Lunes, Mayo 19, 2008

BUKREBYU: Ang Das Kapital ni Marx

ANG DAS KAPITAL NI MARX
ni Greg Bituin Jr.

Ang DAS KAPITAL ang isa sa pamana sa atin ng rebolusyonaryong si Karl Marx. Ito ay isang malalimang pag-aaral sa pulitika't ekonomya na sinulat ni Marx at inayos naman ang ilang bahagi nito ni Friedrich Engels. Nilatag din nito ang kritikal na pagsusuri sa kapitalismo, at ang praktikal na aplikasyon nito sa ekonomya. Nalathala ang unang tomo nito noong 1867.

Dito sa bansa, mangilan-ngilan lamang ang mayroong aklat na ito, ngunit nakasulat pa sa Ingles. At bihira rin ito sa mga bookstore. Mahirap din itong unawain agad, dahil sa malalalim na termino. Nararapat lang itong isalin sa sariling wika at isulat ng mas magaan upang mas maunawaan pa ito ng manggagawang Pilipino. Gayunman, ang librong "Puhunan at Paggawa" ni Ka Popoy Lagman ay maganda nang panimula upang maunawaan ng manggagawang Pilipino ang Das Kapital ni Karl Marx. Binabalak ng Aklatang Obrero Publishing Collective, na naglathala ng Puhunan at Paggawa, na isalin sa sariling wika ang Das Kapital, ngunit tiyak na ito'y kakain ng malaking panahon, marahil ilang taon, bago ito matapos.

Inilathala ni Marx ang unang tomo ng Das Kapital noong 1867, ngunit namatay siya bago niya matapos ang ikalawa at ikatlong tomo na naisulat na niya. Ito'y inayos naman ng kanyang kaibigang si Friedrich Engels at inilathala ito noong 1885 at 1894, kung saan nakasulat pa rin sa mga orihinal na pabalat ng ika-2 at ika-3 tomo ang pangalan ni Marx bilang may-akda.

Sa Das Kapital, hindi isinulat ni Marx ang isang teorya ng rebolusyon kundi ang teorya ng krisis bilang kondisyon sa isang potensyal na rebolusyon. Ang mga krisis na ito, ayon kay Marx, ay nagmumula sa magkasalungat na karakter ng kalakal. Sa kapitalismo, napapaunlad ang materyal na yaman ng lipunan kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya at pag-angat ng antas ng produktibidad, habang napapababa naman nito ang halaga ng yamang ito, kaya bumababa ang nakakamal na tubo - isang tendensyang tumutungo sa isang kakaibang sitwasyon, na karakter ng krisis ng kapitalismo, sa "kahirapan sa kabila ng kaunlaran", o sa madaling salita, krisis sa lagpas-daming kalakal sa kabila ng hindi ito magagamit ng lahat.

Sa paghahanda sa kanyang aklat, pinag-aralan ni Marx sa loob ng labindalawang taon ang mga literatura sa ekonomya sa panahon niya, lalo na doon sa British Museum sa London. Ibinatay ni Marx ang kanyang akda sa mga sulatin ng mga ekonomistang tulad nina Adam Smith, David Ricardo, John Stuart Mill, at Benjamin Franklin, ngunit inayos niya ang ideya ng mga ito, kaya ang kanyang aklat ay isang sintesis na hindi sumusunod sa mga palaisip na ito. Makikita rin sa kanyang aklat ang impluwensya ng dyalektika ni Hegel, at impluwensya ng mga sosyalistang Pranses na sina Charles Fourier, Comte de Saint-Simon, at Pierre Joseph Proudhon. Ipinakita ni Marx sa kanyang aklat na ang pag-unlad ng kapitalismo ang magiging batayan ng bagong sosyalistang moda ng produksyon, na naglatag ng syentipikong pundasyon para sa kilusang paggawa sa kasalukuyan.

* Nalathala ang artikulong ito sa pahayagang Obrero, Blg. 37, pahina 7, Mayo 2008

Walang komento: