Miyerkules, Mayo 26, 2010

Ang Islogang "Wakasan ang Batang Manggagawa"

ANG ISLOGANG "WAKASAN ANG BATANG MANGGAGAWA!"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May ilang kumausap sa akin, marahil ay namimilosopo, nalilito o kaya ay nababaguhan, at itinanong, "Bakit 'Wakasan ang Batang Manggagawa' ang islogan ng mga kasama nating bata sa rali? Paano wawakasan? Papatayin ba ang mga bata?" Kailangan ng matyagang pagpapaliwanag.

Ang tugon ko, ang mga kasamang bata at kabataang nagrali ay mga manggagawa sa murang edad pa lamang nila. Batang manggagawa pag nasa edad 17 pababa, habang kabataang manggagawa pag edad 18 hanggang 24. Ang islogan nila ang siyang pagkakasalin nila sa panawagan sa ingles na "End Child Labor! (ingles-Kano)" o "End Child Labour! (ingles-British). Ngunit dahil mas ginagamit natin sa bansa ay ingles-Kano, dahil na rin sa matagal na pananakop ng mga Kano sa bansa, mas ginagamit sa bansa ang salitang "labor" habang sa internasyunal naman at sa mga bansang nasakop ng Britanya, tulad ng India, mas ginagamit nila ang salitang "labour".

Nais ng mga batang manggagawa na imbes na magtrabaho sila sa murang edad ay maging bahagi sila ng kanilang kabataan, na nag-aaral, naglalaro, nagtatamasa ng buhay ng naaayon sa kanilang edad. Tumango-tango lamang ang nagtanong sa akin. Mayo Uno ng taong 2009 iyon nang sumama ang mga batang manggagawa sa aming rali mula sa España patungong Mendiola.

Sa pagninilay ko sa islogan sa panahong naghahanap ako ng maisusulat, umukilkil sa aking diwa kung tama ba ang pagkakasalin ng islogang "End Child Labor!" Dahil pag iningles natin ang 'Wakasan ang Batang Manggagawa', hindi ito 'End Child Labor' kundi 'End Child Laborers' o 'End Child Workers!' Kaya may mali. Ngunit pag tinagalog naman natin ang 'End Child Labor' sa literal, ito'y magiging 'Wakasan ang Paggawa ng Bata', na masama namang pakinggan, dahil tiyak magpoprotesta ang marami dahil di na pwedeng mag-sex o magbuntis ang mga ina. Ang 'Labor' kasi pag tinagalog ay 'Paggawa', tulad ng isang grupo noon na ang pangalan sa Ingles ay 'Socialist Party of Labor' na ang orihinal ay 'Sosyalistang Partido ng Paggawa'.

Kaya ano ba talaga ang tamang pagkakasalin ng 'End Child Labor' na di magmumukhang lilipulin o papatayin ang mga batang manggagawa, tulad ng interpretasyon ng marami sa 'Wakasan ang Batang Manggagawa'?

Kung pag-iisipan nating mabuti, di lahat ng pagkakasalin ay literal, dahil magkakaiba ang wika. May sarili itong diskurso, balarila (grammar), syntax, at karakter, na kaiba sa ibang wika. May katangian ang bawat wika na kanyang-kanya lamang. Halimbawa, paano mo iinglesin ang "Pang-ilang presidente si Noynoy?" Marahil ang isasagot ng iba, "What is the rank of Noynoy since the first president?" na marahil ay di tamang pagkakasalin, dahil pag tinagalog naman ito ay "Ano ang ranggo ni Noynoy mula sa unang pangulo?" Mali. Kasi baka may sumagot diyan ng private o corporal.

Kaya sa pagkakasalin ng 'End Child Labor', hahanapin natin ang mas mainam at mas angkop na salin. Ang mungkahi ko, "Itigil ang Pagpapatrabaho sa Batang Manggagawa!" Malinaw, maliwanag at angkop, bagamat mahaba sa karaniwan. Ano sa palagay nyo?

Biyernes, Mayo 14, 2010

May hiwaga ba sa awiting "Bayang Mahiwaga"?

MAY HIWAGA BA SA AWITING "BAYANG MAHIWAGA"?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan, nagtanong sa akin ang isang kasama. Okey daw ba ang awiting "Bayang Mahiwaga" na isang parodiya ng "Bayang Magiliw". Ang agad na isinagot ko ay hindi. Bakit? Dahil sa salitang "mahiwaga".

May problema kasi sa salitang "mahiwaga". Bakit ba ito ang ginamit gayong hindi ito isang terminong dapat panghawakan ng mga aktibista, lalo na't mga aktibistang Marxista, at mga manggagawa, dahil walang mahiwaga.

Kung pakasusuriin, o kaya'y aalamin natin ang pinanggalingan ng orihinal na awitin, may sapantaha akong ito'y nakatha noong panahon ng batas militar, at kaya sinasabing "mahiwaga" ang bayan, ay upang maawit ito ng itinatago ang tunay na layunin ng mga umaawit. Ito'y upang maiwasan ang sinumang nais humuli sa mga aktibistang nananawagan ang pagbabago. Itinago ang salitang pagbabago ng sistema sa salitang "bayang mahiwaga". Sino nga ba ang huhuli sa aawit ng bayang "mahiwaga"? "Mahiwaga" nga ang bayan, eh.

Narito ang orihinal na kopya ng awitin na pinamagatang "Lupang Sinira" na mula sa extension site sa multiply ng grupong Tambisan sa Sining kung saan tinutukoy sa unang taludtod pa lamang ang "bayang mahiwaga".


LUPANG SINIRA

Bayang mahiwaga sa malayong silangan
Alab ng puso sa dibdib mo'y apoy
Lupang sinira, bayan ng magigiting
Sa manlulupig, ikaw ay lalaban

Sa nayon at lungsod
Itinatag makabayang pamahalaan
May tilamsik ng dugo ang awit
Sa paglayang inaasam

Koro:
Ang pula ng watawat mo'y
tagumpay na magniningning
Ang maso (/karit) at kamao nya'y
Hinding-hindi magdidilim

Laya ay langit, kaluwalhati at pagsinta
Buhay ay lupa sa piling mo
Aming ligayang makita ang baya'y di api
Ang mamatay ng dahil sa'yo

(Repeat 2)
Aming tungkuling ubusin ang mapang-api
Ang pumatay ng dahil sa'yo


Ngunit nagkaroon ng pagbabago sa awiting ito nang ito'y baguhin ng Teatro Pabrika para maging awitin ng uring manggagawa. At imbis na "Lupang Sinira" ang pamagat ay mas nakilala ito sa "Bayang Mahiwaga".


BAYANG MAHIWAGA

Bayang mahiwaga sa malayong silangan
Alab ng puso sa dibdib mo'y apoy
Lupang sinira, bayan ng magigiting
Sa manlulupig, ikaw ay lalaban

Sa nayon at lunsod, itinatag
Sosyalistang pamahalaan
May tilamsik ng apoy at pawis
Sa paglayang inaasam

Ang pula ng watawat mo'y
Tagumpay na nagniningning
Ang karit at maso niya'y
Hinding-hindi pasisiil

Laya ay langit, kalwalhatia't pagsinta
Buhay ay alay sa piling mo

Aming ligayang makitang
Obrero'y di api
Ang pumatay ng dahil sa 'yo


Mapapansing mas maikli ang bersyon ng Teatro Pabrika. Gayunman, dapat pa ring baguhin at paunlarin ang binagong bersyon na ito, lalo na ang salitang "mahiwaga". Sa unang saknong pa lang ng tula ay hindi na akma ang bayang "mahiwaga" sa lupang "sinira", gayong ang mga kasunod na mga salita nito ay angkop sa bawat isa.

Maaaring ang sinasabing "mahiwagang bayan" sa awiting ito ay isang bayang utopya tulad ng pinangarap noon nina Sir Thomas More, Saint Simon, Robert Owen, Charles Fourier, Etienne Cabet, Edward Bellamy, William Morris, at iba pa. Isang lipunang may pagkakapantay-pantay ang lahat ng tao sa kalayaan, sa kalagayan, at sa pagkatao.

Ngunit bakit "mahiwaga" ang salitang ginamit gayong para sa mga Marxista, walang mahiwaga, pagkat lahat sa mundo ay may paliwanag. Maaring sinasabi lang nilang mahiwaga ang isang bagay kung ito'y di pa nila nauunawaan, tulad ng paglitaw ng eroplano sa panahon ni Julius Caesar, o ng computer sa panahon ni Andres Bonifacio. Hindi mahiwaga ang mga bagay na iyon, o ang buhay sa bayang iyon, kundi hindi lang nila maipaliwanag ang mga bagay na may mga paliwanag naman, lalo na't sasaliksikin at pag-aaralan.

Kung pakasusuriin ang buong awitin, tanging ang salitang "mahiwaga" ang hindi katanggap-tanggap, bagamat may mga metaporang ginamit sa iba pang bahagi ng awitin, tulad ng "sa dibdib mo'y apoy" na tumutukoy sa galit na nasa iyong dibdib, at hindi ang literal na apoy na makakasunog sa iyong dibdib. Nariyan din ang pagkamakabayan ng pariralang "sa malayong silangan" na tumutukoy sa bansang Pilipinas.

Ang maaari nating gawin ay palitan ang salitang "mahiwaga" ng isa pang mas may katuturang salita. Kaya magbabago ang buong awitin. Ang mungkahi ko ay palitan ito ng salitang "kinawawa". Mas akma ito lalo na kung isasaalang-alang natin ang pagkakapareho ng bayang "kinawawa" sa lupang "sinira" na nasa unang saknong.


BAYANG KINAWAWA

Bayang kinawawa sa malayong silangan
Alab ng puso sa dibdib mo'y apoy
Lupang sinira, bayan ng magigiting
Sa manlulupig, ikaw ay lalaban

Sa nayon at lunsod, itinatag
Sosyalistang pamahalaan
May tilamsik ng apoy at pawis
Sa paglayang inaasam

Ang pula ng watawat mo'y
Tagumpay na nagniningning
Ang karit at maso niya'y
Hinding-hindi pasisiil

Laya ay langit, kalwalhatia't pagsinta
Buhay ay alay sa piling mo

Aming ligayang makitang
Obrero'y di api
Ang pumatay ng dahil sa 'yo


Ito'y mungkahi lamang at maaari pang pagdebatehan hanggang sa sang-ayunan ng mas nakararami ang nararapat na salita.

Huwebes, Mayo 6, 2010

Ang Rebolusyonaryong Pag-ibig ayon kina Che Guevara at Andres Bonifacio


ANG REBOLUSYONARYONG PAG-IBIG AYON KINA CHE GUEVARA AT ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Rebolusyonaryong pag-ibig. Ito marahil ay isang tipo ng pag-ibig na akma sa mga nakikibaka para sa kalayaan ng bayan, ng uri, at ng kanilang mamamayan. Pag-ibig na hindi makasarili, kundi pag-ibig sa kapwa, sa uri't sa bayan nang walang hinihintay na kapalit. Ito ang nais ipahiwatig ng rebolusyonaryong si Ernesto "Che" Guevara sa kanyang sanaysay na "Sosyalismo at Tao sa Cuba" nang kanyang isinulat:

"Sa panganib na magmukhang katawa-tawa, pahintulutan n’yong sabihin kong ang tunay na rebolusyonaryo ay ginagabayan ng dakilang pag-ibig. Imposibleng isiping wala nito ang tunay na rebolusyonaryo. Marahil isa ito sa pinakamalaking dula ng isang pinuno na dapat niyang pagsamahin ang marubdob niyang damdamin sa kanyang kaisipan at gumawa ng mahihirap na desisyon ng walang atrasan. Ang ating mga nangungunang rebolusyonaryo’y dapat gawing huwaran itong pag-ibig sa taumbayan, sa napakabanal na layunin, at gawin itong buo at hindi nahahati. Hindi sila dapat bumaba, ng may kaunting pagmamahal, sa antas kung paano magmahal ang karaniwang tao."

Napakasarap namnamin ng sinabing ito ni Che Guevara. Napakalalim ngunit magaan sa pakiramdam. Tunay ngang imposibleng walang dakilang pag-ibig sa puso ng bawat rebolusyonaryo, pagkat ito ang gumagabay sa kanila kaya nakikibaka para baguhin ang sistema at kolektibong kumikilos upang maitayo ang isang lipunang may pagkakapantay-pantay, walang pagsasamantala, at ibinabahagi ang yaman ng lipunan sa lahat, isang lipunang pinaiiral ang pagpapakatao't pakikipagkapwa-tao. 

Napakadakila ng pag-ibig ng isang rebolusyonaryong inilaan ang panahon, lakas at talino para sa isang makataong prinsipyo't marangal na simulain at handang ialay ang buhay para sa kabutihan ng higit na nakararami.

Sa ating bansa, kinilala ang talas ng kaisipan ng rebolusyonaryong si Gat Andres Bonifacio nang kanyang sabihing: Aling pag-ibig pa ang hihigit kaysa pag-ibig sa tinubuang lupa. "Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala." Sinulat ito ni Bonifacio sa kanyang 28-saknong na tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan", kung saan ginawang popular na awitin ang ilang piling saknong nito noong panahon ng batas-militar sa bansa. Narito ang unang tatlong saknong ng tula:

"Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinub'ang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Ulit-ulitin mang basahin sa isip
At isa-isahing talastasing pilit
Ang salita't buhay na limbag at titik
Ng sangkatauhan, ito'y namamasid.

Banal na pag-ibig! Pag ikaw ang nukal
Sa tapat ng puso ng sino't alinman,
Imbi't taong gubat, maralita't mangmang,
Nagiging dakila at iginagalang."

Napakatindi ng mensahe ng dalawang rebolusyonaryo. Hindi simpleng galit sa sistema ang dahilan ng kanilang pagkilos at paglaban, kundi pag-ibig! Pag-ibig! Inialay nila sa sambayanan ang kanilang buhay, lakas, at talino dahil sa sinasabi ni Bonifacio na "banal na pag-ibig", dahil banal din ang kanilang hangaring mapalaya ang bayan at ang mamamayan mula sa pagsasamantala ng sistema, hindi lamang ng dayuhan. 

Ang dalumat ni Bonifacio sa kanyang pag-ibig sa tinubuang lupa ay nagpapakitang hindi ang Diyos ng mananakop ang kanyang pinaniniwalaan, dahil Diyos iyon ng mga mapagsamantala. Ipinagdidiinan ni Bonifacio na dapat ibaling na ng sambayanan ang kanilang pagkahumaling sa Diyos ng mananakop tungo sa pag-ibig sa bayang tinubuan. Wala nang pag-ibig pang hihigit kaysa pag-ibig sa bayan, kahit na ang pag-ibig sa Diyos ng mga mapagsamantalang mananakop ay hindi makahihigit. Pagano ba si Bonifacio nang kanya itong isinulat?

Ngunit hindi pa rin masasabing pagano si Bonifacio dahil may paniwala pa rin siya sa Maykapal. Patunay dito ang ika-8 saknong sa tula niyang "Tapunan ng Lingap":

"Sa Diyos manalig at huwag pahimok
Sa kaaway natin na may loob-hayop,
Walang ginagawa kundi ang manakot
At viva ng viva'y sila rin ang ubos."

Marahil, hindi ang Diyos ng mananakop ang kanyang tinutukoy dito, kundi yaong Maykapal na bago pa dumating ang mga Kastila ay pinaniniwalaang Bathalang matulungin at hindi Diyos ng mga mapagsamantala. 

Ngunit ano nga ba ang rebolusyonaryong pag-ibig? Mayroon nga ba ng tinatawag na ganito? O ito'y pag-ibig din na hindi kaiba sa karaniwang nadarama ng umiibig? Mula sa puso. Ipaglalaban hanggang kamatayan. Nagkakaiba-iba lang kung sino ang iniibig. Isa bang kasintahan? Pamilya? Bayan? O sangkatauhan?

Rebolusyonaryong pag-ibig ba pag gumamit ka ng dahas para makuha ang gusto mo? O kailangan ng pagpapakasakit, ng pagpaparaya? Na mismong buhay mo'y iyong ilalaan para sa iyong iniibig, para sa iyong inaadhika? O ang rebolusyonaryong pag-ibig ay yaong iyong nadarama para sa uring pinagsasamantalahan na dapat kumbinsihing kumilos at baguhin ang sistema?

Ang rebolusyonaryong pag-ibig ay higit pa sa pag-ibig ni Bonifacio kay Gregoria de Jesus, higit pa sa pag-ibig ni Che Guevara sa kanyang asawang si Aleida March, at sa kanilang anak. 

Makahulugan ang tinuran ng bayaning si Emilio Jacinto sa kanyang mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim, na kung walang pag-ibig ay mananatiling lugmok at api ang bayan. Kailangan ng pag-ibig at pagpapakasakit upang lumaya ang bayan sa pagsasamantala at mabago ang sistema. Ani Jacinto: 

"Kung ang pag-ibig ay wala, ang mga Bayan ay dili magtatagal, at kapagkarakang mapapawi sa balat ng lupa ang lahat ng pagkakapisan at pagkakaisa, at ang kabuhayan ay matutulad sa isang dahon ng kahoy na niluoy ng init at tinangay ng hanging mabilis. Ang pag-ibig, wala na kundi ang pag-ibig, ang makaaakay sa tao sa mga darakilang gawa sukdang ikawala ng buhay sampung kaginhawahan."

"Sa pag-ibig nunukal ang kinakailangang pagdadamayan at pagkakaisang nagbibigay ng di-maulatang lakas, maging sa pag-aabuluyan at pagtutulungan ng isa’t isa, maging sa pagsasanggalang ng mga banal na matwid ng kalahatan."

Ating tingnan ang ilang saknong sa isa pang tula ng pag-ibig na marahil ay maaaring makapaglarawan kung ano nga ba ang tinatawag na rebolusyonaryong pag-ibig. Ito ang sampung saknong na tulang "Pag-ibig" ng kilalang makatang Jose Corazon de Jesus. Gayunman, ang buong tula ni Huseng Batute (alyas ni Jose Corazon de Jesus) ay tungkol sa pag-ibig sa pangkalahatan, at hindi tungkol sa rebolusyonaryong pag-ibig. Sinipi ko lamang ang tatlong saknong (ang ika-4, ika-6 at ika-7 saknong) dahil palagay ko'y angkop ang mga ito sa paglalarawan kung ano ang rebolusyonaryong pag-ibig, bagamat hindi ito ang pakahulugan doon:

"Ang pag-ibig kapag duwag ay payapa't walang agos,
walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos.
Ang pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod
pati dangal, yama't dunong nalulunod sa pag-irog.

Kapag ikaw'y umuurong sa sakuna't sa panganib
ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip.
Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig,
pag umibig, pati hukay ay aariin mong langit.

Iyang mga taong duwag na ang puso'y mahihina,
umibig man ay ano pa, di pag-ibig, kundi awa.
Kailangan sa pag-ibig ay hirap at mga luha
at ang duwag ay malayong sa pag-ibig dumakila."

Magandang dalumatin ang mga piniling tatlong saknong na ito sa tula ni Batute. Ang pag-ibig ay di duwag. Kikilos ka upang ipaglaban ang pag-ibig na naroroon sa kaibuturan ng iyong puso. At gagamitin mo naman ang iyong isip upang magtagumpay kang makamtan ito. Takot ka pa at hindi umiibig kung umuurong ka sa mga kakaharapin mong panganib.

Ang ganitong pag-ibig - pag-ibig na hindi duwag - ang nagdala kina Bonifacio at Che Guevara sa pagkilos at pakikibaka para sa kalayaan ng sambayanan. Kinaharap nila ang anumang sakuna't panganib, at hindi sila umurong sa mga labanan, maliban marahil kung ang pag-urong ay taktika upang magpalakas at makabalik sa labanan. Ang pag-ibig na ito rin ang nagdala sa kanila sa hukay nang sila'y parehong paslangin. Ang pag-ibig na ito ang nagdala sa kanila sa imortalidad.

Kaiba ito sa pag-ibig na sinasabi ni Balagtas sa saknong 80 ng kanyang koridong Florante at Laura, bagamat makakatas din ang rebolusyonaryong pag-ibig sa saknong na ito.

"O pagsintang labis ang kapangyarihan
Sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok sa puso ninuman
Hahamakin lahat masunod ka lamang."

Hahamakin lahat masunod lamang ang rebolusyonaryong pag-ibig sa bayang tinubuan. Lalabanan ang lahat ng mga mapagsamantalang walang pag-ibig sa mga maliliit. Babakahin ang sinumang nang-aapi't hindi umiibig sa kanyang mga kapatid, kasama, at kababayan. Lilipulin ang mga kaaway dahil sa pag-ibig sa kanyang kapwa. Malalim at matalim ang rebolusyonaryong pag-ibig, na kahit buhay man ang mawala'y ikasisiya ng sinumang nakadarama ng luwalhati ng pagsinta.

Bigyang pansin naman natin ang istruktura ng tula. Sa punto naman ng sukat at tugma, ang tula ni Bonifacio ay binubuo ng 12 pantig bawat taludtod sa 28-saknong, at may sesura sa ikaanim. Nagpapatunay lamang ito ng kaalaman ni Bonifacio sa tuntunin ng katutubong pagtula. Pansinin ang ikatlong taludtod ng unang saknong. "Gaya ng pag-ibig sa tinub'ang lupa", ang tinubuan ay naging tinub'an. Ito'y dahil sa mahigpit na tuntunin sa sukat at tugma sa pagtula noong panahong iyon. Ang tula naman ni Batute ay binubuo ng 16 na pantig bawat taludtod sa 10-saknong, na may sesura tuwing ikaapat na pantig. Kapwa tig-aapat na taludtod ang bawat saknong. 

Kahit ang ilan pang tula ni Bonifacio ay sumusunod sa padron ng Florante at Laura ni Balagtas, ang pagtulang alehandrino, na binubuo ng lalabindalawahing pantig bawat taludtod, at bawat saknong ay binubuo ng apat na taludtod. Ang iba pang tula ni Bonifacio ay ang "Tapunan ng Lingap", "Ang Mga Cazadores", "Katapusang Hibik ng Filipinas", at ang kanyang salin ng "Ultimo Adios" ni Rizal sa sariling wika.

Magandang halimbawa ang pag-ibig na ipinakita ng ating dalawang bayani. Mga halimbawang dapat pagnilayan, pag-ibig na dapat damhin, dahil ang bawat pagkilos ng mga manghihimagsik ay hindi nakatuon lamang sa galit sa kaaway kundi higit pa ay sa pag-ibig sa kanyang mga kapatid, mga kauri, mga kapamilya at kapuso, pag-ibig sa mga maralitang hindi niya kakilala ngunit nauunawaan niyang dapat hindi hinahamak at pinagsasamantalahan, pag-ibig sa uring kanyang kinabibilangan upang ito'y hindi apihin at yurakan ng dangal at karapatan. Rebolusyonaryo dahil naghahangad ng pagbabago taglay ang adhikaing pagtatayo ng sistemang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Pag-ibig na walang pagkamakasarili kundi iniisip ang kapakanan na pangkalahatan.

Ang pag-ibig nilang ito'y maaaring maging gabay sa kasalukuyan. Hindi lamang pulos galit sa sistema ang dapat makita sa mga aktibista, o yaong mga nakikibaka sa lansangan. Tulad din ng pag-ibig ng mga aktibista ngayon, handa silang magpakasakit at iwan ang marangyang buhay, kung marangya man, o yaong dating buhay, upang yakapin ang prinsipyo at kilusang pinaniniwalaan nilang tunay na naglilingkod at nagmamahal sa sambayanan at sa uring matagal nang pinagsasamantalahan ng mapang-aping sistema. 

Tila magkatiyap ang kapalaran nina Andres Bonifacio at Che Guevara. Pareho silang manunulat at nag-iwan ng ilang mga sulatin. Pareho nilang nais ng pagbabago kaya sila'y nakibaka para sa kalayaan, kahit ibuwis nila ang kanilang buhay. Pareho silang humawak ng armas at naglunsad ng rebolusyon upang palayain ang bayan. Pareho silang nahuli at binihag. 

Pareho silang pinaslang habang sila'y bihag ng kanilang kaaway. Ang isa'y pinaslang ng mga dapat ay kapanalig sa pagpapalaya ng bayan, habang ang isa'y pinaslang ng mga kaaway sa lupain ng dayuhan. Si Bonifacio'y pinaslang ng mga tauhan ni Heneral Emilio Aguinaldo sa pamumuno ni Major Lazaro Macapagal noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite. Si Che Guevara naman, na ipinanganak sa Argentina, ipinanalo ang rebolusyong Cubano kasama ni Fidel Castro noong 1959, ay pinaslang noong Oktubre 9, 1967 sa La Higuera, Bolivia. Binaril siya ng sundalong Boliviano na nagngangalang Mario Teran, kahit siya na'y bihag ng mga ito.

Halina't ating pagnilayan ang tatlong huling taludtod ng tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan" ni Gat Andres Bonifacio:

"Kayong mga pusong kusang niyurakan
Ng daya at bagsik ng ganid na asal,
Ngayon ay magbango't Baya'y itangkakal,
Agawin sa kuko ng mga sukaban.

Kayong mga dukhang walang tanging palad
Kundi ang mabuhay sa dalita't hirap,
Ampunin ang Bayan kung nasa ay lunas
Pagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig,
Hanggang sa mga dugo'y ubusing itigis,
Kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid
Ito'y kapalaran at tunay na langit."

Kailangan natin ng rebolusyonaryong pag-ibig sa panahong ito ng ligalig.

Mga pinagsanggunian:
1. Aklat na "Panitikan ng Rebolusyon(g 1896)", ni Virgilio S. Almario, University of the Philippines Press, 1993, mp. 141-144, at p. 171-173
2. Aklat na "Si Che: Talambuhay at Ilang Sulatin ni Ernesto 'Che' Guevara", ni Gregorio V. Bituin Jr., Aklatang Obrero Publishing Collective, Oktubre 2007, p. 26 
3. Aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula", ni Virgilio S. Almario, De La Salle University Press, 1984, mp. 28-29
4. Aklat na "Florante at Laura" ni Francisco Balagtas

Martes, Mayo 4, 2010

Una Kong Pamamaalam

Noong Mayo 3, 2010, Lunes ng gabi, sinubukan kong sulatin ang tulang "Una Kong Pamamaalam" na nagmula sa inspirasyong inilatag ng "Huling Paalam" ni Gat Jose Rizal. Sa aking mga nababasa, maraming katanungan noon ang madla kung tunay nga bang kayang isulat ni Dr. Rizal ang kanyang "Ultimo Adios" ilang oras lamang bago siya bitayin sa Bagumbayan. Para sa iba, baka ilang araw na itong naisulat ni Rizal at hindi isang gabi lamang.

Sa pakiwari ko, kayang isulat ni Dr. Rizal ang kanyang tulang iyon sa mga huling oras ng kanyang buhay, basta't ito'y mula sa puso at alam na alam niya ang nais niyang sabihin.

Nang isulat ko ang tulang "Una Kong Pamamaalam" ay nilikha ko ito ng isang gabi lamang. Hindi ko alam na magagawa ko iyon nang ilang oras lamang. Ang nalikha ko ay isang tulang may labing-apat na saknong, at limang taludtod bawat saknong, tulad ng istruktura ng "Mi Ultimo Adios" ng ating pambansang bayani. Gayunman, nagkaiba kami sa bilang ng pantig bawat taludtod. Ang nalikha ko'y may dalawampung pantig bawat taludtod, at ito'y walang sesura, o hati sa gitna.

Kayang likhain ang gayong kahabang tula, tulad ng "Huling Paalam" ni Dr. Rizal, basta't nasa puso mo ang iyong isinusulat at inspirado kang isulat iyon. Halina't namnamin ang tula kong "Una Kong Pamamaalam" bilang patunay ng aking mga tinuran.


UNA KONG PAMAMAALAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod

1
Malugod kong inihahandog sa sambayanan ang buhay ko’t bisig
Upang baguhin ang lipunan at sa sinuman ay di palulupig
Kalakip ang prinsipyong sa pagkakapantay ng lahat nasasalig
Kasama ng maraming aktibistang sariling dugo’y idinilig
Ito ako, mga kaibigan, kasama, pamilya, iniibig

2
Ako’y nalulugmok habang nakikitang ang bayan ay nagdurusa
Habang nagpapasasa sa yaman ang iilang trapo’t elitista
Magpapatuloy akong lingkod nyo sa larangan ng pakikibaka
Habang tangan-tangan ko sa puso’t diwa ang prinsipyong sosyalista
Ako’y handang mamatay sa paglaban sa uring mapagsamantala

3
Mamamatay akong nababanaag ko ang tagumpay ng obrero
Laban sa kasakiman nitong masibang sistemang kapitalismo
Mamamatay akong nakikibaka laban sa kayraming berdugo
Na nagpapayaman sa dugo’t pawis ng manggagawa’t dukhang tao
Aktibista akong lalaban hanggang dulo, lalabang taas-noo

4
Noong ako’y musmos pa’t bagong nagkakaisip, aking pinangarap
Na upang umunlad sa buhay na ito, ako’y sadyang magsisikap
Magsisipag ako sa trabaho’t babatahin ang lahat ng hirap
Ngunit habang lumalaki’y napagtanto kong kayraming mapagpanggap
Habang sanlaksa ang dukhang kahit konting ginhawa’y di maapuhap

5
Sa eskwelahan, pinag-aralan ko ang historya’t matematika
Pinag-aralan pati na agham, wika, panitikan, at iba pa
Natutunan kong nabibili ang edukasyon ng mga maykaya
Kaybaba ng sahod ng manggagawa, walang lupa ang magsasaka
Ang babae’y api, demolisyon sa dukha, habol ang manininda

6
Sa mura kong isipan noon, kayraming umuukilkil na tanong
Bakit kayrami ng dukha, at may iilang nagpapasasang buhong
Kaya sa paglaon, sa mga naghihirap, pinili kong tumulong
Laban sa kasakiman ng iilan na bayan na ang nilalamon
Sa kabulukan nila, ang sigaw ng pagbabago’y nagsilbing hamon

7
Sa sarili kong paraan, tumulong akong sa puso’y may ligaya
Hanggang sa kalaunan, ang lipunang ito’y pinag-aralan ko na
Sumama ako sa mga rali at naging ganap na aktibista
Pinasok ang paaralan, mga komunidad at mga pabrika
Sa puso’t diwa’y sigaw: babaguhin natin ang bulok na sistema

8
Nag-organisa’t nagsulat akong sa puso’y may namumuong galit
Sa sistema ng lipunang sa ating kapwa tao’y sadyang kaylupit
Napakaraming isyung laging ang tanong ko sa isipan ay bakit
Bakit tinanggal kayo sa pabrika, bakit ang lupa nyo’y inilit
Bakit nauso ang kontraktwalisasyon, bakit mundo’y pawang pasakit

9
Tiniis kong lahat kahit mawalay pa sa kinagisnang pamilya
Tiniis pati pagod, bugbog at pukpok sa gaya kong aktibista
Tiniis ang gutom, kawalang pera, basta’t makaugnay sa masa
Dahil ako’y aktibistang nakibaka upang kamtin ang hustisya
Para sa manggagawa’t dukha tungo sa pagbabago ng sistema

10
Halina’t pagsikapan nating itayo ang lipunang makatao
Gibain na natin ang mga dahilan ng kaapihan sa mundo
Pangunahing wawasakin ang relasyon sa pag-aaring pribado
At iaangat sa pedestal ang hukbong mapagpalayang obrero
Habang dinudurog ang mga labi ng sistemang kapitalismo

11
Pagpupugay sa lumilikha ng yaman, kayong uring manggagawa
Magkaisang tuluyan kayong ang taguri’y hukbong mapagpalaya
Magkabuklod kayong lagutin ang nakapulupot na tanikala
Magkapitbisig kayong durugin ang elitista’t burgesyang diwa
Pagkat nasa mga kamay nyo ang pag-asa ng masang kinawawa

12
Sa tunggaliang ito’y may mga magagapi’t may magtatagumpay
Ngunit kung sakali mang sa labanang ito’y tanghalin akong bangkay
Ako’y nakahanda na sa pagtigil sa mahaba kong paglalakbay
Pagkat natapos na rin sa wakas ang buhay kong sakbibi ng lumbay
Sa oras na iyon, panahon nang katawan kong pagal ay humimlay

13
Di na mahalaga kung mga tulad ko’y tuluyang malimutan na
Basta’t mabuhay pa rin ang pangarap nating sosyalismo sa masa
Kung sakaling mabuhay ako dahil sa tula ng pakikibaka
Ipinagpapasalamat ko itong labis sa mga nagbabasa
Na ako pala’y nakatulong magmulat kahit sa mundo’y wala na

14
Paalam, mga kasama, kapatid, kapamilya, at kaibigan
Mananatili akong sosyalista sa aking puso at isipan
Mamamatay akong aktibista, kahit na ako’y abang lilisan
Taas-kamao akong aalis nang walang bahid ng kahihiyan
Paalam, paalam, magpatuloy man ang mga rali sa lansangan

Maynila, Mayo 3, 2010

Huwebes, Abril 22, 2010

Aktibista, Makamasa, Internasyunalista

AKTIBISTA, MAKAMASA, INTERNASYUNALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bakit nga ba may aktibista, ang tanong ng karamihan. Sila raw ay nanggugulo lamang. Totoo iyon. Ginugulo nila ang gobyernong mali ang patakaran upang magwasto ito. Ginugulo nila ang mga kapitalistang manhid na walang pakialam kung mas masarap pa ang kinakain ng kanilang mga alagang aso kaysa pagkain ng karaniwan nilang manggagawa.

May aktibista dahil may kawalang katarungan. Tutunganga na lang ba tayo kahit inaapi na ang ating mga kababayan at kapatid? O tayo'y kikilos upang sila'y sagipin? Patuloy ang teroristang demolisyon ng tahanan ng mga maralita, patuloy ang mababang pasahod sa mga gumagawa ng yaman ng kapitalista, patuloy ang pagtataboy sa mga vendors na naghahanapbuhay ng marangal, patuloy na naiinitan ng sikat ng araw ang mga napakasisipag na magsasaka ngunit nagkukulang sa pagkain ng kanyang pamilya, patuloy ang pagtaas taun-taon ng matrikula sa paaralan gayong karapatan at hindi negosyo ang edukasyon, patuloy ang pagtaas ng presyo ng gamot at pagpapagamot gayong karapatan ng bawat isa ang kalusugan, dumarami ang mga batang manggagawa habang walang trabaho ang matatanda, atbp.

May aktibista dahil may pangangailangang tugunan ang iba't ibang kinakaharap na problema ng mga manggagawa, maralita, kababaihan, kabataan, magsasaka, maliliit na manininda, magniniyog, magtutubo, mangingisda, lumad, at iba pang aping sektor sa lipunan.

May aktibista dahil may nagsuri na mali ang sistemang kasalukuyan nating ginagalawan, na mali na may naghaharing iilan habang naghihirap ang higit na nakararami, na mali na umiiral ang kalagayang may mahirap at may mayaman.

May aktibista dahil may naniniwalang dapat ipaglaban ang lahat ng ating karapatan, at ang karapatan ay hindi dapat gawing negosyo ng pamahalaan at ng mga kapitalista, tulad ng ating karapatan sa pabahay, pagkain, trabaho, kalusugan, at marami pang karapatang dapat kilalanin at igalang.

May aktibista dahil nagdurugo ang ating puso kapag nakikita at nalalaman nating may naaapi at napapagsamantalahan. Hindi natin kayang manahimik, magbulag-bulagan, at magbingi-bingihan sa bawat hikbi ng ating kapwa mahihirap.

May aktibista dahil may nagresponde sa panawagang kumilos laban sa gobyernong puno ng kurakot, laban sa pamahalaan ng katiwalian, laban sa sistemang mapagsamantala, laban sa mga taong sariling interes lamang ang nais manaig imbes na interes ng higit na nakararami, laban sa mga kapitalistang walang pakialam kahit mamatay sa gutom ang pamilya ng manggagawa ngunit binabangungot pag nalulugi ang kumpanya.

May aktibista dahil patuloy na nabubuhay sa kadiliman ang ating bayan, ang ating lipunang ginagalawan. Tungkulin ng bawat aktibistang akayin sa liwanag ang bawat nasa dilim.

May aktibista dahil may taong prinsipyado, may makatarungang prinsipyong tinatanganan at ayaw pabayaan sa dilim ang kanyang kapwa. Prinsipyo niya'y makatao at internasyunalismo.

May aktibista dahil naniniwala siyang makakamit lamang ang kapayapaan sa daigdig kung makakamit ang hustisyang panlipunan para sa lahat.

May aktibista dahil hindi siya pasibo, kundi taong may pakialam sa kanyang kapwa tao.

May aktibista dahil naniniwala siya sa pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, at ito'y ninanais niyang umiral sa bawat isa.

May aktibista dahil mapagmahal siya sa kalikasan, at ayaw niyang mawasak ang mundong ito ng mga armas-nukleyar at mapamuksang elemento sa daigdig.

May aktibista dahil naniniwalang hindi dapat negosyo ng iilan ang mga serbisyo't karapatan ng bawat mamamayan.

May aktibista hangga't patuloy na umiiral ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika, hilaw na materyales, at lupa. Naniniwala siya at nakikibaka upang tiyaking maging pag-aari ng lipunan ang mga kasangkapan sa produksyon para sa kapakanan ng lahat, at di ng kakarampot na elitista lamang.

May aktibista dahil may patuloy na mangangarap, kahit yaong di pa isinisilang ngayon, ng isang lipunang makatao, isang lipunang hindi pinaghaharian ng kapital, isang lipunang may pagkakapantay-pantay, isang lipunang walang uri.

May aktibista dahil siya'y internasyunalista. Hindi siya makabayan, pagkat lahat ng uring api at pinagsasamantalahan, anuman ang lahi nito, ay kanyang ipinagtatanggol. Anumang tribu, anumang lalawigan, anumang bansa, anumang lahi ay dapat ipagtanggol laban sa lahat ng anyo ng pagsasamantala at pang-aapi ng tao sa tao. Anong silbi ng pagiging makabayan kung ang karatig bayan na hindi mo kalahi ay naaapi?

Ang aktibista'y internasyunalista. Walang bakod ang kanyang pagtulong sa maliliit at pagsusulong ng sistemang tunay na makatao para sa lahat.

Kung walang aktibista, lagi tayong nasa dilim, at patuloy tayong inaakay ng mga naghaharing uri sa kumunoy ng kahirapan. Patuloy pa ang kadiliman. Nananatiling sakbibi ng lumbay at dusa ang mga gumagawa ng yaman habang nagpapasasa sa yaman ng lipunan ang mga naghaharing iilan.

May aktibista dahil naririto tayo. Aktibo, hindi pasibo. May pakialam sa mga nangyayari sa ating kapaligiran, sa ating pamayanan, sa ating bayan, sa lipunang ating ginagalawan.

Yaong mga tumutuligsa sa mga aktibista ay yaong mga naghaharing uri at mga elitistang makasarili, walang pakialam sa kapwa tao, at ayaw itama ang kanilang mga kabuktutan sa kanilang kapwa. Yaong mga ayaw sa mga aktibista ay yaong mga gustong magkamal ng mas malalaking tubo at magpasasa sa pinaghirapan ng iba. Yaong mga tumutuligsa sa mga aktibista ang mga kapitalistang kung mandurog ng karapatang mag-unyon ng mga manggagawa ay parang pumipisa lamang ng mga ipis.

Ah, dapat pang hilumin ang mga sugat na nilkha sa kaibuturan ng puso't diwa ng mga mahihirap, mga sugat na likha ng mga elitistang yumuyurak sa karangalan at pagkatao ng mahihirap, mga sugat na likha ng mapag-imbot na kapitalistang sistema, mga sugat na kung maghilom man ay mag-iiwan pa rin ng pilat ng nakaraan.

Mga kapwa aktibista, hindi tayo dapat tumigil hangga't hindi nagwawagi. Marami pang suliraning dapat tugunan. Ang mga karapatan ay dapat tamasahin ng lahat at di negosyo ng iilan. Patuloy pa ang kurakutan sa kabangyaman ng bayan. Patuloy pa rin ang pagkamkam ng tubo ng mga kapitalista sa lakas-paggawa ng mga manggagawa. Kailangan pa ang mga aktibista ngayon para sa pagbabago.

Nawa'y makapagbigay tayo ng liwanag sa mga pusong inaagiw na sa pag-iimbot, mga matang mapangmata sa maliliit, sa mga taingang laging nagtetengang-kawali sa mga daing ng maralita, sa mga nangangakong laging pinapako ang kanilang sumpa pag naupo na sa poder, sa mga walang awa.

Ako'y aktibista at ipinagmamalaki ko iyon.

Halina’t itanim natin ang binhi ng aktibismo sa bawat isa. Para sa isang lipunan at daigdig na tunay na makatao.

Huwebes, Pebrero 11, 2010

Ika-4 na Taon ng Klasikong Tulang "Sa Iyo, Ms. M."

IKAAPAT NA TAON NG KLASIKONG
TULANG "SA IYO, MS. M."

ni Gregorio V. Bituin Jr.

Apat na taon na ang nakararaan nang ibinigay ng aktibistang makata ang kanyang unang tulang handog kay Miss M. Araw iyon ng mga Puso. Malugod na tinanggap iyon ng babae habang ito'y paalis kasama ang ilan nitong mga kasama. Naiwan ang makatang may saya sa kalooban. Ilang panahon pa ang lumipas, ang tulang iyon ay nalathala sa isang pahayagan at sa kalaunan ay sa isang aklat ng pag-ibig na inilathala ng makata at taos-pusong inalay niya kay Ms. M.

Isa nang klasiko ang tulang iyon na pinamagatan niyang "Sa Iyo, Ms. M", ayon sa ilan nilang mga kasama, pagkat isang magandang halimbawa raw iyon kung paano nga ba nanliligaw sa isang kapwa aktibista ang isang aktibistang tulad ng makata. Klasikong tula ng isang makatang rebolusyonaryo. Klasikong tulang pinagbatayan ng marami pang tula.

Bago siya naging makata'y aktibista muna siya. Pawang mga tinutula niya noon ay hinggil sa rebolusyon at pakikibaka ng mga manggagawa't maralita. Ngunit kinatatamaran siyang basahin ng kapwa makata dahil wala raw damdamin o anumang emosyon sa tula ng makata maliban sa galit sa sistema. Kung nais daw ng makatang umunlad, payo ng mga kapwa makata sa isang palihan sa pagtula ng anim na buwan, kailangan niyang lagyan ng emosyon at haraya (imahinasyon) ang bawat tula upang maramdaman at manamnam ito ng bawat mambabasa. Sinunod ng makata ang payong ito.

Kaya ng minahal ng makata si Ms. M., bawat liham at pagtula ng makata'y nilalakipan niya ng emosyon at haraya upang hindi maging patay ang tula, kundi buhay na buhay at maaaring maramdaman ng nililiyag. Ganito sinimulan ng makata ang iniluluhog niyang pag-ibig. Ngunit di nawala sa kanyang unang tulang handog kay Ms. M. ang kumbinasyon ng emosyon ng pagtula at ang pagkaaktibista ng makata. Nais niyang magkasama pa rin ang panitikan at ang pakikibaka sa nilikha niyang tula para sa nililiyag.

Ngunit naging masalimuot ang pag-ibig ng makata pagkat sa proseso ng kanyang pagkilos sa iba't ibang komunidad bilang manunulat, mamamahayag, makata, propagandista at organisador, ay may sumulpot na dalawang magandang dalaga na nagpawala sa kanyang pagtutok kay Ms. M, sina Ms. T at Ms. P. Pansamantala niyang nalimutan si Ms. M. nang masilayan niya si Ms. T., ngunit nakilala ng makata si Ms. P na nagpabaling uli sa kanyang pagtingin. Binigyang daan ng makata ang dalawang iyon na nung una'y di magkakilala ngunit nang dahil sa makata'y di sinasadyang nagkakilala sila't naging malapit na magkaibigan. Kaya isa lamang sa dalawang dalaga ang napasagot ng makata, si Ms. T.

Ngunit ang makata'y di lamang makata. Sa kabila ng mabulaklak niyang pangungusap, malalalim at matatalim na paglalaro ng salita at pagkatha ng tula, ang makata'y isang aktibista. Isang rebolusyonaryong naghahangad ng pagbabago ng nagnanaknak na sistema ng lipunan. Katunayan, bago pa niya bigyang pansin noon si Ms. M. na isa ring aktibista't rebolusyonaryo, ay pinintuho rin ng makata si Ms. J., isang maganda ring aktibista noon, ngunit hindi napasagot ng makata dahil naunahan siya ng iba.

Hanggang sa dumating ang panahong kailangan ng makatang mamili, si Ms. T ba o ang kilusang mapagpalaya? Ayaw ni Ms. T na magpatuloy ang makata sa pakikibaka, bagkus ay hiniling sa makatang umalis sa kilusan at maghanap ng ibang trabaho, dahil hindi kaya ng dalaga ang buhay-rebolusyonaryo ng makata, na kadalasan ay wala sa bahay, hindi maasikaso ang pamilya at naroon lagi sa pakikibaka ng mga manggagawa't maralita sa kalunsuran. Inilinaw ito ng makata sa kanyang tulang "Aktibistang Iniwan ng Sinta".

Buhay-pag-ibig. Buhay-pakikibaka. Masakit ngunit kailangang magdesisyon ng tumpak ang makata. Hanggang siya'y nagpasya. Ang kilusang mapagpalaya ang kanyang pinili dahil para sa makata, mas marangal na mabuhay kasama ang kilusang mapagpalaya, kaysa isang maliit na pamilyang mabubuhay lamang sa isang tahanan habang walang pakialam sa mga nangyayari sa kanilang paligid, lalo na sa lipunang ginagalawan.

Naging aral sa makata ang pangyayaring iyon. Hanggang sa sumapit ang bagyong Ondoy. Dinelubyo nito ang halos buong Kamaynilaan. Lumubog ang maraming bahay. At sa tinutuluyang opisina ng makata, ang kanyang mga damit, kagamitan at mga libro ay pawang binaha. Nangabasa at tila hindi na maibabalik pa ang mga ito.sa dating kaayusan, kaya dapat lang itapon. Habang dinadalumat ng makata ang masakit na nangyari sa kanyang buhay-pag-ibig ay muling lumitaw ang basang-basang kopya ng librong inalay niya kay Ms. M. tatlong taon na ang nakararaan, at ito ang aklat na may pamagat na "Pag-ibig at Pakikibaka" (unang edisyon).

Dito'y nabasa muli ng makata ang kanyang tulang "Sa Iyo, Ms. M." na sinasabi ng mga kasamang klasikong tula para sa mga rebolusyonaryo. Natigagal ang makata. Nag-isip-isip. Hanggang siya'y pansamantalang nangibang-bansa dalawang araw matapos ang delubyo sa Kamaynilaan. Tumungo siya sa Thailand upang dumalo sa walong araw na kumperensya hinggil sa usaping kalikasan. Sa airport pa lamang ay nag-text agad siya kay Ms. M. upang pansumandaling magpaalam dahil hindi makatulong ang makata sa mga ginagawang relief operation ng kanilang kilusan para sa mga nasalanta. At nag-text si Ms. M. sa kanya ng "ok na yan. new xperience naman 4 u. gud luck." na ikinasiya naman ng makata.

Si Ms. M. ay kasama ng makata sa kilusang mapagpalaya. Para sa makata'y tama ang kanyang pasya. Kaya ngayon ay nagbabalik ang makata sa puso ni Ms. M. Muling naniningalang pugad upang suyuing muli ang dating minahal. Nagbabalik siya kay Ms. M. upang di na muling umalis.

Always somewhere
Miss you where I've been
I'll be back to love you again
Always somewhere
Miss you where I've been
I'll be back to love you again

Habang umaalingawngaw sa pandinig ng makata ang makabagbag-damdaming awitin ng Scorpion ay patuloy na lumilikha ang makata ng mga rebolusyonaryong tula, bukod pa sa mga tula ng pag-ibig para sa kanyang sinisinta. Namanata pa siya sa ilang mga kasama na hindi niya pababayaan ang babaeng ito habang siya'y nabubuhay, na sinuman ang nagnanais umaglahi at magsamantala sa babaeng ito'y dapat munang dumaan sa bangkay ng makata. Ganito kamahal ng makata si Ms. M. Mahigpit na tinutupad ng makata ang panatang ito sa kanyang buhay.

Ngunit si Ms. M. ay bahagi lamang ng kabuuan ng makata. Pagkat tatlo ang kanyang pakay dito sa mundo. Pakay na kanyang pinag-isipan, pinagpasyahan at pinag-aalayan ng buhay. Na isinulat din niya sa tulang pinamagatang "Tatlong Mahahalagang Pakay Ko sa Mundo" at ito'y ang paggawa ng limanlibong tula, ang pagrerebolusyon hanggang magtagumpay ang sosyalismo, at si Ms. M.

HIndi dapat mawala si Ms. M. dahil siya ang inspirasyon ng makata. Sa katunayan, gumawa ng maraming libro ang makata, kumatha ng maraming tula, maiikling kwento't sanaysay, nagsalin ng maraming akda ng kilusan, para lamang magpa-impress kay Ms. M. na kung wala ang dalagang ito'y tiyak na di ito magagawa ng makata. Ngayon nga'y ginagampanan ng makata ang pagiging kanang kamay sa ilang mga gawain sa komunidad na naroroon si Ms. M, at hindi niya ito pinababayaan, dahil nga sa panata niya sa mga kasama, sa kilusan, kay Ms. M. at sa kanya mismong sarili. Habang sa kabilang banda'y patuloy ang makata sa pagkatha habang nag-oorganisa ng mga bagong dyornalista mula sa pamahayagang pangkampus upang maging propagandista ng kilusang mapagpalaya.

Kaytagal naghanap ng makata, at ngayong nagbalik siyang muli kay Ms. M. ay hindi na siya magpapabaya. Hindi na niya pababayaang mawala pa sa buhay niya ang kanyang inspirasyon. Isa lamang sa nasa anim na bilyong tao sa buong mundo si Ms. M. ngunit ang isang iyon ay napakahalaga na sa buhay ng makata. Kung mawawala ang isang iyon ay mas gugustuhin pa ng makatang di na nabuhay sa mundo. Pagkat ang kanyang buhay, ang kanyang Ms. M., ay hindi niya nakakasama.

Ngunit dama ng makata sa kaibuturan ng kanyang puso na mapagtatagumpayan niya si Ms. M. Dahil kung hindi'y bakit patuloy siyang nabubuhay at kumikilos? Bakit patuloy niyang nagiging inspirasyon si Ms. M. sa araw-gabi niyang mga gawain at sa kanyang buhay? Nawa'y tama ang makata. Nawa'y magkasama pa rin sila sa pakikibaka hanggang magtagumpay ang rebolusyon ng uring manggagawa hanggang sa huli, tulad ng sinabi ng makata sa kanyang unang alay na tula kay Ms. M.



Narito ang kopya ng tulang "Sa Iyo, Ms. M." at ng tulang "Tatlong Mahahalagang Pakay Ko sa Mundo"

SA IYO, MISS M.
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang tulang ito’y ibinigay ng personal kay Ms. M. noong Pebrero 14, 2006

Ms. M., hindi ka makatkat sa aking puso’t diwa, kahit habang pinipiga ang lakas-paggawa ng mga obrero sa iba’t ibang pabrika

Ang maamo mong mukha’y nanunuot sa kaibuturan ng aking kalamnan, kahit patuloy na nagbibingi-bingihan ang gobyerno sa mga hinaing ng manggagawa’t maralita

Nabuhay muli ang puso kong matagal nang namatay nang masilayan kita, bagamat matindi ang pananalasa ng globalisasyon

Ninanasa kong makasama kita habang ako’y nabubuhay, habang isinusulat ko ang ilang artikulong pangkultura’t balita sa pahayagang Obrero

Pinangarap kong matikman kahit sumandali ang iyong pag-ibig, kahit noong inookupa ng mga manggagawa ang DOLE

Inukit na kita, Ms. M., sa aking puso, kahit marami na ang nabibiktima ng salot na assumption of jurisdiction

Ms. M., can we talk about our future, as we taught the mass of workers about their revolutionary role in society?

Maging akin man ang iyong pag-ibig o ito’y mawala, alam kong patuloy pa rin tayong makikibaka hanggang sa paglaya ng uring manggagawa

Ms. M., can you say that you love me and show me that you care, even in the middle of our struggle against the capitalist class?

Sana, Ms. M., ngayong ika-14 ng Pebrero o sa iba pang araw na daratal, ay magantihan mo ang iniluluhog nitong aba kong puso, sa gitna man ng piketlayn o sa rali laban sa bulok na sistema

Ms. M., please save your heart for me as we continue fighting for the emancipation of the working class

Hihintayin ko, Ms. M., ang katugunan sa hibik niring puso na sana’y di magdusa, kahit nagpapatuloy pa rin ang mga rali sa lansangan



TATLONG MAHAHALAGANG PAKAY KO SA MUNDO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

may tatlong mahahalagang pakay
kung bakit pa ako nabubuhay
sa mundong itong tigib ng lumbay
at kamtin ito bago humimlay

una'y dapat akong makalikha
ng target na limanlibong tula
kung saan ito'y malalathala
sa apatnapung aklat kong akda

sunod ay ang pagrerebolusyon
sa buhay na ito'y aking layon
sa hirap sosyalismo ang tugon
at dapat kong matupad ang misyon

ikatlo'y ang pag-ibig ko't sinta
na sa buhay ko'y nagpapasaya
inspirasyon ko siya noon pa
tula't rebo'y alay ko sa kanya

tatlong pakay na pinapangarap
na makamit ko't dapat maganap
bago matapos ang aking hirap
ito'y tuluyan ko nang malasap

tula, sosyalismo, Miss M, sila
ang tatlong pakay kong mahalaga
sa diwa't puso'y sadyang ligaya
panitikan, rebolusyon, sinta

Lunes, Enero 25, 2010

Paunang Salita sa Librong "Aralin sa Kahirapan"

Paunang Salita sa Librong "Aralin sa Kahirapan"

HALINA'T PAG-ARALAN ANG LIPUNAN
Sinulat ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mga kapatid, kasama, kaibigan, kababayan, halina't pag-aralan natin ang lipunang ating ginagalawan.

Bakit nga ba laksa-laksa ang mga naghihirap sa ating bayan, habang may kakarampot na nagpapasasa sa yaman ng bansa? Talaga nga bang may ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig? Bakit sa kabila ng kaunlarang inabot ng tao ay nakabungad pa rin sa atin ang mukha ng karalitaan?

Bakit ang gumagawa ng yaman ng lipunan - ang mga manggagawa - ang siyang naghihirap?

Bakit ang mga karpinterong gumagawa ng bahay ang siyang nakatira sa barung-barong, imbes na sa mansyon?

Bakit ang mga magsasakang gumagawa ng bigas ang kadalasang walang maisaing na bigas dahil walang pambili?

Bakit ang mga gurong humuhubog sa kinabukasan ng ating mga kabataan sa pamamagitan ng may kalidad na edukasyon ang siyang may mababang sahod at mababa ang kalidad ng pamumuhay?

Bakit sa kabila ng mga pangako ng mga pulitiko na kalidad ng buhay sa bawat halalan ay naglipana pa rin ang mga pulubi at mga batang lansangan, na walang matirahan kundi kariton o kaya'y karton sa mga bangketa?

Karapatan natin ang mag-aral ngunit kung karapatan ito, bakit ito may presyo at iyun lamang may kakayahang magbayad nito ang nakakakuha ng magandang edukasyon?

Karapatan natin ang kalusugan ngunit kung karapatan ito, bakit ito may presyo at iyun lamang may kakayahang magbayad sa ospital ang nagagamot?

Karapatan natin ang magkaroon ng sariling bahay ngunit kung karapatan ito, bakit ito may presyo at iyun lamang may kakayahang magbayad nito ang nagkakaroon ng magagandang mansyon?

Napakaraming katanungang naghahanap ng malinaw na kasagutan. Maraming bagay sa mundong ito na dapat hanapan ng paliwanag at maunawaan nating mabuti, lalo na't malaki ang kaugnayan nito sa ating buhay, at sa buhay ng ating mga mahal. Hindi natin dapat ipagwalang-bahala na lamang ang mga bagay na ganito. Kaya nararapat lamang nating masusing pag-aralan ang lipunang ating kinasasadlakan.

Hindi sapat ang galit! Hindi sapat na tayo'y magalit lamang habang wala tayong malamang gawin dahil di natin nauunawaan ang takbo ng lipunan. Hindi sapat na tumunganga lamang tayo sa kabila ng nakikita na natin ang mga problema.

Kailangan nating kumilos. Hindi lahat ng panahon ay panahon ng pagsasawalang-kibo, ngunit lahat ng panahon ay panahon ng pagpapasiya.

Kaya nagpasya kami sa Aklatang Obrero Publishing Collective na muling ilathala ang Aralin sa Kahirapan (ARAK) na inakda ni Ka Popoy Lagman, bayani ng uring manggagawa. Ang ARAK ay isang aklat ng kasaysayan ng lipunan, isang aklat ng pagsusuri sa kalagayan ng tao, na kinatatampukan din ng mga paliwanag kung bakit dapat tayong makibaka para baguhin ang kalunus-lunos na kalagayan ng marami.

Ang muling paglalathala ng aklat na ARAK ay isang pagpapatuloy upang maunawaan ng kasalukuyan at ng mga susunod pang henerasyon ang esensya kung bakit dapat mabago ang lipunan, lalo na ang sistemang naging dahilan ng lalong paglaki ng agwat ng laksa-laksang mahihirap at kakarampot na mayayaman.

Nilangkapan ito ng mga bagong datos na kinakailangan upang ilapat ito sa kasalukuyang panahon, ngunit walang binago sa mismong sulatin, maliban sa pag-edit at pagtama sa bantas at ispeling, na marahil ay dulot ng pagmamadali sa pagtipa sa kompyuter.

Naniniwala ang inyong lingkod na hindi dapat matago na lamang sa baul ng kasaysayan ang araling ito, bagkus dapat itong pag-aralan ng mga bagong henerasyon ngayon, lalo na iyong mga naghahangad ng pagbabago sa lipunan, at nagnanais na matanggal ang ugat ng kahirapan ng mamamayan ng daigdig, ang tuluyang pagwasak sa pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika at mga lupain, upang maging pag-aari ng buong lipunan. Nang sa gayon ay makinabang lahat, at hindi lamang iilan.

Halikayo, mga kapatid, kaibigan, kasama. Ating namnaming mabuti sa ating isipan ang nilalaman ng aklat, at mula doon ay mag-usap tayo at magtalakayan. Kung sakaling matapos mo itong basahin, ipabasa mo rin ito sa iba.

O, pano? Tara nang magbasa.