ni Greg Bituin Jr.
Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 13, Pebrero 2004, pahina 7
Ang artikulong ito'y isang panimula sa isang malaliman at mahabang pag-aaral, pananaliksik at pagtalakay sa pag-usbong ng panitikang sosyalista sa Pilipinas. Marami pang mga dapat saliksikin at basahing mga panitikang sosyalista na gumiya at nagmulat sa mga manggagawa.
Mahalaga, hindi lamang noon, kundi magpahanggang ngayon, ang pag-aralan ang panitikan, dahil ito'y repleksyon ng umiiral na sistema at kultura ng panahong isinulat iyon. Ang panitikan ay nagsilbing daluyan ng pagmumulat at isa sa mga epektibong paraan ng pagkokomento sa lipunan at pagpoprotesta laban sa inhustisya. Ang ilan sa mga panitikang ito'y epiko, korido, tula, dula, pabula, parabula, kwentong bayan, at awit.
Ang kauna-unahang nobelang sosyalista sa Pilipinas ay ang Banaag at Sikat na sinulat ni Lope K. Santos, isang manunulat at lider ng Union del Trabajo de Filipinas (UTF). Dalawang taon itong sinerye sa arawang pahayagang Muling Pagsilang noong 1905, kung saan nakatulong ito sa pagmumulat ng mga manggagawa. Nalathala ito bilang isang aklat noong 1906.
Ayon sa manunulat na si Alfredo Saulo, "Si Crisanto Evangelista noo'y isang lider ng unyon sa planta ng Kawanihan ng Palimbagan, ay walang dudang naakit ng nobela ni Santos at nasimsim ang damdaming maka-sosyalista ng Banaag at Sikat." Si Evangelista ang nagtayo ng Union de Impresores de Filipinas noong 1906, at isa sa nagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong 1930.
Idinagdag pa ni Saulo na ang Banaag at Sikat ay "isang matibay na pagpapatunay na ang ideyang sosyalismo o komunismo ay matagal nang 'kumalat' sa Pilipinas bago dumating dito ang mga ahenteng Komunista na galing sa Amerika at Indonesya, at nagpapabulaan din sa sabi-sabi na ang mga dayuhan ang nag-umpisa ng Komunismo sa Pilipinas." Tinutukoy ni Saulo rito ang mga banyagang komunistang sina William Janequette ng Amerika at si Tan Malaka ng Indonesya na dumating sa bansa noong 1930s.
Isa pang popular na nobelang naglalarawan ng tunggalian ng kapital at ng paggawa ay ang nobelang Pinaglahuan (1907) ni Faustino Aguilar. Tinukoy sa nobela na ang mga bagong kaaway ng manggagawa ay ang alyansa ng mga Amerikanong kapitalista at ng mga mayayamang Pilipinong kolaborator. Ang aklat na ito'y muling inilathala ng Ateneo Press sa kulay pulang pabalat noong 1986 at ikalawang paglilimbag noong 2003.
Ang isa pa ay ang nobelang Bulalakaw ng Pag-asa na sinulat ni Ismael A. Amado na nalimbag noong 1909 kung saan tinalakay sa istorya na iisa lamang ang nakikitang lunas sa kadilimang bumabalot sa lipunan, at ito'y rebolusyon. Muli itong inilimbag ng University of the Philippines Press noong 1991 sa kulay itim na pabalat.
isinulat naman ni Aurelio Tolentino ang dulang Bagong Kristo (1907), kung saan naglalarawan ito ng tunggalian ng mayayaman, gubyerno at simbahan laban sa mga manggagawa. Masasabing ito ang naghawan ng landas upang maisulat ni Lino Gopez Dizon ang Pasion Ding Talapagobra (Pasyon ng mga Manggagawa) na lumaganap sa Pampanga noong 1936 at pumalit sa tradisyunal na pasyon. Dito, ang manggagawa ang bagong Kristong nagpapasan ng kurus ng kahirapan na naghahanap ng katarungan sa lipunan.
Kakikitaan naman ng mga sosyalistang adhikain ang mga nobelang Luha ng Buwaya (1962) at Mga Ibong Mandaragit (1969) ng national artist na si Gat Amado V. Hernandez.
Nauna rito, nariyan din ang panitikang Katipunero na sinulat nina Gat Andres Bonifacio at Gat Emilio Jacinto. Sa aklat na Panitikan ng Rebolusyon(g 1896) ni Virgilio S. Almario, may siyam na sulatin si Bonifacio (1 tulang Kastila, 5 tulang Tagalog, 1 dekalogo, 2 sanaysay) habang si Jacinto naman ay may anim na akda at isang koleksyon (2 pahayag, 1 tulang Kastila, 1 maikling kwento, 2 sanaysay, at ang koleksyong "Liwanag at Dilim" na may 7 sanaysay). Bagamat hindi direktang litaw sa mga akdang Katipunero ang kaisipang sosyalista, mababanaag naman dito ang sinapupunan ng sosyalistang literatura.
Naputol ang ganitong mga akdang sosyalista nang lumaganap ang mga nasyonalistang panitikan matapos ang digmaan laban sa Hapon, noong diktaduryang Marcos, hanggang sa ngayon. Katunayan, bihira nang makakita ng mga panitikang sosyalista pagkat ang laganap ngayon sa mga tindahan ng aklat ay mga makabayang panitikan at iba't ibang pocketbooks na tumatalakay sa pag-ibig, katatakutan, aksyon, atbp. Ngunit ang mga panitikang seryosong tumatalakay sa tunggalian ng uri sa lipunan ay bihira. Nalalagay lamang ang mga ito sa mga aklat-pangkasaysayan at aklat-pampulitika na ang karaniwang nagbabasa ay mga intelektwal, at hindi ang masa. Gayong dapat na ang masa ang pangunahing magbasa ng mga ito para sa paglaya mula sa kahirapan at para sa pagnanasa nilang pagbabago sa lipunan.
Kailangan ng mga bagong panitikang sosyalista sa panahong ito. At ito ang hamon sa mga manunulat ngayon: angipagpatuloy ang pagpapalaganap ng mga sosyalistang panitikan na magsisilbing giya sa mga kabataan at manggagawa ng susunod na henerasyon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento