CRISANTO EVANGELISTA
Bayani, Lider-Manggagawa, Internasyunalista
Sinaliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 40, Enero 2009, pahina 7
Isa sa mga magigiting na bayani ng uring manggagawa sa Pilipinas at sa buong mundo si Crisanto “Ka Anto” Evangelista. Si Ka Anto ay lider ng uring manggagawa, anti-imperyalista, internasyunalista, makata, manunulat at mananalumpati.
Dahil sa kagitingan at malasakit niya para sa pagsulong ng adhikain ng uring manggagawa, nagsasaliksik at naghahanda ng isang makabuluhang aklat na nagsisiwalat ng buhay at mga sulatin ni Ka Anto ang Aklatang Obrero Publishing Collective, na inaasahang mailulunsad sa darating na Mayo Uno bilang pagpupugay at pagpapaalala kay Ka Anto. Ngunit sino nga ba si Crisanto Evangelista.
Isinilang si Crisanto “Ka Anto” Evangelista sa Meycauayan, Bulacan noong Nobyembre 1, 1888. Siya ang pangkalahatang kalihim ng Union Impresores de Filipinas noong 1906 at naging tagapangulo nito noong 1918. Sa kanyang pamumuno, matagumpay na naisagawa ang mga collective bargaining agreements (CBA) bilang bahagi ng pakikipaglaban ng uring manggagawa para sa makatwirang dagdag na sahod at kabuhayan.
Dahil sa lumalalim na pag-unawa at paninindigan para sa uring anakpawis, naisulat ni Crisanto ang 16-estropang tulang may pamagat na Sigaw ng Dukha noong 1913. Binigkas niya ito sa isang programa ng pagdiriwang sa ikalawang taon ng Kapisanang Damayang Mahihirap.
Siya’y naging tagapagtatag at organisador ng pederasyong Congreso Obrero de Filipinas (COF) noong 1913.
Naniniwala rin si Ka Anto sa diwa ng internasyunalismo, at ito’y mababasa sa sinulat niyang manipestong Nasyunalismo-Proteksyunismo vs. Internasyunalismo-Radikalismo. Ayon kay Ka Anto: "Ang magsabing ang Pilipinas ay mabubuhay nang hindi lalabas sa guhit ng kanyang pagkabansa, o hiwalay sa malawak na daigdig, kung di man mga lorong natutong magsalita dahil sa pinutlan ng dila ng nakabiling panginoon, ay mga tunay na karilyong may pising nagpapagalaw sa dakong likod. Iyan ang dahilan kaya kami naging Internasyonalista; kaya kami nakikipagtalastasan, nakikipag-kaibigan at nakikitulong sa pandaigdig na kilusang manggagawa. Ang kalaban ng ating bayan, maging sa gawi ng ekonomika at maging sa dako ng pulitika ay hindi pambansa lamang kundi pandaigdig. Kung pandaigdig, kailangan nating humanap ng paraan upang makiisa sa mga kilusang pandaigdig na kalaban ng imperyalismong internasyonal. Dapat tayong makiisa sa mga tulad nating kolonya, makipag-unawaan, makisama, makipagkaibigan at makipagtulungan sa mga manggagawa sa mga bansang kapitalista at imperyalista upang sa pamamagitan ng pagtutulungan at sabay-sabay na paglaban ay mapapanghina natin ang imperyalismong pandaigdig na kalaban ng ating bayan, lahat ng kolonya at ng kanilang mga manggagawa at magbubukid na kalahi at kababayan."
Maging ang pamahalaan (sa hindi sinasadya) ay nagbigay papuri sa panulat ni Ka Anto. Sa isang patimpalak sa sanaysay na inilunsad ng Kawanihan ng Paggawa, sumali si Evangelista at nagwagi ng natatanging gantimpala ang kanyang sanaysay na pinamagatang "Kung Alin-alin ang mga Paraang Mabisa sa Ikalalaganap ng Unyonismo sa Pilipinas" sa ilalim ng alyas na Labor Omnia Vinci (kumilos para sa tagumpay ng lahat).
Sa pamumuno ni Ka Anto at ni Antonio Ora, itinayo ang Katipunan ng Anakpawis sa Pilipinas (KAP) noong Mayo 12, 1929. Natipon dito ang may 130 delegado mula sa 22 unyon at asosasyon, mga samahang magsasaka sa ilalim ng Kalipunang Pambansa ng mga Magsasaka sa Pilipinas (KMMP), kinalaunan ay pati mga manggagawa ng tabako.
Inihanda ng KAP, sa isang mapanubok na panahon, ang masang manggagawa't magsasaka para itatag ang isang partido pulitikal ng masang anakpawis na nakipaglaban para sa pambansang kalayaan.
Sa pagsulong ng makauring kamalayan ng mga manggagawa, sa pangunguna ni Ka Anto ay itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong 1930, sa bandila ng Marxismo-Leninismo. At bilang isang rebolusyonaryong kilusan ng uring manggagawa, nilayon ng PKP na pabagsakin ang imperyalismong Estados Unidos at isulong ang sosyalistang rebolusyon.
Dahil sa pagsulong ng militanteng kilusang manggagawa, at sa pagnanais ng kolonyal na pamahalaang Amerikanong pahupain ang pagkilos ng mga manggagawa, hinirang ni Manuel L. Quezon si Ka Anto sa Misyong Pangkalayaan bilang kinatawan ng uring manggagawa. Sa halip na umasa sa Estados Unidos, umugnay si Ka Anto sa mga sosyalistang lider-manggagawa ng Amerika. Sa kanyang pagbalik sa Pilipinas, tangan niya ang syentipikong sosyalistang teorya ng pagbabago sa lipunan.
Sa panahong ito, sinulat ni Ka Anto ang manipestong Manggagawa: Ano ang Iyong Ibig? Binalangkas at binuod niya dito ang mga kahilingan ng proletaryado sa aspetong panlipunan at pangrelihiyon.
Noong Enero 25, 1942, sabay-sabay na pinaghuhuli ang pangunahing lider komunista na sina Ka Anto, Pedro Abad Santos, Guillermo Capadocia, Del Rosario at Dr. Anchahas at ikinulong sila sa Fort Santiago. Pinahirapan at pinatay sina Ka Anto at Del Rosario ng mga Hapon. Pinalaya pagkatapos ng ilang taon sina Abad Santos, Capadocia at Dr. Anchahas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento