Huwebes, Nobyembre 13, 2008

Lipunang Makatao

LIPUNANG MAKATAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
mula sa editoryal ng Taliba ng Maralita, Tomo VIII, Blg. 2, Taon 2003

Maraming bayani na ang bumagsak, ang iba'y kinilala at ang karamiha'y limot na, dahil sa paghahangad ng isang lipunang makatao. Bumagsak sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Ninoy Aquino at Popoy Lagman, dahil sa pakikipaglaban para sa isang lipunang sadyang makatao.

Matagal nang hinahangad ng sambayanan ang isang makataong lipunan. Lipunang tunay na kakalinga sa masang maralita at mga maliliit. Lipunang ang mga mamamayan ay mayroong pampulitika at pang-ekonomyang kapangyarihan na nagbubunga ng tunay na demokrasya, pagkakapantay-pantay ng kasarian, kaunlaran para sa lahat at maayos na kapaligiran. Isa itong makabuluhang pangarap. At sino ang aayaw sa isang lipunang makatao? Wala, o maaaring wala.

Ngunit may lipunang makatao ba kung meron pa ring naghaharing uri at elitista na siyang nagsasamantala sa kahinaan ng mga maliliit? May lipunang makatao ba kung may iilang yumayaman habang ang nakararami ay patuloy na naghihirap? Makatao ba ang lipunan kung sa panahon ng emergency ay hihingan ka muna ng bayad bago magamot sa ospital? Makatao ba ang lipunan kung laging kinakabahan ang mga maralita dahil sa nakaambang demolisyon? Makatao ba ang lipunan kung walang katiwasayan ang isipan ng mga manggagawa o empleyado dahil sa kontraktwalisasyon at kaswalisasyon? Makatao ba ang lipunan kung ang pangunahing nasa isipan ng mga namumuno ay puro tubo, imbes na kapakanan ng tao?

Sa lipunang makataong ating inaasam, ang mga taong maysakit, naghihingalo, o nasa emergency, ay hindi na tatanungin ng ospital kung may pera ang pasyente o wala bago siya magamot. Ang mga manggagawa, na siyang gumagawa ng ekonomya ng bansa at dahilan ng kaunlaran ng lipunan, ay hindi siyang nagugutom, Wala nang kontraktwalisasyon o kaswalisasyon na ang nakikinabang lang ay mga tusong ahensya. Ang mga bata ay papasok sa skwela nang hindi gutom kaya madaling papasok sa kanilang isipan ang mga pinag-aaralan. At lahat ng kabataan ay makakapag-aral nang anumang kursong nais nila na sagot ng lipunan. Ang mga maralita ay makakakain ng sapat, may kabuhayan at may maayos na tirahan. Sa lipunang ito'y kikilalanin ang pantay na karapatan ng mga kababaihan.

Hindi tayo nangangarap ng lipunang makatao sa kabilang buhay, kung meron man, kundi habang tayo'y nabubuhay. Ipinaglalaban natin ang isang lipunang makatao ngayon para sa kapakinabangan ng lahat at ng mga susunod pang henerasyon.

Ngunit ang tagumpay na ito ay para sa isang totoong lipunang makatao ay sinasagkaan mismo ng kasalukuyang kapitalistang sistema, ang sistema kung saan ang pangunahin ay tubo kaysa tao. Ayaw ng mga elitista't burgis ng tunay na lipunang makatao, dahil tiyak na hindi na sila makapaghahari-harian o makakapagreyna-reynahan. Ayaw ng mga kapitalista ng lipunang makatao dahil sagabal ito sa kanilang pagkakamal ng limpak-limpak na tubo. Hangga't umiiral ang kasakiman sa tubo, hangga't may dahilan para umiral ang kasakiman sa tubo, hangga't umiiral ang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang ugat ng pagsasamantala, mananatiling pangarap na lang ang minimithing ganap na lipunang makatao.

Magaganap lamang ang isang lipunang makatao kung mapapalitan ang bulok na sistemang kapitalismo ng isang lipunang tunay na kakalinga sa lahat at papawi sa ugat ng pagsasamantala - ang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon. Magaganap lamang ang isang lipunang makatao sa pag-iral ng isang lipunang sosyalismo.

Mag-organisa.

Walang komento: