Lunes, Enero 25, 2010

Paunang Salita sa Librong "Aralin sa Kahirapan"

Paunang Salita sa Librong "Aralin sa Kahirapan"

HALINA'T PAG-ARALAN ANG LIPUNAN
Sinulat ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mga kapatid, kasama, kaibigan, kababayan, halina't pag-aralan natin ang lipunang ating ginagalawan.

Bakit nga ba laksa-laksa ang mga naghihirap sa ating bayan, habang may kakarampot na nagpapasasa sa yaman ng bansa? Talaga nga bang may ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig? Bakit sa kabila ng kaunlarang inabot ng tao ay nakabungad pa rin sa atin ang mukha ng karalitaan?

Bakit ang gumagawa ng yaman ng lipunan - ang mga manggagawa - ang siyang naghihirap?

Bakit ang mga karpinterong gumagawa ng bahay ang siyang nakatira sa barung-barong, imbes na sa mansyon?

Bakit ang mga magsasakang gumagawa ng bigas ang kadalasang walang maisaing na bigas dahil walang pambili?

Bakit ang mga gurong humuhubog sa kinabukasan ng ating mga kabataan sa pamamagitan ng may kalidad na edukasyon ang siyang may mababang sahod at mababa ang kalidad ng pamumuhay?

Bakit sa kabila ng mga pangako ng mga pulitiko na kalidad ng buhay sa bawat halalan ay naglipana pa rin ang mga pulubi at mga batang lansangan, na walang matirahan kundi kariton o kaya'y karton sa mga bangketa?

Karapatan natin ang mag-aral ngunit kung karapatan ito, bakit ito may presyo at iyun lamang may kakayahang magbayad nito ang nakakakuha ng magandang edukasyon?

Karapatan natin ang kalusugan ngunit kung karapatan ito, bakit ito may presyo at iyun lamang may kakayahang magbayad sa ospital ang nagagamot?

Karapatan natin ang magkaroon ng sariling bahay ngunit kung karapatan ito, bakit ito may presyo at iyun lamang may kakayahang magbayad nito ang nagkakaroon ng magagandang mansyon?

Napakaraming katanungang naghahanap ng malinaw na kasagutan. Maraming bagay sa mundong ito na dapat hanapan ng paliwanag at maunawaan nating mabuti, lalo na't malaki ang kaugnayan nito sa ating buhay, at sa buhay ng ating mga mahal. Hindi natin dapat ipagwalang-bahala na lamang ang mga bagay na ganito. Kaya nararapat lamang nating masusing pag-aralan ang lipunang ating kinasasadlakan.

Hindi sapat ang galit! Hindi sapat na tayo'y magalit lamang habang wala tayong malamang gawin dahil di natin nauunawaan ang takbo ng lipunan. Hindi sapat na tumunganga lamang tayo sa kabila ng nakikita na natin ang mga problema.

Kailangan nating kumilos. Hindi lahat ng panahon ay panahon ng pagsasawalang-kibo, ngunit lahat ng panahon ay panahon ng pagpapasiya.

Kaya nagpasya kami sa Aklatang Obrero Publishing Collective na muling ilathala ang Aralin sa Kahirapan (ARAK) na inakda ni Ka Popoy Lagman, bayani ng uring manggagawa. Ang ARAK ay isang aklat ng kasaysayan ng lipunan, isang aklat ng pagsusuri sa kalagayan ng tao, na kinatatampukan din ng mga paliwanag kung bakit dapat tayong makibaka para baguhin ang kalunus-lunos na kalagayan ng marami.

Ang muling paglalathala ng aklat na ARAK ay isang pagpapatuloy upang maunawaan ng kasalukuyan at ng mga susunod pang henerasyon ang esensya kung bakit dapat mabago ang lipunan, lalo na ang sistemang naging dahilan ng lalong paglaki ng agwat ng laksa-laksang mahihirap at kakarampot na mayayaman.

Nilangkapan ito ng mga bagong datos na kinakailangan upang ilapat ito sa kasalukuyang panahon, ngunit walang binago sa mismong sulatin, maliban sa pag-edit at pagtama sa bantas at ispeling, na marahil ay dulot ng pagmamadali sa pagtipa sa kompyuter.

Naniniwala ang inyong lingkod na hindi dapat matago na lamang sa baul ng kasaysayan ang araling ito, bagkus dapat itong pag-aralan ng mga bagong henerasyon ngayon, lalo na iyong mga naghahangad ng pagbabago sa lipunan, at nagnanais na matanggal ang ugat ng kahirapan ng mamamayan ng daigdig, ang tuluyang pagwasak sa pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika at mga lupain, upang maging pag-aari ng buong lipunan. Nang sa gayon ay makinabang lahat, at hindi lamang iilan.

Halikayo, mga kapatid, kaibigan, kasama. Ating namnaming mabuti sa ating isipan ang nilalaman ng aklat, at mula doon ay mag-usap tayo at magtalakayan. Kung sakaling matapos mo itong basahin, ipabasa mo rin ito sa iba.

O, pano? Tara nang magbasa.

Walang komento: