ANG AWITING “BABAE” NG INANG LAYA
ni Greg Bituin Jr.
Isa sa inaawit lagi ng Teatro Pabrika sa mga rali, lalo na pag Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ang awiting "Babae" ng grupong Inang Laya. Mapagmulat. At magaling ang pagkakahanay ng mga pangalan. Alam na alam nila ang kanilang tinutukoy. Ang mga babaeng mahihina sa awit ay tumutukoy sa mga inimbentong pangalan, habang ang mga babaeng palaban at may paninindigan ay batay naman sa mga totoong tao, mga babaeng nagsakripisyo para sa kalayaan ng bayan. Halina't suriin natin at damahin ang awiting "Babae".
Babae
Awit ng Inang Laya
Kayo ba ang mga Maria Clara
Mga Hule at mga Sisa
Na di marunong na lumaban?
Kaapiha’y bakit iniluluha?
Mga babae, kayo ba’y sadyang mahina?
Kayo ba ang mga Cinderella
Na lalake, ang tanging pag-asa?
Kayo nga ba ang mga Nena
Na katawan ay ibinebenta?
Mga babae, kayo ba’y sadyang pangkama?
Ang ating isip ay buksan
At lipuna’y pag-aralan,
Ang nahubog ninyong isipan
At tanggaping kayo’y mga libangan
Mga babae, ito nga ba’y kapalaran?
Bakit ba mayroong mga Gabriela
Mga Teresa at Tandang Sora
Na di umasa sa luha’t awa?
Sila’y nagsipaghawak ng sandata
Nakilaban, ang mithiin ay lumaya.
Bakit ba mayrong mga Lisa
Mga Liliosa at mga Lorena
Na di natakot makibaka
At ngayo’y marami nang kasama?
Mga babae, ang mithiin ay lumaya!
Pagtatanong ang padron ng awit. Tinatanong nila ang mga kababaihan kung kaninong mga sikat na babae sila maaaring ikumpara.
Kapansin-pansin na sa limang saknong ng awit, ang unang dalawang saknong ay pawang negatibo para sa kababaihan - di marunong lumaban, lumuluha, mahihina, lalaki ang tanging pag-asa, ibinebenta ang katawan, sadyang pangkama. Ngunit ang matingkad dito, ang mga kahinaang ito ng babae ay batay sa mga sikat ngunit imbentong pangalan. Ang unang saknong ay mula sa nobela ni Rizal, habang ang ikalawang saknong naman ay mula sa isang fairy tale at isang awit. Di kaya dapat iprotesta ng mga kababaihan ang mga nobela ni Rizal dahil inilalarawan sila dito bilang mahihinang nilalang?
Sa huling dalawang saknong, pawang totoong babae na sa kasaysayan ang nakahanay. Sa ikaapat na saknong ay mga bayani ng panahon ng pakikibaka sa mga Kastila, sina Gabriela Silang ng Ilocos, si Teresa Magbanua ng Iloilo, at si Melchora Aquino o Tandang Sora sa Maynila. Habang sa ikalimang saknong ay mga martir na babae sa panahon ng batas-militar, sina Lisa Balando, Liliosa Hilao at Lorena Barros.
Sa kabuuan, magaling sa propaganda ang nag-compose ng awit kung pagbabatayan ang mga pangalan ng mga babae. Ang kahinaan ng kababaihan ay mula sa mga babaeng inimbento habang ang kanilang kalakasan naman ay mula sa halimbawa ng mga totoong babae sa kasaysayan. Kaya kung "ang isip ay bubuksan, lipuna'y pag-aralan" tulad ng sinasabi sa ikatlong saknong, mahuhubog ang kanilang isipan na hindi ang mga popular na babae sa nobela ni Rizal ang halimbawa ng kababaihan, kundi ang mga bayaning babae sa kasaysayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento