Lunes, Pebrero 2, 2009

Ang Pulang Pasyon

ANG PULANG PASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 14, Marso 2004, pahina 7


Isa sa pinakamahalagang ambag sa paglaganap ng sosyalismo sa Pilipinas ang Pasion ding Talapagobra (Pasyon ng mga Manggagawa) na sinulat ni Lino Gopez Dizon noong 1936. Tinatawag din itong Pulang Pasyon dahil sa paglalantad nito ng mga katiwalian sa lipunan at panawagang baguhin ang bulok na sistemang kapitalismo. Tulad ng orihinal na pasyon, ang Pulang Pasyon ay nasa anyong dalit (tulang may walong pantig bawat taludtod) at may limang taludtod bawat saknong. Nasusulat ito sa Kapampangan, merong 794 na saknong (3,970 taludtod) at binubuo ng tatlumpung kabanata. Umaabot ito ng 108 pahina kung saan ang orihinal na bersyong Kapampangan ay may katapat na salin sa Tagalog. Sa haba nito, halos dalawang araw itong inaawit sa Pabasa pag mahal na araw. Sa Pulang Pasyon, ang manggagawa ang bagong Kristong nagpapasan ng krus ng kahirapan, na nananawagan ng pagkakaisa ng uring manggagawa at pagbabalikwas laban sa kapitalismo.

Lumaganap ang Pulang Pasyon sa maraming bahagi ng Pampanga noong 1930s at pumalit sa tradisyunal na pasyon. Hanggang sa ang pagbasa nito’y ipinagbawal at sinumang may hawak nito’y pinagbantaang darakpin at ikukulong. Kaya ang iba’y ibinaon sa lupa ang kanilang mga kopya. Ngunit may ilang liblib na baryo sa Pampanga ang binabasa pa rin hanggang ngayon ang ilang bahagi ng Pulang Pasyon tuwing mahal na araw. Nasulat ang Pulang Pasyon sa panahong umiiral pa ang Partido Socialista ng Pilipinas (PSP) bago pa nagsanib ang PSP at Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).

Makikita sa Pulang Pasyon ang pagsasanib ng dalawang pananaw: ang Kristyanismo at ang Sosyalismo. May katwiran ang ganito pagkat sa matagal na panahon sa kasaysayan ng Pilipinas, ginamit ng mayayaman, gubyerno at simbahan ang Kristyanismo bilang instrumento ng pang-aapi at pagsasamantala sa mga maliliit, laluna sa mga manggagawa't dukha.

Ayon nga sa isang lider-rebolusyonaryo, "Kung tatanggalin sa Bibliya ang tabing ng mistisismo na pinambalot dito ng Simbahan, matutuklasan mo ang maraming ideya ng Sosyalismo."

Bagamat hindi hinggil kay Kristo ang Pulang Pasyon, naroon siya sa introduksyon kung saan tinalakay ang kalbaryo ng mga naghihirap na "talapagobra" o manggagawa. Katunayan, ang pamagat ng Kabanata I ay “Si Kristo ay Sosyalista”, ang Kabanata IV naman ay “Laban kay Hesukristo ang Pamahalaang Kapitalista”. Ang Pulang Pasyon, bilang isa ring malalimang pagsusuri sa sistemang kapitalismo, ay nagpapaliwanag na ang mga nangyayaring kaguluhan sa lipunan ay di gawa-gawa ng mga "leptis" (makakaliwa) kundi bunga ng pang-aapi't pagsasamantala.

Mahigpit ding tinuligsa ng Pulang Pasyon ang gobyerno’t simbahan, pagkat bukod sa pagkampi sa mayayaman, sila rin ang nagdulot ng matinding kahirapan sa mga gumagawa ng yaman ng lipunan. Patunay ang Kabanata VI – “Ang Papa, Kalaban ang Mahihirap” at Kabanata XIII – “Ang mga Kura at Pari ang Nagpapatay sa mga Bayani ng Pilipinas”.

Makikita ang prinsipyong sosyalista sa bawat kabanata ng Pulang Pasyon, tulad ng apoy ng himagsik laban sa bulok na sistema, tunggalian ng uri, at ang tungkulin ng manggagawa bilang sepulturero ng kapitalismo. Tunghayan natin ang ilan sa mga pamagat ng bawat kabanata: Kabanata X – “Ang Kapitalismo ang Pinagbuhatan ng Gutom, Gulo at Patayan”; Kabanata XV – “Ang Kaligtasan ng Manggagawa Galing Din sa Kanila”; Kabanata XXI – “Sino ang Nagpapasilang ng Rebolusyon?”; Kabanata XXVI – “Karamihan sa mga Dukha Di Namamatay sa Sakit – Namamatay sa Kahirapan”; Kabanata XXVII – “Di Hamak na Mahalaga ang Kalabaw Kaysa Kapitalistang Nabubuhay sa Hindi Niya Pinagpawisan”; at Kabanata XXVIII – “Hindi Tamad ang mga Manggagawa”.

Halina’t ating basahin ang ilang saknong sa Pulang Pasyon.

Saknong 14 – Hinggil sa pagtanghal kay Kristo bilang sosyalista:

Manibat king pungul ya pa
Mibait at meragul ya
Anga iniang camate na,
Iting guinu mekilala
Talaga yang socialista.
(Mula nang sanggol pa
Pinanganak at lumaki siya
Hanggang sa mamatay na
Panginoo’y nakilala
Tunay siyang sosyalista.)


Saknong 243 – Hinggil sa tunggalian ng uri at rebolusyon:

Ngening ilang panibatan
Ning danup ampon caguluan
Calulu mipacde tangan
Isaldac la ring mayaman
Itang talan cayupapan.
(Kung sila ang pinagbuhatan
Ng kagutuman at kaguluhan
Gumising tayo mahihirap,
Ibagsak ang mayayaman
Hawakan natin ang kapangyarihan.)


Saknong 514 – Kung saan napunta ang bunga ng paggawa:

Sasabian ding socialista
Ing angang bunga ning obra
King capital metipun na,
Gabun, cabiayan, at cualta
Kimcam ding capitalista.
(Sinasabi ng mga sosyalista
Lahat ng bunga ng paggawa
Naipon na sa kapital,
Lupa, kabuhayan at pera
Kinamkam ng mga kapitalista.)


Saknong 534 – Hinggil sa kabulukan ng sistema ng lipunan:

Uling ing kecong sistema
Sistema capitalista
Pete yu ing democracia
Ing malda mecalinguan ya
Mi-favor la ring macualta.
(Dahil ang inyong sistema
Sistemang kapitalista
Pinatay n’yo ang demokrasya
Kinalimutan ang madla
Pumabor sa makwarta.)


Saknong 791 – Panawagan sa manggagawa bilang uri:

Ibangan taya ing uri
Sicmal da ding masalapi
A ligmuc da king pusali
Alang-alang caring bini
Caring anac tang tutuki.
(Ibangon natin ang uri
Na sinakmal ng mga masalapi
At inilugmok sa pusali
Alang-alang sa mga binhi
Sa mga anak nating darating.)


Ang Pulang Pasyon ay muling inilathala ng University of the Philippines Press sa aklat na “Mga Tinig Mula sa Ibaba” (Kasaysayan ng Partido Komunista ng Pilipinas at Partido Socialista ng Pilipinas sa Awit, 1930-1955) ni Teresita Gimenez Maceda.

Walang komento: