ANG ASWANG NG C. I. A.
(Nalathala ito sa pahayagang Obrero, Nobyembre 2007 issue)
Hanggang sa panahong ito ng modernong sibilisasyon, marami pa rin ang naniniwala sa aswang, lalo na sa probinsya ng Iloilo at Capiz. Ayon sa ilang matatanda, isa umano itong nilalang na nagkakatawang hayop, tulad ng aso o kambing, at nangangain ng tao. Ang nilalang na ito’y madalas ding gamitin sa pelikulang kababalaghan. Ngunit totoo nga ba ito o kathang isip?
Bagamat ang mahal kong ina ay mula sa lalawigan ng Antique (katabing probinsya ng Iloilo, Aklan at Capiz, kung saan ang apat na lugar na ito ang bumubuo ng isla ng Panay sa Visayas), hindi ko siya kinaringgan ng anumang tungkol sa aswang. Marahil, dahil mas matagal siyang nanirahan sa Maynila pagkat umalis siya ng Antique nang siya’y katorse anyos pa lamang. Isa pa, ang aswang ay hindi palasak sa tulad kong laki sa lunsod, pagkat nalalaman lang namin ito sa mga palabas sa pelikula, tulad ng Shake, Rattle and Roll.
Nuong bata pa ako, ang itinuturing naming aswang ay iyong mga bakla sa aming lugar na lumalabas tuwing gabi at naghaharutan sa may kanto. Hindi lang daw sila aswang, sila rin daw ay manananggal. Manananggal ng lakas.
Ngunit bakit dapat isulat ang tungkol dito. Dahil, una, nabasa kong ginamit ng Central Intelligence Agency (CIA) ng Amerika ang aswang upang durugin ang rebelyon sa Kabisayaan noong kasikatan pa ng mga Huk. Ikalawa, upang ituring natin ang aswang bilang bahagi lamang ng mitolohiyang Pilipino, at di dapat seryosong paniwalaan. Isang karanasan ang ikinuwento ng isang kakilala na nadala sa isang relokasyon. Ang kanyang kapitbahay, na mula umano sa isang lugar sa Bisaya at may alagang mga manok, ay nakarinig ng sumisigaw ng “Ek, Ek” na umano’y tinig ng aswang. Dahil sa takot ng kanyang kapitbahay sa aswang, imbes na iligtas ang kanyang mga alagang manok, ay nagtalukbong na lang siya ng kumot. Mabuti na lamang, ginising siya ng isa pa nilang kapitbahay at sa awa sa kanya’y itinuro kung sino ang nagnakaw ng manok. Agad nila itong pinuntahan kasama ang ilang barangay tanod. Isang buhay na manok na lamang ang kanyang nakuha dahil ang iba’y nakita nilang kinakatay na. Dahil kakilala niya ang kapitbahay na kumuha, at sa takot na rin na mapagdiskitan ng mga kakosa nito, at baguhan siya sa lugar, pinatawad niya ito. Sa hiya, binigyan na lang siya ng inadobong manok.
Meron pang nagsabi na isa raw niyang kakilala ay aswang dahil mismong mga daliri ay kinakain. Ang sabi ko sa kanya, imbes na tulungan ang taong iyon, pinabayaan pa dahil lang sa inuuod na paniniwala sa aswang. Kung dinala agad nila sa mental hospital ang taong iyon, nakatulong pa sana siya.
Nito lamang Nobyembre 2004, ipinalabas sa Channel 7, sa Jessica Soho Report, ang tungkol sa aswang sa bayan ng Duenas sa Iloilo. Ayon sa ulat, nito lamang panahon ng Kano, sa pag-uumpisa ng ika-20 siglo nagsimula ang kwento ng aswang. Isa umanong Amerikano ang sinasabing unang kumain ng tao. Dahil dito, lumaganap na sa Kabisayaan ang tungkol sa aswang, magpahanggang-ngayon. (Hindi kaya mula sa lahi ng cannibal ang Kanong ito?)
Isa pang matanda ang kinapanayam ni Jessica Soho na umano’y kinatatakutan sa Duenas dahil ito raw ay aswang, at ang kanyang bag umano’y gamit ng aswang. Ngunit ipinakita sa telebisyon na pawang mga gamit sa katawan, tulad ng pulbos at pabango, ang laman ng bag ng matanda. Tinapos ni Ms. Soho ang kanyang ulat sa pamamagitan ng mga batang elementarya sa Duenas na nagsasabing “Hindi kami mga aswang!”
Ang aswang ay ginamit na taktika ng CIA upang madurog ang rebelyon sa Kabisayaan. Ayon sa librong The CIA and the Cult of Intelligence nina Victor Marchetti at John Marks, “A psywar squad entered the area, and planted rumours than an asuang lived on where the communists were based. Two days after giving the rumours time to circulate among Huk symphatizers, ths psywar squad laid an ambush for the rebels. When a Huk patrol passed, the ambushers snatched the last man, punctured his neck vampire-fashion with two holes, hung his body until the blood drained out, and put the corpse back on the trail. As supertitious as any other Filipinos, the insurgents fled from the region.” (Isang kawan sa psywar ang pumasok sa lugar, at nagpakalat ng tsismis na may naninirahang aswang kung saan nakabase ang mga komunista. Dalawang araw matapos mabigyan ng panahong kumalat ang tsismis sa mga nakikisimpatya sa Huk, ang kawan ng psywar ay nagsagawa ng pananambang sa mga rebelde. Nang ang isang patrulya ng Huk ay dumaan, dinukot ng mga mananambang ang huling tao, nilagyan ng dalawang butas ang leeg nito na tila gawa ng aswang, ibiniting patiwarik ang katawan hanggang maubusan ng dugo, at ibinalik ang bangkay sa kanilang pinagdukutan sa tao. Mapamahiin tulad din ng ibang Pilipino, nilisan ng mga rebelde ang lugar.” – salin ni GBJ)
Ang operasyong ito ay isinagawa sa pamumuno ng psywar expert na si Col. Edward Landsdale ng US Air Force at isa sa mga covert operations agent ng CIA. Isa rin siya sa mga CIA agent na tumulong sa rehimen ni Ngo Dinh Diem ng South Vietnam laban sa North Vietnam.
Ngunit bakit ba marami ang naniwala sa aswang? Maraming dahilan. Isa na rito ay ginamit itong panakot sa mga bata upang umuwi agad kapag gumabi na. Ayon sa psychology, matatakot ang isang tao sa isang bagay kahit wala roon dahil sa paniniwalang meron nga nito, kahit wala. Maraming nagsasabi na ang paniniwala sa aswang ay kagagawan umano ng mismong Simbahan upang takutin ang mga Pilipino sa demonyo. Sa gayon ay lalong lalapit ang loob ng mga tao sa Simbahan at lumaki ang abuloy.
Ang aswang sa mitolohiya ay hindi na dapat paniwalaan. Dahil wala naman itong basehan. Mas dapat nating katakutan ang tunay na aswang.
May mga aswang sa gobyerno na patuloy na nagpapahirap sa masang Pilipino sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, tulad ng bigas, pamasahe, langis, atbp.
May mga aswang sa mga pabrika’t kumpanya. Sila ang mga kapitalista na patuloy sa pagsipsip sa lakas-paggawa ng manggagawa upang lalong lumaki ang kanilang tubo.
May mga aswang na negosyanteng nagbebenta ng shabu at prostitusyon.
May mga aswang na mangangamkam ng lupa at patuloy na nagsasagawa ng demolisyon, kaya’t ang mga maralita’y walang matirhan at nagugutom.
Ang mga mapagsamantalang aswang na ito ang dapat katakutan at siyang dapat mawala sa lipunan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento