Miyerkules, Enero 22, 2014

Sa ika-79 na kaarawan nI Lola Rosa Asedillo

SA IKA-79 NA KAARAWAN NI LOLA ROSA, ANG BUNSONG ANAK NG BAYANING TEODORO ASEDILLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bumalik kami sa Brgy. Longos, Kalayaan, Laguna nitong Enero 21, 2014, araw ng Martes, upang bisitahing muli si Lola Rosa Asedillo-Medalla, ang bunsong anak na babae ng bayaning si Teodoro Asedillo.

Apat kaming umalis bandang ikasampu ng umaga mula sa pambansang tanggapan ng Partido Lakas ng Masa (PLM) sa Lungsod Quezon - ang tsuper na si Mars, si Ate Nelia Vibar na isang staff sa tanggapan ng PLM, si Ka Sonny Melencio na pambansang pangulo ng PLM, at ako.

Bago makapananghali ay naroon na kami sa tanggapan ng PLM-Cavite sa General Mariano Trias (GMA) sa Cavite upang daluhan ang isang pulong. Matapos ang ilang pag-uusap doon ay nagtungo na kami sa tanggapan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Timog-Katagalugan (BMP-ST) sa Calamba, Laguna, at kumain muna doon.

Bandang ikalawa ng hapon ay lumarga na kami patungo sa Kalayaan, Laguna. Dalawang sasakyan kami, ang isa'y kaming mula sa Maynila, at ang isa naman ay van ng mga taga-Cavite at Laguna sakay ang mga kasama mula sa PLM, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), at Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA). Nauna ang van, at sumunod kami. Dumating kami roon ng bandang ikatlo ng hapon. Una naming dinalaw ang puntod ni Teodoro Asedillo, at nagkuhanan muna ng litrato doon. Ikinwento naman ni Ka Jun, na tagaroon din at siyang gabay namin patungo sa bahay ni Lola Rosa, kung saan nag-shooting noon si Fernando Poe Jr. na siyang gumanap na Asedillo. At sa katabing bundok na iyon naroon ang Brgy. San Antonio. Umano'y may daanan namang maayos patungo sa bundok at may malaking pamayanan din doon, na ang populasyon ay mas malaki pa kaysa Brgy. Longos na pinuntahan namin.

Pagkatapos ng maikling kwentuhan ay sumakay kaming muli sa sasakyan at nagtungo na sa bahay ni Lola Rosa.

Nakangiti kaming sinalubong ni Lola Rosa sa harapan ng kanyang bahay, at doon na rin ipinarada ang dalawang sasakyan. Iniabot ko kay Lola Rosa ang dalawang tula - ang isa'y pinamagatang "Teodoro Asedillo, Dakilang Guro" at ang isa'y para sa kanyang kaarawan - at ang isang papel na naglalaman ng palatuntunan ng Concert at the Park sa Luneta, kung saan inawit doon ang "Dakilang Guro: Teodoro Asedillo" na batay sa aking tula.

Naglakad kami patungo sa bahay ng kanyang anak dahil naroon ang handaan. Ipinakilala namin sa kanya si Ka Sonny Melencio, ang pambansang pangulo ng Partido Lakas ng Masa. Ang handa ay biko, pansit palabok, litsong manok, sopas, at keyk. Hinipan ni Lola Rosa ang keyk. Habang nagkakainan ay nakipagkwentuhan naman si Ka Sonny kay Lola Rosa, habang ako naman ay matamang nakikinig.

Maraming kwento si Lola Rosa hinggil sa kanyang ama at sa kanilang buhay-buhay. Hanggang sa mabanggit ni Lola Rosa na sa pelikulang "Asedillo" ay marami ang kulang. Umano'y nakita na lang niya ang iskrip ay gawa na. Iniabot na lamang sa kanya ng direktor na si Celso Ad. Castillo. Buhay pa noon ang kanyang ina, at marahil ang kanyang ina ang isa sa nakapanayam.

Namigay din kami ng kopya ng tula sa mga kasamahan ni Lola Rosa, at isa ang nagkomento kung bakit nakasulat ay "sa ika-79 na kaarawan ni Lola Rosa" gayong sinasabi naman daw ng matanda na siya ay 77 taong gulang lamang. At sinabi ko naman kung bakit. Una, dinalaw pa at nakita ng bayaning Teodoro Asedillo o Ka Dodo ang kanyang anak na si Rosa matapos itong isilang. Ikalawa, namatay si Ka Dodo noong Disyembre 31, 1935, batay na rin sa nakasulat sa kanyang lapida. Kung 77 taong gulang si Lola Rosa, tiyak na hindi na siya nakita ng kanyang ama. 2014 - 77 = 1937. At hindi rin siya 78 anyos. 2014 - 78 = 1936, patay na si Ka Dodo nang isilang siya. Masisira ang kwento. Dahil nang isinilang si Lola Rosa ay dinalaw pa siya ng kanyang ama bago ito mapatay ng Konstabularya, sa pangunguna ni Tenyente Jesus Vargas. Ibig sabihin, taong 1935 isinilang si Lola Rosa. Kaya sabi ko sa mga naroon, hindi 77 o 78 anyos si Lola Rosa kundi 79 anyos na. 2014 - 1935 = 79 anyos. Umayon naman sila sa aking paliwanag.

Napagkwentuhan din doon na kung sakaling mabubuo muli ang kwento ay maidagdag kung anuman ang kulang. At marahil ito'y maisapelikula muli, at ang gaganap ay ang isang aktor na kasapi rin ng PLM. Kaya binilinan ako ni Ka Sonny na ituloy ang panayam kay Lola Rosa upang mabuo pa ang kwento.

Mayamaya ay tinawag ko ang ilang kasamahan upang bigkasin ang isang tulang alay sa kaarawan ng matanda. Hawak ang aming mga kopya, binigkas namin ng sabay-sabay ang tula para kay Lola Rosa, na tinatawag din sa lugar na iyon na "Mommy Rose":

SA IKA-79 NA KAARAWAN NI LOLA ROSA,
ANG BUNSONG ANAK NG BAYANING TEODORO ASEDILLO
15 pantig bawat taludtod

Maligayang kaarawan po itong aming bati
O, Lola Rosa, na anak ng bayani ng lahi
Habang sinisilayan ang matipid ninyong ngiti
Tulad ng ama'y mayroon kayong magandang mithi
Pagpapakatao't pakikipagkapwa ang binhi

Makasaysayan po ang una nating pagkikita
Di namin inaasahang kayo pa'y makilala
Kaya laking galak naming mga magkakasama
Na kayo'y nakadaupang-palad, sadyang kaysaya
Sa aming puso't diwa, kayo po'y nakatatak na

Lola Rosa, kayo po'y larawan ng katatagan
Inyong ama nama'y simbolo ng kabayanihan
Pagkat karapatan ng tao'y kanyang pinaglaban
Ipinagtanggol ang obrero't dukha sa lipunan
Tagos sa puso't diwa yaong kanyang sinimulan

Ang ama'y dakilang guro sa mga estudyante
Tangan ang simulaing para sa nakakarami
Sa manggagawa't magsasaka'y tunay na nagsilbi
Kaya dapat siyang tanghaling tunay na bayani
Habang anak na bunso'y dakilang ina't babae

At sa pagkakabusabos, masang api'y babangon
Lola Rosa, tunay kayong anak ng rebolusyon
Nawa'y lumakas pa po kayong nasa dapithapon
Nitong buhay pagkat tunay po kayong inspirasyon
Muli, Maligayang Kaarawan sa inyo ngayon!

- handog ng kasapian ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Partido Lakas ng Masa (PLM), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), Teachers Dignity Coalition (TDC), Sanlakas

Enero 21, 2014, Brgy. Longos, Kalayaan, Laguna

Nagpaalam na kami kay Lola Rosa bandang ikaanim at kalahati ng gabi (6:30 n.g.). Masaya kaming umalis, na isa na naman itong makasaysayang pangyayari na hindi namin malilimutan.

Naghiwalay na ng ruta ang dalawang sasakyan paglabas ng Brgy. Longos. Ang isa ay kumanan patungo sa Calamba, habang kami naman ay kumaliwa pa-Maynila na, at ang dinaanan namin ay Pililla, Rizal, na walang trapik.

Dumating kami sa pambansang tanggapan ng PLM bandang ikawalo at kalahati ng gabi.






Mga litrato'y kuha ni Greg Bituin Jr.

Lunes, Enero 20, 2014

Ang awiting "Dakilang Guro: Teodoro Asedillo" sa Concert at the Park

ANG AWITING "DAKILANG GURO: TEODORO ASEDILLO" SA CONCERT AT THE PARK
 ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makabagbag-damdamin ang pag-awit ng tulang "Dakilang Guro: Teodoro Asedillo" sa Concert at the Park noong Enero 19, 2014.

Ang tulang iyon ay hiniling ng ka-facebook kong si Joel Costa Malabanan matapos kong i-upload sa facebook ang ilang litrato hinggil sa pagdalaw ko at ng aking mga kasamahan sa bahay ni Lola Rosa, ang bunsong anak ni bayaning si Teodoro Asedillo noong Enero 5, 2014. Isa si Ka Joel sa nakabasa ng aking artikulong "Teodoro Asedillo: Dakilang Guro, Lider-Manggagawa, Bayani" sa aking blog. Ang artikulong iyon, na sinulat ko noong 2006 ay nalathala na sa magasing Tambuli ng Dakilang Lahi noong 2006 at sa magasing Ang Masa noong Marso 2012.

Nang hinilingan ako ng tula hinggil kay Asedillo upang lapatan niya ng musika, agad ko iyong pinaunlakan. Ilang araw din bago ko iyon nagawa. At nang sa palagay ko'y maayos na ang tula ay agad kong ipinadala sa kanya.

Narito ang aking tula:

TEODORO ASEDILLO, DAKILANG GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kabutihang asal ang pinatimo
nasa wikang taal ang tinuturo
magagandang diwa'y ipinapayo
sa mag-aaral ay mabuting guro

ngunit mga Kano'y sakdal-bagabag
wikang Ingles ang pilit nilalatag
gurong si Asedillo'y di pumayag
sa harap ng Kano'y naging matatag

bakit wikang dayo ang gagamitin?
at ang sariling wika'y aalisin?
banyaga na ba ang dapat tanghalin?
wikang sarili ba'y wikang alipin?

edukasyon noon pa'y pinaglaban
na ito'y dapat umangkop sa bayan
ngunit si Asedillo pa'y nawalan
ng trabaho kahit nasa katwiran

kawalang katarungan ang nangyari
ngunit siya'y patuloy na nagsilbi
di sa eskwela kundi sa marami
inalay ang buhay sa masang api

o, Asedillo, dakila kang guro
halimbawa mo'y nasa aming puso
bayani kang tunay sa ating pulo
at liwanag ka sa maraming dako

May ilang dinagdag si Ka Joel upang lumapat sa tono. Gayunman, halos 95% naman, ayon sa kanya, ang nanatili. Narito ang buong liriko ng awit:

DAKILANG GURO : TEODORO ASEDILLO,
Titik ni ni Gregorio V. Bituin Jr. (11 pantig bawat taludtod)
Musika ni Joel Costa Malabanan

Intro: D – A –Bm – G – (2x)

Kabutihang asal ang pinunla mo
At wikang taal ang itinuturo
Makabayang diwa'y ipinapayo
Sa mag-aaral ay mabuting guro

Ngunit mga Kano'y sakdal-bagabag
Wikang Ingles ang pilit nilalatag
Gurong si Asedillo'y di pumayag
Sa harap ng dayo'y naging matatag

Bakit wikang dayo ang gagamitin?
At ang sariling wika'y aalisin /
Banyaga nga ba ang dapat tanghalin?
Wikang sarili ba'y wikang alipin?

Edukasyon noon pa'y pinaglaban
Na ito'y dapat umangkop sa bayan
Ngunit si Asedillo’y tinanggalan
Ng trabaho kahit nasa katwiran

Kawalang katarungan ang nangyari
Ngunit siya'y patuloy na nagsilbi
Di sa eskwela kundi sa marami
Inalay ang buhay sa masang api

Bakit wikang dayo ang gagamitin?
At ang sariling wika'y aalisin?
Banyaga nga ba ang dapat tanghalin?
Wikang sarili ba'y wikang alipin?

O, Asedillo, dakila kang guro
Halimbawa mo'y nasa aming puso
Bayani kang tunay sa ating pulo
At liwanag ka sa maraming dako

Bakit wikang dayo ang gagamitin?
At ang sariling wika'y aalisin?
Banyaga nga ba ang dapat tanghalin?
Wikang sarili ba'y wikang alipin?

Ang ating bayan ay ating gisingin
At ating isipan ay palayain!
Gurong Dakila ngayo’y kilalanin
Si Asedillo ay alalahanin!


Magsisimula na ang palatuntunan nang ako'y dumating. Pinatayo kaagad kami upang awitin ang Pambansang Awit ng Pilipinas. Nasa bandang gitna lamang ako upang kita ko ang buo, habang ang ibang may pyesa ring aawitin ay nasa bandang unahan. Naka-LCD projector ang mga liriko ng awit upang masundan ng mga tao.

May namimigay ng papel hinggil sa programa ng gabing iyon, at dahil malayo ako sa namimigay ng papel ay ako na mismo ang lumapit sa kanya at humingi. Naisip ko na hindi maaaring wala ako ng palatuntunang iyon, dahil isa iyong ebidensyang maaari kong ipagmalaki na minsan man sa buhay ko ay inawit ang isa kong tula sa Concert at the Park.

Ito ang nakasulat sa palatuntunang ipinamigay sa mga dumalo roon:

Concert at the Park presents "MAESTRO"
Tampok sina Joel Costa Malabanan at Ferdinand Pisigan Jarin, mga gurong musikero
Ika-6:00 ng gabi, Linggo, 19 Enero 2014
Open Air Auditorium, Rizal Park, Maynila

Ang Maestro ay binubuo ng dalawang gurong musikerong sina Ferdinand Pisigan Jarin at Joel Costa Malabanan. Kapwa sila propesor ng Kagawaran ng Filipino sa Philippine Normal University. Nabuo ang Maestro noong ika-1 ng Pebrero, 2012 at nakapagtanghal na sa mga konsyerto sa iba't ibang pamantasan gaya ng UST, DLSU Taft at sa PNU. Huling nagtanghal ang MAESTRO sa Paco Park Presents noong Nobyembre 15, 2013.

Si Ferdinand Pisigan Jarin ay naging script-contributor ng pambatang-programang Batibot at tatlong ulit nang nagawaran ng Don Carlos Palanca Award for Literature para sa dulang may isang yugtong "Sardinas" noong 2001, sanaysay na "Anim na Sabado ng Beyblade" noong 2005 at sa sanaysay na "D 'Pol Pisigan Band" noong 2010. Si Joel Costa Malabanan naman ay nagwagi sa mga textula tulad ng DALITEXT AT DIONATEXT at Tulaan sa Facebook. Noong 2010 ay nagkamit siya ng karangalang banggit sa Talaang Ginto.

Ang musika ng MAESTRO ay sumasalamin sa kanilang mga karanasan bilang mga guro at sa kanilang mga pananaw hinggil sa mga isyung panlipunan. Nasa anyo ito ng folk, reggae at rock subalit higit na dapat pagtuunan ang mensahe ng kanilang mga awit. Para sa pagtatanghal, makakasama nila si Nico Evangelista sa lead guitar at si Aji Adiano sa persecussion.

PROGRAMA

Julian Felipe - PAMBANSANG AWIT

Joel Costa Malabanan - A KINSE
Ferdinand Pisigan Jarin - DIYARYO
Joel Costa Malabanan - PAG HINDI NA PUMAPATAK ANG ULAN
Ferdinand Pisigan Jarin - LANGIT
Joel Costa Malabanan - AWIT KAY MACARIO SAKAY
Ferdinand Pisigan Jarin - MALAMANG
G. Bituin Jr. / J. C. Malabanan - DAKILANG GURO: Teodoro Asedillo
Ferdinand Pisigan Jarin - TULOY, TULOY, TULOY
M. Coroza / J. C. Malabanan - SA GABI NG KASALA
Ferdinand Pisigan Jarin - SUKATAN
B. Basas / F. Pisigan Jarin - PAGLIKHA NG BAGONG DAIGDIG
Joel Costa Malabanan - SPEAK IN ENGLISH ZONE
Joel Costa Malabanan - NAPAGTRIPAN LANG
G. R. Cruz / F. Pisigan Jarin - KAPAG UMIBIG KA
Joel Costa Malabanan - SIYAM-SIYAM

Concert at the Park, isang proyektong pangkultura ng Department of Tourism, Sec. Ramon R. Jimenez, Jr.

at ng
National Parks Development Committee
Elizabeth H. Espino
Punong Tagapagpaganap

Rhea J. Dela Ostia, taga-ulat

Matapos ang palatuntunan ay kinamayan ko si Ka Joel Costa Malabanan. Naroon din ang kaibigang Benjo Basas, pangulo ng Teachers Dignity Coalition (TDC), na hiniraman ko ng isangdaang piso para makabili ng CD, dahil pamasahe lang ang meron ako ng mga panahong iyon. HIndi ako nakabili ng CD dahil wala pa pala roon ang awit kay Asedillo, at hindi pa raw niya nairerekord. Sa Enero 21, 2014 kasi ay ika-79 na kaarawan ni Lola Rosa, ang anak na babae ng bayaning Teodoro Asedillo, na plano naming puntahan ng aking mga kasama.

Gayunman, wala mang CD, isang malaking kagalakan na ang isa kong tula ay ginawang awitin at inawit mismo sa Concert at the Park sa Luneta noong Enero 19, 2014.

Maraming salamat. Mabuhay ka, Ka Joel Costa Malabanan, at nawa'y magpatuloy ka pa sa iyong magagandang layunin para sa sambayanan.



Martes, Enero 7, 2014

Pagdalaw kay Lola Rosa, ang natitirang anak ng bayaning Teodoro Asedillo

PAGDALAW KAY LOLA ROSA, ANG NATITIRANG ANAK NG BAYANING TEODORO ASEDILLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makasaysayan ang araw na iyon, Enero 5, 2014, araw ng Linggo, dahil nakadaupang-palad namin sa unang pagkakataon ang bunsong anak ng bayaning si Teodoro Asedillo - si Mommy Rose o Gng. Rosa P. Asedillo-Medalla.

Napapunta kami roon dahil sa paanyaya ni Ate Gigi, isa sa kasapi ng Partido Lakas ng Masa (PLM) sa Laguna, at organisador ng Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA). Ayon sa kanya, nang malathala ang aking artikulong "Teodoro Asedillo: Magiting na Guro, Lider-Manggagawa, Bayani" sa magasing Ang Masa noong Marso 2012, ipinakita niya iyon sa kakilala niyang konsehal - sa Ate Emma Asedillo. Hiningi ito sa kanya, at ipinakita naman kay Mommy Rose.

Una kaming nagkausap ni Ate Gigi sa isang kumbensyon ng Partido Lakas ng Masa sa Bulwagang Tandang Sora, sa ikatlong palapag ng College of Social Work and Community Development (CSWCD) sa UP Diliman noong Disyembre 8, 2013, at ikinwento nga niya ang pagkikita nila ni Konsehala Emma Asedillo sa Laguna, at nais daw makilala kung sino ang may-akda ng artikulong "Teodoro Asedillo" na nalathala sa magasing Ang Masa. Ito naman ay pinag-usapan din nila ni Ka Jojo, organisador ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Southern Tagalog (BMP-ST). Kaya nang tumungo ako sa tanggapan ng BMP-ST sa Calamba, Laguna upang maghatid ng 20 kilo ng hamon, nagkausap kami ni Ka Jojo hinggil sa pagtungo sa matandang Asedillo.

Itinakda ang petsa na Enero 5, 2014, kaya naghanda na ako ng anumang maaaring maibigay sa matanda. Kaya nagdisenyo ako ng isang plakard sa sukat na 11" x 17" kung saan nakasulat: "Teodoro Asedillo, Magiting na Guro, Bayani ng Uring Manggagawa at ng Mamamayang Pilipino”, at ang mga nakalagda ay ang mga grupong BMP-PLM-KPML-AMA-TDC-SANLAKAS, na siyang bilin ni Ka Jojo na aking ilagay. Ang TDC ay Teachers’ Dignity Coalition at ang KPML naman ay Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod.

Enero 4 pa lang ay nagbiyahe na ako papuntang Calamba, Laguna, ngunit dumating ako roon na walang tao sa opisina ng BMP-ST. Bandang ikatlo ng hapon ng makarating ako doon. Tinext ko si Ka Jojo. Pinapunta niya ako sa kanilang bahay sa Dasmariñas, Cavite at birthday raw niya. Ibinigay niya kung paano ang pagtungo sa kanila, at anong biyahe ang sasakyan. Takipsilim na ako nakarating sa kanila. Naroon ang iba pang mga kakilala kong lider at kasapi ng PLM, KPML, BMP, Zone One Tondo Organization (ZOTO), Sanlakas. Bandang ikasiyam na ng gabi nang umalis kami roon at tumungo na sa tanggapan ng BMP sa Calamba upang doon matulog.

Umaga ng Enero 5 ay isa-isa nang nagdatingan ang mga sasama. Matapos ang almusal ay sumakay na kami ng van. Nagtungo muna kami sa isang lider-manggagawa, si Nick, at isinama namin. Tinagpo rin namin si Ate Gigi sa isang lugar, dahil siya ang gabay patungo kina konsehala Emma Asedillo.

Ang mga magkakasamang nagtungo roon ay sina Ka Jojo na lider ng grupo, Ka Eli, Alex, Ate Nellie, Ate Gigi at isa niyang kamag-anak, Nick na lider ng isang unyon, Doods na siyang tsuper ng van, at ako. Bale siyam kami.

Bandang ikalabing-isa ng umaga nang makarating kami ng Brgy. Longos sa bayan ng Kalayaan sa Laguna, at doon ay hinarap kami ni Konsehala Emma, na siyam na taong naging kagawad ng bayan. Marami siyang ikinwento tungkol sa buhay ng mga Asedillo, pati na ang kanyang panunungkulan ng siyam na taon bilang kagawad, at ang pagsama niya sa rali ng mga magsasaka sa Maynila noong Enero 1987 na nagdulo sa masaker. Naitanong pa sa akin kung pwede ko raw bang isulat ang talambuhay ni Konsehal Emma, na positibo ko namang tinugon.

Ang tinanghalian namin ay pinais na isdang tawilis, na may halong talong. Nabusog kami sa sarap ng pananghaliang iyon.

Matapos ang pananghalian ay nagtungo kami, kasama si Ka Jun, na kapitbahay ni Konsehala Emma, sa puntod ni Teodoro Asedillo. Ang puntod ay may nakatayong batong animo'y kandila. Puti ang katawan at pula ang apoy. Sa lapida ay ang pangalan ni Teodoro Asedillo, ang pangalan ng kanyang asawang si Julia Asedillo, at ang pangalan ng kanilang apong si Myra Medalla-Garcia. Kinunan ko ng litrato ang puntod, at nagpakuha rin kami ng litrato doon.

Matapos iyon ay sumakay kami ng van at tinungo na ang bahay ni Mommy Rose. Mainit ang pagtanggap sa amin ni Mommy Rose. Kita na sa kanya ang katandaan ngunit malakas pa siya at masigla. Naglakad kami patungo sa bahay ng kanyang anak sa may di kalayuan.

Masaya siyang kausap at marami siyang ikinukwento tungkol sa kanilang pamilya, lalo na hinggil sa kanyang ama na hindi na niya nakilala maliban sa mga kwento ng kanyang ina. Pati na ang kanyang kapatid na si Pedro ay hindi na niya nalaman kung paano nawala. Ikinwento rin niyang nasa halagang labingdalawang libong piso (P12,000) ang ibinayad sa kanila dahil sa pagkakagawa ng pelikulang "Asedillo" na pinagbidahan ni Fernando Poe Jr.

Simpleng meryenda lang ang inihain, ilang softdrinks at ilang biskwit. Matagal din ang kwentuhan namin nina Mommy Rose at ng mga kasama. Nagkuhanan kami ng litrato kasama ang kanyang mga anak, manugang at apo.

Bago umuwi ay ipinakita ni Mommy Rose ang isang bungkos ng mga sulatin dahil umano may isang liham doon ng sulat kamay ni Asedillo. Malabo na ang xerox na iyon, at kinunan ko iyon ng litrato. Pati na ang ilang dokumentong marahil ay malaki ang maitutulong sa mga bago kong pananaliksik. Nagpasalamat kami kina Konsehala Emma at Mommy Rose bago kami lumisan sa lugar na iyon, isang payak na lugar, isang liblik na pook, ngunit mayaman sa kasaysayan ng pakikibaka para sa karapatan ng maliliit.

Pakiramdam ko, hindi lang ako simpleng mananaliksik at potograpo ng araw na iyon, kundi mas tumindi pa ang aking pananalig sa pagkatao at rebolusyong inilunsad ng bayaning si Teodoro Asedillo.

Bandang ikalima ng hapon nang umalis kami roon, at nagtungo kami sa isang kasamahan ni Ate Gigi sa AMA upang manghingi ng gulay. Tumungo kami sa isang bukirin, nanguha ng mustasa, at nagkwentuhan. Bandang ikaanim at kalahati ng gabi nang kami'y umuwi na patungong tanggapan ng BMP sa Calamba.

Ang karanasang iyon ay makasaysayan, at hindi namin malilimutan.

Huwebes, Enero 2, 2014

Pagpupugay sa ika-50 anibersaryo ng "Mga Agos sa Disyerto" (1964-2014)

PAGPUPUGAY SA IKA-50 ANIBERSARYO NG "MGA AGOS SA DISYERTO" (1964-2014)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pagpupugay sa ikalimampung anibersaryo ng "Mga Agos sa Disyerto" ngayong 2014. Ang "Mga Agos sa Disyerto" ay isang aklat na kalipunan ng mga maikling kwento ng limang magkakaibigang manunulat sa wikang Filipino na nalathala noong 1964.

Binago ng grupong Mga Agos sa Disyerto ang panitikang Pilipino nang pinaksa nila sa kanilang mga akda ang buhay ng karaniwang tao, lalo na ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan, at kabataan. Sa usapin ng uring manggagawa, nariyan ang mga kwentong "Mga Aso sa Lagarian" at "Makina" ni Dominador Mirasol, "Dugo ni Juan Lazaro" at "Buhawi" ni Rogelio Ordoñez, at “Daang Bakal” ni Edgardo M. Reyes. Sa paksa ng magsasaka, nariyan ang kwentong "Tata Selo" ni Rogelio Sikat, "Lugmok na ang Nayon" ni Edgardo Reyes, at "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" ni Rogelio Ordoñez. Sa paksang maralita, nariyan ang "Impeng Negro" ni Rogelio Sikat, na siyang una kong nabasa nang ako'y nasa high school pa. Sa usaping kababaihan, nariyan ang "Ang Lungsod ay Isang Dagat" ni Efren Abueg, "Isang Ina sa Panahon ng Trahedya" ni Dominador Mirasol, at "Ang Gilingang-Bato" ni Edgardo Reyes. At sa usaping kabataan ay ang "Mabangis na Lungsod" ni Efren Abueg at "Di Maabot ng Kawalang Malay" ni Edgardo Reyes.

Ang limang manunulat sa unang edisyon ng "Mga Agos sa Disyerto" ay sina Efren R. Abueg, Edgardo M. Reyes, Eduardo Bautista Reyes, Rogelio L. Ordoñez, at Rogelio R. Sikat, na makikita sa pabalat ng aklat. Sa ikalawang edisyon naman ng aklat, nawala na si Eduardo Bautista Reyes at pinalitan siya ni Dominador B. Mirasol, na makikita sa pabalat ng aklat. Kaya ang bumubuo ng ikatlong edisyon ay may inisyal na AMORS batay sa kanilang apelyido (Abueg, Mirasol, Ordoñez, Reyes at Sikat). AMORS na tila plural ng puso (amor + s), (ang amor ay wikang Kastila sa puso).

Ayon sa WikiPilinas.org (http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Agos_sa_Disyerto): "Ang Unang Edisyon ng antolohiya noong 1964 ay kinapapalooban lamang ng tigtatatlong maiikling katha o 15 katha nina Efren R. Abueg, Edgardo M. Reyes, Eduardo Bautista Reyes, Rogelio L. Ordoñez, at Rogelio R. Sikat. Ang Ikalawang Edisyon (1974) ng antolohiya ay kinapapalooban ng 20 katha. Sa Ikalawang Edisyon ng antolohiya ay mawawala ang mga akda at may akdang si Eduardo Bautista Reyes; siya ay mapapalitan ni Dominador B. Mirasol. Ang Ikatlo (1993) at Ikaapat (2010) na Edisyon ay kinapalooban ng 25 katha. Kakailanganin ng mas malalim na pagsusuri upang maipaliwanag ang pagbabagong naganap sa bawat edisyon."

Paano ba nalathala ang "Mga Agos sa Disyerto"? Ito ang isinulat ni Edgardo M. Reyes sa kanyang aklat na "Sa Aking Panahon: 13 Piling Katha (at Isa Pa!), pahina 60-61, kung paano nalimbag ang "Mga Agos sa Disyerto":

"Sa punto ng hanapbuhay, hindi isang magandang tiyempo ang pagpapamilya. Ibinalik ng Liwayway ang dating reglamento na hindi makatutuloy sa editoryal ang contributors, hanggang guwardiya lang. Nagkaisa naman ang buong grupo na wala munang susulat sa Liwayway hanggang hindi muling binubuksan sa amin ang pintuan ng editoryal."

"Naayos ni Efren kay Atty. Teofilo Sauco, editor ng Bulaklak (tanging magasing kakompitensya noon ng Liwayway) na makapagsulat kami roon. Isang nobela na sunurang susulatin, bawat labas, ng limang awtor. Nagpulong kami nina Eddie Bautista Reyes, Efren at ang dalawang Roger para sa tema at balangkas ng nasabing nobela. Pinamagatan namin ng Limang Suwail. Na kalaunan ay sinabing tamang-tama raw na itawag sa aming lima dahil pulos kami suwail sa Liwayway."

"Ang mismong nobela ay hindi maipagmamalaki at siguro'y dapat pang ikahiya. Ngunit sa amin ay may magandang kahulugan iyon. Sinasagisag niyon ang aming pagkakaisa at paglaban sa isang institusyon."

"Tuwing araw ng singilan, dumarating kaming lima sa opisina ng Bulaklak sa R. Hidalgo, Quiapo. Ang pera ay nalalaspag lang sa kain at toma. Hanggang sa mapag-usapan namin na mabuti yatang iukol namin sa higit na mahalaga. Napagkasunduan noon din na hindi na kami maniningil. Iipunin namin ang pera. Pag natapos ang nobela, saka namin biglang kukubrahin ang kabuuan. Para sa isang proyekto."

"Ginamit namin ang perang iyon upang mailabas ang unang edisyon ng "Mga Agos sa Disyerto".

Karamihan sa mga akda ay pawang nagawaran ng mga pagkilala bilang mahuhusay na akda. Ito'y ang mga:
(1) Mga Aso sa Lagarian, ni Dominador B. Mirasol (Unang Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1964)
(2) Dugo ni Juan Lazaro, ni Rogelio Ordoñez (Unang Gantimpala, Gawad Kadipan 1962)
(3) Di Maabot ng Kawalang Malay, ni Edgardo M. Reyes (Pangatlong Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1960)
(4) Emmanuel, ni Edgardo M. Reyes (Pangatlong Gantimpala, Timpalak Liwayway 1962)
(5) Tata Selo, ni Rogelio Sikat (Ikalawang Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1963)
(6) Impeng Negro, ni Rogelio Sikat (Ikalawang Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1962; Unang Gantimpala, Timpalak Liwayway 1962)
(7) Mabangis na Lungsod, ni Efren Abueg (Pangatlong Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1961)
(8) Sa Bagong Paraiso, ni Efren Abueg (Pangatlong Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1963)
(9) Mapanglaw ang Mukha ng Buwan, ni Efren Abueg (Pangatlong Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1959)

Ganito rin ang isinulat ni Gng. Corazon Lalu-Santos ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University sa kanyang sanaysay na "Kambal na Disyerto: Ang Kolonyal na Kanon at Komersyalismo at ang Panimulang Pagpapaagos ng Mga Agos sa Disyerto: Hindi mga “karaniwang” kuwentong limbag sa magasing komersyal ang ipapagitna ng ipinalimbag nilang koleksyon ng kanilang mga kuwento kundi mga premyado—sinuri at kinilala ng mga hurado/kritiko ng mga patimpalak na kanilang nilahukan. Sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, nanalo ang “Mga Aso sa Lagarian”, Unang Gantimpala, “Impeng Negro” at “Tata Selo”, kapwa Pangalawang Gantimpala, “Mapanglaw ang Mukha ng Buwan”, “ Di-Maabot ng Kawalang-Malay”, “Mabangis na Lunsod”, “Sa Bagong Paraiso” at “Dugo sa Ulo ni Corbo”, lahat ay pawang nagwagi ng Pangatlong Gantimpala sa iba’t ibang taon ng patimpalak. Ginawaran din ng KADIPAN ng unang gantimpala ang “Dugo ni Juan Lazaro”. Itong mga premyadong akdang ito  ang pangunahing tanda ng kanilang pagtanggi sa imaheng ikinakabit sa panitikang Pilipino at sa pamantayang kailangang tupdin upang sila ay “mapabilang”.

Ang tiglilimang katha ng limang manunulat ay ang mga sumusunod, batay sa Ikaapat na Edisyon ng Mga Agos sa Disyerto:

Efren R. Abueg:
(1) Sa Bagong Paraiso
(2) Mapanglaw ang Mukha ng Buwan
(3) Mabangis na Lungsod
(4) Dugo sa Ulo ni Corbo
(5) Ang Lungsod ay Isang Dagat

Dominador B. Mirasol:
(1) "Eli, Eli, Lama Sabachthani"
(2) Mga Aso sa Lagarian
(3) Isang Ina sa Panahon ng Trahedya
(4) Ang Biktima
(5) Makina

Rogelio L. Ordoñez:
(1) Dugo ni Juan Lazaro
(2) Buhawi
(3) Sa Piling ng mga Bituin
(4) Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya
(5) Si Anto

Edgardo M. Reyes:
(1) Di Maabot ng Kawalang-malay
(2) Lugmok na ang Nayon
(3) Emmanuel
(4) Ang Gilingang-bato
(5) Daang-bakal

Rogelio R. Sikat:
(1) Tata Selo
(2) Impeng Negro
(3) Quentin
(4) Sa Lupa ng Sariling Bayan
(5) Ang Kura at ang Agwador

Ang una at ikalawang edisyon ng aklat ay may mga Intoduksyon ng mga may-akda, ang ikatlong edisyon ay may Introduksyon ni Bienvenido Lumbera, na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, at ang ikaapat na edisyon ay may Introduksyon naman nina Alexander Martin Remollino (SLN) at Noel Sales Barcelona. Sa ngayon, sa limang manunulat na nabanggit ay dalawa na lang ang nabubuhay - sina Abueg at Ordoñez.

Ang Mga Agos sa Disyerto ay isa nang moog sa panitikang pambansa. Hinawan nito ang landas tungo sa panitikang mulat at pagkukwento ng mga tunay na nangyayari sa buhay ng karaniwang tao. Tinalakay nila ang mga dusa't hirap, ang payak na buhay ng mga maralita, manggagawa, kabataan, mga karaniwang tao.

Ang Introduksyon sa Unang Edisyon ng Mga Agos sa Disyerto ay isang manipesto, isang paglingon sa nakalipas at pananaw sa hinaharap. Halina't baliktanawin at ating namnamin ang nilalaman ng kanilang manipesto:

"Kaming kabataang manunulat ay naninindigang may matatawag na tayong Panitikang Pilipino sa sariling wika. Iyan ay sa kabila ng masasakit na paratang na ang paniwalang ito ay bahagi lamang ng mga hibang na isip ng mga manunulat na Pilipino. Nililingon naming kabataan ang mga gawa ng mga yumaong manunulat sa wikang pambansa na kung hindi man nag-iwan ng mga akdang nakikipagtagalan sa panahon ay nagbukas naman ng landas patungo sa Lupang Pangako ng sariling panitikan."

"May nagparatang din na kung mayroon mang Panitikang Pilipino, ito naman ay 'malawak na disyerto,' na ang makikita lamang ay bungo, gapok na mga sanga ng kahoy, nangangalirang na mga damo sa tabi ng isang nauuhaw ring oasis. Ito ang kalagayan ng panitikan sa Pilipino na karaniwang pinaniniwalaan. Hindi kami naniniwala sa kadisyertuhang ito. Ang disyerto'y namamayani lamang sa bahagi ng pamayanang tumututol umunlad at nasisiyahan na lamang na ang mga paa'y nakatungtong na lagi sa alikabok at buhanginan. Ang manunulat na Pilipino, sa kabila ng mga tukso at balakid, ay nagsusumakit at umuunlad."

"Gayunman, kung may bahagi sa Panitikang Pilipino na 'disyerto,' ito'y sinisikap na 'paagusan' sa bagong anyo, ng bagong paksa, ng bagong pagpapakahulugan sa buhay, ng bagong paniniwala na inilululan sa mga kasalukuyang akda. Iyan ang layunin ng aklat na ito."

"Napapansin namin na ang mga akdang pinag-aaralan ngayon sa mga paaralan, maging sa hayskul at sa pamantasan, ay pawang sinulat bago sumapit ang 1955. Pagkaraan ng taong iyon, ang kathang sinulat ng bagong sibol na manunulat ay hindi na napalimbag. Mula noon hanggang ngayong 1964 ay hindi napupulsuhan ng bayan ang bagong sikdo ng panitikang Pilipino."

"Ito ang ibig naming gawin. Ibig naming ipabasa sa bayan ang mga bagong akdang sa abot ng aming kaalaman at kasanayan ay tinipon namin at sa kabila ng mga sagabal sa pagpapalimbag ay naipagsumakit naming maiharap sa bayan."

"Inaasahan naming ang Mga Agos sa Disyerto ay lalaganap sa "sinasabing" kadisyertuhan ng Panitikang Pilipino, pati na rin sa isipan ng mga kaaway nito."


Mga pinaghalawan:
Mga Agos sa Disyerto, Ikaapat na Edisyon, C & E Publishing, Inc., 2010
Sa Aking Panahon: 13 Piling Katha (at Isa Pa!), Edgardo M. Reyes, 1990
WikiPilipinas.org
Kambal na Disyerto: Ang Kolonyal na Kanon at Komersyalismo at ang Panimulang Pagpapaagos ng Mga Agos sa Disyerto, Kritika-Kultura, sanaysay ni Gng. Corazon Lalu-Santos ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University

Lunes, Disyembre 9, 2013

Paunang Salita sa aklat na SAGAD SA BUTO


Paunang Salita

PAG SAGAD NA SA BUTO, ANONG DAPAT GAWIN?

Laksa-laksa ang mga api sa lipunan, habang may iilang nagtatamasa sa yaman ng lipunan. Sagad na sa buto, ngunit hindi sagot ang paghihimutok lamang. Hindi sapat ang magalit lamang tayo ngunit wala tayong pagkilos na gingagawa at hindi pa tayo nanawagan ng pagkakaisa ng kapwa api. Sagad na sa buto kaya kinakailangan ang nararapat na pagkilos upang lutasin ang suliraning yumayanig sa buong pagkatao.

Sagad na sa buto ang kaalipinan ng mga itim kaya sila kumilos. Sagad na sa buto ang kawalanghiyaan ng mga kapitalista sa mga manggagawa. Sagad na sa buto ang mga ganid at sakim sa salapi at kapangyarihan. Sagad na sa buto ang pangungurakot ng mga pulitiko sa kaban ng bayan.

Sagad na sa buto. Inuuk-ok na ang ating kaibuturan ng kabulukan ng sistema ng lipunan. Hindi na tayo dapat magbulag-bulagan sa ating mga nararanasang dusa. Hindi tayo dapat maging bingi sa daing ng kapwa api. Hindi tayo dapat maging pipi kundi ihiyaw natin na sobra na, tama na, at dapat palitan na ang lipunang yumuyurak ng dangal ng ating kapwa. Oo, sagad na sa buto. Ibig sabihin, pag puno na ang salop, dapat nang kalusin. Pag sagad na sa buto, dapat nang lumaban! Suriin at pag-aralan ang lipunan, at kumilos para sa pagbabago! Karapatan ng sinumang api ang maghimagsik!

Ibig ding sabihin, dahil ang kabulukan ng sistema’y hene-henerasyon nang nagaganap, dapat nang magkaroon ng malawakang pagbabago, dapat nang mag-aklas ang mga api upang ibagsak ang uring mapang-api at tuluyang magbago ang kanilang kalagayan. Hindi na dapat manahin pa ng mga susunod na henerasyon ang mga kaapihang dinanas ng kanilang mga ninuno mula sa kamay ng mga mapang-aping uri. Panahon nang mag-aklas. Panahon na ng pagbabago, Panahon na ng rebolusyon. Maghimagsik laban sa mga mapagsamantala.

Ang mga tulang naririto'y paglalarawan kung bakit lumalaban ang mga api, at kung bakit dapat pangarapin ng mga api ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Nawa'y makatulong ang mga tulang naririto, kahit bahagya man, sa pagkamulat ng marami nating kababayang dapat nang humulagpos sa tanikala ng pagkaapi at kahirapan.

GREGORIO V.  BITUIN JR.
Sampaloc, Maynila
Disyembre 9, 2013

Miyerkules, Nobyembre 27, 2013

Ang mga mapagpalayang awiting "Bayan Ko" at "Lipunang Makatao"


ANG MGA MAPAGPALAYANG AWITING "BAYAN KO" AT "LIPUNANG MAKATAO"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang awiting "Bayan Ko" at "Lipunang Makatao" ang dalawa sa mga paborito't mapagpalayang awiting inaawit sa maraming pagtitipon. Ang "Bayan Ko" ay popular sa pagtitipon ng mga aktibista, lalo na yaong nasa kilusang makabayan. Ang "Lipunang Makatao" naman ay popular sa pagtitipon ng mga manggagawa't dukha, lalo na yaong nasa kilusang sosyalista.

Dalawang awiting mapagpalaya. Dalawang awiting dapat isapuso at kantahin ng sinumang mapagmahal sa kalayaan at ayaw sa lipunang mapagsamantala.

Ang awiting "Bayan Ko" ay isa sa mga tula ng makatang Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute, at naging Hari ng Balagtasan. Ang awiting ito'y nalathala sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, na pinamatnugutan ni Virgilio S. Almario, na nasa pahina 184-185.

Ayon sa talababa blg. 63 sa nasabing aklat, na nasa pahina 200: "Ang pagtaya na sinulat ang titik ng awit na ito sa taong 1929 ay batay sa isang sipi ng musikang nasa pag-iingat ng balo ni Corazon at limbag ng Perlas Music Store, Bustos, Maynila."

BAYAN KO
ni Jose Corazon de Jesus


Ang bayan kong Pilipinas,
Lupain ng ginto't bulaklak;
Pag-ibig ang sa kanyang palad,
Nag-alay ng ganda't dilag.

At sa kanyang yumi at ganda,
Dayuhan ay nahalina;
(Bayan ko ay binihag ka,
Nasadlak sa dusa!)

Ibon mang may layang lumipad,
Kulungin mo at umiiyak;
Bayan pa kayang sakdal dilag
Ang di magnasang makaalpas...

Pilipinas kong minumutya,
Pugad ng luha ko't dalita,
Aking adhika:
Makita kang sakdal laya!


Ang "Lipunang Makatao" naman ay mula sa panulat ng isang Resty Domingo na nagwagi sa unang gantimpala sa timpalak sa awit na pinamahalaan ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) noong 1988. Ito'y nilagyan ng himig nina Mar Laguna, Bobet Mendoza, Joey Asidera, at Elena Cruz. Ang instrumentalista ay sina Noel Cabangon para sa gitara (nylon, steel), synthesizer, (strings); Angelo Villegas para sa gitara (bass); at Rene Santos para sa drum set. Ang umawit naman nito ay si Razel Amisola para sa solo at ang grupong Teatro Pabrika para sa koro.

Ang liriko ng awiting ito ay sinipi mula sa cover ng cassette tape album na pinamagatang "Haranang Bayan", na inihandog ng Teatro Pabrika sa pakikipagtulungan ng Philippine Educational Theater Association (PETA), na inilunsad noong mga unang bahagi ng 1990s.

LIPUNANG MAKATAO
ng Teatro Pabrika


Solo:
Luha'y dumadaloy sa mugto mong mga mata
Larawan mo'y kalungkutan at kawalan ng pag-asa
Magagandang pangarap sa buhay mo'y di makita
Nabubuhay ka sa panahong mapagsamantala.

Koro:
Gumising ka, kaibigan, ang isip mo'y buksan
Dapat mong tuklasin ang tunay na kadahilanan
Bakit may naghihirap na gaya mo sa lipunan
At sa dako roo'y hanapin ang kasagutan.

Tama ka, kaibigan, sila nga ang dahilan
Ang mapagsamantalang uri sa lipunan
Likhang yaman natin, sila ang nangangamkam
Na dapat mapasaatin at sa buong sambayanan.

Koro:
Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya
Panahon nang wakasan ang pagsasamantala
Sa diwa ng layunin tayo'y magkaisa
Lipunang makatao'y itindig ng buong sigla
Buong Sigla.

(Instrumental)
(Acapela ng koro)
(Ulitin ang koro kasama ng instrumento)

Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya.


Ang awiting "Lipunang Makatao" dahil na rin sa mapagpalayang nilalaman nito ay mas dapat kantahin sa maraming pagtitipon o pagkilos, tulad ng rali, konsyerto, talakayan, pulong-bayan, atbp. Dapat itong maisapuso, tulad ng pagsasapuso ng awiting "Bayan Ko".

Ang "Bayan Ko" ay hinggil lamang sa pagmamahal sa bayan, at ang nakikitang suliranin batay sa liriko ng awitin ay dayuhan. At upang lumaya ay dapat mawala ang mga dayuhan. Kaibang-kaiba ang awiting "Lipunang Makatao" na ang nakikitang suliranin ay ang mapagsamantalang uri sa lipunan, at hindi lang simpleng dayuhan.

Ang "Bayan Ko" ay pambansa. Ang "Lipunang Makatao" ay pandaigdigan. Ang "Bayan Ko" ay laban sa dayuhan. Ang "Lipunang Makatao" ay laban sa uring mapagsamantala. Sa "Bayan Ko", lalaya lang tayo kung mapapalayas na ang mga dayuhan, kahit naririyan ang mga Pilipinong naghaharing uri't nagsasamantala. Sa "Lipunang Makatao", lalaya tayo kung mawawala, hindi lang ang mga dayuhan, kundi higit pa roon, ay mawala ang mga Pilipinong naghaharing uri at nagsasamantala, at tuluyan nang mawakasan ang pagsasamantala ng tao sa tao. Ang "Bayan Ko" ay kinagigiliwang awitin ng mga aktibista at ng mga panggitnang uri sa lipunan, lalo na sa mga pagtitipon, tulad ng anti-pork barrel, anti-PDAF at anti-DAP. Ang "Lipunang Makatao" ay tiyak na aawitin ng mga aktibista ngunit hindi pa ng mga panggitnang uri sa lipunan.

Gayunman, hindi natin dapat paglabanin o pagpilian kung alin ang magandang awitin o magaling sa dalawa, dahil pareho silang mapagmulat at dapat nating awitin. Hindi dapat "Bayan Ko" lamang dahil hindi naman natatapos ang suliranin ng bayan pag napalayas na ang dayuhan. Dapat na taos-puso rin nating awitin ang "Lipunang Makatao" dahil hindi lamang dayuhan ang problema, kundi mga kababayan din, at higit sa lahat, ang sistemang mapagsamantala. Ayon nga sa awitin, panahon nang wakasan ang pagsasamantala, at tayo'y magkaisa't magsama-sama upang kamtin ang dakilang adhikaing ito, hindi lang para sa kasalukuyan, kundi para sa kinabukasan, at para sa mga susunod pang henerasyon.

Magandang pagnilayan natin ang kaibahan ng bayan at lipunan sa nakasulat sa aklat na "Puhunan at Paggawa" ni Ka Popoy Lagman:

"Marami ang nag-aakalang ang “bansa” ang mismong “lipunan”. Ito ang turo ng gubyerno at iskwelahan. Kung ang “lipunan” ay siya mismong “bansa”, natural, hindi na pag-uusapan kung gusto nating maging myembro. Pero ang “bansa” at “lipunan” ay di iisa’t parehas na bagay. Ang “bansa” ay binubuo ng nagkakaisang lahi. Ang “lipunan” ay binubuo ng magkakaibang uri. Wala sa lahi ang pagkakaiba sa uri. Wala sa dugo ang tatak ng uri. Wala sa kalikasan ng bansa kundi nasa sistema ng lipunan. Walang kinalaman ang ating pagiging Pilipino sa pagiging manggagawa o kapitalista ng sinuman sa atin. Mayaman o mahirap, tayo’y Pilipino. Isinilang sa isang bansa. May diwa ng isang lahi. Pero sa loob ng pagawaan o plantasyon, balewala ang pagiging magkababayan. Pati pagkamakatao. Ang nangingibabaw ay ang pagkakaiba sa uri, ang relasyong makauri."

Mungkahi kong sa bawat mapagpalayang pagtitipon ay hindi lamang "Bayan Ko" ang inaawit kundi huwag ding kalimutang awitin ang "Lipunang Makatao" upang mas maipatagos pa natin sa mas marami pa na hindi lamang pagmamahal sa bayan ang mahalaga, kundi ang pagpawi sa uring mapagsamantala at pagtatayo ng isang lipunang makatao.

Halina't awitin natin ang dalawang mapagpalayang awiting ito sa maraming pagtitipon, at ipaabot din natin sa mas marami pa ang kahulugan at kahalagahan ng dalawang ito sa kamulatan ng bawat isa tungo sa pagkakaroon ng mas maunlad na pagbabago sa bansa at sa lipunan, nang kasama ang lahat sa pag-unlad at hindi lamang ang iilan.

Miyerkules, Oktubre 30, 2013

Pagninilay sa Kumperensyang "The Working Class Struggle for Social and National Emancipation in Asia and the Pacific"

PAGNINILAY SA KUMPERENSYANG "THE WORKING CLASS STRUGGLE FOR SOCIAL AND NATIONAL EMANCIPATION IN ASIA AND THE PACIFIC"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga nakadalo sa tatlong araw na Pandaigdigang Kumperensyang pinamagatang "From Anti-Colonialism to Anti-Neoliberalism: The Working Class Struggle for Social and National Emancipation in Asia and the Pacific" sa Bonifacio Hall ng SOLAIR (School of Labor and Industrial Relations) sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon mula Oktubre 23 hanggang 25, 2013.

Sa unang araw, naroon na ang mga delegado sa ganap na ikalawa ng hapon, ngunit pormal na nagsimula ang programa sa ganap na ikaapat ng hapon. 

Kinatampukan ang unang araw ng pagpapakilala sa mga dumalo, pagbibigay ng mensahe ng mga tagapagsalita, pagpapasinaya ng isang silid bilang dedikasyon kay Gat Andres Bonifacio, presentasyon ng aklat ni Dr. Rene Ofreneo, at salu-salo. 

Binuksan ang palatuntunan sa pamamagitan ng mga mensahe ni Dr. Caesar A. Salome, Chancellor ng UP Diliman; Dr. Jonathan P. Sale, Dean ng SOLAIR; at Mr. Berthold Leimbach na resident representative ng Friedrich Ebert Stiftung.

Nagbigay rin ng mensahe ang apo ni Bonifacio na si Atty. Gary Bonifacio, at ang awtor na si Dr. Vivencio Jose.

Binubuo naman ng pitong plenaryo ang ikalawa at ikatlong araw na kumperensya, na pawang nagsimula ng ikasiyam ng umaga: 

Tatlong plenaryo sa ikalawang araw:

Plenary 1: Labor's Continuing Struggles for Social Justice, Equity ad Democracy: Lessons and Insights

Plenary 2: The Working Class and Working Class Organizations in the 21st century

Plenary 3: The Role of Women and Women's Organizations in Emancipatory Struggles

Apat na plenaryo sa ikatlong araw:

Plenary 4: Social Protection and Wage Equality for All: Institutional Challenges and Labor's Response

Plenary 5: The Working Class and the Arts

Plenary 6: The Rise of Precarious Work and Labor's Strategies

Plenary 7: Labor's Role in Building an Inclusive and Sustainable Asia and the Pacific

Sa Unang Plenaryo, tatlong tagapagsalita ang nagbigay ng presentasyon. Dapat ay apat ito batay sa programa, ngunit hindi nakarating ang unang tagapagsalita na si Hari Nugroho hinggil sa kanyang paksang pinamagatang "Opportunities, Constraints and Pitfalls: Labour movements in Indonesia's local democracy".

Unang nagbigay ng presentasyon si Sanjiv Pandita, Executive Director ng Asia Monitor Resource Centre, na nakabase sa Hong Kong. "Social Protection in Asia" ang pamagat ng kanyang presentasyon. Nabanggit niya ang Social Protection - AROSS Declaration noong Oktubre 22, 2013 sa SOLARIS, Manila, kailangan ng redistributive justice para sa inhustisya sa mga nakaraan, at ang pangangailangan ng isang pandaigdigang sistemang maisasabatas at kasama ang lahat, lalo na ang mga kababaihan, mga taong iba ang kulay ng balat, mga migrante, at iba pa. At ayon pa sa tagapagsalita, ang social protection ay hinggil sa hustisya.

Ikalawang nagbigay ng presentasyon ay si Dr. Ramon Guillermo, associate professor ng Department of Filipino and Philippine Literature ng UP. Ang pamagat ng kanyang presentasyon ay "Excluding Andres Bonifacio: Neoliberal Policies and the Access of the Philippine Working Class to Education at UP". Tinalakay niya ang buhay ni Bonifacio, na ito'y palabasa at palaaral. Noong ika-19 na siglo, ang edukasyon ay para lang sa mga maysalapi, habang nitong ika-20 siglo, ang edukasyon ay nakapailalim na sa neoliberalismo, naging negosyo na ang edukasyon, imbes na karapatan ng lahat. Sa dulo ay sinabi niyang sana balang araw ay may magtapos na isang Andres Bonifacio sa Unibersidad ng Pilipinas.

Ang ikatlong nagbigay ng presentasyon ay si Gerry Rivera ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA) na pinamagatang "PALEA's Fight against Contractualization". Tinalakay niya ang mga nangyari sa empleyado ng PAL, lalo na sa isyu ng kontraktwalisasyon, pagkakatanggal ng mga manggagawa, pagtatayo nila ng piketlayn, at ang ginagawa nilang patuloy na paglaban para sa katarungan sa mga manggagawa ng PAL.

Apat naman ang tagapagsalita sa Ikalawang Plenaryo. Ito'y sina Dr. Jonathan P. Sale hinggil sa "Identifying and Defining the Working Class in the Philippines: An Analytic Framework"; Benjamin Velasco hinggil sa "ICCAW: Building a Voice for Call Center Workers"; Dr. Ronahlee A. Asuncion hinggil sa "Work-Life Balance: The Case of UP Diliman Security Guards", at si Ms. Rosalinda C. Mercado hinggil sa "The PULLMAN Workers' Cooperative Experience".

Sa talakay ni Dr. Sale, matalinghaga niyang sinabing ang manggagawa ay tulad ng pusang itm na madilim na silid. Tinalakay niya kung sino ba ang uring manggagawa, at may binanggit siyang mga indicator o pamantayan. Binanggit niya ang mga saliksik mula kay Zweig (2001), Mertzgar (2005), Virola (2007) at Candeias (2007), at Serrano, Antunes (2013). Binanggit naman ni Velasco ang kasaysayan ng pagkakatayo ng Inter-Call Center Association of Workers o ICCAW, pati na ang dinaanang pakikibaka ng 667 call center agents na basta na lang tinanggalan ng trabaho sa isang call center company, hanggang sa sila'y maorganisa. Tinalakay naman ni Dr. Asuncion ang kaso ng mga gwardya sa UP, na ang 21% ay lady security guards. Ang pasok ng mga ito'y dalawang shift, mula 7am-7pm at mula 7pm-7am. Marami namang debate sa ikaapat na talakayan, na hinggil sa pagtatayo ng kooperatiba sa mga pabrika o pagawaan. Sa open forum, dito'y sinabi ng isang dumalo roon na ang pagtatayo ng kooperatiba ay isang labor-only contracting, dahil pinuputol na ang employer-employee relations, tinatabingan na ang karapatan ng mga manggagawa, tinuturuan ang mga manggagawang maging kapitalista, at pinapatay ang unyonismo. Ayon pa sa ibang dumalo, kung kaya pa lang itayo ang kooperatiba, dapat kaya ring itayo ang unyon, ngunit sinabi ng manggagawang taga-PULLMAN, hindi naman sila ang may ayaw ng unyon kundi ang management ang may ayaw ng unyon. Dito'y nagpalakpakan ang mga manggagawa sa kanya mismong pag-amin.

Sinabi pa ni Ms. Mercado na ang Pullman Workers Cooperative ay nasa labas ng kumpanya. Idinagdag pa ng ibang dumalo, ang unyon ang pangunahin o batayang organisasyon ng mga manggagawa sa pabrika at hindi ang kooperatiba, at ang kooperatiba ay hindi dapat maging pang-areglo sa union-management dispute. Ganito rin ang nais ng management ng PAL sa mga manggagawa ng PALEA, ngunit hindi pumayag ang mga taga-PALEA.

Ang Ikatlong Plenaryo ay hinggil sa kababaihan. Tinalakay ni Dr. Rosalinda Pineda-Ofreneo ang paksang "Locating Women's Emancipatory Struggles in Diverse Arenas under Neoliberal Globalization". Tinalakay naman ni Dr. Judy M. Taguiwalo ang paksang "Revolutionary Movements and Filipino Women's Emancipation, the Katipunan and the CPP". Tinalakay naman ni Dr. Rebecca S. Gaddi ang "Gender-Responsive Rural Women's Development Plan".

Nabanggit ang ilang punto: pagprotekta sa dignidad ng tao, ang Emancipation of Women ni Lenin, ang isyu ng bayan at unyon ay isyu ng kababaihan, 80% remittance ng mga seaman ay napupunta sa kanilang asawa, at ayon sa NEDA, ang sweldo ng fulltime housewife ay pumapatak sa P45,000 a month.

Sa open forum ay sinabi kong dapat na magrali ang mga manggagawa hindi lamang sa Nobyembre 30 na 150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio kundi sa Nobyembre 25 din, na siya namang International Day for the Elimination of Violence Against Women. Sinang-ayunan ito ng karamihan.

Matapos ang open forum ay nagtanghal naman sina Ebru Abraham at ang KontraGapi. Mga isang oras din ang kanilang pagtatanghal at nakipagsayawan pa sa kanila ang ilang delegado.

Sa sumunod na araw, Oktubre 25, sinimulan ang Ikaapat na Plenaryo ni Dr. Marius Oliver sa pagtalakay sa "Streamlining Social Protection for Asian Migrant Workers: The need for a coordinated policy". Ang sumunod na nagtalakay ay si Dr. Emily Christi A. Cabegin sa paksang pinamagatang "Widening Gender Wage Gap in Economic Slack: the Philippine Case". Si Rainier Almazan naman ang nagtalakay ng "Designing a microinsurance program for trade union members in Cambodia."

Dalawa lang ang tagapagsalita sa Ikalimang Plenaryo. Ito'y sina Jose S. Buenconsejo sa kanyang "Unvoicing the Poor: A Critique of the Film 'Pakiusap,' a Representation of Social Relationship in Feudalistic Philippines" at si Ms. Michelle Miguel Galvez sa kanyang "Looking at Women's Empowerment through Visual Arts". Ipinalabas ni Buenconsejo ang video ng ilang bahagi ng pelikula, at ipinalabas naman ni Ms. Galvez ang panayam ni Tina Monzon-Palma sa mga kababaihang nasa visual arts.

Sa Ikaanim na Plenaryo, ang apat na tagapagsalita ay sina Dr. Jonathan P. Sale, "Types and Concepts of Work and the Labor Code; Towards a Policy Framework"; Dr. Melissa R. Serrano, "Non-standard Employment in Selected ASEAN Countries: Trends and Union Strategies", Rene Magtubo, "Arresting the Spread of Precarious Work: Strategies or Courses of Actions for Trade Unions in the Philippines", at Aryana Satrya, "Working conditions and employees' job satisfaction and work engagement".

Sa Ikapitong Plenaryo, ang dalawang tagapagsalita ay sina Edlira Xhafa na nagtalakay sa paksang "Trade Unions and Economic Inequality: Perspectives, Policies and Strategies" at Dr. Rene Ofreneo na tinalakay ang "Forging the Social Contract for the 21st Century."

Isang malaking bagay para sa akin na nakadalo sa kumperensyang ito pagkat maraming nadagdag na kaalaman at impormasyon sa akin, lalo na sa iba't ibang isyu ng mga manggagawa. Sa mga susunod na magkaroon pa uli ng ganitong kumperensya ay dadalo pa rin ako.

Tunay na nakapukaw sa akin ang pamagat ng kumperensya - "From Anti-Colonialism to Anti-Neoliberalism: The Working Class Struggle for Social and National Emancipation in Asia and the Pacific" - na tila sayang ang pagkakataon kung hindi ako makadalo rito.

Ngunit may pagninilay ako hinggil sa pamagat ng buong kumperensya. Dahil sa salitang "struggle for social and national emancipation" ay hinanap ko ang mga lider at mga labanan, mga pag-aarmas para sa kalayaan. May ilan pa ngang nadismaya sa pamagat dahil nga ang inaasahan nila ay history o kasaysayan ng pakikibaka at madudugong labanan nina Andres Bonifacio, ngunit kung pagninilayan, sadyang iba ang laban ng uring manggagawa. Isyu at hindi pag-aarmas. Sa una ay aakalain mong digmaang bayan ito, ngunit sa proseso ng mga pagtalakay ay sadyang iba ang laban ng uring manggagawa. Ang armas ng manggagawa ay ang kanilang teorya ng pagbabago, hindi baril, ang pagtatayo ng isang lipunang walang pang-aapi at pagsasamantala, at hindi madugong sagupaan.

Kaya ang panawagang "Workers of the World, Unite! We have nothing to lose but our collective chain!" sa dulo ng presentasyon ni Dr. Ofreneo, at siyang tumapos sa pitong plenaryo, ay napapanahon pa hanggang ngayon, at panawagang siya ring bumuod sa naturang kumperensya.