Martes, Mayo 4, 2010

Una Kong Pamamaalam

Noong Mayo 3, 2010, Lunes ng gabi, sinubukan kong sulatin ang tulang "Una Kong Pamamaalam" na nagmula sa inspirasyong inilatag ng "Huling Paalam" ni Gat Jose Rizal. Sa aking mga nababasa, maraming katanungan noon ang madla kung tunay nga bang kayang isulat ni Dr. Rizal ang kanyang "Ultimo Adios" ilang oras lamang bago siya bitayin sa Bagumbayan. Para sa iba, baka ilang araw na itong naisulat ni Rizal at hindi isang gabi lamang.

Sa pakiwari ko, kayang isulat ni Dr. Rizal ang kanyang tulang iyon sa mga huling oras ng kanyang buhay, basta't ito'y mula sa puso at alam na alam niya ang nais niyang sabihin.

Nang isulat ko ang tulang "Una Kong Pamamaalam" ay nilikha ko ito ng isang gabi lamang. Hindi ko alam na magagawa ko iyon nang ilang oras lamang. Ang nalikha ko ay isang tulang may labing-apat na saknong, at limang taludtod bawat saknong, tulad ng istruktura ng "Mi Ultimo Adios" ng ating pambansang bayani. Gayunman, nagkaiba kami sa bilang ng pantig bawat taludtod. Ang nalikha ko'y may dalawampung pantig bawat taludtod, at ito'y walang sesura, o hati sa gitna.

Kayang likhain ang gayong kahabang tula, tulad ng "Huling Paalam" ni Dr. Rizal, basta't nasa puso mo ang iyong isinusulat at inspirado kang isulat iyon. Halina't namnamin ang tula kong "Una Kong Pamamaalam" bilang patunay ng aking mga tinuran.


UNA KONG PAMAMAALAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod

1
Malugod kong inihahandog sa sambayanan ang buhay ko’t bisig
Upang baguhin ang lipunan at sa sinuman ay di palulupig
Kalakip ang prinsipyong sa pagkakapantay ng lahat nasasalig
Kasama ng maraming aktibistang sariling dugo’y idinilig
Ito ako, mga kaibigan, kasama, pamilya, iniibig

2
Ako’y nalulugmok habang nakikitang ang bayan ay nagdurusa
Habang nagpapasasa sa yaman ang iilang trapo’t elitista
Magpapatuloy akong lingkod nyo sa larangan ng pakikibaka
Habang tangan-tangan ko sa puso’t diwa ang prinsipyong sosyalista
Ako’y handang mamatay sa paglaban sa uring mapagsamantala

3
Mamamatay akong nababanaag ko ang tagumpay ng obrero
Laban sa kasakiman nitong masibang sistemang kapitalismo
Mamamatay akong nakikibaka laban sa kayraming berdugo
Na nagpapayaman sa dugo’t pawis ng manggagawa’t dukhang tao
Aktibista akong lalaban hanggang dulo, lalabang taas-noo

4
Noong ako’y musmos pa’t bagong nagkakaisip, aking pinangarap
Na upang umunlad sa buhay na ito, ako’y sadyang magsisikap
Magsisipag ako sa trabaho’t babatahin ang lahat ng hirap
Ngunit habang lumalaki’y napagtanto kong kayraming mapagpanggap
Habang sanlaksa ang dukhang kahit konting ginhawa’y di maapuhap

5
Sa eskwelahan, pinag-aralan ko ang historya’t matematika
Pinag-aralan pati na agham, wika, panitikan, at iba pa
Natutunan kong nabibili ang edukasyon ng mga maykaya
Kaybaba ng sahod ng manggagawa, walang lupa ang magsasaka
Ang babae’y api, demolisyon sa dukha, habol ang manininda

6
Sa mura kong isipan noon, kayraming umuukilkil na tanong
Bakit kayrami ng dukha, at may iilang nagpapasasang buhong
Kaya sa paglaon, sa mga naghihirap, pinili kong tumulong
Laban sa kasakiman ng iilan na bayan na ang nilalamon
Sa kabulukan nila, ang sigaw ng pagbabago’y nagsilbing hamon

7
Sa sarili kong paraan, tumulong akong sa puso’y may ligaya
Hanggang sa kalaunan, ang lipunang ito’y pinag-aralan ko na
Sumama ako sa mga rali at naging ganap na aktibista
Pinasok ang paaralan, mga komunidad at mga pabrika
Sa puso’t diwa’y sigaw: babaguhin natin ang bulok na sistema

8
Nag-organisa’t nagsulat akong sa puso’y may namumuong galit
Sa sistema ng lipunang sa ating kapwa tao’y sadyang kaylupit
Napakaraming isyung laging ang tanong ko sa isipan ay bakit
Bakit tinanggal kayo sa pabrika, bakit ang lupa nyo’y inilit
Bakit nauso ang kontraktwalisasyon, bakit mundo’y pawang pasakit

9
Tiniis kong lahat kahit mawalay pa sa kinagisnang pamilya
Tiniis pati pagod, bugbog at pukpok sa gaya kong aktibista
Tiniis ang gutom, kawalang pera, basta’t makaugnay sa masa
Dahil ako’y aktibistang nakibaka upang kamtin ang hustisya
Para sa manggagawa’t dukha tungo sa pagbabago ng sistema

10
Halina’t pagsikapan nating itayo ang lipunang makatao
Gibain na natin ang mga dahilan ng kaapihan sa mundo
Pangunahing wawasakin ang relasyon sa pag-aaring pribado
At iaangat sa pedestal ang hukbong mapagpalayang obrero
Habang dinudurog ang mga labi ng sistemang kapitalismo

11
Pagpupugay sa lumilikha ng yaman, kayong uring manggagawa
Magkaisang tuluyan kayong ang taguri’y hukbong mapagpalaya
Magkabuklod kayong lagutin ang nakapulupot na tanikala
Magkapitbisig kayong durugin ang elitista’t burgesyang diwa
Pagkat nasa mga kamay nyo ang pag-asa ng masang kinawawa

12
Sa tunggaliang ito’y may mga magagapi’t may magtatagumpay
Ngunit kung sakali mang sa labanang ito’y tanghalin akong bangkay
Ako’y nakahanda na sa pagtigil sa mahaba kong paglalakbay
Pagkat natapos na rin sa wakas ang buhay kong sakbibi ng lumbay
Sa oras na iyon, panahon nang katawan kong pagal ay humimlay

13
Di na mahalaga kung mga tulad ko’y tuluyang malimutan na
Basta’t mabuhay pa rin ang pangarap nating sosyalismo sa masa
Kung sakaling mabuhay ako dahil sa tula ng pakikibaka
Ipinagpapasalamat ko itong labis sa mga nagbabasa
Na ako pala’y nakatulong magmulat kahit sa mundo’y wala na

14
Paalam, mga kasama, kapatid, kapamilya, at kaibigan
Mananatili akong sosyalista sa aking puso at isipan
Mamamatay akong aktibista, kahit na ako’y abang lilisan
Taas-kamao akong aalis nang walang bahid ng kahihiyan
Paalam, paalam, magpatuloy man ang mga rali sa lansangan

Maynila, Mayo 3, 2010

Lunes, Mayo 3, 2010

Pambungad sa aklat na BIGKIS, Ikatlong Aklat

PAMBUNGAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ANG PROPAGANDISTA BILANG MAKATA,
ANG MAKATA BILANG PROPAGANDISTA.

Bata pa lang ako’y hilig ko na ang pagsusulat ng tula. Lalo noong hayskul na may nagpapagawa pa ng tula sa akin para sa kanilang nililigawan. Noong nasa ibang bansa ako para sa anim-na-buwang-scholarship sa electronics, lumiliham ako sa aking magulang, kapatid at mga kaklase ng patula.

Ang aking pulitika ay idinadaan ko sa tula. Kaya madalas, tinatawag akong tumula sa mga rali. Naging aktibista ako mula 1993 hanggang sa kasalukuyan.Apat na taon ako noon sa isang publikasyong pangkampus: dalawang taon bilang staffwriter at dalawang taon bilang features and literary editor (1993-1997). Nagpultaym na ako sa kalagitnaan ng 1997 at di natapos ang kolehiyo sa kursong BS Math. Mula Kalipunan ng Malayang Kabataan (Kamalayan) ay na-deploy ako sa grupong Sanlakas noong 1996. Inasikaso ko rito ang dalawang isyu ng magasing Maypagasa ng Sanlakas noong 1998 at 1999. Nakapagsulat din ako ng mga polyeto bilang staff ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) mula nang ma-deploy ako rito noong 2001 hanggang 2008.  Sa akin itinalaga ang pag-aasikaso sa Taliba ng Maralita, opisyal na publkasyon ng KPML. Naging manunulat din sa magasing Tambuli (1996-1999) at dyaryong Obrero (2003-2010) ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Nakapaglathala na rin ako ng aking mga libro, tulad ng Macario Sakay, Bayani, na sa tulong ng history group na Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan (Kamalaysayan) ay  inilunsad sa UP Manila noong Setyembre 13, 2007, kasabay ng ika-100 taon ng pagkabitay kina Sakay at Lucio de Vega; ang aklat na Ka Popoy, Working Class Hero, na sa tulong ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ay inilunsad sa UP Bahay ng Alumni noong Pebrero 6, 2009, na ikawalong anibersaryo ng pagpaslang kay Ka Popoy; ang pamphlet na Ningas-Bao; at ang salin ng mga sulatin ni Che Guevara.

Masasabi kong naging bahagi ng kilusang propaganda ng mga maralita at manggagawa. Kaya madalas akong nakikita ng aking mga kasama sa kahabaan ng Daang Molave na may magkakapit opis na 40 printing press dahil halos sa mga printing press ako na nakababad. Minsan, nagpapa-riso, minsan naman, nagpapa-imprenta, minsan, nagpapa-CTP (computer-to-plate) nang mauso na ang CTP (dati ay manu-mano ang paglalapat sa plato ng mga artikulo). Minsan ako pa ang bibili ng mga papel sa Emerald, o kaya sa may Nara. Mas malaki kasi ang tipid pag ako na ang mag-aasikaso ng printing, dahil ang 35% ay nababawas na. Halimbawa, pag pinasok mo ang dyaryo mo sa isang printing press sa halagang P10,000 per isang libong kopya (minimum na ipinagagawa), P6,500 lang ang gastos mo pag ikaw ang nag-asikaso. Kaya ang P3,500 ay mapupunta sa iyo, kumbaga, tingi-tingi. Ikaw ang bibili ng papel at maghahatid sa printing press, babayaran mo lang ay running, ikaw ang magpapa-cut at magtitiklop. Ganoon.

Binabasa ko rin kahit naka-computer-to-plate na dahil baka may makita pa akong typo error. Naaalala ko nga ‘yung pangungusap na “agad namang niyakap ni Ka Roger ang isang dinemolis na nanay”, na kung hindi mo napansin agad, nakasulat pala ay “agad naming niyakap ni Ka Roger”, kung saan kasama ang nagsulat (ako iyon), kaya pinabura ko sa plate ang “ming” sa “naming” kaya naging “agad na niyakap”.

Malasimuot ang gawaing propaganda kaya dapat maalam ka, hindi lang batay sa karanasan, kundi pati sa teknolohiya.

Ang ibig sabihin ng propaganda ay pagpapalaganap. Mula ito sa Sacra Congregatio de Propaganda Fide (o Sacred Congregation for the Propagation of the Faith). Ito'y isang kagawaran  ng Roman Curia ng Simbahang Katoliko na itinatag ni Papa Gregory XV noong 1622 upang tiyakin ang pandaigdigang gawaing misyonero at nakapailalim ang mga misyon sa ilalim ng direktang kontrol ng papa.

Hindi maaaring pulos polemic o rethoric lang kundi dapat suportado iyon ng mga datos. Kaya mahalaga ang pananaliksik sa gawain ng propagandista. Dapat palabasa ka, nakikinig ng balita sa radyo,  nanonood  ng ulat sa telebisyon, nagsasaliksik ng mga datos sa mga mapagkakatiwalaang sanggunian, tulad ng Ibon Foundation, pahayagang Inquirer, at ibang nagbibigay ng mahahalagang impormasyon, na nakaka-apekto sa bayan.

Dapat mapagmasid at malakas ang loob ng propagandista upang durugin ang mga paliwanag na madalas ay kiling sa naghaharing uri. Dapat mapatagos ng propagandista ang tindig at prinsipyo ng uring manggagawa sa kamalayan ng masa.

Bilang propagandista, pinapalaganap namin ang prinsipyo at pangarap ng uring manggagawa tungo sa pagbalikwas sa bulok na sistema ng lipunan, lalo na ang kapitalismo at ang pinakamataas na yugto nito - ang imperyalismo - sa layuning itayo ang isang pandaigdigang lipunang may pagkakapantay-pantay at hindi sumasamba sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon. Dahil ang ugat ng laksa-laksang kahirapan sa daigdig ay pribadong pag-aari. Kaya dapat lang itong gawing pag-aari ng buong lipunan upang ang lahat, lalo ang mga dukha at manggagawa, kababaihan, at iba pang aping sektor ng lipunan, ay makinabang.

Bilang makata, nalathala rin ang aking mga akda at tula sa pahayagang Obrero ng BMP, Maypagasa ng Sanlakas, Taliba ng Maralita ng KPML, at magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM). Tumutulong na ako sa pagpa-imprenta ay kasama pa ako sa pangkat ng mga manunulat. 

Tinitingnan ko rin kung nasa tamang linya ba ang mga sulatin. Kung wala sa linya, kinakausap namin ng iba pang editor ang nagsulat upang baguhin o iwasto ang kanyang sulatin. Hindi naman kasi kami nagsusulat ng pansarili namin, kundi bilang bahagi ng kilusang mapagpalaya ay nagpo-propaganda kami upang ipabatid sa madla ang aming paninindigan sa mga isyung nakakaapekto sa sambayanan. 

Salamat sa pagbabasa ng mga tula’t akdang naririto.

Bilang propagandista, isusulat ko at itutula ang niyakap na prinsipyo, lalo na ang aming pangarap na lipunang patas at walang pagsasamantala ng tao sa tao. Hindi para sa sarili ang aming gawain kundi para sa kapwa, sa madla, sa bayan, sa bansa, sa uring manggagawa, sa daigdig. 

- sinulat, Mayo 3, 2010 (World Press Freedom Day)

Huwebes, Abril 22, 2010

Aktibista, Makamasa, Internasyunalista

AKTIBISTA, MAKAMASA, INTERNASYUNALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bakit nga ba may aktibista, ang tanong ng karamihan. Sila raw ay nanggugulo lamang. Totoo iyon. Ginugulo nila ang gobyernong mali ang patakaran upang magwasto ito. Ginugulo nila ang mga kapitalistang manhid na walang pakialam kung mas masarap pa ang kinakain ng kanilang mga alagang aso kaysa pagkain ng karaniwan nilang manggagawa.

May aktibista dahil may kawalang katarungan. Tutunganga na lang ba tayo kahit inaapi na ang ating mga kababayan at kapatid? O tayo'y kikilos upang sila'y sagipin? Patuloy ang teroristang demolisyon ng tahanan ng mga maralita, patuloy ang mababang pasahod sa mga gumagawa ng yaman ng kapitalista, patuloy ang pagtataboy sa mga vendors na naghahanapbuhay ng marangal, patuloy na naiinitan ng sikat ng araw ang mga napakasisipag na magsasaka ngunit nagkukulang sa pagkain ng kanyang pamilya, patuloy ang pagtaas taun-taon ng matrikula sa paaralan gayong karapatan at hindi negosyo ang edukasyon, patuloy ang pagtaas ng presyo ng gamot at pagpapagamot gayong karapatan ng bawat isa ang kalusugan, dumarami ang mga batang manggagawa habang walang trabaho ang matatanda, atbp.

May aktibista dahil may pangangailangang tugunan ang iba't ibang kinakaharap na problema ng mga manggagawa, maralita, kababaihan, kabataan, magsasaka, maliliit na manininda, magniniyog, magtutubo, mangingisda, lumad, at iba pang aping sektor sa lipunan.

May aktibista dahil may nagsuri na mali ang sistemang kasalukuyan nating ginagalawan, na mali na may naghaharing iilan habang naghihirap ang higit na nakararami, na mali na umiiral ang kalagayang may mahirap at may mayaman.

May aktibista dahil may naniniwalang dapat ipaglaban ang lahat ng ating karapatan, at ang karapatan ay hindi dapat gawing negosyo ng pamahalaan at ng mga kapitalista, tulad ng ating karapatan sa pabahay, pagkain, trabaho, kalusugan, at marami pang karapatang dapat kilalanin at igalang.

May aktibista dahil nagdurugo ang ating puso kapag nakikita at nalalaman nating may naaapi at napapagsamantalahan. Hindi natin kayang manahimik, magbulag-bulagan, at magbingi-bingihan sa bawat hikbi ng ating kapwa mahihirap.

May aktibista dahil may nagresponde sa panawagang kumilos laban sa gobyernong puno ng kurakot, laban sa pamahalaan ng katiwalian, laban sa sistemang mapagsamantala, laban sa mga taong sariling interes lamang ang nais manaig imbes na interes ng higit na nakararami, laban sa mga kapitalistang walang pakialam kahit mamatay sa gutom ang pamilya ng manggagawa ngunit binabangungot pag nalulugi ang kumpanya.

May aktibista dahil patuloy na nabubuhay sa kadiliman ang ating bayan, ang ating lipunang ginagalawan. Tungkulin ng bawat aktibistang akayin sa liwanag ang bawat nasa dilim.

May aktibista dahil may taong prinsipyado, may makatarungang prinsipyong tinatanganan at ayaw pabayaan sa dilim ang kanyang kapwa. Prinsipyo niya'y makatao at internasyunalismo.

May aktibista dahil naniniwala siyang makakamit lamang ang kapayapaan sa daigdig kung makakamit ang hustisyang panlipunan para sa lahat.

May aktibista dahil hindi siya pasibo, kundi taong may pakialam sa kanyang kapwa tao.

May aktibista dahil naniniwala siya sa pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, at ito'y ninanais niyang umiral sa bawat isa.

May aktibista dahil mapagmahal siya sa kalikasan, at ayaw niyang mawasak ang mundong ito ng mga armas-nukleyar at mapamuksang elemento sa daigdig.

May aktibista dahil naniniwalang hindi dapat negosyo ng iilan ang mga serbisyo't karapatan ng bawat mamamayan.

May aktibista hangga't patuloy na umiiral ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika, hilaw na materyales, at lupa. Naniniwala siya at nakikibaka upang tiyaking maging pag-aari ng lipunan ang mga kasangkapan sa produksyon para sa kapakanan ng lahat, at di ng kakarampot na elitista lamang.

May aktibista dahil may patuloy na mangangarap, kahit yaong di pa isinisilang ngayon, ng isang lipunang makatao, isang lipunang hindi pinaghaharian ng kapital, isang lipunang may pagkakapantay-pantay, isang lipunang walang uri.

May aktibista dahil siya'y internasyunalista. Hindi siya makabayan, pagkat lahat ng uring api at pinagsasamantalahan, anuman ang lahi nito, ay kanyang ipinagtatanggol. Anumang tribu, anumang lalawigan, anumang bansa, anumang lahi ay dapat ipagtanggol laban sa lahat ng anyo ng pagsasamantala at pang-aapi ng tao sa tao. Anong silbi ng pagiging makabayan kung ang karatig bayan na hindi mo kalahi ay naaapi?

Ang aktibista'y internasyunalista. Walang bakod ang kanyang pagtulong sa maliliit at pagsusulong ng sistemang tunay na makatao para sa lahat.

Kung walang aktibista, lagi tayong nasa dilim, at patuloy tayong inaakay ng mga naghaharing uri sa kumunoy ng kahirapan. Patuloy pa ang kadiliman. Nananatiling sakbibi ng lumbay at dusa ang mga gumagawa ng yaman habang nagpapasasa sa yaman ng lipunan ang mga naghaharing iilan.

May aktibista dahil naririto tayo. Aktibo, hindi pasibo. May pakialam sa mga nangyayari sa ating kapaligiran, sa ating pamayanan, sa ating bayan, sa lipunang ating ginagalawan.

Yaong mga tumutuligsa sa mga aktibista ay yaong mga naghaharing uri at mga elitistang makasarili, walang pakialam sa kapwa tao, at ayaw itama ang kanilang mga kabuktutan sa kanilang kapwa. Yaong mga ayaw sa mga aktibista ay yaong mga gustong magkamal ng mas malalaking tubo at magpasasa sa pinaghirapan ng iba. Yaong mga tumutuligsa sa mga aktibista ang mga kapitalistang kung mandurog ng karapatang mag-unyon ng mga manggagawa ay parang pumipisa lamang ng mga ipis.

Ah, dapat pang hilumin ang mga sugat na nilkha sa kaibuturan ng puso't diwa ng mga mahihirap, mga sugat na likha ng mga elitistang yumuyurak sa karangalan at pagkatao ng mahihirap, mga sugat na likha ng mapag-imbot na kapitalistang sistema, mga sugat na kung maghilom man ay mag-iiwan pa rin ng pilat ng nakaraan.

Mga kapwa aktibista, hindi tayo dapat tumigil hangga't hindi nagwawagi. Marami pang suliraning dapat tugunan. Ang mga karapatan ay dapat tamasahin ng lahat at di negosyo ng iilan. Patuloy pa ang kurakutan sa kabangyaman ng bayan. Patuloy pa rin ang pagkamkam ng tubo ng mga kapitalista sa lakas-paggawa ng mga manggagawa. Kailangan pa ang mga aktibista ngayon para sa pagbabago.

Nawa'y makapagbigay tayo ng liwanag sa mga pusong inaagiw na sa pag-iimbot, mga matang mapangmata sa maliliit, sa mga taingang laging nagtetengang-kawali sa mga daing ng maralita, sa mga nangangakong laging pinapako ang kanilang sumpa pag naupo na sa poder, sa mga walang awa.

Ako'y aktibista at ipinagmamalaki ko iyon.

Halina’t itanim natin ang binhi ng aktibismo sa bawat isa. Para sa isang lipunan at daigdig na tunay na makatao.

Miyerkules, Pebrero 17, 2010

Pambungad sa aklat na BIGKIS, Ikalawang Aklat

PAMBUNGAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ANG BIGKIS 2 AT IBA PANG BALAKIN

Ito ang ikalawang aklat ng BIGKIS. Subalit hindi muna tula ang inyong mababasa rito kundi pawang mga sanaysay. Gaya ng nabanggit ko sa unang aklat, ang talipanpan o pseudonym na ginamit ko rito’y Dimas Ugat, na sa kasaysayan ay pagpapatuloy ng napasimulan nina Gat Jose Rizal (Dimas Alang o Dimasalang, bukod sa Laong Laan), Gat Emilio Jacinto (bukod sa Pingkian ay Dimas Ilaw, mula sa Di Masilaw), Dr. Pio Valenzuela (Dimas Ayaran o Di Masayaran), at makatang Ildefonso Santos (Dimas Indak o Di Masindak). Hanga ako sa napiling talipanpan ni Santos. Ang husay mag-isip. Ako naman si Dimas Ugat o Di Masugat.

Ang mga sanaysay na naririto’y pinili ko sa tambak na mga nasulat ko na, subalit inaamag na lang sa sulok ng bahay, o kung sakaling anayin na lang sa taguan, ay tuluyan nang mabubura at mawawala na sa kasaysayan. Kaya naisipan kong muling ilathala ang mga iyon sa librong ito upang mailigtas sila sa pagkalimot.

May mga balak pa akong proyekto lalo na ang pagtataguyod ng ating kalinangan o kultura. Nais kong magsulat at isaaklat ang martial arts na Pinoy, tulad ng arnis o kali, Kuntaw ng Mindanao, Silat Tausug, Bultong ng Cordillera, Sikaran (martial arts mula sa Baras, Rizal), at YawYan (Sayaw ng Kamatayan na itinatag ni Guro Nap Fernandez). Idagdag na rin natin ang Layug ng Cebu, Gabbo ng Ilokos, Lampungan ng Bicol, at Kapulubod ng Maranaw. 

Balak ko ring kumatha ng sandaang tanaga na tatabihan ko ng  bersyong isinulat ko sa Baybayin. Tapos isa pang aklat ng dalit na may katumbas din sa Baybayin. Ang ikatlong aklat naman ay ang pagsasalin sa Baybayin ng lahat ng tula ni Gat Andres Bonifacio, pati salin ko ng tula niya sa Kastila na Mi Abanico. Pangarap ko ring isalin sa Baybayin ang Florante at Laura, Ibong Adarna, at Sa Dakong Silangan, pati tula nina Jose Corazon de Jesus o Huseng Batute, Florentino Collantes (na ang anak ay naging adviser namin sa campus press), Alejandro Abadilla, Eman Lacaba, at Rio Alma. Paumanhin. Pangarap pa lang naman, at hindi ko batid kung sa buhay na ito’y matatapos ko ang mga iyon, bagamat nasimulan na.

Kung may susuporta lamang sa pinansyal ay balak ko ring maglabas ng pahayagang ang lahat ay nakasulat sa Baybayin: balita, pitak o kolum, pangulong tudling o editoryal, mga saliksik, sanaysay, kwento, dagli, at tula. At ang ipapangalan ko sa dyaryo ay Baybayin. At sakaling hindi naman kaya ang arawan tulad ng pangkaraniwang dyaryo, at hindi kaya ang lingguhan, kahit sana buwanan ay may pahayagang Baybayin na mailathala. Simulan muna sa walo o labing-anim na pahina (divisible by eight dapat). Payak na pangarap ng maglulupa tulad ko, na sana’y matupad.

Kaya hindi lang pulos pagtataas ng kamao sa rali, pagsusulat ng polyeto, at pagtangan ng plakard ang ginagawa ko, o nitong makatang wala sa akademya. Hindi ako nakapagtapos sa kolehiyo sa kursong BS Math, dahil agad akong nagpultaym sa kilusang masa. Ngunit nais ko ring magsulat hinggil sa talambuhay ng mga sipnayanon (mathematician), tulad nina Archimedes at Euclid, at isaaklat ito. Pati mga konsepto ng geometry at calculus, integral at differential sa paraang patula. Sunod ang talambuhay at ginawa ng mga aghamanon (scientist) tulad nina Einstein at Nikola Tesla.

Marami rin akong nakathang tula kamakailan, dahil na rin sa kaytinding pagragasa ng bagyong Ondoy na talagang nakaapekto sa ating mga kababayan. Isa na ang tulang aking alay kay Muelmar Magallanes na namatay sa pagsagip sa dalawampung katao sa Brgy. Bagong Silangan sa QC. Doon ko nabatid ang itsura ng punong Dita na kinasabitan ng mga nakaligtas. Naglaho sa baha ang isang sityo sa Lupang Arenda sa Taytay, pati sa Santolan, Pasig, na pinupuntahan ko upang mag-organisa. Kayrami ko ring aklat at babasahing binaha at hindi na nasaklolohan o nailigtas. 

Sa susunod na isyu ng BIGKIS, magkahalong tula, sanaysay at maikling kwento ang inyong matutunghayan. Baka nga kung makasulat ako ng mga pabula at dagli ay isama ko na rin. Subalit hindi pa rin mawawala ang talagang layunin ng BIGKIS bilang aklat ng aktibong aktibista at inaalay sa masa.. Ang isyu ng mga maliliit, nagdarahop, inaapi, at pinagsasamantalahan sa lipunan ang lagi’t laging  mayorya ng paksa.

Maraming salamat sa inyong suporta, lalo sa pagtangkilik ng aking mga katha. Mabuhay kayo!

- sinulat sa Sampaloc, Maynila, Pebrero 17, 2010

Huwebes, Pebrero 11, 2010

Ika-4 na Taon ng Klasikong Tulang "Sa Iyo, Ms. M."

IKAAPAT NA TAON NG KLASIKONG
TULANG "SA IYO, MS. M."

ni Gregorio V. Bituin Jr.

Apat na taon na ang nakararaan nang ibinigay ng aktibistang makata ang kanyang unang tulang handog kay Miss M. Araw iyon ng mga Puso. Malugod na tinanggap iyon ng babae habang ito'y paalis kasama ang ilan nitong mga kasama. Naiwan ang makatang may saya sa kalooban. Ilang panahon pa ang lumipas, ang tulang iyon ay nalathala sa isang pahayagan at sa kalaunan ay sa isang aklat ng pag-ibig na inilathala ng makata at taos-pusong inalay niya kay Ms. M.

Isa nang klasiko ang tulang iyon na pinamagatan niyang "Sa Iyo, Ms. M", ayon sa ilan nilang mga kasama, pagkat isang magandang halimbawa raw iyon kung paano nga ba nanliligaw sa isang kapwa aktibista ang isang aktibistang tulad ng makata. Klasikong tula ng isang makatang rebolusyonaryo. Klasikong tulang pinagbatayan ng marami pang tula.

Bago siya naging makata'y aktibista muna siya. Pawang mga tinutula niya noon ay hinggil sa rebolusyon at pakikibaka ng mga manggagawa't maralita. Ngunit kinatatamaran siyang basahin ng kapwa makata dahil wala raw damdamin o anumang emosyon sa tula ng makata maliban sa galit sa sistema. Kung nais daw ng makatang umunlad, payo ng mga kapwa makata sa isang palihan sa pagtula ng anim na buwan, kailangan niyang lagyan ng emosyon at haraya (imahinasyon) ang bawat tula upang maramdaman at manamnam ito ng bawat mambabasa. Sinunod ng makata ang payong ito.

Kaya ng minahal ng makata si Ms. M., bawat liham at pagtula ng makata'y nilalakipan niya ng emosyon at haraya upang hindi maging patay ang tula, kundi buhay na buhay at maaaring maramdaman ng nililiyag. Ganito sinimulan ng makata ang iniluluhog niyang pag-ibig. Ngunit di nawala sa kanyang unang tulang handog kay Ms. M. ang kumbinasyon ng emosyon ng pagtula at ang pagkaaktibista ng makata. Nais niyang magkasama pa rin ang panitikan at ang pakikibaka sa nilikha niyang tula para sa nililiyag.

Ngunit naging masalimuot ang pag-ibig ng makata pagkat sa proseso ng kanyang pagkilos sa iba't ibang komunidad bilang manunulat, mamamahayag, makata, propagandista at organisador, ay may sumulpot na dalawang magandang dalaga na nagpawala sa kanyang pagtutok kay Ms. M, sina Ms. T at Ms. P. Pansamantala niyang nalimutan si Ms. M. nang masilayan niya si Ms. T., ngunit nakilala ng makata si Ms. P na nagpabaling uli sa kanyang pagtingin. Binigyang daan ng makata ang dalawang iyon na nung una'y di magkakilala ngunit nang dahil sa makata'y di sinasadyang nagkakilala sila't naging malapit na magkaibigan. Kaya isa lamang sa dalawang dalaga ang napasagot ng makata, si Ms. T.

Ngunit ang makata'y di lamang makata. Sa kabila ng mabulaklak niyang pangungusap, malalalim at matatalim na paglalaro ng salita at pagkatha ng tula, ang makata'y isang aktibista. Isang rebolusyonaryong naghahangad ng pagbabago ng nagnanaknak na sistema ng lipunan. Katunayan, bago pa niya bigyang pansin noon si Ms. M. na isa ring aktibista't rebolusyonaryo, ay pinintuho rin ng makata si Ms. J., isang maganda ring aktibista noon, ngunit hindi napasagot ng makata dahil naunahan siya ng iba.

Hanggang sa dumating ang panahong kailangan ng makatang mamili, si Ms. T ba o ang kilusang mapagpalaya? Ayaw ni Ms. T na magpatuloy ang makata sa pakikibaka, bagkus ay hiniling sa makatang umalis sa kilusan at maghanap ng ibang trabaho, dahil hindi kaya ng dalaga ang buhay-rebolusyonaryo ng makata, na kadalasan ay wala sa bahay, hindi maasikaso ang pamilya at naroon lagi sa pakikibaka ng mga manggagawa't maralita sa kalunsuran. Inilinaw ito ng makata sa kanyang tulang "Aktibistang Iniwan ng Sinta".

Buhay-pag-ibig. Buhay-pakikibaka. Masakit ngunit kailangang magdesisyon ng tumpak ang makata. Hanggang siya'y nagpasya. Ang kilusang mapagpalaya ang kanyang pinili dahil para sa makata, mas marangal na mabuhay kasama ang kilusang mapagpalaya, kaysa isang maliit na pamilyang mabubuhay lamang sa isang tahanan habang walang pakialam sa mga nangyayari sa kanilang paligid, lalo na sa lipunang ginagalawan.

Naging aral sa makata ang pangyayaring iyon. Hanggang sa sumapit ang bagyong Ondoy. Dinelubyo nito ang halos buong Kamaynilaan. Lumubog ang maraming bahay. At sa tinutuluyang opisina ng makata, ang kanyang mga damit, kagamitan at mga libro ay pawang binaha. Nangabasa at tila hindi na maibabalik pa ang mga ito.sa dating kaayusan, kaya dapat lang itapon. Habang dinadalumat ng makata ang masakit na nangyari sa kanyang buhay-pag-ibig ay muling lumitaw ang basang-basang kopya ng librong inalay niya kay Ms. M. tatlong taon na ang nakararaan, at ito ang aklat na may pamagat na "Pag-ibig at Pakikibaka" (unang edisyon).

Dito'y nabasa muli ng makata ang kanyang tulang "Sa Iyo, Ms. M." na sinasabi ng mga kasamang klasikong tula para sa mga rebolusyonaryo. Natigagal ang makata. Nag-isip-isip. Hanggang siya'y pansamantalang nangibang-bansa dalawang araw matapos ang delubyo sa Kamaynilaan. Tumungo siya sa Thailand upang dumalo sa walong araw na kumperensya hinggil sa usaping kalikasan. Sa airport pa lamang ay nag-text agad siya kay Ms. M. upang pansumandaling magpaalam dahil hindi makatulong ang makata sa mga ginagawang relief operation ng kanilang kilusan para sa mga nasalanta. At nag-text si Ms. M. sa kanya ng "ok na yan. new xperience naman 4 u. gud luck." na ikinasiya naman ng makata.

Si Ms. M. ay kasama ng makata sa kilusang mapagpalaya. Para sa makata'y tama ang kanyang pasya. Kaya ngayon ay nagbabalik ang makata sa puso ni Ms. M. Muling naniningalang pugad upang suyuing muli ang dating minahal. Nagbabalik siya kay Ms. M. upang di na muling umalis.

Always somewhere
Miss you where I've been
I'll be back to love you again
Always somewhere
Miss you where I've been
I'll be back to love you again

Habang umaalingawngaw sa pandinig ng makata ang makabagbag-damdaming awitin ng Scorpion ay patuloy na lumilikha ang makata ng mga rebolusyonaryong tula, bukod pa sa mga tula ng pag-ibig para sa kanyang sinisinta. Namanata pa siya sa ilang mga kasama na hindi niya pababayaan ang babaeng ito habang siya'y nabubuhay, na sinuman ang nagnanais umaglahi at magsamantala sa babaeng ito'y dapat munang dumaan sa bangkay ng makata. Ganito kamahal ng makata si Ms. M. Mahigpit na tinutupad ng makata ang panatang ito sa kanyang buhay.

Ngunit si Ms. M. ay bahagi lamang ng kabuuan ng makata. Pagkat tatlo ang kanyang pakay dito sa mundo. Pakay na kanyang pinag-isipan, pinagpasyahan at pinag-aalayan ng buhay. Na isinulat din niya sa tulang pinamagatang "Tatlong Mahahalagang Pakay Ko sa Mundo" at ito'y ang paggawa ng limanlibong tula, ang pagrerebolusyon hanggang magtagumpay ang sosyalismo, at si Ms. M.

HIndi dapat mawala si Ms. M. dahil siya ang inspirasyon ng makata. Sa katunayan, gumawa ng maraming libro ang makata, kumatha ng maraming tula, maiikling kwento't sanaysay, nagsalin ng maraming akda ng kilusan, para lamang magpa-impress kay Ms. M. na kung wala ang dalagang ito'y tiyak na di ito magagawa ng makata. Ngayon nga'y ginagampanan ng makata ang pagiging kanang kamay sa ilang mga gawain sa komunidad na naroroon si Ms. M, at hindi niya ito pinababayaan, dahil nga sa panata niya sa mga kasama, sa kilusan, kay Ms. M. at sa kanya mismong sarili. Habang sa kabilang banda'y patuloy ang makata sa pagkatha habang nag-oorganisa ng mga bagong dyornalista mula sa pamahayagang pangkampus upang maging propagandista ng kilusang mapagpalaya.

Kaytagal naghanap ng makata, at ngayong nagbalik siyang muli kay Ms. M. ay hindi na siya magpapabaya. Hindi na niya pababayaang mawala pa sa buhay niya ang kanyang inspirasyon. Isa lamang sa nasa anim na bilyong tao sa buong mundo si Ms. M. ngunit ang isang iyon ay napakahalaga na sa buhay ng makata. Kung mawawala ang isang iyon ay mas gugustuhin pa ng makatang di na nabuhay sa mundo. Pagkat ang kanyang buhay, ang kanyang Ms. M., ay hindi niya nakakasama.

Ngunit dama ng makata sa kaibuturan ng kanyang puso na mapagtatagumpayan niya si Ms. M. Dahil kung hindi'y bakit patuloy siyang nabubuhay at kumikilos? Bakit patuloy niyang nagiging inspirasyon si Ms. M. sa araw-gabi niyang mga gawain at sa kanyang buhay? Nawa'y tama ang makata. Nawa'y magkasama pa rin sila sa pakikibaka hanggang magtagumpay ang rebolusyon ng uring manggagawa hanggang sa huli, tulad ng sinabi ng makata sa kanyang unang alay na tula kay Ms. M.



Narito ang kopya ng tulang "Sa Iyo, Ms. M." at ng tulang "Tatlong Mahahalagang Pakay Ko sa Mundo"

SA IYO, MISS M.
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang tulang ito’y ibinigay ng personal kay Ms. M. noong Pebrero 14, 2006

Ms. M., hindi ka makatkat sa aking puso’t diwa, kahit habang pinipiga ang lakas-paggawa ng mga obrero sa iba’t ibang pabrika

Ang maamo mong mukha’y nanunuot sa kaibuturan ng aking kalamnan, kahit patuloy na nagbibingi-bingihan ang gobyerno sa mga hinaing ng manggagawa’t maralita

Nabuhay muli ang puso kong matagal nang namatay nang masilayan kita, bagamat matindi ang pananalasa ng globalisasyon

Ninanasa kong makasama kita habang ako’y nabubuhay, habang isinusulat ko ang ilang artikulong pangkultura’t balita sa pahayagang Obrero

Pinangarap kong matikman kahit sumandali ang iyong pag-ibig, kahit noong inookupa ng mga manggagawa ang DOLE

Inukit na kita, Ms. M., sa aking puso, kahit marami na ang nabibiktima ng salot na assumption of jurisdiction

Ms. M., can we talk about our future, as we taught the mass of workers about their revolutionary role in society?

Maging akin man ang iyong pag-ibig o ito’y mawala, alam kong patuloy pa rin tayong makikibaka hanggang sa paglaya ng uring manggagawa

Ms. M., can you say that you love me and show me that you care, even in the middle of our struggle against the capitalist class?

Sana, Ms. M., ngayong ika-14 ng Pebrero o sa iba pang araw na daratal, ay magantihan mo ang iniluluhog nitong aba kong puso, sa gitna man ng piketlayn o sa rali laban sa bulok na sistema

Ms. M., please save your heart for me as we continue fighting for the emancipation of the working class

Hihintayin ko, Ms. M., ang katugunan sa hibik niring puso na sana’y di magdusa, kahit nagpapatuloy pa rin ang mga rali sa lansangan



TATLONG MAHAHALAGANG PAKAY KO SA MUNDO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

may tatlong mahahalagang pakay
kung bakit pa ako nabubuhay
sa mundong itong tigib ng lumbay
at kamtin ito bago humimlay

una'y dapat akong makalikha
ng target na limanlibong tula
kung saan ito'y malalathala
sa apatnapung aklat kong akda

sunod ay ang pagrerebolusyon
sa buhay na ito'y aking layon
sa hirap sosyalismo ang tugon
at dapat kong matupad ang misyon

ikatlo'y ang pag-ibig ko't sinta
na sa buhay ko'y nagpapasaya
inspirasyon ko siya noon pa
tula't rebo'y alay ko sa kanya

tatlong pakay na pinapangarap
na makamit ko't dapat maganap
bago matapos ang aking hirap
ito'y tuluyan ko nang malasap

tula, sosyalismo, Miss M, sila
ang tatlong pakay kong mahalaga
sa diwa't puso'y sadyang ligaya
panitikan, rebolusyon, sinta

Lunes, Enero 25, 2010

Paunang Salita sa Librong "Aralin sa Kahirapan"

Paunang Salita sa Librong "Aralin sa Kahirapan"

HALINA'T PAG-ARALAN ANG LIPUNAN
Sinulat ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mga kapatid, kasama, kaibigan, kababayan, halina't pag-aralan natin ang lipunang ating ginagalawan.

Bakit nga ba laksa-laksa ang mga naghihirap sa ating bayan, habang may kakarampot na nagpapasasa sa yaman ng bansa? Talaga nga bang may ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig? Bakit sa kabila ng kaunlarang inabot ng tao ay nakabungad pa rin sa atin ang mukha ng karalitaan?

Bakit ang gumagawa ng yaman ng lipunan - ang mga manggagawa - ang siyang naghihirap?

Bakit ang mga karpinterong gumagawa ng bahay ang siyang nakatira sa barung-barong, imbes na sa mansyon?

Bakit ang mga magsasakang gumagawa ng bigas ang kadalasang walang maisaing na bigas dahil walang pambili?

Bakit ang mga gurong humuhubog sa kinabukasan ng ating mga kabataan sa pamamagitan ng may kalidad na edukasyon ang siyang may mababang sahod at mababa ang kalidad ng pamumuhay?

Bakit sa kabila ng mga pangako ng mga pulitiko na kalidad ng buhay sa bawat halalan ay naglipana pa rin ang mga pulubi at mga batang lansangan, na walang matirahan kundi kariton o kaya'y karton sa mga bangketa?

Karapatan natin ang mag-aral ngunit kung karapatan ito, bakit ito may presyo at iyun lamang may kakayahang magbayad nito ang nakakakuha ng magandang edukasyon?

Karapatan natin ang kalusugan ngunit kung karapatan ito, bakit ito may presyo at iyun lamang may kakayahang magbayad sa ospital ang nagagamot?

Karapatan natin ang magkaroon ng sariling bahay ngunit kung karapatan ito, bakit ito may presyo at iyun lamang may kakayahang magbayad nito ang nagkakaroon ng magagandang mansyon?

Napakaraming katanungang naghahanap ng malinaw na kasagutan. Maraming bagay sa mundong ito na dapat hanapan ng paliwanag at maunawaan nating mabuti, lalo na't malaki ang kaugnayan nito sa ating buhay, at sa buhay ng ating mga mahal. Hindi natin dapat ipagwalang-bahala na lamang ang mga bagay na ganito. Kaya nararapat lamang nating masusing pag-aralan ang lipunang ating kinasasadlakan.

Hindi sapat ang galit! Hindi sapat na tayo'y magalit lamang habang wala tayong malamang gawin dahil di natin nauunawaan ang takbo ng lipunan. Hindi sapat na tumunganga lamang tayo sa kabila ng nakikita na natin ang mga problema.

Kailangan nating kumilos. Hindi lahat ng panahon ay panahon ng pagsasawalang-kibo, ngunit lahat ng panahon ay panahon ng pagpapasiya.

Kaya nagpasya kami sa Aklatang Obrero Publishing Collective na muling ilathala ang Aralin sa Kahirapan (ARAK) na inakda ni Ka Popoy Lagman, bayani ng uring manggagawa. Ang ARAK ay isang aklat ng kasaysayan ng lipunan, isang aklat ng pagsusuri sa kalagayan ng tao, na kinatatampukan din ng mga paliwanag kung bakit dapat tayong makibaka para baguhin ang kalunus-lunos na kalagayan ng marami.

Ang muling paglalathala ng aklat na ARAK ay isang pagpapatuloy upang maunawaan ng kasalukuyan at ng mga susunod pang henerasyon ang esensya kung bakit dapat mabago ang lipunan, lalo na ang sistemang naging dahilan ng lalong paglaki ng agwat ng laksa-laksang mahihirap at kakarampot na mayayaman.

Nilangkapan ito ng mga bagong datos na kinakailangan upang ilapat ito sa kasalukuyang panahon, ngunit walang binago sa mismong sulatin, maliban sa pag-edit at pagtama sa bantas at ispeling, na marahil ay dulot ng pagmamadali sa pagtipa sa kompyuter.

Naniniwala ang inyong lingkod na hindi dapat matago na lamang sa baul ng kasaysayan ang araling ito, bagkus dapat itong pag-aralan ng mga bagong henerasyon ngayon, lalo na iyong mga naghahangad ng pagbabago sa lipunan, at nagnanais na matanggal ang ugat ng kahirapan ng mamamayan ng daigdig, ang tuluyang pagwasak sa pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika at mga lupain, upang maging pag-aari ng buong lipunan. Nang sa gayon ay makinabang lahat, at hindi lamang iilan.

Halikayo, mga kapatid, kaibigan, kasama. Ating namnaming mabuti sa ating isipan ang nilalaman ng aklat, at mula doon ay mag-usap tayo at magtalakayan. Kung sakaling matapos mo itong basahin, ipabasa mo rin ito sa iba.

O, pano? Tara nang magbasa.

Sabado, Disyembre 19, 2009

Pambungad sa aklat na BIGKIS, Unang Aklat

PAMBUNGAD 
‎Gregorio V. Bituin Jr.
‎
‎Pebrero 6, 2009, sa ikawalong anibersaryo ng pagkapaslang sa bayani ng uring manggagawa, ay inilathala ng inyong lingkod ang aklat na KA POPOY, Working Class Hero. Nanawagan kasi ako sa mga kasama upang magpasa ng akda hinggil kay Ka Popoy bilang lider namin sa kilusang paggawa. Marami ang nagpasa ng akda, at idinagdag ko na rin ang mga balita at editoryal mula sa iba't ibang pahayagan noong siya'y mapaslang, tulad ng front page sa Inquirer na ang headline ay “Ka Popoy Shot Dead Inside UP”, at ang makabagbag-damdaming letter-to-the-editor ni Dennis Mendiola na pinamagatang “Popoy: The Pragmatic Leninist”.

Nasaliksik ko rin ang talumpati sa Kongreso nina Sanlakas Rep. JV Bautista at Valenzuela City Rep. Magtanggol Gunigundo hinggil sa nangyaring pagpaslang kay Ka Popoy.

‎‎Inilunsad ang aklat sa isang palatuntunang idinaos sa tabi ng marker ni Ka Popoy sa UP Bahay ng Alumni kung saan siya pinaslang, at marami ang dumalo, hindi pa dahil sa aklat, kundi dahil anibersaryo ng kamatayan ni Ka Popoy. Dalawa kong tula at isang sanaysay ang isinama ko sa nasabing aklat.

‎Una kong nakita si Ka Popoy noong maagang bahagi ng 1994, sa RG Bldg. sa Cubao, kung saan nag-oopisina ang ilang NGO (non-government organizations) at PO (people’s organizations).

Noong panahong iyon, halal akong Basic Masses Integration (BMI) officer ng grupong Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) na nabuo noong Nobyembre 30, 1993. 

Mula sa pagiging LFS-NCRR (League of Filipino Students - National Capital Region - Rizal) ay binuo ang Kamalayan.

‎Ang naglathala ng aklat ay ang Aklatang Obrero Publishing Collective na aking itinatag noong 2007 nang mabatid ko sa kaibigan at kapwa manunulat na si Prof. Ed Aurelio Reyes kung paano magmanu-mano ng pagbu-bookbind. Dahil nalaman ko na kung paano mag-bookbind, nagsimula na ako sa paglalathala ng libro. ‎Lalo't kabisado ko ang PageMaker dahil isa ako sa kagawad ng publikasyong Taliba ng Maralita ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng  Maralitang Lungsod (KPML) at ng pahayagang Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino o BMP. Nakapagsulat din ako sa magasing Tambuli ng BMP. Mula sa pagiging istap ng grupong Sanlakas noong 1996 ay na-deploy ako sa KPML noong 2001. Nagsulat din sa magasing Maypagasa ng Sanlakas. Nagsilbi rin akong staffwriter (1993-95) at features and literary editor (1995-97) sa publikasyong pangkampus. 

Nagpultaym ako sa kilusang mapagpalaya noong kalagitnaan ng 1997 at iniwan ang apat na sulok ng pamantasan.

‎Isang gabing pusikit ang karimlan at walang matanaw na bituin sa langit, napag-isipan kong kung kaya ko palang maglathala ng libro tungkol kay Ka Popoy, bakit hindi ko subukang ilathala naman bilang aklat ang mga nakatha kong tula, kwento at sanaysay. 

Kaya sabi ko sa sarili, titipunin ko ang mga akdang sinulat ko subalit nakatago na lang sa isang sulok (walang baul) upang anayin. 

Ilalathala ko ang mga iyon sa isang aklat. Napagpasyahan ko ring gumamit na ng talipanpan o pseudonym tulad ng ibang makata, manunulat at rebolusyonaryo. At napili ko ang Dimas Ugat. 

“‎Bakit Dimas Ugat?” Tanong mo. Nais ko kasing ipagpatuloy ang makasaysayang tradisyon ng ating mga dakilang bayani, na ang talipanpan o pseudonym ay nagsisimula sa  Dimas. Kaya kung si Gat Jose Rizal, bukod sa Laong Laan, ay gumamit ng Dimas Alang o Dimasalang, kung si Gat Emilio Jacinto, bukod sa Pingkian, siya rin si Dimas Ilaw (mula sa Di Masilaw), kung si Dr. Pio Valenzuela ay Dimas Ayaran (o Di Masayaran) (ang Ayaran umano sa lumang Tagalog ay nangangahulugang hindi mapantayan), kung ang makatang Ildefonso Santos ay Dimas Indak (mula sa Di Masindak) na astig talagang talipanpan, ako naman, si Gregorio V. Bituin Jr., ay Dimas Ugat (o Di Masugat).

‎Nasa kaliwa ng nagngangalang Dimas si Hesus na katabi niyang nakapako sa krus sa Kalbaryo. Nasa kanan naman ni Hestas si Hesus. Humingi ng tawad si Dimas sa kanyang mga kasalanan at sinabi ni Hesus kay Dimas na isasama niya ito sa paraiso. Ito marahil ang dahilan kaya ginamit nina Rizal, Jacinto, Valenzuela at Santos ang pangalang Dimas, at dinugtungan nila ito ng apelyido, na kung ididikit sa Dimas, ay naglalarawan ng katatagan sa harap ng mga pagsubok o anumang tunggalian. Dimasalang ay hindi masasaláng. Dimasilaw ay hindi nasisilaw sa salapi o sa anupamang ikinapapariwara ng pagkatao. Dimasayaran ay dahil hindi mo masasayaran ng ginto ang kanyang pagkatao at prinsipyong tangan, bukod sa hindi siya mapapantayan. Dimasindak ay hindi mo masisindak.

Naalala ko ang aking kabataan noong ako’y nasa elementarya. May magandang madreng lagi kaming sinasabihang mag-ingat at baka masugat ang aming kamay, tuhod, o anumang bahagi ng katawan, dahil sa kalikutan. “Mag-ingat upang di kayo masugat.” Iyan ang bilin o bukangbibig ng madreng may bilugang mukha, kayganda pang ngumiti at malumanay magsalita. .

Naalala ko siya dahil sa paghahanap ng talipanpan na babagay sa akin bilang manunulat at makata. Lalo’t nabasa ko sa isang aklat na ang talipanpan ng makatang Ildefonso Santos ay Dimas Indak (Di Masindak). Wow! Astig! At naalala ko pang Dimas Alang si Rizal, Dimas Ilaw si Jacinto, at Dimas Ayaran si Pio Valenzuela. Tapos naisip ko ang bilin ni Sister, “Mag-ingat upang di masugat.” Iyon na, Dimasugat o Dimas Ugat. Sabi nga ng isang nakakakilala sa akin, lumaki raw ako sa piling ng mga madre (elementarya), lumaki ako sa piling ng mga pari (hayskul), at lumaki ako sa piling ng mga aktibista noong ako’y nasa kolehiyo na. Tama siya.

Pinagnilayan ko rin ang iba pang pangalang maaaring gamitin tulad nitong Dimasupil, subalit kilalang apelyido ito. Dimasalanta, ngunit katunog ni Dian Masalanta, na umano’y totoong pangalan ni Maria Makiling. Naisip ko rin ang Dimas Aling o Di Masaling, Dimas Alat o Di Masalat, Dimas Ipat o Di Masipat (kapangalan ni Atty. Ipat Luna na environmentalist), Dimas Ulat o Di Masulat (hindi ko ba masulat ang aking ulat?). Dimas Ukol o Di Masukol. 

Ay, oo, naisip ko ring gamitin ang Dimas Ukol o Di Masukol. Lalo na nang sumagi sa aking isipan ang sagot na “Molon Labe” (Come and get it o Halika, Kunin Mo) ni Haring Leonidas ng Sparta nang sinabihan siya ni Haring Xerxes ng Persia na isuko o isalong ang kanilang mga armas sa tunggalian sa Thermopylae. Ngunit hindi pasusukol si Lolo Leonidas sa patibong ni Xerxes.

Subalit ang Dimas Ugat ay kakaiba. Pinagsama si Dimas at Ugat. Nagsimula akong maging tibak sa araling “Ano ang UGAT ng kahirapan?” na dapat solusyunan sa pamamagitan ng pagbabago ng bulok na sistema. Dapat putulin ang UGAT ng sistemang bulok!

Ang Di Masugat ay tulad din ni Achilles na hindi tinatablan ng sandata sa anumang bahagi ng katawan maliban sa kanyang sakong. Gayunman, nasugatan na rin ako nang magkagalos nang minsang nasukol o nahúli sa pagkilos. Dapat kasing makasaklolo sa mga kasamahang nahúli. Kung hindi sila mailigtas ay samahan sila kapag nadakip, sapagkat walang puwang ang pagkamakasarili sa prinsipyadong sosyalista. Sama-sama kami sa pagkilos, at sama-sama pa rin sakaling madakip, makulong, matortyur o mapatay. Ayokong masabihang nang-iiwan ng mga kasama sa gitna ng laban.  Mapalad na kung kami’y makaligtas, subalit walang iwanan. 

Nahuli na ako sa Mandaluyong (1995 at 1999) dahil sa OP-OD, sa Maynila (1997) noong panahon ng Bukluran ng  Kabataan para sa Pagbabago (BKP), sa isyu din ng VFA o Visiting Forces Agreement (taon 2000) nang mabugbog ako sa loob ng Senado at mapiit sa Pasay City Jail. Mabuti na lang at nailabas ako sa piitan nina kasamang Juday at Sanlakas Congressman Renato Magtubo. Ay, kayrami pang danas tulad niyon ang aming naranasan.

Balik tayo kay Dimas. Kung si Dimas ay isang magnanakaw at isasama siya ni Hesus sa paraiso, mabait kaya si Dimas? Gaano kaginto ang kanyang puso? Gaano kaganda ang kanyang kalooban? O tulad ba siya ni Robinhood na ninanakawan ang mayayaman upang ibigay sa mga mahihirap? O tulad siya ni Teodoro Asedillo? Tumimo sa isipan ko ang sinabi ni Asedillo na ang buhay ay isinapelikula ni FPJ. Ani Asedillo sa mamamayan ng San Antonio sa Laguna: “Ako raw ay magnanakaw. Oo, ako'y magnanakaw! Pero hindi ko ninanakaw ang mga butil ng kanin na isusubo na lamang sa bibig ng mga mahihirap. Ang pinagnanakawan ko ay ang mga taong mawalan man ng kaning isusubo sa kanilang bibig ay mayroon pang isang dangkal na lupang pagtataniman ng palay upang may maisaing.”

Sa ating kasaysayan, bukod kay Asedillo ay marami pang  manghihimagsik at nangangarap ng lipunang patas at malayang bayan ang itinuring na tulisan o bandido, tulad ng mga bayaning sina Macario Sakay, Lucio De Vega, Cornelio Felizardo, Koronel Faustino Guillermo, Heneral Luciano San Miguel at Heneral Simeon Ola. Kaya nasa panig ako ng mga taong nais ng pagbabago at naglilingkod sa bayan subalit itinuring na bandido, tulad noong panahon ng Amerikano. Kasangga ko sila sa prinsipyo.

Kamakailan, may nagsabi sa aking mali raw ang salitang di masugat, na mas wasto ang “di masugatan”, may panlaping “an” sa dulo ng salita.  Ayoko na kung Dimas Ugatan ang aking talipanpan.

Para sa akin, ang Dimas Ugat ay paalaala ng aming kabataan noong madalas kaming bilinan ng isang butihing madre na lagi kaming mag-iingat upang “di masugat” sa aming ginagawa.

Matagal kong pinag-isipan kung anong ipapamagat sa aklat na ito na dapat sumasalamin sa akin, kung sino ako, kung ano ako. Ako'y aktibo, pultaym na aktibista, makatang wala sa akademya, at madalas bumigkas ng tula sa rali. Nais kong walang superhero sa aking mga sulatin, kundi ang bida ay ang taumbayang sama-samang kumikilos. Siyang tunay, ang pagiging bida ng taumbayan ay nakita ko sa Unang Pag-aalsang Edsa kung saan kasama ko ang aking ama. Walang bida kundi ang sambayanang sama-samang kumilos na nagpatalsik sa diktador. Kaya sa aking mga tula, at iba pang akda, taumbayan lagi ang bida, mga taong di kilala subalit malaki ang iniambag sa lipunan: ang mga manggagawa, maralita, kababaihan, magsasaka, OFW, at iba pang aping saray ng lipunan, lalo na ang tinatawag na sagigilid o nasa laylayan. Tanging sa sama-sama o kolektibong pagkilos lang makakamit ang tagumpay. 

Ika nga sa isang awit, "wala tayong maaasahang Bathala o Manunubos, pagkat ang ating kaligtasan ay nasa ating pagkilos".

Naisip kong KOLEKTIB o KOLEKTIBO ang pamagat ng aklat na ito. Subalit hango sa wikang banyaga. Sa pananaliksik ko, may katutubo tayong salita sa kolektibo - PALANSAK. Ngunit kailangan pang ipaliwanag. Mayroon pa: BUKLOD o BIGKIS na tanda ng pagkakaisa. Subalit Buklod ang tawag sa yunit ng manggagawang aming inoorganisa. Kaya BIGKIS na ang pinili kong pamagat ng aklat. Madali pang maunawa ng masa.

‎Pinagnilayan ko rin kung Unang Aklat ba ito. Kung unang aklat, dapat may pangalawang aklat, pangatlong aklat, atbp. Dahil iyon ang layunin, nilagyan ko na ng Unang Aklat ang pamagat. Unang nalathala ang ilang tulang naririto sa serye ng mga lathalain sa Taliba ng Maralita at sa pahayagang Obrero. Nilagyan ko na rin ng petsa kung kailan ba nagawa ang tula o kailan ito nalathala.

Sa ngayon, nais kitang pasalamatan dahil binabasa mo ang aklat na ito at sana’y manamnam mo ang 37 tula rito. Mabuhay ka!

‎Sa pamamagitan ng aking mga tula, ang makata'y iyong makikilala. At sana'y maging kalakbay kita sa bawat pakikibaka. Ika nga ng nobelista at makatang Rusong si Yevgeni Yevtushenko, "A poet's autobiography is his poetry. Anything else is just a footnote." Kaya tara, magbasa na ng aking mga tula.‎

‎Sampaloc, Maynilà, Disyembre 14, 2009