Huwebes, Enero 26, 2012

Rio+20 - “The Future We Want”: Ito ba ang gusto ng masa?

UN Document na Zero Draft sa Ika-20 Anibersaryo ng Earth Summit sa Rio
Rio+20 - “The Future We Want”: Ito ba ang gusto ng masa?
ni Greg Bituin Jr.

Nitong Enero 10, 2012, inilabas na ng United Nations Conference on Sustainable Development (UNCED) ang 19-pahinang dokumentong pinamagatang “The Future We Want”, o Zero Draft. Ang burador na ito ang pag-uusapan ng mga lider ng iba’t ibang bansa sa Rio de Janeiro Brazil, sa darating na Hunyo 20-22, 2012.

Ito’y bilang paghahanda na rin sa ika-20 taong anibersaryo ng Rio Declarationon Environment and Development na naglatag ng Agenda 21, habang sa bansa natin ay ang Philippine Agenda 21 for Sustainable Development. Ibig sabihin ng 21 ay ika-21 Siglo, kung saan kabilang na tayo ngayon. Matatandaang inilunsad noong Hunyo 3-14, 1992 ang Earth Summit sa Rio de Janeiro, Brazil at pinag-usapan ng mga kinatawan ng iba’t ibang bansa sa temang “Environment and Sustainale Development” na dinaluhan ng 172 gobyerno, at 108 dito ay mga head of state. Nagresulta ito sa mga dokumentong Agenda 21, ang Rio Declaration on Environment and Development, ang Statement of Forest Principles, ang United Nations Framework Convention on Climate Change, at ang United Nations Convention on Biological Diversity.

Matapos ang 20 taon ng kauna-unahang global environment conference sa Rio de Janeiro, babalik muli ang mga bansa sa Rio upang muling pag-usapan ang hinaharap ng sangkatauhan. Ang tanong ng masa, ito ba ang gusto nila?

Isinama rin sa dokumento na pwede namang makasama ang masa sa usapang ito. Ayon sa dokumentong Zero Draft sa paksang Engaging Major Groups: “17. Sustainable development requires major groups – women, children and youth, indigenous peoples, non-governmental organisations, local authorities, workers and trade unions, business and industry, the scientific and technological community, and farmers – to play a meaningful role at all levels.”


Kung noon ay sustainable development ang sentrong usapin, tampok sa bagong dokumento ay ang Green Economy sa konteksto ng sustainable development and poverty eradication. Ang tanong: Sino ang kokontrol sa Green Economy? Ang mga kapitalistang bansa ba? Muli na naman bang mai-etsapwera ang masa dahil hindi natutugunan ang mga suliranin ng bayan at pag-upak sa kapitalistang sistemang siyang dahilan ng kahirapan ng sambayanan? Ang balangkas ba ng Rio+20 ay makakatulong bang talaga sa masa? Dahil kung hindi, dapat lang ibasura ang dokumentong ito, at gumawa tayo ng parallel na dokumento, kasama ang mga dukha’t manggagawa sa iba’t ibang panig ng mundo para isulat din ang sariling bersyon natin ng “The Future We Want.” Ngunit sa ngayon, repasuhin natin ito dahil tiyak na malaki ang epekto nito sa ating hinaharap.

Martes, Enero 24, 2012

Censorship sa Internet, Ipinrotesta

CENSORSHIP SA INTERNET, IPINROTESTA!
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakaukit sa ating Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987, Artikulo III, Seksyon 4: "No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances." (Hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamamahayagan, o sa karapatan ng mga taongbayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan.) Ganito din ang nakatala sa First Amendment sa US Constitution, kung saan nakasaad: "Congress shall make no law respecting an establishment of religion, or prohibiting the free exercise thereof; or abridging the freedom of speech, or of the press; or the right of the people peaceably to assemble, and to petition the Government for a redress of grievances."

Ang pagpapahayag tulad ng pagrarali, mobilisasyon, pagsusulat, pagtatalumpati, at maging ang magbahagi ng impormasyon sa pamamagitan ng internet (cybespace), tulad ng email, ay ating karapatan pagkat ginagarantiyahan ito ng Konstitusyon. Dahil dito, nagprotesta ang iba't ibang website sa buong mundo, tulad ng Google, Craigslist, Wikipedia, Mozilla, Flickr, WordPress, Tumblr, Vimeo, at Reddit, laban sa dalawang panukalang batas sa Kongreso ng Amerika, ang Stop Online Piracy Act (SOPA) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Amerika, at ang Protect IP Act (Preventing Real Online Threats to Economic Creativity and Theft of Intellectual Property Act, or PIPA) sa Senado ng Amerika. Di sa sa Amerika nakaabot ang protesta, kundi maging dito sa Pilipinas, at sa iba pang panig ng mundo. Sabay-sabay tinanggal pansamantala ng kanilang homepage, o pag-blackout nito noong Enero 18, 2012.

Ang PIPA ang muling isinulat na CONCA (Combating Online Infringement and Counterfeits Act), na hindi nakapasa sa Senado ng Amerika nuong 2010, habang ang SOPA naman ang bersyon nito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, na ipinakilala nuong Oktubre 26, 2011.

"Imagine a world without free knowledge," ayon nga sa Wikipedia. Ibig sabihin, pag nakapasa ang dalawang panukalang batas na ito, hindi na tayo pwedeng basta mag-download sa internet ng mga kinakailangan nating mga research, o kaya'y magbasa ng anumang balita at kaalaman mula sa ibang bansa, at marahil ay babalik na tayo sa mga lumang silid-aklatan upang magsaliksik. Hindi natin ito papayagang mangyari. 

Kaya dapat tayong makiisa sa ipinaglalabang ito ng milyun-milyong mga netizen, dahil ang kaalaman ay karapatan. Dapat libre ito, at dapat malayang makakuha nito ang taumbayan.

Miyerkules, Enero 18, 2012

20 T sa Gawaing Propaganda

20 T sa Gawaing Propaganda
ni Greg Bituin Jr.

Bilang mga aktibista, napakahalaga ng gawaing propaganda sa pagsusulong ng ating sosyalistang adhikain. Sa usaping propaganda, tulad ng pagsusulat ng polyeto, paggawa ng visual, OP-OD, pagsasalita sa radio, pagsusulat ng mga artikulo sa dyaryo o magasin, hinanapan ko ito ng gabay na maaaring makatulong bilang propagandista. Sa kabutihang palad naman ay mayroon tayong natukoy na ilang sangkap na makakatulong upang maisagawa ng maayos ang ating propaganda, at lahat ng ito’y nagsisimula sa titik na T.

1. Tema (theme) – ano ang kabuuang tema ng isang propaganda, polyeto man iyan, balita o sanaysay sa isang magasin, blog, at iba pa

2. Tampok (center of attraction) – sino o ano ang pinatatampok sa propaganda, sinong personalidad at anong isyu

3. Totoo (truth) – may katotohanan ba ang balita, saan nanggaling ang balita, sino ang pinanggalingan, at may magpapatunay ba sa nakuhang balita o impormasyon, ano ang batayan?

4. Tunggalian (struggle) – may tunggalian ba, sinu-sino ang nagtutunggalian, at paano natin isisiwalat ang tunggaliang iyon upang magamit sa ating propaganda, dapat kilala natin ang mga tao sa likod ng isyu

5. Tahasan (dareness) – gaano kalakas ang loob ng propagandista upang isiwalat ang dapat isiwalat, upang ilantad ang kabulukan ng sistema, at labanan ang katunggaling pwersa 

6. Talas (sharpness) – sa pagsusuri sa tema, tampok, katotohnan at tunggalian, paano ito matalas na nasuri

7. Tiyempo (timeliness) – napapanahon ba ang paglalabas ng propaganda

8. Target (target) – sino ang target audience ng propaganda at sino ang pinatutungkulan ng propaganda

9. Tira (attack) – inupakan ba o tinira ang target ng propaganda, sa paanong paraan

10. Tindi (impact) – gaano katindi o ano ang impact ng ilalabas na propaganda sa usaping pulitikal at ekonomikal, ano ang halaga ng propaganda sa kilusang paggawa at paano ito nakaapekto sa takbo ng lipunan

11. Tapang (courage) – mailalabas ba ang propaganda sa kabila ng maaaring banta sa buhay ng propagandista

12. Tatag (firmness) – gaano katatag ang propagandista sa kanyang ilalabas na propaganda, kaya ba ng kanyang bayag na panindigan ang kanyang mga isinulat o ipinahayag

13. Titulo (title) – paano madaling makapukaw ng atensyon ng mambabasa ang titulo ng akda sa polyeto man o sa anupamang babasahin

14. Tutok (aim) – paano natin tuluy-tuloy na matutukan ang isyung ginawan natin ng propaganda hanggang sa ito’y magtagumpay

15. Tigib (emotion) – ano ang pumukaw na damdamin sa mga taong nasa balita, at ano ang pupukaw sa mga mambabasa

16. Titig (stare) – nakakatitig ba tayo ng matuwid sa mga taong pinatutungkulan ng ating propaganda, dahil sila’y mga sinungaling at pahirap sa sambayanan, lalo na sa uring manggagawa; nakikita raw sa mata ang katotohanan o pagsisinungaling; nakakatitig ba tayo ng matuwid sa ating mga mambabasa, bilang pahiwatig ng ating katapatan sa ating isinagawang propaganda

17. Tapat (loyal) – gaano katapat ang propagandista sa kanyang craft o sining ng pagsusulat o pagpopropaganda, at gaano siya katapat sa kanyang mambabasa

18. Tibak (activist) – may mga kasama bang aktibista sa ibabalita, paano ang paghawak sa propaganda upang hindi sila madale, o kaya’y di sila malagay sa alanganin

19. Tago (hide) – ano ang mga dapat itago ng propagandista na hindi niya muna dapat ilabas dahil sa kanyang pagsusuri’y mali ang tyempo ng paglalabas, o may problema pa sa dapat ilabas kaya kailangan pa ng matamang imbestigasyon

20. Tungkab (to open forcefully) – ano ang mga lihim na dapat tungkabin upang maisiwalat ang katotohanan, paano tutungkabin ang katotohanan, ito’y isasagawa sa pamamagitan ng imbestigasyon

Maaaring madagdagan pa ang mga sangkap na ito. Ngunit sa ngayon, ito lang muna. Dapat nating isaalang-alang ang mga sangkap na ito upang matiyak ang pagiging epektibo ng ating propaganda. Magtagumpay man tayo o hindi sa propaganda, tiyak na may mahalagang maiiwan sa mga mambabasa, nakakita ng ating pagkilos, at nakarinig ng ating mga pahayag, upang balang araw sila’y kumilos din tungo sa ating sosyalistang adhikain.

Pag ang mga sangkap na ito’y nakabisado na ng mga propagandista, lalo na yaong mga bagong aktibistang hahawak ng gawaing propaganda, malaking tulong na ito sa kanila upang maging matagumpay sa kanilang gawain, at tuluy-tuloy na maisulong ang adhikain ng uring manggagawa tungo sa pagbabago ng lipunan.

Biyernes, Disyembre 16, 2011

“Ang Nagpoprotesta” Bilang 2011 Person of the Year ng Time magazine


“Ang Nagpoprotesta” Bilang 2011 Person of the Year ng Time magazine
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang inspirasyon para sa ating mga nakikibaka, sa parlyamento man ng lansangan o saanmang lugar, ang pagkakadeklara sa bawat nagpoprotesta sa lansangan bilang Person of the Year ng Time magazine ngayong 2011. Isang inspirasyong lalong nagbibigay-sigla sa mga nakikibaka na nagpapatunay na ang tapat na hangarin para sa pagbabago ay wasto at makabuluhan sa kabila ng mga sakripisyong pinagdaanan, sa kabila ng mga nabubong pawis at dugo upang mapalaya ang sambayanan.

Walang indibidwal na mukha ang tinaguriang "Ang Nagpoprotesta (The Protester)" pagkat ito'y nakapatungkol sa mga mamamayang nakibaka para sa paglaya mula sa diktadura at mula sa pagkaganid ng mga korporasyon, paglayang inaasam ng mayorya, lalo na yaong tinaguriang siyamnapu't siyam na bahagdan o ninety nine percent (99%). Bagamat may di kilalang tao na nalathala sa front page ng Time magazine, siya'y simbolo lamang ng libu-libo, kundi man milyun-milyong mga nakikibaka sa iba't ibang bansa laban sa mga mapagsamantala at mapang-api sa kani-kanilang bayan.

Pumangalawa sa "The Protester" si Admiral William McRaven, pinuno ng Special Operations Command Amerika na siyang nakapatay sa pinuno ng Al Qaeda na si Osama bin Laden. Pumangatlo ang magsisining na si Ai Weiwei, kung saan ang 81-araw niyang pagkadetine sa isang lihim na kulungan ay nagpasiklab ng pandaigdigang kilos-protesta. Pang-apat naman ang Chairman ng Komite sa Budget sa Kongreso ng Amerika na si Paul Ryan. Kasama rin sa talaan si Kate Middleton, Dukesa ng Cambridge, na naging asawa ni Prince William ng Great Britain.

Kung babalikan natin ang nakaraang mga pangyayari nitong 2011, napakaraming kilos-protesta ang naganap, na siyang nagpabago at nakaapekto sa takbo ng pulitika at ekonomya ng maraming bansa at ng kanilang mamamayan. Kumbaga'y nagbigay ng bagong direksyon ang pakikibaka ng mamamayan ng mundo nitong taon, nakilala ng masa ang kanilang kapangyarihan. Pinakita ng maraming mamamayan ng mundo hindi lamang ang kanilang boses at panawagan kundi ang kakayahan nilang baguhin ang mundo. Inilabas ng sambayanan ang kanilang galit sa kasakiman ng mga korporasyon at pananatili ng mga diktador sa kani-kanilang bansa. Kumilos ang sambayanan para sa pagbabago. Pinakita ng mamamayan ang kanilang lakas.

Mula sa tinaguriang Arab Spring, kilusang Occupy Wall Street, Spanish Indignados, at ang nangyayari ngayong pagkilos ng mamamayan sa Rusya laban kay Vladimir Putin, ang mukha ng protesta ang nasa pabalat ng Time magazine bilang 2011 Person of theYear. Sumiklab ang mga rebolusyon ng sambayanan sa mga bansang Tunisia at Egypt at pinatalsik ang kanilang pangulo, nagkaroon ng digmaang sibil sa Libya na ikinabagsak ni Moammar Gaddafi; pag-aalsa ng mamamayan sa Bahrain, Syria, at Yemen, na nagresulta sa pagbibitiw ng prime minister ng Yemen; patuloy na malalaking protesta ng mamamayan sa Algeria, Iraq, Jordan, Kuwait, Morocco, Lebanon, Mauritania, Saudi Arabia, Sudan, at Kanluraning Sahara. Sumiklab din ang pag-aalsa ng mamamayan sa pamamagitan ng pag-okupa sa Wall Street, na siyang pangunahing lugar-pinansyal ng Amerika. Sinundan ito ng mga kilos-protesta sa iba't ibang bansa, tulad ng mga Indignados sa bansang Spain, ang protesta ng mamamayan ng Greece, Italy, Germany, United Kingdom, Ireland, Slovenia, Finland, Chile, Portugal, at marami pang iba.

May komon sa bawat protestang ito, at ito'y ang nagkakaisa nilang tinig at pagkilos para sa pagbabago. Nais ng mamamayan ng radikal na pagbabago, bagamat karamihan sa kanila ay di kumakatawan sa anumang tradisyunal na partido. Sadyang galit na ang mamamayan, pagkat ang 1% ng mayayaman ang kumakawawa sa 99% ng naghihirap na mamamayan ng mundo. Anupa't ang taong 2011 ay isang makasaysayang taon na di na makakatkat sa kasaysayan, pagkat ang inspirasyong dinala nito sa puso at isipan ng mga mapagmahal sa kalayaan, ang kanilang galit sa kasakiman sa tubo ng mga korporasyon at sistemang kapitalismo, ang kanilang sakripisyo para sa pagbabago, ay patuloy na nagbubunga at nauunawaan ng maraming mamamayan ng daigdig.

Kaya tama lamang ang pagkakapili ng Time magazine at pagkilala nito sa mga karaniwang masa sa kanilang mahalagang papel sa pagbabago ng lipunan at nakaimpluwensya sa pulitika at ekonomya ng kani-kanilang bansa. Kaiba ito sa ginawa nila noon. Sa unang "people power" na naganap sa Pilipinas noong 1986, si dating Pangulong Cory Aquino ang nalagay sa pabalat ng Time magazine imbes na ang taumbayan. Kahit ang mga historyador noon ay pulos indibidwal na lider, imbes na taumbayan, ang bayani sa kasaysayan, tulad nina Rizal at Bonifacio. Ngayon lang kinilala ang kolektibong papel ng taumbayan sa pagbabago ng lipunan. At sinimulan ito ng Time magazine.

Martes, Disyembre 13, 2011

Panukalang Batas sa Diborsyo, Ipasa Na!

Panukalang Batas sa Diborsyo, Ipasa Na!
ni Greg Bituin Jr.

Ang usaping diborsyo ang isa sa pinagdebatehan sa nakaraang Kongreso ng Partido Lakas ng Masa (PLM) noong Nobyembre 29. Sa taasan ng kamay, mayorya ang pumabor sa diborsyo bilang isa sa plataporma ng samahan. Ano nga ba ang diborsyo at bakit dapat itong maging batas sa Pilipinas?

Nang pinagtibayan ng bansang Malta ang diborsyo noong Mayo 28, 2011, ang Pilipinas na lang ang tanging bansa sa mundo na walang diborsyo. 

Marami nang nagaganap na hiwalayan sa bansa, may mga anak na produkto ng broken family dahil nagkahiwalay sina ama at ina. Ngunit ang hiwalayan nila'y sa pamamagitan ng annulment, at hindi diborsyo. Nariyan ang popular na karanasan nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion, Snooky Serna and Niño Mendoza ng bandang Blue Jean Junkies, Ruffa Gutierrez at Yilmaz Bektas, Kris Aquino at Philip Salvador na may asawa na. Nakipaghiwalay naman si Che Tiongson sa asawang si Chavit Singson dahil umano sa pananakit. Meron ding naghihiwalay sa mga mag-asawang maralita. "Til death do us part", ang sabi habang ikinakasal, kaya marahil para mapawalang-bisa ang kasal, pinapatay sa bugbog ang asawa upang tuluyan silang magkahiwalay.

Sa ngayon, naka-file sa Kongreso ang House Bill 1799, na ang awtor ay sina Luz Ilagan at Emy de Jesus ng Gabriela party-list. Iminumungkahi ng nasabing panukalang batas ang limang dahilan para sa diborsyo, tulad ng problema sa kaisipan o psychological incapacity, ang kabiguan ng isa sa mag-asawa na gampanan ang obligasyon bilang mag-asawa, at ang hindi pagkakasundo na sumisira sa kanilang relasyon bilang mag-asawang ikinasal. Tanging ang mga mag-asawang hiwalay na ng limang taon ang pwedeng mag-aplay para sa diborsyo, at dalawang taon para sa mga nasa antas ng legal separation.

Kung hindi na nagkakasundo ang mag-asawa at nais na mag-file ng annulment, mas mura ang pagpa-file ng diborsyo, dahil sa kalakaran sa Pilipinas, tanging mga maypera ang may kakayahang mag-file ng annulment dahil wala ngang diborsyo rito.

Kasama sa panukalang batas ang pag-amyenda sa Artikulo 55 hanggang 66 ng Family Code o EO 209, kung saan kapansin-pansin na ang salitang "legal separation" ay dinugtungan ng salitang "or divorce". Ibig sabihin, nasa batas na ang legal separation o legal na paghihiwalay ng mag-asawa, at ginawa pa uling legal sa paglalagay ng salitang "divorce". Sa biglang tingin ay mukhang termino ang problema. Tulad din ng salitang annulment, na pwede ring ipa-annul ang kasal ng mag-asawa, na tulad din ng divorce, ay legal na paghihiwalay ng mag-asawa. Mukha ring pareho, ngunit malaki ang pagkakaiba sa proseso. Mas masalimuot at mas mahal ang gastos ng pagpapa-annul ng kasal. Mas pinagaan naman sa proseso ang diborsyo, at hindi mahal kung maisasabatas.

Kaya ang nakaka-afford lang o may kakayanang magpa-annul ng kasal, o legal separation, ay yaong may kayang magbayad sa abogado. Kaya yaong mayayaman lamang at yaong mga kilala sa lipunan, tulad ng mga artistang naghihiwalay, ang may kakayahang ipawalang-bisa ang kasal. Yaong mga mahihirap na walang kakayahang magbayad ng abogado na nais nang makipaghiwalay sa kanilang asawa, dahil sa araw-gabing pananakit sa kanila, ay di mapawalang-bisa ang kasal. Isa ang problemang ito sa nais tugunan ng panukalang diborsyo sa Pilipinas. 

Kaya nararapat lang isabatas na ang Divorce Bill! Ngayon!

Editoryal - Bagong Petsa, Lumang Sistema


BAGONG PETSA, LUMANG SISTEMA
Editoryal ng magasing Ang Masa, isyu ng Disyembre 16, 2011 - Enero 15, 2012
Sinulat ni Greg Bituin Jr.

Nitong 2011, malaking pangyayari sa kasaysayan ang nagawa ng karaniwang mamamayan, na nagpakitang kaya nilang gawing payapa ang daigdig na kanilang kinalalagyan. Patay na ang diktador na si Moammar Gaddafi ng Libya at si Osama bin Laden ng teroristang grupong Al Qaeda. Napatalsik na sa pwesto bilang pangulo sina Hosni Mubarak ng Egypt (pangulo ng 30 taon), Zine el-Abidine Ben Ali ng Tunisia (pangulo ng 23 taon), at Laurent Gbagbo ng Ivory Coast (pangulo ng 10 taon). Sunod-sunod ang rebolusyon ng mamamayan sa Bahrain, Yemen, Syria, Libya, Greece, at iba pa. Inokupa ng mamamayan ang Wall Street na siyang sentro ng kalakalan sa Amerika, na nakakaapekto sa iba't ibang bansa sa mundo. Nagprotesta rin sa bansang Espanya ang mga Indignados. Mamamayan na ng iba't ibang bansa ang nagrali sa lansangan upang isigaw na silang 99% ay dapat lumaya sa kuko ng mga nagpapasasang 1% ng populasyon. Patuloy pa rin ang protesta ng mamamayan laban kina Vladimir Putin ng Russia at Bashar al-Assad ng Syria. 

Ang mga pangyayaring ito'y nagpapakita na ayaw na ng mamamayan sa kasalukuyang sistema, diskontento na sila sa diktadurya at kapitalismo, at nais na nila itong mapalitan.

Sa ating bansa, dapat ding magprotesta ang masa upang isulong ang karapatan ng mga maliliit at mahihirap sa lipunan, upang baguhin ang kanilang abang kalagayan, upang wakasan ang kasakiman sa tubo ng mga kapitalista't korporasyon, upang baguhin ang sistema at palitan ang kapitalismong pahirap sa sambayanan. 

Kahirapan, kagutuman, kawalan ng hustisyang panlipunan, kawalan ng direksyon ng pamahalaan, baluktot na "daang matuwid", mga pangakong ilusyon sa dukha, salot na kontraktwalisasyon na pahirap sa manggagawa, patuloy na demolisyon sa mga maralitang iiwan na lang sa kalsada matapos tanggalan ng bahay, mga kababaihang basta hinihipuan at itinuturing na kalakal, mga batang biktima ng child labor - maraming isyung dapat bigyang pansin, lalo na ang ekonomya, pulitika, karapatan at dignidad ng bawat mamamayan. 

Bagong petsa, lumang sistema. Parang lumang patis sa bagong bote. Napalitan lang ng petsa ngunit di pa rin nagbabago ang kalagayan, mistulang pampamanhid lamang sa mahihirap ang kapaskuhan at bagong taon. Gayunpaman, dapat salubungin natin ang bagong taon ng panibagong hamon. Isang hamon ng pag-aalsa laban sa bulok na sistemang nagsadlak at patuloy na nagsasadlak sa atin sa dusa't karalitaan. Itransporma natin ang ating galit sa sistema sa aktwal na pagkilos.

Hindi tayo dapat tumigil hangga't di nagwawagi. Palitan na ang bulok na sistema! Isulong ang sosyalismo! Kaya nating gawin ito pagkat tayo ang 99% na dapat magkaisa upang magapi ang 1% na siyang pahirap sa sambayanan.

Lunes, Disyembre 12, 2011

Lakbay Klima: Pagkilos Tungo sa Hustisya sa Klima


Kung Sinong Dapat Magbayad sa Krisis sa Klima
ni Greg Bituin Jr.

Kasama ang inyong lingkod sa inilunsad na Climate Justice Tour ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) nitong Disyembre 4-9, 2011. Sa temang “Lakbay Klima: Pagkilos Tungo sa Hustisya sa Klima,” tumungo kami at nakipagtalakayan sa ilang mamamayan sa Isabela, Nueva Viscaya, Nueva Ecija, Zambales, Subic at Angeles City, Pampanga, Bulacan, at nagdulo sa Quezon City. Ikinampanya namin ang pagbabago sa klima at ang panawagang hustisya sa klima o climate justice.

Ayon sa 2011 world Risk Index ng United Nations, pangatlong pinakaapektado ang Pilipinas sa pagbabago ng klima, at pinakaapektado sa Asya. Bakit nagkaganito at bakit pangatlo ang Pilipinas? Anong ginawa ng mga Pilipino upang magkaganito? O ibang bansa ang nagdulot nito sa Pilipinas? Sino ang dapat sisihin? Sino ang dapat magbayad? Ang ating bansa ang tinatamaan gayong kakaunting usok lamang kumpara sa mayayamang bansa ang ating ibinubuga.

Ayon sa PMCJ, kapitalismo ang pangunahing dahilan ng pagbabago sa klima. Ang kapitalismo'y isang pandaigdigang sistemang pang-ekonomya't pulitika na kinatatangian ng tuluy-tuloy at walang patumanggang produksyon at pagpapalawak ng pamilihan para magkamal ng impak-limpak na tubo. Dahil sa paghahabol sa tubo, unti-unting winasak ng sistemang ito ang likas-yaman ng maraming bansa tulad ng Pilipinas, upang patuloy na umandar ang produksyon at tuluy-tuloy din ang pasok ng malawakang tubo. Kinakalbo ang kabundukan upang pagkunan ng mina, kinakalbo ang mga kagubatan upang pagtubuan ang mga punong ginagawang troso, patuloy ang pagbuga ng mga pabrika ng mga nakalalasong usok sa himpapawid tulad ng greenhouse gas (GHG) na unti-unting bumutas sa ozone layer ng mundo, hanggang sa tumaas ang temperatura ng daigdig. At ang matindi, walang ginagawa ang sistemang ito upang mapigilan ang pagkasira ng kalikasan. Wala dahil nagsisilbing gastos sa malalaking kumpanya ang pagsasaayos ng kalikasan, at malaking kabawasan sa kanilang tubo. Sadyang malupit ang sistemang kapitalismo dahil ang sinasanto lang nito'y tubo at salapi.

Nagsimula ang pagtaas ng temperatura ng mundo mula sa pag-usbong ng Rebolusyong Industriya at kapitalismo sa Europa. Mula noon, patuloy na ang malawakang pagwasak sa likas-yaman ng mga bansang naghihirap ngunit mayaman sa likas-yaman. Patuloy din ang pagsasamantala at pambabarat sa lakas-paggawa ng mga manggagawa upang lalong tumambok ang bulsa ng mga ganid na kumpanya. Sa madaling salita, ang pagkahayok sa tubo ng sistemang kapital ang nagdulot ng pagkawasak ng ating daigdig. Ibig sabihin, ang kahayukang ito na dulot ng sistema ay dapat mawala, dapat mapalitan.

Dahil dito, nagkaroon ng utang ang mga mayayamang bansa (na kasama sa tinaguriang Annex 1 countries) sa mga mahihirap na bansa, pagkat ang pagwasak ng mga ito sa likas-yaman ng mahihirap na bansa ang nagbigay-daan upang lamunin ng mga bagyo't delubyo ang mga bansang tuad ng Pilipinas. Nariyan ang pagkitid ng espasyo sa kalawakan, na nakapatungkol sa kabuuang hangganan ng pwedeng ibugang GHG ng bawat bansa. Halimbawa nito, ang parte ng kalawakan ng Pilipinas ay di nito nagamit dahil ginamit na ng mga mauunlad na bansa na siyang nagbuga ng usok sa kalawakan, lagpas-lagpasan sa dapat na parte nila ng espasyo sa kalawakan. At ang labis na ito ang itinuturing na Utang sa Klima ng mga mauunlad na bansa sa mga bansang mahihirap at papaunlad pa lamang.

Kaya kailangang magpasya ng sangkatauhan kung nais pa nitong mabuhay ng matagal. Patuloy pa ba tayo sa pagtahak sa kapitalistang sistemang mapangwasak o tatahak tayo sa panibagong landas ng pagsulong na isinasaalang-alang natin ang kalikasan at karapatang mabuhay ng lahat batay sa prinsipyo ng pagkakapantay-pantay. Upang patuloy na umiral ang mundo, dapat bawasan ng mga mayayamang bansa ang kanilang pagbuga ng usok sa kalawakan upang mabawasan ang konsentrasyon ng greenhouse gas at mabawasan ang pagtaas ng daigdigang temperatura sa mapaminsalang antas nitong higit 2 degrees Celsius. Dapat kilalanin ng mga mauunlad na bansa ang kanilang pananagutang ibalik ang integridad ng ating kapaligiran at tulungan ang mga bansang papaunlad pa lang at naghihirap na tinatamaan ng epekto ng nagbabagong klima.

Kaya ang panawagan ng PMCJ batay sa mga kahilingang nakasaad sa Cochabamba (Bolivia) People's Accord ay ang sumusunod:

Una, ibalik ang pangkalawakang espasyo ng mga mahihirap na bansa na ngayon ay kinukuha at inookupa ng mauunlad na bansa sa pamamagitan ng pagbabawas ng kanilang ibinubugang GHG sa kalawakan.

Ikalawa, sagutin ng mauunlad na bansa ang halaga at gastusin sa teknolohiyang kailangan ng mga mahihirap na bansa dahil sa nawalang oportunidad nito sa pag-unlad bunga ng nilikhang limitasyon ng mauunlad na bansa sa kanilang pangkalawakang espasyo.

Ikatlo, magbayad ng danyos perwisyos ang mga Annex 1 countries, sa pangunguna ng Estados Unidos, sa kanilang mga paglabag sa karapatang pantao sa paninirahan, tubig, pagkain, trabaho, kalusugan, at pag-unlad bunga ng patuloy na pagbubuga ng mga Annex 1 countries ng sobra-sobrang GHG sa kalawakan.

Kung nais nating di na lumala pa ang nararanasang dahas ng kalikasan, panahon na para palitan ang mapangwasak na kapitalistang sistema ng isang sistemang tunay na makatao at lilikha lamang ng produksyon batay sa pangangailangan ng sangkatauhan, at hindi batay sa tubo. Kung hindi ngayon, kailan pa tayo kikilos? Kung hindi tayo, sino? Halina't mag-organisa para sa kinabukasan.

Hustisya sa Klima, Ngayon Na!

Sanggunian: Mga polyeto ng Philipine Movement for Climate Justice (PMCJ)
- 4 pahinang polyetong "Magbayad na kayo ng inyong pagkakautang"
- 6 pahinang "Pahayag ng Pagkakaisa Hinggil sa Nagbabagong Klima"