Lunes, Nobyembre 17, 2008

Halina't Itanim ang Binhi ng Aktibismo

Paunang Salita sa librong TIBAK: Katipunan ng Panitikang Aktibista, Unang Aklat

Gregorio V. Bituin Jr., Editor


HALINA'T ITANIM ANG BINHI NG AKTIBISMO
SA PUSO'T DIWA NG BAWAT ISA

May aktibista dahil may kawalang katarungan. Tutunganga na lang ba tayo kahit inaapi na ang ating mga kababayan at kapatid? O tayo'y kikilos upang sila'y sagipin? Patuloy ang teroristang demolisyon ng tahanan ng mga maralita, patuloy ang mababang pasahod sa mga gumagawa ng yaman ng kapitalista, patuloy ang pagtataboy sa mga vendors na naghahanapbuhay ng marangal, patuloy na nabibilad sa sikat ng araw ang mga napakasisipag na magsasaka ngunit kapos pa rin sa pangangailangan ang kanyang pamilya, patuloy ang pagtataas ng matrikula taun-taon gayong karapatan at hindi negosyo ang edukasyon, patuloy ang pagtaas ng presyo ng gamot at nagpapagamot gayong karapatan ng bawat isa ang kalusugan, dumarami ang mga batang manggagawang dapat ay nasa paaralan habang walang makitang trabaho ang maraming nasa gulang na, at iba pa.

May aktibista dahil may pangangailangang tugunan ang iba't ibang kinakaharap na problema ng mga manggagawa, maralita, kababaihan, kabataan, magsasaka, maliliit na manininda, magniniyog, magtutubo, mangingisda, lumad, at iba pang aping sektor ng ating lipunan.

May aktibista dahil may nagsuri na mali ang sistemang kasalukuyan nating ginagalawan, na mali na may naghaharing iilan habang naghihirap ang higit na nakararami, na mali na umiiral ang kalagayang may mahirap at may mayaman. May aktibista dahil may naniniwalang dapat ipaglaban ang lahat ng ating karapatan, at ang karapatan ay hindi dapat gawing negosyo ng pamahalaan at ng mga kapitalista, tulad ng ating karapatan sa pabahay, pagkain, trabaho, kalusugan, at marami pang karapatang dapat kilalanin at igalang. May aktibista dahil nagdurugo ang ating puso kapag nakikita at nalalaman nating may naaapi at napagsasamantalahan. Hindi natin kayang manahimik at magbingi-bingihan sa bawat hikbi ng ating kapwa mahihirap.

May aktibista dahil may nagresponde sa panawagang kumilos laban sa gobyernong puno ng kurakot, laban sa pamahalaan ng katiwalian, laban sa sistemang mapagsamantala, laban sa mga taong sariling interes lamang ang nais manaig imbes na interes ng higit na nakararami.

May aktibista dahil patuloy na nabubuhay sa kadiliman ang ating bayan. Tungkulin ng bawat aktibistang akayin sa liwanag ang bawat nasa dilim. May aktibista dahil may taong prinsipyado, may makatarungang prinsipyong tinatanganan at ayaw pabayaan sa dilim ang kanyang kapwa. Prinsipyo niya'y makatao at internasyunalismo.

May aktibista dahil naniniwala siyang makakamit lamang ang kapayapaan sa daigdig kung makakamit ang hustisyang panlipunan para sa lahat.

May aktibista dahil hindi siya pasibo o tuod, kundi taong may pakialam sa kanyang kapwa tao. May aktibista dahil naniniwala siya sa pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, at ito'y ninanais niyang umiral sa bawat isa. May aktibista dahil mapagmahal siya sa kalikasan, at ayaw niyang mawasak ang mundong ito ng mga armas-nukleyar at mapamuksang elemento sa daigdig. May aktibista hangga't patuloy na umiiral ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika, hilaw na materyales, at lupa. Naniniwala siya at nakikibaka upang tiyaking maging pag-aari ng lipunan ang mga kasangkapan sa produksyon para sa kapakanan ng lahat, at di ng kakarampot na elitista lamang. May aktibista dahil may patuloy na mangangarap, kahit yaong mga di pa isinisilang ngayon, ng isang lipunang makatao, isang lipunang hindi pinaghaharian ng kapital, isang lipunang may pagkakapantay-pantay, isang lipunang walang uri.

Kung walang aktibista, lagi tayong nasa dilim, at patuloy tayong inaakay ng mga naghaharing uri sa kumunoy ng kahirapan. Patuloy pa ang kadiliman. Nananatiling sakbibi ng lumbay at dusa ang mga gumagawa ng yaman habang nagpapasasa sa yaman ng lipunan ang mga naghaharing iilan. May aktibista dahil naririto tayo. Aktibo, hindi pasibo. May pakialam sa mga nangyayari sa ating kapaligiran, sa ating pamayanan, sa ating bayan, sa lipunang ating ginagalawan.

Yaong mga tumutuligsa sa mga aktibista ay yaong mga naghaharing uri at mga elitistang ayaw itama ang kanilang mga pagkakamali sa kanilang kapwa. Yaong mga ayaw sa mga aktibista ay yaong mga gustong magkamal ng mas malalaking tubo at magpasasa sa pinaghirapan ng iba. Yaong mga tumutuligsa sa mga aktibista'y mga manhid sa hikbi ng masa, o kaya nama'y yaong ligaya na nilang mang-api ng kapwa. Dapat pang hilumin ang mga sugat na nalikha sa kaibuturan ng puso't diwa ng mga mahihirap, mga sugat na likha ng mga elitistang yumuyurak sa kanilang dangal at pagkatao, mga sugat na likha ng mapag-imbot na kapitalistang sistema, mga sugat na kung maghilom man ay mag-iiwan pa rin ng pilat ng nakaraan.

Mga kapwa aktibista, di tayo dapat tumigil hangga't di nagwawagi. Marami pang suliraning dapat tugunan. Ang mga karapatan ay dapat tamasahin ng lahat at di negosyo ng iilan. Patuloy pa ang kurakutan sa kabangyaman ng bayan. Kailangan pa ng mga aktibista para sa pagbabago.

Ang aklat na ito na katipunan ng mga akdang aktibista ay pagtalima sa pangangailangang tipunin ang iba't ibang akdang naglalarawan ng buhay at pakikibaka ng mga tibak (aktibista). Nawa'y makapagbigay ito ng liwanag sa mga pusong inaagiw na sa pag-iimbot, mga matang mapangmata sa maliliit, sa mga tengang laging nagtetengang kawali sa mga daing ng maralita, sa mga nangangakong laging pinapako ang kanilang sumpa pag naupo na sa poder, sa mga walang awa.

Hindi namin aasahang magustuhan nyo ang mga akdang naririto, ngunit pag iyong binasa'y tiyak na inyong malalasahan sa kaibuturan ng inyong puso't isipan ang mga mapagpalayang adhikaing nakaukit sa bawat akda.

Halina't itanim natin ang binhi ng aktibismo sa bawat isa.

Walang komento: