Huwebes, Pebrero 11, 2010

Ika-4 na Taon ng Klasikong Tulang "Sa Iyo, Ms. M."

IKAAPAT NA TAON NG KLASIKONG
TULANG "SA IYO, MS. M."

ni Gregorio V. Bituin Jr.

Apat na taon na ang nakararaan nang ibinigay ng aktibistang makata ang kanyang unang tulang handog kay Miss M. Araw iyon ng mga Puso. Malugod na tinanggap iyon ng babae habang ito'y paalis kasama ang ilan nitong mga kasama. Naiwan ang makatang may saya sa kalooban. Ilang panahon pa ang lumipas, ang tulang iyon ay nalathala sa isang pahayagan at sa kalaunan ay sa isang aklat ng pag-ibig na inilathala ng makata at taos-pusong inalay niya kay Ms. M.

Isa nang klasiko ang tulang iyon na pinamagatan niyang "Sa Iyo, Ms. M", ayon sa ilan nilang mga kasama, pagkat isang magandang halimbawa raw iyon kung paano nga ba nanliligaw sa isang kapwa aktibista ang isang aktibistang tulad ng makata. Klasikong tula ng isang makatang rebolusyonaryo. Klasikong tulang pinagbatayan ng marami pang tula.

Bago siya naging makata'y aktibista muna siya. Pawang mga tinutula niya noon ay hinggil sa rebolusyon at pakikibaka ng mga manggagawa't maralita. Ngunit kinatatamaran siyang basahin ng kapwa makata dahil wala raw damdamin o anumang emosyon sa tula ng makata maliban sa galit sa sistema. Kung nais daw ng makatang umunlad, payo ng mga kapwa makata sa isang palihan sa pagtula ng anim na buwan, kailangan niyang lagyan ng emosyon at haraya (imahinasyon) ang bawat tula upang maramdaman at manamnam ito ng bawat mambabasa. Sinunod ng makata ang payong ito.

Kaya ng minahal ng makata si Ms. M., bawat liham at pagtula ng makata'y nilalakipan niya ng emosyon at haraya upang hindi maging patay ang tula, kundi buhay na buhay at maaaring maramdaman ng nililiyag. Ganito sinimulan ng makata ang iniluluhog niyang pag-ibig. Ngunit di nawala sa kanyang unang tulang handog kay Ms. M. ang kumbinasyon ng emosyon ng pagtula at ang pagkaaktibista ng makata. Nais niyang magkasama pa rin ang panitikan at ang pakikibaka sa nilikha niyang tula para sa nililiyag.

Ngunit naging masalimuot ang pag-ibig ng makata pagkat sa proseso ng kanyang pagkilos sa iba't ibang komunidad bilang manunulat, mamamahayag, makata, propagandista at organisador, ay may sumulpot na dalawang magandang dalaga na nagpawala sa kanyang pagtutok kay Ms. M, sina Ms. T at Ms. P. Pansamantala niyang nalimutan si Ms. M. nang masilayan niya si Ms. T., ngunit nakilala ng makata si Ms. P na nagpabaling uli sa kanyang pagtingin. Binigyang daan ng makata ang dalawang iyon na nung una'y di magkakilala ngunit nang dahil sa makata'y di sinasadyang nagkakilala sila't naging malapit na magkaibigan. Kaya isa lamang sa dalawang dalaga ang napasagot ng makata, si Ms. T.

Ngunit ang makata'y di lamang makata. Sa kabila ng mabulaklak niyang pangungusap, malalalim at matatalim na paglalaro ng salita at pagkatha ng tula, ang makata'y isang aktibista. Isang rebolusyonaryong naghahangad ng pagbabago ng nagnanaknak na sistema ng lipunan. Katunayan, bago pa niya bigyang pansin noon si Ms. M. na isa ring aktibista't rebolusyonaryo, ay pinintuho rin ng makata si Ms. J., isang maganda ring aktibista noon, ngunit hindi napasagot ng makata dahil naunahan siya ng iba.

Hanggang sa dumating ang panahong kailangan ng makatang mamili, si Ms. T ba o ang kilusang mapagpalaya? Ayaw ni Ms. T na magpatuloy ang makata sa pakikibaka, bagkus ay hiniling sa makatang umalis sa kilusan at maghanap ng ibang trabaho, dahil hindi kaya ng dalaga ang buhay-rebolusyonaryo ng makata, na kadalasan ay wala sa bahay, hindi maasikaso ang pamilya at naroon lagi sa pakikibaka ng mga manggagawa't maralita sa kalunsuran. Inilinaw ito ng makata sa kanyang tulang "Aktibistang Iniwan ng Sinta".

Buhay-pag-ibig. Buhay-pakikibaka. Masakit ngunit kailangang magdesisyon ng tumpak ang makata. Hanggang siya'y nagpasya. Ang kilusang mapagpalaya ang kanyang pinili dahil para sa makata, mas marangal na mabuhay kasama ang kilusang mapagpalaya, kaysa isang maliit na pamilyang mabubuhay lamang sa isang tahanan habang walang pakialam sa mga nangyayari sa kanilang paligid, lalo na sa lipunang ginagalawan.

Naging aral sa makata ang pangyayaring iyon. Hanggang sa sumapit ang bagyong Ondoy. Dinelubyo nito ang halos buong Kamaynilaan. Lumubog ang maraming bahay. At sa tinutuluyang opisina ng makata, ang kanyang mga damit, kagamitan at mga libro ay pawang binaha. Nangabasa at tila hindi na maibabalik pa ang mga ito.sa dating kaayusan, kaya dapat lang itapon. Habang dinadalumat ng makata ang masakit na nangyari sa kanyang buhay-pag-ibig ay muling lumitaw ang basang-basang kopya ng librong inalay niya kay Ms. M. tatlong taon na ang nakararaan, at ito ang aklat na may pamagat na "Pag-ibig at Pakikibaka" (unang edisyon).

Dito'y nabasa muli ng makata ang kanyang tulang "Sa Iyo, Ms. M." na sinasabi ng mga kasamang klasikong tula para sa mga rebolusyonaryo. Natigagal ang makata. Nag-isip-isip. Hanggang siya'y pansamantalang nangibang-bansa dalawang araw matapos ang delubyo sa Kamaynilaan. Tumungo siya sa Thailand upang dumalo sa walong araw na kumperensya hinggil sa usaping kalikasan. Sa airport pa lamang ay nag-text agad siya kay Ms. M. upang pansumandaling magpaalam dahil hindi makatulong ang makata sa mga ginagawang relief operation ng kanilang kilusan para sa mga nasalanta. At nag-text si Ms. M. sa kanya ng "ok na yan. new xperience naman 4 u. gud luck." na ikinasiya naman ng makata.

Si Ms. M. ay kasama ng makata sa kilusang mapagpalaya. Para sa makata'y tama ang kanyang pasya. Kaya ngayon ay nagbabalik ang makata sa puso ni Ms. M. Muling naniningalang pugad upang suyuing muli ang dating minahal. Nagbabalik siya kay Ms. M. upang di na muling umalis.

Always somewhere
Miss you where I've been
I'll be back to love you again
Always somewhere
Miss you where I've been
I'll be back to love you again

Habang umaalingawngaw sa pandinig ng makata ang makabagbag-damdaming awitin ng Scorpion ay patuloy na lumilikha ang makata ng mga rebolusyonaryong tula, bukod pa sa mga tula ng pag-ibig para sa kanyang sinisinta. Namanata pa siya sa ilang mga kasama na hindi niya pababayaan ang babaeng ito habang siya'y nabubuhay, na sinuman ang nagnanais umaglahi at magsamantala sa babaeng ito'y dapat munang dumaan sa bangkay ng makata. Ganito kamahal ng makata si Ms. M. Mahigpit na tinutupad ng makata ang panatang ito sa kanyang buhay.

Ngunit si Ms. M. ay bahagi lamang ng kabuuan ng makata. Pagkat tatlo ang kanyang pakay dito sa mundo. Pakay na kanyang pinag-isipan, pinagpasyahan at pinag-aalayan ng buhay. Na isinulat din niya sa tulang pinamagatang "Tatlong Mahahalagang Pakay Ko sa Mundo" at ito'y ang paggawa ng limanlibong tula, ang pagrerebolusyon hanggang magtagumpay ang sosyalismo, at si Ms. M.

HIndi dapat mawala si Ms. M. dahil siya ang inspirasyon ng makata. Sa katunayan, gumawa ng maraming libro ang makata, kumatha ng maraming tula, maiikling kwento't sanaysay, nagsalin ng maraming akda ng kilusan, para lamang magpa-impress kay Ms. M. na kung wala ang dalagang ito'y tiyak na di ito magagawa ng makata. Ngayon nga'y ginagampanan ng makata ang pagiging kanang kamay sa ilang mga gawain sa komunidad na naroroon si Ms. M, at hindi niya ito pinababayaan, dahil nga sa panata niya sa mga kasama, sa kilusan, kay Ms. M. at sa kanya mismong sarili. Habang sa kabilang banda'y patuloy ang makata sa pagkatha habang nag-oorganisa ng mga bagong dyornalista mula sa pamahayagang pangkampus upang maging propagandista ng kilusang mapagpalaya.

Kaytagal naghanap ng makata, at ngayong nagbalik siyang muli kay Ms. M. ay hindi na siya magpapabaya. Hindi na niya pababayaang mawala pa sa buhay niya ang kanyang inspirasyon. Isa lamang sa nasa anim na bilyong tao sa buong mundo si Ms. M. ngunit ang isang iyon ay napakahalaga na sa buhay ng makata. Kung mawawala ang isang iyon ay mas gugustuhin pa ng makatang di na nabuhay sa mundo. Pagkat ang kanyang buhay, ang kanyang Ms. M., ay hindi niya nakakasama.

Ngunit dama ng makata sa kaibuturan ng kanyang puso na mapagtatagumpayan niya si Ms. M. Dahil kung hindi'y bakit patuloy siyang nabubuhay at kumikilos? Bakit patuloy niyang nagiging inspirasyon si Ms. M. sa araw-gabi niyang mga gawain at sa kanyang buhay? Nawa'y tama ang makata. Nawa'y magkasama pa rin sila sa pakikibaka hanggang magtagumpay ang rebolusyon ng uring manggagawa hanggang sa huli, tulad ng sinabi ng makata sa kanyang unang alay na tula kay Ms. M.



Narito ang kopya ng tulang "Sa Iyo, Ms. M." at ng tulang "Tatlong Mahahalagang Pakay Ko sa Mundo"

SA IYO, MISS M.
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang tulang ito’y ibinigay ng personal kay Ms. M. noong Pebrero 14, 2006

Ms. M., hindi ka makatkat sa aking puso’t diwa, kahit habang pinipiga ang lakas-paggawa ng mga obrero sa iba’t ibang pabrika

Ang maamo mong mukha’y nanunuot sa kaibuturan ng aking kalamnan, kahit patuloy na nagbibingi-bingihan ang gobyerno sa mga hinaing ng manggagawa’t maralita

Nabuhay muli ang puso kong matagal nang namatay nang masilayan kita, bagamat matindi ang pananalasa ng globalisasyon

Ninanasa kong makasama kita habang ako’y nabubuhay, habang isinusulat ko ang ilang artikulong pangkultura’t balita sa pahayagang Obrero

Pinangarap kong matikman kahit sumandali ang iyong pag-ibig, kahit noong inookupa ng mga manggagawa ang DOLE

Inukit na kita, Ms. M., sa aking puso, kahit marami na ang nabibiktima ng salot na assumption of jurisdiction

Ms. M., can we talk about our future, as we taught the mass of workers about their revolutionary role in society?

Maging akin man ang iyong pag-ibig o ito’y mawala, alam kong patuloy pa rin tayong makikibaka hanggang sa paglaya ng uring manggagawa

Ms. M., can you say that you love me and show me that you care, even in the middle of our struggle against the capitalist class?

Sana, Ms. M., ngayong ika-14 ng Pebrero o sa iba pang araw na daratal, ay magantihan mo ang iniluluhog nitong aba kong puso, sa gitna man ng piketlayn o sa rali laban sa bulok na sistema

Ms. M., please save your heart for me as we continue fighting for the emancipation of the working class

Hihintayin ko, Ms. M., ang katugunan sa hibik niring puso na sana’y di magdusa, kahit nagpapatuloy pa rin ang mga rali sa lansangan



TATLONG MAHAHALAGANG PAKAY KO SA MUNDO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

may tatlong mahahalagang pakay
kung bakit pa ako nabubuhay
sa mundong itong tigib ng lumbay
at kamtin ito bago humimlay

una'y dapat akong makalikha
ng target na limanlibong tula
kung saan ito'y malalathala
sa apatnapung aklat kong akda

sunod ay ang pagrerebolusyon
sa buhay na ito'y aking layon
sa hirap sosyalismo ang tugon
at dapat kong matupad ang misyon

ikatlo'y ang pag-ibig ko't sinta
na sa buhay ko'y nagpapasaya
inspirasyon ko siya noon pa
tula't rebo'y alay ko sa kanya

tatlong pakay na pinapangarap
na makamit ko't dapat maganap
bago matapos ang aking hirap
ito'y tuluyan ko nang malasap

tula, sosyalismo, Miss M, sila
ang tatlong pakay kong mahalaga
sa diwa't puso'y sadyang ligaya
panitikan, rebolusyon, sinta

Walang komento: