).

Habang nasa Mae Sot kaming apat na Pilipino'y tinanong kami hinggil sa naganap na Pag-aalsang Edsa, na ikinwento naman namin. Nariyan din ang ilang tanong, tulad ng ano ang kaibahan ng Pag-aalsang Edsa noong 1986 sa Rebolusyong 8888 sa Burma noong 1988. Ano raw ang mga kulang ng kanilang pakikibaka sa naganap sa Edsa 1. Sabi namin, bagamat parehong napasailalim ng diktadura ang Pilipinas at Burma, magkaiba naman ang sitwasyon ng dalawang bansa. Suriin natin ang tatlong pag-aalsa at ano ang aral nito sa atin.


Ang Pag-aalsang Edsa 1

Tagumpay ang unang pag-aalsang Edsa sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng masa, napatalsik sa pwesto si dating Pangulong Marcos. Bakit nangyari ito?

Naging pangulo ng Pilipinas si Marcos noong Disyembre 31, 1965. Bilang pangulo, ibinaba niya ang batas-militar noong Setyembre 21, 1972, kaya nabuhay sa ilalim ng diktadura ang taumbayan. Noong Agosto 21, 1983, pinaslang sa tarmak ng Manila International Airport si dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr. Nagngitngit ang taumbayan. Nang magkaroon ng snap election noong Pebrero 7, 1986, nagsagupa sa pagkapangulo si Marcos at ang maybahay ni Ninoy na si Cory. Sa mata ng taumbayan, nanalo si Cory at muling nandaya ang makinarya ng diktadura. Noong Pebrero 21, 1986, kumalas sa pangulo ang ministro ng depensa nitong si Juan Ponce Enrile at AFP Vice Chief of staff Fidel V. Ramos. Nanawagan si Cardinal Sin na suportahan sila. Nagtungo ang milyong tao sa Edsa. Noong Pebrero 25, 1986, umalis na si Marcos sa Pilipinas.


Ang Pag-aalsang 8888

Ang Pag-aalsang 8888 sa Burma ay serye ng martsa, welga, demonstrasyon at labanan sa Socialist Republic of the Union of Burma, na mas kilala ngayon bilang Burma o sa tawag ng diktadurya ay Myanmar). Ang mayor na pangyayari'y naganap noong ika-8 ng Agosto 1988, kaya tinawag itong "Pag-aalsang 8888". Ito'y pinangunahan ng mga estudyante ng Yangoon noong ika-8 ng Agosto 1988, at ang protestang ito'y sumiklab sa iba't ibang panig ng bansa. Libu-libong estudyante ng unibersidad, mga monghe, mga bata, maybahay at manggagawa ang nagrali laban sa rehimen. Nadurog ang pag-aalsa noong ika-18 ng Setyembre dahil sa madugong kudeta ng State Law and Order Restoration Council (SLORC). Libu-libo ang namatay sa mga nagprotesta. Sa pangyayaring ito'y nakilala si Aung San Suu Kyi bilang pambansang simbolo ng pakikika tungo sa kanilang paglaya. 

Ang kanilang bansa nang mga panahong iyon ay pinamumunuan ni Heneral Ne Win mula pa noong 1962. Noong 1987, ang Burma'y nalagay bilang Least Developed Country ng United Nations Economic and Social Council noong Disyembre 1987. Dahil dito'y inatasan ng pamahalaan na pamurahin ang mga pananim na tinitinda ng magsasaka upang makahamig ng tubo ang gobyerno. Naging mitsa ito ng mga protesta. Naramdaman ng mamamayan ang tumitinding pamumunong militar ng pamahalaan. Nang mabaril ng mga pulis ang isang estudyanteng demonstrador mula sa Rangoon Institute of Technology (RIT) noong 12 Marso 1988, nagrali ang mga estudyante sa harapan ng RIT. Ika-16 ng Marso 1988, pinanawagan ng mga estudyanteng wakasan na ang pamumuno ng isang partido, at nagmartsa sila sa Inya Lake nang binira sila ng mga pulis. Nagsunod-sunod na ang mga protesta. Noong ika-23 ng Hulyo 1988, bumaba sa pwesto si Heneral Ne Win bilang pinuno ng Burma, at itinalaga niya si Sein Lwin, ang tinaguriang "Berdugo ng Rangoon" upang pamunuan ang bagong pamahalaan.

Nag-organisa ang mga estudyante at tinuligsa ang rehimen ni Sein Lwin at ang tropang militar nitong Tatmadaw. Kumalat ang protesta sa iba't ibang panig ng bansa, at tinaon nila ang ika-8 ng Agosto 1988 bilang siyang pinakamalaking protesta sa bansa. Sa protestang ito ng mga estudyante'y nagpaputok ng baril ang mga sundalo ng pamahalaan, na ikinamatay, sa kabuuan, ng tinatayang sampung libong katao, ngunit wala pang 300 sa datos ng gobyerno.


Ang Rebolusyong Saffron

Labingsiyam na taon ang nakalipas, naganap muli ang isang pag-aalsa sa Burma, na tinagurian nilang Rebolusyong Saffron. Ipinangalan ito sa suout na kulay saffron ng mongheng Budista, na nanguna sa protesta laban sa rehimeng diktadura ng Burma. Noong ika-16 ng Agosto, tinanggal ng SPDC (State Peace and Development Council, na siyang pumalit sa SLORC), ang subsidyo sa langis kaya sumirit pataas ang presyo ng diesel at petrolyo ng hanggang 66%, habang limang beses ang tinaas ng presyo ng compressed natural gas na ginagamit sa mga bus. Mula ika-18 ng Setyembre, pinangunahan ng tinatayang 15,000 mongheng Budista ang kilos-protesta. Sumama sa kanila ang nasa 30,000 hanggang 100,000 katao sa mga lansangan ng Yangon. Nagpatuloy ang pag-aalsa hanggang durugin ito ng pamahalaan noong ika-26 ng Setyembre, 2007. Marami ang inaresto at nasaktan. At sa ulat ng isang ulat, mahigit isang libo ang namatay, habang sa ulat ng human rights envoy ng United Nations, 31 ang nasawi.


Ilang Pagninilay

Magkaiba ang tatlong pangyayari. Ang bawat rebolusyon at pakikibaka’y magkakaiba. Maaaring magkapareho lamang ng katayuan ng mga tao - may diktador at may estudyanteng lumalaban, may kapitalista at manggagawang magkatunggali, may asendero at magsasakang magkalaban. Ngunit ang sitwasyon ay magkakaiba. Tulad ng larong tses, pare-pareho ang katayuan ng mga pyesa, may hari, reyna, obispo, kabayo, tore at piyon, na naglalaban sa animnapu’t apat na parisukat sa isang chessboard, ngunit nagkakaiba ang sitwasyon, kaya magkaiba rin ang resulta. Gayundin ang tatlong rebolusyon. Magkakaiba man, maaari natin itong halawan ng aral.

Sa Pilipinas, ano ang kulang? Bakit sa kabila na tatlong beses nang nag-Edsa, wala pa ring naramdamang pagbabago, kaya nanlalamig na ang karamihan sa people power? Naganap ang Edsa 1 at 2, napatalsik ang pangulo ngunit napalitan lang ng kauri nilang elitista. Si Marcos ay napalitan ni Cory. Si Erap ay napalitan ni Gloria. Walang lider-manggagawa, walang lider-maralita, walang lider-kababaihan, walang lider-magsasakang napunta sa poder. Wala ang isyu ng masa, wala ang isyu ng kahirapan, wala ang isyu ng trabaho, wala ang isyu ng pabahay, wala ang isyu ng salot na kontraktwalisasyon. Hindi umangat ang pakikibaka ng sambayanan sa tunggalian ng uri sa lipunan.

Dahil hindi sapat na ang layunin lang ng people power ay ang pagpapalit ng pangulo. Dapat itong itaas sa pagbabago ng sistema. Hindi sapat na demokrasya lang ang kasagutan. Dapat ipakita na may tunggalian ng uri sa lipunan, at ang pagpawi sa mga uri ang siyang kasagutan. Dapat ipakitang ang mga manggagawa’y hindi lang tahimik na masang nagtatrabaho, kundi isang malakas at pangunahing pwersa sa pagbabago.

Marahil ganuon din sa dalawa pang rebolusyon. Dapat hindi lang mapalitan ang pamunuan ng isang kauri nila, kundi ng totoong kumakatawan sa masa ng sambayanan. Ngunit bago iyon, pagsikapan nating magkaroon ng pagbabago sa Burma. Bagamat tanging mga taga-Burma lamang ang makagagawa niyon, tulungan natin sila sa ibang pamamaraan, tulad ng pangangampanya sa ating bansa at panawagan sa ating pamahalaan na makialam sa Burma at tiyaking umiiral dito ang karapatang pantao, at maayos na pamumuno.


Hamon sa Kasalukuyan

Kailangang manalo ng taumbayan ng Burma sa kanilang pakikibaka para sa demokrasya at kalayaan. Mula 1962, napailalim na sila sa diktaduryang militar hanggang ngayon. Gayunpaman, nagkaroon ng mga pagbabago nitong mga nakaraan. Naisabatas ang Konstitusyong 2008 ng Myanmar (na bagong pangalan ng Burma), ngunit ayaw ito ng mga tao, pagkat ang gumawa nito'y ang mga namumuno sa diktadura. Pinalaya na rin sa pagka-house arrest si Daw Aung San Suu Kyi, na siyang simbolo ng pagkakaisa ng mamamayan ng Burma laban sa diktadura. Nakatakbo siya sa halalan at nanalo sa ilalim ng partidong National League for Democracy (NLD) bilang isa sa kinatawan sa Mababang Kapulungan ng kanilang Kongreso.

Sa ngayon, naghahanda ang mamamayan ng Burma para sa pambansang halalan sa 2015, habang tinatayang pamumunuan ng Myanmar ang ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) sa darating na 2014. Anuman ang kahihinatnan nito ay di pa natin masasabi, at habang ang Burma ay nasa ilalim ng diktadura, patuloy na makikibaka ang mamamayan nito para sa tunay na demokrasya at kalayaan. Sa ganitong dahilan, sumusuporta ang mga aktibistang Pilipino, sa diwa ng internasyunalismo at pagkakaisa, sa pakikibaka ng mga aktibista't mamamayang Burmes para makamtan nila ang kalayaan at demokrasyang matagal na nilang inaasam.

- Oktubre 14, 2012, Lungsod Quezon

Miyerkules, Setyembre 12, 2012

Hindi Maralita ang Sanhi ng Baha, kundi Climate Change!


HINDI MARALITA ANG SANHI NG BAHA,
KUNDI CLIMATE CHANGE!
Sinulat ni Greg Bituin Jr. para sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

Nakababahala ang anunsyo ng pamahalaang Aquino na idemolis ang mga kabahayan ng maralitang nakatira sa danger zone matapos ang Habagat. (Philippine Star news - 195,000 families in danger zones face relocation, August 14, 2012). Nakababahala dahil maralita na naman ang sinisisi sa mga naganap na pagbaha, at hindi ang mga nagtatayugang gusali, hindi ang mga malls at iba pang istrukturang nagpaliit ng daluyan ng tubig, kundi lagi na lang sinisisi ay maralita. Maralita ang sinisisi. Maralita ang laging may kasalanan. Ayon pa sa balita, pag hindi sumunod, pupwersahin silang paalisin, kundi'y pasasabugin ang kanilang mga bahay upang di na sila makabalik.

Sa pananalasa ng mga kalamidad gaya ng mga nagdaan at paparating pang mga bagyo, nakakita ang gobyerno ng kumbinyenteng palusot upang walisin lahat ng mga itinuturong dahilan ng pagbabara ng mga lagusan ng tubig na nagdulot ng mga matitinding pagbaha. Dahil dito'y idineklara ng pamahalaang Aquino na pwersahang pagdemolis sa 195,000 pamilya sa Metro Manila na tatangging umalis sa mga danger zones, tulad ng tulay, estero, tabing ilog, at tabing dagat na daluyan ng tubig. Ipapatupad din ang three (3) meters easement sa mga tabing ilog at creek na madaragdag pa sa bilang ng mga mawawalan ng tahanan.

Saan itataboy ang maralita? Mula sa danger zone patungo sa death zone? Pinatunayan na ng mga karanasan na hindi tamang ilagay sa death zone ang mga maralita dahil wala doong kabuhayan kundi gutom. 

Ang problema sa patuloy na pananalasa ng baha ay simplistikong tinitingnan ng gobyerno na dulot ng mga pasaway na mga maralitang naglulungga sa mga daluyan ng tubig. Tayo ang nakababara kaya dapat na tayo ang tanggalin. Ang nakikita ng gobyerno ay mga madudungis at mga baboy na mga iskwater na kung saan-saan nagtatapon ng kanilang mga basura habang pikit-mata ito sa mga naglalakihang gusaling nakahambalang mismo sa mga daanan ng tubig. Mga salaulang pabrika na nagtatapon ng mga mapaminsalang basura, walang-habas na pagmimina, pagkakalbo ng kagubatan at iba pang mga kababuyan ng mga kapitalista sa paghahangad ng malaking tubo na lalo pang nagpapabilis sa pag-init ng daigdig o global warming. 

Ang problema sa gobyerno, tayo lang ang kayang-kayang pagbuntunan ng lahat ng sisi sa mga pagbaha at hindi makita ang mga baradong programang pang-ekonomiya na hindi lumulutas sa patuloy na paglobo ng mga mahihirap na mamamayan na napipilitang manirahan sa kahit sa pinakamapanganib na lugar. Kung susuriin, marami sa mga naninirahan sa mga danger zones ay mga maralitang galing na sa kung saan-saang relocation sites sa bansa. Marami ang nagsibalikang relocatees dahil sa kawalan ng hanapbuhay sa mga pinagdalhan sa kanilang relocation areas. May mga napaalis din bunga ng bantang demolisyon at cancellation of rights dahil sa kawalan ng pera para sa mga bayarin sa mga relocation areas. 

Ang dapat makita at dapat aminin ng gobyerno ay ang palpak na ipinatutupad na polisiyang pang-ekonomiyang neo-liberal na patuloy na nakaasa sa dayuhang pamumuhunan habang binabale-wala ang kapakanan ng kanyang mamamayan. Ang dapat makita ng gobyerno ay ang nakatakdang paglobo pa ng bilang ng mga maralitang lungsod na titira sa kahit sa pinakamapanganib na lugar dahil sa kakulangan at kawalan ng hanapbuhay dahil ang programang pang-ekonomiya ay inilaan hindi sa mahihirap na mamamayan kungdi sa mga dayuhan at bilyonaryong iilan. 

CLIMATE CHANGE ANG DAHILAN

Maralita ba ang dahilan nang maganap ang Ondoy noong 2009? Ang isang buwang ulan ay naganap lamang sa loob ng anim na oras na nagpalubog sa maraming lugar. Maralita ba ang dahilan niyan?

Naganap ang Pedring, Quiel, Sendong, Gener, at nitong huli'y ang Habagat na nagpalubog muli sa maraming lugar, maralita ba ang dahilan niyan? Ngitngit ng kalikasan! Ang Mindanao na hindi dating binabaha ay dinelubyo ng Sendong. Marami ang nasawi. Maralita ba ang dahilan niyan?

Ayaw aminin ng gobyerno na nagbabago na ang klima, na climate change ang dahilan ng ganitong mga kalamidad. Kahit ang tila walang pag-asang PAGASA'y di man lamang masabing climate change ang dahilan ng mga pagbaha. Bakit?

Hindi sapat na sisihing ang mga maralita kasi ay nakakabara sa mga daluyan ng tubig, dahil sino ba namang nais tumira sa daluyan ng tubig kung may sapat silang kabuhayan para magkaroon ng tahanan, o makaupa ng matitirahan? Dapat nating suriin ang ugat ng pagbabagong ito ng klima.

Ang pagbabago ng klima ay dulot ng epekto ng GHG o greenhouse gases sa ating atmospera. Ang greenhouse, sa malalamig na bansa, ay parang maliit na bahay na salamin ang dingding, kung saan dito pinatutubo ang mga halaman. Pinapasok sa mga greenhouse ng mga panel na salamin ang init na mula sa araw, ngunit di nila ito pinalalabas. Ito ang dahilan kung bakit umiinit ang greenhouse, na animo'y pampalit sa araw na nakakatulong sa pagpapalago ng halaman. Ang greenhouse gases naman ang gas na nakokonsentra sa atmospera nang maganap ang Rebolusyong Industriyal (bandang 1800s), at maimbento ang makinang singaw (steam engine). Nagmula ang GHG sa paggamit ng mga fossil fuels (o mga langis galing sa mga bangkay o kalansay ng mga dinasaur, at iba pa, sa nakalipas na ilang milyong taon), tulad ng langis o krudo (na nagpapatakbo ng mga sasakyang bumubuga ng maraming usok), at mga uling o karbon (coal). Ang GHG ang nagpapainit ng mundo. Gayunman, hindi masama ang GHG, basta't sapat lamang at nasa tamang espasyo sa atmospera. 

Gayunman, ang anumang labis ay masama. Kaya ang labis na konsentrasyon ng GHG sa partikular na espasyo sa atmospera ang nagdulot ng pagkabutas ng ozone layer. Nagdudulot  ang konsentrasyong ito ng labis na pag-iinit ng mundo, pagkatunaw ng malalaking tipak ng yelo sa mga malalamig na lugar, tulad sa North Pole at Antartica. Nangyari ito dahil sa labis-labis na paggamit ng gasolina at uling (coal) para magamit sa pabrika, sasakyan, at pagpapaunlad ng kanilang sariling kabuhayan, at mismong ekonomya ng kani-kanilang bansa.

Sa nakalipas na apatnapung taon, naging matingkad at mabilis ang pagbabago sa klima. Dahil na rin sa ipinatakaran ng mga mayayamang bansa hinggil sa neoliberal, o pagsagad ng kapitalistang sistema. Bumilis ang kapitalismo. Sa ngalan ng tubo'y binutas ng binutas ang lupa para sa langis, bumuga ng bumuga ng usok ang mga pabrika upang makagawa ng sobra-sobrang produkto, gumamit ng sobrang langis (carbon footprints) upang magdala ng mga produkto mula sa ibang bansa tungo sa isa pa, kahit meron namang produktong ganoon sa bansang iyon.

SINONG DAPAT SISIHIN?

May dapat managot. Ngunit hindi ang mga maralitang isang kahig, isang tuka, na hindi kayang bumuga ng usok ng pabrika at coal plant, maliban sa kanilang paisa-isang sigarilyo. Kaya sino ang may pananagutan sa mga nagaganap na ito? Dahil sa labis na akumulasyon sa tubo para manaig sa kumpetisyon, isinakripisyo  ng mga mayayamang bansa ang kalikasan. Umunlad at yumaman ang maraming bansa, habang maraming bansa naman ang patuloy na naghihirap. Dahil sa matinding kumpetisyon sa ekonomya ng mga mayayamang bansa, kinalbo ang kabundukan, sinira ang karagatan, at winasak ng pagmimina ng mayayamang bansa ang kalupaan ng mahihirap na bansa nang walang sapat na kabayaran sa mga ito. Ang mga umunlad at mayayamang bansang ito ang siyang nakatala bilang mga  Annex 1 countries sa dokumento ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change) na inamyendahan sa Ikatlong Kumperensya ng mga bansa o partido noong Disyembre 1997: Ang mga bansang ito'y ang Australia, Austria, Belarus, Belgium, Bulgaria, Canada, Croatia, Czech Republic, Denmark, the European Community, Estonia, Finland, France, Germany, Greece, Hungary, Iceland, Ireland, Italy, Japan, Latvia, Liechtenstein, Lithuania, Luxembourg, Monaco, Netherlands, New Zealand, Norway, Poland, Portugal, Romania, Russian Federation, Slovakia, Slovenia, Spain, Sweden, Switzerland, Turkey, Ukraine, United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland, at United States of America. Sila ang pangunahing mga bansang kapitalista sa mundo. 

Sa mga pangyayaring ito, grabeng naapektuhan ang mga mahihirap na bansa. Lumubog ang maraming lugar. Tagtuyot sa iba't ibang lugar. Sobrang init ay biglang uulan, kaya nagkakasakit ang mga tao. Nagbago ang klima kaya ang pagtatanim ng mga magsasaka'y naapektuhan. Dahil ang mga mayayamang bansa ang dahilan ng labis na pagkasira ng kalikasan, dapat silang magbayad (reparasyon) sa mga mahihirap na bansa, sa iba't ibang porma, tulad ng salapi, mga pagkain, at iba pa, na magtitiyak na ang pananagutan nila sa mga mahihirap na bansa ay matugunan. 

Sa madaling salita, sa pagsulpot ng sistemang kapitalismo, unti-unti nang nawasak ang ating kalikasan, ang klima ng mundo. Dapat baguhin ang sistemang ito.

MARALITA, MAGKAISA

Hindi tayong mga maralita ang dapat magdusa sa mga nagaganap na pagbabago ng klima. Hindi tayo dapat itaboy na parang mga daga sa ating mga tahanan. Hindi tayo dapat alisin na lamang basta sa mga danger zones para itapon sa death zone. Hindi tayo tatangging mapunta sa ligtas na lugar. Sino ba ang aayaw? Ngunit nasaan ang kabuhayan, ang ilalaman sa aming tiyan kung ilalayo kami sa aming pinagkukunan ng ikabubuhay, kung itataboy kami sa mga relocation site na gutom ang aming kagigisnan. 

Ilang beses na bang nagsibalikan ang mga maralita mula sa mga relokasyong pinagdalhan sa kanila? Napakarami na. Dahil hindi solusyon ang pabahay lamang. Dahil nakakaligtaan ng pamahalaan ang tatlong magkakaugnay na usapin ng pabahay, trabaho at serbisyo, na isa man sa mga ito ang mawala ay tiyak na problema sa maralita. Ang kailangan ng maralita'y di lang simpleng pang-unawa, kundi totoong programang magkasama ang pabahay, hanapbuhay at serbisyo, at hindi negosyong pabahay at matataas na bayarin. Ang munting usaping ito'y hindi kalabisan, kundi ito'y makatarungan lamang para sa mga maralitang tao rin tulad ng mga nasa pamahalaan.

Ang dapat asikasuhin ng pamahalaan ay singilin ang mga bansang malaki ang naiambag sa pagbabago ng klima. Dapat magbayad ang mga ito sa mga mahihirap na bansa. Gayunman, hindi ito ganito kadali, lalo na't kaligtasan ng buhay ang nakasalang, at di sampung tao lamang ang pinag-uusapan dito, kundi milyong tao. Kaya marapat lamang itong pagtuunan ng pansin, pag-aralan at paghandaan, di lamang ng pamahalaan, kundi ng mismong mga taong direktang maaapektuhan. Hindi maaaring ang mga ibon ang magpapasiya sa kapalaran ng mga isda. Dapat mismong ang taumbayan ay kasama sa pagdedesisyon sa kanilang kapalaran at kaligtasan. Dapat magkaugnayan, magtulungan at magkaisa ang buong sambayanan upang singilin ang mga mayayamang bansa, at baguhin na ang kapitalistang sistemang mapangwasak sa kalikasan na ang pangunahin lagi ay akumulasyon ng tubo imbes na pangalagaan ang kalikasan at ang mamamayan.

PHILIPPINE MOVEMENT FOR CLIMATE JUSTICE (PMCJ)
Setyembre 12, 2012

Miyerkules, Agosto 29, 2012

Pag-aangkop (Adaptasyon)

BURADOR (DRAFT)

PAG-AANGKOP (ADAPTASYON) SA NAGAGANAP NA PAGBABAGO NG PANAHON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
inihanda para sa Komite sa Adaptasyon ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

Dahil sa pagbabago ng klima, naganap ang maraming delubyong hindi inaasahan ng taumbayan. Lumubog sa tubig ang mga kalunsuran, ang mga kanayunan, at maging ang kabundukan.

Nanariwa sa akin ang sinabi ng isang kasama na mismong ang Lungsod ng Baguio ay nilubog sa baha. Napakataas ng Baguio para bahain. Ngunit binaha ito dahil sa mga basurang bumara sa mga kanal. 

Maraming konsepto ng adaptasyon o kung paano tayo aangkop sa ganitong nagaganap na kalamidad. Napakaraming aghamanon (syentista) at mga propesyunal ang nagbigay ng iba't ibang kahulugan o depinisyon kung ano nga ba ang adaptasyon. Tingnan natin ang bawat isa.

a. Adaptation - Adjustment in natural or human systems in response to actual or expected climatic stimuli or their effects, which moderates harm or exploits beneficial opportunities. Various types of adaptation can be distinguished, including anticipatory and reactive adaptation, private and public adaptation, and autonomous and planned adaptation (IPCC TAR, 2001 a)
b. Adaptation - Practical steps to protect countries and communities from the likely disruption and damage that will result from effects of climate change. For example, flood walls should be built and in numerous cases it is probably advisable to move human settlements out of flood plains and other low-lying areas…” (Website of the UNFCCC Secretariat)
c. Adaptation - Is a process by which strategies to moderate, cope with and take advantage of the consequences of climatic events are enhanced, developed, and implemented. (UNDP, 2005)
d. Adaptation - The process or outcome of a process that leads to a reduction in harm or risk of harm, or realisation of benefits associated with climate variability and climate change. (UK Climate Impact Programme (UKCIP, 2003)

Kung ibubuod ang mga kahulugang ito, ang adaptasyon ang mga hakbang upang umangkop sa mga nagaganap na pagbabago sa kapaligiran nang isinasaalang-alang ang kaligtasan ng buhay at mapababa ang panganib ng sakuna.

Sa karaniwang masa, napakakumplikado ng mga terminong ito ng agham, ngunit madali naman nila itong mauunawaan kung ipapaliwanag sa kanila ito sa mga payak na salita.

Simple lamang naman kung ano ang adaptasyon - umangkop ka sa kalagayan. Ibig sabihin, kung mababa ang iyong kinalalagyan, pumunta ka sa mas mataas na kalalagyan, o kaya naman ay itaas mo ang kinalalagyan mo. Kung mahuna na o magato ang materyales ng iyong tahanan, aba'y gawan mo ng paraan kung paano ito magiging matibay. Maaaring palitan mo ng bagong kahoy ang mga mahuhuna at ginagato na, o kaya naman ay gawin mo nang bato ang iyong dingding na sawali.

Halimbawa, laging binabaha sa Dagat-Dagatan, ang ginawa ng mga tao ay tinaasan ang kanilang bahay para pag bumaha ay hindi aabot sa kanilang sahig. Dumating din ang panahong tinambakan na ang mababang lupa at ginawang sementado sa pamamagitan ng pamahalaang lokal.

Gayunman, hindi ganito kadali, lalo na't kaligtasan ng buhay ang nakasalang, at di sampung tao lamang ang pinag-uusapan dito, kundi milyong tao. Kaya marapat lamang itong pagtuunan ng pansin, pag-aralan at paghandaan, di lamang ng pamahalaan, kundi ng mismong mga taong direktang maaapektuhan. Hindi maaaring ang mga ibon ang magpapasiya sa kapalaran ng mga isda. Dapat mismong ang taumbayan ay kasama sa pagdedesisyon sa kanilang kapalaran at kaligtasan.

Noong 2009, nilikha ang Climate Change Commission (CCC) ng Pilipinas sa pamamagitan ng Batas Republika 9729 (Climate Change Act of 2009). Ito ay binubuo ng 23 ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at kinatawan ng akademya, sektor ng negosyo at mga NGOs. Ang Komisyong ito ang may mandatong magsagawa ng opisyal na National Framework Strategy on Climate Change (NFSCC) at ang National Climate Change Action Plan (NCCAP). Ang Pangulo ng Pilipinas ang siyang namumuno sa Komisyong ito.

Ang NCCAP ay nilikha upang isulong ang abotkayang programa ng pagkilos para matugunan ang adaptasyon at mitigasyon sa isyu ng nagbabagong klima. Ang pitong istratehikong dapat pangunahing tugunan nito ay ang isyu ng mga sumusunod:
1. Seguridad sa pagkain (food security)
2. Kasapatan sa tubig (water sufficiency)
3. Pangkapaligiran at pang-ekolohiyang katatagan (environmental and ecological stability)
4. Kaligtasan sa tao (human security)
5. Kapana-panatiling enerhiya (sustainable energy)
6. Mapag-angkop sa Klimang Industriya at Serbisyo (Climate-Smart Industries and Services)
7. Pagpapaunlad ng Kaalaman at Kakayahan (Knowledge and Capacity Development)

Mandato rin ng CCC na magbigay-tulong sa mga pamahalaang lokal sa paglikha ng mga ito ng LCCAP (local climate change action plan).

Ano ang ating papel bilang organisasyon? 

Una, ang komite sa adaptasyon ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ang tumatayong kinatawan ng mga progresibong organisasyon upang tiyaking ang mga patakaran ng pamahalaan kaugnay sa isyu ng adaptasyon at nagbabagong klima ay maayos na naisasakatuparan. 

Ikalawa, maging kritikal at mapanuri, na ang ginagawa ng pamahalaan ay hindi sapat hangga't hindi nasisingil ang mga mayayamang bansa sa kanilang mga pananagutan. 

Ikatlo, ang nagaganap na pagbabago ng klima ay dahil sa isang sistemang hindi inuuna ang kapakanan ng sambayanan kundi tubo para sa iilan, iilang bansa, iilang sektor (business sector), iilang tao (mayayaman), sistemang walang pagsasaalang-alang sa kinabukasan ng higit na nakararami.

Ikaapat, pagsusulat at pagpapaabot sa pamamagitan ng mass media ng paninindigan at pagsusuri ng PMCJ sa mga nagaganap, tulad ng bantang pasasabugin (blasting) ng mga kabahayan sa danger zones para ilipat ang mga tao sa death zone. 

Ikalima, makipag-ugnayan at maging bahagi ang PMCJ sa mga NCCAP at LCCAP, o kaya'y sumubaybay (monitoring) ng mga ginagawa ng pamahalaan.

Martes, Agosto 28, 2012

Nagbabagong Klima, Nagbabagang Klima


BURADOR (DRAFT)

Nagbabagong Klima, Nagbabagang Klima (Climate Change 101)
Inihanda ni Greg Bituin Jr. ng KPML-NCRR para sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

1. Ano ang pagbabago ng klima o climate change?
Mula sa nakagisnang siklo ng panahon, tulad ng tag-init na buwan ng Mayo, tag-ulan na buwan ng Agosto, taglamig na Disyembre, nasira na ang padron at siklo nito. Umuulan sa Mayo, habagat sa Agosto, unos sa Setyembre, mas malamig na ang Pebrero kaysa Disyembre. Apektado ang mga magsasaka kung paano magtatanim, at ang mga estudyante’y laging walang pasok. Mas tumitindi ang klima at di na bumabalik sa dati. Sa naganap na bagyong Ondoy, ang ulan na dati'y umaabot ng ilang araw upang bahain ang kalunsuran, ngayon ay nagpalubog sa lungsod sa loob lamang ng maikling panahon, anim na oras. Pinalubog ng Sendong ang dating di binabagyong bahagi ng Mindanao. Hinabagat ang maraming lungsod. Sala sa init. Sala sa lamig.

2. Ano ang mga dahilan ng pagbabagong ito sa klima?

Tinitingnan lang noon ng mga aghamanon (syentista) na ang pagbabago sa klima ay bahagi lamang ng likas na siklo ng panahon, may tag-araw, may tag-ulan, sa mga bansa sa tropiko, habang may taglamig (winter), tagsibol (spring), tag-init (summer), at taglagas (fall). Ngunit ngayon, hindi na ganito ang kanilang pagtingin, dahil nawasak na ang siklo nito.

Ang pagbabago ng klima ay dahil sa epekto ng GHG o greenhouse gases. Ito ang gas na nakokonsentra sa atmospera nang maganap ang Rebolusyong Industriyal (bandang 1800s), at maimbento ang makinang singaw (steam engine). Nagmula ang GHG sa paggamit ng mga fossil fuels (o mga langis galing sa mga bangkay o kalansay ng mga dinasaur, at iba pa, sa nakalipas na ilang milyong taon), tulad ng langis o krudo (na nagpapatakbo ng mga sasakyang bumubuga ng maraming usok), at mga uling o karbon (coal). Ang GHG ang nagpapainit ng mundo. Gayunman, hindi masama ang GHG, basta't sapat lamang at nasa tamang espasyo sa atmospera. Gayunman, ang anumang labis ay masama. Kaya ang labis na konsentrasyon ng GHG sa partikular na espasyo sa atmospera ang nagdulot ng pagkabutas ng ozone layer. Nagdudulot  ang konsentrasyong ito ng labis na pag-iinit ng mundo, pagkatunaw ng yelo sa mga malalamig na lugar, tulad sa North Pole at Antartica. Nangyari ito dahil sa labis-labis na paggamit ng gasolina at uling (coal) para magamit sa pabrika, sasakyan, at pagpapaunlad ng kanilang sariling kabuhayan, at mismong ekonomya ng kani-kanilang bansa.

Sa nakalipas na apatnapung taon, naging matingkad at mabilis ang pagbabago sa klima. Dahil na rin sa ipinatakaran ng mga mayayamang bansa hinggil sa neoliberal, o pagsagad ng kapitalistang sistema. Bumilis ang kapitalismo. Sa ngalan ng tubo'y binutas ng binutas ang lupa para sa langis, bumuga ng bumuga ng usok ang mga pabrika upang makagawa ng sobra-sobrang produkto, gumamit ng sobrang langis (carbon footprints) upang magdala ng mga produkto mula sa ibang bansa tungo sa isa pa, kahit meron namang produktong ganoon sa bansang iyon.

3. Ano ang epekto ng pagbabagong ito ng klima?

Dahil sa pag-iinit ng mundo, natutunaw ng mabilis ang mga yelo sa malalamig na lugar, tulad sa Antartica, na nagsisilbing dahilan upang tumaas ang tubig sa dagat, na maaaring ikalubog ng maraming mga pulo at makaapekto ng malaki sa tahanan ng mga mamamayang nakatira dito.

Sa ating bansa, ang mga lugar na hindi dati binabaha at binabagyo ay nakaranas na ng bagyo at pagbaha, tulad sa Mindanao sa kasagsagan ng bagyong Sendong noong 2011. Lumiit ang daluyan ng tubig sa ilog nang maitayo ang SM Marikina na naging dahilan ng mabagal na paglabas ng tubig patungong dagat, at pag-apaw nito patungong mga kabahayan. Ngunit sino ba ang kayang sumisi sa tulad ni Henry Sy, kundi ang mga maralita ang laging sinisisi. (Phil. Star news, Aug. 14, 2012 – 195,000 families in danger zones face relocation – upang ilipat sa mga death zone na relokasyon, mga relokasyong catch basin at nasa pagitan ng mga bundok.)

4. Sino ang dapat sisihin sa mga ito?

Bagamat maaari nating tukuyin na ang dahilan nito’y ang mga kaugaliang sobrang pag-aaksaya, tulad ng paggamit ng sasakyan para bumili sa kanto, pwede namang maglakad, ito’y maliit na bagay lamang pagkat may sistemang siyang dahilan ng  labis na pagkasirang ito. Kaya sino ang may pananagutan sa mga nagaganap na ito? Dahil sa labis na akumulasyon sa tubo para manaig sa kumpetisyon ng mga mayayamang bansa, isinakripisyo ang kalikasan. Umunlad at yumaman ang maraming bansa, habang maraming bansa naman ang patuloy na naghihirap. Dahil sa matinding kumpetisyon sa ekonomya ng mga mayayamang bansa, kinalbo ang kabundukan, sinira ang karagatan, at winasak ng pagmimina ng mayayamang bansa ang kalupaan ng mahihirap na bansa nang walang sapat na kabayaran sa mga ito. Ang mga umunlad at mayayamang bansang ito ang siyang nakatala bilang mga  Annex 1 countries sa dokumento ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change) na inamyendahan sa Ikatlong Kumperensya ng mga bansa o partido noong Disyembre 1997: Ang mga bansang ito'y ang Australia, Austria, Belarus, Belgium, Bulgaria, Canada, Croatia, Czech Republic, Denmark, the European Community, Estonia, Finland, France, Germany, Greece, Hungary, Iceland, Ireland, Italy, Japan, Latvia, Liechtenstein, Lithuania, Luxembourg, Monaco, Netherlands, New Zealand, Norway, Poland, Portugal, Romania, Russian Federation, Slovakia, Slovenia, Spain, Sweden, Switzerland, Turkey, Ukraine, United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland, at United States of America. Sila ang pangunahing mga bansang kapitalista sa mundo. 

Sa mga pangyayaring ito, grabeng naapektuhan ang mga mahihirap na bansa. Lumubog ang maraming lugar. Tagtuyot sa iba't ibang lugar. Sobrang init ay biglang uulan, kaya nagkakasakit ang mga tao. Nagbago ang klima kaya ang pagtatanim ng mga magsasaka'y naapektuhan. Dahil ang mga mayayamang bansa ang dahilan ng labis na pagkasira ng kalikasan, dapat silang magbayad (reparasyon) sa mga mahihirap na bansa, sa iba't ibang porma, tulad ng salapi, mga pagkain, at iba pa, na magtitiyak na ang pananagutan nila sa mga mahihirap na bansa ay matugunan. 

5. Anong mga dapat gawin?

May apat na pangunahing hakbang na dapat isagawa: adaptasyon (pag-aangkop sa sitwasyon), mitigasyon (pagbabawas ng dahilan ng pag-iinit), technology transfer (pamamahagi ng kaalaman sa teknolohiya mula sa isang bansa o organisasyon sa iba pa) at pinansya (kailangang pondohan ang mga hakbanging ito).  

Ang adaptasyon ay pag-angkop sa kalagayan. Ibig sabihin, kung mababa ang iyong kinalalagyan, pumunta ka sa mas mataas na kalalagyan, o kaya naman ay itaas mo ang kinalalagyan mo. Kung mahuna na o magato ang materyales ng iyong tahanan, aba'y gawan mo ng paraan kung paano ito magiging matibay. Maaaring palitan mo ng bagong kahoy ang mga mahuhuna at ginagato na, o kaya naman ay gawin mo nang bato ang iyong dingding na sawali. Gayunman, hindi ganito kadali, lalo na't kaligtasan ng buhay ang nakasalang, at di sampung tao lamang ang pinag-uusapan dito, kundi milyong tao. Kaya marapat lamang itong pagtuunan ng pansin, pag-aralan at paghandaan, di lamang ng pamahalaan, kundi ng mismong mga taong direktang maaapektuhan.

Ang mitigasyon ay pagbabawas, unti-unti man o mabilisan, ng pagkasira ng kalikasan, tulad ng pagbabawas sa paggamit ng langis para sa sasakyan, na kung malapit lamang ang pupuntahan ay lakarin na lamang, pagbawas sa napuputol na puno, at muling magtanim upang ang mga nawalang puno ay mapalitan, pagbabawal ng plastik dahil sa ito'y hindi naaagnas o nareresiklo, pagbawas sa mga plastik na nagpapabara sa mga kanal, itigil ang pagminina. Ibig sabihin, kailangan ng bagong oryentasyon ng pamumuhay o bagong lifestyle. Bawasan ang carbon footprints. Maaari namang di na umangkat ang Pilipinas ng mga produkto sa ibang bansa na meron naman sa atin, upang makatipid sa mga langis o gasolinang ginagamit sa pagta-transport ng mga produkto.

Ang technology transfer naman ay pamamahagi ng kaalaman sa teknolohiya mula sa isang organisasyon tungo sa isang organisasyon, o sa pagitan ng dalawa o mahigit pang bansa.  Napakahalaga nito dahil ang mga kaalaman sa ibang bansa ay maaaring magamit natin. Halimbawa, ang bansang Netherlands ay mababa pa kaysa lebel ng dagat, ngunit dahil sa mga itinayo nilang dike at magaling na engineering ay nagpatuloy ang matiwasay na pamumuhay sa kanila. Dapat matutunan kung paano ang tamang  paglalapat ng siyentipikong kaalaman sa mga disenyo, pagbubuo at pagpapatakbo sa mga makinarya, kagamitan at mga pamamaraan sa paraang matipid at epektibo, na ang makikinabang ay ang bansang binahaginan. Ang teknolohiya ng mga inhinyero sa Netherlands ay dapat matutunan ng mga Pilipino upang magawan ng paraan ang baha, halimbawa, sa laging binabahang Dagat-Dagatan sa Navotas.

Sa lahat ng mga proyektong ito'y nangangailangan ng pinansya upang matiyak na ito'y matustusan at maisagawa. Halimbawa, kailangan ng bansa ng People's Survival Fund, at matiyak na ang pondong nakalaan dito'y para talaga sa layuning tiyakin ang kaligtasan ng buhay, at tiyaking mapondohan ang mga plano at proyekto sa adaptasyon at mitigasyon.

6. Ang ating mga tungkulin

a. Pag-aralan ang kalikasan. Suriing mabuti kung bakit nagbabago ang klima. Pag-aralan ang mga syentipikong paliwanag hinggil sa isyung ito, at iwasan ang pamahiin at iba pang paniwalang hindi kayang ipaliwanag ng syentipiko at may batayan.

b. Pag-aralan ang lipunan. Ano ang dahilan kung bakit bumilis ang pagkasira ng kalikasan? Paano ito nagsimula? Suriin ang kasaysayan mula pa noong panahon ng primitibo komunal hanggang sa panahon ngayon ng lipunang kapitalismo. Bakit hindi na uubra ang kapitalismo sa panahong ito, at bakit dapat itong palitan, upang matiyak na ang susunod na henerasyong ibubunga ng bagong sistema'y may daratnang maayos na kalikasan, at magiging handa na kung anong klaseng kalamidad ang kanilang susuungin sa hinaharap.

c. Magbigay ng pag-aaral. Hindi lamang sa klasrum ang pag-aaral. Ang simpleng pakikipag-usap sa katabi at pakikipagtalastasan sa kapwa hinggil sa mga isyu ng kalikasan ay isang anyo na rin ng pagbibigay ng pag-aaral. Gawin natin ang iba't ibang porma, tulad ng tula, awit, paggawa ng nobela, pinta, facebook, email, rali, at iba pa. Magsulat at mamahagi ng polyeto, komiks, at iba pang babasahin. Magsalita sa mga programa sa radyo. Magsagawa ng mga dula sa lansangan (street plays). Isalin sa wikang nauunawaan ng masa ang mga isyu hinggil sa klima. Ipasok ang mga pag-aaral na ito sa mga batayang aralin ng iba't ibang organisasyon at sektor.

d. Mag-organisa. Hindi lamang kaunting tao ang dapat kumilos, ipaunawa natin ang mga isyung ito sa madla, lalo na sa iba’t ibang sektor. Mag-organisa tayo ng mga talakayan at mga eksibit, ng mga mobilisasyon. Magtayo ng mga tsapter ng PMCJ o iba pang samahang pangkalikasan sa iba't ibang lugar.

e. Makipag-ugnayan sa nararapat na ahensya at maging aktibong tagapagtaguyod at kritiko nito. Ang mga ahensyang ito ang nasa posisyon sa ngayon upang maipatupad ang mga nararapat na patakaran hinggil sa mga isyung pangkalikasan, kaya nararapat na nakikipag-ugnayan tayo sa mga ito, kasabay ng pagiging mahigpit na kritiko nito sa mga patakarang labis na nakakaapekto sa madla.