Sabado, Hulyo 11, 2009

Ang Maralita Bilang Uring Proletaryado

ANG MARALITA BILANG URING PROLETARYADO
ni Gregorio V. Bituin Jr.


Maraming maralita ang nagtatanong kung bakit isinisigaw natin sa mga rali ay "uring manggagawa, hukbong mapagpalaya", gayong hindi naman daw sila manggagawa. Wala daw silang pirming trabaho, di tulad ng mga manggagawa na swelduhan.

Una kong napuna ang sentimyentong ito sa isyu ng P125 nang magrali kami sa Kongreso upang hilingin ang pagpapasa ng batas hinggil sa P125 dagdag na sahod ng mga manggagawa. Mga bandang 2003 yata ito, kung hindi ako nagkakamali.

Sabi ng mga maralita, "Nasaan ang mga manggagawa? Bakit tayong mga maralita ang sumisigaw na itaas ang sahod, gayong wala naman tayong sahod. Ano ang itataas sa atin? Hindi natin ito isyu." Sa raling iyon kasi, mas marami ang maralitang nagrali kumpara sa mga manggagawa.

Sa ilan sa aming mga talakayan, lagi nilang itinatanong kung maituturing ba silang manggagawa. Maralita sila at walang sahod, katwiran nila. Ako naman ay nagsasabing bilang maralita, bahagi tayo ng uring manggagawa. Pero sa pagpapaliwanag sa kanila, kailangan talagang ipaliwanag ito ng masinsinan at hindi simple lang na sabihing "Ang manggagawa ay umuuwi sa mga komunidad at ang mga maralitang may trabaho ay manggagawa." Dahil kasabay nito'y ihihirit nilang muli, "Bakit tayong maralita, sumasama sa mga pagkilos ng mga manggagawa, pero pag tayong maralita ang dinedemolis, wala naman dito ang mga lider-manggagawa. Paano natin mapapatunayan na sila nga ang hukbong mapagpalaya?"

Matitindi ang mga tanong. Ngayon ngang 2009, ilang araw lang ang nakararaan ay muli itong naging paksa ng mga maralita, kaya obligadong talakayin ito ng isang lider-manggagawa sa pulong ng mga pinuno ng lider-maralita. Kinakailangan talagang patindihin pa ang edukasyon o pagpapaunawa ng diwa ng uring manggagawa sa lahat ng sektor.

Kailangan talagang magagap ng maralita na pag sinabi nating manggagawa, hindi ito tumutukoy lamang sa mga manggagawa sa pabrika. Ito'y Marxistang termino na tumutukoy sa relasyon sa pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon tulad ng makina, pabrika, lupain at mga hilaw na materyales. Dahil Marxistang termino, hindi ito depinisyong taal sa Pilipinas. Obligadong ipaunawa sa kanila bakit lumitaw ang ganitong termino, at bakit natin sinasabing manggagawa ang mga maralita, mangingisda, at maliliit na manininda o vendors, at iba pang aping sektor, kahit hindi sila nasa pabrika.

Isa sa mga pulitikang pag-aaral na ibinibigay sa mga maralita ang ARAK o Aralin sa Kahirapan. Dito'y pinag-aaralan ang mga pinagdaanang lipunan ng tao sa kasaysayan.

Una, sa panahon ng primitibo komunal, kung saan ang mga tao mula sa iba't ibang tribu'y kolektibong namumuhay at nagsasalu-salo sa mga pagkaing kanilang nakukuha.

Lumitaw ang lipunang alipin nang inalipin ng mga malalakas na tribu ang mahihinang tribu. sa panahong ito nagawa ang Great Wall sa Tsina, Pyramid sa Ehipto, at ang Taj Mahal sa India na pawang produkto ng mga alipin. Naging pag-aari ng panginoong may-alipin ang mga alipin.

Nang matuto ang tao ng pag-aagrikultura at inari na ng tao ang lupa, lumitaw ang panginoong maylupa at ang mga walang pag-aari ay nagtrabaho bilang magsasaka. Ito ang lipunang pyudal. Ang sistema dito'y hatian ng produkto sa pagitan ng may-ari ng lupa at ng walang lupang magsasaka, na ang ibinenta ay ang kanilang lakas-paggawa.

Dahil nang panahong iyon ay may salapi na bilang gamit sa pagpapalitan ng mga kalakal, na siyang sistema ng mga mangangalakal ng panahong iyon, lumaganap ang paggamit ng salapi bilang kapalit ng serbisyo.

Kasabay ng paglitaw ng Rebolusyong Industriyal, unti-unti na ring napalitan ang hatian ng produkto sa lupa, na imbes na palay ang kapalit ay salapi na. Unti-unti nang napalitan ang lipunang pyudal ng sistemang kapitalismo. Malaki ang papel na ginampanan ng mga mangangalakal o merchant upang maipakilala ng unti-unti ang sistemang ito. Pati na ang palitan ng kalakal gamit ang pera, at pagbibigay ng pera kapalit ng serbisyo o lakas-paggawa. Kaya para ka magkapera, kung wala kang kapital, ang ibenta mo ay ang iyong lakas-paggawa kapalit ng katumbas na salapi sa bilang ng oras bawat araw. Halimbawa, inupahan ka ng walong oras bawat araw, ang salaping ibibigay sa iyo ay tinatawag na sahod.

Sa lipunang kapitalismo, nariyan ang mga may-ari ng mga kagamitan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika, hilaw na materyales at malalaking lupain, na siya nilang kapital upang makagawa ng maraming produktong bumubuhay sa lipunan, habang ang mas nakararami ay ang mga nabubuhay lamang sa pamamagitan ng pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa. Sa lipunang ito sumulpot ang dalawang uri: Una'y ang uring nagmamay-ari ng mga gamit sa produksyon, na tinatawag na kapitalista, burgesya, naghaharing uri, o elitista. Dahil sa kanilang kapangyarihan sa pag-aari, kinilala silang makapangyarihan sa ekonomya at pulitika ng isang bansa.

Ang ikalawa'y ang uring walang pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon o mga proletaryado (mula sa salitang Italyanong "proletarius" o mamamayan nasa mababang uri dahil walang pribadong pag-aari ng ikabubuhay) at nabubuhay lamang sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa, pangunahin ang mga manggagawang nagtatrabaho sa mga pabrika, kasama na rin dito ang mga maralita, mga bendor, guro, at iba pang nabubuhay lamang sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa. Sa kalaunan, mas ginamit ang salitang ‘proletaryado’ na tumutukoy sa manggagawa bilang uri at malakas na pwersa sa pagbabago.

Dahil walang pribadong pag-aaring pabrika, makina at lupain ang mga maralita, kundi nabubuhay din lang sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa o pagtatrabaho para swelduhan, ang maralita ay nabibilang sa uring manggagawa o proletaryado at hindi sa uring kapitalista. Kaya ang maralita’y di lang simpleng bahagi ng uring proletaryado, kundi sila mismo’y uring proletaryado.

Sa masinsinang pagpapaliwanag sa mga maralita, mas naunawaan nila kung bakit sila uring manggagawa o proletaryado. Kailangan lang na tayo'y maging matyaga sa pagpapaliwanag at pagpapaunawa nito sa kanila.

Walang komento: