Martes, Nobyembre 8, 2011

Karahasan sa Kababaihan, Tigilan Na!

KARAHASAN SA KABABAIHAN, TIGILAN NA!
ni Greg Bituin Jr.

Kamakailan ay nabalita sa telebisyon ang pagdukot, panggagahasa't pagpatay noong Setyembre 23 sa estudyante ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) na si Given Grace Cebanico, 19 na taong gulang. Kasunod nito'y nabalita sa pahayagang Remate ang panggagahasa at pagpatay sa isang 9-anyos na batang babaeng natagpuang patay sa loob ng isang simbahan sa Muntinlupa noong Oktubre 27. Kahindik-hindik at nakagagalit ang mga balitang ito. Wala silang kalaban-laban at kinitlan pa ng buhay. Anong uri ng mga halimaw ang may kagagawan ng mga ito?

Napakarami nang karahasan sa mga kababaihan. Nariyan ang pisikal na karahasan, tulad ng pananakit at pagpatay; sekswal na karahasan, tulad ng panghihipo lalo na pag nalalasing, panggagahasa, pagtrato sa babae bilang sekswal na bagay o sex object, paggamit ng malalaswang salita; sikolohikal na karahasan, tulad ng pangangaliwa at pagmamanman (stalking); at pinansyal na pang-aabuso, tulad ng pagbawi ng sustentong pinansyal.

Dahil sa ganitong mga karahasan sa kababaihan, may dalawa nang pandaigdigang araw ng kababaihan na ginugunita sa buong mundo bilang paalala na ang mga kababaihan ay taong may dangal at hindi dapat dinadahas. Ang una at mas kilala ay ang International Women's Day tuwing Marso 8, at ang ikalawa'y ang International Day for the Elimination of Violence Against Women tuwing Nobyembre 25. Sa dalawang ito'y mas madugo ang kasaysayan ng Nobyembre 25.

Ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan o International Women’s Day tuwing Marso 8 ay unang idineklara sa ikalawang Pandaigdigang Kumperensya ng Manggagawang Kababaihan sa Copenhagen na dinaluhan ng 100 kababaihan mula sa labimpitong bansa. Ipinanukala ito ni Clara Zetkin ng Social Democratic Party sa Alemanya na magkaroon ng ispesyal na araw para idulog ng kababaihan sa buong mundo ang kanilang mga karapatan.

Ang Nobyembre 25 naman ay idineklara ng United Nations (UN) noong 1999 bilang paggunita sa tatlong pinaslang na magkakapatid na babaeng Mirabal. Noong Nobyembre 25, 1960, sa utos ng diktador na si Rafael Trujillo ng Dominican Republic ay pinaslang sina Patria Mercedes Mirabal, María Argentina Minerva Mirabal at Antonia María Teresa Mirabal. Ang magkakapatid na babaeng ito'y nakibaka upang wakasan ang diktadurya ni Trujillo. Mula 1981 ay ginugunita ng mga aktibista para sa karapatan ng kababaihan ang Nobyembre 25 bilang paggunita sa tatlong babaeng ito. At noong Disyembre 17, 1999, idineklara ng UN General Assembly ang Nobyembre 25 ng bawat taon bilang International Day for the Elimination of Violence Against Women.

Mula rito'y itinatag na rin ng mga kababaihan ang 16 Days of Activism Against Gender Violence mula Nobyembre 25 (International Day for the Elimination of Violence Against Women) hanggang Disyembre 10 (International Human Rights Day) upang simbolikong idiin na ang mga karahasan sa kababaihan ay paglabag sa karapatang pantao.

Matatamaan na rin sa 16 na araw na ito ang Nobyembre 29 na kilalang International Women Human Rights Defenders Day, at Disyembre 6 na anibersaryo naman ng Montreal Massacre, kung saan pinaslang noong Disyembre 6, 1989 ang labing-apat na kababaihan sa Engineering Building ng École Polytechnique sa Montreal sa Canada.

Ang mga makasaysayang araw na ito ng mga kababaihan ay hindi dapat kababaihan lamang ang gumugunita kundi ang mga kalalakihan din. Pagkat meron din silang inang pinagkautangan ng buhay, asawang nagbigay ng kanilang mga anak, mga kapatid na babae, anak na babae, at mga kaibigang babae. Anupa't kalahati ng buong mundo'y pawang kababaihan.

Kaya hindi lamang tuwing Marso 8 dapat maging aktibo sa pakikibaka ang mga kababaihan kundi sa Nobyembre 25 din, at sa 16 na araw mula rito hanggang Disyembre 10, upang igiit, kilalanin at respetuhin ang kanilang mga karapatan. Sana, sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa mga araw na ito’y mabawasan na ang mga karahasan sa kababaihan, lalo na sa mga bata. Ang pagsasabatas ng Republic Act No. 9262 (2004) o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act ay isa nang malaking hakbang upang bigyang proteksyon ang mga kababaihan at kanilang mga anak na nakararanas ng pang-aabuso o karahasan. Kailangang tumungo sa karapatang pantao at pagrespeto sa kapwa ang oryentasyon ng lahat sa kababaihan. At higit sa lahat, hindi dapat masayang ang mga araw ng paggunitang ito sa mga kababaihan sa buong mundo at sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa mga araw na ito upang kilalanin ang karapatan ng kababaihan sa buhay, dignidad, at pantay na pagtrato. Itigil na ang mga karahasan sa kababaihan!

Hustisya kay Given Grace at sa lahat ng mga babaeng biktima ng karahasan!

Mabuhay ang ating mga ina, asawa, kapatid at anak na babae! Mabuhay ang mga kababaihan!

Linggo, Nobyembre 6, 2011

Mga Agos sa Disyerto: Isang Pagsusuri

MGA AGOS SA DISYERTO: ISANG PAGSUSURI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang pag-alon ng Mga Agos sa Disyerto ang nagbukas ng bagong yugto ng panitikang Pilipino na nakabatay sa totoong kalagayan ng nakararami sa lipunan - ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan at kabataan. Ang mga maiikling kwento sa Mga Agos sa Disyerto ay inakda nina Efren Abueg, Dominador Mirasol, Rogelio Ordoñez, Edgardo Reyes at Rogelio Sikat. Sa mga manunulat na ito'y tanging si Ordoñez pa lang ang aking nakadaupang-palad at nagbigay sa akin ng huli niyang libro ng mga tula sa launching nito.

Binago ng grupong Mga Agos sa Disyerto ang panitikang Pilipino nang pinaksa nila sa kanilang mga akda ang buhay ng karaniwang tao, lalo na ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan, at kabataan. Sa usapin ng uring manggagawa, nariyan ang mga kwentong "Mga Aso sa Lagarian" at "Makina" ni Dominador Mirasol, "Dugo ni Juan Lazaro" at "Buhawi" ni Rogelio Ordoñez, at “Daang Bakal” ni Edgardo M. Reyes. Sa paksa ng magsasaka, nariyan ang kwentong "Tata Selo" ni Rogelio Sikat, "Lugmok na ang Nayon" ni Edgardo Reyes, at "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" ni Rogelio Ordoñez. Sa paksang maralita, nariyan ang "Impeng Negro" ni Rogelio Sikat, na siyang una kong nabasa nang ako'y nasa high school pa. Sa usaping kababaihan, nariyan ang "Ang Lungsod ay Isang Dagat" ni Efren Abueg, "Isang Ina sa Panahon ng Trahedya" ni Dominador Mirasol, at "Ang Gilingang-Bato" ni Edgardo Reyes. At sa usaping kabataan ay ang "Mabangis na Lungsod" ni Efren Abueg at "Di Maabot ng Kawalang Malay" ni Edgardo Reyes.

Mabisa ang mga paglalarawan sabuhay ng karaniwang tao. Lumitaw ang grupong Mga Agos sa Disyerto sa panahong tigang ang panitikang Pilipino sa mga agos ng totoong nangyayari sa lipunan, sa panahong pulos pag-iibigan at romansa ang nangingibabaw na panitikan, dahil ito ang nais ng komersyal. Binali nila ito at sinundan nila ang yapak ng mga nauna sa kanila, tulad ni Rizal na may-akda ng Noli at Fili, ni Amado V. Hernandez na may-akda ng marami ring maiikling kwento at kilalang nobelang "Mga Ibong Mandaragit" (na dumugtong sa El Fili ni Rizal) at "Luha ng Buwaya", ni Lazaro Francisco na may-akda ng nobelang satire na "Maganda pa ang Daigdig" at "Daluyong", at marami pang iba.

Batay sa mga totoong pangyayari at may mabisang paglalarawan ng tunggalian ng uri, ang mga akda sa aklat na Mga Agos sa Disyerto ay sadyang taga sa panahon, mga paglalarawan ng mga pangyayaring hanggang ngayon ay umiiral pa, lalo na ang kahirapan at pagmamalupit ng mga kapitalista sa mga manggagawa. Mga kwentong hindi pumasa sa magasing Liwayway ngunit nanalo ng Palanca, at nailathala sa magasin ng kolehiyo, tulad ng The Quezonian ng MLQU.

Gayunpaman, bagamat mabisa ang mga paglalarawan, kulang upang kumbinsihin ang mambabasa upang baguhin nila ang api nilang kalagayan, baguhin ang bulok na sistema, baguhin ang mapagsamantalang lipunan. Marahil, hindi sakop ng panitikan ang ideyolohikal na pakikibaka. Ngunit may pangangailangang gamitin ang panitikan upang ilarawan ang masahol na kalagayan ng mahihirap sa ilalim ng kapitalistang sistema, at kasabay nito’y makapangumbinsi at manawagan ang panitikan ng pagwasak sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon dahil ito ang ugat ng kahirapan, paksain kahit pampulitikang ekonomya, kung bakit sosyalismo at di unyonismo ang landas ng paglaya, bakit walang dapat magmay-ari ng lupa’t pabrika, bakit kailangan ng sosyalistang rebolusyon, atbp.

Ang panitikan ay nagbabago, umuunlad. At ang mga kwentista'y mas nagiging matalas na rin sa pagsusuri sa lipunan. Kung noon ay palasak sa mga kwento ang malapyudal at malakolonyal na lipunan, ngayon naman ay naging tungkulin na ng mga manunulat na ilagay sa kwento ang mga pagsusuri ngayon batay sa kongkretong kalagayan ng kapitalistang lipunan. Nasapol ito mismo ni Rogelio Ordonez sa kanyang maikling kathang "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" nang kanyang tinalakay dito kung paanong ang isang bukirin ay naging pabrika, ang mga magsasaka'y naging manggagawa, pati na mga problema sa pabrika tulad ng kawalan ng umento sa sahod at ang pangamba sa pag-uunyon.

Sa ngayon, may panibagong hamon sa mga seryosong manunulat, ang ilarawan sa kanilang mga maikling kwento ang tunay na kalagayan ng mga aping sektor ng lipunan, laluna ang uring manggagawa, sa ilalim ng kapitalistang lipunang umiiral ngayon, at ang pangangailangan ng isang bagong sistemang ipapalit sa kapitalismo - ang sosyalismo. At ang mahalaga, mailathala ito sa mga magasin, at sa kalaunan ay maisalibro ito sa darating na panahon upang magamit din ng mga mag-aaral sa sekundarya at sa kolehiyo. Sa ngayon, tanging ang nobelang Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos ang tumatalakay sa sosyalismo. Nasundan ito ng mahabang tulang Pasion Ding Talapagobra (Pasyon ng Manggagawa) (1936) ni Lino Gopez Dizon. Ngunit sa pagsingit ng kaisipang pambansang demokratiko sa panitikan ay hindi na nasundan ang mga akdang may sosyalistang adhikain, na batay sa pagkakaisa ng uring proletaryado.

Ito ang kailangan ngayon ng bayan upang makatulong sa pagmumulat tungo sa sosyalismo. Mula sa Mga Agos sa Disyerto ay durugtungan natin ito ng mga kwentong magmumulat sa masa patungo sa ating sosyalistang adhikain.

Sa panahong disyerto pa ang panitikan, unti-unti natin itong tatamnan at didiligan upang maging lupaing masasaka, na mapapayabong ang mga tanim upang balang araw ay maani natin ang isang totoong lipunang makatao. Hanggang sa ito’y di na disyerto kundi isa nang lupaing sagana dahil wala nang panginoong maylupa't kapitalistang nag-aangkin ng likas yaman at huhuthot sa lakas-paggawa ng manggagawa. At sinisimulan na ito ngayon.

Siyanga pala, maraming salamat sa isang kasamang nagbigay ng aklat na Mga Agos sa Disyerto na kabilang sa mga binigay niyang halos dalawampung aklat pampanitikan, na pawang nasa sariling wika. Mabuhay ka, kasama!

Kabaliwan ng Sistemang Demolisyon at Kabalintunaan ng Relokasyon

KABALIWAN NG SISTEMANG DEMOLISYON AT KABALINTUNAAN NG RELOKASYON
ni Greg Bituin Jr.

Ilang beses na nating napanood sa telebisyon ang pakikipagbatuhan ng mga maralita sa mga demolition team. Sa Mariana at North Triangle sa QC, sa Laperal Compound sa Makati, sa R10 sa Navotas, at sa marami pang lugar sa kalunsuran. Nagkakabatuhan. Bato na ang naging sandata ng maralita upang ipagtanggol ang kanilang tahanan, upang depensahan ang kanilang karapatan sa paninirahan. Bato, imbes na M16, AK-47 o kalibre 45. Batong pananggalang nila sa kanilang karapatan. Batong pandepensa sa niyuyurakan nilang pagkatao at dignidad. Batong pamukpok sa ulo ng gobyerno para magising ito sa tungkulin nitong bigyan ng maayos na tahanan ang bawat mamamayan, kasama ang maralita.

Mararahas daw ang mga maralita. Dahas daw ang pambabato ng mga ito sa mga nagdedemomolis. Ulol talaga ang mga nagkokomentong iyon. Sila kaya ang tanggalan ng tahanan ng mga maralita kung hindi rin nila ipagtanggol ang kanilang tahanan. Alangan namang di lumaban ang maralita, at sabihan nila ang mga nagdedemolis ng "Sige po, wasakin nyo na po ang bahay namin, sirain nyo na po ang kinabukasan ng aming mga anak, at titira na lang po kami sa kalsada."

Di kasalanan ng maralita kung mambato sila. Sagad na nga sila sa sakripisyo at paghihikahos, tatanggalan pa sila ng bahay. Kahit sino ang tanggalan mo ng tahanan, tiyak na lalaban, tulad ng mga maralitang nakikipagbatuhan. Depensa nila ang mga bato, ekspresyon nila ng galit ang pakikipagbatuhan sa demolition team. Dahil karahasan din ang ginagawa sa kanila - ang karahasang idemolis ang kanilang bahay at kinabukasan.

Bakit kailangang umabot pa sa batuhan?

Una, dahil sa kabaliwan ng sistemang demolisyon. Wala itong pagsasaalang-alang sa buhay at dignidad ng maralita. Ang alam lang ng nagdedemolis ay mapalayas ang maralita at bahala na ang mga ito sa buhay nila, tutal masakit sila sa mata ng mga mayayaman.

Ikalawa, dahil di nagsusuri ang mga matatalino sa gobyerno. Basta nakitang barungbarong ang tahanan ng maralita, ang problema agad nila ay bahay, kaya ang solusyon ay palayasin o kaya naman ay bibigyan ng bahay na malayo sa hanapbuhay ng maralita. Kung magsusuri lang sana ang gobyerno, matatanto nilang nagtitirik ng bahay ang maralita kung saan malapit sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay, malapit sa trabaho, malapit sa pagkukunan ng ilalaman sa tiyan ng pamilya. Umalis sila ng probinsya dahil walang trabaho roon at dito sa lungsod nakahanap ng ikinabubuhay nila.

Ikatlo, dahil hindi kinakausap nang maayos ang mga maralita nang may pagsasaalang-alang sa kanilang buhay at kinabukasan. Ni hindi man lamang inunawa na ang kanilang kailangan ay hindi lang bahay, kundi trabaho at serbisyong panlipunan. Dapat unawain na hindi lang bahay ang problema ng maralita kundi ang kahirapan. Kaya sa bawat usapin ng maralita, dapat tandaang magkasama lagi ang kanilang tatlong mahahalagang usapin - ang pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Dahil isa lang diyan ang mawala ay problema na sa maralita.

Kabalintunaan din ang relokasyon sa malalayong lugar.

Una, ineengganyo ang mga maralita na magpa-relocate na dahil mas maganda raw ang buhay ng maralita pagdating sa relokasyon. Ngunit kabaligtaran ang nangyayari, mas naghihirap ang maralita sa relokasyon. Patunay dito ang naganap sa relokasyon sa Pandakaqui, Pampanga at sa Calauan, Laguna, na ayon sa ilang saksi ay nagaganap, halimbawa, ang bentahan ng puri kapalit ng kilong bigas.

Ikalawa, bibigyan ng bahay ngunit inilayo sa trabaho. Dahil di nila makain ang bahay, ang tendensiya, marami sa maralita ang nagbebenta ng ibinigay na bahay na malayo sa kanilang trabaho, upang magtirik muli ng bahay at muling maging iskwater sa lugar na malapit sa kanilang trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay. Dapat maunawaan ninuman, lalo na ng mga taong gobyerno, na kaya nagtayo ng bahay ang maralita sa kinatitirikan nila ngayon ay dahil malapit ito sa kanilang trabaho. Ang ilayo sila sa kanilang trabaho upang i-relocate sa malayo ay talagang nakakagalit at hindi katanggap-tanggap.

Ikatlo, ang ibinigay na bahay ay pababayaran ng mahal sa maralitang katiting na nga lang ang kinikita, ang bahay pa'y batay sa market value at escalating scheme (itinakdang pagtaas ng presyo sa takdang panahon), at hindi batay sa kakayahan ng maralita.

Ikaapat, ang totoong kahulugan ng relokasyon ay dislokasyon. Giniba na ang bahay, pinalayas pa, inilayo pa sa trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay, kaya tiyak na lalong gutom at kahirapan ang inaabot ng mga maralitang pamilya.

Kaya makatarungan ang panawagan ng maralita na in-city housing dahil malapit sa kanilang trabaho, at onsite development dahil dapat kasama ang maralita sa pag-unlad, hindi lang pag-unlad ng kalsada at mga negosyo. Panawagan ng maralita na imbes na sa market value nakabatay ang halaga ng pabahay, dapat ibatay ito sa kakayahan ng maralitang magbayad. Mungkahi nga'y sampung bahagdan (10%) lamang ng kita isang buwan ng maralita ang dapat ilaan sa pabahay, at hindi batay sa presyong nais ng kapitalista, o market value, dahil nga walang kakayahang magbayad ang maralita, kulang pa sa pagkain ang kanilang kinikita'y pagbabayarin pa sa pabahay. Halimbawa, dalawang libong piso (P2,000.00) ang buwanang kita ng isang mahirap na pamilya, P200 lang ang dapat ibayad nila sa bahay, at hindi dapat maipambayad ang salaping nakalaan na sa edukasyon, pagkain, kuryente, tubig at iba pang bayarin. Hindi dapat batay sa market value ang bahay, dahil karapatan ang pabahay at hindi negosyo.

Kinikilala pa ba ng kasalukuyang lipunan na ang mga maralita’y mga tao ring tulad nila? Kung laging etsapwera ang maralita, nararapat lamang magkaisa sila’t lumaban at tuluyan nang baguhin ang mapang-aping lipunang ito. Dapat magkaisa ang lahat ng maralita bilang iisang uri at lusawin na ang konseptong demolisyon at relokasyon!

Hangga't nagaganap ang batuhan sa demolisyon, hangga't inilalayo ang maralita sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay, masasabi nga nating sadyang baliw ang sistemang demolisyon at sadyang balintuna ang iskemang relokasyon, dahil wala na ito sa katwiran at walang paggalang sa karapatang pantao at dignidad ng maralita. Hangga't may marahas na demolisyon at sapilitang relokasyon, magkakaroon muli ng batuhan bilang depensa ng maralita sa kanilang karapatan sa paninirahan. At marahil hindi lang mga demolition team at mga kalalakihan ang magkakasakitan, masasaktan din ang mga kababaihan at kabataang sapilitang inaagawan ng karapatang mabuhay ng may dignidad.

Biyernes, Oktubre 21, 2011

Ang FASAP at ang Baligtaring Hukuman

ANG FASAP AT ANG BALIGTARING HUKUMAN
ni Greg Bituin Jr.

Nanalo na sa korte nitong Setyembre 7, 2011 ang 1,400 myembro ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP) ang labintatlong taon ng pakikibaka at paghahanap ng katarungan. Ilegal ang pagsibak sa trabaho ng 1,400 manggagawa ng PAL at dapat silang i-reinstate at mabayaran. Pabor sa FASAP ang desisyon, at ito'y "final and executory", pinal na at hindi na pakikinggan pa ang anumang apela dito. Ngunit sa isang iglap lamang, sa pamamagitan ng isang liham ng abogado ng Philippine Airlines (PAL) na si Atty. Estelito Mendoza sa Korte Suprema, ang desisyong "final and executory" ay biglang nabalewala. Binawi agad ng Supreme Court en banc ang naunang desisyon ng Second Division ng Korte Suprema na nagdedeklarang ilegal ang pagsibak ng PAL sa 1,400 flight attendants noong 1998.

Huling balwarte ng demokrasya ang turing sa Korte Suprema, ngunit sa pagbawi nito sa desisyon ng 2nd Division, tunay na nabahiran ang pangalan at dangal ng Korte Suprema. Nang dahil sa sulat ng abogado ng ikalawang pinakamayamang tao sa bansa, kaybilis magpasiya ng Korte Suprema. Sa napakabagal na hustisya sa mga mahihirap sa Pilipinas, napakabilis ng hustisya kay Lucio Tan. Hindi maiiwasang magduda kung may umikot ngang milyong-milyong pisong salapi sa kasong ito. Aba'y pag mahirap, kaybagal ng hustisya. Magbibilang pa ng ilang taon sa kulungan bago mapalaya sa isang kasong di pala nila nagawa.

Tagapagtanggol nga ba talaga ng naghaharing uri, ng mga elitista't mayayaman ang hukuman? Nakapagtataka bang laksa-laksang mahihirap ang nakakulong kaysa mayayaman?

Sa liham ni Estelito Mendoza, kinwestyon nito ang komposisyon ng Second Division na naglabas ng resolusyon. Wala na raw kasi ang lahat ng myembro ng Third Division na unang humawak at nagdesisyon sa kaso. Ikinagalit ito ng mga kasapi ng FASAP, kaya agad silang nagsagawa ng kilos-protesta sa harap ng Korte Suprema noong Oktubre 12 upang kondenahin ang pagbawi ng Supreme Court en banc sa naunang desisyon ng Supreme Court Second Division. Ngunit dahil napakahaba ng pisi ng mga kasapi nito, nakapag-file pa rin sila ng Motion for Reconsideration. Sa inihaing petisyon ng FASAP, hiniling nila na ibasura ang SC en banc resolution na may petsang October 4, 2011.

Ang desisyong pabor sa mga manggagawa ng PAL ay naging bato pa. Nakapagdududa pa bang kampi sa kapitalista maging ang hudikatura? Iisa lang sila ng uri. Nagpapatunay lang itong sa ilalim ng kapitalistang sistema ng lipunan, hindi pagkamakatao ang umiiral kundi ang kaganiran ng kapitalista sa tubo. Umiikot ang salapi. At ito ang masakit. Gaano man katindi at kahaba ng pasensya ng manggagawa upang ipaglaban ang kanilang karapatan, nanalo na sila, pabor na sa kanila, “final and executory” na ang desisyon sa kanila, ngunit nababaligtad pa. Napakayamang kapitalista kasi ang kanilang kalaban. Ikalawang pinakamayaman sa buong Pilipinas.

Kung nangyayari ito sa mga manggagawa ng PAL, na nakibaka talaga sa labanan sa korte, paano pa ang mga mahihirap na naghahanap ng hustisya, ngunit walang pambayad sa korte? Hindi ito makataong lipunan. Walang hustisya para sa manggagawa hangga’t itong mga kapitalista ang nakapangyayari sa ating lipunan. Walang hustisya sa mga maralita hangga’t kapitalismo ang sistema. Parang Divisoria na pati ang Korte, kung sino ang may pambayad, sila ang nananalo. Kung sino ang mas malaki ang bayad, sila ang nagwawagi. Nakapagtataka pa bang mas marami ang mahihirap na nakakulong, at ang mga mayayamang nakulong ay nakalalaya na. Hindi ito makatarungan. Dapat mabago mismo ang sistema. Dapat itayo ang totoong lipunang makatao na magtitiyak na walang maiitsapwera, na ang hustisya ay para sa lahat.

Ang nangyari sa FASAP ay eye-opener para sa marami na wala tayong maaasahan sa ilalim ng kapitalistang lipunan kundi lalo’t lalong kahirapan at pagdurusa. Panahon na para wakasan ang ganitong klase ng sistema, at itayo na ang isang lipunang makatao.

Biyernes, Oktubre 7, 2011

Delubyo sa Pagitan ng Kalikasan at Lipunan

DELUBYO SA PAGITAN NG KALIKASAN AT LIPUNAN
ni Greg Bituin Jr.

(Editoryal ng Oktubre 2011 issue ng magasing ANG MASA.)

Nanalasa ang bagyong Pedring, kasunod ang bagyong Quiel. Katulad ng bagyong Ondoy noong 2009, maraming lugar ang lumubog sa baha, maraming nawalan ng tahanan, maraming nalunod at namatay. 

Ayon sa GMA 7 sa ulat nito nuong Oktubre 4, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot na ng 66 ang namatay dahil sa bagyong Pedring. Kay Pedring pa lang, apektado ang 610,742 pamilya o 2,841,419 katao sa 3,316 barangay sa 302 bayan at 41 lungsod sa 34 lalawigan. Sa mga ito, 46,495 pamilya o 210,242 katao ang pinagsisilbihan sa 499 evacuation centers. Ang pagkawasak ng mga ari-arian ay tinatayang umabot sa P8,898,950,081, kasama na ang P1,344,198,382.81 sa imprastruktura at P7,554,751,698.19 sa agrikultura. Nasa 6,298 kabahayan ang nawasak habang 37,774 bahay naman ang may pinsala. Ayon naman sa Kagawaran ng Edukasyon, 315 school buildings ang nasira, na tinatayang umabot ang halaga ng nasira sa P146.7 milyon. Sa kabilang banda, 66 na tulay at road sections ang nasira kasama ang 6 sa Ilocos, 31 sa Cagayan Valley, 18 sa Gitnang Luzon at 11 sa Cordillera. Unos, bagyo, pagbaha, pagkawala ng tahanan at buhay. Delubyong gawa ng kalikasan. Ngitngit ng Inang Kalikasan.

Ngunit may mas matitinding delubyo pa tayong kinakaharap, na tinitingnan na lang ng karamihan na ganyan talaga ang lipunan. Patuloy na yumayaman ang mga mayayaman, patuloy namang naghihirap ang mga mahihirap. Isa itong masakit na katotohanan sa kabila ng patuloy na pag-unlad ng lipunan, at pagsulong ng agham at teknolohiya. Kung kailan walang kaparis ang itinaas ng produksyon ng pagkain, saka milyun-milyon ang namamatay sa gutom at nagkakasakit sa malnutrisyon. Naglalakihan ang mga gusali at mansyon sa syudad. Pero walang disenteng matirhan ang daan-daang milyon sa mundo. Walang kapantay ang pag-unlad ng industriya at teknolohiya. Pero tatlong bilyon ang walang sapat at tiyak ng trabaho. Ang kalusugan ay para lamang sa may pambayad sa duktor at pambili ng gamot. Mga hayop, inaalagaan at inililigtas sa anumang sakit. Pero libu-libong tao ang namamatay sa sakit at napapabayaan taon-taon. Ang produksyon ng batayang pangangailangan ng tao ay halos walang kaparis ang inunlad sa kasaysayan. Sa inabot ng pag-unlad ng siyensya at teknolohiya ay kaya ng lumikha ng malakihang produksyon ng mga pangangailangan para mabuhay.

Suriin natin ang mga datos na ito. Ayon sa United Nations Development Program (UNDP), $40 Billion ang kailangan ng sangkatauhan sa isang taon para sa pangunahing pangangailangan o basic services: Edukasyon = $6 Billion; Tubig = $9 Billion; Pabahay = $12 Billion at Kalusugan = $13 Billion. Pero saan inilalagay ang Kapital (Pera)? Suriin natin ang mga ito: $170 Billion para sa kosmetiko at pabango (wikipedia.org,2007); $45.12 Billion para sa Pet Foods (petfoodindustry.com,2007); $900 Billion para sa alak (www.accenture.com,2010); $614 Billion para sa Tobacco (www.tobaccopub.com,2009); $400 Billion para sa Illegal Drugs (Worldometers,2011); $944 Billion para sa Tourism (wikipedia.org,2010); at $70.155 Trillion para sa mga armas-pandigma (globalsecurity.org, 2011). Ipinahahayag ng mga datos na ito ang kawalang hustisya at hindi pagkakapantay ng tao sa lipunan. 

Paano ba tayo naghahanda para labanan ang mga unos na ito? Ano nga ba ang sanhi ng mga ito? Ang isa'y gawa ng kalikasan, ang isa'y gawa ng tao. Babaguhin ba natin ang sistema?

Ang naganap na delubyong sanhi sina Pedring at Quiel ay di karaniwan. Oo't karaniwan na ang mga bagyo sa Pilipinas, na umaabot ng 20 bagyo kada taon, ngunit mas matindi ang mga naganap nitong mga nakaraang taon. Dahil umano ito sa climate change o pabagu-bago ng klima. Ayon sa internasyunal na grupong Jubillee South (JS), ang mayor na dahilan nito ay ang sistemang kapitalismo. Ang unti-unting pagkawasak ng kalikasan, lalo na ng atmospera ay naganap kasabay ng Rebolusyong Industriyal, sa pagsilang ng kapitalismo. At sa nakaraang apat na dekada, mas tumindi ang pagsusunog ng mga fossil fuels, tulad ng langis at carbon, upang mapaandar ng mabilis ang mga industriya, ngunit nakaapekto naman ng malaki sa kalikasan, lalo na sa atmospera ng mundo, at pagkatunaw ng maraming mga tipak ng yelo sa malalamig na lugar na siyang nagpataas ng lebel ng tubig ng dagat, na ikinalulubog naman ng mabababang bansa at isla. Dapat singilin ang mga bansang kabilang sa Annex 1 countries (mga pangunahing industriyalisadong bansa) sa kanilang kagagawan.

Sa nakalipas na apat na dekada'y mas bumilis ang pag-unlad ng industriya, mas dumami ang kailangang pagsusunog ng mga fossil fuels, mas lumaki ang agwat ng mahihirap at mayayaman. Kasabay nito'y papatindi rin ng papatindi ang kahirapang nararanasan ng milyun-milyong tao sa mundo sa kabila ng patuloy na kaunlaran. Dahil sa patuloy na pagkakamal ng tubo, winawasak ang kalikasan, at ang buhay at dangal ng maraming mamamayan. Dapat baguhin ang sistema, dahil hangga't kapitalismo pa ang sistema, patuloy nitong wawasakin ang kalikasan, pati na ang buhay ng maraming mamamayan. Halina’t magkaisa tayo’t makibaka upang baguhin ang sistemang ito.

Miyerkules, Oktubre 5, 2011

Pag Kumalam ang Isipan

PAG KUMALAM ANG ISIPAN
ni Greg Bituin Jr.

Kumakalam na ang sikmura dahil sa kahirapan, pati ba naman utak natin, kakalam na rin? Aba'y dahil bukod sa pagmahal na ng presyo ng edukasyon, babawasan pa ng gobyerno ang badyet sa edukasyon. Palasak ngang sinasabi ng magulang sa kanilang anak, "“Mahirap lang tayo, mga anak. Wala kaming maipapamana sa inyo kundi ang edukasyon, kaya mag-aral kayong mabuti.” Pero paano kung ang edukasyon ay di na karapatan, kundi pribilehiyo na lang ng iilan, iilang maykayang makapagbayad ng mahal na presyo ng edukasyon? Hindi ba't ang edukasyon ang daan ng bawat mag-aaral tungo sa landas na matuwid. Ngunit sa "Daang Matuwid" ni Pangulong Noynoy, bakit ang edukasyon ay tinitipid? Parang tula, ah, "Ang edukasyon ay tinitipid, sa Daang Matuwid". May isa pa, "Ang kanyang matuwid na daan ay pagkakait ng karapatan."

Upang di kumalam ang isipan, at kahit kumakalam ang sikmura, nagprotesta nitong Setyembre 23, 2011 ang mga guro at mag-aaral ng mga pampublikong pamantasan at kolehiyo (state universities and colleges o SUCs) sa iba't ibang lugar sa bansa dahil sa pagputol ng malaking alokasyon ng badyet para sa kanila. Ang mga raliyista'y nagmula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman, Baguio at Los Banos, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), Pamantasang Normal ng Pilipinas (PNU), Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST), sa Luzon; at sa Visayas naman ay UP Visayas, Western Visayas Colleges of Science and Technology. Kinundena ng mga guro at estudyante ang budget cut sa edukasyon.

Pinanukala ng pamahalaan ang badyet na P23.4 Bilyon para sa 112 SUCs para sa taong 2012, na mas mababa ng 1.7 bahagdan (o percent) na badyet na P23.8 Bilyon sa kasalukuyan. Mula 2001 hanggang 2010, ang pagpopondo ng gobyerno sa kabuuang badyet ng SUCs ay bumaba mula 87.74 bahagdan hanggang sa 66.31 bahagdan. Kung titingnan ay malaki ang badyet, bilyon, eh. Pero pag hinati iyan sa 112 SUCs, at hinati muli iyan para sa bayad sa guro, at para sa mga mag-aaral sa mga SUCs, napakaliit niyan. Buti pa sa pagbabayad ng utang panlabas, malaki ang badyet. Syempre, may automatic appropriations law ba naman.

Ang badyet cut na ang epekto ng private-public partnership (PPP) ni Noynoy. Ang pagbabawas ng pondo'y patakaran na ng gubyerno upang higit na ikomersyalisa ang edukasyon. Ibig sabihin, unti-unti nang inaabandona ng pamahalaan ang pananagutan nito sa kanyang mamamayan, at ipinapapasan na sa mga estudyante't kanilang magulang ang pagbabayad ng mataas na matrikula at iba pang bayarin. Tiyak na dadami ang mga di na makapag-aaral o di na makakatuntong sa kolehiyo dahil sa taas ng presyo ng edukasyon.

Dagdag pa riyan ang kakulangan ng gobyernong gampanan ang kanilang tungkulin sa mga pampublikong guro. Ayon kay G. Benjo Basas, pambansang pangulo ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC), "Higit sa papuri ay hinahamon natin ang ating pamahalaan na gawin ang kanyang obligasyon sa mga guro at sa pampublikong edukasyon. Batid ni P-Noy at ng DepEd ang malawak na kakulangan sa ating mga paaralan, lalo na sa classroom at sa mga guro. Bagkus, itinulak ng gobyerno ang K-12 program na walang kaukulang paghahanda at lubos na kapos sa budget. Hanggang ngayon ay hindi pa natatanggap ng mga guro sa Kindergarten ang P3000 kabayaran para sa kanila mula noong Hunyo. Muli na namang isinakripisyo ang kapakanan ng mga guro."

Ang edukasyon ay karapatan ng lahat, para sa mag-aaral at lalo na sa  mga gurong siyang tagapagdala ng edukasyon sa sambayanan. Karapatan ng mga gurong matanggap ang nararapat na sahod na nararapat sa kanila, at karapatan ng mga estudyanteng mag-aral, nang hindi binabawasan ang badyet para sa kanila.

Ang edukasyon ay karapatan, hindi pribilehiyo ng iilan, ayon sa Saligang Batas. Isa itong pangangailangan ng bawat tao, hindi luho para sa iilang kayang magbayad nito. Ngunit sa ngayon, binibili ang karapatan sa edukasyon. May presyo. Kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis at ng iba pang batayang pangangailangan tulad ng bigas at kilo ng galunggong, taun-taon ang pagtaas ng matrikula. Karapatan natin ang edukasyon, ngunit dapat ito'y libre at hindi kalakal na may presyo. Kung karapatan ang pag-aaral, lahat ng kabataang gusto mag-aral, makakapag-aral. Pero bakit may di nakakapag-aral? At ngayon, babawasan pa ang badyet para sa mga mag-aaral.

Dapat magkaisa ang mga estudyante at magulang, kasama na ang mga out-of-school-youth upang ipaglaban ang karapatan sa edukasyon. Nariyan ang mga grupong tulad ng Piglas-Kabataan (PK) at ang Partido Lakas ng Masa-Kabataan (PLM Youth) upang ipaglaban ito. Pangunahan nila ang pakikibaka para sa karapatan sa edukasyon, nang sa gayon, hindi lang ang kumakalam na sikmura ang matugunan, kundi higit sa lahat, ang kumakalam na isipan.

Lunes, Oktubre 3, 2011

Di Dapat Magpatalo ang Manggagawa kina Noynoy at Lucio Tan

DI DAPAT MAGPATALO ANG MANGGAGAWA KINA NOYNOY AT LUCIO TAN
ni Greg Bituin Jr.

“Sa Mendiola, sa Mendiola, sisingilin natin sila. Sa Mendiola, sa Mendiola, sisingilin natin sila.”- mula sa isang awitin

Kontraktwalisasyon. Outsourcing. Illegal Lock-out. 10-taon ng moratoryum ng CBA. Ano pa? Harap-harapang niyurakan ang karapatan ng mga manggagawa. Mula kay Pangulong Noynoy Aquino, hanggang sa kanyang mga kagawaran sa pangunguna ng Department of Labor and Employment, Philippine National Police, hanggang sa masmidya ay nagtulung-tulong na ipinatupad ang kagustuhan ni Lucio Tan, ang may-ari ng Philippine Airlines (PAL) at pangalawang pinakamayamang tao sa Pilipinas. Sabi ni Noynoy, dapat silang kasuhan ng economic sabotage. Kung si Lucio Tan ay anti-manggagawa, si Noynoy Aquino naman ang numero unong kaaway ng uring manggagawa.

Habang nakikinig ako sa mga talumpati ng mga galit na galit na kasapi ng unyon, na itinuring silang mga hayop nang pilit silang pinagdadampot sa kanilang mga opisina ng mga gwardya, katulong ang mga pulis. Ang mga kababaihan ay nanggagalaiti sa galit habang nagsasalita dahil sila mismo’y hindi na iginalang ng mga pulis, na para silang hayop na pinaghihila sa kanilang mga opisina. Sabi nga ng isang babaeng unyunista, ano ba ang ibig sabihin ng “serve and protect”? “Serve and protect who?” dahil di raw marunong gumalang ang mga pulis sa kababaihang manggagawa. Sige lang, Ate, ilabas mo ang galit mo. Ipanawagan mo ang hustisya. Tama iyan.

Noong Setyembre 27, 2011, kasagsagan ng bagyong Pedring, nagprotesta ang mga manggagawa ng PAL sa pangunguna ng PALEA (Philippine Airlines Employees Association). Hindi umano ito welga, kundi pansamantalang pagtigil sa trabaho upang ipakita sa PAL ang kanilang solidong pagtutol sa napipintong tanggalan at pilitin ang PAL na makipagkasundo. Matapos ang protesta, imbis na makipag-ayos ang PAL, dine-code ng kumpanya ang mga computer systems kaya’t di na makapagtrabaho ang mga manggagawa. Matapos ang ilang oras ay pwersahan na silang pinalayas sa airport at sa kani-kanilang opisina at sa airport. Kaya lock-out at hindi strike ang naganap. 

Naka-lock-out ang mga kasapi ng PALEA, dahil ayaw na silang papasukin ng PAL sa airport at sa mga opisina. Nang magprotesta sa airport ang PALEA, sa halip na makipag-ayos ng PAL, nag-cancel agad ito ng flights. Mula nang pwersahang pinalayas ang mga manggagawa ng PAL noong Setyembre 27 ng gabi hanggang madaling araw, pawang mga replacement workers o iskirol na ang nagtatrabaho sa PAL. Hindi kaya ng mga iskirol na palitan ang trabaho ng mga tinanggal kaya’t disrupted at cancelled ang mga flights. Ang kabiguan ng planong outsourcing ang dahilan ng patuloy na kanselasyon ng mga flight at pagka-delay.

Ayon kay Gerry Rivera, pangulo ng PALEA, plano ng PAL na tanggalin ang 2,600 manggagawa nila mula sa tatlong kagawaran nito — ang airport services, ang inflight catering at ang call center reservations. Ililipat sila sa tatlong service providers—ang Sky Logistics, Sky Kitchen at SPI Global. Kumbaga, magiging kontraktwal na ang mga regular na manggagawa ng PAL sa ilalim ng mga service providers (na pinagandang tawag sa contractual agencies).

Matindi ang epekto sa manggagawa nitong outsourcing at kontraktwalisasyon, dahil babagsak na ang sweldo, mawawalan pa ng benepisyo, wala na silang kasiguraduhan sa trabaho, at wala na ring unyon na siyang proteksyon at boses ng manggagawa.

Isang halimbawa nito, ang isang PAL senior reservations agent na kasalukuyang tumatanggap ng P22,400 in salaries at allowances, ay tatanggap na lang ng sweldong P10,000 kapag napalipat na siya sa SPI Global, habang ang isang master mechanic ng PAL, kapag lumipat sa Sky Logistics ay papaswelduhin na lang ng P11,111.50.

Magtratrabaho na sila ng mas mahaba, pero sasahod ng mas mababa, dahil sa service provider, 8 oras kada araw at 6 na arawa kada linggo ang trabaho, di tulad ngayon na 7.5 oras ang trabaho at 5 limang araw kada linggo sa PAL. 

Ayon pa kay Rivera, sandal na sila sa pader. “Sandal na sa pader ang PALEA. Dalawang taon na kaming nananawagan sa PAL at lumalaban sa iba’t ibang paraan para mapigilan ang tanggalan at kontraktwalisasyon. Ang protesta ang nalalabing paraan para i-defend ng PALEA ang regular na trabaho.” 

Dagdag pa niya, hindi nila sinadyang magprotesta kasabay ng bagyong Pedring dahil hindi naman nila kayang hulaan kung kailan darating ang bagyo. Kailangan na nilang magprotesta dahil wala pa man ang effectivity date ng termination ay pinapalitan na ang mga regular na manggagawa at pumapasok na ang mga replacement workers. Inamin na rin ng PAL, sa isang memo na binigay sa DOLE, na Setyembre 19 pa lang ay nagsimula na sila ng implementasyon ng outsourcing sa halip na Octubre 1. Ito ang dahilan kung bakit kinailangang magprotesta ang PALEA noong Setyembre 27.

Nais ng PALEA na manatili ang kanilang regular na trabaho na magtitiyak ng kinabukasan ng kanilang pamilya, kaya panawagan nila’y itigil ang planong outsourcing at kontraktwalisasyon habang hinihintay ang pinal na desisyon ng korte. Sa ngayon ay nasa Court of Appeals ang kaso. 

Sa kaso ng 1,400 flight attendants noong Setyembre, pinal na pinagpasyahan ng Korte Suprema na ilegal ang pagkatanggal sa kanila ng PAL noong 1998. Marahil dahil dito’y ayaw ng PAL na ganito rin ang mangyari sa PALEA.

Mula nang pairalin noong 1998 ang 10-taon ng moratoryum sa collective bargaining agreement (CBA) na siyang kapritso ni Lucio Tan na may-ari ng PAL, hindi pa muling nagkakaroon ng bagong CBA negotiation kahit na natapos na ang moratorium noong 2008. Ang pagsuspideng ito ng CBA ay ginaya ng iba pang kumpanya. Tinawag nga ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ang iskemang ito noon ni Lucio Tan na ito’y “holocaust of unionism”.

Kaugnay nito, nagpahayag si Pangulong Noynoy Aquino na kakasuhan ng economic sabotage ang mga manggagawa. Pero ayon sa PALEA, ang saklaw ng economic sabotage ay mga kaso ng illegal recruitment, syndicated estafa, at black market operation. Hindi kasama sa economic sabotage ang labor disputes. Kahit ang sinasabing CAAP Law (Civil Aviations Act of the Philippines) ay nagbabawal sa disruption ng airport services at facilities pero hindi paralisasyon ng operasyon ng airline. Dahil magkaibang bagay ang airport at airline. Pinapayagan ng Labor Code ang protests at strikes ng private sector workers kahit pa public utilities. Pinapayagan ito ng batas sapagkat kinikilalang karapatan at lehitimo ang mass action bilang paraan para pwersahin ang kompanyang makipag-ayos kung may problema o reklamo. Ang sinabing iyon ni Noynoy ay patunay na ang kanyang Boss ay si Lucio Tan, taliwas sa kanyang sinabi noon sa taumbayan, “Kayo ang Boss ko!”

Ang laban ng PALEA ay laban ng buong uring manggagawa. Hindi dapat matalo ang manggagawa sa tulad ni Lucio Tan. Dapat magkaisang tuluyan ang uring manggagawa laban sa patuloy na pananalasa ng mga tulad ni Lucio Tan sa karapatan, kabuhayan, at dangal ng manggagawa. Dagdag pa rito, di dapat humantong hanggang unyonismo lamang ang labanang ito, sa pagtatagumpay nilang makabalik sa trabaho. Dapat mas maikintal sa isip ng mga manggagawa ng PAL na kailangan nilang maging mulat sa uri. Ibig sabihin, mabalik man sila sa trabaho, hindi ito ang totoong tagumpay, dahil manggagawa pa rin sila at sila’y sahurang alipin pa rin ng kumpanya. Dapat na maging bahagi sila ng pagpapalit mismo ng sistemang kapitalismo na patuloy na yumuyurak sa dangal at pagkatao ng manggagawa. Dahil hindi hanggang unyonismo lamang ang pakikibaka ng manggagawa kundi ang pangarapin at aktibo silang kumilos upang itayo ang isang lipunan ng uring manggagawa, kung saan papawiin ang pagsasamantala ng tao sa tao dahil sa pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, na siyang ugat ng kahirapan, pagyurak sa karapatan at dignidad, kasakiman, at kawalan ng pagkakapantay-pantay. Sa kaso ng PAL, hangga’t inaari ito ng mga kapitalistang tulad ni Lucio Tan, patuloy silang paiikutin ni Lucio sa kanyang mga palad. 

Tiyak, hindi lang tayo makikiisa sa PALEA sa pakikibaka nito laban sa outsourcing at kontraktwalisasyon, at sa adhikain nilang makabalik sa trabaho bilang regular, dahil marami pang laban. Tiyak babalik at babalik tayo sa Mendiola, na siyang pambansang lugar ng protesta, para singilin ang mga mapagsamantala sa pamahalaan, kasama ang mga kapitalista. Dapat maningil ang mga manggagawa, kasabay ng iba pang aping sektor ng lipunan. May panahon ng paniningil. Sabi nga sa isang awitin, “Sa Mendiola, sa Mendiola, sisingilin natin sila. Sa Mendiola, sa Mendiola, sisingilin natin sila.”

Magagawa natin ito kung susundin natin ang sinabi noon nina Kasamang Karl at Fred, “Manggagawa sa lahat ng bansa, magkaisa! Walang mawawala sa inyo kundi ang tanikala ng pagkaalipin.”