Sabado, Hunyo 12, 2010

Si Marx at ang Kanyang Akdang Ika-18 Brumaire

SI MARX AT ANG KANYANG AKDANG IKA-18 BRUMAIRE
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ang "Ikalabingwalong Brumaire ni Louis Napoleon" sa mga pinakamahusay na akda ni Marx. Maaari itong ituring na pinakamagaling na akda sa pilosopiya at kasaysayan, na nakatuon lalo na sa kasaysayan ng kilusang proletaryado. Ito ang pinakabatayang saligan natin sa pag-unawa sa teorya ng kapitalistang estado na sinasabi ni Marx.

Ang tinutukoy ditong Ikalabingwalong Brumaire ay ang petsang Nobyembre 9, 1799 sa Kalendaryo ng Rebolusyonaryong Pranses, na siyang petsa kung saan itinanghal ng unang Emperador na si Napoleon Bonaparte ang kanyang sarili bilang diktador ng Pransya sa pamamagitan ng kudeta. Noong Disyembre 2, 1851, winasak ng mga alagad ni Pangulong Louis Bonaparte, na pamangkin ni Napoleon, ang Pangkalahatang Lehislatura at nagtatag ng diktadura. Nang sumunod na taon, itinanghal naman ni Louis Bonaparte ang kanyang sarili bilang si Emperador Napoleon III.

Sinulat ni Karl Marx ang akdang "Ikalabingwalong Brumaire ni Louis Napoleon" sa pagitan ng Disyembre 1851 at Marso 1852. Ito'y naging "Ikalabingwalong Brumaire ni Louis Bonaparte" sa mga edisyong Ingles, tulad ng edisyong Hamburg noong 1869. Nalathala ito noong 1852 sa magasing Die Revolution, isang buwanang magasin sa wikang Aleman na nilathala sa Nuweba York. Ang nasabing akda ay binubuo ng pitong kabanata at dalawang paunang salita, ang una'y mula kay Marx noong 1869 at at ikalawa'y mula kay Friedrich Engels noong 1885.

Ipinakilala si Marx sa kanyang akdang ito bilang isang panlipunan at pampulitikang historyan, kung saan tinalakay niya ang mga makasaysayang pangyayari, ito ngang naganap na kudeta ni Louis Bonaparte noong Disyembre 2, 1851 mula sa kanyang materyalistang pagtingin sa kasaysayan.

Sa akdang ito, tinuklas ni Marx kung paano ipinakita ang tunggalian ng iba't ibang panlipunang interes sa masalimuot na tunggaliang pulitikal. Pati na rin ang magkasalungat na ugnayan sa pagitan ng panlabas na anyo ng pakikibaka at ang tunay na panlipunang nilalaman nito.

Isa sa pinakabantog na sinulat dito ni Karl Marx ay hinggil sa pag-uulit ng kasaysayan. Ito’y "Ang una'y trahedya. Ang ikalawa'y katawa-tawa. (The first is a tragedy, the second is a farce.)" Tinukoy sa una ang ginawa ni Napoleon I, ang unang emperador ng Pransya, habang ang ikalawa naman ay hinggil sa ginawa ni Napoleon III. Ayon kay Marx, "Sinabi ni Hegel noon na lahat ng malalaking patunay at mga personahe sa kasaysayan ay nagaganap ng dalawang ulit. Ngunit nakalimutan niyang idugtong: Ang una'y trahedya. Ang ikalawa'y katawa-tawa."

Malaki ang idinulot na aral ng naganap na ito para sa mga proletaryado ng Paris, dahil ang karanasang ito mula 1848 hanggang 1851 ay nakatulong para sa ikatatagumpay ng rebolusyon ng manggagawa noong 1871.

Walang komento: