Linggo, Setyembre 28, 2008

Mabuhay ang mga bayani ng Balangiga

MABUHAY ANG MGA BAYANI NG BALANGIGA!
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pulos pagkatalo ang laging napapatampok sa kasaysayan ng Pilipinas at bihirang ipagdiwang ang mga panalo. Tingnan na lamang ang laging ginugunita - Abril 9 na Araw ng mga Bayani (na sa orihinal ay pagbagsak ng Bataan), pagbagsak ng Corregidor, pagbagsak ni Rizal sa Bagumbayan, atbp. Bakit ang karaniwang ipinagdiriwang sa bansa ay ang panalo ng mga kaaway? ito ba'y dahil ito ang nais at idinidikta ng mga dayuhan? O baka naman talagang bobo ang mga nasa gobyerno? O sadyang wala tayong pakialam sa kasaysayan at sa kabuluhan nito sa ating mga pakikibaka sa kasalukuyan? Maaaring ito ang dahilan kung bakit kahit ipagdiwang ng mga nasa gobyerno ang kinalendaryong petsa ng paggunita ay matamlay pa rin ang pagtanggap ng mga Pilipino rito. Gaya na lang ng Hunyo 12 na sinasabing "Araw ng Kalayaan" pero ang bansa'y "under the mighty and humane American nation" na nakasulat sa Acta de Independencia. Lumaya nga ang bansa sa Kastila pero nagpailalim naman sa Kano! Tayo ba'y sadyang bayan ng mga api? Ah, hindi pa natin ganap na kilala ang ating kasaysayan.

Bakit hindi ginugunita ang pag-aalsang "Nag-Sabado" sa Pasig, ang paggapi ng mga pwersa ni Lapulapu sa mga hukbo ni Magellan, ang pagpapasuko ng mga Katipunero sa Bulakan sa mga pwersang Kastila roon, at ang tagumpay ng mga hukbong Pilipino laban sa mga Kano sa Balangiga, Samar noong Setyembre 28, 1901. Panahon naman na gunitain natin ang mga tagumpay at hindi mga kabiguan. Dahil dito, muli nating pag-aralan ang ating kasaysayan, at maaaring mas makilala pa natin ang ating mga sarili, na maaaring humantong sa higit na pagkakaisa.

Dumaong sa Balangiga, Samar, ang tatlong opisyal at 71 sundalo ng Company C, 9th US Infantry noong Agosto 11, 1901 upang magtayo ng garison. Sila'y mga pawang beterano ng pagsusugpo ng Boxer Rebellion sa Tsina.

Pawang mga bigating opisyal at tauhan ng hukbong Amerikano ang ipinadala sa Balangiga. Ang pinuno ng Company C ay si Capt. Thomas Connel (gradweyt ng West Point noong 1894), at si Lt. E. C. Bumpus naman ang pangalawa sa kumand.

Sa kabilang dako naman, pinamunuan ni Heneral Vicente Lukban, tubong Labo, Camarines Sur, bilang gobernador-militar, ang mga lalawigan ng Samar at Leyte. Bilang makabayan, inuudyukan niya ang mga katutubo na magtiwala sa kanyang pamumuno at labanan ang mga mananakop.

Noon, ang poblasyon ng Balangiga ay may 200 kubong pawid lamang. Napakarumi ng Balangiga nang datnan ito ng Amerikano. Nagkalat ang mga basura, dumi ng hayop, at mataas ang mga damo. Bumabaligtad ang maselang sikmura ng mga Amerikano at hindi nila matiis ang ganito. Ang hindi nila alam, sinasadya ito ng mga tagaroon.

Kinausap ni Capt. Connel at ng kanyang mga nakababatang opisyal si Alkalde Pedro Abayan na mag-utos sa malulusog na kalalakihan ng Balangiga para maglinis. Ayon naman sa alkalde, may mga nakatira sa gilid-gilid ng bayan na may malaki pang pagkakautang sa buwis at makabubuting ang mga iyon na ang bihagin at sapilitang papagtrabahuhin sa paglilinis. Pumayag ang mga opisyal na Amerikano, at sinabihan pa ng isang sarhento ang alkalde na kumuha ng kahit gaano karaming mapipilit na maglinis. Iyon lamang pala ang hinihintay ni Hen. Lukban. Ang buong iskema pala ng karumihan at ng paglilinis na ginagamit ang mga taong kapos pa sa pagbabayad ng buwis ay pakana ng mga rebolusyonaryo. At kakampi pala nila ang buong taumbayan ng Balangiga.

Isang tauhan ni Hen. Lukban, si Kapitan Eugenio Daza, ay nagtungo sa Balangiga at lihim na nakipagpulong kay Abayan, sa hepe ng pulisya na si Valeriano Abanador, at sa kura-parokong si Padre Donato Guinbaolibot, upang planuhing mabuti ang pagsalakay sa mga mananakop.

Sa pulong, napagkaisahang isang sorpresang pagsalakay ang dapat isagawa upang maparalisa ang mga Kano. Ngunit may mga problema, gaya ng paano ipantatapat ang mga gulok at mga sibat sa mga ripleng Krag-Jorgensen at mga pistolang .45. Mahirap ding makapasok sa garison. Laging may pitong armadong nagbabantay.

Ang solusyon, isasagawa ang pagsalakay sa ikapito ng umaga, ang tanging oras na iniiwan ng mga sundalo ang kanilang mga riple sa barracks. Sa araw ng Linggo, merong pintakasi (sabong) sa bayan kung saan maraming mga bisita ang darating  at di mapapansin ang mga rebolusyonaryong nakasibilyan.

Ang mga aatakeng pwersa ay nasa 500 katao, na hinati sa pitong grupo, na may tigpipitumpung kasapi bawat grupo na magsasagawa ng kanya-kanyang trabaho. Ang unang limang grupo ay sa labas ng bayan at papasok lamang mula sa iba't ibang bahagi ng kabayanan pag narinig ang hudyat. Ang pang-anim na grupo ay itinalaga naman sa loob ng simbahan. Ang sangkatlo (1/3) nito ay papasok na nakadamit pambabae para hindi maghinala kung bakit walang babae sa loob ng simbahan. Magkukunwari silang nagsisimba.

Ang pampitong pangkat, na kinabibilangan ng mga lokal na pulis at mananabong, ay maghahati sa tatlo pang maliliit na pangkat. Ang una ang sasalakay sa mga sundalong Kano sa munisipyo. Ang pangalawa at pangatlo ay sa dalawang kubo kung saan ang mga sarhentong sina Betron at Markley, kasama ang kanilang mga platoon, ay nakabase. Si Hepe Abanador naman ang magtitiyak na ang grupong naglilinis sa mga daan ay mga bihasa sa gulok, dahil sila ang aatake sa mga Kano habang kumakain. Ang magdala ng mga dagdag na tao ay madali dahil humihingi lagi si Capt. Connel ng mga dagdag pang tao upang mapabilis ang paglilinis sa bayan. Si Hepe Abanador ang magbibigay ng hudyat ng paglusob at dito'y ikakalembang ang kampana.

Kinaumagahan, Setyembre 28, ganap na ikaanim at kalahati ng umaga, kampante at komportable pa rin ang mga sundalong Kano. Nag-aalmusal ang inaantok pang mga dayuhan, nagkukwentuhan, nagtatawanan, nagbabasa ng mga liham mula sa Amerika - may detalyadong balita tungkol sa asasinasyon kay Presidente William McKinley ilang linggo pa lang ang nakalilipas; at maraming kwentong nagmula sa kanilang pamilya. Tiwalang-tiwala ang mga mananakop na hawak nila ang sitwasyon sa Balangiga. Sa oras na iyon, tatlo lang ang bantay.

Dahan-dahang lumakad si Hepe Abanador sa tabi ng mga kubo ng mga sundalong Kano nang bigla niyang agawin ang riple ng isang bantay na Kano at hinampas ng riple ang ulo nito. Kasabay nito'y nagpaputok siya ng baril at sumigaw ng "Yana! Ngayon na!!!" Kaagad sumunod dito ang walang tigil na pagkalembang ng kampana ng simbahan. Buong bayan na ang nakarinig ng kalembang ng kampana at iyon na ang hudyat. Noon ibinuhos ng mga taga-Balangiga ang naipong galit ng mga mamamayan sa buong kapuluan na nang-agaw na nga sa kalayaang naipagwagi laban sa mga Kastila ay nagmalupit at nandarahas pa sa mga Pilipino.

Ang pintuan ng simbahan ay biglang bumukas at dito'y lumabas ang mga galit na Pilipinong may mga hawak na gulok. Ang iba'y pumaroon sa plasa, at ang iba nama'y sa kumbento. Ang mga naglilinis naman sa daan ay pumunta agad sa kainan at pinagtataga ng gulok, piko at pala ang bawat Kanong makita nila. Nasorpresa ang mga Kano. May mga nakapanlaban, may tumalilis patungong dagat at sumakay sa mga bangkang kung tawagin ay "barroto". Ang mga nanlaban ay napatay din. Ang mga tumakas ay hinabol at napatay din.

Sa kumbento, natagpuan ng mga sumugod ang pitong Kano, kasama ang tatlong opisyal. Si Griswold, ang siruhano, at si Lt. Bumpus ay napatay sa kanilang higaan. Kagigising lang ng nakapadyama pang si Capt. Connel. At para makaiwas sa mga umaatake ay tumalon siya sa bintana. Ngunit hindi pa rin nakawala sa mga nasa ibaba. Tinagpas ang kanyang ulo at inilagay sa apoy.

May mga bungong sumabog, mga katawang naluray. Talagang madugo at kahindik-hindik ang naganap na paniningil at labanan. Hindi sukat akalain ng pamahalaang Kano sa Washington o ng mga opisyal at sundalong ipinadala nila rito na ang mga Pilipino ay may kakayahang makalusot sa kanilang mga kaparaanang panseguridad at makaganting-salakay sa kanila.

Sa 74-kataong kabuuang pwersang Kano doon, 38 ang napatay agad, 30 ang malubhang nasugatan, walo rito ang namatay din paglaon, ang ilan ay nawala na sa kaguluhan. Ang mga armas ng mga Kano ay tinangay na ng mga kababayan nating nagwagi sa labanan, kabilang na rito ang 200,000 rounds ng amunisyon.

Ang pangyayaring ito ang isa sa mga pinakamalaking pagkatalo sa labaan ng hukbong Kano sa buong kasaysayan nito magpahanggang ngayon. Nagapi ng lakas ng taumbayan ang lakas ng pwersang militar ng pinakamakapangyarihan nuon sa mga bansang mananakop. Dahil sa tagumpay na ito, nagsagawa pa ng mga pagsalakay sina Heneral Lukban sa iba pang bahagi ng Samar.

Ngunit hindi pumayag ang pamahalaang Kano na hayaan na lamang mangyari iyon. Nagmasaker sila sa malalawak na lugar sa buong isla ng Samar at ginawang bahagi ng kanilang paghihiganti ang pagsamsam sa mga kampana ng Balangiga, kasama na ang ginamit na hudyat para sa matagumpay na operasyon ng taumbayan laban sa mga Kano.

"Take no prisoners! I want you to kill and burn. The more you will kill, the more you will please me." Ganito ang iniutos ni US Gen. Jacob "Howling" Smith ukol sa buong isla ng Samar. Sa sukdulang pagkaulol sa galit ng mga pwersang Kanong nasa Pilipinas nuong panahong iyon ay iniutos ng heneral na barilin ang sinumang gumagalaw, patayin ang sinumang may kakayahang magpaputok ng sandata, na ang inilinaw niyang pakahulugan ay patayin ang lahat ng may edad na sampung taong gulang pataas, lalaki man o babae.

Noong Pebrero 27, 1902, nahuli si Heneral Lukban. At dito nagtapos ang mga pananalakay ng mapagpalayang pwersa sa Kabisayaan.

Nakaganti ang mga Kano, ngunit huwag nating kalimutang napakalaki ng kabuluhan ng tagumpay ng Balangiga para hayaan nating ito'y makalimutan na lamang.

Mabuhay ang mga bayani ng Balangiga!

- Mga datos mula sa aklat na The Filipino Nation, Tomo IX
- Sinulat sa tanggapan ng KPML, Disyembre 15, 2005

Walang komento: