SETYEMBRE 16, 1991
Paninindigan ng Paglaya mula sa Kuko ng Agila
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Nalathala sa magasing Tambuli, Setyembre 2006, pp. 12-16.)
Sa ilang okasyon, tinanong ko ang ilan sa aking mga kakilala't kaibigan kung anong makasaysayang mga tagumpay ng mga Pilipino sa loob ng dalawampung taon ang kanilang natatandaan pa? Karamihan sa kanila ay mga guro, manggagawa, maralita, at simpleng tao. Kadalasan ng kanilang sagot sa akin ay ang People's Power o Edsa 1, na siyang nagpatalsik kay dating pangulong Ferdinand Marcos, at Edsa Dos, na nagpatalsik naman kay dating pangulong Erap Estrada. Ang sabi ko, meron pang isang mahalaga. Pero talagang nagkukunot sila ng noo. Nagtanong pa ang isa kung iyon ay Edsa Tres? Sabi ko, hindi.
May pahimaton (clue) akong binigay sa kanila. Ito'y hinggil sa kalayaan ng sambayanang Pilipino? May isang nakasagot. Isang aktibista. Tugon niya: ang Setyembre 16, 1991 na siyang pagpapatalsik sa base militar ng mga Amerikano sa Pilipinas.
Pero bakit nga ba parang hindi alam ng mga tao ang makasaysayang pangyayaring ito at tila unti-unting nakakalimutan.
Natatandaan ko pa, ilang taon na ang nakararaan, noong Setyembre 16, 1991, nang mapanood ko sa telebisyon ang balita hinggil sa desisyon ng labindalawang senador na maalis ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Umuulan noon at nais kong sumama sa rali, ngunit hindi maaari. Pagkat ako'y nagtatrabaho pa noon sa isang pabrika sa Alabang bilang press machine operator. Hindi ako nakasama, ngunit ang laki ng aking galak sa balitang bumoto ang 12 senador laban sa panibagong tratado na mag-i-extend pa ng sampung taon ang base militar. Ang iskor ay 12-11 (No-Yes).
Sa sumunod na araw ng Linggo, inilathala ng StarWeek, lingguhang magasin ng Philippine Star, ang kumpletong talumpati ng 23 senador hinggil sa kanilang paninindigan at dahilan ng pagboto ng "Yes" at "No". Isa iyong makasaysayang dokumento at collector's item. Ngunit dahil sa palipat-lipat ako ng tirahan, at maraming kaibigan ang may access sa aking mga aklat at magasin, ang nag-iisang kopya ko ng Starweek magazine na iyon ay hindi ko na nakita pa.
Ang dating Senado na pinangyarihan ng makasaysayang kaganapang ito ay nasa Maynila pa. Napapalibutan ang gusali ng Senado ng mga basang banner at streamers dahil nag-vigil pa kinagabihan ang mga anti-bases advocates at namalagi roon kinabukasan na araw ng botohan. At ang mga taong nagrarali sa labas, sa gitna ng ulan, ay naghumiyaw sa galak, tulad din ng iba pang nakabalita, nang malaman nilang tanggal na ang mga base militar sa Pilipinas.
Isang araw bago iyon, tiniyak na ng Senate Committee on Foreign Relations ang kapalaran ng panukalang tratado. Bumoto ito ayon sa Resolusyon Blg. 1259 ni Sen. Wigberto Tañada na hindi pakikipagkasundo sa "A Treaty of Friendship, Cooperation and Security" - ang mapanlinlang na pamagat ng panukalang tratado para mamalagi pa ng sampung taon pa ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Ang 12 senador na bumoto sa resolusyon ay sina Senate President Jovito Salonga, Senators Agapito "Butz" Aquino, Juan Ponce Enrile, Joseph, Estrada, Teofisto Guingona Jr., Sotero Laurel, Ernesto Maceda, Orlando Mercado, Aquilino Pimentel Jr., Rene Sagisag, Wigberto Tañada at Victor Ziga. Tiniyak ng pagbotong ito ang pagkamatay ng panukalang tratado na nangangailangan lamang ng walong botong "No" para tanggihan ito ng Senado. Dalawang-katlong (2/3) boto ang kinakailangan naman para manatili ang mga base militar.
Mula Setyembre 2 hanggang 6, 1991, nagsagawa ng araw-araw na public hearings, kung saan nagbigay ng opinyon ang iba't ibang tagapagsalita mula sa Philippine negotiating panel, myembro ng gabinete, opisyal ng Kagawaran ng Depensa, mga nasa academe, at mga eksperto sa relasyong Pilipinas-Estados Unidos. Kasama ring inimbita ang mga kinatawan ng unyon ng manggagawa, taga-simbahan, non-government organizations (NGOs) at peoples' organizations (POs). At mula Setyembre 7 hanggang 10, tinalakay naman ng Senate Committee on Foreign Relations sa ilalim ni Sen. Leticia Shahani ang tratado; at ang debate sa plenaryo ay isinagawa mula Setyembre 11 hanggang 15.
Sa kahuli-hulihang bahagi ng pagpupulong ng Senate committee, pinangunahan ni dating Pangulong Corazon Auino ang pagmartsa at rali sa Senado para sang-ayunan ang pananatili ng mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Siya ang kauna-unahang pangulo ng isang malayang bansa na nanawagang bumoto ng "Yes" ang mga senador. Ito'y isang akto na kahit ang kanyang sariling gabinete na nasa negotiating panel, si Alfredo Bengzon, ay ikinahihiya siya.
Ngunit paano nga ba ang nangyari na ang isang institusyong ang tingin ng marami ay maka-Amerika ay tumanggi sa panibagong tratado. May ilang sagot ang mga eksperto.
Una, mag nagsasabing magandang salubungin na malaya ang bansa sa anumang impluwensya ng dayuhan sa pagdiriwang ng sentenaryo ng kapanganakan ng bansa sa Agosto 24, 1996 at sa sentenaryo ng umano'y kalayaan ng bansa sa Hunyo 12, 1998.
Ikalawa, minaliit ng US ang post-Edsa Senate, na ang karamihang senador ay mga human rights lawyer o kaya'y mga dating detenido na lumaban sa rehimeng Marcos na suportado naman ng US.
Ikatlo, hindi na pinayagan sa bagong Konstitusyong 1987 ang pagdadala at pananatili ng mga armas-nukleyar sa Pilipinas, kung saan alam ng marami na laging may dala nito ang mga sasakyang-pandigma ng US saan mang panig ng mundo ito naroroon.
Noong ika-42 General Assembly ng United Nations, bumoto ng "Yes" ang Pilipinas sa 39 resolusyon mula sa 40 resolusyon hinggil sa pagtanggal ng mga armas-nukleyar (nuclear disarmament).
Nagtalumpati at bumoto ang 23 senador (hindi na kasama si Sen. Raul Manglapus na naitalaga na bilang kalihim ng foreign affairs) noong tag-ulan ng Setyembre 16, 1991, na nag-umpisa mula ika-9 ng umaga hanggang ika-8:13 ng gabi. Si Senador Jovito Salonga, na siyang namuno sa proceedings, ang siyang huling bumoto at nagpaliwanag ng kanyang boto. Ayon sa kanya: "Ang Setyembre 16, 1991 ang siyang araw na natagpuan namin sa Senado ang kaluluwa at tunay na diwa ng ating bansa dahil nag-ipon-ipon ang ating katapangan at hangaring wakasan ang pananatili ng mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Bumoboto ako ng "No" sa tratadong ito."
Ang makasaysayang pangyayaring ito ay hindi dapat mapunta sa kangkungan ng kasaysayan. Dapat itong malaman ng mas marami pang tao. Dapat itong ideklarang pista opisyal o holiday bilang paggunita sa pagpapasya ng mga Pilipinong tumayo sa sariling paa. Kung karamihan ng ginugunita natin sa ating kasaysayan ay pawang mga pagbagsak, tulad ng Disyembre 30 (pagbagsak ni Rizal), Agosto 21 (pagbagsak ni Ninoy), Abril 9 (pagbagsak ng Bataan), mas dapat nating gunitain ang tagumpay ng bansang Pilipinas - ang pagpapatalsik sa mga base militar ng Amerika sa bansa (Setyembre 16).
Malaki rin ang ginampanang papel ng mga aktibista at kilusang makabayan sa pagpapasya ng 12 senador para pumanig sa kinabukasan at tiwala na kayang tumindig ng Pilipino kahit walang suporta ang bansang Amerika.
Anong dapat nating gawin? Dapat kilalanin ang dakilang araw na ito sa pamamagitan ng pagpasa ng panukalang batas na kumikilala sa araw na ito. At ang manipestasyon ng pagkilalang ito ay kung gagawin itong pista-opisyal tulad ng Disyembre 30, Agosto 21, Hunyo 12 at Hulyo 4. Hikayatin natin ang ating mga kongresista na magpasa ng panukalang batas hinggil dito.
At ito'y maaari nating maisagawa sa pamamagitan ng pagsusulat ng liham bawat isa sa ating mga kongresista at senador, o kaya'y magpalabas din ng signature campaign na ihahain natin sa ating mga kongresista at senador upang mapwersa silang sulatin at balangkasin ang pagkilala sa Setyembre 16 kada taon bilang "Araw ng Paninindigan at Kalayaan".
Maghanda ang ating mga kababayan sa pagsuporta sa gagawing panukalang batas o "house bill" sa pamamagitan ng iba't ibang pagkilos, tulad ng forum, symposium, mobilisasyon, at mga pagdiriwang.
May kasabihan ngang "Ang di marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan." Kilalanin natin at unawain ang nagdaang kasaysayan upang matiyak nating tama ang ating tinatahak sa kasalukuyan. Ipatimo natin sa kamalayan ng kasalukuyan at mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino na tayo'y marunong manindigan para sa kapakanan, kinabukasan at kalayaan ng ating bansa. Halina't ipagdiwang natin ang tagumpay ng mga Pilipino.
Mabuhay!!!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento